May dalawang dagang magkaibigan, sina Dagang Bayan at Dagang Bukid. Magkalayo ang kanilang mga tirahan subalit patuloy pa rin ang kanilang pagkakaibigan.
Isang araw, dinalaw ni Dagang Bayan si Dagang Bukid.
“Napakalayo ng lugar mo. Nagutom ako sa pagod. Kumain na tayo,” ani Dagang Bayan.
“Wala akong pagkain dito. Halika, maghanap tayo,” sagot ni Dagang Bukid.
“Ano? Maghahanap pa tayo?” di-makapaniwalang tanong ni Dagang Bayan.
“Oo, ganyan talaga rito sa bukid. Hahanapin mo muna ang iyong kakainin,” malumanay na sagot ni Dagang Bukid.
Naglakad silang dalawa. Sa may daan, nakakita sila ng supot. Dali-dali nila itong binuksan.
“Tinapay! Masarap na tinapay!” sabi ni Dagang Bayan.
“Teka, akin ‘yan. Ako ang unang nakakita r’yan,” sabi naman ni Dagang Bukid.
BASAHIN DIN: Si Mahistrado Kuwago
“Para walang away, hati na lang tayo,” mungkahi ni Dagang Bayan. Tango lamang ang tugon ng kanyang kaibigan.
Hinati ni Dagang Bayan ang tinapay. Iniabot niya ang maliit na bahagi kay Dagang Bukid.
“Naku, hindi pantay ang pagkakahati mo,” reklamo ni Dagang Bukid.
“Oo, nga ‘no? Bawasan natin,” sagot ni Dagang Bayan, at pagkatapos ay kinagatan niya ang mas malaking bahagi.
“Naku, lumiit naman itong isa,” sabi ni Dagang Bukid.
Kinagatan naman ni Dagang Bayan ang kabilang bahagi ng tinapay.
“Naku, lumiit nang pareho,” himutok ni Dagang Bukid.
“Para walang problema, akin na lang lahat ito. Ang susunod nating makikita ay sa iyo naman,” sabi ni Dagang Bayan sabay subo sa lahat ng tinapay.
Dito nakahalata si Dagang Bukid.
“Niloko mo ako! Paano kung wala tayong makitang pagkain?” pagalit niyang wika kay Dagang Bayan.
Dahil dito, nag-away ang magkaibigang daga at ang kanilang pagkakaibigan ay tuluyang naglaho.
Aral
- Huwag maging tuso sa kaibigan.
- Ang talino ay dapat gamitin sa tamang paraan at hindi para lamangan ang iba.