El Filibusterismo Buod ng Bawat Kabanata 1-39 (with Talasalitaan)

Ang El Filibusterismo o Ang Paghahari ng Kasakiman sa wikang Filipino ay karugtong o sikwel ng Noli Me Tangere. Ang nobelang ito ay isinulat ni Dr. Jose Rizal noong Oktubre 1887 habang siya nagpapraktis ng medisina sa Calamba, Laguna.

Ito ay orihinal na nakasulat sa wikang Kastila at inialay niya sa tatlong paring martir na kilala sa bansag na Gomburza (Padre Gomez, Burgos, at Zamora).

Natapos ni Rizal ang El Filibusterismo noong Marso 29, 1891 na inilathala rin ng taon ding iyon. Isang kaibigan na nagngangalang Valentin Ventura ang nagpahiram diumano ng pera kay Rizal upang maipalimbag at mailathala ng maayos ang aklat noong Setyembre 22, 1891.

Sinasabing ang El Filibusterismo ay isang nobelang pampulitika na naglalayong magmulat sa kaisipan at mang-gising sa damdamin ng mga mambabasa upang ang hangaring makapagtamo ng tunay na kalayaan at karapatan ng bayan ay makamtan.

Ilan sa mga panganuhaing tauhan dito ay sina Simoun (Juan Crisostomo Ibarra), Basilio, Padre Salvi, at marami pang iba.

See also: El Filibusterismo Buod ng Buong Kwento (Maikling Buod + PDF)

Samantala, narito ang aming bersyon ng El Filibusterismo buod ng bawat kabanata pati na rin ang mga talasalitaan na ginamit sa nobela.

Enjoy reading! 🙂

El Filibusterismo Buod ng Bawat Kabanata at mga Talasalitaan

El Filibusterismo Buod Kabanata 1: Sa Ibabaw ng Kubyerta

Naglalayag sa ilog Pasig ang Bapor Tabo isang umaga ng Disyembre. Patungo ito sa Laguna at lulan sa ibabaw ng kubyerta sina Don Custodio, Ben Zayb, Donya Victorina, Kapitan Heneral, Padre Irene, Padre Salvi, at Simoun.

Mataas ang tingin ng mga tao kay Simoun dahil na rin alam nila, lalo na ng mga tao sa Maynila, na naiimpluwensiyahan nito ang Kapitan Heneral.

Dahil sa kabagalan ng bapor habang sila’y naglalakbay ay napag-usapan sa ibabaw ng kubyerta ang pagpapalalim ng ilog Pasig.

Sa kanilang usapan ay iminungkahi ni Simoun na gumawa ng tuwid na kanal na mag-uugnay sa lawa ng Laguna at sa look ng Maynila.

Nagkasagutan sila ni Don Custodio na isang opisyal na konsehal at nagbigay ng solusyon na kumbinsihin na lang diumano ang mga tao na mag-alaga ng itik. Kinakain daw kasi ng mga itik ang mga suso sa ilog. Sa ganitong paraan, huhukayin daw ng mga tao ang ilog upang may makuhang suso na kanilang ipapakain sa mga alagang itik.

Ngunit hindi nagustuhan ni Donya Victorina ang naturang suhestyon dahil nadidiri siya sa balot.

Talasalitaan:

  • Garote – bitayan na ang isang lubid na nakasilo sa leeg ng bibitayin ay napipilipit ng isang pamihit sa likod ng bibitayin hanggang mamatay sa sakal
  • Kubyerta – bahagi ng bapor
  • Pagpugay – paggahasa, pag-rape
  • Pagtutsada – pagmumura nang may paghamak
  • Panukala – mungkahi, balakin
  • Paring regular – uri ng pari, kasama sa orden o korporasyon
  • Paring sekular – uri ng pari, karaniwa’y Pilipino na walang kinasasapiang samahan o orden
  • Tandisan – tuwiran, harapan
  • Tikin – mahabang payat na kawayan na ginagamit sa pagpapatakbo ng sasakyang-pantubig sa pamamagitan ng mga bisig
  • Uldog – pari, prayle

El Filibusterismo Buod Kabanata 2: Sa Ilalim ng Kubyerta

Pumunta si Simoun sa ilalim ng kubyerta. Palibhasa’t lahat ng gamit at mga kargamento ay doon din matatagpuan kaya naman masikip sa lugar na iyon para sa mga pasahero.

Naroon sa ilalim ng kubyerta ang dalawang estudyate na sina Basilio na nag-aaral ng medisina at mahusay nang manggamot, at si Isagani na isang makata at katatapos pa lamang sa Ateneo.

Kausap ng dalawa si Kapitan Basilio kung saan nadaanan ng kanilang pag-uusap si Kapitan Tiyago. Pinauwi raw siya, ani Padre Irene na naging tagapayo ng kapitan nitong nga huling araw.

Napunta naman ang usapan sa paaralang balak ng mga estudyante tungkol sa pagtuturo ng mga Kastila. Ayon kay Kapitan Basilio ay hindi raw ito magtatagumpay. Tutol naman dito ang dalawang binata. Maya-maya pa’y lumayo na si Kapitan Basilio.

Noo’y napag-usapan nila si Paulita Gomez, ang kasintahan ni Isagani na maganda, mayaman at may pinag-aralan na pamangkin ni Donya Victorina. Ipinahahanap ng Donya kay Isagani ang kanyang asawa na si Don Tiburcio de Espadaña. Ito ay nasa bahay pa ni Padre Florentino na amain ng binata, nagtatago.

Ilang sandali pa’y dumating si Simoun at kinausap ng magkabigan. Agad na ipinakilala ni Basilio kay Simoun si Isagani.

Ani Simoun, hindi niya nadadalaw ang lalawigan nina Basilio dahil ang kanilang lalawigan ay mahirap at di makabibili ng alahas.

Tinutulan naman ito ni Isagani at sinabing hindi sila namimili ng alahas dahil hindi naman nila kailangan. Napangiti si Simoun sa sinabi ng binata. Paliwanag niya, dukha daw ang lalawigang nabanggit niya dahil ang mga pari sa simbahan ay Pilipino.

Inanyayahan ni Simoun ang magkaibigan sa pag-inom ng serbesa ngunit ito’y tinanggihan ng dalawa. Ayon kay Simoun, sinabi umano ni Padre Camorra na kaya tamad ang mga Pilipino ay dahil pala-inom ng tubig at hindi ng serbesa.

Tinugon siya ni Basilio at sinabing, “sabihin ninyo kay Padre Camorra na kung siya ay iinom ng tubig sa halip ng serbesa, marahil ay mawawala ang sanhi ng mga usap-usapan.”

Dagdag pa ni Isagani, “lumuluhod sa alak at sa serbesa na pumapatay ng apoy; na kapag pinainit ay sumusulak; nagiging malawak na dagatan at gumugunaw ng santinakpan.”

Tinananong naman ni Simoun kung ano ang itutugon niya sakaling itanong ni Padre Camorra kung kailan magiging sulak at malawak na karagatan ang tubig.

Sinagot siya ni Isagani ng “kapag pinainit ng apoy; sa sandaling ang mumunting ilog na watak-watak ay magkakasamasama sa kailalimang hinuhukay ng tao.”

Binigkas din ni Basilio ang isang tula ni Isagani tungkol sa pagtutulong ng apoy at tubig sa pagpapatakbo sa makina (steam engine). Ngunit ayon kay Simoun ay pangarap daw iyon dahil ang makina ay hahanapin pa.

Nang umalis na si Simoun ay saka lamang nakilala nang lubusan ni Isagani ang mag-aalahas na tinatawag ding Kardinal Moreno.

Pamaya-maya pa’y may dumating na utusan upang ipatawag ang pamangkin ni Padre Florentino. Ngunit nakita ng kapitan ang pari kaya ito ay inanyayahang pumanhik sa ibabaw ng kubyerta.

Talasalitaan:

  • Alintana – iniinda
  • Makihalubilo – makisama
  • Namula – napahiya
  • Paurong – paatras
  • Pinagpupugayan – ibinabalik ang pagbati
  • Sagabal – hadlang
  • Sumabat – sumingit
  • Sumugat – nakasakit
  • Tutulan – tatangihan
  • Umiral – namayani

El Filibusterismo Buod Kabanata 3: Ang mga Alamat

Naabutan ni Padre Florentino na nagtatawanan ang mga tao sa itaas ng kubyerta. Pinag-uusapan ng mga pari ang pagkamulat ng mga Pilipino at pag-uusig sa mga bayarin sa simbahan.

Pagkaraan ay dumating si Simoun. Aniya, sayang raw at hindi niya nakita ang mga dinaanan ng bapor. Wala daw kwenta sa kanya ang alinmang pook na kanyang makikita kung wala rin namang alamat ang mga ito.

Kaya naman sinimulang isalaysay ng Kapitan ang alamat ng Malapad-na-Bato.

Anang Kapitan, ito daw ay banal sa mga katutubo noong una bilang tahanan ng mga espiritu. Nang tirahan daw ito ng mga tulisan ay nawala ang takot sa espiritu, sa halip ay nasalin sa mga tulisan ang takot.

Nabanggit ng Kapitan ang alamat tungkol kay Donya Geronima at inanyayahan na si Padre Florentino ang magsalaysay ng alamat.

May magkasintahan umano sa Espanya at ang lalaki ay naging arsobispo sa Maynila. Nagbalatkayo daw ang babae, sinundan ang kasintahan sa Maynila at hinihiling na sundin nito ang pangako na magpakasal sila.

Ngunit may ibang naisip ang arsobispo. Sa halip na pakasal ay itinira niya ang babae sa isang yungib na malapit sa Ilog Pasig.

Nagandahan si Ben Zayb sa alamat. Nainggit naman si Donya Victorina at ibig ding manirahan sa kweba.

Tinanong ni Simoun si Padre Salvi ng, “Sa inyong palagay, hindi ba higit na mainam ay ilagay sa isang beateryo tulad ni Sta. Clara?” Sinagot ng pari ang tanong ni Simoun at sinabing hindi daw siya makakahatol sa mga ginawa ng isang arsobispo.

Upang mabago naman ang kanilang usapin ay isinalaysay ang alamat ni San Nicolas na nagligtas sa isang Intsik sa pagkamatay sa mga buwaya. Naging bato diumano ang mga buwaya ng dasalan ng Intsik ang santo.

Nang datnan ng bapor ang lawa ay nagtanong si Ben Zayb sa Kapitan kung saan banda doon napatay ang isang Guevarra, Navarra o Ibarra.

Itinuro naman ng Kapitan kung saan. Sa tubig ay naghanap pa ng bakas si Donya Victorina ng pagkamatay kahit labingtatlong taon na ang nakalilipas mula ng mangyari iyon.

Ayon kay Padre Salvi, nakasama daw ng ama ang bangkay ng kanyang anak. Dagdag naman ni Ben Zayb, ‘yon daw ang pinakmurang libing. Kaya naman nagtawanan ang iba.

Namutla naman si Simoun at walang kibo. Ipinagpalagay na lamang ng Kapitan na nahihilo ito dahil sa paglalakbay.

Talasalitaan:

  • Baging – halamang gumagapang
  • Bangketa – handaan
  • Muog – pader
  • Sinisiyab – binabangga
  • Taripa – buwis

El Filibusterismo Buod Kabanata 4: Kabesang Tales

Si Tandang Selo na umampon noon sa gubat kay Basilio ay matanda na. Ang anak nitong si Kabesang Tales ay isa nang Kabesa de Baranggay. May tatlo itong anak, sina Lucia, Tano, at Juli. Namatay si Lucia at ang kanyang asawa dahil sa malaria. Sina Tano at Juli na lamang ang buhay.

Yumaman na sila dahil sa tiyaga. Nakisama si Kabesang Tales sa namumuhunan sa bukid at nang makaipon ng kaunti ay nagbungkal ng lupa sa gubat. Nang maipagtanong na walang may-ari sa naturang lupa ay ginawa niya itong tubuhan.

Inisip din niyang pag-aralin na sa kolehiyo si Juli upang mapantay kay Basilio na kasintahan nito.

Nang umunlad ang bukid ay inangkin ito ng mga prayle at pinagbayad ng buwis si Kabesang Tales. Tinaasan ng tinaasan ng mga pari ang buwis at nang ‘di na kinaya ng Kabesa ay nakipag-asunto ito sa mga prayle.

Dinala ni Kabesang Tales sa korte upang maayos ang problema. Ngunit natalo ang Kabesa dahil nasa ilalim ng impluwensya ng mga prayle ang gobyerno.

Nang tuluyan nang hindi makabayad ng buwis si Kabesang Tales ay ipinaglaban pa rin niya ang lupa sa pamamagitan ng pagbabantay dito.

Sa kanyang pagbabantay ay nagdala siya ng baril na kinumpiska ng prayle. Sumunod ay itak naman ang kanyang dinala ngunit ipinagbawal itong muli ng mga pari. Sa huli ay palakol na lamang ang dinala ng Kabesa sa pagbabantay.

Kalaunan ay dinakip ng mga tulisan si Kabesang Tales dahil may perang nakita sa kanya at nakakapagbayad ng abogado para sa kaso niya. Ipinatubos naman siya sa halagang 500.

Upang may maipantubos sa ama ay ibinenta ni Juli ang kanyang mga alahas liban sa bigay ng kanyang nobyo na isang laket na pagmamay-ari ni Maria Clara.

Nang ‘di sumapat ang perang pantubos ay namasukan siyang katulong sa tahanan ni Hermana Penchang.

Bisperas noon ng Pasko kaya kinabukasan ay maninilbihan na siya bilang isang alila. Dahil sa pangyayaring ito ay hindi na nakapag-aral si Juli.

Masalimuot naman ang naging panaginip ng dalaga ng gabing iyon.

Talasalitaan:

  • Buwis – tungkulin; bayad sa gobyerno; tax
  • Gulok – isang malaking kutsilyo; bolo
  • Kabesa de Barangay – pinuno ng Nayon noong panahon ng Kastila
  • Manilbihan – maglingkod
  • Naidlip – nakatulog
  • Nilinang – tinamnan
  • Pag-asenso – pag-unlad
  • Palayok – isang lalagyan para sa pagluluto; kaldero
  • Pusod – gitna
  • Sinamsam – kinuha o ipinatapon
  • Tulisan – taong humaharang sa mga taong naglalakbay upang magnakaw

El Filibusterismo Buod Kabanata 5: Ang Noche Buena ng Isang Kutsero

Gabi na noon at kasabay ng pag-uwi ni Basilio sa bayan ng San Diego ay ang nagaganap na prusisyong pang-noche Buena. Nalimutan ng kutserong si Sinong ang kanyang sedula kaya’t ito’y kinakailangang bugbugin muna ng mga guwardiya sibil.

Pagkatapos ay napag-usapan nila ang imahen ni Metusalem, ang pinaka-matandang taong nabuhay sa mundo. Kasunod nito’y idinaan ang mga imahen ng tatlong Haring Mago. Dahil dito’y naalala ni Sinong si Haring Melchor na kayumanggi ang balat.

Itinanong ng kutsero kay Basilio kung nakawala na ang kanang paa ni Bernardo Carpio na naipit sa kabundukan ng San Mateo. Pinaniniwalaan kasi na hari ng mga Pilipino si Bernardo Carpio na makakapagpalaya diumano sa bayan.

Pagkaraan ay nadaan rin nila ang ilang mga imahen, ang huli sa mga ito ay ang imahen ng birheng Maria na tila malungkot.

Nahuli muli si Sinong dahil hindi niya namalayang namatay na ang ilaw ng kanyang kalesa. Sa pagkakataong ito ay dinala na sa presinto ang kutsero kaya bumaba na lamang si Basilio at naglakad.

Sa paglalakad ni Basilio ay napansin niya na wala masyadong parol ang mga bahay at tahimik ang karamihan maliban sa bahay ni Kapitan Basilio na puno ng kaligayahan. Nakita niya dito ang alperes, ang kura, at si Simoun.

Nakarating din si Basilio sa bahay ni Kapitan Tiyago kung saan siya’y binati ng mga katiwala. Ikinuwento ng mga ito kay Basilio ang tungkol sa mga pangyayari sa bukid kung saan maraming namatay na hayop at katiwala at sa balitang nadakip si Kabesang Tales, ang ama ng kanyang nobyang si Juli.

Talasalitaan:

  • Ipipiit – ikukulong
  • Karumata – kalesa
  • Kinulata – hinampas; pinukpok ng baril
  • Kutsero – taong nagpapatakbo ng kalesa
  • Natubigan – natigilan
  • Pitagan – paggalang
  • Sambalilo – sumbrero
  • Takba – tampipi

El Filibusterismo Buod Kabanata 6: Si Basilio

Nang sumapit ang madaling-araw ay umalis ng tahimik si Basilio sa bahay ni Kapitan Tiyago saka nagtungo sa gubat ng mga Ibarra. Anibersaryo kasi ng pagpanaw ng kanyang ina sa mismong gubat na iyon. Ipinagdasal niya ang kaluluwa ng kanyang ina at inalala ang mga pangyayari labing-tatlong taon na ang nakararaan.

