Pabula Halimbawa: 10 Pinaka Popular na mga Pabula sa Pilipinas

Ang pabula ay isang uri ng panitikan na ang pangunahing tauhan ay mga hayop o mga bagay na nagsasalita. Ito’y mga kwento na kathang isip lamang ngunit nag-iiwan ng aral sa mga mambabasa.

Halina’t ating balikan ang ilan sa mga pinaka-kilalang kwentong pabula sa Pilipinas. Ang mga Pabula halimbawa na iyong mababasa sa ibaba ay siguradong mag-iiwan ng mga aral na maari mong magamit sa pang araw-araw na buhay.

SEE ALSO: Pabula: 30+ Mga Halimbawa ng Pabula na may Aral

10 Pinaka Popular na mga Pabula sa Pilipinas

Narito ang ilan sa pinaka popular na halimbawa ng pabula na may aral:

Si Langgam at si Tipaklong

Maganda ang panahon. Mainit ang sikat ng araw. Maaga pa lamang ay gising na si Langgam. Nagluto siya at kumain. Pagkatapos, lumakad na siya. Gaya nang dati, naghanap siya ng pagkain. Isang butil ng bigas ang nakita niya. Pinasan niya ito at dinala sa kanyang bahay. Nakita siya ni Tipaklong.

“Magandang umaga, kaibigang Langgam”, bati ni Tipaklong. “Kaybigat ng iyong dala. Bakit ba wala ka nang ginawa kundi maghanap at mag-ipon ng pagkain?”

“Oo nga. Nag-iipon ako ng pagkain habang maganda ang panahon”, sagot ni Langgam.

“Tumulad ka sa akin, kaibigang Langgam”, wika ni Tipaklong. “Habang maganda ang panahon tayo ay magsaya. Halika! Tayo ay lumukso, tayo ay kumanta.”

“Ikaw na lang, kaibigang Tipaklong”, sagot ni Langgam. “Gaya nang sinabi ko sa iyo, habang maganda ang panahon, ako ay maghahanap ng pagkain. Ito’y aking iipunin para ako ay may makain pagsumama ang panahon.”

Lumipas pa ang maraming araw. Dumating ang tag-ulan. Ulan sa umaga, ulan sa hapon at sa gabi ay umuulan pa rin. At dumating ang panahong kumidlat, kumukulog at lumalakas ang hangin kasabay ang pagbuhos ng malakas na ulan.

Ginaw na ginaw at gutom na gutom ang kawawang Tipaklong. Naalaala nilang puntahan ang kaibigang si Langgam.

Paglipas ng bagyo, pinilit ni Tipaklong na marating ang bahay ni Langgam. Bahagya na siyang makalukso. Wala na ang dating sigla ng masayahing si Tipaklong.

Tok! Tok! Tok! Bumukas ang pinto.

“Aba! Ang aking kaibigan”, wika ni Langgam. “Tuloy ka. Halika at maupo.”

Binigyan ni Langgam ng tuyong damit si Tipaklong. Saka mabilis na naghanda siya ng pagkain.

Ilan pang sandali at magkasalong kumain ng mainit na pagkain ang magkaibigan.

“Salamat, kaibigang Langgam”, wika ni Tipaklong. “Ngayon ako naniwala sa iyo. Kailangan nga pa lang mag-ipon habang maganda ang panahon at nang may makain pagdating ng taggutom.”

Mula noon, nagbago si Tipaklong. Pagdating ng tag-init at habang maganda ang panahon ay kasama na siya ng kanyang kaibigang si Langgam. Natuto siyang gumawa at natuto siyang mag-impok.

Aral sa kwentong “Si Langgam at si Tipaklong”

  • Ugaliing mag-impok upang kapag may pangangailangang dumating ay may madudukot.
  • Hindi masama ang magsaya paminsan-minsan. Ngunit palaging pakatandaan na hindi sa lahat ng pagkakataon ay kailangan mo itong gawin. Magbanat ka ng buto at paghandaan ang hinaharap.
  • Maging masipag. Huwag tatamad-tamad. Mas mabuti sa tao ang nagtatatrabaho kaysa tumambay at maging pasanin sa iba.

Si Kuneho at si Pagong

Isang araw ay nagkasalubong sa daan ang Kuneho at ang Pagong.

Ngingisi-ngising inaglahi ng Kuneho ang Pagong.

“Hoy, Pagong,” sigaw ng Kuneho, “pagkaikli-ikli ng mga paa mo at pagkabagal-bagal mong lumakad.”

Hindi ipinahalata ng Pagong na siya ay nagdamdam. Upang patunayang may maipagmamalaki din naman ay sinagot niya ang mayabang na kalaban.

“Aba, Kuneho, maaaring mabagal nga akong maglakad pero nakasisiguro akong matatalo kita sa palakasan. Baka gusto mong pabilisan tayong makaakyat sa tuktok ng bundok pagsikat ng araw bukas. Tinatanggap mo ba ang hamon ko?”

Tuwang-tuwa ang Kuneho sa hamon ng Pagong. Nakasisiguro siyang sa bagal ng Pagong ay tiyak na mananalo siya. Upang mapahiya ang Pagong ay pinagtatawag ng Kuneho ang lahat ng kamag-anak niya.

Pinulong niya ang mga ito at inutusang palakpakan siya kapag matagumpay na naakyat na niya ang tuktok ng bundok. Iniutos din niyang kantiyawan sa mabagal na pag-usad ang kalaban.

Maagang-maaga dumating sa paanan ng bundok ang maglalaban.

Maaga ring dumating ang iba’t ibang hayop na tuwang-tuwang makasasaksi ng isang tunggalian.

Kapansin-pansing kung maraming kamag-anak si Pagong ay higit na maraming kamag-anak ni Kuneho ang nagsulputan.

Nang sumisikat na ang araw ay pinaghanda na ng Alamid ang maglalaban. Ang mabilis na pagbababa ng kaniyang kanang kamay ang hudyat na simula na ang laban.

Sabay na gumalaw paakyat ng bundok ang magkalaban. Mabilis na tumalun-talon ang mayabang na Kuneho paitaas na parang hangin sa bilis. Nang marating na niya ang kalahatian ng bundok at lumingon paibaba ay natanawan niya ang umiisud-isod na kalaban.

Maraming naawa sa mabagal na Pagong.

“Kaya mo yan! Kaya mo yan!” pagpapalakas ng loob na sigaw ng kaniyang tatay, nanay, kuya, ate, at mga pinsan.

“Talo na yan! Talo na yan! Pagkabagal-bagal!” sigaw na panunudyo ng mga kamag-anak ni Kuneho.

Kahit kinukutya ay sumige pa rin si Pagong. Buong loob siyang nagpatuloy sa pag-isod.

Malayung-malayo na ang naakyat ni Kuneho. Nagpahinga ito ilang sandali upang tanawin ang anino ng kalaban. Nang walang makitang anumang umuusad ay ngingisi-ngising sumandal ito sa isang puno at umidlip.

Kahit na sabihing napakabagal umusad ay pinagsikapan ng Pagong na ibigay ang lahat ng lakas upang unti-unting makapanhik sa bundok.

Nang matanawang himbing na himbing sa pagtulog ang katunggali ay lalong nagsikap umisud-isod pataas ang pawisang Pagong.

Palabas na ang araw nang magising si Kuneho. Nanlaki ang mga mata nito nang matanawang isang dipa na lamang ang layo ng Pagong sa tuktok ng bundok.

Litong nagtatalon paitaas ang Kuneho upang unahan si Pagong. Huli na ang lahat sapagkat narating na ng masikap na Pagong ang tuktok ng tagumpay.

Aral sa kwentong “Si Kuneho at si Pagong”

  • Walang imposible sa taong nagsusumikap.
  • Huwag maging mayabang. Tandaan, ang taong nagmamataas ay lalong bumababa at ang taong nagpapakababa ay siyang tinataas.
  • Huwag magpaka-kampante sa isang labanan o tunggalian. Huwag mong hamakin ang kakayahan ng iyong kalaban.

Si Pagong at si Matsing

Sina Pagong at Matsing ay matalik na magkaibigan. Mabait at matulungin si Pagong, subalit si Matsing ay tuso at palabiro. Isang araw sila ay binigyan ni Aling Muning ng isang supot ng pansit. “Halika Matsing, kainin natin ang pansit”, nag-aayang sabi ni Pagong.

