Florante at Laura Buod ng Bawat Kabanata 1-30 + Talasalitaan

Ang Florante at Laura ay isang awit na isinalaysay ng sikat na manunulat na si Gat Francisco Baltazar o mas kilala sa tawag na “Balagtas” nung siya ay nasa loob ng kulungan.

Maituturing na isa sa mga obra maestra ng Literaturang Pilipino ang Florante at Laura. Ang pagkasulat nito ay inaalay niya sa kaniyang unang minahal na si Maria Asuncion Rivera na siyang tinutukoy bilang Selya.

SEE ALSO: Florante at Laura Buod ng Buong Kwento

Mahabang panahon ang ginugol ng may akda sa pagsulat ng awit na ito, gayon din naman ang oras na inilaan namin para i-buod ito upang mas mapadali ang inyong pagbabasa.

Umaasa kami na makakatulong sa inyo ang buod na ito ng Florante at Laura. Huwag din kalimutang ibahagi sa iyong mga kaibigan.

Maligayang pagbabasa! 🙂

Kay Selya

Inalala ni Balagtas ang naudlot na pagmamahalan nila ng kanyang mahal na si Selya. Siya ay nababahala na baka nakalimutan na siya nito maging ang mga ala-ala ng kanilang pagsasama.

Ang pagkalimot na iyon ay ang nagdala sa kanyang kapalaran sa lubhang kalungkutan. Sa pag-aakalang tuluyan ng nakalimot si Selya, siya ay nangulila sa pagmamahal at nagdusa.

Inaliw na lamang niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pag-alala sa nakaraan at sa mukha ni Selya upang maibsan ng kahit na konti ang kanyang kalungkutan.

Iginuhit niya ang magandang mukha ni Selya, ang larawan na iyon ang tanging ala-ala niya.

Inaalala din niya ang kanilang mga ginagawa nung sila ay magkasintahan pa katulad ng ilog ng Beata at Hilom, ang puno ng manga na gustong pitasan si Selya, at ang dagat na kanilang pinagliliguan na ayon pa kay Balagtas ay inaagapan nila ito upang hindi maabutan ng alat ng dagat.

Sa Babasa Nito

Nagpapasalamat ang may akda sa mga babasa ng kanyang awit.

Ang awit na ito ay isa lamang kathang-isip ngunit may ibang nilalaman kung ito’y susuriin.

Ito’y maihahalintulad sa isang bubot na prutas sa unang tingin ngunit masarap kung ito’y nanamnamin.

Pakiusap ng may akda na huwag babaguhin ang berso ng kanyang orihinal na akda at suriin muna bago pintasan.

Florante at Laura Buod ng Bawat Kabanata at mga Talasalitaan

Kabanata 1: Gubat na Mapanglaw (Saknong 1-7)

May isang gubat na napaka dilim. Nagtataasan at masukal ang mga halaman kung kaya’t hindi makapasok ang pebong liwanag.

Ang mga ibon ay hirap din sa paglipad dahil sa mga namimilipit na mga sanga. May mga gumagala na mga mababangis na hayop katulad ng leon, tigre, hayena, serpiyente, piton, basilisko, at iba pa na kahit kailan ang pwedeng umatake sa mga taong magsisipunta doon.

Talasalitaan:

  • Mapanglaw – malungkot, malamlam, malumbay
  • Masukal – madamong kapaligiran
  • Pebong – araw na sumisikat
  • Namimilipit – buhol-buhol
  • Hayena – uri ng hayop na kahawig ng isang lobo
  • Serpiyente – ahas
  • Piton – sawa
  • Basilisko – isang malaki at mukhang butiking hayop na nakamamatay ang hininga. Maari ka ring mamatay kung titingnan mo ito sa mata

Kabanata 2: Ang Nakagapos na Binata (Saknong 8 – 24)

Sa gitna ng gubat ay may puno ng higera kung saan nakagapos ang isang lalaki na nagngangalang Florante. Sa kabila ng kanyang pagkagapos at kaawa-awang itsura ay bakas pa rin sa kanya ang mala-Adonis na kakisigan.

Mayroong makinis na balat, mahahabang pilik-mata, buhok na kulay ginto, at magandang pangangatawan.

Si Florante ay naiiyak habang sinasariwa ang kanyang mga pinagdaanan at ang paglapastangan sa kaharian ng Albanya sa mga kamay ni Konde Adolfo.

Hindi pantay ang pagturing sa mga tao sa Albanya. Ang mga masasama ay siyang itinataas at ang mga makatuwiran naman ay ibinababa. Ngunit nananatiling bingi ang langit sa mga panawagan ni Florante.