Naalala niya na may isang lalaki na sugatan. Inutusan siyang maghakot ng kahoy na ipansusunog sa kanyang ina at sa lalaki. May isa ring lalaki na tumulong sa kanya sa paglilibing sa lalaking sugatan pati na rin sa kanyang ina.

Pagkaraan ng mga pangyayaring iyon ay umalis na si Basilio sa gubat at lumuwas sa Maynila.

Sa sobrang hiraap at gutom ay ninais na niyang magpasagasa sa mga karwaheng dumadaan. Sakto namang dumaan ang karwahe ni Kapitan Tiyago na lulan din si Tiya Isabel. Kapapasok pa lamang ni Maria Clara noon sa kumbento at pauwi na sana nang madaanan nila si Basilio.

Isinama si Basilio ni Kapitan Tiyago at naging katulong siya sa bahay nito. Wala siyang sweldo ngunit ang kapalit ng kanyang paninilbihan ay pinag-aral naman ng Kapitan si Basilio sa Letran.

Sa unang taon ng kanyang pag-aaral ay wala siyang nabibigkas kundi ang pangalan niya at ang salitang “adsum” o narito po. Minamaliit din siya doon dahil sa kanyang luma at gulanit na kasuotan. Gayunpaman ay lagi siyang nagsasaulo ng leksiyon.

Nagkaroon ng isang gurong Dominiko si Basilio. Minsan ay tinawag niya ang binata upang lituhin ito sa pagtatanong ng leksyon. Subalit sinagot siya ni Basilio nang tuloy-tuloy at walang kagatul-gatol. Dahil dito’y tinawag siyang loro ng propesor sa gitna ng katuwaan ng klase.

Nang minsang bigyan muli ng guro si Basilio ng katanungan ay nasagot niya muli ang mga ito. Sa pagkakataong ito ay wala ang inaasahang katatawanan.

Dahil dito’y napahiya ang Dominiko at sumama ang loob kay Basilio. Nagkaroon pa sila ng alitan at hamunan sa labanang gagamitan ng sable at baston.

Natutuwa namang iniharap siya ng mga mag-aaral sa kanilang propesor. Mula noon ay nakilala na at nakatuwaan si Basilio. Siya ay nagkaroon ng markang sobresaliente.

Dahil masikap sa pag-aaral si Basilio ay hinikayat siya ni Kapitan Tiyago na lumpat sa Ateneo Municipal. Namumuhi kasi si Kapitan Tiyago sa mga prayle mula nang magmongha si Maria Clara. Doon ay pinili ni Basilio ang pag-aaral ng medisina dahil ito rin naman ang kanyang hilig.

Sa kanyang ikatlong taon ay marunong nang manggamot ang binata kaya ng makaipon ay nakapagbihis na siya nang maganda at nakapag-ipon din nang kaunti.

Nasa huling taon na ng pag-aaral ng medisina si Basilio at kapag nakatapos ng pag-aaral ay pakakasal na sila ni Juli.

Talasalitaan:

  • Aprobado – mainam na marka
  • Bunton – tambak o tumpok
  • Dalamhati – paghihirap ng kalooban
  • Dupikal – sunod-sunod na tunog ng kampana
  • Gatol – hindi nagdadalawang isip o sigurado
  • Naaninag – makita
  • Nauliningan – narinig
  • Pagsisiga – pagsusunog
  • Primer ano – unang taon
  • Sable – espada
  • Sipilis – isang uri ng sakit na nakukuha sa pakikipag talik
  • Sobresaliente – pinakamataas o pinakamahusay na marka
  • Tanyag – Sikat
  • Tari – sandata na kinakabit sa paa ng panabong na manok sa tuwing labanan
  • Tinalunton – hinarap

El Filibusterismo Buod Kabanata 7: Si Simoun

Uuwi na sana si Basilio nang may nakita siyang liwanag na paparating at makarinig ng yabag. Nagtago siya sa puno ng baliti at sa kabilang dako ng punong kanyang pinagtaguan ay tumigil ang taong dumating. Nagsimula itong maghukay gamit ang asarol.

Nakilala siya ni Basilio. Ang taong dumating ay ang mag-aalahas na si Simoun. Siya rin ang taong tumulong sa paglilibing sa kanyang ina at sa lalaking sugatan labing-tatlong taon na ang lumipas.

Lumabas sa pinagtataguan si Basilio at lumapit kay Simoun upang tumulong sa paghuhukay. Ngunit tinutukan siya ng baril ni Simoun at itinanong kung siya daw ba ay nakikilala nito.

Tumugon si Basilio at sinabi na nakikilala siya nito. Siya diumano ang taong tumulong sa kanya labing-tatlong taon na ang nakalilipas. Inakaala ng lahat na siyang patay na ngunit kinilala siya ni Basilio na ang lalaking kausap ay walang iba kundi si Ibarra.

Ani Simoun, malaking sikreto ang nalalaman ni Basilio kaya di niya pagsisihan na patayin ito dahil ayaw niyang maburilyaso ang kanyang planong paghihiganti.

Ngunit dahil sa halos pareho sila ng sinapit ni Basilio at uhaw din sa katarungan ay dapat daw silang magtulungang dalawa.

Inamin ni Simoun na siya nga si Ibarra at ikinuwento na nilibot niya ang buong daigdig upang magpayaman upang sa kanyang pagbabalik ay mapabagsak ang pamahalaang sumira sa kanyang buhay.

Siya raw ay bumalik upang gisingin ang damdamin ng bayan sa paghihimagsik laban sa pagmamalabis ng taong pamahalaan at simbahan.

Di rin sang-ayon si Ibarra sa plano nina Basilio na pagtatayo ng paraalan ng Wikang Kastila at sa paghingi nilang gawing lalawigan ng Espanya ang Pilipinas at bigyan ng pantay na karapatan ang mga Kastila at Pilipino.

Ayon kay Simoun, magbibigay lamang daw ito ng daan sa Pilipinas sa pagiging bayang walang sariling pagkukuro, walang kalayaan at pati kapintasan ay hiram dahil sa pagpipilit manghiram ng wika.

Katwiran naman ni Basilio, ang kastila umano ay isang wikang magbubuklod-buklod sa mga pulo ng Pilipinas.

Bagay na pinabulaanan ni Simoun. Kailan man ay di raw magiging wikang pangkalahatan sa bayang ito ang wikang Kastila. Iilan lamang daw ang nakapagsasalita ng Kastila at ang iilang ito ay mawawalan ng sariling kakayahan, magpapailalim sa ibang utak, at paaalipin.

Tinuligsa ni Simoun ang mga pangkat na naghahangad luminang sa wikang Kastila at di sa kaalamang magsalita o sumulat sa sarili nilang wika pati ang mga nagpapanggap na di sila maalam magsalita at umunawa ng sariling wika.

Dagdag pa ni Simoun, mabuti raw kung ayaw silang turuan ng mga Kastila ng kanilang wika. Mas maigi umano na paunlarin ang isang katutubong wikain nang mawala ang pagtatangi-tangi at magkaroon ng mga layuning pambansa.

Dapat din ay huwag hayaang magpalagay ang Kastila na sila ang panginoon dito at sila’y bahagi ng bayang ito kundi sila’y mga manlulupig at dayuhan. Sa gayon daw ay mas matatamo nina Basilio ang tunay na paglaya.

Inamin ni Simoun na ito ang dahilan kung bakit hinayaan niyang mabuhay si Basilio, Isagani at Makaraig na binalak niyang patayin dahil baka maging hadlang ang mga ito sa pinaplano niyang paghihiganti.

Paliwanag naman ni Basilio, ‘di daw siya isang pulitiko. Napalagda lamang siya sa kahilingang tungkol sa paaralan dahil inaakala niyang iyon ang mabuti. Ngunit sa panggagamot daw talaga ang hilig niya.

Sa kasalukuyang kalagayan daw ng lipunan ay hindi makapanggagamot nang mahusay si Basilio ayon kay Simoun dahil mas dapat umanong unahing gamutin ang sakit ng bayan.

Ngunit para kay Basilio, kaya nga daw niya pinili ang siyensiya ay upang makapaglingkod sa bayan. Kalaunan ay nauwi sa kadakilaan ng karunungan ang pag-uusap nina Basilio at Simoun.

Napansin ni Simoun na tila hindi naantig ang kalooban ni Basilio kaya tinuya niya ito. Ani Simoun, wala namang ginagawa si Basilio kundi tangisan ang bangkay ng kanyang ina na parang isang babae. Tutulungan daw niya si Basilio sa paghihiganti.

Ngunit ano naman daw ang mapapala niya sa paghihiganti kung hindi naman daw mabubuhay ang kanyang ina at kapatid kahit gawin niya ito, sagot ni Basilio.

Ngunit tinugon siya ni Simoun na ang pagpapaumanhin ay ‘di laging kabaitan, ito’y kasalanan kung nagbibigaay-daan sa pang-aapi. Walang mang-aalipin kung walang paaalipin.

Saka ipinaalala ni Simoun na sa pag-aaral ni Basilio ay maaaring danasin nito ang dinanas ni Ibarra. Nagtaka si Basilio. Siya na raw ang inapi ay siya pa ang kamumuhian.

Ani Simoun, likas sa tao ang mamuhi sa kanyang inaapi.

Ngunit ‘di naman daw sila pinakikialaman ni Basilio kaya pabayaan daw nila siyang makagawa at mabuhay.

Tinugon naman ni Simoun si Basilio at sinabing magkakaanak din ito ng mababait na alipin at ang mga damdaming mabuti o masama ay mamamana ng kanyang magiging anak.

Dagdag pa ni Simoun, walang hangad si Basilio kundi isang munting tahanan, kaunting kaginhawahan, isang asawa; isang dakot na bigas; mithiin rin ng marami sa Pilipinas, at kung iyan ay ibigay sa kanila, ituturing nilang sila’y mapalad na.

Matapos sabihing ‘di niya pinagbabawalan si Basilio sa pagbubunyag ng kanyang lihim ay sinabing kung may kailangan si Basilio ay magsadya lamang ito sa kanyang tanggapan sa Escolta.

Nagpasalamat naman si Basilio at iniiwan si Simoun na nag-iisip. Di raw kaya niya napaniwala si Basilio sa paghihiganti o may balak din itong maghiganti ngunit naglilihim lamang at nais sarilinin o sadyang wala nang hangad na maghiganti?

Ngunit lalong nagtumining sa loob ni Simoun ang matinding nasa na makapaghiganti.

Talasalitaan:

  • Agam-agam – alinlangan
  • Alatiit – tunog
  • Asarol – kagamitang panghukay
  • Dumanak – dumaloy
  • Kasagwaan – kapangitan
  • Lihis – salungat
  • Magpakita – lumantad
  • Mulala – tanga; hangal; walang malay; inosente
  • Mulato – mestisang negro
  • Nagkikibit-balikat – nagwawalang-bahala
  • Natigatig – natinag; nabahala
  • Paghahabol – pagtugis
  • Rebolber – maikling baril

SEE ALSO: Ibong Adarna Buod ng Bawat Kabanata 1-46 (with Talasalitaan)

El Filibusterismo Buod Kabanata 8: Maligayang Pasko

Kinaumagahan ay agad na tinungo ni Juli ng kinalalagyan ng Mahal na Birhen upang alamin kung may dalawandaan at limampung piso na sa ilalim nito.

Sa kasamaang palad ay hindi naghimala ang Mahal na Birhen kaya inaliw na lamang niya ang sarili at inayos ang damit na dadalhin pagtungo sa tahanan ni Hermana Penchang.

Dahil Pasko noon kaya ang mga bata ay binibihisan nang magara ang kanilang mga anak upang magsimba at pagkatapos ay dadalhin sa kanilang mga ninong at ninang upang mamasko.

Nagpunta sa bahay ni Tandang Selo ang kanilang mga kamag-anak upang mamasko ngunit nang babatiin na niya ang mga ito ay laking gulat niya na walang salitang lumabas sa kaniyang bibig.

Pinisil niya ang kanyang lalamunan, pinihit ang leeg at sinubukang tumawa ngunit kumibut-kibot lamang ang kanyang mga labi. Ang ingkong ni Juli ay napipi.

Talasalitaan:

  • Alatiit – pigil na salita
  • Ingkong – lolo
  • Ketong – sakit sa balat na umaagnas sa laman ng tao at nag-aalis ng pakiramdam
  • Nakapinid – nakasara
  • Nananagis – umiyak
  • Salabat – paboritong inumin ng karaniwang Pilipino. Ito ay dinikdik na luya, pinakuluan sa sapat na tubig at minamatamisan ng panotso o asukal
  • Sinunong – ipinatong sa ulo
  • Tampipi – sisidlan ng damit na yari sa kawayan o buli

El Filibusterismo Buod Kabanata 9: Ang mga Pilato

Naging usap-usapan sa bayan ang mga nangyari kay Tandang Selo. Karamihan sa mga tao ay walang pakialam samantalang ang iba ay walang habas kung pagtsismisan ang matanda.

Anang ilan, kung di lamang daw umalis si Kabaesang Tales ay baka hindi hindi daw nangyayari iyon kay Tandang Selo. Nag-usap-usap din ang mga ito kung sino ba ang may kasalanan kaya nangyari ang kamalasan kay Tandang Selo.

Ibinunton naman ni Hermana Penchang ang sisi sa lolo ni Juli. Aniya, parusa raw ito dahil sa kakulangan ng pagdadasal at hindi pagturo ni Tandang Selo kay Juli nang maayos.

Nang mabalitaang ng Hermana na tutubusin ni Basilio ang kasintahan ay sinabi niyang ang binata ay isang demonyong nag-aanyong estudyante na ibig magpahamak sa kaluluwa ng dalaga.

Samantala, nakauwi na si Kabesang Tales dahil sa tulong ng salaping napagbilhan ng mga alahas ni Juli at nautang ng dalaga kay Hermana Penchang.

Nalaman din niyang nagpaupang utusan si Juli, ang kanyang lupa ay pagmamay-ari na ng iba, at napipi ang amang si Tandang Selo.

Pinapaalis na din siya sa kanyang bahay sa utos na rin ng hukuman at binigyan lamang ng tatlong araw para maialis ang lahat ng kanilang gamit. Ito nama’y ikinatuwa ng mga pari at ng bagong may-ari ng kanyang lupa.

Dahil sa mga kaganapang ito ay naupo lamang sa isang tabi ang Kabesa at nanatiling walang kibo.

Talasalitaan:

  • Mabubulid – mahuhulog
  • Matutudla – tatamaan
  • Nabalisa – nag-alala; hindi mapakali
  • Nagkibit – balikat – pinagsawalang-bahala
  • Paglusob – pagsalakay
  • Pagsanggalang – pagtatanggol
  • Sumasalungat – tumututol

El Filibusterismo Buod Kabanata 10: Kayamanan at Karalitaan

Nakipanuluyan si Simoun sa bahay ni Kabesang Tales na nasa pagitan ng bayan ng San Diego at ng Tiyani. Naghihirap na noon si Kabesang Tales samantalang dala nang lahat ni Simoun ang pagkain at ibang kailangan at dalawang kaban ng mga alahas.

Ipinagmalaki rin niya sa Kabesa ang dala niyang rebolber. Maya-maya pa’y nagdatingan na ang mga mamimili ng alahas.

Doon ay dumating sina Kapitan Basilio, ang anak nitong si Sinang at asawa nito, at si Hermana Penchang na mamimili ng isang singsing na brilyante para sa birhen ng Antipolo. Binuksan ni Simoun ang dalawang maleta ng alahas na may iba’t ibang uri, ayos, at kasaysayan.

Inilabas ni Simoun ang mga bago niyang hiyas at doon namili si Sinang. Sinabi rin ni Simoun na namimili rin siya ng alahas. Tinanong niya si Kabesang Tales kung may ipagbibigli itong alahas.

Iminungkahi ni Sinang ang kwintas na agad tinawaran ni Simoun ng limandaang piso nang makilala niyang kay Maria Clara nga iyon na kanyang kasintahan na nagmongha.

Ngunit ayon kay Hermana Penchang ay hindi daw dapat iyon ipagbili ni Kabesang Tales dahil minabitu pa ni Huli ang paalila kaysa ipagbili iyon. Isangguni raw muna ni Kabesang Tales sa anak ang bagay na iyon na sinang-ayunan naman ni Simoun.