“Naku baka panis na yan” sabi ni Matsing.

“Ang mabuti pa, hayaan mo muna akong kumain n’yan para masiguro natin na walang lason ang pagkain,” dagdag pa nito.

“Hindi naman amoy panis Matsing at saka hindi naman magbibigay ng panis na pagkain si Aling Muning,” sabi ni Pagong.

“Kahit na, ako muna ang kakain,” pagmamatigas ni Matsing.

Walang nagawa ang kawawang Pagong kundi pagbigyan ang makulit na kaibigan. Naubos ni Matsing ang pansit at walang natira para kay Pagong.

“Pasensya ka na kaibigan, napasarap ang kain ko ng pansit kaya wala ng natira. Sa susunod ka na lang kumain,” paliwanag ng tusong matsing.

Dahil sa likas na mabait at pasensyoso si Pagong, hindi na siya nakipagtalo sa kaibigan.

Sa kanilang paglilibot sa kagubatan, nakakita si Pagong ng isang puno ng saging.

“Matsing! Matsing! tignan mo ang puno ng saging na ito. Maganda ang pagkakatubo. Gusto ko itong itanim sa aking bakuran para pag nagkabunga ay makakain natin ito,” masayang sabi ni Pagong.

“Gusto ko rin ng saging na ‘yan Pagong, ibigay mo na lang sa akin,” sabi ni Matsing.

“Pasensya ka na, gusto ko rin kasi nito. Kung gusto mo hatiin na lang natin.”

“Hahatiin? O sige pero sa akin ang itaas na bahagi. Ung parte na may mga dahon ha?” nakangising sabi ni Matsing.

“Ha? sa akin ang ibabang bahagi?” tanong ni Pagong.

“Oo, wala akong panahon para magpatubo pa ng dahon ng saging kaya sa akin na lang ang itaas na parte,” sabi ni Matsing.

Umuwing malungkot si Pagong dala ang kalahating bahagi ng saging na may ugat. Samantalang si Matsing ay masayang umuwi dala ang madahon na bahagi ng puno.

Inalagaan ni Pagong ang kanyang halaman. Araw-araw dinidiligan niya ito at nilalagyan ng pataba ang lupa. Ganoon din ang ginawa ni Matsing. Subalit makalipas ang isang linggo, nalanta ang tanim na saging ni Matsing.

Si Pagong naman ay natuwa nang makita ang umuusbong na dahon sa puno ng saging. Lalo nitong inalaagaan ang tanim hanggang sa mamunga ito nang hitik na hitik.

Nainggit si Matsing nang makita ang bunga ng saging sa halaman ni Pagong.

“Aba, nagkabunga ang tanim mo. Paano nangyari iyon? Ang aking tanim ay nalanta at natuyo,” sabi ni Matsing.

“Inalagaan ko kasi ito ng mabuti. Sabi ni Mang Islaw Kalabaw, malaki ang pag-asang tutubo ang bahagi ng halaman na pinutol kung ito ay may ugat,” paliwanag ni Pagong.

“Hmp! Kaya pala nalanta ang aking tanim,” nanggigil na sambit ni Matsing.

“Mukhang hinog na ang mga bunga nito. Halika, kunin natin,” anyaya nito.

“Gusto ko sana kaya lang masyadong mataas ang mga bunga. Hindi ko kayang akyatin,” sabi ni Pagong.

“Kung gusto mo, ako na lang ang aakyat, ibibigay ko sa iyo ang lahat ng mga bunga. Basta’t bigyan mo lang ako ng konti para sa aking miryenda,” sabi ni Matsing.

Pumayag si Pagong sa alok ni Matsing. Subalit nang makarating na si Matsing sa taas ng puno. Kinain niya lahat ng bunga ng puno. Wala itong itinira para kay Pagong.

“Akin na lahat ito Pagong. Gutom na gutom na ako. Kulang pa ito para sa akin. Hahaha!” tuwang-tuwang sabi ni Matsing.

Nanatili sa itaas ng puno si Matsing at nakatulog sa sobrang kabusugan.

Galit na galit si Pagong sa ginawa ni Matsing. Habang natutulog ito, naglagay siya ng mga tinik sa ilalim ng puno. Nang magising si Matsing ay nakita niya ang mga tinik kaya’t humingi ito ng tulong kay Pagong.

“Pagong, tulungan mo ako! Alisin mo ang mga tinik na ito. Malapit ng dumilim at mukhang uulan ng malakas,” pagmamakaawa ni Matsing.

“Ayoko! Napakasalbahe mo. Lagi mo na lang akong iniisahan! Aalis muna ako. Mukhang malakas ang ulan. Sa bahay ni Aling Muning muna ako habang umuulan.” Sabi ni Pagong sabay alis papunta sa bahay ni Aling Muning.

Makalipas ang ilang sandali, nagsimulang bumuhos ang malakas na ulan. Walang nagawa si Matsing kundi bumaba sa puno ng saging.

“Arrrraayyy! Aaaarayy! natutusok ako sa mga tinik Arrrrrrrrruuyyyyyy!!!!” daing ng tusong matsing.

“Humanda ka bukas Pagong. Gaganti ako sa ginawa mo sa akin,” bulong nito sa sarili.

Kinabukasan, kahit mahapdi pa rin ang mga sugat ni Matsing ay hinanap niya si Pagong. Nakita niya itong naglalakad sa may kakahuyan.

“Hoy Pagong humanda ka ngayon!” galit na sabi ni Matsing sabay huli sa pagong.

“Anong gagawin mo sa akin?” takot na tanong ni Pagong

“Tatadtarin kita ng pinong pino,” sabi ni Matsing.

Nag-isip ng paraan si Pagong para maisahan ang tusong matsing.

“Oo sige tadtarin mo ako ng pinong-pino at pagputul-putullin nang sa gayon ako ay dadami at susugurin ka namin ng mga parte ng katawan kong pinutol mo hahaha,” sabi ni Pagong.

Nag-isip ng malalin si Matsing.

“Haha, susunugin na lang kita hanggang sa maging abo ka,” sabi ni Matsing.

“Hindi ka ba nag-iisip Matsing? Hindi kami tinatablan ng apoy! Nakikita mo ba ang makapal at matibay kong bahay? Kahit ang pinakamatinding apoy ay walang panama dito,” pagyayabang ni Pagong.

Nag-isip na naman ng malalim si Matsing. Hanggang sa maisipan niyang pumunta sa dalampasigan.

“Tignan natin kung saan ang tapang mo. Itatapon kita dito sa dalampasigan hanggang sa malunod ka! Hahaha!” sabi ni Matsing

Lihim na natuwa si Pagong. Nagpanggap itong takot sa dalampasigan.

“Naku huwag mo akong itatapon sa dalampasigan. Takot ako sa tubig at hindi ako marunong lumangoy. Parang awa mo na…” pagmamakaawa ni Pagong.

Tuwang-tuwa si Matsing sa pag-aakalang magagantihan na niya si Pagong. Todo lakas niya itong itinapon sa dalampasigan. Nagulat ito nang makitang marunong lumangoy si Pagong. Ang bilis-bilis ng pagkilos ni Pagong sa tubig. Kung mabagal ito sa lupa ay parang ang gaan ng katawan nito sa tubig.

“Hahaha. Naisahan din kita Matsing. Hindi mo ba alam na gustong-gusto ko ang lumagoy sa dalampasigan at magbabad sa tubig? Salamat kaibigan!!!” natutuwang sabi ni Pagong.

Malungkot na umuwi si Matsing. Naisip niya na napakasakit pala na maisahan ng isang kaibigan. Naramdaman niya kung paano masaktan kapag naloloko ng isang kaibigan.

Mula noon nagbago na si Matsing. Hindi na sila muling nagkita ni Pagong.

Aral sa kwentong “Si Pagong at si Matsing”

  • Hindi porke’t mukhang mahina ang isang tao ay maari mo na itong isahan. Darating ang araw na ang masamang ginawa mo sa iba ay pagbabayaran mo rin.
  • Huwag maging tuso.
  • Iwasan ang pagiging madamot.
  • Ang pagkakaibigan ay higit na mahalaga kaysa ibang bagay. Kaya pahalagahan sila dahil mahirap makahanap ng isang tunay na kaibigan.

Ang Daga at ang Leon

Isang daga ang nakatuwaang maglaro sa ibabaw ng isang natutulog na leon. Kanyang inaakyat ang likuran ng leon at pagdating sa itaas ay nagpapadausdos siya paibaba.

