Ibong Adarna Buod ng Bawat Kabanata 1-46 (with Talasalitaan)

Ang Ibong Adarna ay isang korido, isang uri ng panitikan na nasa anyong patula, na itinuturing na bahagi ng Panitikang Pilipino bagama’t ito ay hindi orihinal na nagmula sa Pilipinas.

Ang buong pamagat ng koridong ito ay β€œCorrido at Buhay na Pinagdaanan nang Tatlong Principeng Magcacapatid na Anac nang Haring Fernando at nang Reina Valeriana sa Cahariang Berbania”.

Ito ay nagmula sa di tiyak na bansa sa kontinente ng Europa kung kaya’t hindi rin tiyak ang orihinal na may akda nito. Naging sikat lamang ang Ibong Adarna ng isalin ito sa katutubong wika. Paglaon ay itinampok na rin ito sa entablado tulad ng komedya o moro-moro.

May ilan-ilan na nagsasabi na si Jose dela Cruz ang kumatha ng akda. Siya ay mas kilala sa tawag na Huseng Sisiw, isang makatang naging guro ni Balagtas sa pagtula, ang may akda ng Florante at Laura.

Mahabang panahon ang aming ginugol sa paggawa ng buod na ito kaya naman umaasa kami na makakatulong sa inyo ang aming bersyon ng Ibong Adarna buod ng bawat kabanata.

Maligayang pagbabasa! πŸ™‚

SEE ALSO:


Ibong Adarna Buod ng Bawat Kabanata at mga Talasalitaan


Ibong Adarna Buod Kabanata 1: Ang Kaharian ng Berbanya (Saknong 1 – 29)

Tanyag, sagana at mayaman ang kaharian ng Berbanya. Tahimik at payapang namumuhay ang mga tao rito. Malimit na nagkakaroon ng pagdiriwang at mga piging sa nasabing kaharian sapagkat mabuti at mapagmahal ang mga namumuno rito na sina Don Fernando at Donya Valeriana.

Sila ay may tatlong magigiting at matitikas na mga supling na sina Don Pedro, Don Diego at si Don Juan. Ang tatlong prinsipe ay kasalukuyang pinagsasanay sa pakikidigma upang sa takdang panahon ang isa sa kanila ay magmamana ng trono.

Talasalitaan:

  • Tanyag – sikat
  • Sagana – mayaman
  • Malimit – madalas
  • Supling – anak

Ibong Adarna Buod Kabanata 2: Ang Karamdaman ng Hari (Saknong 30 – 45)

Dahil sa isang bangungot, nagkaroon ng malalang sakit ang Hari na si Don Fernando. Nakita niya ang isa sa kaniyang mga anak na si Don Juan na pinaslang ng dalawang buhong at pagkatapos ay inihulog sa balon.

Hindi na halos kumakakain at natutulog ang hari dahil sa labis na pagkabalisa. Isang medikong paham ang nagsabi na ang tanging lunas daw sa sakit ng Hari ay ang awit ng isang ibong tanging matatagpuan lamang sa bundok ng Tabor partikular sa kumikinang na puno ng Piedras Platas.

Agad namang inutusan ang panganay na anak na si Don Pedro na hulihin ang natatanging lunas para sa sakit ng Hari.

Talasalitaan:

  • Bangungot – masamang panaginip
  • Pinaslang – pinatay
  • Buhong – kontrabida, taong madaling matukso ni satanas
  • Paham – matalinong tao
  • Lunas – gamot

Ibong Adarna Buod Kabanata 3: Paghahanap ni Don Pedro sa Lunas (Saknong 46 – 80)

Naglakbay ng tatlong buwan si Don Pedro bago natunton ang daan patungong Bundok Tabor. Agad naman ay nahanap ng Prinsipe ang puno ng Piedras Platas.

Nagtaka siya kung bakit wala ni isang ibon ang dumadapo rito. Sa labis na paghihintay sa pagdating ng ibong adarna, siya ay nakaidlip at hindi napansin ang pagdating ng ibon.

Dumapo ang ibon sa sanga ng puno at umawit ng pitong ulit habang nagpapalit ng kulay ng balahibo ng makapito ring ulit.

Dahil kinapamahasnan na ng ibon na dumumi bago mamahinga, hindi nagtagal ay dumumi na ito at walang anu-ano’y natapat ito sa natutulog na prinsipe at sa isang iglap ay naging isang bato.

Talasalitaan:

  • Lunas – gamot
  • Natunton – narating
  • Nakaidlip – nakatulog
  • Kinapamihasnan – nakasanayan
  • Iglap – pikitmata, sandali

Ibong Adarna Buod Kabanata 4: Pagkabigo ni Don Diego (Saknong 81 – 109)

Dahil hindi na nasilayang muli ang panganay na si Don Pedro, inatasan ng Hari ang ikalawang anak na si Don Diego upang hulihin ang ibong adarna.

Naglakbay ng limang buwan ang nasabing prinsipe. Naakit din siya sa kinang nito at napaisip kung bakit walang ibang ibon ang naaakit dito. Nagpahinga muna siya habang matiyagang naghihintay sa mahiwagang ibon ngunit dahil sa lambing ng pag awit nito, ay agad ding nakatulog.

Nasaksihan man ni Don Diego ang pagpapalit kulay ng mga balahibo nito, siya ay nanatiling bigo. Napatakan siya ng dumi nito at naging bato na rin. Nagmistulang magkatabing puntod ang magkapatid.

Talasalitaan:

  • Pagkabigo – pagkatalo
  • Nasilayan – nakita
  • Inatasan – inutusan
  • Naglakbay – naglakad, lumibot
  • Lambing – karinyo, lamyos, suyo o alo na ipinahahayag sa pamamagitan ng mahinhing salita o kilos
  • Nasaksihan – nakita
  • Puntod – nitso; libingan ng patay

Ibong Adarna Buod Kabanata 5: Paglalakbay ni Don Juan (Saknong 110 – 140)

Pagkalipas ng tatlong taon, lalong lumala ang karamdaman ng Hari. Masakit man para sa Hari ang mawalay sa pinakamamahal niyang anak ngunit wala siyang magawa kundi ang bindisyunan ang bunsong anak sa paglalakbay nito.

Natakot si Don Fernando at baka magtanan si Don Juan. Siya ay maglalakad lang papunta ng Bundok Tabor at may baong limang tinapay. Isang beses sa isang buwan lang siya kumakain.

Habang binabagtas ang daan patungo sa nasabing bundok, panay ang sambit sa Birheng Inang marilag na nawa ay matagalan ang paghihirap na dinaranas.

Sa ikaapat na buwan, tumigas na ang baon niyang tinapay. Sa gitna ng paglalakbay ay may nakita siyang ermitanyong sugatan.

Talasalitaan:

  • Paglalakbay – paglalakad
  • Pagkalipas – pagkatapos
  • Bendisyunan – basbasan
  • Magtanan – umalis ng walang paalam
  • Binabagtas – nilalakad
  • Sambit – sabi
  • Marilag – maganda

Ibong Adarna Buod Kabanata 6: Ang Ermitanyo (Saknong 141 – 198)

Nanglimos kay Don Juan ang leprosong matanda at ibinigay ang nag-iisang tirang tinapay.