Talasalitaan:

  • Higera – isang punong mayabong, malalapad ang dahon ngunit hindi namumunga; fig tree
  • Sipres – isang uri ng puno na mataas at tuwid lahat ang sanga
  • Nakagapos – nakatali
  • Bakas – marka, palatandaan
  • Adonis – magandang lalaki na naibigan ni Venus, diyosa ng kagandahan
  • Sinasariwa – inaalala
  • Paglapastangan – kawalan ng paggalang

Kabanata 3: Alaala ni Laura (Saknong 25 – 32)

Sa oras na ginugunita ni Florante si Laura ay napapawi nang pansamantala ang kanyang dusa’t paghihinagpis.

Si Laura na lamang ang natitirang pag-asa para kay Florante ngunit muli niyang maaalala na si Laura na kanyang mahal ay nasa piling na ng kanyang kaaway na si Konde Adolfo.

Mas nanaisin pa niyang mamatay nalang kaysa sa palaging maalala na ang kaniyang sinisinta ay may kasama ng iba.

Talasalitaan:

  • Ginugunita – inaalala
  • Napapawi – nawawala, nabubura
  • Pansamantala – panandalian
  • Dusa – paghihirap
  • Paghihinagpis – pagdadalamhati

Kabanata 4: Pusong Nagdurusa (Saknong 33 – 54)

Lubos ang tinahak na kasawian ni Florante. Kahit ang taong masama ay maaawa sa kalagayan nito.

Maririnig sa buong gubat ang mga ungol nito ngunit tanging ang alingawngaw lang niya ang sumasagot sa kanya.

Hindi makapaniwala si Florante sa kanyang kinahantungan dahil sa labis na pagmamahal niya para kay Laura ay nagawa pa rin siyang pagtaksilan nito.

Naging buo ang tiwala niya kay Laura subalit sa likod ng kagandahang tinatangi nito ay may nagtatagong isang taksil.

Lahat ng mga pag-aalaga dati sa kanya ni Laura ay wala lang pala, katulad ng pagpapakintab nito sa panangga at paglilinis ng kanyang baluti dahil ayaw niyang madudumihan ang kasuotan kung ito ay mapapalapat sa kanya.

Hinimatay si Florante dahil sa labis na paghihinagpis.

Talasalitaan:

  • Tinahak – tinungo o dinaanan ang isang pangyayari o daan
  • Alingawngaw – tumutukoy sa pag-uulit ng tunog (echo)
  • Kinahantungan – sinapit
  • Baluti – panangga sa katawan; kasuotang panlaban (armour)

Kabanata 5: Halina, Laura Ko (Saknong 55 – 68)

Para kay Florante si Laura lang ang tanging lunas sa kanyang kahirapan. Umaasang siya ay muling lilingapin ni Laura.

Makita lang niyang may konting patak ng luha mula sa mga mata ni Laura ay maapula ang dalitang nararamdaman nito.

Nag-aasam na sana’y muling damitan dahil puno na ng kalawang ang kasuotan nito. Lahat ng hirap ay danas na niya. Dinig sa buong gubat ang mga panaghoy ni Florante.

Talasalitaan:

  • Lunas – gamot
  • Lilingapin – alalayan, tulungan
  • Maaapula – mawawala, mapapatay
  • Dalita – mahirap, maralita
  • Panaghoy – pagdaing, pagluluksa

Kabanata 6: Ang Pagdating ni Aladin na Taga-Persiya (Saknong 69 – 82)

Isang gererong may putong na turbante ang dumating, si Aladin na taga-Persiya.

Bigla itong tumigil upang tumanaw ng mapagpapahingahan na di kalauna’y hinagis ang hawak na sandata.

Tumingala sa langit na panay ang buntong-hininga sabay upo sa tabi ng puno at doon ay nagsimulang tumulo ang luha.

Muli na naman niyang naisip si Flerida, ang kaniyang pinakamamahal na inagaw naman ng kanyang ama.

Talasalitaan:

  • Gerero – mandirigma
  • Putong – korona
  • Turbante – telang binabalot sa ulo ng mga bumbay
  • Tumanaw – maghanap
  • Buntong-hininga – malalim na pag-hinga

Kabanata 7: Pag-alaala sa Ama (Saknong 83 – 97)

Habang tumatangis si Aladin ay bigla siyang may narinig na buntong-hininga. Ibinaling sa kagubatan ang tingin upang hanapin ang pinanggalingan ng malalim na paghinga.