Sa katuwaan ay di niya napansin na nagising ang leon. Dinakma ng leon ang daga at hinawakan sa buntot na wari bagang balak siyang isubo at kainin. Natakot at nagmakaawa ang daga.

“Ipagpaumanhin mo kaibigan. Hindi ko sinasadyang gambalain ka sa pagtulog mo. Wala akong masamang hangarin. Nakatuwaan ko lang na maglaro sa iyong likuran. Huwag mo akong kainin,” ang sabi ng daga.

Nabakas ng leon sa mukha ng daga ang tunay na pagmamakaawa.

“Sige, pakakawalan kita pero sa susunod ay huwag mong gambalain ang pagtulog ko,” sabi ng leon.

“Salamat kaibigan. Balang araw ay makagaganti rin ako sa kabutihan mo,” sagot ng daga.

Lumipas ang maraming araw at minsan sa pamamasyal ng daga sa kagubatan ay kanyang napansin ang isang lambat na nakabitin sa puno. Lumapit siya upang mag-usisa at agad niyang nakilala ang leon na nahuli sa loob ng lambat na ginawang bitag ng nangagaso sa kagubatan.

Dali-daling inakyat ng daga ang puno at nginatngat ang lubid na nakatali sa lambat. Agad namang naputol ang lubid at bumagsak ang lambat kasama ang leon sa loob. Mabilis na bumaba ang daga at tinulungan ang leon na nakawala sa lambat.

“Utang ko sa iyo ang aking buhay,” laking pasasalamat na sabi ng leon sa kaibigang daga.

Aral sa kwentong “Ang Daga at ang Leon”

  • Ang paghingi ng paumanhin ay hindi nakakapag-pababa sa dangal ng isang tao.
  • Huwag maliitin ang kakayahan ng iba. Maliit man ang iyong kapwa ay may kakayahan pa rin itong makatulong sa paraang hindi madalas inaasahan ng iba.

Si Paruparo at si Langgam

Takang-taka si Paruparo habang minamasdan niya si Langgam na pabalik-balik sa paghahakot ng pagkain sa kanyang lungga sa ilalim ng puno.

“Ano ba iyang ginagawa mo, kaibigang Langgam? Mukhang pagod na pagod ka ay di ka man lang magpahinga?” tanong ni Paruparo. “Bakit di ka magsaya na tulad ko?”

“Naku, mahirap na,” aniya. “Malapit na ang tag-ulan. Iba na ang may naipon na pagkain bago dumating ang tag-ulan.”

“Kalokohan iyan. Tingnan mo ako. Hindi natitigatig,” pagmamalaki ni Paruparo.

“Bakit nga ba?” Nagtataka si Langgam.

“Ganito iyon, e. Nakikita mo ba ang kaibigan ko sa damuhan?” inginuso niya ang nasa di kalayuan.

“Sino?’ tanong ni Langgam.

“Si Tipaklong, kaibigan ko iyan, Alam mo, matapang ang kaibigan ko. Nabibigyan niya ako ng proteksyon. Baka akala mo, dahil sa kanya walang sigwang darating sa akin,” pagyayabang ni Paruparo.

“A, ganoon ba?” sabi ni Langgam.

“Utak lang, utol. O, di pakanta-kanta lang ako ngayon dito. Ikaw lang e,” sabi ni Paruparo.

“Wala akong inaasahan kundi ang aking sarili. Kaya kayod dito, kayod doon,” mababa subalit madiin ang tinig ni Langgam. “O, sige, ipagpapatuloy ko muna ang aking gawain.”

Pagkatapos ng usapang iyon nagkahiwalay ang dalawa.

Ang mga sumusunod na araw ay maulan. Hindi lamang mahabang tag-ulan. May kasama pang bagyo at baha. Mahirap lumabas at kung makalabas man wala ring matagpuang pagkain.

Lalong umapaw ang tubig. Walang madaanan ang tubig dahil malalim din ang mga ilog at dagat. Tumagal ang baha. Palubha nang palubha ang kalagayan dahil malakas pa rin ang pagbuhos ng ulan.

Ano kaya ang nangyari kay Langgam? Naroon siya sa guwang ng puno. Namamahinga. Sagana siya sa pagkain. Naisipan ni Langgam ang dumungaw upang alamin ang kalagayan ng paligid. Aba, ano ba ang kanyang nakita?

Nakita niya si Paruparo at Tipaklong na nakalutang sa tubig. Patay ang dalawa. Mayamaya’y dalawang mabilis na ibon ang mabilis na dumagit sa kanila.

Napaurong sa takot si Langgam sa kanyang nakita. Subalit nasabi pa rin niya sa kanyang sarili: “Kung sino ang may tiyaga, siya ang magtatamong pala.”

Aral sa kwentong “Si Paruparo at si Langgam”

  • Wag gugulin sa paglilibang lamang ang magandang panahon. Isipin ang bukas na darating at paghandaan ang mga maaring mangyari.
  • Matutong mag-impok upang sa oras ng kagipitan ay may madudukot.

Ang Kabayo at ang Kalabaw

Isang magsasaka ang nais manirahan sa ibang bayan kaya isang araw ay inipon niya ang kanyang mga gamit at inilulan sa kanyang alagang kabayo at kalabaw. Maaga pa ay sinimulan na nila ang mahabang paglalakbay. Makaraan ang ilang oras ay nakaramdam ng matinding pagod at pang-hihina ang kalabaw dahil sa bigat ng kanyang pasang gamit.

“Kaibigang kabayo, di hamak na mas mabigat ang pasan kong gamit keysa sa iyo. Maaari bang tulungan mo ako at pasanin mo yung iba?” pakiusap ng kalabaw.

“Aba, yan ang ipinataw sa iyong balikat ng ating amo kaya pagtiisan mo,” anang kabayo na lalo pang binilisan ang paglalakad.

“Parang awa mo na tulungan mo ako. Di ko na kakayanin ang bigat ng dala ko. Nanghihina ako. Alam mo namang kailangan kong magpalamig sa ilog kapag ganito katindi ang init ng araw dahil madaling mag-init ang katawan ko,” pakiusap pa rin ng kalabaw.

“Bahala ka sa buhay mo,” naiinis na sagot ng kabayo.

Makaraan pa ang isang oras at lalong tumindi ang init ng araw. Hindi nagtagal at ang kalabaw ay iginupo ng bigat ng kanyang dala at siya’y pumanaw. Nang makita ng magsasaka ang nagyari ay kinuha niya ang lahat ng gamit na pasan ng kalabaw at inilipat sa kabayo na bahagya namang makalakad dahil sa naging napakabigat ng kanyang mga dalahin.

“Kung tinulungan ko sana si kasamang kalabaw ay hindi naging ganito kabigat ang pasan ko ngayon,” may pagsisising bulong ng kabayo sakanyang sarili.

Aral sa kwentong “Ang Kabayo at ang Kalabaw”

  • Maging matulungin sa kapwa.
  • Kung may kakayahan kang tumulong ay huwag mong ipagdamot ito sa iba. Malaking pasanin ang gagaan kung tayo ay magtutulungan.
  • Huwag maging makasarili.

Ang Aso at ang Uwak

May isang ibong uwak na nakakita ng karne na nakabilad sa araw.

Tinangay niya ito at lumipad nang malayo.

Sa dulo ng sanga ng isang puno ay sinimulan niyang kainin ang karne.

Ngunit narinig niya ang malakas na boses ng isang aso na nagsabing, “sa lahat ng ibon, ang uwak ang pinaka-magaling. Walang kakumpara!”

Natuwa ang uwak at binukas ang bibig para humalakhak. Ang nangyari ay nalaglag ang karne mula sa kanyang bibig. Nahulog ito sa lupa kung saan kaagad sinunggaban ng aso.

Walang nagawa si uwak kundi tingnan ang pagkain ng aso sa nahulog nyang karne.

Mula noon hindi na muling nagpalinlang si Uwak kay Aso.

Aral sa kwentong “Ang Aso at ang Uwak”

  • Hindi lahat ng papuri ay totoo. Maaring ginagamit lamang ito ng iba para maisahan ka.

Ang Lobo at ang Kambing

Isang lobo ang nahulog sa balon na walang tubig. Sinikap niyang tumalon upang maka-ahong palabas ngunit lubhang malalim ang balon na kanyang kinahulugan.

