Pang-uri: Ano ang Pang-uri, Halimbawa ng Pang-uri, Kaantasan, atbp.

Ano ang Pang-uri?

Ang pang-uri o adjective sa wikang Ingles ang tawag sa salita o lipon ng mga salita na naglalarawan o nagbibigay turing sa tao, bagay, pook, hayop, o pangyayari. Maari din itong maglarawan sa hugis, sukat, at kulay ng pangngalan at panghalip. Kabilang ang pang-uri sa mga Bahagi ng Pananalita o Parts of Speech.

SEE ALSO: Ano ang Pandiwa, Aspekto ng Pandiwa, Uri, at Halimbawa ng Pandiwa

Uri ng Pang-uri

May tatlong uri ng pang-uri: ang Panlarawan, Pantangi, at Pamilang.

1. Pang-uring Panlarawan

Nagpapakilala ng uri o kabagayan ng isang pangngalan o panghalip. Ito ay naglalarawan sa laki, kulay, at hugis ng tao, bagay, hayop, lugar, at marami pang iba. Inilalarawan din nito ang ang anyo, amoy, tunog, yari, at lasa ng bagay. Bukod dito, nailalarawan din ng ng mga pang-uring panlarawan ang mga katangian ng ugali, asal, o pakiramdam ng tao o hayop. Maaring gamitin sa paglalarawan ang limang pandama o five senses.

Halimbawa:

  • Maganda ang batang si Yesha.
  • Minasdan ni Norie ang kanyang sarili sa salamin na parihaba.
  • Si Keith ang babaeng nakasuot ng pulang bestida.
  • Ang matabang bata ay nakatutuwang pagmasdan.
  • Ang baho naman ng dala mo.
  • Mainit pa ang bagong saing na kanin ni Inay.
  • Masama daw ang ugali ng mag-inang iyan.
  • Magdala ka ng jacket dahil malamig sa Baguio na pupuntahan natin.
  • Masarap ba ang pagkaing niluto ni Tatay?
  • Gusto ko sanang makita ang itim na laso ni Hilda.

2. Pang-uring Pantangi

Ito ay binubuo ng isang pangngalang pambalana at isang pangngalang pantangi. Ang pangngalang pantangi (na nagsisimula sa malaking titik) ay naglalarawan o tumutukoy sa uri ng pangngalang pambalana.

Halimbawa:

  • Uwian mo ako ng puto Biñan.
  • Nagpabili si Jose ng pansit Malabon kay Wally.
  • Mahilig si Noe sa pasta at iba pang pagkaing Italyano.
  • Alam mo ba kung ano ang kulturang Espanyol?
  • Marunong ka bang magsalita sa wikang Ingles?
  • Sa paaralan ay pinag-aaral ang kultura ng mga katutubong Filipino.
  • Maasim ba ang longganisang Lucban?
  • Iba pa rin ang lasa ng lutong Pinoy.
  • Nais kong pag-aralan ang kulturang Hapon.
  • Nagsaliksik si Richard tungkol sa mga katangian ng kulturang Espanyol.

3. Pang-uring Pamilang

Ang pang-uring pamilang ay nagsasabi o nagpapakita ng bilang, dami, o posisyon sa pagkakasunod-sunod ng pangngalan o panghalip.

Halimbawa:

  • Mayroong dalawang babae na pumasok sa bahay ni Cardo.
  • Sina Popoy at Basha ay may tatlong anak.
  • Bumili ako ng isang litrong yakult sa tindahan.
  • Higit sa dalawang daang pamilya ang nawalan ng tirahan.
  • Si Pinky ang panlima sa sampung magkakapatid.
  • Pangalawang pagkakataon mo na para ipagtanggol ang iyong sarili.
  • Dalhan mo ako ng sampung matatamis na mangga.
  • Kalahating manok ang bilhin mo sa palengke.
  • May walumpung porsiyentong posibilidad na pag-ulan sa Metro Manila bukas.
  • Tatlong boto lang ang lamang ni Monalisa kay Manaloto.

Kaantasan ng Pang-uri

Mayroong tatlong kaantasan ang pang-uri: ang Lantay, Pahambing, at Pasukdol.

1. Lantay

Naglalarawan ito ng isang pangngalan o panghalip na walang pinaghahambingan.