Malaon ay may narinig siyang paghikbi at agad niyang pinuntahan ito. Nakita niya si Florante na umiiyak habang sinasariwa ang alaala ng kanyang yumaong ama.

Talasalitaan:

  • Tumatangis – lumuluha, umiiyak
  • Buntong-hininga – malalim na pag-hinga
  • Ibinaling – itinuon
  • Malaon – pagkalipas, matagalan
  • Paghikbi – pag-iyak

Kabanata 8: Ang Paghahambing sa Dalawang Ama (Saknong 98 – 107)

Sandaling tumigil sa pag-iyak si Florante ng marinig niya ang pagtangis ng isang Moro na sa mga kwento nito tungkol sa kaniyang ama.

Kung ang walang patid na pag-iyak ni Florante ay dahil sa pag-ibig nito para sa ama, si Aladin naman ay humihikbi dahil sa matinding poot sa kanyang ama.

Kung gaanong pagmamahal ang inilalaan ni Florante para sa ama ay matindi naman ang galit ni Aladin sa kanyang ama dahil inagaw nito ang kaisa-isang niyang minamahal na si Flerida.

Talasalitaan:

  • Tumagistis – umagos
  • Patid – tigil
  • Humihikbi – umiiyak
  • Poot – galit
  • Inilalaan – ibinibigay

Kabanata 9: Dalawang Leon (Saknong 108 – 125)

Habang nag-uusap si Florante at Aladin ay may dalawang leon hangos nang paglakad.

Ngunit kahit ang mga leon ay nahabag sa kalunos-lunos na sinapit, kahit ang bangis ay hindi na maaninag sa mga mukha nito.

May takot na naramdaman si Florante dahil nasa harap na niya ang mabangis na kamatayan na kukumpleto sa kasamaang nararanasan niya.

Talasalitaan:

  • Hangos – hingal; pagmamadali maging sa pagsalita, sa pagkilos, o sa paggawa
  • Nahabag – naawa
  • Kalunos-lunos – kaawa-awa
  • Sinapit – dinanas
  • Maaninag – makita

Kabanata 10: Ang Paglaban ni Aladin sa Dalawang Leon (Saknong 126 – 135)

Nakita ni Aladin ang dalawang leon na mukhang gutom na. Ito ay may mga nagngangalit na ngipin at matatalas na kuko na kahit na anong oras ay maaaring makapatay.

Paglaon ay biglang nang-akma ang mga leon ngunit dali-daling umatake na din si Aladin na parang may lumitaw na marte mula sa lupa.

Bumabaon ang bawat pagkilos ng tabak na hawak ni Aladin at napatumba niya ang dalawang leon.

Talasalitaan:

  • Nagngangalit – galit
  • Paglaon – paglipas
  • Akma – tama, angkop
  • Marte – Si Mars, diyos ng pakikipaglaban
  • Tabak – espada

Kabanata 11: Ang Mabuting Kaibigan (Saknong 136 – 145)

Nang mapagtagumpayan ni Aladin ang nagbabadyang panganib na dala ng dalawang leon ay agad niyang pinakawalan ang nakagapos na si Florante.

Ito ay walang malay at ang katawan ay malata na parang bangkay. Gulong-gulo ang kanyang loob ngunit muling napayapa ng idilat ni Florante ang kanyang mga mata.

Sa kanyang pagdilat ay agad niyang sinambit ang pangalan ni Laura.

Talasalitaan:

  • Nagbabadya – nagbabanta
  • Nakagapos – nakatali
  • Malata – nanlalambot
  • Pagdilat – pagbukas ng mata
  • Sinambit – sinabi, binanggit

Kabanata 12: Batas ng Relihiyon (Saknong 146 – 155)

Nang magising si Florante ay nagitlahanan kung bakit siya nasa kamay ng isang moro. Agad namang nagpaliwanag si Aladin na siya ang tumulong at nagligtas sa kaniya kung kaya’t hindi siya dapat mabahala.

Si Florante ay taga-Albanya at si Aladin naman ay taga-Persya. Ang dalawang bayan na ito ay magkaaway ngunit sa ginawang pagtulong at pagkalinga ay naging magkatoto sila.

Talasalitaan:

  • Nagitlahanan – nagtaka
  • Moro – muslim
  • Mabahala – mag-alala
  • Pagkalinga – pag-aalaga
  • Magkatoto – magkaibigan

Kabanata 13: Ang Pag-aalaga ni Aladin Kay Florante (Saknong 156 – 172)

Binuhat ni Aladin si Florante ng makita nitong lumulubog na ang araw. Inilapag ito sa isang malapad at malinis na bato.