Noo’y dumating ang isang uhaw na uhaw na kambing. Lumapit ito sa balon at narining ang tinig ng lobo.

“Marami bang tubig sa loob ng balon?” tanong nito sa lobo. “Oo, napakarami!” ang pagsisinungaling na sagot naman ng lobo.

Hindi na nagdalawang-isip pa ang kambing. Agad itong tumalon sa balon. At nalaman ngang siya’y niloko lamang ng lobo.

“Ngayo’y pareho na tayong bilanggo ng balon na ito,” ang sabi ng lobo. “Mamamatay tayo sa uhaw at gutom dito,” ang sabi ng kambing.

“Kung gusto mong makaalis dito, magtulungan tayo. Mayroon akong naisip na paraan kung papaano nating gagawin iyon.”

“Papaano?”

Noon ipinatong ng lobo ang mga paa sa katawan ng kambing. “Ako muna ang lalabas. At kapag nakalabas na ako, saka kita hahatakin palabas,” pangako nito. “Sige,” ang sabi naman ng kambing.

Nakalabas nga ng balon ang lobo sa tulong ng kambing. Ngunit noong pagkakataon na ng kambing para tulungan nito’y agad iyong tumawa ng malakas. Pagkuwa’y sinabing, “Walang lobong manloloko kung walang kambing na magpapaloko.”

At malungkot na naiwanan ang kambing sa malalim na balon.

Aral sa kwentong “Ang Lobo at ang Kambing”

  • Maging matalino sa mga desisyong gagawin mo at huwag basta-basta maniniwala sa ibang tao lalo na kung hindi mo pa siya lubusang kakilala.

Sino ang Magtatali ng Kuliling?

May isang malaking Pusa na lagi nang aali-aligid upang makahuli ng Daga. Marami-rami na rin itong nabibiktima. Aabangan niyang lumabas ang Daga at saka ito sasakmalin at gugutay-gutayin.

Sa sobrang takot ng mga Daga ay nagpulung-pulong sila. Pinag-usapan nila kung paano nila maiiwasan ang mapanganib na Pusa.

Naging sobra sa ingay ang mga Daga habang nagpupulong. Ang ingay ay nauwi sa katahimikan nang wala isa mang makaisip ng paraan kung paano maiiwasan ang Pusa. Sa pagkakataong iyon, nagpakitang gilas ang mayabang na Daga. Tumindig ito at mayabang na nagsalita.

“May suhestiyon ako upang maiwasan nating lahat ang Pusa.”

Umaatikabong bulungan ang naganap.

“Tumahimik kayo!” utos ng mayabang na Daga. “Maiiwasan lang natin ang ating kaaway kung tatalian natin ito ng kuliling sa leeg. Kung may kukuliling, alam nating ang Pusa ay papalapit sa atin.”

“Oo nga. Kung maririnig natin ang kalansing ay makalalayo tayo sa kinatatakutan natin,” natutuwang sabat ng Dagang Lalawigan.

Kunwaring nakayuko ang mayabang na Daga.

“Pe… pero… sino ang magtatali ng kuliling?” tanong ng Matandang Daga.

“Hindi ako!” gumagaralgal ang boses na sabi ng Dagang Lungsod. “Tiyak na sasakmalin ako ng Pusa.”

“Lalo namang hindi ako,” nanginginig ang tuhod na sabi ng Dagang Bukid. “Palapit pa lamang ako ay nangangalmot na ang nasabing Pusa. Tiyak na papatayin ako noon kapag nilapitan ko!”

Sa katanungang sino ang magkukulyar sa Pusa ay walang sinumang nangahas na sumagot at gumawa. Lahat ay nabingi sa tawag ng kabayanihan. Pati na ang mayabang na Daga ay wala ring narinig na anuman.

Aral sa kwentong “Sino ang Magtatali ng Kuliling?”

  • Balewala ang isang magandang mungkahi kung wala namang may gustong gumawa o tumulong sa paggawa para makamit iyon.
  • Ang tao ay hindi nasusukat sa kahit ano pang ganda ng mga salitang sinabi nya kundi sa kanyang mga gawa.

Ang Gorilya at ang Alitaptap

Isang gabi, naglalakad si Iput-Iput, (ang alitaptap) patungo sa bahay ng kanyang kaibigan. Nang mapadaan siya sa tapat ng bahay ni Amomongo (ang gorilya), tinanong siya nito. “Hoy, Iput-Iput, bakit lagi kang may dala-dalang ilaw?” Sumagot si Iput-Iput, “Dahil natatakot ako sa mga lamok.”

“Ah, duwag ka pala”, ang pang-uuyam ng gorilya.

“Hindi ako duwag!” ang nagagalit na sagot ng alitaptap.

“Kung hindi ka duwag, e bakit lagi kang may dala-dalang ilaw?” ang pang-aasar ni Amomongo.

“Nagdadala ako ng ilaw para kapag nilapitan ako ng mga lamok at kakagatin ay makikita ko sila kaagad at nang sa gayo’y maipagtanggol ko ang aking sarili”, ang tugon ni Iput-Iput.

Tumawa nang malakas si Amomongo. Kinabukasan, maaga itong gumising at ipinamalita sa lahat ng kapitbahay na kaya daw laging may dalang ilaw si Iput-Iput ay dahil duwag ito. Kaagad na kumalat sa buong bayan ang balita.

Nang mabalitaan ito ng alitaptap, nagalit siya. Dali-dali siyang lumipad patungo sa bahay ni Amomongo. Gabi noon at natutulog na ang gorilya, ngunit itinapat niya ang kanyang ilaw sa mukha nito hanggang sa ito ay magising.

“Hoy, gorilya, bakit ipinamamalita mong duwag ako? Upang mapatunayan ko sa’yong hindi ako duwag, hinahamon kita sa isang labanan. Magkita tayo sa sa plasa sa susunod na Linggo ng hapon.”

Pupunga-pungas na nagtanong ang gorilya.

“Mayroon ka bang mga kasama?”

“Wala!” ang sigaw ni Iput-Iput. “Pupunta akong mag-isa.”

Nangiti si Amomongo sa tinuran ni Iput-Iput. Dili’t isang maliit na insekto ang humahamon sa kanya ng away. Nagpatuloy ang alitaptap.

“Hihintayin kita sa plasa sa susunod na Linggo sa ganap na ikaanim ng hapon!”

“Magsama ka ng mga kakampi mo dahil magsasama ako ng libu-libong gorilya na mas malalaki pa sa akin.”

Sinabi ito ni Amomongo upang takutin ang alitaptap, na sa pakiwari niya ay nasisiraan ng ulo.

Ngunit sumagot si Iput-Iput, “Hindi ko kailangan ng kakampi. Darating akong mag-isa! Paalam!”

Pagkaalis ng alitaptap, tinipon ng gorilya ang kanyang mga kasamahan at ipinaalam sa mga ito ang nakatakdang pagtutuos. Inutusan niya ang mga ito na kumuha ng tig-isang pamalo na may habang tatlong dangkal at pumunta sa plasa nang ika-anim ng gabi sa susunod na Linggo. Ikinabigla ito ng kanyang mga kasamahan, ngunit nasanay na silang sundin ang kanilang pinuno kaya ipinangako nilang pupunta sila sa itinakdang oras at lugar.

Dumating ang araw ng Linggo. Bago pa mag-ikaanim ng hapon ay nagtipon na ang mga dambuhalang gorilya sa plasa ngunit nadatnan na nila ang alitaptap na naghihintay sa kanila. Maya- maya, tumunog ang kampana ng simbahan bilang hudyat ng oras ng orasyon o pagdarasal. Iminungkahi ng alitaptap sa mga gorilya na magdasal muna sila. Pagkatapos magdasal, agad sinabi ni Iput-Iput na nakahanda na siya. Inutusan ni Amomongo ang kanyang mga kasama na humanay. Pumuwesto siya sa una bilang pagpapakilalang siya ang pinuno ng mga ito.

