Mga Halimbawa ng Talumpati Tungkol sa Wika (7 Talumpati)

Magandang araw sa iyo, kaibigan! Hanap mo ba ay mga talumpati tungkol sa wika? Nasa tamang pahina ka!

Sa ibaba ay mababasa mo ang ilan sa mga halimbawa ng talumpati tungkol sa wika na maaari mong pagkunan ng ideya. Halina’t basahin at gawing inspirasyon sa iyong paksang napili ang mga talumpating nakalap namin. Marami ka ring mga aral na mapupulot sa bawat talumpati na iyong mababasa at pagkatapo, umaasa kami na mas lalo mong mamahalin at igagalang ang wikang Filipino.

SEE ALSO: Ano ang Talumpati, Halimbawa ng Talumpati at mga Uri

Mga Halimbawa ng Talumpati Tungkol sa Wika


Wika

Talumpati ni Farah Grace Jimena

“Makahihigit ay wala, kahit anumang sandata, makapagtitibay sa bansa, paggamit ng sariling wika, ang ating tanging tanikala.”

Malaya na tayong mga Pilipino sa pang-aalipin ng ibang bansa. Masasabi na nating ganap na ang ating pagkabansang Pilipino. May sarili na tayong watawat, mayroon na ring pambansang awit at mayroon pang pambansang wika… ang Wikang Filipino.

Wikang Filipino? Ginagamit ba ito?

Hindi na lingid sa ating kaalaman na halos wikang Ingles na ang nagmamanipula nitong ating bansa. Hindi ba’t natatawag na malaya ang isang bansa kapag ginagamit ang sariling wika? Nawawalan ng kabuluhan ang wikang pambansa kapag hindi naman ginagamit sa lipunan, sa paaralan at maging sa pamahalaan. Sa kalagayan ngayon ng mga bagay- bagay sa ating bansa at sa sistema ng ating edukasyon, lumilitaw na tila wala pa tayong wikang sarili sapagkat nagpapamanipula tayo sa mga wikang banyaga.

Sinasabing wika ang sagisag ng pagkalahi… tatak ng isang bansang malaya. Ang mga bansang malaya ay yaong mga gumagamit sa sariliing wika. Sa wikang Filipino naipakikilala ang lahing pagka- Pilipino. Larawan ito ng pagiging matapang, matatag at makatarungan ng mga Pilipino. Ating ibalik sa panahon ng ating mga bayani, kanilang ipinaglaban ang ating bansa sa mga pananakop ng mga mapang- aping mga dayuhan. Ibinuwis nila ang kanilang mga buhay , para lamang makahulagpos tayo sa mga manlolokong dayuhan. At ang Filipino ay ginamit bilang simbolo na isa na tayong malayang bansa.

Sinasabing, kapag walang wika, walang kultura. At kapag walang kultura, walang wika.

Kultura ang kabuuan ng mga paniniwala at lahat ng kaugalian ng mga tao. Kung kaya’t kultura ang pinanggagalingan ng wika. Wika ang nagiging midyum para maipahayag ang kultura ng isang pangkat ng mga tao. Ito ang paraan para mapayabong o mapaunlad ang kultura.

Sinasabing wika ang matibay na tanikala sa pagkakaisa ng isang bansa.

Kung sariling wika ang ginagamit sa ating bansa, mawawala ang “ communication gap” sa pagitan ng masa ng mga nagsasalita ng sariling wika at mga pinuno na nagsasalita sa wikang Ingles. Sa ganito tayong mga Pilipino’y lagi nang kikilos at gagawa na parang iisang tao sa paghanap ng kaunlaran, kadakilaan at pagkakakilanlan. Sa pamamagitan ng ating wika, nagkakaintindihan tayo. Dito tayo nagkakaisa at nagtutulungan. Kapag ngakakaunawaan, magkakaroon ng kaunlaran itong ating bansa.

Aanhin natin ang wikang dayuhan kung iilan lamang sa atin ang nakaiintindi? Hindi ba’t ang pagiging makabuluhan ng isang wika ay yaong naiintindihan, nagagamit at napapakinabangan ng lahat? Oo nga’t Ingles ang wikang ginagamit sa pandaigdigang kalakaran at ito’y hindi natin maiwawalang- bahala lang. Hindi rin naman masama ang panghihiram dahil nakatutulong ito na mapanatiling buhay ang isang wika. Nagiging midyum ito sa pakikipagkomunikasyon sa ibang bansa.