Sa wakas ay nadatal na ni Don Juan ang puno at muntik nang makalimutan ang bilin ng matanda dahil sa ganda ng puno.

Nakarating ang prinsipe sa dampa at napansin ng tinapay na ibinigay niya sa leprosong matanda.

Nalaman niya na engkantado ang ibong adarna. Sa gabi lang ito masisilayan. Pitong beses iyong umaawit habang nagpapalit ng kulay ng balahibo ng makapito ring ulit.

Sa oras na umawit na ang ibon ay susugatan niya ang kanyang palad at pipigaan ng dayap upang hindi makatulog. Ipinagkaloob ng ermitanyo kay Don Juan ang sintas na Ginto upang gamitin sa paghuli ng mahiwagang ibon.

Talasalitaan:

  • Ermitanyo – taong nananahan ng hiwalay sa tao
  • Leproso – taong may ketong (leprosy)
  • Nadatal – narating
  • Dampa – mas kilala sa tawag ngayon na bahay kubo
  • Engkantado – uri ng nilalang na may angking kakayahan na iba sa ordinaryong tao o hayop
  • Masisilayan – makikita
  • Dayap – isang uri ng punong kahoy na maasim ang bunga

Ibong Adarna Buod Kabanata 7: Ang Mahiwagang Ibong Adarna (Saknong 199 – 215)

Pagdating ni Don Juan sa puno ng Piedras Platas, wala siyang natagpuang ibon kaya matiyaga nalang siyang naghintay sa pagbabalik niyon.

Malalim na ang gabi at sa wakas dumating na ang Ibong Adarna. Nagsimula na itong umawit kasabay ng pagpapalit ng kulay ng balahibo nito.

Dahil sa mahimig na awit ng ibon, dinapuan siya ng antok at muntikan nang makatulog. Upang maiwasan na maging bato, sinugatan niya ang kanyang palad gamit ang labaha at pinigaan ito ng dayap.

Dumumi ang ibon ngunit iniwasan ito ng Prinsipe. Nakatulog na ang ibon ngunit dilat ang dalawang mata at nakabuka ang malabay na pakpak nito.

Agad naman itong hinuli ng Prinsipe at ikinulong sa hawla at dinala ito sa dampa ng ermitanyo.

Talasalitaan:

  • Labaha – pang ahit o itak
  • Dayap – isang uri ng punong kahoy na maasim ang bunga
  • Malabay – malago
  • Hawla – kulungan
  • Dampa – mas kilala sa tawag ngayon na bahay kubo
  • Ermitanyo – taong nananahan ng hiwalay sa tao

Ibong Adarna Buod Kabanata 8: Pagligtas kay Don Pedro at Don Juan (Saknong 216 – 225)

Ibinilin ng ermitanyo kay Don Juan na kunin ang banga at punan ng tubig upang maging taong muli ang mga kapatid niyang naging bato.

Sinunod ng Prinsipe ang ermitanyo. Unang binuhusan ni Don Juan si Don Pedro at nabuhay itong muli at agad hinagkan ang bunsong kapatid.

Sunod namang binuhusan nito si Don Diego. Gaya ng ginawa ng panganay na prinsipe, agad din nitong niyakap si Don Juan.

Sila ay masayang nagyayakapan ngunit agad naman itong napawi sa pag-alala sa amang may sakit. Nagpunta ang tatlong prinsipe sa dampa ng ermitanyo.

Talasalitaan:

  • Ibinilin – humingi ng pabor, utos
  • Ermitanyo – taong nananahan ng hiwalay sa tao
  • Banga – uri ng lalagyan
  • Napawi – nawala
  • Dampa – mas kilala sa tawag ngayon na bahay kubo

Ibong Adarna Buod Kabanata 9: Ang Katotohanan (Saknong 226 – 256)

Naghanda ng mga masasarap na pagkain ang ermitanyo para sa tatlong magkakapatid na prinsipe.

Pagkatapos ng piging ay kumuha ng misteryosong botelya ang matanda at pinahid ito sa palad ni Don Juan at agad itong gumaling.

Nanghingi ng basbas si Don Juan sa ermitanyo sa kanilang pag alis. Habang binabagtas ang daanan pauwi ng palasyo, ang naunang si Don Juan ay walang kamalay-malay na nagbabalak na pala ang nasa likuran na si Don Pedro ng masama laban sa kanya at kinumbinsi nito si Don Diego na patayin si Don Juan.

Nung una ay mariin itong tumanggi ngunit kalauna’y pumayag din ngunit ani niya, sa halip na patayin ay bugbugin na lang daw ito. Iniwang nakabulagta ang kahabag-habag na si Don Juan.

Talasalitaan:

  • Ermitanyo – taong nananahan ng hiwalay sa tao
  • Piging – pista
  • Botelya – bote
  • Kinumbinsi – hinimok
  • Kahabag-habag – kaawa-awa
  • Binabagtas – nilalakad

Ibong Adarna Buod Kabanata 10: Kasakiman ni Don Pedro at Don Diego (Saknong 257 – 275)

Nakabalik na si Don Pedro at Don Diego tangay ang ibong adarna. Labis ang kaligayahan ng Haring may sakit at hinagkan ang dalawang taksil na prinsipe ngunit agad namang napawi ang ngiti sa kanyang labi nang mapansin na wala si Don Juan.

Labis itong nanibugho sa pagkawala ng kanyang bunso at ninais nalang mamatay. Ang ibong adarna naman ay pumangit at ayaw nang kumanta dahil taksil ang nag uwi sa kanya.

Lalong lumubha ang sakit ng Hari dahil muling naalala ang dahilan kung bakit siya nagkasakit. Umaasa ang ibong adarna na buhay pa ang tunay na nagmamay-ari sa kanya at malaman ng Hari ang kataksilang ginawa ng magkapatid.

Talasalitaan:

  • Kasakiman – katangian ng tao kung saan gusto niyang siya lang ang nagmamay-ari ng lahat
  • Tangay – dala
  • Hinagkan – hinalikan
  • Nanibugho – nalungkot
  • Taksil – traydor

Ibong Adarna Buod Kabanata 11: Panaghoy ni Don Juan (Saknong 276 – 318)

Naiwang pagapang-gapang ang kahabag-habag na prinsipe. Namamaga ang kanyang buong katawan, may pilay ang tadyang, at mamamatay na sa gutom at uhaw.

Wala siyang ibang magawa kundi ang manalangin sa mahal na birhen na nawa ay humaba pa ang buhay at gumaling ang kanyang amang may sakit.

Hindi pa rin siya makapaniwala na nagtaksil sa kanya ang dalawang prinsipe. Handa naman niyang ibigay ang ibon sa kanila kung iyon ang kanilang ibig.

Sa gitna ng kanyang paghihirap ay sinariwa niya ang Berbanya at ang inang reyna dahil sa labis na pananabik.

Talasalitaan:

  • Panaghoy – paghihinagpis
  • Kahabag-habag – kaawa-awa
  • Nagtaksil – nagtraydor
  • Sinariwa – inalala
  • Pananabik – pagkagalak

Ibong Adarna Buod Kabanata 12: Kaligtasan ni Don Juan (Saknong 319 – 339)

May biglang sumulpot na ermitanyo. Nakita nito si Don Juan na nakahandusay sa lupa. Ginamot niya sa muling pagkakataon ang prinsipe.