Nang lumabas ng bahay si Kabesang Tales ay natanawan niya ang prayle at ang bagong may-ari ng kanyang lupa.

Kinabukasan, wala na si Kabesang Tales sa kanyang tirahan. Nawawala rin ang rebolber ni Simoun at ang naroroon lamang ay isang sulat at kuwintas ni Maria Clara.

Humingi ng paumanhin si Kabesang Tales sa pagkuha niya ng baril ng mag-aalahas dahil kinailangan niyang sumapi sa mga tulisan. Pinagbilinan din niya si Simoun na mag-ingat sa mga tulisan dahil mapahamak ang mga ito.

Si Tandang Selo ay hinuli ng mga gwardiya sibil. Natuwa naman si Simoun dahil sa wakas ay natagpuan na niya ang taong kanyang kailangan, isang pangahas ngunit marunong tumupad sa mga pangako.

Samatala, tatlo ang pinatay ni Kabesang Tales ng gabing iyon: ang prayle, ang lalaking gumagawa sa lupa, at ang asawa nito na putol ang leeg at puno ng lupa ang bibig. Sa tabi ng bangkay ng babae ay may papel na may nakasulat na “Tales” na isinulat ng daliring isinawsaw sa dugo.

Talasalitaan:

  • Indulgencia – utang na loob
  • Karalitaan – kahirapan; dalita; sakuna
  • Kayamanan – pag-aari; mga mahalagang bagay na naipon o naitago; bagay na mataas ang halaga; pagkaingat- ingatan
  • Lantay – tunay
  • Lugmok – nakalubog
  • Mahalughog – halungkatin; suriin mabuti
  • Nagdarahop – naghihirap
  • Namamalikmata – di-makapaniwala
  • Narahuyong – naakit
  • Niyurakan – sinira
  • Panggigilalas – pagkagulat
  • Umaalipusta – nanglalait

El Filibusterismo Buod Kabanata 11: Los Baños

Nangaso ang Kapitan Heneral sa Boso-Boso ngunit wala siyang nahuli dahil natatakot ang mga hayop sa dala niyang musiko. Ikinatuwa naman ito ng Heneral dahil ayaw niyang malaman ng mga kasama na wala siyang alam sa pangangaso. Kaya naman sila ay umuwi na lamang sa bahay ng Kapitan Heneral.

Sa isang bahay-aliwan sa Los Baños ay naglaro ng baraha sina Padre Irene, Padre Sybila at ang Kapitan. Naiinis naman si Padre Camora dahil lagi siyang talo. Hindi nagtagal ay pinalitan siya ni Simoun sa paglalaro.

Pumayag si Simoun na itaya ang kanyang mga alahas sa kondisyong ipupusta ng mga prayle ang pangakong magpapakasama sa loob ng limang araw. Sa Kapitan Heneral naman ay ang pagbibigay ng kapangyarihan kay Simoun na magpakulong at magpatapon ng kahit na sinong kanyang nanaisin.

Dahil sa mga kakaibang kundisyong ito ng pagsusugal ay napalapit sina Don Custodio, Padre Fernandez at ang Mataas na Kawani. Ang Mataas na Kawani ay nagtanong kung ano ang mapapala ni Simoun sa kanyang mga hiling.

Tinugon ito ni Simoun na para daw luminis ang bayan at maalis na lahat ang masasamang damo.

Iniisip ng mga nakarinig na kaya ganun na lamang ang kaisipan ni Simoun ay dahil sa pagkakaharang sa kanya ng mga tulisan.

Ayon naman kay Simoun, walang kinuha sa kanya kundi ang dalawa niyang rebolber at mga bala. Kinamusta pa nga daw ng mga ito ang Kapitan Heneral at sinabing marami raw baril ang mga tulisan.

Tumugon naman ang Heneral at sinabing ipagbabawal niya ang mga sandata.

Katwiran naman ni Simoun ay marangal daw ang mga tulisan. Sila lamang raw ang tanging marangal na kumikita ng ikabubuhay nila.

Dagdag pa ni Simoun, “Halimbawa, pawawalan ba ninyo ako nang ‘di man lang kukunin ang aking mga alahas? Ang kasamaan ay wala sa mga tulisan sa bundok, nasa mga tulisan sa bayan at siyudad.”

“Gaya ninyo”, ani Padre Sibylang nakatawa.

“Gaya natin”, ganti ni Simoun, “Tayo nga lamang ay mga di-hayagang tulisan.”

Kalahating oras na lamang at magtatanghalian na kaya tinigil na ng Kapitan Heneral ang laro. Maraming suliranin pa silang pinag-usapan.

Isa na dito ang pagbabawal ng Heneral sa armas de salon. Tutol man ang Mataas na Kawani dito ngunit wala naman siyang nagawa. Nagbigay pa ng payo si Simoun na huwag ipagbawal ang armas de salon sa halip ay magkaroon na lamang ng iisang sukat na kasalukuyang nabibili noon. At ito ang nasunod.

Sumunod na pinag-usapan ay ang paaralan sa Tiyani. Iminungkahi ni Don Custodio na gawing paaralan ang sabungan kahit sa loob ng isang araw sa isang linggo na tinutulan kaagad ng Kapitan Heneral.

Ang ilang mga sa pari ay tutol sa pagpapatayo ng Akademya dahil sa ito’y makakaepekto sa karapatan, isang paghihimagsikan at dapat raw ay hindi nag-aaral ang mga Indiyo.

Sumang-ayon dito si Simoun at sinabi na ito’y kahina-hinala. Kaya naman pinutol na ng Heneral ang usapin at sinabing pag-iisipan niya ang mga bagay na iyon.

Pamaya-maya pa’y dumating ang kura ng Los Baños na nagsabing handa na ang pagkain.

Ang kawani naman ay bumulong sa Kapitan Heneral na si Juli ay tatlong araw na pabalik-balik at nagmamakaawa na palayain ang kanyang nuno.

Sinang-ayunan naman ito ni Padre Camorra kaya pumayag rin ang Heneral.

Talasalitaan:

  • Apyan – opyo
  • Armas de salon – sandatang pambulgaw o pandekorasyon
  • Dumagok – suntukin
  • Kagyat – kaagad-agad
  • Katigan – sang-ayunan
  • Masinsinan – seryosong pag-uusap
  • Masusugpo – mapipigil
  • Mulato – tao na may isang magulang na puti at isang magulang na negro; biracial
  • Nakayungyong – nagbibigay lilim
  • Pag-aalipusta – paghamak
  • Pag-aalsa – paghihimagsik
  • Pangangamkam – pagkuha
  • Punglo – bala
  • Rebolber – uri ng baril
  • Tresilyo – sugal na baraha
  • Tulisan – rebelde; magnanakaw

El Filibusterismo Buod Kabanata 12: Placido Penitente

Patungo sa Unibersidad ng Santo Tomas si Placido Penitente. Malungkot ang kanyang mukha dahil ibig na niyang tumigil ng pag-aaral tulad ng nasabi sa dalawang sulat niya sa ina. Nasa ika-apat na taon na siya ng pag-aaral ngunit pinakiusapan na kahit batsilyer sa artes ay matapos niya.

Palaisipan sa mga kababayan ni Placido sa Tanawan, Batangas kung bakit nais na niyang tumigil sap ag-aaral. Siya pa naman ang pinakamatalino sa bantog na paaralan ni Padre Valerio roon. Hindi naman siya sugarol, walang kasintahang magyayayang pakasal, at laban sa mga aral ng Tandang Basyong Makunat.

Nasa liwasan ng Magallanes na si Placido nang tapikin siya sa balikat ni Juanito Pelaez. May kayabangan si Juanito, mayaman, may pagkakuba, at paborito ng mga guro. Anak siya ng isang mestisong Kastila.

Napag-usapan ng dalawa ang tungkol sa bakasyon ni Juanito sa Tiyani. Nangharana raw sila ni Padre Camorra ng magagandang babae at ipinagyabang na wala raw bahay na hindi nila napanhik.

Dagdag pa ni Juanito, tanga raw si Basilio sa pagkakaroon ng katipang tulad ni Juli dahil susuko rin daw si Juli kay Padre Camorra.

Nagtanong ng leksyon si Pelaez kay Penitente dahil noon lamang siya papasok. Ani Placido, tungkol daw sa salamin ang leksyon. Ngunit niyaya ni Juanito si Placido na maglakwatsa, bagay na tinutulan naman ng huli.

Natigil lamang ang kanilang pag-uusap ng manghingi ng abuloy si Juanito para sa monumento ng isang paring Dominikano. Nagbigay naman ito ng abuloy dahil alam niyang makatutulong ito para sa pagpasa ng estudyante.

Sa unibersidad ay naroon si Isagani na nakikipagtalo tungkol sa aralin. Ang ibang estudyante naman ay tinitingnan ang mga magagandang dalagang nagsisimba.

Pinagtinginan ng mga estudyante ang isang karwaheng parating kung saan lulan ang katipan ni Juanito na si Paulita Gomez. Nginitian siya ng tiyahin ni Paulita na si Donya Victorina.

Ang estudyanteng si Tadeo na kaya lamang pumasok sa paaralan ay upang alamin kung may pasok at kung mayroon ay aalis na at magdadahilang maysakit ngunit nakapapasa, sa anong himala ay napasunod kay Paulita sa simbahan.

Nagpasukan na sa paaralan ang mga mag-aaral ngunit may tumawag kay Placido. Pinalalagda siya sa kasulatang tutol sa balak na paaralan ni Makaraig.

Walang panahon si Placido na basahin ang kasulatan kaya ayaw niya sanang lumagda. Ngunit dahil mapilit ang kausap ay napalagda si Placido. Dahilan kaya siya ay nahuli sa klase.

Bagama’t huli ay pumasok pa rin sa klase si Placido. Pinatunog pa niya ang takong ng kanyang sapatos sa pagbabakasakaling ang pagkakahuli niya ay pagkakataon na upang siya’y mapuna at makilala ng kanyang guro.

Sila’y mahigit isang daan at limampu sa klase. Hindi naman siya nagkamali at napansin nga siya ng kanyang guro. Ngunit nabastusan ito kay Placido at nasabing magbabayad daw ito sa kanya.

Talasalitaan:

  • Bulastog – mayabang
  • Dia-pichido – ipit na araw na hindi na pinapasukan ng ibang mga estudyante
  • Loob ng Maynila na namoogan – Intramuros o Walled City
  • Mangilak – manghingi
  • Panghihinawa – pagkasawa
  • Penitente – nagdurusa
  • Placido – kalmante o mapayapa
  • Puerta – pinto
  • Tandang Basiong Macunat – isang aklat na naglalaman ng mga payo ng kura at mga salaysay tungkol sa kasamaang dulot ng pagpapaaral ng mga anak
  • Umiibis – bumababa
  • Victoria – karuwahe

El Filibusterismo Buod Kabanata 13: Ang Klase sa Pisika

Isang mahaba at rektangular na bulwagan ang silid ng klase sa Pisika, maluluwang ang bintana nito at narerehasan ng bakal. Sa magkabilang tabi ng silid ay may tatlong baitang na batong natatapakan ng kahoy. Doon nakaupo ang mga estudyanteng nakaayos ayon sa pagkakasunud-sunod ng letra ng kanilang mga apelyido.

Walang palamuti ang dingding ng silid. May mga kasangkapan nga sa pisika ngunit ito ay nakasusi sa isang aparador na may salamin at kung gamitin man ay ipinakikita lamang sa klase mula sa malayo tulad ng Santisimo ng Pari.

Samantala, ang batang Dominikong pari na si Padre Millon ang guro sa klase ng Pisika. Siya’y napabantog sa pilosopiya sa Kolehiyo ng San Juan de Letran. Katapat ng pintuan, sa ilalim ng larawan ni Santo Tomas de Aquino ay doon nakaupo ang propesor.

Tinawag ng propesor ang antuking estudyante na may buhok na parang iskoba. Parang ponograpo itong tumugon ng isang isinaulong leksiyon na ukol sa salamin, bahagi nito, kauriang bubog o kalaing. Pinatigil ng guro ang estudyante at sunod na tinawag si Pelaez.

Sumenyas ito kay Placido na tila ba sinasabing, “Makinig ka’t diktahan mo ako.” Sa katatapak sa paa ni Placido ay napasigaw ito sa sakit. Sa kanya tuloy nabaling ang galit ng propesor.

Siya ang tinatanong ng propesor matapos na siya’y murahin at sabihang “espiritu sastre”. Nasabihan din siyang “pakialamero” at dahil dito ay pinaupo na si Juanito at siya na ang tinanong.

Nagkandautal si Placido sa pagsagot sa mga tanong ng propesor. Tinawag pa siya nitong Placidong Tagadikta. Wala siyang nabigkas sa mga leksyon kaya naglagay ang propesor ng guhit kay Placido. Tumutol dito si Placido at nagpaliwanag.

Inihagis ni Placido ang hawak niyang aklat, tumindig, hinarap ang propesor at walang-galang na umalis sa klase.

Natigilan ang klase. ‘Di nila lahat akalain na magagawa iyon ni Placido. Nagsermon at nagmura si Padre Millon hanggang sa tumugtog ang kampanilya, hudyat na tapos na ang klase.

Talasalitaan:

  • Ampliacion – mataas na kurso
  • Asoge – Mercury o Merkurio
  • Binuling – pinakinis
  • Dominus Vobiscum – sumaiyo ang Panginoon
  • Eskaparate – salaming dibisyon
  • Espiritu Sastre – pauyam na termino ni Padre Millon sa Espiritu Santo
  • Hinuha – palagay
  • Iskoba – brush
  • Kamagong – Mahogany; kahoy na kulay itim
  • Lavvoiser, Secchi, Tyndall – mga banyagang siyentipiko
  • Pag-aglahi – pang-iinsulto
  • Pagupak – patunog na yari sa kahoy na ginagamit sa misa kung Biyernes Santo sa halip na kampanilyang metal
  • Pilosopastro – pauyam na tawag sa pilosopo
  • Ponograpo – pangkaraniwang aparatong pampatugtog
  • Requiescat in pace – sumalangit nawa
  • Salamin – isang matigas, babasagin at nakaaaninag na materyal
  • Santisimo – banal na sakramento
  • Sihang – Panga
  • Ultimatum – pinakahuling pahayag

El Filibusterismo Buod Kabanata 14: Sa Bahay ng mga Mag-aaral

Ang tinitirahang bahay ni Makaraig ay malaki. Maluwag ito at puro binata ang mga nakatira na pawang nangangasera.

Mayaman si Makaraig at kumukuha ng kursong abogasya. Siya ang pinuno ng kilusan para sa Akademya ng wikang Kastila. Inimbitahan ni Makaraig ang mga pangunahing mag-aaral na sina Isagani, Sandoval, Pecson at Pelaez upang pag-usapan ang kanilang pakay.

Si Isagani at Sandoval ay naniniwala na maaaprubahan ang pagbukas ng paaralang samantalang si Pecson ay nag-aalinlangan. Nagkaroon sila ng debate sa maaring maging aksiyon sa kanilang paaralan. Si Sandoval ay larawan ng mga kastilang may malasakit at pagpapahalaga sa mga Pilipino.

Isang magandang balita ang ibinahagi ni Makaraig. Si Padre Irene umano ang nagtatanggol sa kanila laban sa mga sumalungat sa kanilang adhikain.

Dagdag pa niya, kailangan ng kanilang grupo ang pagpanig ni Don Custodio, isa sa mga kataas-taasang lipon ng paaralan sa kanilang panig.

Dalawang tao ang maari umano nilang lapitan upang kumbinsihin si Don Custodio na pumanig sa kanila. Ito raw ay si Ginoong Pasta na isang manananggol at ang mananayaw na si Pepay.

Napagkasunduan nila na kay Ginoong Pasta lumapit upang maging marangal ang kapamaraanan.

Talasalitaan:

  • Abuloy – kontribusyon
  • Aktibidades – gawain
  • Facultad – nag-aaral ng kursong pampropesyunal o pang-akademiko
  • Hangarin – pangarap
  • Kasigabuhan – silakbo
  • Magpalikaw-likaw – magpaligoy-ligoy
  • Mapakiling – pumanig; mapapayag; mapasang-ayon
  • Nagpapasimuno – nagsimula
  • Nagpipingkian – nag-iiskrima
  • Nang-uulot – nang-uudyok
  • Nobya – kasintahan

El Filibusterismo Buod Kabanata 15: Si Senyor Pasta

Sinadya ni Isagani ang opisina ng manananggol na si Senyor Pasta, isa sa mga may pinakamatalas na pag-iisip sa Maynila na sinasangguni ng mga pari kung ang mga ito’y nasa gipit na kalagayan.

Pinakiusapan niya ang Senyor na kung maari ay mamagitan upang kanilang mapasang-ayon kung sakaling sumangguni na sila kay Don Custodio.

