Dalawang libong taon na ang nakalilipas, may alitan ang bayan ng Banaue at Mayaoyao. Itinuturing noon na isang karangalan ang makapatay ng kalaban. Sa panahong ito nabuhay si Wigan, anak ng hari ng Banaue na si Ampual.
Minsan, si Wigan ay nangaso sa kagubatan. Nang magawi siya sa isang talon upang magpahinga, nakakita siya ng isang dalagang naliligo. Naakit siya sa kagandahan nito ngunit napansin niyang ito ay isang dayuhan at walang karapatang maligo sa lupain ng Banaue.
Papatayin na sana ni Wigan ang dalaga nang pigilin siya ng isang ahas. Nakilala niya na ang ahas ay si Lumawig, ang diyos ng kalangitan.
Sa halip na ipagpatuloy ang naunang balak, sinamahan ni Wigan ang dalaga pauwi.
Nalaman niyang ang pangaian nito ay Ma-i, anak ng hari ng Mayaoyao na si Liddum. Sa kanilang mahabang paglalakbay, nabuo ang kanilang pag-iibigan.
Pagdating sa lupain ng Mayaoyao, agad na dinakip si Wigan. Siya na ngayon ang dayuhan sa lupain ni Ma-i.
Nakiusap si Ma-i sa kanyang ama. Isinalaysay niya ang pangyayari.
“Maaaring pinaslang niya ako nang mahuli niya akong naliligo sa kanyang lupain ngunit siya ay nahabag. Sa halip, sinamahan pa niya ako pauwi nang ligtas sa anumang kapahamakan. Mahabag ka sa kanya. Ama, tulad ng pagkahabag niya sa akin,” nagmamakaawang sabi ng dalaga.
Nag-isip si Liddum. Ang kahilingan ng kanyang anak ay taliwas sa nais ng mga mamamayan ng Mayaoyao.
“Siya ay mamamatay kung hindi niya kayang ipagtanggol ang kanyang sarili,” pahayag ng hari. “Mga mamamayan ng Mayaoyao, piliin ninyo ang pinakamahusay nating mandirigma upang makatunggali ng binatang mula sa Banaue. Ang magwawagi sa labanan ang siyang magiging asawa ng aking anak.”
Sumang-ayon ang mga mamamayan ng Mayaoyao. Pinili nila ang pinakamagiting nilang mandirigma upang makalaban ni Wigan. Nagsimula na ang paghaharap ng dalawa.
Mula naman sa Banaue, dumating ang isang daang mandirigma na naghahanap sa anak ng kanilang hari. Nakita nila si Wigan na nakikipaglaban. Humanda silang maipaghiganti ito kung sakaling magagapi ito.
Sa kabutihang palad, nanalo si Wigan at naiwasan ang sana’y madugong pagtutuos ng mga maiidirigma ng Banaue at Mayaoyao.
Isang canao (handaan) ang sumunod. Si Ma-i ang namuno sa sayaw ng kasalan. Tuluy-tuloy ang pagtunog ng gansa. Umabot ang kasayahan sa loob ng siyam na araw.
Sina Wigan at Ma-i, kasama ang mga mandirigma ng Banaue, ay naglakbay pabalik sa Banaue. Habang naglalakbay, naisip ni Wigan ang kanyang ama. Matanda na ito at marahil ay naghihintay na rin itong magkaapo. Ngunit nag-asawa siya nang walang pahintulot ng ama. Sasang-ayon kaya ito sa kanyang ginawa?
Sa hagdan-hagdang palayan nagtagpo sina Wigan at Ampual. Hinanda na ng binata ang kanyang sarili.
“Sa simula ng paggawa ng ikawalong baitang ng palayan, iyon ang magiging taon ng aking pag-aasawa. Ama, narito na si Ma-i, anak ng hari ng Mayaoyao. Ang kanyang amang si Liddum at mga mamamayan nito ay naging mabait sa pagtanggap sa akin.”
BASAHIN DIN: Ang Bulkang Taal
Tiningnan ni Ampual si Ma-i. Hindi man nagsalita ay alam ni Wigan na naunawaan siya ng ang ama. Habang naglalakad ay nag-iisip si Ampual ng sasabihin niya sa mga nasasakupan. Masayang sumalubong naman ang lahat. Nagwika ang hari sa mga taga-Banaue.
“Ako ay matanda na. Hindi magtatagal at makakapiling ko na rin ang ating mga ninuno. Bago ito mangyari ay nais kong makita ang aking anak na mag-asawa at handa nang pumalit sa akin. Narito ang dalaga mula sa Mayaoyao. Mga dalaga ng Banaue, piliin ninyo kung sino sa inyo ang pinakamaganda na maaari nating itapat sa panauhing padala ni Lumawig. Mula sa dalawa, pipiliin namin ng aking anak kung sino ang higit na maganda.
Ang mapipili ay mapapangasawa ng aking anak at ang hindi ay mamamatay. Bilang gantimpala sa magwawagi, ang kanyang karanasan ay magiging alamat sa ating mga anak.”
Pumili ang mga mamamayan ng Banaue ng dalagang itatabi nila kay Ma-i. Nang sila ay makapili, lahat ay sumang-ayon na iyon na nga ang pinakamaganda sa mga taga-Banaue.
Nagtabi na ang dalawang dalaga. Tunay ngang di-pangkaraniwan ang mga kagandahang nasa harap ni Wigan ngayon.
Nagtanong si Ampual.
“Ano na nga ba ang pangalan ng dayuhan?”
“Ma-i,” tugon ni Wigan.
“Sumasang-ayon ka ba na si Ma-i ang higit na maganda?”
“Opo,” sagot ni Wigan na nagagalak sa desisyon ng ama.
Inihayag ng hari na nagwagi si Ma-i. Nagalak ang mga tao. Sa kasiyahang ito, nagwika si Ma-i.
“May isang kahilingan po ako, dakilang pinuno ng Banaue. Hayaan niyong ang dalagang aking nakatapat ay manatiling buhay nang walang kahihiyan. Ito’y upang ang kanyang karanasan ay magsilbing alamat ng ating mga anak.”
Pinagbigyan ni Ampual ang kahilingang ito ni Ma-i. Sinimulan na ang ikawalong baitang ng hagdan-hagdang palayan at naganap muli ang kasalan nina Ma-i at Wigan. Ito ang naging simula ng kapayapaan sa pagitan ng Banaue at Mayaoyao na umabot hanggang sa kasalukuyan.
Aral:
- Ang maayos na pakikipag-usap ay nagdudulot ng kapayapaan. Gulo naman ang hatid ng hindi pagkakaunawaan.
- Mas maiging piliin ang kapayapaan kaysa karahasan.