Dagling lumipad si Iput-Iput sa ilong ng gorilya at inilawan niya ito. Hinampas ng kasunod na gorilya si Iput-Iput ngunit kaagad itong nakaalis kaya ang tinamaan ng gorilya ay ang ilong ni Amomongo na halos ikamatay nito. Dumapo si Iput-Iput sa ilong ng pangalawang gorilya. Hinampas ng pangatlong gorilya si Iput-Iput ngunit kaagad itong nakalipad, kaya ang nahampas niya ay ang ilong ng pangalawa na ikinamatay nito. Muli, inilawan ni Iput-Iput ang ilong ng pangatlong gorilya. Hinampas ng ikaapat na gorilya si Iput-Iput na kaagad na kalipad. Muli, namatay ang pangatlong gorilya dahil sa lakas ng pagkakahampas ng ikaapat na unggoy sa ilong nito. Nagpatuloy ang ganitong pangyayari hanggang si Amomongo na lamang ang natirang buhay na gorilya na halos hindi makagulapay dahil sa tinamong sakit. Nagmakaawa ito kay Iput-Iput na patawarin na siya, at huwag patayin. Pinatawad naman siya ni Iput-Iput, ngunit simula ng hapong iyon, nagkaroon na ng malaking takot ang mga gorilya sa mga alitaptap.

Aral sa kwentong “Ang Gorilya at ang Alitaptap”

  • Huwag mong husgahan ang iyong kapwa base sa kanyang laki o liit ng pangangatawan. Kadalasan kasi ay may mas nagagawa ang mga maliliit na hindi kayang gawin ng malalaki.
  • Iwasan ang pagpapakalat ng maling balita upang siraan ang kapwa.

At yan ang ilan sa mga halimbawa ng pabula na may aral. Nawa’y nakatulong sa iyo ang araling ito. Mangyaring ibahagi ito sa iyong mga kamag-aral at kaibigan upang sila rin ay makakuha ng kaalaman tungkol sa mga pabulang ito.

Huwag mo ring kalimutang i-share ang araling ito sa iyong mga social media platform! Pindutin lamang ang share button na makikita sa iyong screen.

Kung bakit dinadagit ng Lawin ang mga Sisiw

Taga-lunsod sina Roy at Lorna. Ibig na ibig nila ang pagtira sa bukid nina Lola Anding at Lolo Andres tuwing bakasyon. Marami at sariwa ang pagkain sa bukid. Bukod dito, marami rin bagong karanasan at kaalaman ang kanilang natutuhan.

Isang tanghali, habang nangangakyat ang magkapatid sa punong bayabas, ay kitang-kita nila ang lawin na lumilipad pababa. Nagtakbuhan ang mga sisiw sa ilalim ng damo. Naiwan ang inahing manok na anyong lalaban sa lawin.

Mabilis na bumaba sa punong bayabas ang magkapatid at sinigawan nila ang lawin na mabilis na lumipad papalayo. Natawag ang pansin nina Lola Anding at Lolo Andres sa sigaw ng magkakapatid. Mabilis silang nanaog ng bahay at inalam kung ano ang nangyayari.

Kitang-kita po namin na dadagitin ng lawin ang mga sisiw ng inahing manok kaya sumigaw po kami, paliwanang ni Roy.

“Lolo, bakit po ba dinadagit ng lawin ang mga sisiw ng inahing manok?” tanong ni Lorna.

May magandang kuwento ang inyong Lola Anding na sasagot sa inyong tanong na iyon, sagot ni Lolo Andres.

Halina na kayo sa upuang nasa lilim ng punong bayabas, wika ni Lola Anding. Makinig kayong mabuti. Ganito ang kuwento.

Noong araw, magkaibigan si Inahing Manok at si Lawin. Minsan, nanghiram ng singsing si Inahing Manok kay Lawin upang gamitin niya sa pista sa kabilang nayon. Naroroon si Tandang at ibig niyang maging maganda sa paningin nito. Tinanggal ni Lawin ang suot niyang singsing at ibinigay niya ito kay Inahing Manok.

“Ingatan mong mabuti ang singsing ko, Inahing Manok. Napakahalaga niyan sapagkat bigay pa iyan sa akin ng aking ina.”

SEE ALSO: Bakit may Pulang Palong ang mga Tandang?

Maluwag sa daliri ni Inahing Manok ang hiniram sa singsing ngunit isinuot pa rin niya ito.

“Salamat, Lawin”, wika ni Inahing Manok. “Asahan mong iingatan ko ang iyong singsing.”

Kinabukasan, maaga pa lamang ay nagbihis na si Inahing Manok. Isinuot niya ang hiniram na singsing at pumunta na sa kabilang nayon. Maraming bisita si Tandang at nagsasayawan na sila nang dumating si Inahing Manok. Nang makita ni Tandang si Inahing Manok ay kaagad niyang sinalubong nito at isinayaw. Masaya ang pista. Sari-sari ang handa ni Tandang. Tumagal ang sayawan hanggang sa antukin na si Inahing Manok.

Pagkagising ni Inahing Manok ng umagang iyon ay napansin niyang nawawala ang hiniram niyang singsing kay Lawin. Natakot si Inahing Manok na baka tuluyang mawala ang hiniram niyang singsing. Kaya hanap dito, hanap doon, kahig dito, kahig doon ang ginawa ni Inahing Manok. Ngunit hindi niya makita ang nawawalang singsing. Nagalit si Lawin at sinabi na kapag hindi nakita ni Inahing Manok ang singsing ay kukunin at kanyang dadagitin ang magiging anak na sisiw ni Inahing Manok.

Araw-araw ay naghahanap si Inahing Manok ng nawawalang singsing. Maging ang iba pang inahing manok ay naghahanap na rin ng nawawalang singsing upang hindi dagitin ni Lawin ang kanilang mga sisiw. Ngunit hindi nila makita ito hanggang tuluyan nang magkagalit si Lawin at si Inahing Manok.

Namatay na si Inahing Manok at namatay na rin si Lawin ngunit magkagalit pa rin ang humaliling mga inahing manok at Lawin. Magmula na noon hanggang sa kasalukuyan ay di pa nakikita ang nawawalang singsing kaya dinadagit pa ng lawin ang mga sisiw ng inahing manok.

Aral:

  • Pag-ingatan ang mga bagay na hindi mo pag-aari. Kung marunong manghiram ay dapat marunong din magsauli.
  • Hindi sa ganda o gara ng isinusuot makikita ang halaga ng isang tao kundi sa kung paano siya kahusay makisama sa iba.

Ang Kabayo at ang Mangangalakal

Isang mangangalakal ang maghahatid ng dalawang sakong asin sa palengke. Inilulan niya ang mga sako ng asin sa kanyang kabayo at nagtungo sila sa palengke.

Nang tumatawid sila sa isang ilog na dinaanan ay hindi sinasadyang nadulas at natumba ang kabayo. Napunit ang mga sako at ang ilang bahagi ng asin ay nabuhos sa ilog at ang iba naman ay nalusaw dahil sa pagkababad sa tubig. Hindi naman nasaktan ang kabayo at napansin niya na lubhang gumaan ang pasan niyang dalawang sako ng asin at siya ay natuwa.

Nang sumunod na linggo ay magpupunta uli ang mangangalakal sa palengke at naglulan na nman ng dalawang sakong asin sa kanyang kabayo. Nang mapalapit na sila sa ilog ay napagisip-isip ng kabayo:

“Kung magpapadulas ako sa ilog ay tiyak na gagaan uli ang pasan ko,” ang sabi ng kabayo sa kanyang sarili.

Ganun na nga ang ginawa ng kabayo. Muling nabutas ang mga sako at ibang asin ay nabuhos sa ilog at ang iba naman ay nalusaw. Nguni’t sa pagkakataong eto ay nakahalata ang mangangalakal na sadyang nagpadulas ang kabayo sa ilog.

SEE ALSO: Si Langgam at si Tipaklong

Pagdaan pa ng isang linggo ay muling magtutungo ang mangangalakal sa palengke subalit sa pagkakataong ito ay apat na baldeng may lamang alpombra ang kanyang inilulan sa kabayo -dalawang balde sa magkabilang tabi ng kabayo.

“Aba, ok to, mas magaan ang pasan ko ngayon. Ganun pa man aymagpapadulas pa rin ako sa ilog para mas gumaan pa ang pasan ko,” ang sabi ng kabayo sa kanyang sarili.

Pagdating sa ilog ay kusa na namang nagpadulas ang kabayo ngunit laking gulat niya nang biglang bumigat ang kanyang pasan nang siya ay malublob sa tubig. Ang apat na balde na may alpombra ay napuno ng tubig at di hamak nanaging mas mabigat pa keysa sa dalawang sakong asin.