Kumuha ng makakain at inaamo si Florante na kumain kahit konti lamang upang magkaroon ng laman ang tiyan nito. Umidlip si Florante habang ito ay nakahiga sa sinapupunan ni Aladin.

Kinalinga ni Aladin si Florante buong magdamag dahil sa pag-aakalang may panganib na gumagala sa gubat.

Nang magmadaling araw ay nagising na si Florante at lumakas muli ang katawang hapo. Lubos ang pasasalamat ni Florante kay Aladin. Tuwang-tuwa si Aladin at niyakap niya si Florante.

Kung nung una ay awa ang dahilan sa pag-iyak ni Aladin, ngayon naman ay napaluha siya dahil sa tuwa.

Talasalitaan:

  • Inamo – sinuyo
  • Umidlip – natulog
  • Sinapupunan – bahay-bata; kinakanlungang mga hita; ibaba ng hita na pinagkakalungan; dibdib o suso ng babaeng tao o hayop
  • Kinalinga – inalagaan
  • Hapo – hingal

Kabanata 14: Kabataan ni Florante (Saknong 173 – 196)

Naupo ang dalawa sa ilalim ng puno at isinalaysay ni Florante kay Aladin ang kanyang buhay simula sa una hanggang sa naging masama ang kanyang kapalaran.

Si Florante ay ipinanganak sa Albanya. Sina Duke Briseo at Prinsesa Floresca naman ang kaniyang mga magulang.

Kung sa Krotona siya ipinanganak, siyudad ng kanyang ina, imbes sa Albanya na siyudad ng kanyang ama ay mas naging masaya sana siya.

Ang kaniyang ama ay naging tagapayo kay Haring Linceo.

Nakuwento rin niya na kamuntikan na siyang madagit ng isang buwitre habang ito’y natutulog sa kinta nung siya’y bata pa.

Napasigaw ang kanyang ina, agad itong narinig ni Menalipo at pinatay ang buwitre sa pamamagitan ng pagpana dito.

Nung si Florante ay siyam na taong gulang, mahilig siyang maglaro sa burol kasama ang kaniyang mga kaibigan at doo’y namamana ng mga ibon.

Madaling araw palang ay umaalis na ito sa kanila at inaabot ng tanghaling tapat.

Ngunit hindi nagtagal ang mga masasayang alaala ni Florante doon dahil inutos ng kanyang ama na siya’y umalis sa Albanya.

Talasalitaan:

  • Isinalaysay – ikinuwento
  • Tagapayo – pribadong tagapayo
  • Madagit – makuha
  • Buwitre – uri ng ibon na kumakain ng mga bangkay
  • Kinta – maliit na daungan (cottage)

Kabanata 15: Ang Pangaral sa Magulang (Saknong 197 – 204)

Sinariwa ni Florante ang turo ng magulang na kung mamimihasa ang isang bata sa saya at madaling pamumuhay ay walang kahihinatnan na ginhawa ito.

Ang mundo ay puno ng kahirapan kung kaya’t dapat ay patibayin ang kalooban dahil kapag ang tao ay di marunong magtiis, hindi niya mapaglalabanan ang mga pagsubok na hatid ng mundo.

Kung kaya’t ipinadala si Florante sa Atenas nung siya’y bata pa upang doon ay mag-aral. Doon ay mamumulat ang kaniyang kaisipan sa totoong buhay.

Talasalitaan:

  • Sinariwa – inalala
  • Mamimihasa – sasanayin
  • Kahihinatnan – resulta
  • Patibayin – palakasin
  • Mamumulat – mabubuksan

Kabanata 16: Si Adolfo sa Atenas (Saknong 205 – 214)

Si Adolfo ay kababayan ni Florante na siyang anak naman ni Konde Sileno. Siya ay mas matanda ng dalawang taon kumpara kay Florante na labing isang taong gulang.

Si Adolfo ay isang mahinhin na bata at laging nakatungo kung maglakad. Siya’y pinopoon ng kanyang kamag-aral dahil sa angking katalinuhan at kabaitan.

Ngunit sa hindi mapaliwanag na dahilan ay nakakaramdam si Florante ng pagkarimarim kay Adolfo kung kaya’t umiiwas ito sa kanya.

At kahit itago pa ni Adolfo ay batid din ni Florante na ganun din ang nararamdaman nito para sa kanya.