Halimbawa:

  • Mabango ang bulaklak sa Baguio.
  • Madilaw na ang mangga ng mabili ko.
  • Si Lucy maganda.
  • Bumili ako ng pulang payong sa mall.
  • Maganda ang palabas sa sine ngayon.
  • Si Buboy ay nakasuot ng asul na short.
  • Saan kaya ako makakabili ng berdeng notebook?
  • Ang bahay ni Tasyo ay malaki at maganda.
  • Kakaunti na lamang ang natitirang puting rosas.
  • Puti ang kulay ng asong si Bantay.

2. Pahambing

Naghahambing sa dalawa o higit pang pangngalan o panghalip.

Halimbawa:

  • Magkasinghusay umawit si Ester at Lanie.
  • Magkasingdami lang ang kanin na nakalagay sa plato natin.
  • Magkasingbango ng bulaklak na dala ni Osang at ni Opang.
  • Higit na maganda ang laso ni Berta kaysa kay Mara.
  • Mas matalino si Paula kaysa kay Paulo.
  • Higit na magaling si Wanda sa pagbibilang kaysa kay Momoy.
  • Mas gusto ko pang kasama si Gab kaysa kay Morie dahil mabait siya.
  • Mas mabait ang panganay kaysa pangalawa.
  • Di-gaanong maganda ang tulay na pinagawa ni Mayor Reyes kumpara sa pinagawa ni Senador Hernandez.
  • Higit na mahusay maglaro ng basketball si Manny kaysa kay Manuel.

3. Pasukdol

Ito ang katangiang namumukod o nagngingibabaw sa lahat ng pinaghahambingan.

Halimbawa:

  • Pinakamabilis tumakbo si Jobert kaya naman siya ang pambato ng kanilang paaralan.
  • Ubod ng ganda ang dagat sa Boracay.
  • Nais kong marating ang pinakamataas na bundok sa buong Pilipinas.
  • Nakita mo na ba ang pinakamagandang babae sa ating baryo?
  • Napakamahal naman ng bili mo sa iyong pabango.
  • Gusto kong matikman ang pinakamasarap na laing na pinagmamalaki ng Bicol.
  • Ikaw ang pinakapinagkakatiwalaan ko sa lahat kaya umayos ka.
  • Huwag mong sabihin kahit kanino kung saan ko nabili ang pinakamurang sapatos na suot ko.
  • Ikaw pala ang pinakamatalino sa ating klase, bakit kaya hindi kita kinaibigan?
  • Ituturo ko sayo kung sino ang pinakagwapong estudyante ni Ginoong Ramos.

Kayarian ng Pang-uri

May apat na kayarian ang pang-uri: ang Payak, Maylapi, Inuulit, at Tambalan.

1. Payak

Binubuo ito ng salitang-ugat lamang.

Halimbawa:

  • Ang ganda pala sa Luneta.
  • Asul ang kulay ng karagatan.
  • Bulok na ang nabili kong patatas.
  • Saan kaya nakakabili ng hinog na bayabas?
  • Bago ang damit ni Susi.
  • Dilaw ang kulay ng suot niyang panyapak.
  • Hinog na ang kamatis na tanim ni Lolo Pablo.
  • Pangit ang nabili kong kangkong.
  • Luma na ang sapatos na suot ni Telay.
  • Itim ang kulay ng buhok ni Petra.

2. Maylapi

Mga salitang-ugat ito na kinakabitan ng mga panlaping ka-, ma-, main,-hin, -in, mala-, kasing-, kasim-, kasin-, sing-, sim-, -sin, at kay-.

Halimbawa

  • Kapirasong tela ang ipinantakip niya sa butas ng kanyang palda.
  • Ang bahay ni Lorna ay malaki.
  • Malalambot ang unan sa silid na ito.
  • Kaysarap palang manirahan sa Tagaytay dahil malamig ang klima doon.
  • Kaunti lamang ang pinayagang sumama sa ekskarsyon.
  • Mayaman ang napangasawa ni Sandy.
  • Mabango ang mga nilabhan ko.
  • Kayraming turista ang dumayo sa Bagiuo nitong Pasko.
  • Mabait ang anak ni Mang Juan.
  • Kaysayang pagmasdan ang mga batang nagtatawanan.

3. Inuulit

Binubuo ito sa pamamagitan ng pag-ulit ng buong salita o bahagi ng salita.