Ngunit paano kaya kung ang wikang Filipino ang ginagamit natin sa mga panayam, pakikipag- ugnayan at pakikihalubilo sa kapwa Pilipino? Hindi ba’t mas mainam dahil naiintindihan ito ng lahat ng tao sa Pilipinas? At kung gamitin kaya ito sa mga inilalathala sa pahayagan, hindi ba’t mas madali nating maaabot ang mga hinanaing, mga naisin o kaya’y mga pangyayari sa ating bansa?

Wikang Filipino ang sentro ng Pilipinas na pinanggagalingan ng lakas para mapatatag ang ating bansa. Ito ang bumibigkis sa mga Pilipino upang magkaisa para sa ikauunlad nitong bansa.

Wika; sagisag ng kabansaan, sagisag ng kalayaan, sagisag ng karangalan, susi sa pagkakaunawaan, tungo sa kaunlaran, nitong ating Lupang Tinubuan.


Talumpati Para sa Buwan ng Wikang Pambansa

Talumpati ni Jeffry Manhulad

Sapagkat ang wika’y panlahat, dapat natin itong gamitin sa pang araw araw na pakikipag ugnayan at pakikipag usap sa lahat ng mga Pilipino dahil hindi lamang ito nagsisimbolo ng isang dayalekto sa Pilipinas kundi ito’y panlahat. Kagaya ng sinabi ni Jose Rizal, “Ang Hindi Marunong Magmahal sa Sariling Wikay ay Higit Pang Mabaho sa Malansang Isda.” Ang wikang ito ng ating pambansang bayani ay isa lamang sa kanyang mga makabayang pamana tungkol sa pagmamahal sa ating sariling wika—ang Wikang Filipino. Ang paalalang ito ng ating bayani ay hindi dapat kalimutan sapagkat an gating wika’y huwad din sa iba at dapat ipagmalaki.

Dapat natin itong gamitin at nang ito’y hindi maglaho sa susunod na henerasyon. Ang panghihiram ng mga salita sa ibang wika ay hindi dapat natin itakwil, bagkus ating itong tanggapin ng buong puso sapagkat parti ito ng ating nakaraan—na tayo ay naging sakop ng ibang mga bansa gaya ng Espanya at ng Amerika. Ang mga wikang hiniram natin sa mga bansang ito ay dapat nating ipagmalaki sapagkat isa lamang ito sa mga magagandang pamana ng mga bansang sumakop sa atin noong una.

Hindi rin natin dapat itakwil ang mga salitang ipinamana ng iba pang mga dayuhan na nag ambag upang mapayaman ang wikang Filipino gaya na lamang ng mga tsino na kung saan hindi man nila sinakop ang Pilipinas ay nakipag ugnayan naman ito ng kanilang mga produkto at kagamitan bago paman dumating angt mga mananakop sa atin. Ipagmalaki natin an gating ugnayan sa kanila lalunglalo na ang kanilang mga ipinamanang wika.

Kaya mga kababayan kong Pilipino, huwag tayong mahiya sa ating wika. Ipagmalaki, pagyamanin, at gamitin natin ito kagaya ng ginawa n gating pambansang bayani na si Rizal na kahit marami na siyang alam na wika’y taas noo parin niyang ginamit ang ating wikang Filipino sa kanyang mga obra kahit saan man siya pumunta. Isa lamang halimbawa nito ang kanyang pagsalin ng mga obra ng dayuhang manunulat sa ating wika.


Filipino: Wika ng Karunungan Tungo sa Kaunlaran

Mula sa PasigGreenPasture.com

Maluwalhating umaga sa inyo mga kapwa Pilipino, mag-aaral, kaibigan, mahuhusay at mapagmahal na mga guro, butihing at maunawaing prinsipal at administrador. Purihin ang Panginoong Hesus sa isang napakagandang umaga!

Wikang Filipino, wika ng bawat Pilipino. Ikaw, ako, tayo.. iisa. Sa mundong pilit kang binabago.

Ang wika ay isang mahalagang aspeto ng bawat kultura. Ito ang basehan na ginagamit ng lahat ng antas ng tao sa lipunang kinagagalawan. Ito ang bumubuklod sa mamamayang Pilipino sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Sa pagsisimula ng paggamit ng mga Pilipino ng wikang Tagalog sa unang panahon, binuhay nito ang sibilisasyon. Nagkaisa ang mga Pilipino sa mas ikabubuti ng ating bansa. Nagkaintindihan ang bawat pangkat dahil sa pagkakaroon ng isang wika na naiintindihan ng lahat. Mas mabilis ang naging daan para sa transportasyon at komunikasyon na nagbigay daan para mas dumami ang ideya at opinyon. Pinagkaisa nito ang mga nakasanayang tradisyon. Nagbigay daan ito sa mas positibong pagbabago at naibahagi ang iba’t ibang kultura at paniniwala. At higit sa lahat, napanatili nito ang pagkakaisa ng bawat Pilipino kahit na may iba’t-ibang paniniwala.