Aral:

  • Huwag manlamang sa kapwa. Ang pagiging tuso ay hindi magandang gawain at dapat iwasan.
  • Ang masamang gawain ay katumbas na kaparusahan kaya kahit ang mag-isip pa nito ay huwag na ring subukan.

Si Langgam at si Tipaklong

Maganda ang panahon. Mainit ang sikat ng araw. Maaga pa lamang ay gising na si Langgam. Nagluto siya at kumain. Pagkatapos, lumakad na siya. Gaya nang dati, naghanap siya ng pagkain. Isang butil ng bigas ang nakita niya. Pinasan niya ito at dinala sa kanyang bahay. Nakita siya ni Tipaklong.

“Magandang umaga, kaibigang Langgam”, bati ni Tipaklong. “Kaybigat ng iyong dala. Bakit ba wala ka nang ginawa kundi maghanap at mag-ipon ng pagkain?”

“Oo nga. Nag-iipon ako ng pagkain habang maganda ang panahon”, sagot ni Langgam.

“Tumulad ka sa akin, kaibigang Langgam”, wika ni Tipaklong. “Habang maganda ang panahon tayo ay magsaya. Halika! Tayo ay lumukso, tayo ay kumanta.”

“Ikaw na lang, kaibigang Tipaklong”, sagot ni Langgam. “Gaya nang sinabi ko sa iyo, habang maganda ang panahon, ako ay maghahanap ng pagkain. Ito’y aking iipunin para ako ay may makain pagsumama ang panahon.”

Lumipas pa ang maraming araw. Dumating ang tag-ulan. Ulan sa umaga, ulan sa hapon at sa gabi ay umuulan pa rin. At dumating ang panahong kumidlat, kumukulog at lumalakas ang hangin kasabay ang pagbuhos ng malakas na ulan.

Ginaw na ginaw at gutom na gutom ang kawawang Tipaklong. Naalaala nilang puntahan ang kaibigang si Langgam.

Paglipas ng bagyo, pinilit ni Tipaklong na marating ang bahay ni Langgam. Bahagya na siyang makalukso. Wala na ang dating sigla ng masayahing si Tipaklong.

SEE ALSO: Si Kalabaw at si Tagak

Tok! Tok! Tok! Bumukas ang pinto.

“Aba! Ang aking kaibigan”, wika ni Langgam. “Tuloy ka. Halika at maupo.”

Binigyan ni Langgam ng tuyong damit si Tipaklong. Saka mabilis na naghanda siya ng pagkain.

Ilan pang sandali at magkasalong kumain ng mainit na pagkain ang magkaibigan.

“Salamat, kaibigang Langgam”, wika ni Tipaklong. “Ngayon ako naniwala sa iyo. Kailangan nga pa lang mag-ipon habang maganda ang panahon at nang may makain pagdating ng taggutom.”

Mula noon, nagbago si Tipaklong. Pagdating ng tag-init at habang maganda ang panahon ay kasama na siya ng kanyang kaibigang si Langgam. Natuto siyang gumawa at natuto siyang mag-impok.

Aral:

  • Ugaliing mag-impok upang kapag may pangangailangang dumating ay may madudukot.
  • Hindi masama ang magsaya paminsan-minsan. Ngunit palaging pakatandaan na hindi sa lahat ng pagkakataon ay kailangan mo itong gawin. Magbanat ka ng buto at paghandaan ang hinaharap.
  • Maging masipag. Huwag tatamad-tamad. Mas mabuti sa tao ang nagtatatrabaho kaysa tumambay at maging pasanin sa iba.

Si Kalabaw at si Tagak

Tanghaling tapat. Mainit ang sikat ng araw. Tapos na ang gawain ni Kalabaw sa bukid. Nagpunta siya sa tubugang putik at dito siya naglunoy. Pagkatapos, sumilong siya sa lilim ng punong mangga. Hindi nagtagal, nakatulog si Kalabaw.

Matagal na nakatulog si Kalabaw. Nagising lamang siya nang maramdaman niya ang sakit at kati ng kagat ng mga lamok.

“Ayan na naman kayo”, wika ni Kalabaw. “Bakit ba ako na lamang ng ako ang alaga ninyong kagatin? Ang sakit at kati pa naman ninyong kumagat. Hala, alis kayo sa likod ko.”

“Ayaw namin. Hindi kami aalis sa likod mo. Kay sarap-sarap mong kagatin. Malaki at malaman ang inyong katawan”, wika ng mga lamok.

At lalong dumami ang lamok na dumapo at kumagat sa likod at batok ni Kalabaw. Hinampas nang hinampas ni Kalabaw ng kanyang buntot ang mga lamok. Ngunit nagpalipat-lipat lamang ang mga ito ng lugar sa likod at batok ni Kalabaw na di abot ng hampas ng kanyang buntot. Inis na inis sa mga lamok si Kalabaw ngunit wala siyang magawa.

Siyang pagdating ni Tagak. Naawa siya kay Kalabaw.

“Nakakaawa ka naman”, wika ni Tagak kay Kalabaw. “Tutulungan kita. Pagtutukain ko ang mga pesteng lamok sa ito.”

“Salamat, Tagak, kaybuti mo”, wika ni Kalabaw.

Inisa-isa ni Tagak na pagtutukain ang mga lamok na nakadapo at dumadapo pa sa katawan ni Kalabaw. Naubos ang mga lamok.

SEE ALSO: Si Haring Tamaraw at si Daga

“Hayan, Kalabaw!” wika ni Tagak. “Naubos ko nang tukain ang mga lamok sa iyong batok at likod.”

“Kayginhawa na nga ng pakiramdam ko. Salamat na muli sa iyo, Tagak”, wika ni Kalabaw. “Magmula ngayon makakasakay ka na sa aking likod.”

Lumipas ang mga araw. Naging mabuting magkaibigan si Tagak at si Kalabaw. Ang mga lamok na dumadapo sa likod ni Kalabaw ay kanyang tinutuka kaya libre naman ang pagsakay ni Tagak sa likod ng Kalabaw.

Minsan umulan nang malakas. Nasa likod ni Kalabaw si Tagak.

“Tagak, dito ka sumilong sa ilalim ko”, wika ni Kalababaw sa kaibigan. “Malapad ang katawan ko at hindi ka mababasa.”

“Salamat, Kalabaw. Kaybuti mo. Isa kang mabuting kaibigan”, wika ni Tagak.

“Ang mabuting magkaibigan ay nagtutulungan sa lahat ng araw at sa anumang panahon”, wika ni Kalabaw.

Aral:

  • Ang mabuting kaibigan ay nagtutulungan sa lahat ng pagkakataon.
  • Huwag magsawang tumulong. Pasasaan ba’t babalik din sa iyo ang mga mabubuting bagay na itinanim mo.

Si Haring Tamaraw at si Daga

Ang Tamaraw ay isang uri ng mga hayop sa ating kagubatan. Siya ay malaki, mabilis at malakas. Iginagalang siya ng lahat ng kanyang nasasakupan. Minsan, nilibot ni Haring Tamaraw ang kagubatan. Dumating siyang pagod na pagod. Kaagad siyang nakatulog sa ilalim ng punong Narra. Dumating si Daga. Tuwang-tuwa siyang naglalaro sa may puno ng Narra. Sinaway siya ng mga ibon na nakadapo sa mga sanga ng puno. Ipinaalam nilang natutulog si Haring Tamaraw. Dali-daling tumakbong paalis si Daga. Hindi sinasadyang natapakan ni Daga ang paa ni Haring Tamaraw. Kumilos si Haring Tamaraw at naipit ang paa ni Daga. Umirit si Daga.

Nagising si Haring Tamaraw. Galit na galit siya. Hinuli niya si Daga at bilang parusa, kakainin sana niya ito. Nagmakaawa si Daga kay Haring Tamaraw. Nangakong hindi na siya uulit at sinabi pang baka siya’y makatulong kay Haring Tamaraw pagdating ng panahon. Pinakawalan at pinatawad ni Haring Tamaraw si Daga. Nagpasalamat naman si Daga.

Isang araw, naghahanap si Haring Tamaraw ng makakain sa kagubatan. Sa kanyang paglalakad ay natapakan niya ang isang patibong na hawla na panghuli ng malalaking hayop sa kagubatan. Napasok at nakulong sa hawla si Haring Tamaraw. Walang magawang tulong ang mga hayop. Nagkagulo sila at hindi malaman kung ano ang gagawin sa kanilang hari.