Talasalitaan:

  • Mahinhin – marahan
  • Nakatungo – nakayuko
  • Pinopoon – hinahangaan
  • Pagkarimarim – pagkasuklam
  • Batid – alam

Kabanata 17: Ang Kataksilan ni Adolfo (Saknong 215 – 231)

Paglaon ay mas nahasa ang katalinuhan ni Florante. Naging magaling siya sa larangan ng pilosopiya, astrolohiya, at matematika.

Naging matagumpay sa buhay si Florante at si Adolfo naman ay naiwan sa gitna. Siya ay naging tagapamalita sa Atenas.

Naging bukambibig sa taong bayan ang pangalan ni Florante. Dito na nagsimulang mahubadan si Adolfo ng hiram na kabaitan at ang kahinhinang asal sa pagkatao ay hindi bukal kay Adolfo.

Talasalitaan:

  • Paglaon – paglipas
  • Pilosopiya – mga kuro-kuro ng isip
  • Astrolohiya – palagay sa mga ipinahihiwatig ng mga bituin sa langit
  • Matematika – agham ng mga bilang
  • Bukambibig – tao o bagay na siyang laman ng pinag-uusapan
  • Kahinhinan – marahan
  • Bukal – natural

Kabanata 18: Ang Kamatayan ng Ina ni Florante (Saknong 232 – 239)

Isang taon pa ang ginugol si Florante sa Atenas nang makatanggap siya ng isang liham na na nagsasabi na patay na ang kanyang ina.

Parang batis ang kanyang mga mata dahil sa pagluha. Pakiramdam niya ay nawalan siya ng isang matibay na sandigan at nakikibaka ng mag-isa sa buhay.

Talasalitaan:

  • Ginugol – pinaglaanan, ginastos
  • Liham – sulat
  • Batis – antong tubig na mas maliit kaysa ilog, walang tigil sa pag-agos
  • Sandigan – sandalan
  • Nakikibaka – nakikipaglaban

Kabanata 19: Mga Habilin ni Antenor kay Florante (Saknong 240 – 253)

BIlin ni Antenor, guro ni Florante na mag-iingat at huwag malilingat sa maaaring gawing paghihiganti ni Adolfo.

Wag padadala sa masayang mukha na ipakita nito sa kanya. Maging mapagmatyag daw ito sa sa kalaban na palihim siyang titirahin.

Talasalitaan:

  • Habilin – payo
  • Malilingat – mawala sa pokus
  • Mapagmatyag – alerto, mapagbantay
  • Palihim – patago
  • Titirahin – kakalabanin

Kabanata 20: Pagdating sa Albanya (Saknong 254 – 263)

Pag-ahon ay agad tumuloy sa Kinta. Kung saan ay humalik sa kamay ng kanyang ama. Iniabot ng ambasador ng bayan ng Krotona ang isang liham kay Duke Briseo.

Nakasaad sa liham na humihingi ng tulong ang lolo ni Florante na hari ng Krotona dahil ito ay napapaligiran ng mga hukbo ni Heral Osmalik.

Si Heneral Osmalik ay taga Persya na pumapangalawa sa kasikatan ni Aladin na isang gerero.

Talasalitaan:

  • Kinta – maliit na daungan (cottage)
  • Ambasador – sugong kinatawan
  • Liham – sulat
  • Nakasaad – nakalagay, nakasulat
  • Hukbo – grupo ng mga mandirigma
  • Gerero – Mandirigma

Kabanata 21: Ang Heneral ng Hukbo (Saknong 264 – 274)

Agad nagtungo sina Duke Briseo at Florante kay Haring Linceo ng malaman ang balita na pagbabanta sa Krotona.

Hindi pa man nakakaakyat sa palasyo ay sinalubong na ang mga ito ni Haring Linceo. Niyakap niya si Duke Briseo at kinamayan naman si Florante.

Nagkwento si Haring Linceo na may nakita siyang gerero sa kaniyang panaginip, na kamukha ni Florante, na siyang magtatanggol sa kaharian.

Tinanong ni Haring Linceo kay Duke Briseo kung sino ito at kung taga saan ito. Sumagot naman ito na ang kamukhang binata na iyon ay si Forante, ang anak niya.

Sa pagkamangha ni Haring Linceo ay niyakap niya ito at ginawang Heneral ng hukbo na tutulong sa Krotona.