Agad na naglaho ang mga sugat nito na parang mahika. Labis ang pasasalamatan ni Don Juan sa ermitanyo at hinagkan ito.

Nais sanang gumanti ng utang na loob ang prinsipe ngunit tumanggi ito dahil ayon sa kanya, ito’y isang uri ng pagkakawanggawa.

Sinabi ng ermitanyo kay Don Juan na bumalik na sa Berbanya upang iligtas ang Hari at agad naman itong sumunod.

Talasalitaan:

  • Ermitanyo – taong nananahan ng hiwalay sa tao
  • Nakahandusay – nakahiga
  • Naglaho – nawala
  • Hinagkan – hinalikan
  • Pagkakawanggawa – kusang-loob na pagbibigay ng tulong
  • Sumulpot – nagpakita

Ibong Adarna Buod Kabanata 13: Pagbabalik ni Don Juan sa Berbanya (Saknong 340 – 403)

Nakabalik na ang prinsipe sa Berbanya. Nasindak ang dalawang magkapatid nang nakitang buhay pa si Don Juan.

Magalak na hinagkan ni Don Juan ang kanyang ama ngunit hindi namukhaan agad ng Hari ang anak.

Bumalik ang ganda ng ibong adarna at ito ay muling umawit. Inawit nito ang lahat ng nangyari kay Don Juan simula sa paghuli niya sa ibong adarna hanggang sa pagtataksil ng dalawang prinsipe kay Don Juan.

Kasabay nang paggaling ng Hari ay natuklasan niya rin ang buong katotohanan. Walang anu-ano’y biglang tumayo ang Hari at inutusan ang mga kawal na ipatapon ang dalawang taksil na prinsipe, subalit nakiusap si Don Juan sa Hari na β€˜wag na itong ipatapon.

Agad namang pumayag ang Hari sa hiling ni Don Juan. Niyakap ni Don Juan ang dalawa. Bumalik ang sigla ng kaharian dahil sa paggaling ng Hari.

Talasalitaan:

  • Nasindak – nagulat
  • Hinagkan – hinalikan
  • Namukhaan – nakilala
  • Pagtataksil – pagtatraydor
  • Natuklasan – nalaman

Ibong Adarna Buod Kabanata 14: Ang Pangalawang Pagtataksil (Saknong 404 – 428)

Nawili ang Hari sa ibong adarna. Oras-oras kung ito’y kanyang dalawin at hindi ito ikinatuwa ng reyna. Sa pangamba nitong makawala ang ibon, ipinabantay niya ito sa tatlong prinsipe.

Kinakausap ni Don Juan ang ibon upang hindi ito dalawin ng antok. Muling nagbalak ng masama si Don Pedro at Don Diego laban kay Don Juan.

Nagdalawang-isip si Don Diego na sumang-ayon sa plano ngunit sa huli’y pumayag din ito. Nakaidlip si Don Juan at hindi na namalayang pinakawalan na ng dalawa ang ibon.

Talasalitaan:

  • Nawili – natuwa
  • Pangamba – takot
  • Dalawin ng antok – makaramdam ng antok
  • Nagbalak – nagplano
  • Nakaidlip – nakatulog

Ibong Adarna Buod Kabanata 15: Ang Muling Pag-alis ni Don Juan (Saknong 429 – 442)

Madaling araw palang ay nagpasya nang tumakas si Don Juan dahil batid niyang magagalit ang kanyang ama kapag natuklasan nitong nakawala ang ibong adarna.

Agad na pinatawag ng Hari ang tatlong prinsipe ngunit si Don Pedro at Don Diego lang ang humarap sa Hari.

Gumawa na naman ng panibagong kasinungalingan ang dalawa ngunit sa pagkakataong ito, hindi na naniwala ang Hari sa kanila.

Sinambit nina Don Pedro at Don Diego na hahanapin nila ang taksil na si Don Juan upang maparusahan.

Naglakbay sila sa bukirin ngunit hindi nila matagpuan si Don Juan. Sa huli’y narating din nila ang kabundukan ng Armenya na pinagtataguan ni Don Juan.

Talasalitaan:

  • Nagpasya – nagdesisyon
  • Batid – alam
  • Natuklasan – nalaman
  • Sinambit – sinabi
  • Taksil – traydor
  • Naklakbay – naglakad

Ibong Adarna Buod Kabanata 16: Bagong Paraiso (Saknong 443 – 479)

Mala-paraiso ang kabundukan ng Armanya. Sagana sa lahat ng bagay ang nasabing kabundukan at maraming hayop ang naninirahan dito.

Sa bundok na ito nanirahan at nagtago si Don Juan sa takot na maparusahan ng kanyang amang hari dahil sa nagawang kasalanan.

Nahihiya nang humarap si Don Diego kay Don Juan dahil sa pagtataksil na ginawa ng dalawa dito. Bagama’t di sumang-ayon si Don Diego nung una sa plano ni Don Pedro na manirahan sa gubat kasama si Don Juan, nagtagumpay parin ito sa pagsulsol na mapapayag si Don Diego sa plano.

Tinanggap naman ni Don Juan ang dalawang kapatid na makasamang manirahan sa bundok dahil mahal niya ang mga ito.

Masayang namuhay ang tatlo sa Armenya habang nakatira sa isang magarang bahay na gawa sa kahoy. Isang araw, napagkasunduan ng tatlo na tuklasin ang hiwaga ng kabundukan ng Armenya.

Talasalitaan:

  • Sagana – mayaman
  • Pagtataksil – pagtatraydor
  • Sumang-ayon – pagpayag
  • Pagsulsol – pag-udyok, paghikayat, pagpapayag
  • Magara – maganda, kaaya-aya
  • Tuklasin – alamin

Ibong Adarna Buod Kabanata 17: Ang Balon sa Armenya (Saknong 480 – 503)

May natuklasang balon ang tatlong prinsipe, gawa ito sa marmol at gintong may mga ukit na natatabunan na ng lumot.

Nagdesisyong bumaba si Don Pedro gamit ang lubid na naroon ngunit tatlong dipa lang ang naabot nito dahil sa sobrang takot sa dilim. Sunod na sumubok si Don Diego ngunit ganun din ang kinalabasan.

Si Don Juan lang ang nakatagal sa ilalim ng balon at hindi pa ito bumabalik. Hinawa ang nararamdaman ni Don Pedro habang si Don Diego naman ay pag-aalala dahil hindi pa umaahon ang kapatid mula sa balon.

Talasalitaan:

  • Marmol – pinakinis na bato na ginagamit sa paggawa ng sahig
  • Natatabunan – natatakpan
  • Lumot – berdeng halaman na tumutubo sa matutubig na kapaligiran, pagkain ng mga isda
  • Dipa – isang metro
  • Kinalabasan – resulta
  • Hinawa – inip

Ibong Adarna Buod Kabanata 18: Si Donya Juana (Saknong 504 – 530)

Narating ni Don Juan ang pinakailalim na bahagi ng balon. Tumambad sa kanya ang isang mabulaklak na paraiso at palasyo na gawa sa ginto’t pilak.

Nakita rin niya ang isang magandang dalaga na si Donya Juana. Namangha ang dalaga dahil narating ni Don Juan ang lugar na iyon.