Ikinuwento ni Isagani kay Senyor Pasta ang tungkol sa balaking kilusan. Nakinig ng mabuti ang Senyor na tila walang alam at kunwari’y wala siyang pakialam sa gawain ng mga kabataan. Pinakikiramdaman naman ni Isagani ang naging bisa ng kanyang mga salita sa abogado.

Nais sana ni Isagani na maaprubahan ng manananggol ang nais nilang akademya ng Wikang Kastila ngunit nabigo siya dahil nagpasiya ng abogado na huwag makialam dahil maselan ang usapan at mas mabuting hayaan daw na ang gobyerno ang kumilos.

Talasalitaan:

  • Anasan – pag-uusap sa mahinang boses; bulung-bulungan
  • Kilatisin – uriin
  • Kondesa – tawag sa asawa ng konde
  • Nagmamaang-maangan – nagkukunwang walang alam
  • Pabulalas – pasambulat
  • Pagsasapantaha – panghihinala
  • Pahat – kaunti; munti
  • Palikaw-likaw – pahipit-hipit, pasikot-sikot
  • Pangangayupapa – pagpapakumbaba, pagyukod, pagluhod, pagpapatirapa, o iba pang kilos na tanda ng pagpapasakop o pagbibigay-galang
  • Pasaliwa – pabaliktad
  • Rector – punong pari
  • Silyon – isang upuang may patungan ng mga kamay
  • Sumuong – lumusob
  • Upaw – kalbo

El Filibusterismo Buod Kabanata 16: Ang Kasawian ng Isang Intsik

Ang negosyanteng Intsik na si Quiroga ay naghahangad magkaroon ng konsulado ang kanyang bansa kaya siya ay naghandog ng isang hapunan. Dumalo ang mga tanyag na panauhin kabilang na ang mga kilalang mangangalakal, mga pari, mga militar, mga kawani ng pamahalaan pati na din ang kanilang mga suki.

Nang dumating si Simoun ay sinigil niya si Quiroga sa kanyang utang na nagkakahalaga ng siyam na libong piso. Nalulugi daw ang Intsik kaya hindi makakabayad sa mag-aalahas.

Inalok siya ni Simoun na babawasan ng dalawang libong piso ang utang kung papayag umano si Quiroga na itago sa kanilang bodega ang mga armas na dumating.

Wala daw dapat ipangamba ang Intsik dahil ang mga baril ay unti-unting ililipat sa ibang bahay na pagkatapos ay gagawan ng pagsisiyasat at marami ang mabibilango. Siya ay lalakad sa mga mapipiit upang kumita. Napilitan namang sumang-ayon si Quiroga.

Samantala, ang pangkat ni Don Custodio ay nag-uusap tungkol sa komisyong ipapadala sa India para pag-aralan ang paggawa ng sapatos para sa mga sundalo.

Ang grupo naman ng mga prayle ay pinag-uusapan ang tungkol sa ulong nagsasalita sa may perya sa Quiapo na pinamamahalaan ni Mr. Leeds.

Talasalitaan:

  • Bulalas – pahayag
  • Consulado – ukol sa gawain ng konsul
  • Kapighatian – kahirapan, kalungkutan
  • Konsul – isang tao na ipinag-utos ng pamahalaan na naninirahan sa ibang bansa para maging kinatawan ng kanyang bansa.
  • Kopa – goblet
  • Nakahuhughog – nakasasaid
  • Nanduduwit – nangunguha
  • Paghahamok – labanan, away
  • Piging – handaan, kainan
  • Pulseras – bracelet
  • Sikolo – 25 sentimo
  • Tsampan – kumikislap na alak (Champagne)
  • Walang kapangi-pangimi – malakas ang loob

El Filibusterismo Buod Kabanata 17: Ang Perya sa Quiapo

Pumunta sa peryahan sa Quiapo ang labindalawang galing sa bahay ni Quiroga. Patungo sila sa kubol ni Mr. Leeds.

Ikinatuwa ng makamundong pari na si Padre Camorra ang mga nasasalubong nilang magagandang dalaga lalo pa ng makita niya si Paulita Gomez na kasama ng kanyang tiya na si Donya Victorina at ni Isagani na nobyo ng dalaga. Naiinis naman si Isagani sa bawat tumititig kay Paulita.

Dumating sila sa isang tindahan kung saan maraming makikita na estatwang kahoy. Ang isang estatwang mukhang mulato ay kinilala nilang si Simoun dahil sa parang pinaghalong puti at itim ito.

Wala roon ang mag-aalahas kaya’t napag-usapan nila ito. Ani Padre Camorra, baka daw natatakot si Simoun na pagbayarin nila sa pagpasok sa peryahan.

Wika naman ni Ben Zayb, baka natakot si Simoun na matuklasan nila ang lihim ng kanyang kaibigan na si Mr. Leeds.

Talasalitaan:

  • Galaw – kilos
  • Kalantiriin – inisin
  • Katog – tunog
  • Kinamumuhian – kinagagalitan, kinaiinisan
  • Kutsero – ang nagkokontrol sa kabayo
  • Liwasan – parke, plasa
  • Mabunggo – maumpog, mabangga
  • Namimirinsa – namamalantsa
  • Prinsa – plantsang bilog na ang ginagamit na painit ay uling o kahoy.

El Filibusterismo Buod Kabanata 18: Ang mga Kadayaan

Sa peryahan ay sinalubong ni Mr. Leeds ang mga panauhin. Isa siyang Amerikano na magaling magsalita ng Kastila dahil sa matagal na namalagi sa Timog-Amerika.

Bago naman magsimula ang palabas ay nagsiyasat muna si Ben Zayb at hinanap ang salamin na maaring ginagamit ni Mr. Leeds sa pandaraya. Ito naman ay may pahintulot ng Amerikano ngunit walang natagpuang salamin si Ben Zayb.

Pagkaraan ay pumasok si Mr. Leeds sa isang pinto at paglabas ay may dala na siyang kahong kahoy. Aniya, natagpuan daw niya iyon sa libingang nasa piramid ni Khufu, isang Paraon ng Ehipto.

Ang kahon ay may lamang abo at kapirasong papiro na kinasusulatan ng dalawang salita. Kapag binigkas ang unang salita ay nabubuhay ang abo at nakakausap ang isang ulo. Kapag ang pangalawang salita naman ang binanggit ay bumabalik ito sa dating kinalalagyan.

Maya-maya, bumigkas ng isang salita ang Amerikano. Lumabas ang isang ulo at sinabi nitong siya si Imuthis. Siya daw ay umuwi sa kanyang bayan pagkatapos ng pag-aaral at mahabang paglalakbay.

Nang dumaan daw siya sa Babilonia ay nalaman niya ang isang lihim na hindi ang tunay na Sumerdis ang namamahala doon kundi si Gautama, isang magnanakaw ng kapangyarihan at namamahala sa tulong ng pandaraya. Dahil sa takot na isumbong siya kay Cambises ay binalak niyang patayin si Imuthis sa tulong ng mga saserdoteng taga-Ehipto.

Samantala, si Imuthis ay umibig sa isang anak ng pari at naging kaagaw niya rito ang pari sa Abidos. Nagpanukala ang pari ng kaguluhan at siya ang sinangkalan.

Isinakdal si Imuthis, napiit, tumakas, at saka napatay. Ayon sa ulo, siya ay nabuhay muli upang ihayag ang gayong kataksilan. Titig na titig ang ulo kay Padre Salvi habang nagsasalita ito kaya dahil sa takot ay hinimatay ang pari.

Kinabukasan ay naglabas ng utos ang Gobernador na nagbabawal sa palabas ni Mr. Leeds ngunit huli na dahil wala na ang Amerikano at nagpunta na sa Hongkong dala ang kanyang lihim.

Talasalitaan:

  • Alingasaw – Singaw
  • Iginugumon – Inilulubog
  • Kabuhungan – Kasamaan
  • Kahindik-hindik – Nakakatakot
  • Pinaunlakan – Pinagbigyan

El Filibusterismo Buod Kabanata 19: Ang Mitsa

Galit na galit na lumabas sa klase si Placido Penitente. Halos hindi na siya makapagtimpi at nais na gumawa ng isang libo’t isang paghihiganti.

Nakita niyang nagdaan lulan ng isang sasakyan si Padre Sibyla at Don Custodio. Nais niyang habulin ang kura at ihagis sa ilog.

Nang mapadaan naman sa Escolta ay may nadaanan siyang dalawang Agustino sa pinto ng basar ni Quiroga. Ibig niya sanang pag-uundayan ng suntok ang mga ito ngunit nagpigil si Placido.

Nadaanan din niya ang dalawang kadete na nakikipag-usap sa isang kawani saka sinagasa mga ito.

Sa kanyang tinutuluyan ay dumating si Kabesang Andang na kanyang inang taga-Batangas. Naghinagpis ang ina nang magpaalam si Placido na hindi na mag-aaral.

Ilang sandali pa ay umalis na si Placido at nilibot ang Sibakong, Tundo, San Nicolas, at Sto. Kristo.

Mainit ang ulo ni Placido. Maya-maya’y nakaramdam siya ng gutom at naisipang umuwi. Inisip niya na wala na sa kanyang tinutuluyan ang ina at nagtungo na sa kapitbahay upang makipangginggi. Ngunit mali siya ng akala dahil naroon pa ang ina at naghihintay sa kanya.

Pinakiusapan daw ni Kabesang Andang sa prokurador ng Agustino na iayos ang suliranin ni Placido sa nakagalit na Dominiko. Ngunit matigas si Placido. Tatalon daw muna siya sa ilog Pasig o magtutulisan bago mag-aral na muli.

Muling nagsermon ang ina tungkol sa pagtitiis. Hindi na lang kumain si Placido at saka muling umalis. Pumunta siya sa daungan ng bapor. Doon ay naisip niya na magpunta ng Hongkong upang magpayaman at kalabin ang mga pari sa kanyang pagbabalik.

Gabi na at dahil sa walang natagpuang kaibigan ay nagtungo siya sa perya. Doon niya nakita si Simoun. Ikinuwento niya dito ang nangyari sa kanya at ang planong magpunta sa Hongkong.

Isinama ni Simoun Placido sa kanyang karwahe. Nakita nila sina Isagani at Paulita na magkasama. Nainggit naman si Placido kina Isagani at Simoun.

Pagkaraan ay muling nagpatuloy sa paglalakbay ang dalawa. Nakarating sila sa isang bahay na pagawaan ng mga pulbura na pinangangasiwaan ng dating guro sa San Diego.

Inatasan si Simoun na pakipagkitaan ng guro ang tenyente at ang kabo ng mga militar, gayundin si Kabesang Tales. Anang guro ay di pa sila handa.

Ngunit ayon kay Simoun ay sapat na sina Kabesang Tales, ang mga naging kabinero at isang rehinameyento ng mga kawal dahil kung ipagpapaliban pa raw nila ang plano ay baka patay na si Maria Clara.

Dalawang oras din na nag-usap sa bahay ni Simoun at ang binata bago umuwi sa kaserahan si Placido.

Kinabukasan ay nakikinig na sa pangaral ng kanyang ina si Placido. Hindi na rin siya tumutol sa mga payo nito. Pagkaraan ay pinauwi na niya ang ina sa Batangas dahil baka malaman pa daw ng prokurador na naroon siya at hihingian pa ito ng regalo at pamisa.

Talasalitaan:

  • Arabal – hangganan ng bayan
  • Basar – tindahan
  • Candelabra – mahabang tubo na may kandila sa dulo
  • Ciriales – mahabang tubo na may krus sa dulo
  • Fenix – isang mahimalang ibon na nabubuhay ng limandaang taon
  • Iginugupo – pinaghihina
  • Kabuluhan – may kapupuntahan, may katutururan
  • Karabinero – isang kawal na armado ng karabin
  • Kastilyero – tagagawa ng mga paputok
  • Kinatitirikan – kinatatayuan
  • Lipakin – hamakin
  • Malamlam – mapanglaw
  • Mitsa – isang parte ng bomba na sinisindihan para ito’y pumutok; nagsisilbi rin itong orasan kung iilan nalang na oras ang bibilangin bago pumutok ang bomba
  • Nagngingitngit – labis na galit
  • Nakaririmrim – nakapandidiri
  • Platero – tagapanday ng pilak
  • Procurador – pinuno ng isang relihiyosong korporasyon
  • Promotor piskal – pinunong abogado ng isang distrito

El Filibusterismo Buod Kabanata 20: Si Don Custodio

Nasa mga kamay ni Don Custodio ang usapin sa akademya ng wikang Kastila. Siya ang pinagkatiwalaan lumutas sa suliraning ito.

Si Don Custodio de Salazar y Sanchez de Monteredondo o kilala sa tawag na “Buena Tinta” ay tanyag sa bahagi ng lipunan sa Maynila. Nakapag-asawa siya ng mayaman at sa pamamagitan nito ay nakapag-negosyo. Siya ay pinupuri kahit kulang sa kaalaman sa mga tungkuling kanyang hinahawakan dahil si Don Custodio ay masipag.

Nang magtungo sa Espanya ay walang pumansin sa kanya dahil sa kakulangan niya sa pinag-aralan. Wala pang isang taon ay bumalik na rin siya sa Pilipinas at nagyabang sa mga Pilipino sa kanyang kunwaring magandang karanasan sa Madrid.

Ipinalagay niyang siya’y isang amo at manananggol. Naniniwala siyang may ipinanganak upang mag-utos at ang iba’y upang sumunod. Para sa kanya, ang mga Pilipino ay ipinanganak upang maging utusan.

Pagkaraan ng labinlimang araw ay nakabuo na ng pasya si Don Custodio at handa na niya itong ipaalam sa lahat.

Talasalitaan:

  • Bantog – kilala
  • Di-masusupil – di mapipigil
  • Ginugol – inaksaya
  • Himala – kababalaghan
  • Katukayo – kapangalan
  • Masawata – masupil
  • Matapang – malakas ang loob
  • Nakagagambala – nakagugulo
  • Nakikini-kinita – nagugunita
  • Nalathala – naipahayag
  • Pananalig – paniniwala
  • Pangahas – nangunguna
  • Panukala – mungkahi
  • Sinang-ayunan – kinampihan

SEE ALSO: Florante at Laura Buod ng Bawat Kabanata 1-30 (with Talasalitaan)

El Filibusterismo Buod Kabanata 21: Mga Anyo ng Taga-Maynila

Ang Les Choches de Corneville ng bantog na mga Pranses ay may pagtatanghal sa Teatro de Variendades ng gabing iyon. Mabilis na naubos ang mga tiket para sa dula.

Hindi abalang pumasok sa tanghalan ang Kastila na tila pulubi na si Camarroncocido. Nilapitan siya ni Tiyo Kiko, isang matandang lalaki na nakasuot ng amerikanang hanggang tuhod at ipinakita ang anim na pisong galing sa mga Pranses na kinita niya sa pagdidikit ng mga paskil.

Ngunit sinumbatan ni Camarroncocido si Tiyo Kiko at sinabing ang kikitain sa buong palabas ay mapupunta sa mga pari.

Ang pagtatanghal ay humati sa Maynila. Masagwa daw at laban sa moralidad ang palabas sabi ng mga tutol na sina Don Custodio, mga pari, pati na mga babaeng may asawa at may kasintahan.

May mga taong nagtatanggol naman sa palabas kagaya ng mga pinuno ng hukbo, mga marino, mga matataas na tao, mga kawani at mga babaeng walang kasintahan.

Naging malaking bulung-bulungan ang palabas at kasamang nababanggit ang Kapitan Heneral, si Simoun, si Quiroga at ang mga artista.

Pinuna ni Camarroncocido ang mga nais manood na kaya daw naroon ay para malaman kung bakit bawal at dapat ipagbawal ang palabas.

Nang umalis na si Tiyo Kiko ay may napansin si Camarroncocido na mga taong tila hindi sanay mag-amerikana at sa wari niya ay umiiwas na mapuna. May isang kagawad ng hukbo ang kumausap sa mga di-kilalang tao na apat o lima sa bawat pulutong.

Pagkaraan ay masiglang lumapit ang kagawad sa isang karwahe na lulan si Simoun. May narinig si Camarroncocido na wikang Kastila na ang ibig sabihin ay “Ang hudyat ay isang putok”, saka niya nasabi sa sarili na tila may binabalak ang mga ito.

Nagpatuloy sa paglalakad ang pulubi. May dalawang tao siyang naririnig na nag-uusap at sinabing ang mga kura ay malakas kaysa Heneral. Umaalis daw ang Heneral samantalang ang mga pari ay naiiwan at ang hudyat na isang putok ang kanilang ikayayaman.

Naaawa man sa bayan ngunit wala namang pakiaalam si Camarroncocido sa mga narinig.