Talasalitaan:

  • Nagtungo – nagpunta
  • Pagbabanta – babala na may halong pananakot
  • Gerero – mandirigma
  • Pagkamangha – pagkagulat
  • Hukbo – grupo ng mga mandirigma

Kabanata 22: Si Laura (Saknong 275 – 287)

Biglang may natanaw ni Florante na magandang babae. Ang taong di mabibighani sa babaeng ito ay maituturing na isang bangkay.

Ang babaeng ito ang ikinasisira ng pag-iisip ni Florante sa tuwing magugunita, ito ay si Laura anak ni Haring Linceo. Dahil sa pagkabigla ay hindi makapagbitaw ng salita si Florante.

Mapapansin din sa kaniyang mga mata ang patak ng luha.

Talasalitaan:

  • Natanaw – nakita
  • Mabibighani – mahuhulog, magkakagusto
  • Magugunita – maiisip, maaalala
  • Pagkabigla – pagkagulat
  • Makapagbitaw – makapagsabi, makapagsalita

Kabanata 23: Pusong Sumisinta (Saknong 288 – 295)

Dahil sa biglaang pagkakita kay Laura, nawala na sa diwa si Florante. Hindi na ito makapag-isip ng maayos dahil sa hindi inaasahang pagkakita muli sa kanyang mahal na si Laura.

Tatlong araw siyang piniging ng hari sa palasyo ngunit hindi man lang tinignan ni Florante si Laura. Mas matindi pa ang sakit na dinulot ng pag-ibig kaysa sa sakit ng mawalan ito ng ina.

Mabuti at nabigyan siya ng kaunting pagkakataon na makasama si Laura bago pumunta ang hukbo ni Florante sa Krotona.

Umamin si Florante na mahal pa rin niya si Laura ngunit wala itong sagot. Tumulo ang isang patak ng luha mula sa mga mata ni Laura.

Malapit ng bumigay si Laura sa mga sinasabi ni Florante ngunit nanaig pa rin ang kanyang isip.

Talasalitaan:

  • Diwa – pag-iisip
  • Piniging – pagtitipon na may maraming handa (fiesta)
  • Dinulot – resulta
  • Hukbo – grupo ng mga mandirigma
  • Nanaig – nangibabaw

Kabanata 24: Pakikipaglaban Kay Heneral Osmalik (Saknong 296 – 313)

Inatake ng hukbo ni Florante ang pwersa ng nakapaligid sa buong siyudad at halos bumigay na ang mga pader nito.

Nagkaroon ng matinding labanan at may dumanak na mga dugo. Pinapanood ni Heneral Osmalik si Florante habang kinakalaban at pinapatay ang pitong hanay ng mga moro.

Lumapit ang Heneral kay Florante na nagniningas ang mga mata at hinamon ito na labanan siya.

Umabot sa limang oras ang kanilang labanan ngunit sa huli ay nasawi rin si Heneral Osmalik.

Pinagdiwang ng mga tao sa Krotona ang tagumpay na laban ni Florante.

Talasalitaan:

  • Hukbo – grupo ng mga mandirigma
  • Dumanak – umaagos
  • Heneral – namumuno sa kaniyang grupo
  • Moro – muslim
  • Nagniningas – nagagalit

Kabanata 25: Pagsagip Kay Laura (Saknong 314 – 323)

Nanatili si Florante sa Krotona ng limang buwan. Gusto na niyang makauwi sa Albanya dahil gusto na ulit niyang masilayan si Laura.

Habang nag mamartsa ang hukbo pauwing Albanya ay nakita nila ang mga moog ng siyudad. Nakita rin niya ang bandila ng Persiya imbes na bandera ng Kristiyano.

May nakita silang grupo ng mga moro sa paanan ng bundok na may kasamang isang babae na nakatali ang mga kamay at nakatakip ang mukha.

Mukhang papunta sa lugar na kung saan ay pupugutan ng ulo ang babae. Dali-daling nilusob ni Florante ang morong nagbabantay sa babae at ito ay napatakbo.

Sinaklolohan ni Florante ang babae, tinanggal nito ang mga tali sa kamay at takip sa mukha. Ang babae pala ay si Laura.

Napatingin ng malalim si Laura kay Florante. Ang mga tingin na ito ay siyang nagtanggal ng paghihirap sa puso ni Florante. Narinig niya ang sinabi ni Laura na “Florante, Mahal ko”.

Talasalitaan:

  • Pagsagip – pagligtas, pagtulong
  • Masilayan – makita
  • Hukbo – grupo ng mga mandirigma
  • Moro – muslim
  • Nilusob – sinugod
  • Moog – napapaligiran ng pader

Kabanata 26: Pagtataksil ni Adolfo (Saknong 324 – 343)

Sinabi ni Laura kay Florante na binihag ng mga moro sina Haring Linceo at Duke Briseo.