Lumuhod ang prinsipe sa harap ng dalaga upang magpakilala. Humingi rin ito ng paumanhin dahil sa mapangahas na pagpunta sa lugar.

Inamin ni Don Juan na may nararamdaman siyang pag-ibig sa dalaga. Hindi naman siya nabigo dahil ganun din ang nadarama nito para sa prinsipe.

Talasalitaan:

  • Tumambad – lumantad
  • Namangha – nagulat
  • Paumanhin – tawad
  • Mapangahas – matapang
  • Nabigo – palpak

Ibong Adarna Buod Kabanata 19: Bantay na Higante (Saknong 531 – 568)

Sinabi ni Donya Juana na may higante na nagbabantay sa hardin. Dumating ang higante dahil sa may naamoy siyang tao.

Nung makita ng higante si Don Juan ay laking tuwa nito dahil hindi na niya kinakailangang mamundok dahil mayroon na siyang makakain.

Nagalit si Don Juan at kinalaban ang higante gamit ang kanyang matulis na espada. Natalo ni Don Juan ang higante.

Hiniling ni Donya Juana na iligtas din ang kanyang kapatid na si Donya Leonora dahil ayaw nitong lumisan ng mag-isa.

Binalaan niya si Don Juan na mag-ingat dahil mas mabagsik ang bantay ni Prinsesa Leonora walang iba kundi ang serpyentend may pitong ulo. Mahirap itong makalaban dahil kahit na tagpasin ang ulo nito ay muling tutubo at mabubuhay.

Matatagpuan si Prinsesa Leonora sa di kalayuang palasyo. Ito ang palasyong may malaking hagdanang ginto.

Talasalitaan:

  • Lumisan – umalis
  • Mabagsik – mabangis
  • Serpyente – ahas
  • Tagpasin – pinutol
  • Matatagpuan – makikita

Ibong Adarna Buod Kabanata 20: Si Prinsesa Leonora (Saknong 569 – 617)

Nakadungaw si Prinsesa Leonora sa bintana nang makita ng Prinsipe. Higit itong maganda kaysa kay Donya Juana kaya mas nahumaling si Don Juan sa kanya.

Nagalit ang prinsesa at itinanong kung sino siya. Pinalayas ni Prinsesa Leonora si Don Juan sa lugar na iyon dahil alam niyang malapit nang dumating ang serpyente.

Nagtapat ng nararamdaman si Don Juan kay Prinsesa Leonora dahil dito ay nakalimutan nya na hinihintay pala siya ni Donya Juana sa labas.

Nangangamba ang prinsesa at baka mapako ang pangako ng Prinsipe sa kanya. Naramdaman nila ang malakas na pagyanig ng lupa.

Talasalitaan:

  • Nakadungaw – nakasilip
  • Nahumaling – nabighani, nahulog
  • Serpyente – ahas
  • Nagtapat – umamin
  • Nangangamba – takot, kaba
  • Pagyanig – pag-galaw

Ibong Adarna Buod Kabanata 21: Ang Serpyente (Saknong 618 – 658)

Umakyat ng hagdanan ang serpyente at agad itong hinarap ng Prinsipe. Muntikan na siyang lingkisin ng serpyente, buti nalang at maliksi ang prinsipe at naiwasan niya ito.

Tinagpas ng Prinsipe ang ulo ng tampalasang serpyente ngunit agad itong tumubo. Nakaramdam ng pagal ang prinsipe kung kaya’t siya’y nanalangin.

Agad namang bumalik ang lakas ng prinsipe. Nagtagal ng tatlong oras ang laban. Inihagis ni Prinsesa Leonora ang balsamo kay Don Juan upang ihasik sa natagpas na ulo ng serpyente upang hindi na ito muling tumubo.

Nagapi ng Prinsipe ang serpyente. Inilabas ng balon ni Don Juan ang dalawang prinsesa. Natuklasan ni Don Pedro at Don Diego ang pagpapakabayani ni Don Juan sa dalawang prinsesa at sumidhi nanaman ang buhi ni Don Pedro dahil sa inggit lalo pa’t nabighani ito sa ganda ni Prinsesa Leonora.

Talasalitaan:

  • Serpyente – ahas
  • Lingkisin – puluputan
  • Tinagpas – pinutol
  • Tampalasan – pasaway
  • Pagal – pagod
  • Balsamo – langis na ginagamit sa paghihilot
  • Ihasik – ikalat
  • Nagapi – natalo
  • Sumidhi – lumakas, tumindi

Ibong Adarna Buod Kabanata 22: Bagong Kataksilan (Saknong 659 – 731)

Biglang naalala ni Prinsesa Leonora na naiwan ang singsing na diyamante na bigay pa ng kaniyang ina.

Hindi man sumang-ayon ang prinsesa, binalikan pa rin ni Don Juan ang singsing. Habang bumababa ng balon ang prinsipe biglang pinutol ni Don Pedro ang pisi kung kaya’t nahulog ito.

Labis na nanlumo ang prinsesa sa kataksilang ginawa ni Don Pedro. Nang makabalik ang dalawa sa Berbanya itinanong ng Hari kung nasaan ang bunsong anak ngunit pinabulaanan nila na hindi daw nila nahanap si Don Juan.

Sa halip ay nakapagligtas sila ng dalawang dilag mula sa higante at serpyente.

Hiniling ni Don Pedro na ikasal sila agad-agad ngunit sinabi ni Prinsesa Leonora na hindi siya maaaring ipakasal pagkaraan ng pitong taon dahil siya ay may panata.

Kaya si Don Diego at Donya Juana nalang ang nagpakasal.

Talasalitaan:

  • Kataksilan – katrayduran
  • Pisi – lubid
  • Nanlumo – nanghina
  • Pinabulaanan – nilinlang, nagsinungaling
  • Dilag – magandang babae
  • Serpyente – ahas
  • Panata – taimtim na pangako

Ibong Adarna Buod Kabanata 23: Lobong Taga-pagligtas (Saknong 732 – 757)

Naabutan ng engkantadang lobo ang sugatang si Don Juan. Kumuha ito ng tatlong boteng tubig sa ilog Jordan. Nilinlang ng lobo ang mahigpit na tagapagbantay ng ilog.

Ipinahid niya ito sa katawan ni Don Juan at agad nanumbalik ang lakas. Niyakap ni Don Juan ang lobo. Nagpatuloy na sila sa palasyo upang kunin ang singsing ni Prinsesa Leonora.

Sa tulong ng lobo ay madaling nakaahon si Don Juan sa balon. Habang pauwi ng Berbanya ay nakaramdam ng pagod si Don Juan, kaya nagpahinga muna siya sa isang mayabong na punongkahoy.

Talasalitaan:

  • Engkantada – uri ng nilalang na may angking kakayahan na iba sa ordinaryong tao o hayop
  • Nilinlang – niloko
  • Nanumbalik – bumalik
  • Nakaahon – nakaakyat
  • Mayabong – malago

Ibong Adarna Buod Kabanata 24: Muling Pagpapakita ng Ibong Adarna (Saknong 758 – 794)

Nagising si Don Juan dahil sa pag-awit ng ibong adarna. Sa pag-awit nito, isinasalaysay niya ang dahilan kung bakit siya tumakas at kung ano ang masamang balak ng dalawa niyang kapatid.