Walang anu-ano dumating si Daga na galing sa paghahanap ng pagkain. Nginatngat kaagad niya ang mga tali sa hawla. At nakalusot si Haring Tamaraw sa pagkakaligtas ni Daga sa kanya. Nagpasalamat si Haring Tamaraw kay Daga. Mula noon, naging mabuting magkaibigan si Haring Tamaraw at si Daga.ng Tamaraw ay isang uri ng mga hayop sa ating kagubatan. Siya ay malaki, mabilis at malakas. Iginagalang siya ng lahat ng kanyang nasasakupan.

SEE ALSO: Ang Gorilya at ang Alitaptap

Minsan, nilibot ni Haring Tamaraw ang kagubatan. Dumating siyang pagod na pagad. Kaagad siyang nakatulog sa ilalim ng punong Narra. Dumating si Daga. Tuwang-tuwa siyang naglalaro sa may puno ng Narra. Sinaway siya ng mga ibon na nakadapo sa mga sanga ng puno. Ipinaalam nilang natutulog si Haring Tamaraw. Dali-daling tumakbong paalis si Daga. Hindi sinasadyang natapakan ni Daga ang paa ni Haring Tamaraw. Kumilos si Haring Tamaraw at naipit ang paa ni Daga. Umirit si Daga.

Nagising si Haring Tamaraw. Galit na galit siya. Hinuli niya si Daga at bilang parusa, kakainin sana niya ito. Nagmakaawa si Daga kay Haring Tamaraw. Nangakong hindi na siya uulit at sinabi pang baka siya’y makatulong kay Haring Tamaraw pagdating ng panahon. Pinakawalan at pinatawad ni Haring Tamaraw si Daga. Nagpasalamat naman si Daga.

Isang araw, naghahanap si Haring Tamaraw ng makakain sa kagubatan. Sa kanyang paglalakad ay natapakan niya ang isang patibong na hawla na panghuli ng malalaking hayop sa kagubatan. Napasok at nakulong sa hawla si Haring Tamaraw. Walang magawang tulong ang mga hayop. Nagkagulo sila at hindi malaman kung ano ang gagawin sa kanilang hari.

Walang anu-ano dumating si Daga na galing sa paghahanap ng pagkain. Nginatngat kaagad niya ang mga tali sa hawla. At nakalusot si Haring Tamaraw sa pagkakaligtas ni Daga sa kanya. Nagpasalamat si Haring Tamaraw kay Daga. Mula noon, naging mabuting magkaibigan si Haring Tamaraw at si Daga.

Aral:

  • Huwag gumanti o humatol ng mabilis sa kapwa. Matutong magpatawad. Hindi mo hawak ang panahon. Malay mo, ang taong itinuturing mong kaaway ay siya palang magliligtas sa iyo sa kapahamakan balang araw.

Ang Gorilya at ang Alitaptap

Isang gabi, naglalakad si Iput-Iput, (ang alitaptap) patungo sa bahay ng kanyang kaibigan. Nang mapadaan siya sa tapat ng bahay ni Amomongo (ang gorilya), tinanong siya nito. “Hoy, Iput-Iput, bakit lagi kang may dala-dalang ilaw?” Sumagot si Iput-Iput, “Dahil natatakot ako sa mga lamok.”

“Ah, duwag ka pala”, ang pang-uuyam ng gorilya.

“Hindi ako duwag!” ang nagagalit na sagot ng alitaptap.

“Kung hindi ka duwag, e bakit lagi kang may dala-dalang ilaw?” ang pang-aasar ni Amomongo.

“Nagdadala ako ng ilaw para kapag nilapitan ako ng mga lamok at kakagatin ay makikita ko sila kaagad at nang sa gayo’y maipagtanggol ko ang aking sarili”, ang tugon ni Iput-Iput.

Tumawa nang malakas si Amomongo. Kinabukasan, maaga itong gumising at ipinamalita sa lahat ng kapitbahay na kaya daw laging may dalang ilaw si Iput-Iput ay dahil duwag ito. Kaagad na kumalat sa buong bayan ang balita.

Nang mabalitaan ito ng alitaptap, nagalit siya. Dali-dali siyang lumipad patungo sa bahay ni Amomongo. Gabi noon at natutulog na ang gorilya, ngunit itinapat niya ang kanyang ilaw sa mukha nito hanggang sa ito ay magising.

“Hoy, gorilya, bakit ipinamamalita mong duwag ako? Upang mapatunayan ko sa’yong hindi ako duwag, hinahamon kita sa isang labanan. Magkita tayo sa sa plasa sa susunod na Linggo ng hapon.”

Pupunga-pungas na nagtanong ang gorilya.

“Mayroon ka bang mga kasama?”

“Wala!” ang sigaw ni Iput-Iput. “Pupunta akong mag-isa.”

Nangiti si Amomongo sa tinuran ni Iput-Iput. Dili’t isang maliit na insekto ang humahamon sa kanya ng away. Nagpatuloy ang alitaptap.

“Hihintayin kita sa plasa sa susunod na Linggo sa ganap na ikaanim ng hapon!”

SEE ALSO: Si Alitaptap at si Paruparo

“Magsama ka ng mga kakampi mo dahil magsasama ako ng libu-libong gorilya na mas malalaki pa sa akin.”

Sinabi ito ni Amomongo upang takutin ang alitaptap, na sa pakiwari niya ay nasisiraan ng ulo.

Ngunit sumagot si Iput-Iput, “Hindi ko kailangan ng kakampi. Darating akong mag-isa! Paalam!”

Pagkaalis ng alitaptap, tinipon ng gorilya ang kanyang mga kasamahan at ipinaalam sa mga ito ang nakatakdang pagtutuos. Inutusan niya ang mga ito na kumuha ng tig-isang pamalo na may habang tatlong dangkal at pumunta sa plasa nang ika-anim ng gabi sa susunod na Linggo. Ikinabigla ito ng kanyang mga kasamahan, ngunit nasanay na silang sundin ang kanilang pinuno kaya ipinangako nilang pupunta sila sa itinakdang oras at lugar.

Dumating ang araw ng Linggo. Bago pa mag-ikaanim ng hapon ay nagtipon na ang mga dambuhalang gorilya sa plasa ngunit nadatnan na nila ang alitaptap na naghihintay sa kanila. Maya- maya, tumunog ang kampana ng simbahan bilang hudyat ng oras ng orasyon o pagdarasal. Iminungkahi ng alitaptap sa mga gorilya na magdasal muna sila. Pagkatapos magdasal, agad sinabi ni Iput-Iput na nakahanda na siya. Inutusan ni Amomongo ang kanyang mga kasama na humanay. Pumuwesto siya sa una bilang pagpapakilalang siya ang pinuno ng mga ito.

Dagling lumipad si Iput-Iput sa ilong ng gorilya at inilawan niya ito. Hinampas ng kasunod na gorilya si Iput-Iput ngunit kaagad itong nakaalis kaya ang tinamaan ng gorilya ay ang ilong ni Amomongo na halos ikamatay nito. Dumapo si Iput-Iput sa ilong ng pangalawang gorilya. Hinampas ng pangatlong gorilya si Iput-Iput ngunit kaagad itong nakalipad, kaya ang nahampas niya ay ang ilong ng pangalawa na ikinamatay nito. Muli, inilawan ni Iput-Iput ang ilong ng pangatlong gorilya. Hinampas ng ikaapat na gorilya si Iput-Iput na kaagad na kalipad. Muli, namatay ang pangatlong gorilya dahil sa lakas ng pagkakahampas ng ikaapat na unggoy sa ilong nito. Nagpatuloy ang ganitong pangyayari hanggang si Amomongo na lamang ang natirang buhay na gorilya na halos hindi makagulapay dahil sa tinamong sakit. Nagmakaawa ito kay Iput-Iput na patawarin na siya, at huwag patayin. Pinatawad naman siya ni Iput-Iput, ngunit simula ng hapong iyon, nagkaroon na ng malaking takot ang mga gorilya sa mga alitaptap.

Aral:

  • Huwag mong husgahan ang iyong kapwa base sa kanyang laki o liit ng pangangatawan. Kadalasan kasi ay may mas nagagawa ang mga maliliit na hindi kayang gawin ng malalaki.
  • Iwasan ang pagpapakalat ng maling balita upang siraan ang kapwa.

