Isang magsasaka ang nais manirahan sa ibang bayan kaya isang araw ay inipon niya ang kanyang mga gamit at inilulan sa kanyang alagang kabayo at kalabaw. Maaga pa ay sinimulan na nila ang mahabang paglalakbay. Makaraan ang ilang oras ay nakaramdam ng matinding pagod at pang-hihina ang kalabaw dahil sa bigat ng kanyang pasang gamit.
“Kaibigang kabayo, di hamak na mas mabigat ang pasan kong gamit keysa sa iyo. Maaari bang tulungan mo ako at pasanin mo yung iba?” pakiusap ng kalabaw.
“Aba, yan ang ipinataw sa iyong balikat ng ating amo kaya pagtiisan mo,” anang kabayo na lalo pang binilisan ang paglalakad.
BASAHIN DIN: Si Pagong at si Matsing
“Parang awa mo na tulungan mo ako. Di ko na kakayanin ang bigat ng dala ko. Nanghihina ako. Alam mo namang kailangan kong magpalamig sa ilog kapag ganito katindi ang init ng araw dahil madaling mag-init ang katawan ko,” pakiusap pa rin ng kalabaw.
“Bahala ka sa buhay mo,” naiinis na sagot ng kabayo.
Makaraan pa ang isang oras at lalong tumindi ang init ng araw. Hindi nagtagal at ang kalabaw ay iginupo ng bigat ng kanyang dala at siya’y pumanaw. Nang makita ng magsasaka ang nagyari ay kinuha niya ang lahat ng gamit na pasan ng kalabaw at inilipat sa kabayo na bahagya namang makalakad dahil sa naging napakabigat ng kanyang mga dalahin.
“Kung tinulungan ko sana si kasamang kalabaw ay hindi naging ganito kabigat ang pasan ko ngayon,” may pagsisising bulong ng kabayo sakanyang sarili.
Aral
- Maging matulungin sa kapwa.
- Kung may kakayahan kang tumulong ay huwag mong ipagdamot ito sa iba. Malaking pasanin ang gagaan kung tayo ay magtutulungan.
- Huwag maging makasarili.