Samantala, sa labas ng dulaan ay makikita si Tadeo na niloloko ang isang kababayang tanga sa pagsasabi ng mga kahanga-hangang kasinungalingan.

Sinabi ni Tadeo sa kausap na kilala niya ang mga malalaking tao na nadaan at kaibigan niya ang mga ito kahit hindi naman totoo.

Dumating ang mga mag-tiyahin na sina Donya Victorina at Paulita Gomez. Kahit na nagbabalatkayo ay nakilala pa rin ni Tadeo si Padre Irene na ‘di naitago ng tunay na katauhan dahil sa mahaba niyang ilong. Dumating din si Don Custodio.

Nang dumating sina Makaraig, Pecson, Sandoval at Isagani ay lumapit si Tadeo sa kanila saka bumati. May sobra silang isang tiket dahil hindi sumama si Basilio.

Dahil dito’y inanyayahan nila sa Tadeo sa loob, agad siyang sumama sa apat, at iniwan ang kababayang kanina lamang ay kausap ngunit ngayon ay nag-iisa na.

Talasalitaan:

  • Alingasngas – usap-usapan
  • Bihasa – sanay, eksperto
  • Hampaslupa – mahirap
  • Hudyat – palatandaan
  • Kalmen – eksapularyong isinusuot bilang deboto sa isang santa o santo
  • Kawani – opisyal
  • Kinakatigan – pinapakinggan o kinakampihan
  • Malamlam – mapungay, malabo
  • Mapanibughuin – seloso
  • Masagwa – kahalayan
  • Nag-ibayo – tumitindi
  • Nagkukumahog – nagmamadali
  • Nagpatumpik-tumpik – nagpabagal-bagal
  • Nanlilimahid – maruming-marumi
  • Natitigatig – nayayanig
  • Naulinigan – narinig ng bahagya
  • Pabuya – premyo, gantimpala
  • Pagala-gala – paikot-ikot
  • Pagbabalatkayo – pagkukunwari
  • Pagkakarinyosa – pagkamalambing
  • Pakana – plano
  • Pangingimbulo – pagkainggit
  • Panunuligsa – pambabatikos
  • Paskil – karatula
  • Patid – tigil, hinto
  • Pinakakalansing – pinapatutunog
  • Sekreta – pulis
  • Tiktik – espiya
  • Walang muwang – walang alam

El Filibusterismo Buod Kabanata 22: Ang Palabas

Punong-puno ng tao sa dulaan ngunit lampas na sa oras ay ‘di pa rin nagsisimula ang palabas dahil hinihintay pa ang Kapitan Heneral. Marami nang naiinip, nagsisipadyak at sumisigaw na buksan na ang tabing.

Ang lugar na tinatawag na palko na may pulang kurtina ay uupuan ng Kapitan Heneral. Isang ginoo ang umupo sa butaka at ayaw tumindig. Si Don Primitivo kasi ang may-ari ng upuan kinauupuan nito.

Dahil dito’y tinawag ni Don Primitivo ang tagapaghatid sa upuan nang makita niya na ayaw tumindig ng ginoo. Ang pagmamatigas ni Don Primitivo ay nagdulot ng kaguluhan at kasiyahan sa mga taong naiinip.

Samantala, habang nagaganap ang kaguluhan ay biglang tumugtog ang marchareal dahil dumating na ang Kapitan Heneral. Sinasabing manonood ang Kapitan Heneral ng palabas dahil sa dalawang dahilan. Ang una ay hinahamon diumano ito ng simbahan at ang pangalawa ay dahil ito ay may pagnanasa lamang na makita ang pagtatanghal.

Nasa loob din ng dulaan si Pepay at katapat ng mga estudyante ang kinauupuang palko nito. Kinuntsaba siya ng mga estudyante at siyang gagamitin kay Don Custodio upang palambutin ang puso nito. Noong hapong iyon ay sumulat si Pepay sa kagalang-galang na tagapayo at naghihintay ng kasagutan.

Naroroon din si Don Manuel na panay ang pasaring kay Don Custodio. Si Makaraig ay makahulugang tumitingin kay Pepay na parang ibig ipahiwatig na mayroon siyang sasabihin.

Masaya ang mga estudyante, si Pepay pati na si Pecson. Si Isagani lang ang hindi dahil nakita niya sa dulaan si Paulita na kasama ni Pelaez na kanyang karibal.

Maya-maya’y umawit si Gertude, isang Pransesa. Sige sa pagsalin si Tadeo sa wikang Kastila ng mga salitang Pranses na naririnig. Gayon din ang ginawa ni Juanito Pelaez kina Paulita Gomez at Donya Victorina. Lamang ay madalas mali ang pagsalin ni Juanito. Dito rin nagsimula ang paghanga ng Donya sa kanya at hinangad na pakasalan ang binatang kuba pag namatay ang mister na si Don Tiburcio.

Umawit din si Serpolette. Mayroong pumalakpak na nakilala ni Tadeo na si Padre Irene. Pinapag-espiya pala ito ni Padre Salvi kung sadyang masama nga ang palabas ng mga Pranses. Namukhaan ng mananayaw si Padre Irene at kakilala pala siya ni Serpolette doon pa sa Europa.

Pagkaraan ay may isang bababeng dumating na may kasamang asawa. Ipinagmamalaki pa niya ang pagkahuli ng dating. Nang makitang wala pang laman sa may palko ay inaway ng ginang ang asawa.

Sinutsutan siya ng mga tao at sa inis ay tinawag niya ang mga ito na mga “ungas” at akala mo daw ay marurunong mag-pranses.

Si Ben Zayb naman ay panay ang panunuligsa sa pinapanood at sinabing ang mga nagsiganap ay hindi mga artista at ‘di marunong umawit.

Sa palabas ay kakikitaan ng kahalayan at pagnanais sa kababaihan ang mga kalalakihang tulad nina Don Custodio, Tadeo, Macaraig at Pecson ngunit sila ay nalungkot sapagkat hindi itinanghal ang hinihintay nilang cancan.

Napag-usapan din ang ”di pagsipot ni Simoun sa dulaan. Pinagtalunan naman ng mga estudyante ang kagandahan at kapangitan ng wikang Pranses.

Galing si Makaraig kay Pepay, malungkot ang hitsura kaya naman pagbalik niya ay nag-usisa ang mga kapwa mag-aaral. Dala niya ang balita na may pasya na daw tungkol sa paaralan ayon kay Padre Irene.

Sinang-ayunan daw ang paaralan ngunit ito’y ipaiilalim sa Unibersidad ng Sto. Tomas sa pamamahala ng mga Dominikano.

Talasalitaan:

  • Alingawngaw – tinig na bumabalik sa pandinig
  • Artilyero – kanyunero
  • Ayuntamiento – Pamahalaang lungsod
  • Butaka – upuang may patungan ng braso; pang-ibabang mga hanay ng upuan sa teatro o tanghalan
  • Butaw – donasyon
  • Cancan – isang masiglang sayaw na nagsimula pa noong ika-19 na siglo na ang pinakatampok na galaw ang pasipang pataas sa saliw ng mabilis na tugtog
  • Dagok – suntok o dating ng suliranin
  • Dometiques – domestic o pantahanan
  • Entrada General – teatro
  • Gora – sombrero
  • Guniguni – imahinasyon
  • Ipalulon – ipalunok, ipakain
  • Kahali-halina – kaakit-akit
  • Matikas – matipuno
  • Manunuligsa – namumuna
  • Mapakali – mapalagay
  • Mapanudyo – mapanukso
  • Masasal – mabilis at malakas na ubo
  • Masatsat – masalita, madaldal
  • Masigabo – mainit na pagtanggap o palakpakan
  • Nakapukaw – nakagising
  • Nakaririmarim – nakadidiri, nasusuka
  • Nakimatyag – nakiusyoso
  • Nakukutya – namamaliit
  • Natitigatig – natitibag
  • Nayamot – nainis
  • Palko – balkonahe, upuan sa itaas ng teatro
  • Panlulumo – panghihina
  • Pasaring – parinig
  • Peluka – wig, pekeng buhok
  • Pinagkuskos – pinagkiskis
  • Servantes – servants o tagapaglingkod
  • Tabing – kurtina
  • Tampalasan – walang galang, bastos
  • Tisiko – may sakit sa baga o tuberculosis
  • Tumambad – lumitaw
  • Udyok – tulak
  • Umilandang – humagis
  • Winawasiwas – iwinagayway

El Filibusterismo Buod Kabanata 23: Isang Bangkay

Hindi pumunta sa dulaan si Simoun.

Noong ika-pito ng gabi ay makalawang beses umalis at dumating si Simoun sa bahay na may iba’t ibang taong kasama. Nang mag-iikawalo na ay nakita siya ni Makaraig sa may daang Ospital malapit sa kumbento ng Sta. Clara. Nakita naman siya ni Camarroncocido sa may dulaan nang mag-iikasiyam na may kausap na tila estudyante.

Hindi rin pumunta sa teatro si Basilio dahil siya ay papunta sa San Diego. Pupunta siya sa bahay ni Kapitan Tiyago upang gamutin ito.

Habang inaalagaan ni Basilio ang may sakit ay bigla na lang itong sinusumpong dahil sa sobrang paghithit ng opyo.

Nagbilin naman sina Simoun at si Padre Irene kay Basilio na pagalingin ang may sakit at pagtiisan ito sa pag-aalaga.

Sa pagrerepaso ni Basilio ay dumating si Simoun. Noon lamang sila muling nagkaharap mula nang huli silang magkita sa San Diego.

Kinamusta ni Simoun si Kapitan Tiyago. Ibinalita naman ni Basilio na malubha na ang lagay ng Kapitan dahil kalat na ang lason sa katawan nito.

Muling hinimok ni Simoun si Basilio na makiisa sa himagsikan laban sa pamahalaang Kastila. Ang hindi raw kasi kakampi sa kanila ay ituturing nilang kaaway na dapat patayin.

Si Basilio daw ang magtatakas kay Maria Clara sa kumbento ni Sta. Clara habang nagkakagulo ang buong lungsod.

Ngunit huli na daw ang lahat, ani Basilio. Nalaman niyang nagpakamatay na raw si Maria Clara dahil naroon daw siya sa kumbento upang makibalita kaya niya nalaman ang nangyari.

Nang bumalik siya ay nakita niya ang liham na padala ni Padre Salvi kay Padre Irene na siyang nagpabasa kay Kapitan Tiyago na nag-iiyak nang mabatid na patay na ang anak.

Nagulat si Simoun sa narinig niyang balita ngunit ayaw niyang maniwala na totoo ito at pinipilit na buhay pa si Maria Clara.

Nang huminahon na ay umalis agad siya ng silid. Naririnig ni Basilio ang mga sigaw ng hinagpis ni Simoun habang paalis ito.

Nawala na sa isip ni Basilio ang pag-aaral at sa halip inisip ang kasalukuyang kalagayan ni Simoun.

Talasalitaan:

  • Balaan – bigyan ng paunang paalala
  • Baligho – laban sa katwiran
  • Bugnutin – bigla o madaling magalit
  • Dalisay – puro o walang dungis
  • Dinaluhong – sinugod
  • Humimlay – matulog o mahimbing
  • Kabig – kakampi
  • Kahindik-hindik – katakot-takot
  • Lipos – puno
  • Lubay – tigil o patid
  • Nagpalahaw – umatungal sa iyak
  • Nagugulumihanan – naguguluhan
  • Nag-uulol – nababaliw o nawawala sa isip
  • Nakabubulahaw – nakaiistorbong ingay
  • Nangakatanikala – nakagapos o nakatali
  • Nangatal – nanginig
  • Natighaw – mabawasan o humina
  • Pagpapaunlak – napasunod o nagbigay
  • Pantalya – lampara
  • Sinisikil – iniipit o pinahihirapan
  • Sulak – agos
  • Talamak – marami o kumalay
  • Tigib – masobrahan o matambakan
  • Tigmak – basa o babad

El Filibusterismo Buod Kabanata 24: Mga Pangarap

Ang magkasintahang sina Isagani at Paulita ay mag-uusap sa Luneta.

Galit si Isagani dahil nakita niyang magkasama sina Paulita at Juanito sa dulaan. Ngunit napag-alaman niya na si Donya Victorina raw ang may ibig kay Pelaez kaya nagkatawanan sila ng kausap.

Nagkapalitan din sila ng mga pangarap sa hinaharap. Nais raw ni Isagani na sa nayon manirahan. Para sa kanya, ang bayang iyon ang tangi niyang kaligayahan bago pa nakilala at nakita si Paulita. Ngunit nabatid niyang parang naging may kulang sa kanya ang bayang iyon at natitiyak niyang ang kulang ay ang kanyang nobya.

Ngunit ayaw pumunta doon ni Paulita. Ayaw daw niyang magdaan sa mga bundok na malimatik. Ang nais niyang paglalakbay ay sa pamamagitan ng tren.

Pinaghambing ni Isagani sa isip ang pansin ng mga taong pamahalaan sa nagkaramdam na si Simoun at ang mga sugatang kawal na galing sa digma. Sa mga sugatang kawal ay ni walang pumapansin subalit kay Simoun ay nabahala ang marami. Iba na raw ang mayaman ayon sa binata. Ang bayang nasa isip niya ay ‘di lamang Pilipinas kundi pati ang Espanya.

Nang dumating sina Paulita ay nginitian niya ang nobyo. Ngumiti rin si Isagani at tila ba napawi lahat ng kanyang pagkainis. Masaya na sana si Isagani ngunit biglang itinanong ni Donya Victorina kung nasa kanilang nayon ba nagtatago ang asawa niyang si Don Tiburcio.

Ipinagkaila ng binata ang kanyang nalalaman. Ngunit may pahabol na tanong ang Donya na ano daw kaya kung pakasal siya kay Juanito. Kinaiinisan man ang kanyang kamag-aral ngunit pinuri pa niya si Juanito sa harap ng Donya.

Pinagbigyan ni Donya Victorina na magkausap ang pamangkin at ang nobyo nito. Kung magkakatuluyan nga naman si Paulita at Isagani ay masasarili niya si Juanito.

Talasalitaan:

  • Naulinigan – narinig
  • Mapaniil – mapang-abuso
  • Naghulas – pagtutubig, lusaw, tunaw, tagas
  • Pagkabusabos – pagkaalipin
  • Sumilay – sumulpot, sumipot, dumating

El Filibusterismo Buod Kabanata 25: Tawanan at Iyakan

Ang piging ay idinaos ng mga mag-aaral sa Panciteris Macanista de Buen Gusto. Labing-apat silang lahat kabilang na si Sandoval.

Matatalim magsalita ang mga estudyante. Kahit pa nagtatawanan sila ay ramdam pa din ang kanilang hinanakit.

Dumating na din si Isagani. Si Pelaez na lang ang wala. Sana daw ay si Basilio na lang ang inimbitahan kaysa kay Juanito, ani Tadeo. Malalasing pa daw sana nila si Basilio at baka sakaling mapaamin ang lihim tungkol sa nawawalang bata at sa isang mongha.

Habang kumakain ay inihandog nila kay Don Custodio ang pansit lang-lang, ang sopas ay tinaguriang sopas ng panukala, ang lumpiang intsik ay inalay kay Padre Irene at ang torta’y inukol sa prayle (torta de Frailes).

Tumutol si Isagani. Di daw dapat isama sa panunumpa ang isang pari. Sinegundahan ito ni Tadeo. Kahabag-habag daw na inihambing ang alimasag sa mga prayle.

Ang pansit gisado naman ay inukol sa pamahalaan at sa bayan. Ani Makaraig, ang pansit ay katutubong lutuing Pilipino. May gusto daw mag-alay ng pansit kay Quiroga na isa raw sa apat na kapangyarihan sa Pilipinas. Samantalang may nagsabi na sa Eminencia Negra (Simoun) raw dapat ialay ang pansit.

Hindi handa si Tadeo ng mahilingan siyang magtalumpati. Nagtalumpati din si Pecson na inatake ang mga pari. Aniya, mula raw sa kamusmusan hanggang sa libingan ay mga pari ang kasama natin.

May nakakita sa isang utusan ni Padre Sibyla (biserektor sa Unibersidad) na sumakay sa karwahe ni Simoun. Nagtitiktik pala ito sa mga mag-aaral. Nasambit tuloy ni Makaraig ang mga katagang, “Ang busabos ng bise-rektor na pinglilingkuran ng panginoon ng Heneral!”

Talasalitaan:

  • Naaninaw – nabanaagan
  • Nagmamanman – nag-iimbestiga
  • Pagtalima – pagsunod
  • Piging – handaan
  • Sinipat – tinignan

El Filibusterismo Buod Kabanata 26: Mga Paskil

Maagang nagising si Basilio. Dadalawin niya ang pasyente sa ospital ng San Juan de Dios saka pupunta sa Pamantasan para sa kanyang lisensiyatura.