Si Alitaptap at si Paruparo

May isang Paruparo na pinaglaruan ng isang batang lalaki. Iniwan niya itong nakabaligtad at kakawag-kawag sa lupa.

Paruparo : Saklolo! Tulungan ninyo ako! (Dumaan si Langgam at narinig ang sigaw ni Paruparo)

Langgam : Gusto kitang tulungan, ngunit nagmamadali ako. Maganda ang sikat ng araw at maghahanap pa ako ng pagkain. (Umalis si Langgam at iniwan ang kaawaawang Paruparo)

Paruparo : Saklolo! Maawa kayo sa akin. Tulungan ninyo ako. (Dumating si Gagamba. Lumapit siya kay Paru-paro)

Gagamba : Gusto kitang tulungan ngunit pagagandahin ko pa ang aking bahay. Mangunguha pa ako ng sapot. (At umalis si Gagamba)

Paruparo : O Bathala! Tulungan po ninyo ako. Didilim na at magsisitulog na ang kasama kong kulisap. Wala nang sa akin ay makakakita. (Pagod at gutom na si Paruparo. Napaiyak siya. Nang pahiran niya ang kanyang luha ay may napansin siyang papalapit na pakislap-kislap na liwanag)

SEE ALSO: Ang Palaka at ang Kalabaw

Alitaptap : Naku, bakit ka nandiyan? Napaano ka at kawag ka nang kawag?

Paru-paro : Sa aking paghahanap ng nektar sa mga bulaklak ay hinuli ako ng isang batang lalaki. Pinaglaruan niya ako at iniwan niya akong nakabaligtad dito. Hindi ko kayang tumindig na mag-isa upang lumipad. Maaari bang tulungan mo ako?

Alitaptap : Aba, oo. Sandali lang, tatawag ako ng makakatulong ko. (Ilan pang sandali ay dumating ang maraming alitaptap).

Paruparo : Maraming salamat sa inyo. Kayo ang sagot ni Bathala sa aking dalangin. Kaybuti ng inyong kalooban…

Alitaptap : Walang anuman, kaibigang Paruparo. O sige, aalis na kami.

Paruparo : Aalis na rin ako. Pupunta na ako sa aking tahanang bulaklak. Salamat na muli.

Aral:

  • Makikilala mo kung sino ang iyong tunay na kaibigan sa oras ng kagipitan.
  • Huwag mag-atubiling tumulong kung may kakayahan. Mas maigi ang nagbibigay ng tulong kaysa ikaw ang tinutulungan.

Ang Palaka at ang Kalabaw

Pagkatapos ng ilang araw na pag-ulan ay sumikat na ang araw. Maganda na ang panahon. Namasyal ang mga anak ni Inang Palaka sa tabi ng sapa. Nakita nila ang isang kalabaw na nanginginain ng sariwang damo. Sa tingin ng mumunting palaka ay napakalaking palaka ang kalabaw. Dali-dali silang umuwi at ibinalita ito sa kanilang ina.

“Ina, nakakita kami ng napakalaking palaka!” sabay-sabay na sabi ng mga anak ng palaka.

“Totoo? Malaki pa sa akin?” wika ng Inang Palaka. “Ako na ang pinakamalaki sa lahat ng palaka.”

“Talaga pong napakalaki”, patotoong muli ng mga anak na palaka. “Sumama po kayo sa amin nang inyong makita.”

“Hala, tayo na”, wika ng Inang Palaka. “Hindi ako naniniwala na mayroon pang palaka na mahigit ang laki kaysa sa akin.”

At sabay-sabay na pumunta ang mag-iinang palaka sa tabi ng sapa.

Itinuro ng mga anak na palaka ang nakitang kalabaw na patuloy na nanginginain ng damo.

“Tingnan ninyo ako”, wika ng Inang Palaka sa mga anak. Huminga siya nang huminga upang palakihin ang kanyang sarili.

“Sino ngayon ang higit na malaki sa aming dalawa?”

SEE ALSO: Ang Masamang Kalahi

“Malaki po ang aming nakitang palaka”, wika ng maliit na palaka. “Higit po siyang malaki kaysa sa inyo.”

Muling huminga nang huminga ang Inang Palaka upang madagdagan ang kanyang laki. At kanyang muling tinanong ang maliliit na palaka.

“Malaki na ako ngayon kaysa sa kanya, hindi ba?”

“Hindi po, Ina”, sabay-sabay na namang sagot ng mga anak na palaka. “Ang laki po niya kaysa sa inyo.”

“A, hindi! Ako ang pinakamalaking palaka. Tingnan ninyo ako”, wika ng Inang Palaka at ubos-lakas siyang huminga nang huminga.

Bog! narinig na putok ng mga anak ng palaka. At nakita nilang pumutok ang tiyan ng mahal nilang ina.

“Kaawa-awa naman si Inang Palaka!” wika ng mga anak na palaka. “Ayaw niyang mahigitan ng iba kaya siya nagdusa.”

Aral:

  • Nakamamatay ang kayabangan. Mas marami ang nalulugod sa taong mapagpakumbaba kaysa taong ubod ng yabang at puro salita.
  • Walang masama kung may taong nakahigit sa kakayahan mo. Maluwag na tanggapin ang pagkatalo at iwasan ang sama ng loob.

Ang Masamang Kalahi

Buhat nang mapatakbo ni Toniong Tandang si Tenoriong Talisain ay humanap na ng ibang libutan at madaling nakapamayagpag na muli ang Talisain. Ang mga Katyaw na leghorn doon ay madaling nasilaw sa balitang bilis at lakas ni Tenoriong Talisain. At madali niyang naging kaibigan ang pinakamagandang sa mga banyagang manok na si Lolitang Leghorn.

Isang araw ay galit na galit na umuwi si Denang Dumalaga.

“Naku!” ang bulalas ng dumalaga. “Ako pala ay sinisiraan ni Tenoriong Talisain. Ako raw ay naging kasintahan niya…”

“Diyata’t?” ang bulalas din ni Aling Martang Manok.

“At katakot-takot na paninira raw laban sa mga kalahi ang ginagawa ng Talisaing iyan. Tayo raw ay ikinahihiya niya. Masamang lahi raw tayo…”

Gayon din ang ikinagalit ni Toniong Tandang nang siya’y dumating.

“Napakasamang manok iyang si Tenoriong Talisain”, ang wika ng tandang. “Kangina’y nakita ko. Kung lumakad at magslita’y ginagaya ang mga leghorn.”

“Ang balita ko pa’y nagpasuklay ng balahibo upang maging mistulang leghorn na. Nakapang-nginig ng laman.”

“Bayaan ninyo siya”, ang wika ni Aling Martang Manok. “Pagsisisihan din niya ang kanyang ginawang iyan.”

Ilang araw, pagkatapos ay dumating si Toniong Tandang na kasama si Tenoriong Talisain. Gusut-gusot na ang balahibo ng katyaw. Pilay pa ang isang paa, pasa-pasa ang buong katawan at hindi halos makagulapay.

SEE ALSO: Ang Madaldal na Pagong

“Bakit ano ang nangyari?” ang tanungan ng mga kalahing manok.

“Iyan pala ay maluwat nang kinaiinisan ng mga katyaw na Leghorn”, ang wika ni Toniong Tandang.

“Kangina’y nakita ko na lamang na pinagtutulungan ng apat na katyaw na leghorn.”

“Bakit hindi mo pa pinabayaang mapatay?” ang wika ng mga kalahing manok. “Tayo rin lamang ay ikinahihiya niya at itinatakwil pa…”

“Talaga nga sanang ibig ko nang pabayaan”, ang wika ni Toniong Tandang. “Ngunit hindi rin ako nakatiis. At talagang namang kung hindi ako sumaklolo’y nasirang Tenoriong Talisain na siya ngayon.”

“Nakita mo na, Tenoriong Talisain!” ang wika ni Aling Martang Manok. “Iyang kalahi, kahit masamain mo’y talagang hindi makatitiis.”

Aral:

  • Pahalagahan ang iyong pamilya. Maaring iiwan ka o pababayaan ng mga taong nakapaligid sa iyo ngunit ang pamilya ang laging nandiyan para sa iyo.
  • Kahit pa gaano kasama ang ginawa mo sa iyong pamilya, sa oras ng pangangailangan ay sila rin ang tutulong sa’yo.
Share via