Ang wikang Filipino ang ginagamit natin tungo sa pambansang kaunlaran. Wikang ating kasangkapan sa pagkakaunawaan at pagkakaisa ng mga mamamayang Pilipino saan mang panig ng Pilipinas.

Talaga ngang wala ng ibang magmamahal sa Wikang Filipino, kundi tayo ring mga Pilipino, kaya’t halina’t pagyabungin natin ang isa sa mga pinaka-iingatang yaman ng ating bansa Ang wikang Filipino. Wika Mo, Wika ko, at Wikang nating Lahat.

Maraming Salamat! Nawa’y mamutawi sa ating mga puso ang pagiging tunay na mamamayan ng bansang Pilipinas. Muli, Maraming Salamat.


Wikang Filipino: Wika Mo, Wika ko, Wika nating Lahat

Talumpati ni Grandeson Puma

Maluwalhating umaga sa Inyo mga kapwa Pilipino, Purihin si Hesus at si Maria!

Wikang Filipino, wika ng bawat Pilipino. Ikaw, ako, tayo… iisa. Sa mundong pilit kang binabago, may nananatili pa nga bang matatag? Tila marahil sa pagdaan ng panahon tayo ata ay nakalilimot ng lumingon sa ating pinanggalingan, nakatikim lang ng Hershey’s chocolate, nakalimutan na ang Chocnut, nakapagsuot lang ng sa Rusty Lopez, nalimutan na ang sapatos na gawang Marikina, at nakapunta lang ng ibang bansa, tila ayaw ng umuwi at kinamumuhian na ang sariling bansa, natuto lang mag ingles, hindi na marunong mag Filipino. Tama, nakalulungkot mang isipin ngaunit iyon ang katotohanan,katotohanang dapat natin harapin at pagtuunan pansin, kung minsan nga’ y nahihiya pa natin mag Filipino kaya nga’t kahit mali ang grammar at nagbubuhol-buhol na ang dila pinipilit parin mag ingles.

Mahabang kasaysayan ang pagkakaroon ng wikang pambansa sa Pilipinas – ang Pilipino na nagmula sa Tagalog na pagkaraa’y naging Filipino.

Ating muling sariwain ang pinagmulan ng wikang Filipino. Sa bayan ng Baler, Quezon sumibol ang amang naging instrumento upang magkaroon tayo ng sariling wika, siya ay si Manuel L. Quezon, dating pangulo ng Pilipinas, tinaguriang Ama ng wikang Pambansa. Nang itatag ang Komonwelt, nagkaroon ng malaking hakbang tungo sa pagkakaroon ng isang wikang pambansa. Noong Disyembre 30, 1937, inihayag ni Pangulong Quezon na ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Tagalog at nang naglaon ay naging Pilipino sa ilalim ng Kautusang pang edukasyon Blg 7.

Ang wika ay isang mahalagang aspeto ng bawat kultura. Kasangkapang ginagamit ng lahat ng antas ng tao sa lipunang kinagagalawan. Isang indikasyon na ikaý isang tunay na Pilipino.

Tunay ngang masasabing kayamanan ang pagkakaroon ng sariling wika, ang wikang Filipino ang ginagamit natin tungo sa pambansang kaunlaran. Wikang ating kasangkapan sa pagkakaunawaan at pagkakaisa ng mga mamamayang Pilipino saan mang panig ng Pilipinas.

Talaga ngang wala ng ibang magmamahal sa Wikang Filipino, kundi tayo ring mga Pilipino, kaya’t halina’t pagyabungin natin ang isa sa mga pinaka-iingatang yaman ng ating bansa, Ang wikang Filipino. Wika Mo, Wika ko, at Wikang nating Lahat.

Maraming Salamat sa inyong pagbasa at naway mamutawi sa ating mga puso ang pagiging tunay na mamamayan ng bansang Pilipinas. Muli, Maraming Salamat.