Nag-utos si Florante na lusubin ng hukbo ang Albanya at bawiin ito sa mga kamay ng mga taga-Persiya.

Nang makapasok sa kaharian ng Albanya ay agad dumiretso sa kulungan at pinalaya si Haring Linceo at Duke Briseo.

Pinalaya na rin niya pati si Adolfo mula sa pagkakakulong dahil sa bukal na kagandahan ng loob. Muling nagdiwang ang lahat ng tao dahil lubos sa pagpapasalamat nila kay Florante, maliban kay Adolfo.

Nais pakasalan ni Adolfo si Laura dahil sa intensyon nitong makuha ang posisyon ng pagiging hari sa Albanya.

Naramdaman din niyang mahal ni Laura si Florante kaya mas lalo itong nainggit. Nagdaan ang panahon at nakaranas pa din ng pagsalakay ang Albanya katulad ng hukbo mula sa Turkiya at marami pang digmaan.

Ngunit dahil si Florante ang inaatasang maging heneral ay napapagtagumpayan nito ang lahat ng laban. Pagkatapos ng isa pang laban sa Etolia, nakatanggap siya ng liham mula kay Haring Linceo na nagsasabing bumalik na siya sa Albanya.

Ipinasa ni Florante kay Menandro ang pamamahala sa hukbo sa Etolia. Laking gulat ni Florante ng makita niyang pinaliligiran siya ng 30,000 mga sundalo sa kanyang pag-uwi at agad itong nilagyan ng gapos at ikinulong.

Labis ang pagkagulat at pagkalungkot ng malaman niyang pinatay nito sila Haring Linceo at Duke Briseo. Nasilaw si Adolfo sa kasikatan at kinain ng galit at inggit kay Florante, kaya puro paghihiganti ang nasa isip nito at pagpatay kay Florante.

Talasalitaan:

  • Binihag – ikinulong, ibinilanggo
  • Lusubin – sugurin
  • Bukal – natural
  • Pagsalakay – pagsugod, paglusob
  • Hukbo – grupo ng mga mandirigma
  • Heneral – namumuno sa kaniyang grupo
  • Etolia – magubat na rehiyon sa Greece
  • Liham – sulat
  • Gapos – tali

Kabanata 27: Nagsalaysay si Aladin (Saknong 344 – 360)

Labing walong araw na si Florante sa bilangguan. Gabi ng kinuha siya sa kulungan pagkatapos ay dinala ito sa gubat at iginapos sa puno.

Dalawang araw naman ang lumipas bago ito muling magising. Pagdilat niya ay ayun siya sa kandungan ni Aladin.

Nagpakilala si Aladin bilang taga-Persiya na anak ni Sultan Ali Adab. Sinubukan niyang ikwento ang tungkol kay Flerida at kanyang ama ngunit naunahan ito ng kanyang mga luha.

Minsan na ring nakaranas si Aladin ng madaming giyera ngunit mas nahirapan siya kay Flerida.

Masuwerte siya sa matagumpay na panliligaw kay Flerida ngunit pumasok naman sa eksena ang kanyang ama.

Kaya kahit nagtagumpay siya sa giyera sa Albania, umuwi parin siya sa Persiya na parang bilanggo.

Nabawi ni Florante ang kaharian ng Albania kaya kinakailangan na pugutan si Aladin.

May dumating na Heneral sa kulangan nito bago pa man ito pugutan. Ang Heneral ay may dala-dalang balita na hindi na raw pupugutan ito ng ulo ngunit kailangan niyang umalis sa Persiya.

Ang balitang ito ang lalong nagpahirap kay Aladin dahil mas nanaisin nalang niyang pugutan ng ulo kaysa sa mabuhay nang alam naman niyang may kasamang iba ang mahal niyang si Flerida.

Talasalitaan:

  • Nagsalaysay – nagkuwento
  • Bilangguan – kulungan
  • Iginapos – itinali
  • Heneral – namumuno sa kaniyang grupo
  • Nanaisin – gugustuhin

Kabanata 28: Si Flerida (Saknong 361 – 369)

Nang malaman ni Flerida na pupugutan ng ulo si Aladin ay nagmakaawa at lumuhod ito sa paanan ng masamang hari na si Sultan Ali Adab.

Sinabi ng sultan na kung hindi tatanggapin ni Flerida ang pagmamahal nito ay hindi nito papatawarin si Aladin at tutuluyan na mapugutan.