Sinabihan siya ng ibong adarna na magtungo sa Reyno De Los Cristales, ang kaharian na matatagpuan sa dakong silangan.

Ang hari dito na si Haring Salermo ay isang tuso at matalinong hari at may tatlong magagandang dilag na supling na sina Prinsesa Isabel, Juana at Maria Blanca.

Dapat niyang pillin si Prinsesa Maria Blanca dahil walang kaparis ang ganda nito. Habang ang umaasang si Prinsesa Leonora ay patuloy na tumatangis sa pagkawala ni Don Juan.

Talasalitaan:

  • Isinalaysay – ikinuwento
  • Magtungo – magpunta
  • Tuso – mapanlinlang, pamanlamang
  • Dilag – magandang babae
  • Supling – anak
  • Kaparis – katulad
  • Tumatangis – umiiyak

Ibong Adarna Buod Kabanata 25: Pagtuklas sa Bagong Mundo (Saknong 795 – 831)

Tatlong taon nang naglalakbay at nawawala si Don Juan. Natagpuan siya ng isang matanda. Binigyan ito ng matanda ng durog at bukbukin sa itim na tinapay.

Inabutan din siya ng pulot-pukyutan at bumbong. Inutusan ng matanda si Don Juan na pumunta sa ikapitong bundok at hanapin ang isang ermitanyo.

Iniabot ng matanda ang isang maliit na baro at sabihin daw na galing ito sa isang matanda.

Talasalitaan:

  • Pagtuklas – pag-alam
  • Naglalakbay – naglalakad
  • Bukbukin – bulok
  • Pulot-pukyutan – pulot na ginawa ng mga pukyutan (bees), honey
  • Bumbong – silindrikong sisidlan
  • Ermitanyo – taong nnaninirahan ng hiwalay sa tao
  • Baro – damit

Ibong Adarna Buod Kabanata 26: Pagtangis ng Prinsesa (Saknong 832 – 858)

Walang tigil ang pagtangis ni Prinsesa Leonora habang si Don Juan naman ay naghahanap ng ibang kapalaran. Patuloy na nagdurusa ang prinsesa at hindi pinagbubuksan ang sinumang kumatok sa tuwing nalalaman niya na hindi iyon si Don Juan.

Nagngingitngit sa galit si Don Pedro dahil si Don Juan pa rin ang laman ng puso ni Prinsesa Leonora.

Nagdaan pa ang limang buwan na paglalakbay at natapos na ang pitong ulit na paghihirap ni Don Juan bago tuluyang nakarating sa dampa ng ermitanyo na sinasabi ng matanda.

Talasalitaan:

  • Pagtangis – pag-iyak
  • Nagdurusa – naghihirap
  • Nagngingitngit – sobrang galit
  • Dampa – mas kilala sa tawag ngayon na bahay kubo
  • Ermitanyo – taong nnaninirahan ng hiwalay sa tao

Ibong Adarna Buod Kabanata 27: Huling Bundok (Saknong 859 – 911)

Sa wakas ay nakita na rin ni Don Juan ang ermitanyo sa ikapitong bundok. Nagalit ang ermitanyo dahil binulabog ito.

Iniabot ni Don Juan ang barong nagmula sa matandang tumulong sa kaniya. Nabatid ng ermitanyo ang pakay ng prinsipe.

Ngunit sa loob ng limang daang taon ng paninirahan ay hindi pa rin nito batid ang Reyno delos Cristales.

Pinatunog ng ermitanyo ang kampana at nagdatingan ang mga hayop sa Armenya subalit wala pa ring nakakaalam kung nasaan ang reyno.

Ibinigay ng ermitanyo ang baro kay Don Juan at inutusan ang olikornyo na ihatid ito sa bahay ng kapatid ng ermitanyo. Nakita ni Don Juan ang isa pang ermitanyo na may mahabang balbas na sayad sa lupa.

Nagalit ang ermitanyo dahil binulabog ito. Inabot ni Don Juan ang ipinadalang baro ng pinanggalingan nito.

Nalaman din ng ermitanyo ang balak ng prinsipe. Ngunit sa walong daang taon ng paninirahan nito ay di rin niya batid kung nasaan ang hinahanap na kaharian.

Pinatunog din niya ang kampana at nagdatingan ang mga ibon, ngunit wala din sa mga ito ang minsang nang nakarating sa nasabing kaharian.

Talasalitaan:

  • Ermitanyo – taong nnaninirahan ng hiwalay sa tao
  • Binulabog – ginulo
  • Baro – damit
  • Nabatid – nalaman
  • Pakay – plano
  • Olikornyo – uri ng ibon

Ibong Adarna Buod Kabanata 28: Higanteng Agila (Saknong 912 – 933)

May isang higanteng agila ang biglang dumating. Nagalit ang ermitanyo dahil bilin na bilin na kapag narinig na ang tunog ng kampana ay dapat nakabalik na ang lahat ng ibon.

Humingi ito ng tawad at sinabing nanggaling pa siya sa malayong lugar. Na kahit mabilis na ang kanyang paglipad ay hindi parin umabot ito.

Sinabi ng ibon na siya ay nagtungo sa Reyno delos Cristales. Ikinuwento ng agila kung gaano karikit ang kahariang gustong puntahan ni Don Juan.

Inutusan ng ermitanyo ang ang agila na dalhin doon si Don Juan. Sinabi ng agila na ang paglalakbay ay aabutin ng mahigit isang buwan ng paglipad bago makarating sa banyo ni Maria blanca.

Ipinasama din ng ermitanyo ang laksa-laksang ibon upang may tagadala ng mga gamit at pagkain ni Don Juan.

Talasalitaan:

  • Bilin – utos
  • Nagtungo – nagpunta
  • Karikit – kaganda
  • Paglalakbay – paglalakad/paglipad
  • Laksa-laksa – marami

Ibong Adarna Buod Kabanata 29: Ang Kaharian ng Reyno De Los Cristales (Saknong 934 – 960)

Nakarating na rin sa wakas si Don Juan sa Reyno de los Cristales kahit na naubusan na sila ng pagkain sa unang buwan pa lang ng paglalakbay.

Lumapag ang agila sa banyo ni Maria Blanca. Pinagkubli ng agila si Don Juan sa halaman upang hindi ito makita.

Naaninag nila ang tatlong magagandang dilag. Ngunit mas umangat ang mala-diyosang kagandahan ni Maria Blanca kung kaya’t nabihag agad ang puso ni Don Juan.

Naghubad si Prinsesa Maria Blanca at lumusong na sa tubig. Sinamantala ni Don Juan ang pagligo ni Maria Blanca at agad kinuha ang saplot at hinalik-halikan nito.

Nagalit ang prinsesa sa pagkawala ng kanyang saplot at nagbanta na papatayin niya ang sinuman kumuha nito.

Talasalitaan:

  • Paglalakbay – paglipat o pagpunta sa isang lugar
  • Lumapag – bumaba
  • Pinagkubli – pinagtago
  • Naaninag – nakita
  • Dilag – dalagang babae
  • Nabihag – nahulog
  • Lumusong – bumaba
  • Saplot – damit
  • Nagbanta – nagbabala

Ibong Adarna Buod Kabanata 30: Si Prinsesa Maria Blanca (Saknong 961 – 1006)

Galit na galit na hinanap ni Maria Blanca ang lapastangang kumuha ng saplot niya. Agad na inilantad ni Don Juan ang sarili at agad na humingi ng tawad.