Kakatagpuin rin niya si Makaraig para mangutang ng salapi na kanyang gugugulin. Ang mga naimpok niya kasi ay nagamit na niya sa pagtubos kay Juli.

Sa kanyang paglalakad ay nakasalubong niya ang propesor na malapit sa kanyang loob. Tinanong siya ng propesor kung nasa piging siya kagabi. Mabuti raw at wala ito doon.

Nang malamang kasapi si Basilio sa kapisanan ay pinayuhan nito ang binata na umuwi na at sirain ang lahat ng kasulatang magdadawit sa kanya.

Nabanggit ni Basilio si Simoun. Wala raw kinalaman dahil nahihiga ang mag-aalahas dahil sa sinugatan ng kung sino. Anang kausap ay may ibang mga kamay na nakapangingilabot dito.

Tinanong ni Basilio kung may kasangkot na tulisan. Ngunit ang sagot ng propesor ay wala raw dahil puro estudyante daw ang sangkot. Sa unibersidad daw ay nakakita ng mga paskin o paskil na mapanghimagsik.

May nasalubong silang isa pang propesor na kakilala ni Basilio. Ang sabi’y nangangamoy na raw si Kapitan Tiyago at nilalapitan na siya ng mga uwak at buwitre.

Nagpatuloy sa paglalakad si Basilio. Napag-alaman niya na marami raw mga estudyanteng papupugutan ng ulo, ipabibilanggo, at ibabagsak sa pag-aaral.

Naalala ni Basilio ang sinabi ni Simoun na oras na sila’y itiwalag nila ay ‘di sila makatatapos sa kanilang karera. Dito’y pinaghinalaan ni Basilio si Simoun na may kinalaman sa mga paskil.

Tinawag ni Simoun si Sandoval ngunit para itong walang narinig. Tuwang-tuwa naman si Tadeo dahil wala na raw klase. Ibibilanggo raw lahat ng mga estudyanteng kasama sa kapisanan.

Si Juanito naman ay parang baliw na paulit-ulit na sinasabing wala siyang kinalaman. Saka umalis nang makitang may papalapit sa kanilang tanod.

Natanaw ni Basilio si Isagani na namumutla ngunit pinagpupuyusan ng kalooban. Ani Isagani ay hindi na daw mahalaga kung sino ang sumulat sa mga paskil dahil tungkulin ng mga pari ang alamin iyon. Kung nasaan daw ang panganib ay doon sila dumako dahil naroon ang karangalan.

Dagdag pa niya, kung ang nasasabi raw sa paskil ay kaayon sa kanilang kalooban, sino man ang sumulat noon ay dapat daw nilang pasalamatan. Kung hindi naman ay sapat nang tutulan nila at tanggihan.

‘Di naman sang-ayon dito si Basilio kaya tumalikod ito sa kaibigan saka umalis dahil pupunta na siya kay Makaraig para makahiram ng pera.

‘Di niya pinansin ang mga senyas ng mg mga kapitbahay ni Makaraig. Nang makaharap ang dalawang tanod na beterana ay sinabi niyang naroon siya para makipagkita sa kaibigang si Makaraig.

Nagkatinginan lamang ang dalawang tanod. Saka dumating si Makaraig, ang kabo, at dalawang kawal. Nagtaka si Makaraig sa pagparoon ni Basilio. Inusig ng kabo si Basilio saka isinama sa pagdakip.

Sa sasakyan ay ipinagtapat ni Basilio ang kanyang sadya kay Makaraig. Sinabi ni Makaraig na maaasahan siya ni Basilio at kapag nakapagtapos daw siya ng pagdodoktor ay aanyayahan pa nila ang mga kawal na dumakip sa kanila.

Talasalitaan:

  • Gugol – gastos
  • Kabo – sundalong may rangong “Corporal” sa militar
  • Kanto – salikop
  • Magara – magarbo
  • Nagunita – naalala
  • Naimpok – naipon
  • Nakaligtaan – nakalimutan
  • Paskin o Paskil – poster
  • Putahe – pagkain

El Filibusterismo Buod Kabanata 27: Ang Prayle at ang Estudyante

Ipinatawag ng isang katedratikong si Padre Fernandez si Isagani. Ito’y labis na iginagalang ng binata.

Narinig daw umano ng pari ang pagtatalumpati ni Isagani. Itinanong din nito kung kasama ba siya sa hapunan. Pinuri ng pari ang pagkakaroon ni Isagani ng paninindigan.

Nagpatuloy sa pagsasalita ang pari at sinabing may mga dalawang libong estudyante na raw ang naturuan niya o sinikap niyang turuang mabuti at karamihan doon ay pumupula at lumalalos sa mga prayle ngunit walang makapagsalita nang tapatan o harapan.

Ayon naman kay Isagani ay ‘di kasalanan ng kabataan na magsalita laban sa may kapangyarihan na agad naman nilang pararatangan ng pilibustero dahil alam ng pari ang ibinubunga ng gayong paratang.

Sinabi ng pari na ‘di niya inuusig si Isagani at malaya itong nakapagsasalita ng anuman sa kanyang klase. Sa halip ay paborito pa nga daw niya si Isagani.

Pangiti namang nagpasalamat ang binata at sinabing itinatangi rin niya ang katedratiko. ‘Di raw gaya ni Padre Fernandez ang ibang prayleng Dominikong katedratiko. Saka nisa-isa ang mga sakit sa pagtuturo ng mga prayle.

Napakagat-labi lamang si Padre Fernandez at sinabi nitong lampas na sa guhit ng pag-uusap ang mga paratang ni Isagani.

Giit naman ni Isagani na ang mga prayle sa lahat ng orden ay naging mga kontratista ng karunungan at sila umano ang nagsasabi mismo sa mga mag-aaral na hindi raw sila nararapat matuto dahil balang araw ay magpapahayag ang mga ito ng paglaya.

Dagdag pa ni Isagani, ang kalayaan ay katambal ng tao at gayundin ng talino at katarungan. Ang pagtanggi ng mga prayle na matuto sila at lumaya ang dahilan ng kawalan ng kanilang kasiyahan.

Anang pari, ang karunungan daw ay hindi ipinagkakaloob kundi sa karapat-dapat lamang. Ipagkaloob daw iyon sa mga walang tibay ng loob at kapos sa wastong asal ay taliwas sa layunin.

Ngunit tinutulan ito ni Isagani. Aniya, kung ano daw sila ngayon ay ang mga pari ang may gawa. Ang bayan daw na inaalipin ay natutong magkunwari; ang paghaharian ay lumikha ng mga alipin.

Ipagpalagay daw nila, kahit di totoo, na ang mga estudyante ay mga walang dakilang asal at katibayan ng loob. Sino daw ang may kasalanan? Sila daw ba o ang mga nagturo sa kanila sa loob ng may tatlong siglo? Kung pagkatapos ng panahong iyon ay walang nayari ang manggagawa ng palayok kundi mga sira, siya’y napakatanga na raw marahil. O baka daw marumi ang putik na ginamit?

Dagdag muli ni Isagani, “Kung gayo’y higit pang napakahangal gayong alam na palang masama at marumi ang putik ay bakit nagpapatuloy pa sa pagsasayang ng panahon, at ‘di lamang hangal, kundi manlilinlang at magnanakaw pa dahil alam nang walang ibubunga ang ginagawa niya’y patuloy pa sa pagtangap kabayaran at ‘di lamang hangal, mandaraya at magnanakaw kundi isa pang talipandas dahil ayaw nilang subukin ang kakayahan ng iba sa paggawa ng magiging kapaki-pakinabang.”

Nakilala ng pari ang kanyang kagipitan at noon lamang siya nakaranas ng pagkatalo sa isang estudyanteng Pilipino lamang. Nabanggit ng pari na ang utos na sinusunod nila ay galing lamang sa pamahalaan.

Ngunit pinulaan ni Isagani ang pagtatago ni Padre Fernandez sa likod ng pamahalaan.

Muling nangatwiran ang pari at sinabing ang ibig daw niyang sabihin ay may mga batas na mabuti ang layon nguni’t masama ang ibinubunga.

Ang masamang ugali ng mga mag-aaral ay ‘di daw dapat isisi sa kanila o kahit sa Pamahalaan kundi sa masamang pagkakatatag umano ng kanilang kapisanan.

Ani Isagani, “Opo, may pumipilit na sila’y mag-aral. Katungkulan ng bawat tao na hanapin ang kanilang kaganapan ng pagkatao.

Katutubo sa tao na linangin ang kanyang talino at lalong matindi ang nais na ito dahil ito’y hinahadlangan. Ang bumubuhay sa pamahalaan ay humihingi sa pamahalaan ng liwanag upang lalong makatulong sa bansa.

Pamahalaan na rin at ang mga prayle na rin ang pumipilit na kaming mga indiyo ay maghanap ng karunungan dahil sa inyong pag-aglahi sa amin sa kawalang pinag-aralan at kamangmangan.

Kami’y inyong hinuhubaran at pagkarapos ay pinagtatawanan ninyo ang aming kahihiyan.”

Talasalitaan:

  • Buhong – mapanlinlang
  • Capista – tagapaghatid
  • Inuupasalaan – manirang-puri
  • Itinangi – pinapahalagahan, pinag-uukulan ng mamumukod na pagmamahal
  • Karangalan – dignidad
  • Katedratiko – paring propesor
  • Lumait – umapi, kumutya
  • Mangmang – walang alam
  • Nakatutop – nakalagay
  • Pagbabalatkayo – pagkukunwari
  • Paghuhulo – pagkakaintindi
  • Payabungin – paunlarin
  • Pensing – eskrima
  • Salat – kulang
  • Siniil – ginipit
  • Tinakpan – ipininid
  • Tinutuligsa – pinupuna
  • Tutusin – bibilangin

El Filibusterismo Buod Kabanata 28: Pagkatakot

Sa El Grito ay pinangalandakan ni Ben Zayb na tama siya sa madalas niyang sabihin na nakasasama sa Pilipinas ang pagtuturo sa kabataan. Pinatutunayan umano ito ng mga paskil.

Binalot ng takot ang lahat mula sa Heneral hanggang sa mga Intsik.

Hindi na din nakapunta sa basar ni Quiroga ang mga prayle. Inayos din ng mga Intsik ang kanilang mga tindahan upang madali itong maisara kung sakali.

Naisip ni Quiroga na sumangguni kay Simoun upang itanong kung panahon na upang gamitin ang mga baril, pulbura at bala na ipinatago nito sa kanya.

Ayon sa napag-usapan nila ni Simoun ay palihim na ilalagay ang mga baril sa mga bahay-bahay at saka magpapahalughog ang pamahalaan.

Maraming madarakip lalo sa mga mayayaman at ito ay magpapatulong sa kanila na mangangahulugan ng malaking salapi.

Ngunit hindi nakausap ni Quiroga si Simoun. Ipinasabi lamang na huwag galawin ang anuman sa kinalalagyan.

Pumuta si Quiroga kay Don Custodio upang isangguni kung dapat niyang sandatahan ang sariling tahanan.

Subalit ayaw rin tumanggap ng bisita si Don Custodio. Kaya naman kay Ben Zayb nagtungo si Quiroga.

May dalawang rebolber na nakapatong sa mga papeles ng manunulat kaya ng makita niya ang mga ito ay nagpaalam kaagad ang intsik at nagdahilang may sakit.

Kinahapunan ay may kumalat na balitang may panayam ang mga estudyante at mga tulisan sa San Mateo. Ang balak daw na paglusob ng mga ito sa lungsod ay nabuo sa isang Pansiterya.

May bapor pandigma pa daw ang mga Aleman. May mga estudyante daw na nagtungo sa Malakanyang upang magpahayag ng pagkamaka-Kastila ngunit nahulihan sila ng armas kaya ang mga ito ay pinagkukulong.

Naligtas daw ang Heneral dahil noo’y nakikipanayam sa mga puno ng orden o provincial sa Pilipinas.

May nagmungkahi na magpabaril ng isang dosenang pilibusterilyo upang matigil ang gulo.

Sabi naman ng isa’y sapat nang palakarin sa mga lansangan ang mga kawal na kabayuhan at may hilang kanyon upang ang lahat ay magsisipanhik ng bahay para manahimik.

Anang isa, pagpapatayin ang mayayaman at linisin ang bayan.

May naghalughog sa bahay ni Kapitan Tiyago kung saan si Basilio ay nanunuluyan. Hinahanap nila ang mga kasulatan ng binata.

Maya-maya’y dumating si Padre Irene saka nagbalita ng mga nakakatakot sa matanda.

Natakot si Kapitan Tiyago sa mga kwento ng pari. Napadilat ang Kapitan habang nakakapit sa kura.

Nagpumilit siyang makabangon ngunit hindi niya kaya. Bumagsak ito na bumubula ang bibig saka namatay.

Nakahawak ang patay kay Padre Irene na nakaladkad niya hanggang sa gitna ng silid.

Sa isang binyagan kinagabihan ay may nagsabog ng kwalta. Nag-agawan ang mga bata kaya maingay sa may pinto ng simbahan.

May nagdaang opisyal at nabigla ito sa mga nakita. Inakala niyang gawa iyon ng mga pilibusterilyo kaya hinabol ng sable ang mga batang nagsipasok sa simbahan.

Nagtakbuhan ang mga tao dahil nagsimula na raw ang himagsikan.

May dalawang tao na nahuling nagbabaon ng sandata sa silong ng isang bahay na tabla.

Hinabol ng mga tao ang dalawa upang ibigay sa pamahalaan ngunit hindi nila iyon nahuli. Ang mga baril ay lumang eskopeta na maari pang makasugat sa gagamit.

May beteranong napatay ng isang kawani sa pag-aakalang isa itong estudyante. Patay rin ang isang bingi na hindi sumagot ng tanungin.

Sa isang tindahan ay napag-usapan si Tadeo. Binaril na raw ito kaya napadaing ang babaeng kausap. Marami raw kasing utang sa ginang si Tadeo.

Sinabihan naman siya na baka raw madamay pa kay Tadeo ang may-ari ng tindahan kaya natahimik ang babaeng kanina lang ay dumaraing.

Si Isagani naman daw ay kusang nagpadakip. Isa daw siyang luku-luko ayon sa usapan.

Malamang daw ay babarilin din iyon. Wala namang paki ang babae dahil wala naman daw utang sa kanya ang binata. Baka daw pakasal na din sa iba si Paulita.

Halos lahat ng mga bahay ay may nagru-rosaryo.

Sa tinutuluyan nina Palcido Penitente, hindi naniniwala ang platero sa mga paskil. Si Padre Salvi lang daw ang may gawa noon.

Ayon naman sa isa ay si Quiroga ang may gawa dahil may ibig daw ipasok na kontrabando ang Instik na nasa look na sandaang libong pisong mehikano.

Nagkaroon daw ng kaguluhan. Pinadulasan ang mga kawani sa adwana at nakalusot ang salapi.

Pagkaraan ay may narinig silang mga yabag. Kay Quiroga naputol ang usapan ngunit kunwari’y binanggit ng isa si San Pascual Bailon.

Ang dumating pala ay si Placido kasama ang manggagawa ng kuwitis o pulbura ni Simoun.

Hindi raw nakausap ni Placido ang mga bilanggo. Ayon sa manggagawa ng pulbura ay magpupugutan ng ulo sa gabing iyon.

Hindi daw mangyayari iyon sabi ng isa dahil si Simoun na siyang madalas magpayo ng ganun ay maysakit. Nagkatinginan na lang ang dalawang bagong dating.

Pinalitan ang mga tanod sa pinto ng siyudad nang gabing iyon. Mga artilyerong Kastila ang ipinalit.

Kinabukasan sa Luneta ay may nakitang bangkay ng isang dalagitang kayumanggi. Halos hubad ang bangkay. Nakita man iyon ni Ben Zayb ay ‘di na rin niya ibinalita.

Talasalitaan:

  • Albacea – tagaganap ng huling bilin o testamento ng namatay
  • Aleman – taong taga-Germany
  • Kimi – namumula ang pisngi
  • Kuwalta – salapi, pera
  • Pahumal – nauukol sa ilong
  • Pinagpipiit – pinagkukulong
  • Sable – espada
  • Timpiin – supilin
  • Tudling – kulubot

El Filibusterismo Buod Kabanata 29: Ang Huling Pati-ukol kay Kapitan Tiyago

Marangya ang libing ni Kapitan Tiyago. Hinirang si Padre Irene na tagapamahala at tagapagpatupad ng testamento ng kapitan.