Dahil sa takot na mamatay si Aladin ay pumayag na ito sa kagustuhan ng sultan. Natuwa ang sultan sa naging desisyon ni Flerida kaya napahinunod niya ito at pinakawalan.

Ngunit katulad ng napag-usapan ay pinalayas niya ito sa Persiya. Sobra ang pagdurusa ni Flerida sa pagkawala ni Aladin.

Pinaghandaan ng buong Persiya ang kasal nina Flerida at ng sultan. Bago pa man maikasal ay naisipan na ni Flerida na mag damit ng pang sundalo at tumakas sa palasyo.

Pagala-gala si Flerida sa gubat ng halos ilang taon, hanggang sa isang araw ay naabutan niyang pinupwersa ni Konde Adolfo si Laura.

Talasalitaan:

  • Napahinunod – napapayag
  • Pinalayas – pinaalis
  • Pagdurusa – paghihirap
  • Tumakas – umalis o lumayo ng walang paalam
  • Naabutan – nadatnan

Kabanata 29: Mga Salaysay ni Laura at Flerida (Saknong 370 – 392)

Sa kalagitnaan ng pagkukwentuhan ni Flerida at Laura ay biglang dumating sina Prinsipe Aladin at Duke Florante. Galak na galak ang mga ito dahil kilala nila ang mga boses ng mga nagsasalita.

Tuwang-tuwa si Florante ng makita niya si Laura. Masayang-masaya ang apat dahil nakasama nila ang kanilang mga minamahal.

Nagkwento si Laura na nung umalis daw si Florante sa Albanya ay kumalat ang sabi-sabi na may nagaganap na kaguluhan sa kaharian. Ngunit ‘di matukoy kung ano ang pinagmulan nito.

Ang paniniwala ng mga tao ay si Haring Linceo ay nagmomonopolya sa mga pagkain at trigo ngunit si Adolfo pala ang nag-uutos ng pagkubkob sa pagkain.

Agad na pinatalsik ng taumbayan si Haring Linceo sa trono at pinugutan ito. Umakyat sa trono si Adolfo at binalaan niya si Laura na papatayin ito kung hindi susundin ang gusto.

Nagkunwaring gusto na ni Laura si Adolfo para makahanap ng paraan para masulatan si Florante at ikwento ang nangyari sa Albanya habang wala ito.

Ngunit huwad na sulat na may selya ng hari ang natanggap ni Florante. Nakasaad doon na umuwi siya ng mag-isa sa Albanya at iwan ang hukbo kay Menandro.

Samantalang ang sulat ni Laura ay nakarating naman kay Menandro kaya agad itong sumugod kasama ang kanilang hukbo pabalik ng Albanya.

Tumakas si Adolfo at dinala si Laura sa gubat. Dito na naabutan ni Flerida ang pagsasamantala ni Adolfo kay Laura.

Pagkatapos ay si Flerida naman ang nagkwento, nung dumating daw siya sa gubat ay may narinig siyang boses ng babae na sinasaktan.

Pinuntahan niya kung saan nagmula ang ungol at nakita niyang si Laura pala iyon na pinipilit ni Adolfo. Pinaliparan ni Flerida ng palaso si Adolfo.

Talasalitaan:

  • Monopolyo – uri ng kalakaran na kung saan ay isang kumpanya lang ang nagbibigay ng isang partikular na produkto o serbisyo
  • Trigo – uri ng bigas na ginagawang harina
  • Pagkubkob – pagsalakay
  • Tunod – shaft
  • Palaso – arrow

Kabanata 30: Wakas

Sa pagkukuwento ni Flerida ay biglang dumating si Menandro. Labis ang tuwa ng makita niya si Florante.

Nagdiwang din ang mga ehersito mula sa Etolia. Pagkalaon ay dinala ang apat sa kaharian ng Albanya.

Nagpabinyag sina Aladin at Flerida bilang isang Kristiyano at nagpakasal.

Nasawi si Sultan Ali Adab kaya bumalik na si Aladin sa Persiya.

Bumalik ang kaayusan sa kaharian dahil sa bagong pamumuno ng bagong hari at reyna na sina Duke Florante at Reyna Laura.

Talasalitaan:

  • Nagdiwang – nagsaya
  • Ehersito – hukbo, military
  • Etolia – magubat na rehiyon sa Greece
  • Nasawi – namatay
  • Pamumuno – pagpapatakbo
Loading...
Share
Tweet
Pin