Kahalagahan ng Wika

Mula sa TakdangAralin.ph

Sa bawat kasaysayan ng isang bansa, isa ang wika sa may pinakamahalagang ginagampanan sa buhay ng bawat indibidwal. Nabibilang ang ating bansa sa may mga maraming etnolinggwistikong grupo. Samu’t-sari rin ang ating lenggwahe at dayalektong ginagamit.

Idagdag pa natin ang mga global na wika na ating natutunan sa ating mga kaibigang dayuhan, pati na rin ang mga namana natin sa mga mananakop tulad ng Espanyol. Ang wika ay nagbibigay ng pagkakaisa ngunit kung minsan naman ay ang hindi pagkakaunawaan.

Sa dami ng wika na ating ginagamit, hatid nito ay kalituhan. Ibang lugar, iba ang lenggwahe, at ibang uri ng lahi, iba rin ang wikang gamit. Dahil sa suliraning ito ng di pagkakaunawaan, isinabatas at iprinoklama ng noo’y Presidente na si Manuel Luis Quezon ang pagkakaroon ng wikang Pilipino bilang ating wikang pambansa. Mula noon ay binansagan na siya na ama ng wikang pambansa.

Napakahalaga ng wika sa kasaysayan at kultura ng bawat lugar. Ito ang ating gabay sa pakikipagtalastasan, sa pagpapahayag ng ating mga damdamin, ekspresyon, ideya, mga pananaw at opinyon, wika ang ating gamit. Sa pamamagitan nito malinaw nating naipaparating ang ating mga mensahe, sa panulat man o sa pananalita.

Sa paglinang at paghubog ng ating pagkatao at kaisipan, wika rin ang instrumentong gamit sa anumang uri at antas ng paaralan. Magmula sa ating simpleng abakada hanggang sa pagtatapos ng ating mga propesyon, wika ang tanging gabay at naging patnubay ng ating mga guro.

Sa gitna ng anumang sigalot, away at maging sa digmaan, wika ang pinakamalakas na sandata. Sa mga lugar na kung saan may bangayan at gusot, wika ang ating gamit pangpakalma ng sitwasyon at susi sa pagkikipagnegosasyon. Lahat ay nadadaan sa mahinahon at mabuting pakiusapan kapag tamang salita o wika ang ginagamit.

Maging sa mga pinakamataas na lider ng ating lipunan wika rin ang kanilang kalansag at sandata sa pagpapahupa ng anumang tensiyon sa kanilang kapwa lider o maging sa mga tagasunod. Gamit ang wika, mas malaki ang tsansa na nagkakabuklod-buklod ang mga nagkakawatak-watak.

Dahil sa wika ay nalalaman ng bawat indibidwal ang ating pinanggalingan at kung saan pa ang tatahakin sa ating hinaharap. Sadyang napakakapangyarihan ang wika. Instrumento ito sa pagkakalat, paglilimbag at paglalathala ng anumang uri ng babasahin.

Lumipas man ang iba’t-ibang uri ng henerasyon, at kahit mawala pa ang ibang wika sa ating sirkulasyon, walang detalye ang makakaligtaan at habang buhay na magiging parte ng ating historya gamit ang wika. Sa panulat man o sa pananalita parehong mahalaga ang wika. Kung hindi man maisulat ng lapis sa papel ay maaari namang mabigkas ng bibig.

Mula sa kamusmusan, pagkamulat ng ating kaisipan at hanggang sa ating pagtanda habang buhay nating magiging instrumento, gabay, kalasag at sandata ang ating wika. Lilipas man ang mga makalupang panahon at iba pang salik lahi, ang wika ay mananatili pa rin.

Sa pagdating sana ng mga modernong kaalaman at kagamitan, isabay din natin ang pagtaas ng ating kalinangan at kaisipan sa pag-aaral sa ating sarilng wika. Tumulong tayo sa pagpanatili nito at huwag nating hayaan ang unti-unti nitong pagkawala o pagkaluma sa sirkulasyon ng iba pang mga wika.

Hikayatin natin ang bawat kabataan at mamamayan na bigyan ito ng pagpapahalaga at respeto. Gamitin natin ito ng may buong puso at pagmamalaki. Dahil saang dako ka man ng mundo mapadpad, ito ang iyong magiging tatak at sagisag bilang isang tunay na Pilipino.