Ang malaking kayamanan ng namatay ay napunta sa Sta. Clara, sa Papa, sa Arsobispo, at sa mga orden. Ang dalawanpung piso ay itinira para pangmatrikula ng mga estudyanteng mahihirap.

Inalis ni Kapitan Tiyago ang dalawampu’t limang piso na pamana kay Basilio dahil sa kawalang-utang na loob umano nito ngunit isinauli ni Padre Irene at siya na raw ang magpapaluwal sa sariling bulsa.

Pinagtatalunan nila kung anong damit ang susuotin ni Kapitan Tiyago. Ipinirisinta ni Kapitan Tinong ang kanyang sirang damit-Pransiskano na nabili niya sa isang prayle sa halagang tatlumpu’t anim na piso.

Handa raw niya itong ibigay sa kaibigan na ni minsan ay hindi niya nadalaw noong nabubuhay pa.

Ang sastre ay tumutol at sinabing dapat prak ang ipasuot dahil ito ang suot ng kapitan nang magpakita sa mga mongha at ito ay laging naka-prak kapag dumadalo noong araw sa mga pagtitipon.

Nagprisinta pa ang sastre na hindi sisingilin nang mahal kapag sa kanya ipinagawa ang ipababaong damit. Tatlumpu’t dalawang piso ang halaga ng niyari niyang damit.

Ngunit sa bandng huli ay si Padre Irene pa rin ang nasunod kaya isang lumang damit ng Kapitan ang ipinasuot nito.

Usap-usapan na nagpakita umano ang kaluluwa ni Kapitan Tiyago. Dala ng namatay ang kanyang sasabunging manok, ang pisngi niya ay nananambok sa nganga at nasa kanyang bibig ang opyo.

Ang mga kasama ni Kapitan Tiyago sa sabungan na naroon ay pinag-usapan kung hahamunin kaya ni Kapitan Tiyago si San Pedro na pagsabungin ang kanilang manok sa langit.

Ayon kay Don Primitivo, naniniwala siyang parehong mananalo sina San Pedro at Kapitan Tiyago sa pagsasabong.

Sinalungat naman ni Martin Aristorenas ang teorya ni Don Primitivo. Para sa kanya, meron talagang mananalo at matatalo.

Tatlong pari ang nagmisa sa libing. Maraming kamanyang ang sinunog at agua bendita ang ipinandilig sa kabaong.

Hindi rin mabilang ang inawit na mga awiting Latin tungkol sa patay. Marami rin ang sumakit ang ulo sa katutugtog ng plegarya.

Humanga ang lahat sa libing ni Kapitan Tiyago.

Si Donya Patrocinio na kalaban naman ng kapitan noon sa pagkabanal ay inggit na inggit sa libing ni Kapitan Tiyago at tila nagnanais na mamatay na rin kinabukasan upang magkaroon ng libing na higit pa sa naging libing yumaong katunggali.

Talasalitaan:

  • Apyan – sigarilyo
  • Budhi – kalooban
  • Dayukdok – gutom na gutom
  • Hitso – nganga
  • Kuwakong – pinaglalagyan ng tabako
  • Maringal – marangya
  • Prak – barong Tagalog
  • Pinawalang-bisa – binalewala
  • Sumakabilang-buhay – namatay

El Filibusterismo Buod Kabanata 30: Si Juli

Balita sa buong San Diego ang pagkamatay ni Kapitan Tiyago at pagkakadakip kay Basilio. Dinamdam ito ng buong bayan lalo na si Juli.

Hindi mawala sa kanyang isip ang sinapit ng katipan. Nais niyang makalaya ito kaya naisip niyang lapitan si Padre Camorra dahil alam niyang isang salita lamang ng pari ay makakalabas ng kulungan si Basilio.

Gabi-gabing hindi pinapatulog ng pangamba ang dalaga at madalas din siyang bangungutin. Urong-sulong siya kung hihingi ng tulong sa pari o hindi.

Makaraan ang ilang araw ay nabalitaan niyang nag-iisa na lamang sa kulungan si Basilio dahil nakalaya na ang ibang mga nakapiit.

Wala tagapagtanggol si Basilio at wala rin naman kamag-anak lalo pa’t kamakailan lang ay namatay na si Kapitan Tiyago. Ipatatapon daw ito sa Carolinas.

Ayaw mang pumunta ni Juli sa kumbento upang humingi ng tulong kay Padre Camorra dahil natatakot siya sa binabalak at hinihinging kapalit nito ay napilitan pa rin siyang humingi ng tulong dito.

Pinilit din siya ni Hermana Bali sa pag-aakalang ang pari na lamang ang pag-asa ni Basilio.

Nang hapong iyon ay nagawa ni Padre Camorra ang panghahalay kay Juli. Kinagabihan, usap-usapan si Juli at ang pagtalon niya sa bintana ng kumbento na kanyang ikinamatay.

Patakbo siyang nilapitan ni Hermana Bali at bumaba sa pinto ng kumbento.

Ang lolo ni Juli na si Tandang Selo ay nagsisigaw at nagwala sa harap ng kumbento. Hindi niya kinaya ang nangyari sa apo.

Bigo rin siya sa paghahanap ng hustisiya kaya naisipan na lang ng matanda na sumama sa mga tulisan.

Talasalitaan:

  • Agua Bendita – Banal na tubig (Holy Water)
  • Islas Carolinas – lugar kung saan ipatapon si Tano na maaaring pagtapunan din kay Basilio
  • Kandili – proteksyon
  • Nahimatay – nawalan ng malay-tao
  • Takipsilim – dapit-hapon
  • Umiimik – kumikibo
  • Umuukilkil – paulit-ulit

SEE ALSO: Noli Me Tangere Buod ng Buong Kwento (Maikling Buod + PDF)

El Filibusterismo Buod Kabanata 31: Ang Mataas na Kawani

Hindi nabalita sa mga pahayagan ang pagkamatay ni Juli. Ang tanging nabalita sa tulong ni Ben Zayb ay ang kabutihan umano ng Heneral. Nakalaya na sina Makaraig at Isagani at tanging si Basilio na lamang ang hindi.

Ipinagtanggol ng Mataas na Kawani si Basilio. Mabuting bata raw ito at malapit nang matapos sa panggagamot. Lalo lamang napahamak si Basilio dahil bawat sabihin ng kawani ay panay ang tutol ng Heneral.

Dapat daw ay magkaroon ng halimbawang ‘di dapat tularan ang mga mahilig sa pagbabago. Pinagbintangan si Basilio ng Heneral na gumamit ng bawal na aklat sa medisina.

Ayon sa Kawani ay dapat matakot ang Heneral sa bayan.

Natawa lamang ang Heneral dahil wala umano siyang pakialam sa bayan sapagkat ang naglagay sa kanya sa pwesto ay ang bayang Espanya at hindi ang bansang Pilipinas.

Kapag itinanggi umano sa isang bayan ang liwanag, tahanan, katarungan at kalayaan ay ituturing ng bayan na magnanakaw ang nagtanggi ng mga ito.

Pagkaalis ng Kawani makaraan ang dalawang oras ay nagbitiw ito sa tungkulin at nagsabing siya’y uuwi na sa Espanya lulan ng kasunod na bapor.

Talasalitaan:

  • Katampalasanan – kalupitan
  • Koreo – sulat
  • Lakayo – komikero (clown)
  • Padrino – ninong
  • Umalingawngaw – magkalat ng balita

El Filibusterismo Buod Kabanata 32: Ang Bunga ng mga Paskil

Dahil sa mga nangyari sa mga mag-aaral ay hindi na nagpaaral ng mga anak ang mga magulang.

Sa unibersidad naman ay maraming bumagsak at bihira ang pumasa sa mga eksamen at sa kanilang kurso.

Hindi man nakapasa ay ikinatuwa pa rin iyon ni Tadeo at sinunog pa ang kanyang mga aklat. Hindi rin nakapasa sina Makaraig, Pecson, at Juanito Pelaez.

Si Pelaez ay napatali sa negosyo ng ama. Nagmadali namang pumunta sa Europa si Makaraig.

Sina Isagani at Sandoval lamang ang nakapasa. Si Basilio naman’y hindi pa nakakakuha ng pagsusulit dahil nasa bilangguan pa.

Sa bilangguan na rin niya nalaman ang pagkawala ni Tandang Selo at pagkamatay ni Juli. Sa tulong ng kutserong si Sinong na tanging dumadalaw sa kanya ay nalaman niyang lahat ang mga pangyayari.

Samantala, ayon kay Ben Zayb ay mabuti na ang lagay ni Simoun. Mamamahala umano ito ng isang piging sa bahay ni Kapitan Tiyago na nakuha ni Don Timoteo Pelaez sa murang halaga.

Mula noo’y madalas si Simoun sa tindahan ng mga Pelaez na usap-usapan ng iba na pinakisamahan na niya.

Ilang linggo lang ay nabalitang ikakasal na si Juanito kay Paulita. Bagay umano ang dalawa dahil pareho silang walang-isip at makasarili.

Buwan na ng Abril at limot na ang mga pangamba. Hinintay-hintay ng buong Maynila ang piging sa kasal nina Juanito at Paulita.

Isang bagay lang ang pinagkakaabalahan at iniisip ng ilan, ang makipagkaibigan kay Simoun at Don Timoteo Pelaez para maimbita sa kasal.

Ninong daw ang Kapitan Heneral sa nalalapit na kasal at si Simoun ang mag-aayos at maghahanda nito.

Talasalitaan:

  • Bilangguan – piitan, bilibid
  • Bitayan – entablado
  • Hukom – tagahatol
  • Mabimbin – maantala
  • Mapawi – maparam, kumupas
  • Pagsalakay – paglusob
  • Palugid – pagpapaurong sa parusa
  • Talumpati – panayam

El Filibusterismo Buod Kabanata 33: Ang Huling Matuwid

Maaga pa ay inayos na ni Simoun ang kanyang mga hiyas at armas.

Araw na ng kanyang pag-alis at sasabay na siya sa Kapitan Heneral. Naniniwala ang marami na hindi magpapaiwan si Simoun dahil baka marami ang mga taong galit at maghiganti sa kanya o kaya naman ay pag-uusigin siya ng kahaliling Heneral.

Kinahapunan ay nagkulong si Simoun sa kanyang silid at nagbilin na wala siyang ibang tatanggapin kundi si Basilio lamang. Dumating si Basilio at nagulat ni Simoun sa laki ng ipinagbago ng binata.

Payat na payat na ito, humpak ang mga pisngi, gulo ang buhok, walang ayos ang pananamit at wala na ang dating amo ng kanyang mga mata. Si Basilio ay tila isang patay na muling nabuhay.

Nasambit ni Basilio kay Simoun na naging masama siyang anak dahil hindi niya ipinaghiganti ang kasawian ng kanyang ina at kapatid.

Sa kanyang pag-iwas kay Simoun at sa mga plano nito ay wala umano siyang napala kundi ang pagkakulong. Handa na raw siyang sumanib dito.

Nagsalita si Simoun at sinabing nasa panig daw pala niyang talaga ang katwiran. Ang kanyang usapin ay siyang usapin ng mga sawimpalad na tulad ni Basilio.

Tumayo si Basilio at sinabing matutuloy na ang himagsikan dahil hindi na siya nag-aalinlangan.

Si Simoun naman ay nagsabi na ang nagtulak sa kanya upang ipagtuloy ang kanyang mga balak ay ang mga mabait na hindi makapagdesisyon ng maigi at ayaw ng gulo.

Kung nagkatulungan na daw sana noon pa ang mga nasa mataas na lipunan at ang mga nasa ibaba, ang gawain sana ay mapagkawanggawa at hindi madugo at buktot.

Nagpunta sila sa laboratoryo at ipinakita ni Simoun ang isang granada kay Basilio. Napag-usapan nila kung paano ito ginagamit at saan nila ito gagamitin.

Sa kapistahan daw umano nila gagamitin ang tila ilawan ngunit isang granada na pipinsala sa mga bisita sa pista.

Ang plano ay magtatagpo sina Kabesang Tales at Simoun sa siyudad upang agawin ang mga armas na itinago ni Simoun sa tindahan ni Quiroga.

Si Basilio naman ang namumuno sa mga arabal at pag-aagaw ng mga tulay. Magkukuta siya roon upang sumaklolo kina Simoun.

Papatayin niya ang lahat ng laban sa paghihimagsik at lahat ng lalaking tatangging sumama at humawak ng sandata.

Sinabihan ni Simoun si Basilio na sa ikasampu ng gabi ay magkikita sila sa tapat ng simbahan ng San Sebastian para sa mga huling tagubilin.

Talasalitaan:

  • Balang – lukton
  • Makahuma – makagalaw
  • Nag-aatubili – nag-uurong-sulong, nag-aalinlangan
  • Nagbunsod – nagtulak
  • Pinaglagakan – pinagtaguan

El Filibusterismo Buod Kabanata 34: Ang Kasal ni Paulita

Ika-walo na ng gabi. Nasa daan pa si Basilio ng maisip na makituloy sa kaibigang si Isagani. Ngunit hindi pala umuwi ang kaibigan sa buong araw na iyon.

Dalawang oras na lang at sasabog na ang ilawan ni Simoun. Marami tiyak ang mamamatay.

Sinalat ni Basilio ang kanyang rebolber at naalala ang babala ni Simoun na lumayo siya sa daang Anloague.

Ang bahay ni Kapitan Tiyago ay nasa daang iyon. May binanggit na kasayahan si Simoun kung saan sa bahay na iyon idaraos ang piging sa kasal nina Paulita at Juanito.

Nakita niya ang pagdating ng sasakyan ng bagong kasal. Naisip niya ang kaibigang si Isagani.

Naawa siya rito at naisip na yakaging sumama sa himagsikan. Ngunit naisip din niya na malamang ay ‘di papayag si Isagani dahil hindi pa naman nito naranasan ang mga naranasan ni Basilio.

Muli niyang naalala ang kanyang pagkabilanggo, ang kabiguan sa pag-aaral, at ang nangyari kay Juli.

Saka muling hinaplos ang puluhan ng rebolber at ninasang dumating na sana ang sandaling hinihintay.

Dumating ang sasakyan ni Simoun kasama ang kutserong si Sinong. Sumunod sila sa sasakyan ng bagong kasal.

Nagtungo din si Basilio sa Anloage sa bahay ni Kapitan Tiyago. Doon kasi gaganapin ang hapunan at nandoon din ang Kapitan Heneral na ninong sa kasal. Dala naman ni Simoun ang ilawan na kanyang handog.

Sa bahay ni Kapitan Tiyago ay makikita sa mga dingding ang mga magagarang palamuting papel, aranya, at mga bulaklak.

Ang kurtina sa bahay ay may pulang pelus na nabuburdahan ng ginto at may unang titik ng pangalan ng mag-asawa.

Napakagara ng bahay na iyon. Parang hapag ng mga diyoses ang pagdarausan ng hapunan.

Para sa mga dakilang panauhin ang mesa at ang mga diyus-diyusan ay sa asotea nakalagay.

Pipito ang doon ay nakaupo. Naroon ang pinakamasarap at mahal na alak. Ubos-kaya si Don Timoteo, ang ama ng lalaking ikinasal.

Talasalitaan:

  • Bumabaha – umaapaw
  • Gumigiit – pumipilit
  • Lasug-lasog – wasak, punit-punit, durog
  • Mawaglit – mawala
  • Nasinagan – nasikatan
  • Pagdarausan – paggaganapan
  • Puluhan – tangkay, tatagnan, bitbitan
  • Pumpon – kumpol, bungkos

El Filibusterismo Buod Kabanata 35: Ang Piging

Ikapito ng gabi nang simulang dumating ang mga bisita sa bahay ni Kapitan Tiyago kung saan naroon ang piging para sa ikinasal.

Unang dumating ang maliliit na tao hanggang sa may malaking katayuan sa tungkulin at sa kabuhayan. Lahat ng mga bisita ay pinagpupugayan ni Don Timoteo.

Dumating na rin ang bagong kasal kasama si Donya Victorina. Si Padre Salvi ay naroon na ngunit wala pa ang Heneral.

Pupunta sana sa palikuran si Don Timoteo ngunit ‘di siya makaalis dahil wala pa ang Heneral.

Mayroong pumintas sa mga kromo sa pader. Nagalit ang Don at sinabing iyon daw ang pinakamahal na mabibili sa Maynila. Kinabukasa’y sisingilin daw niya ang utang ng pumintas.

Dumating na rin ang Heneral. Nawala ang mga dinaramdam ni Don Timoteo. Si Basilio naman ay nasa harap ng bahay at pinapanood ang mga nagdaratingan.

Naawa siya sa mga inakala niyang mga walang malay na mamamatay roon kaya naisip niyang bigyan sila ng babala.

Ngunit ng makita niya sina Padre Salvi at Padre Irene ay nagbago ang kanyang isip.

