Isa sa mga kilalang pyesa sa sabayang pagbigkas lalo na sa tema para sa Buwan ng Wika ay ang isinulat ni Patrocinio Villafuerte na may pamagat na “Wikang Filipino sa Pambansang Kalayaan at Pagkakaisa”. Narito ang kanyang obra na maraming beses na ding ginamit ng ilang mga mag-aaral sa Pilipinas.
Sa bawat panahon
Sa bawat kasaysayan
Sa bawat henerasyon
May palawakan ng isip
May palitan ng paniniwala
May tagisan ng matwid
Maging ito’y magbunga ng tuwa, ng lungkot, ng galit
Sila-sila’y nagtatagpo, kayu-kayo’y nagpapangkat
Isang diwa ang nagpasya, isang wika ang ginamit
Wikang Pilipino! Wikang maka-Diyos, makabayan, makatao
Wikang naglalagos sa isipang makabansa
Wikang nanunuot sa damdaming makalupa
At paisa-isang dila, parami-raming labi, sama-samang tinig
Bumubulong, sumasatsat, humihiyaw, nagngangalit
Hinihingi’y Kalayaan! Katarungan! Kalayaan! Katarungan!
Hanggang saan susukatin?
Hanggang kailan bubuhayin?
Hanggang kailan maaangkin?
Layang mangusap, layang sumulat
Layang mamuhay, layang manalig
Layang humahalakhak, layang mangarap,
Layang maghimagsik
Maghimagsik! Maghimagsik! Maghimagsik!
A, parang isang pangarap, parang isang panaginip
Kasaysayan pala’y mababago isang saglit
Sa dakong silangan … doon sa silangan
Ang sikat ng araw … sumilip, sumikat, uminit
Sari-saring mukha, magkakabalat, magkakadugo, magkakapatid
Sama-samang gumising, magkakapit-bisig, nag-alsa’t tumindig
Lakas ng tao! Lakas ng bayan! Lakas ng daigdig!
Laban sa tirano, sa gahaman, sa mapanupil, sa mapan-lupig
Bata’t matanda, propesyonal at di propesyonal
Manggagawa, kawani, guro, mangangalakal
Mangigisda’t magbubukid, pari, madre, iskolar
Sundalo, pulis, drayber, estudyante, istambay
A, lahat-lahat na
Sa sama-samang tinig, sa sama-samang lakas
Nagkakaisa, nagkasama
Nagkasama, nagkaisa
Mga bagong bayani ng Bagong Republika
At …
Wala nang dapithapon
Wala nang takipsilim
Wala nang lungkot, takot, luha, dusa’t hinagpis
Wala nang tanda, ng dustang pagkalupig
Bagwis ng ibong dati’y pinuyian sa tinid ng galit
Ngayo’y nakalipad na … umaawit, humuhuni, umaawit
Dahil malaya
Dahil sa wika
Dahil sa lakas
Bagong kalayaa’y naririto ngayon
At nakamit natin nang buong hinahon
Ni walang digmaa’t pinapanginoon
May mabuting nasang taga sa panahon
At kung sakaling magbalik muli
Ang kasaysayang hininog ng isang madilim na kahapon
Muli, ang paisa-isang dila, ang parami-raming labi
Ang sama-samang tinig
Ang sari-saring mukha, magkakabalat, magkakadugo’t magkakapatid
Sama-samang gigising, magkakapit-bisig aalsa’t titindig
Lakas ng tao! Lakas ng bayan! Lakas ng daigdig!