Filipino, Bilang Wikang Pambansa

Mula sa FilipinoBWP.blogspot.com

Ang wika ay isang mahalagang aspeto ng bawat kultura. Kasangkapang ginagamit ng lahat ng antas ng tao sa lipunang kinagagalawan. Ang pagsilang ng wika ay nagibibigay buhay sa sibilisasyon. Sa pamamagitan nito, malinaw na nailalarawan ang bawat karanasan at damdamin ng bawat tao. At sa pagkakaroon ng sariling wika ay lubusang naipapahayag ng nakararaming mamamayan ang kanilang kaisipan.

Ang wikang “Filipino” ang pambansang wika at isa sa mga opisyal na wika ng ating bansa. Ang ingles ang isa pa – ayon sa saligang batas ng (1987). Isa itong wikang austronesyo at ang de facto (“sa katotohan”) na pamantayang bersyon ng wikang tagalog, bagaman de jure (“sa prinsipyo”) itong iba rito.

Isang layunin ang pagkakaroon ng isang wikang pambansa ang pagpapalaganap ng pagkakaisang pambansa, ang pagkakaroon ng heograpiko at politikal na pagkakapatiran at maging ang pagkakaroon ng isang sumasagisag na pambansang wika ng isang bansa.

Dapat lamang at napakahalaga na magamit natin ang ating wikang pambansa sa lahat ng kaparaanan. Hinggil sa ating pakikipagtalastasan saan man tayong rehiyon nabibilang, dahil bilang isang mamamayan sa bansa nakapaluob sa ating wikang pambansa ang saliring kulturang tinataglay na pagkikilanlan ng ating sariling bayan, tungo sa pag-unlad ng ating pang-economiya at katatagang politika.

Napakahalaga na pagsanayang magamit natin ang ating wika, ayon sa ikapananatili nito at kalinangan ng ating pag-iisip. Sapagka’t ang sariling wika ng isang bansa ay ang susi sa kaunlaran.

Kung bakit? Ang pagkakaruon ng sariling wika ng isang bayan ang larawan ng pagkakaroon ng mabuting pakikipagtalastasan, kaisahang pag-iisip at magkakaroon lamang ng pagkakaisang may pagmamalasakit nang bawa’t pamayanan.

Paano mapapanatili at makakapagtibay kaunawaan kung hindi gagamitin? Pilipino ka, Pilipino ako, sino pang magsasabing siya ay Pilipino? Kung siya na man ay walang katibayan kahit sa pananalita? Ano ba ang wika ng isang mamamayang nakatira sa bansang Pilipinas? Kung sinasabi mo na ikaw ay Pilipino, gumamit ka gamitin mo ang wikang Filipino na magbibigay katibayan sa iyong pagiging isang mamamayang may mabuting puso at may pagmamahal sa kanyang sariling bayang tinubuan. Isa ka bang mamamayan na nagmamahal sa iyong bayan?

Sa wika – ayon sa katalagahan nito o tinatawag na naturalesa ang lahat ng nilalang ay magkakaugnay; nagkakabuklod-buklod. Gaya nalang ng prinsipyo ng tore ni babel. Ang dahilan kung bakit sila nanatiling matatag at ang pagkakaruon nila ng isang pamahalaan ay ang wika.

Sa pagkakaruon ng isang wika lahat ng tao ay pantay-pantay, mahirap o mayaman ay may batas na dapat sundin para mapanatili ang kaayusan at kapayapaan nito sa isang bansa.

Hindi nga ba’t parang sinasayang lang natin ang ating wika kung hindi natin ito gagamitin, papalaguin, at ipagmamalaki? Samantalang pinaghirapan itong isulong at itaguyod ng ating mga bayani. Sabi nga ng ating pambansang bayani na “ ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda”. hindi nga ba natin napapansin na parang naiinsulto na natin sila na matapos nilang lumaban, ibuwis ang kanilang mga buhay ay hindi natin papahalagahan ang sarili nating wika?

Sabi nga ng ating kasalukuyang pangulo na si Pnoy upang makamtan natin ang katiwasayan at kaunlaran, kailangan tahakin ang matuwid na landas, at para matahak ang landas na ito, kailangang magkaisa. Sapagkat, sa gitna ng globalisasyon at kolonyalismo; wika pa rin ang nagbibigay sa atin ng kaisahan upang ating maabot ang inaasam na kaunlaran.

Gamitin natin ang wikang Filipino tungo sa ating tuwid na daan, bilang mabuting mamamayan ng Pilipinas.