Dahil sa amo ng prinsipe ay humupa ang galit ng prinsesa. Agad na nagkaibigan ang dalawa.

Ipinakilala ni Don Juan ang sarili habang si Maria Blanca naman ay agad na binalaan ang prinsipe na tuso at matalino ang ama niyang si Haring Salermo.

Dagdag pa niya, ang sinumang nabigo sa pagsubok ng kanyang ama sa mga nanliligaw ay nagiging bato. Agad na inihanda ni Don Juan ang sarili.

Talasalitaan:

  • Lapastangan – walang-hiya
  • Saplot – damit
  • Inilantad – ipinakita
  • Humupa – kumalma, tumigil
  • Tuso – mapanlinlang, pamanlamang

Ibong Adarna Buod Kabanata 31: Unang Pagsubok ng Hari (Saknong 1007 – 1059)

Kinaumagahan ay nakita ni Haring Salermo si Don Juan. Batid na din ng hari ang pakay nito.

Pinatuloy ng hari si Don Juan ngunit magalang na tumanggi ito at naghintay ng ipag-uutos.

Inutos ng hari kay Don Juan na itanim ang isang salop ng trigo na kakaani palang at dapat ito ay mamunga kinabukasan upang may maihain sa almusal.

Tuwang-tuwa ang hari dahil mayroon na naman siyang mabibiktima. Malungkot na tumungo si Don Juan sa prinsesa at sinabing hindi niya magagawa ang pagsubok.

Inutos ni Maria Blanca na magpahinga at matulog nalamang si Don Juan dahil siya ang gagawa ng pagsubok.

Gumamit si Maria Blanca ng mahika kung kaya’t agad na tumubo ang trigo at namunga. Ipinaluto niya ito sa mga intsik at kinaumagaha’y ipinahain sa hari.

Talasalitaan:

  • Batid – alam
  • Pakay – balak, plano
  • Salop – takal
  • Trigo – uri ng bigas na ginagamit sa pag gawa ng harina
  • Ipinahain – ipinahanda

Ibong Adarna Buod Kabanata 32: Pangalawang Pagsubok ng Hari (Saknong 1060 – 1096)

Pinuntahan ni Haring Salermo si Don Juan sa hardin, inilabas ng tusong hari ang isang prasko na may labindalawang negrito sa loob.

Ikinalat ito ng hari sa karagatan at nais niyang ipahuli kay Don Juan bilang isang pagsubok. Kailangan ay makita ng hari kinaumagahan ang prasko na kumpleto ang nasa loob upang makaligtas sa kamatayan.

Malungkot na namang lumapit si Don Juan kay Maria Blanca dahil sa pangambang hindi niya mahanap lahat ang labindalawang negrito dahil sa lawak ng karagatan.

Inutos muli ni Maria Blanca kay Don Juan na siya’y pumayapa dahil siya na ang bahala. Pinagdala niya ng ilaw si Don Juan at nagtungo sila parehas sa dagat pagsapit ng ikaapat ng madaling araw.

Iniutos niya sa mga negrito na bumalik sa prasko kung hindi ay matitikman nila ang galit ni Maria Blanca. Nagmadaling umahon ang mga negrito at agad na bumalik sa loob ng prasko.

Kinaumagahan ay dinatnan ng hari sa lamesa ang praskong may labindalawang negrito. Naiinis ang hari dahil hindi niya mapatay-patay si Don Juan.

Talasalitaan:

  • Prasko – bote
  • Pangamba – takot, kaba
  • Pumayapa – mapanatag, itahimik ang loob
  • Nagtungo – nagpunta
  • Pagsapit – pagdating

Ibong Adarna Buod Kabanata 33: Paglipat sa Bundok (Saknong 1097 – 1122)

Muling nagkita sina Haring Salermo at Don Juan sa hardin. Para sa susunod na pagsubok, nais ng hari na mailipat ang bundok sa mismong tapat ng durungawan ng kanyang palasyo dahil gusto niyang makalanghap ng sariwang hangin.

Dapat ay magawa niya ito bago sumapit ang kinaumagahan. Muling lumapit si Don Juan kay Maria Blanca na malungkot.

Pinawi ng prinsesa nag kalungkutan at sinabing siya na ang bahalang gumawa ng pagsubok. Nagtungo ang prinsesa sa bundok.

Gamit ang napakalakas na hangin, pinalakad nito ang bundok malapit sa palasyo. Papasikat na ang araw ng buksan ni Haring Salermo ang durungawan nito.

Hindi akalain ni Haring Salermo na magagawa niyang muli ang pagsubok.

Talasalitaan:

  • Durungawan – bintana
  • Makalangahap – makaamoy, makalasap
  • Sumapit – dumating
  • Pinawi – tinanggal
  • Nagtungo – nagpunta

Ibong Adarna Buod Kabanata 34: Paglipat ng Bundok sa Gitna ng Karagatan (Saknong 1123 – 1179)

Iniutos ni Haring Salermo na itabon ang bundok sa gitna ng karagatan at tayuan ito ng kastilyo. Ipinagkaloob kay Don Juan ang mga kasangkapang gagamitin sa pagbuo ng kastilyo gaya ng palataw at bareta, piko, kalaykay, maso, at kutsara.

Muling nagkita sina Maria Blanca at Don Juan. Inutos ni Maria Blanca na magpahinga na lang muli ito dahil siya na ang bahala sa pinag-uutos ng ama.

Pinaandar niya ang bundok patungo sa gitna ng dagat at ito ay naging isang muog. Muling inutos ng hari na alisin ang kastilyo at ibalik ang lahat sa dati.

Ang lahat ng ito ay muling nagawa dahil sa mahika ni Maria Blanca.

Talasalitaan:

  • Itabon – itakip, ibaon
  • Kastilyo – matibay na gusaling tirahan ng mga maharlika
  • Ipinagkaloob – ibinigay
  • Kasangkapan – kagamitan
  • Patungo – papunta
  • Muog – masisilungan o bahay

Ibong Adarna Buod Kabanata 35: Paghahanap sa Nawawalang Singsing ng Hari (Saknong 1180 – 1239)

Ipinag-utos ni Haring Salermo kay Don Juan na hanapin umano ang nahulog na singsing sa ilalim ng dagat.

Pumalaot si Don Juan at Maria Blanca sa gitna ng karagatan. Inutos ni Maria Blanca na tadtarin siya ng pinung-pino at ihulog sa tubig upang maging isang isda.

Kailangan ingatan ni Don Juan na walang tumalsik na piraso ng kanyang katawan dahil hindi na ito maibabalik kapag nabuo na ang prinsesa.

Habang sumisisid ang prinsesa ay nakatulog si Don Juan. Kaya walang kumukuha ng singsing pag nalitaw ang prinsesa.

Sinubukan ulit nilang gawin ito dahil sa sunud-sunod na kapabayaan ni Juan. Tinadtad niyang muli si Maria Blanca ngunit dahil sa pagmamadali ay tumalsik ang dulo ng daliri nito.