Halimbawa:

  • Dala-dalawa na ang pila ng mga sasakyan sa Edsa.
  • Sinu-sino sa inyo ang sasama sa Tagaytay bukas?
  • Mamula-mula ang pisngi ng bata.
  • Kayganda-gandang pagmasdan ang asul na karagatan.
  • Naliligo ako araw-araw.
  • Saku-sakong bigas ang nasayang dahil hindi agad ipinamigay sa mga mahihirap.
  • Dinadalaw ni Isong si Isang gabi-gabi.
  • Isa-isang pumasok ang mga mag-aaral sa kanilang silid.
  • Sari-saring gulay ang tinda ni Aling Carmen.
  • Matatamis ang bunga ng atis na tanim ni Lolo Isko.

4. Tambalan

Binubuo ng dalawang salitang pinagtambal.

Halimbawa:

  • Kung hindi ka sana ningas-kugon ay malamang natapos mo na ang proyekto mo.
  • Si Pricila ay balat-sibuyas.
  • Tayo na sa silid-aklatan para makapili tayo ng babasahing aklat.
  • Ang mga matatandang walang nag-aaruga ay dinadala sa bahay kalinga.
  • Dapit-hapon na ng dumating ang Tatay galing sa trabaho.
  • Taos-pusong nagpasalamat si Nelia sa kanyang ina dahil pinatapos niya ito sa pag-aaral.
  • Nakakatuwa ang mga taong bukas-palad na tumutulong sa iba.
  • Bukas na ang dating ng balikbayang si Candy.
  • Ano ba ang ibig sabihin ng ngiting-aso?
  • Kapit-tuko sa pwesto si Mayor.

Iba pang mga Halimbawa ng Pang-uri

1. Mabuti

Halimbawa: Mabuti ang kalooban ni Badong.

2. Berde

Halimbawa: Gusto kong kumain ng berdeng mansanas.

3. Dilaw

Halimbawa: Dilaw ba ang kulay ng araw?

4. Maputi

Halimbawa: Bakit maputi ang buhok ni Lolo Anong?

5. Matalino

Halimbawa: Ang anak ni Alma ay matalino.

6. Mayaman

Halimbawa: Mayaman sa kaibigan si Bruno.

7. Pula

Halimbawa: Ang pulang panyo ni Vilma ay terno sa kasuotan niya.

8. Mataba

Halimbawa: Bakit hindi ka bumili ng matabang guya nang may maihanda tayo sa pyesta?

9. Gwapo

Halimbawa: Nais makapangasawa ng gwapo ni Berta.

10. Mabait

Halimbawa: Ang aking kapatid ay mabait.

11. Masayang-masaya

Halimbawa: Masayang-masaya siyang nagtungo sa parke kasama ng kanyang pamilya.

12. Pinakamataas

Halimbawa: Kung bibigyan lang ako ng pagkakataon ay nais kong marating ang pinakamataas na bundok sa buong mundo.

13. Hinog

Halimbawa: Ibili mo ako ng hinog na mangga.

14. Malaki

Halimbawa: Nais kong marating ang malaking bahay ni Tonyo.

15. Dilaw

Halimbawa: Nakita mo ba ang dilaw na bag ni Mandy?

16. Puti

Halimbawa: Puti pala ang kulay ng ulap.

17. Tatlo

Halimbawa: May tatlong aso ang panay ang tahol sa bahay ni Mang Prkto.

18. Sampu

Halimbawa: Ang sampung bata na nakita ko kahapon ay mga anak ni Pokwang.

19. Mabaho

Halimbawa: Malapit sa mabahong dumpsite ang bahay nina Lito.

20. Mainit

Halimbawa: Mainit ang kape na binigay ni Lotie sa akin.

21. Napakasarap

Halimbawa: Napakasarap magluto ng suman si Aling Pepay.

22. Pinakamaganda

Halimbawa: Si Andeng ang pinakamagandang dalaga sa buong Laguna.

23. Anim

Halimbawa: Anim ang dala kong lapis.

24. Magara

Halimbawa: Ang magara niyang damit ay gawa ng sastreng si Mang Larry.

25. Higit na matalino

Halimbawa: Higit na matalino si Arnold kaysa kay Alvin.

26. Dalawa

Halimbawa: Ang anak ni Aling Tasing ay may dalawang puyo.

27. Pinakamataas

Halimbawa: Nakita mo na ba ang pinakamataas na gusali sa Maynila?

28. Pinakamura

Halimbawa: Ang pinakamurang sapatos ay mabibili sa Divisoria.

29. Hinog

Halimbawa: Hinog na bayabas ang gustong pasalubong ng batang si Carlo.

30. Pinakamahusay

Halimbawa: Nais kong maging pinakamahusay na doktor sa aming nayon.

35 Shares
Share via
Copy link