Wikang Filipino: Wikang panlahat, ilaw at lakas, sa tuwid na landas

Mula sa TheFilipinoServant.wordpress.com

Ngayong buwan ng Agosto, ating ginugunita at ipinagdiriwang ang Buwan ng wika bilang pagbibigay ng kahalagahan sa ating wika, ang Filipino at ang kontribusyon nito sa ating mga buhay. Ipinapaalala nito na napaka-importante sa isang bansa na magkaroon ng pambansang wika upang lubos na makilala ang yaman ng ating kultura. Pero ano ba ang kahalagahan ng pagkakaroon ng iisang wika? Paano natin ito maipagmamalaki sa buong mundo ngayong panahon ng globalisasyon? At paano natin ito magagamit upang makamit natin ang pagbabago?

“Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda; kaya ating pagyamaning kusa, gaya ng inang sa atin ay nagpala.” Ito ang tanyag na katagang nagmula sa ating pambansang bayani na si Gat. Jose Rizal na nagbibigay kahalagahan sa wika sa buhay ng isang tao. Isang inspirasyonal na kataga at kapupulutan ng aral tungkol sa pagpapahalaga ng wika. Kahit maraming wikang banyaga ang alam na sabihin ni Rizal, hindi niya tinalikuran ang kanyang bansa at pinalagahan ang wikang Tagalog na isa sa mga parating ginagamit ng mga Pilipino noon.

Ang pagkakaroon ng iisang wika ay nangangahulugang nagkakaisa ang mga mamamayan at nagkakaintindihan ang lahat para sa iisang hangarin. Dahil kung hindi pinahalagahan noon na magkaroon ng pambansang wika ay hindi magkakaintindihan at magulo ang pakikipag-komunikasyon at talastasan. Hindi magiging maayos ang buhay kung iba’t-ibang wikang etniko ang dapat nating kabisaduhin. Kaya noon, pinahalagahan ni dating Pangulong Manuel Quezon na magkaroon ng iisang lengwahe upang magkaisa at maipakita sa buong mundo na kung may iisang wika na ginagamit ang isang bansa, nagkakaisa sa iisang hangarin ang mga tao nito. Kaya itinanghal nating ‘Ama ng wikang Pambansa’ si Quezon dahil sa kanyang natatanging limbag sa wika’t panitikan.

Ngayong panahon ng globalisasyon at makabagong teknolohiya, hindi papahuli ang ating wika. Kagaya sa website na Facebook na kung saan ay pwedeng gamitin ang wikang Filipino bilang medium o lengwahe sa pakikipag-komunikasyon at lubos na maintindihan ng mga Pilipinong gumagamit nito kung paano paganahin ito. Hindi rin papahuli ang Twitter na kailan lang ay pwede na sa wikang Filipino. Kamakailan lamang ay naging sikat sa website na YouTube ang isang music video kung saan tampok ang isang banyaga na kumakanta sa wikang Filipino at siya ay si David DiMuzio na lumabas na sa iba’t-ibang programa dito sa ating bansa.

Sa ibayong dagat naman, alam niyo bang may 1.4 milyong tao sa Estados Unidos ang nagsasalita sa wikang Filipino at ito ang pang-apat na lengwahe na parating ginagamit ng mga tao roon. Hindi rin mawawala ang mga bansang may mga OFWs na kung saan natututunan ng mga banyaga kung paano magsalita sa Filipino.

Ngayong pumapasok na ang iba’t-ibang wikang banyaga sa ating bayan, kailangan nating pahalagahan at wastong gamitin ang ating pambansang wika. Ating ipaalam sa kanila na kung nandito ka sa Pilipinas, dapat matuto kang magsalita sa wikang Filipino upang lubos na makilala ang kultura at panitikan ng ating lipunan.

Ang ating wika ay sumisimbolo ng isang bansang matatag at nagkakaisa dahil kung hindi magkaintindihan ang bawat mamamayan nito dahil sa mga pansariling wika, hindi uunlad ang ating bayan at patuloy pa rin sa paglayo ang inaasam nating pagbabago. Kung may iisang wika, magkakaintindihan ang lahat at magkakaroon ng iisang hangarin at ito ay bumangon mula sa mga pinagdaanang problema. Ngayong nasa tuwid na landas na tayo, ating ipagmalaki at ipagbunyi na mayroon tayong iisang wika at ito ang Filipino na daan sa iisa nating hangarin, at ito ang pagbabago sa lipunan. Nawa’y ating gamitin ng wasto ngayong buwan ng wika ang Filipino at taas-noo tayong magsalita sa ating sariling wika!

SEE ALSO: Mga Talumpati Tungkol sa Pangarap

31 Shares
Share via
Copy link