Nakuha na ang singsing ngunit nagkulang ang dulo ng hintuturo nito. Bilin ng prinsesa na tandaan iyon bilang palatandaan ng kanyang pagkakakilanlan.

Kinaumagahan ay namangha ang hari dahil nakita niya ang singsing sa ilalim ng unan.

Talasalitaan:

  • Pumalaot – lumusong
  • Tadtarin – hiwain
  • Tumalsik – tumapon, lumipad o napaalis mula sa isang lugar o pwesto
  • Pagkakakilanlan – katangian ng isang tao para maging iba sa iba, palatandaan
  • Namangha – nagulat

Ibong Adarna Buod Kabanata 36: Pagpapaamo sa Kabayo (Saknong 1240 – 1285)

Muling tinawag ng hari si Don Juan upang bigyan ng panibagaong pagsubok. Hinamon niyang paamuhin ang isang kabayong mailap at malupit.

Batid ni Maria Blanca na ang kabayong iyon ay ang kanyang ama. Tinuruan ni Maria Blanca si Don Juan ng mga paraan ng pagpapaamo ng kabayo.

Nagawa ni Don Juan ang lahat ng sinabi Maria Blanca at nagtagumpay itong paamuhin ang kabayo.

Nakaratay ang hari kaya si Don Juan nalang ang papapasukin sa palasyo.

Maaari nang makapasok sa loob ng palasyo si Don Juan dahil sa wakas ay natapos na ang panganib na nagbabadya dito.

Talasalitaan:

  • Mailap – hindi sanay sa tao
  • Batid – alam
  • Nakaratay – may sakit, nakahiga
  • Panganib – piligro
  • Nagbabadya – nagbabanta

Ibong Adarna Buod Kabanata 37: Ang Pagpili sa Kamay (Saknong 1286 – 1333)

Muling pinapasok ng Hari si Don Juan at ibinalita na panahon na raw upang papiliin kung sino sa mga anak niya ang nais nitong pakasalan.

Mayroong tatlong silid na kung saan nandoon ang tatlong prinsesa at ang mga hintuturo lamang nito ang nakalabas.

Nilagpasan ni Don Juan ang una’t pangalawang silid. Pinili niya ang ikatlong silid dahil sa palatandaan niya ang naputol na hintuturo ni Maria Blanca.

Nagulat ang hari ng napili ni Don Juan ang bunso nitong anak. Walang itong nagawa kundi pasamahin ang bunsong anak sa prinsipe subalit ito ay may ibang binabalak.

May kautusang nagsasad na ipapadala sa Inglatera si Don Juan upang mapangasawa ang bunsong kapatid ng hari.

Nagbanta si Haring Salermo na papatayin niya si Don Juan kung lalabagin ang kautusang ito. Nalaman ni Maria Blanca ang lihim na plano ng ama kung kaya’t nagpasiya silang tumakas ni Don Juan.

Talasalitaan:

  • Silid – bahagi ng isang bahay o gusali
  • Palatandaan – marka
  • Binabalak – pinaplano
  • Nagsasaad – nagsasabing
  • Lalabagin – susuwayin, hindi susundin
  • Lihim – sikreto
  • Nagpasiya – nagdesisyon

Ibong Adarna Buod Kabanata 38: Ang Pagtakas ng Magkasintahan (Saknong 1334 – 1382)

Inutusan ni Maria Blanca si Don Juan na kuhanin ang kabayong sasakyan sa pagtakas sa ikapitong pinto, ngunit nagkamali ito at nakuha ang kabayo sa ikawalong pinto.

Wala ng panahon upang magtalo ang dalawa dahil kinakailangan na nilang tumakas. Ginamit ni Maria Blanca ang kaniyang mahika ng mapansin na hinahabol siya ng hari.

Naghulog siya ng ng mga karayom na agad naging bakal na tinik. Hindi makalabas si Haring Salermo dahil sa tinik na nakaharang. Dalawang araw niyang hinawan ang mga ito upang ipagpatuloy ang paghabol sa
dalawa.

Muling ginamit ni Maria Blanca ang kanyang mahika. Inilaglag ng prinsesa ang kanyang sabon at naging bundok ang magandang daan.

Humanap ng ibang daan ang hari para tuluyan na itong mahuli. Ngunit sa huling pagkakataon ay ginamit na naman ni Mari Blanca ang kaniyang mahika. Inihulog ng prinsesa ang dala niyang kohe upang maging
isang karagatan ang tuyong lupa.

Hindi na naabutan ng hari ang dalawa ngunit isinumpa ng hari ang kanyang anak. Isinumpa niyang makakalimot at magtataksil si Don Juan sa oras na makarating ito ng Berbanya.

Nagkasakit ang hari dahil sa matinding sama ng loob at tuluyan ng namatay. Sa pagkahaba-haba ng nilakbay ay nakarating din ang dalawa sa kaharian ng Berbanya.

Talasalitaan:

  • Pagtakas – pag-alis ng walang paalam
  • Hinawan – hinawi
  • Kohe – boteng lalagyan ng tubig
  • Magtataksil – magtatraydor
  • Nilakbay – nilakad

Ibong Adarna Buod Kabanata 39: Pangako kay Maria Blanca (Saknong 1383 – 1425)

Iniwan muna ni Don Juan si Maria Blanca sa isang nayon dahil nais ni Don Juan na mag-isang pumasok sa Berbanya upang makapaghanda ng engrandeng pagsalubong para sa prinsesa.

Tinutulan ito ng prinsesa dahil batid niya ang sumpa ng Hari na makakalimutan daw nito ang prinsesa. Ngunit hindi niya napapayag ang prinsipe kaya ibinilin lang nito na huwag titingin sa sinumang babae.

Dumating ang prinsipe sa Berbanya at labis iyong ikinatuwa ng hari ngunit siya namang ikinagalit ni Don Pedro.

Nagalit ang hari sa nalamang kataksilang ginawa ni Don Pedro kaya hinayaan na lamang ng Hari si Prinsesa Leonora kung sino ang pipiliin niya sa dalawa.

Talasalitaan:

  • Engrande – magarbo
  • Tinutulan – pinigilan
  • Batid – alam
  • Kataksilan – katrayduran

Ibong Adarna Buod Kabanata 40: Pagtataksil ni Don Juan (Saknong 1426 – 1449)

Nakatakda nang ikasal si Don Juan at Prinsesa Leonora. Nais naman ng hari na itakwil na si Don Pedro ngunit hiniling ng Prinsesa na pagkatapos ng kasal na lamang ito itakwil.

Si Maria Blanca naman ay labis na nanibugho sa pagtataksil na ginawa ni Don Juan. Kaya umisip ito ng paraan kung papaano bawiin si Don Juan.

Naisip ni Maria Blanca na magpanggap biglang isang emperatris sa kasal at sumakay sa gintong karosa na tangan ng labindalawang kabayo.

Talasalitaan:

  • Pagtataksil – pagtatraydor
  • Nakatakda – dapat na mangyari, walang makakapigil
  • Itakwil – paalisin
  • Nanibugho – nagalit
  • Emperatris – babaeng emperador o namamahala sa isang imperyo
  • Karosa – karwahe
  • Tangan – dala-dala

Ibong Adarna Buod Kabanata 41: Ang Pagbawi kay Don Juan (Saknong 1450 – 1472)

Binigyan ng parangal ang paparating na emperatris sa pamamagitan ng pagpapatugtog ng musiko at sandaling pinahinto ang kasal.

Labis na nanibugho si Maria Blanca dahil nakatuon lang ang pansin ni Don Juan kay Prinsesa Leonora.

Hiniling ni Maria Blanca sa kanyang singsing na bigyan siya ng isang prasko na may tubig. Lumitaw ang prasko na may nakasilid na dalawang maliliit na ita.

Talasalitaan:

  • Parangal – pagkilala, gantimpala
  • Emperatris – babaeng emperador o namamahala sa isang imperyo
  • Nanibugho – nagalit
  • Nakatuon – nakalaan
  • Prasko – bote
  • Nakasilid – nakalagay

Ibong Adarna Buod Kabanata 42: Ang Palabas (Saknong 1473 – 1541)

Ang dalawang ita ay mag-asawa. Sa pamamagitan ng dula-dulaan ay isinalaysay ng negrito at negrita ang mga hamon na pinagdaanan ni Don Juan habang ginagawa ang mga pagsubok ni Haring Salermo.

Hinahampas ng negrita ang pamalong hawak sa negrito sa tuwing hindi maalala ang mga pangyayari kina Maria Blanca at Don Juan.

Isinalaysay ng palabas ang lahat ng pagsubok na kinaharap nilang dalawa. Simula sa pagtatanim at pagpapamunga ng trigo hanggang sa pagpili ni Don Juan sa tatlong hintuturo ng mga prinsesa.

Pinapalo ng negrita ang asawang negrito sa tuwing hindi maalala ang salaysay ngunit si Don Juan ang nasasaktan.

Talasalitaan:

  • Dula-dulaan – pagsasalaysay ng isang kwento gamit ang kilos at salita
  • Isinalaysay – ikinuwento
  • Hamon – pagsubok
  • Trigo – uri ng bigas na ginagawsng harina
  • Hinahampas – pinapalo

Ibong Adarna Buod Kabanata 43: Ang Parusa (Saknong 1542 – 1579)

Sa kabila ng pagpapaalala ni Maria Blanca kay Don Juan ay napansin nitong hindi na niya talaga magunita ang lahat ng nagawang ala-ala.

Ngunit hindi nanghinawa ang prinsesa. Pinaalala niyang muli ang ginawa nilang pagtakas kay Haring Salermo simula sa paghulog ng karayom na naging tinik hanggang sa pagtataksil ng prinsipe sa kanya.

Subalit kahit ang mga ito ay limot na ni Don Juan. Wala na talaga ang pag-asa na maalala ni Don Juan si Maria Blanca kaya ipinatigil na niya ang palabas.

Naglahong parang bula ang dalawang ita. Hinagkan ni Maria Blanca ang prasko at bumulong. Babasagin na niya ang prasko upang gunawin ang buong kaharian.

Talasalitaan:

  • Magunita – maalaala
  • Nanghinawa – napagod, sumuko
  • Pagtakas – pag-alis ng walang paalam
  • Pagtataksil – pagtatraydor
  • Naglaho – nawala
  • Hinagkan – hinalikan
  • Prasko – bote
  • Gunawin – sirain

Ibong Adarna Buod Kabanata 44: Pag-alalang Muli (Saknong 1580 – 1680)

Sa isang iglap din ay nanumbalik ang mga ala-ala ni Don Juan at humingi ng tawad kay Maria Blanca. Nangako ito na hindi na muling mauulit ang paglimot dito.

Nalaman din ng hari ang buong katotohanan mula sa pagtira ng tatlong prinsipe sa Armenya hanggang sa pagsubok na ginawa ni Haring Salermo kay Don Juan.

Naguguluhan ang Hari kung sino ang dapat piliin ni Don Juan kaya isinangguni niya ito sa isang arsobispo. Ayon sa kanya ang piliin daw ni Don Juan ang mas nauna niyang inibig na si Prinsesa Leonora kung
kaya’t labis ang pagkagalit ni Maria Blanca.

Binasag ni Maria Blanca ang prasko at bumaha sa buong kaharian. Nakiusap si Don Juan na ihinto na ang pagbaha at ipinangako kay Maria Blanca na siya nalang ang iibigin nito.

Humingi ng tawad si Don Juan kay Prinsesa Leonora at ipinakiusap na tanggapin ang pag-ibig na laan ni Don Pedro. Noon din ang hiniling ni Don Juan na ikasal na sila ni Maria Blanca.

Talasalitaan:

  • Iglap – pikit-mata, saglit
  • Nanumbalik – bumalik
  • Isinangguni – inilapit
  • Arsobispo – pari
  • Prasko – bote
  • Laan – bigay

Ibong Adarna Buod Kabanata 45: Ang Kasalan (Saknong 1681 – 1692)

Naging makatuwiran si Haring Fernando sa pagpili ng katotohanan at kung ano ang nararapat. Nagpasya ito na ipakasal si Don Juan kay Maria Blanca habang si Prinsesa Leonora naman ay para kay Don Pedro.

Hangad sana ni Don Fernando na ipasa ang korona kay Don Juan upang maging susunod na hari. Ngunit iminungkahi ni Maria Blanca na kay Don Pedro nalang ibigay ang korona dahil paghaharian na ni Don Juan
ang Reyno delos Cristales.

Isinalin ng Arsobispo ang korona kay Don Pedro bilng hari at Prinsesa Leonora bilang reyna ng Berbanya. Pagkatapos ng kasal ay muling bumalik sina Don Juan at Maria Blanca sa Reyno delos Cristales.

Talasalitaan:

  • Makatuwiran – tuwid, tama
  • Hangad – gusto, nais
  • Iminungkahi – pagbibigay ng palagay tungkol sa isang bagay
  • Isinalin – inilipat
  • Arsobispo – mataas ng ranggo ng mga kaparian

Ibong Adarna Buod Kabanata 46: Masayang Pagwawakas (Saknong 1693 – 1717)

Laking pagtataka ni Don Juan dahil ang malayong Reyno delos Cristales ay narating nila sa loob ng isang oras.

Namayapa si Haring Salermo at ang mga kapatid ni Maria Blanca. Naabutan na payapa ang Reyno sa kanilang pagbabalik.

Malugod na tinanggap ng kaharian si Maria Blanca bilang bagong reyna. Nagkaraon ng piging kasama ang panalangin para sa namayapang ama at mga kapatid ni Maria Blanca.

Nagdiwang ang Reyno delos Cristales dahil sa bagong hari at reyna nila. Walang patid na musika at pista sa loob ng siyam na araw.

Walang sinuman ang naghirap sa kaharian dahil sa matapat na pamamalakad ng hari’t reyna. Lalo pang mas naging maunlad ang Reyno delso Cristales.

Talasalitaan:

  • Namayapa – namatay
  • Malugod – masaya
  • Piging – pista
  • Patid – tigil
  • Pamamalakad – pagpapatakbo
  • Maunlad – sagana

Kung ang buod ng Ibong Adarna na ito ay naging kapaki-pakinabang sa iyo, mangyaring ibahagi ito sa iyong mga kaklase at kaibigan.

Ano ang natutunan mo sa pagbabasa ng korido na ito? Mag-iwan ng komento sa ibaba. πŸ™‚

162 Shares
Share via
Copy link