Nakita rin ni Basilio si Simoun na dala ang ilawan. Kakila-kilabot ang anyo ni Simoun na naliligid ng apoy at parang nag-aalinlangan din ito sa pagpanhik.

Ngunit nang magtuloy ay sandali niyang kinausap ang Heneral at iba pang mga bisita. Saka siya nawala sa paningin ni Basilio.

Nalimot na naman ni Basilio ang kapighatiang dinanas ng kanyang ina, kapatid, at ni Juli.

Namayani ang kanyang kabutihang loob at ninais na iligtas ang mga nasa bahay ngunit siya’y hinadlangan ng mga tanod dahil sa marusing niyang anyo.

Namutla si Simoun nang makita si Basilio na iniwan ng tanod-pinto upang magpugay sa kanya.

Ang mukha niya’y tila nagsasabi na tumuloy sa sasakyan at nag-utos na, “Sa Eskolta. Matulin!”

Mabilis na lumayo si Basilio ngunit may nakita siyang lalaki na nakatanaw sa bahay.

Si Isagani pala iyon kaya niyaya niya itong lumayo. Ipinaliwanag niya ang tungkol sa ilawan saka hinila si Isagani.

Ngunit mabilis na nagpasya ang binata ng makitang nagpupuntahan na sa kainan ang mga bisita. Naisip niya na kasamang sasabog sa bahay si Paulita.

Sa loob ng bahay ay may nakita ang mga nagpipiging na isang kaputol na papel na ganito ang nakasulat.

MANE THACEL PHARES

JUAN CRISOSTOMO IBARRA

Ani Don Custodio ay isang biro lamang iyon dahil matagal nang patay si Crisostomo Ibarra.

Ngunit ng Makita ni Padre Salvi ang papel at ang nakasulat doon ay namutla ito.

Lagda daw iyon ni Ibarra kaya napahilig siya sa sandigan ng silya saka nanlambot sa takot.

Magpapatawag sana ng mga kawal ang Kapitan Heneral ngunit ng walang makita kundi mga utusan na hindi niya naman kilala ay sinabi na lamang nito na magpatuloy sa pagkain at ‘wag intindihin ang ganoong klaseng pagbibiro.

Ngunit ang Heneral ay nagkunwari lamang na hindi takot kahit pa ang lahat sa loob ng bahay ay takot na takot sa nasaksihan.

Maya-maya’y nagsalita si Don Custodio. Sa wari daw niya’y ang kahulugan ng sulat ay papatayin silang lahat noong gabing iyon.

Hindi sila lahat nakakibo. May nagsabi na baka lasunin sila kaya binitawan ang mga hawak na kubyertos. Siya namang paglabo ng ilawan.

Anang Kapitan Heneral kay Padre Irene ay itaas nito ang mitsa ng ilawan.

Bigla namang may mabilis na pumasok, tinabig ang utusang humadlang dito, saka kinuha ang ilawan, itinakbo sa asotea, at itinapon sa ilog.

May nagsabing magnanakaw daw iyon at may nanghingi pa ng rebolber.

Ang anino naman na kumuha sa ilawan ay tumalon rin sa ilog.

Talasalitaan:

  • Lumagpak – bumagsak, nahulog
  • Nagbabantulot – nag-aalinlangan
  • Nagbuwal -nabagsak
  • Panibugho – inggit, selos
  • Pumanhik – umakyat

El Filibusterismo Buod Kabanata 36: Mga Kapighatian ni Ben Zayb

Matapos malaman ang pangyayari ay patakbong nagtungo si Ben Zayb sa kanyang bahay. Mula sa bahay ni Kapitan Tiyago ay umuwi si Ben Zayb sa kanila. Hindi siya natulog ng gabing iyon. Nagtiis siyang iwan ang hapunan at sayawan.

Sa kanyang pagsusulat ay tila gumagawa si Ben Zayb ng panibagong istorya. Ayon sa kanyang pagkakasalaysay, ang Heneral ay naging bayani, ang pagsuot ni Padre Irene sa ilalalim ng mesa ay naging udyok ng katapangan dahil ginawa niya ito sa patatangkang paghuli sa nagkasala.

Kay Don Custodio naman ay inalala ang katalinuhan at paglalakbay, samantalang ang pagkahimatay ni Padre Salvi ay gawa umano ng malaking dalamhati ng mabait na Pransiskano.

Ngunit matapos niyang isulat ng lahat ng iyon ay ibinalik sa kanya ng patnugon ng pahayagan ang kanyang sinulat. Ipinagbawal pala ng Kapitan Heneral ang pagbanggit sa nangyari nang gabing iyon.

May balita naman mula sa Pasig na nilusob daw ng maraming tulisan ang bahay-pahingahan ng mga prayle at nakatangay ng may dalawang libong piso. Malubha umano ang prayle at dalawang utusan nito.

Muli na namang umandar ang imahinasyon ni Ben Zayb. Gagawin daw niyang bayani ang isang kura na sa pagtatangol ay nagkasira-sira ang isang silyang ginamit laban sa mga tulisan.

Agad siyang nagtungo sa Pasig at doon ay natagpuan niyang sugatan si Padre Camorra. May isang maliit na sugat sa kamay at may pasa sa ulo ang pari. Tatlo diumano ang mga magnanakaw na may dalang gulok at limampung piso ang nanakaw.

Ayon kay Ben Zayb ay hindi tama ang salaysay ni Padre Camorra. Kailangan daw gawing marami ang mga tulisan.

Samantala, may nadakip sa mga tulisan. Pinaamin ito at sinabing sila raw ay inanyayahang sumama sa pangkat nina Matanglawin upang sumalakay sa kumbento at mga bahay ng mayayaman.

Isang Kastila na mataas, kayumanggi, puti ang buhok at ang pasabi ay kumikilos sa utos ng Kapitan Heneral na kaibigan niyang matalik ang diumano’y mangunguna sa kanila. Katulong pa raw nila ang mga artilyero kaya wala raw dapat ikatakot.

Ang hudyat pa nga daw ay isang malakas na putok ngunit dahil walang putok na narinig ay inakala nilang nilinlang sila ng kanilang tagapanguna.

Ang ilan daw sa kanilang mga kasama ay nagsibalikan na sa bundok. Binalak nilang maghiganti sa umano’y Kastilang makalawa beses na umanong lumoko sa kanila. Kaya naman ang tatlong tulisan ay nagpasyang manloob.

Ayaw paniwalaan ang tulisan sa kanyang paglalarawan na si Simoun ang kanilang pinuno. Si Simoun naman ay hindi matagpuan sa kanyang bahay. Marami silang nakitang bala at pulbura doon.

Samantala, si Don Custodio ay naghanda ng habla laban sa mag-aalahas. Mabilis na kumalat ang balita tungkol kay Simoun. Maraming tao ang ‘di makapaniwala sa kanilang nabalita.

Talasalitaan:

  • Entreswelo – mesanin, isang silid na mas mababa sa pangalawang palapag
  • Kalakip – kasama
  • Nilooban – ninakawan
  • Pagkatigal – pagkabigla
  • Tinuligsa – binatikos

El Filibusterismo Buod Kabanata 37: Ang Hiwagaan

Sa kabila ng pagpipigil sa balita sa mga kaganapan noong gabi sa piging ay nalaman pa rin ito ng madla. Naging usap-usapan ito ng lahat ngunit palihim nga lamang.

Ang payat na platerong si Chikoy ay nagdala kasi ng hikaw kay Paulita. Tinatanggal na noon ang mga palamuti at sa mga hapag sa bahay ni Kapitan Tiyago at nakita niya mismo ang maraming supot na pulbura sa ilalim ng mesa, sa silong, sa bubungan, at sa likod ng mga upuan.

Ayon daw kay Ginoong Pasta ay iisa ang maaring gumawa ng gayon. Maaring isang kaaway ni Don Timoteo o kaagaw ni Juanito kay Paulita.

Binalaan agad ng may-ari ng bahay na si Kapitan Loleng kung saan nanunuluyan si Isagani na magtago ito.

Ngunit ngumiti lamang ang binata.

Ipinagpatuloy ni Chikoy ang pagbabalita. Aniya, dumating daw ang mga sibil ngunit wala namang mapagbintangan. Si Don Timoteo lamang daw at si Simoun ang nangasiwa sa pag-aayos ng bahay na pinagdausan ng piging. Pinaalis daw ang lahat ng mga ‘di kailangan sa imbestigasyon.

Natakot ang mga babaeng nakikinig sa ibinalita ni Chikoy. Hinulaan nila kung sino ang may kagagawan ng lahat.

May nagsabing ang mga prayle daw. Ang iba ay si Quiroga daw, o kaya ay ang mga mag-aaral. Baka daw si Makaraig. At tumingin si Kapitan Toringgoy kay Isagani.

Ang sabi ni Chikoy, ayon daw sa ilang kawani ay si Simoun ang may kagagawan noon. Kaya naman nagtaka ang lahat.

Biglang naalala ni Momoy, isa sa mga dumalo sa piging, ang pag-alis ni Simoun bago magsimula ang hapunan.

Ang sabi naman ni Chikoy ay nawawala daw si Simoun at kasalukukang pinaghahahanap ng mga sibil. Lalong nabuo sa isip ng mga kababaihan ang pagiging demonyo ni Simoun na nagkatawan umanong tao.

Dagdag pa ni Chikoy, iniisip umano ng mga may kapangyarihan na ang ilawan ang siyang magpapasiklab sa pulbura na nasa buong kabahayan.

Biglang natakot si Momoy ngunit nang makita ang kasintahan na si Siensa na nakatingin sa kanya ay nagtapang-tapangan ito.

Makaraan ng ilang sandali ay nagpaalam na si Isagani at umalis. Hindi na ito kaylan man bumalik pa sa kanyang amain.

Talasalitaan:

  • Buktot – nakakatakot
  • Platero – gumagawa ng alahas

El Filibusterismo Buod Kabanata 38: Kasawiang-palad

Kinuha ng Pamahalaan ang lahat ng pinaghinalaang tulisan para maitago ang kanilang kahinaan. Matapos ang pagsalakay ni Kabesang Tales ay anim o pitong mga magsasaka ang dinakip ng mga sibil saka pinalakad sa init ng araw.

Sampu o labindalawang mga gwardia sibil naman na mga Pilipino ang nang-aabuso sa mga bilanggo at pilit na pinapaamin na sila ang mga tulisan.

Abot-siko at kabit-kabit ang gapos ng mga ito na inilakad nang tanghaling tapat sa kainitan ng Mayo na walang sombrero at panyapak.

Kapag may natumba at mabagal ang paglakad ng mga bilanggo ay binugbog sila at pilit na pinapatayo. Nilalait pa ng ilang sibil ang mga bihag.

Ayon kay Mautang, isa sa mga Pilipinong sibil, may karapatan silang abusuhin ang mga bilanggo dahil magkapareho lang ang kanilang nasyonalidad.

May ilang mga tulisan na lumusob sa kanilang paglalakbay at sinimulan ang pagpalitan ng putok.

Namatay si Mautang at ilang mga gwardiya sibil.

May isang tao na nakatayo sa itaas ng bundok na iwinawasiwas ang baril. Inutusan ng kabo si Carolino na barilin iyon.

Mukhang kilala ni Carolino kung sino ang taong nasa bundok ngunit hindi niya masyadong maaninagan dahil sa init ng araw.

Nang tingnan niya ang mga nakahandusay, nakita niya sa mga iyon ang kanyang lolo Selo. Nakatingin ito kay Carolino habang nakaturo ang daliri sa likod ng talampas.

Namutla si Carolino. Hindi niya inaasahang siya ang makakapatay sa kanyang ingkong.

Talasalitaan:

  • Iika-ika – pipilay-pilay
  • Kabyawan – asukarera
  • Kapasete – helmet
  • Pagtudla – pag-asinta
  • Walang kaabug-abog – biglaan

El Filibusterismo Buod Kabanata 39: Katapusang Kabanata

Si Padre Florentino ay malungkot na tumugtog ng kanyang armonyum. Umalis si Don Tiburcio de Espadaña sa pag-aakalang siya ang Kastilang tinutukoy sa telegrama na darakpin daw sa gabing iyon. Akala niya’y natunton na siya ni Donya Victorina na kanyang asawa.

Isang telegrama ang pinabasa ng tenyente ng guwardiya sibil sa bayan kay Padre Florentino. Anang telegram, “Espanyol escondido casa Padre Florentino cojera remitara vivo muerte”.

Si Simoun talaga ang tinutukoy sa telegrama. Sugatang dumating sa bayan nina Padre Florentino si Simoun may dalawang araw na ang nakararaan. ‘Di na siya inusisa ng pari. Walang alam ang pari tungkol sa mga kaganapan noong gabi ng piging sa Maynila.

Ang akala ng pari ay kaya sugatan si Simoun sapagkat may naghiganti dito sa kadahilanang wala na ang Kapitan Heneral. Ngunit paliwanag ni Simoun ay nagkasugat lamang siya dahil sa kawalan ng pag-iingat.

Nang matanggap ng pari ang telegrama ay naghinala ito na si Simoun ay tumakas sa mga kawal na tumutugis sa kanya sa Maynila.

Si Simoun naman ay ayaw magpagamot sa ospital ngunit pumayag na mag-paalaga kay Dr. De Espadaña. Malubha ang sugat na natamo ni Simoun.

Itinigil ni Padre Florentino ang pagtugtog at inisip ang kahulugan ng pakutyang ngiti ni Simoun nang mabatid nito ang tungkol sa telegrama at sa ikawalo ng gabi ang dating mga darakip.

Sa isip ng pari ay taong palalo daw si Simoun na dati’y makapangyarihan ngunit ngayon ay kahabag-habag.

Inisip din niya kung bakit sa kanya na isang paring Pilipino ninais ni Simoun na mamalagi at magtago gayong dati’y napakababa ng tingin sa kanya nito.

‘Di kasi pinansin noon ni Simoun ang pakisuyo ng pari na tulungang makalaya si Isagani sa kulungan dalawang buwan na ang nakararaan.

Ikinalungkot din ni Isagani ang pagkakadali ng kasal ni Paulita at Juanito sa tulong ni Simoun. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito maging ang pagtulong ni Padre Florentino kay Simoun ay tila ba walang pagnanasang mailigtas ni Simoun ang sarili.

Pumasok ang pari sa silid ni Simoun at tila wala na ang mapangutyang anyo sa mukha nito. Uminom pala ng lason si Simoun at wari’y tinitiis ang sakit na dulot nito.

Tinangka pa ng pari na ihanap ng lunas si Simoun ngunit tumanggi na ito. Nagdasal ang pari at pagkatapos ay buong kabanalang kanyang inilapit ang isang silyon sa maysakit, at tumalagang makinig.

Dito na ipinagtapat ni Simoun ang tunay niyang katauhan. Halos nasindak ang pari. Malungkot na ngumiti ang maysakit. Tinakpan ng pari ng panyo ang mukha at tumungo upang makinig. Isinalaysay ni Simoun ang kanyang buhay.

Labintatlong taon siyang tumigil sa Europa upang mag-aral saka bumalik sa Pilipinas na puno ng pangarap at pag-asa. Napatawad na niya noon ang mga nagkasala sa kanyang ama at piniling mabuhay ng tahimik at mapayapa. Ngunit isang kaguluhan ang dumating sa kanyang buhay at sa isang iglap ay nawala sa kanya ang kanyang pangalan, yaman, pag-ibig, kinabukasan, at kalayaan. Naligtas lamang siya sa kamatayan sa tulong ng isang kaibigan.

Tinangka daw niyang maghiganti. Nagpunta siya sa ibang bansa dala ang bahagi ng kayamanan ng kanyang magulang at siya’y nangangalakal.

Sumali daw siya sa himagsikan sa Kuba. Nakilala niya roon ang Kapitan Heneral na noon ay Kumandante pa lamang. Pinautang siya at naging matalik na kaibigan dahil sa kawalang hiyaan ng kapitan na siya lang ang nakaaalam.

Sa tulong umano ng salapi ay nakuha niyang maging kaibigan ang Kapitan Heneral at naging sunud-sunuran pa sa kanya.

Marami pang pagtatapat na sinabi si Simoun na inabot na ng gabi nang matapos. Saglit na nanahimik at inihingi ng tawad ng pari ang mga pagkukulang ni Simoun. Hiniling din ng pari na igalang ng mag-aalahas ang kalooban ng Diyos.

Makaraan ay nagtanong si Simoun kung bakit hindi siya tinulungan ng Diyos sa kanyang layunin. Ang sabi ng pari ay dahil masama ang kanyang pamamaraan saka nagpaliwanag.

Tinanggap ni Simoun ang mga sinabi ng pari. Inaming siya’y nagkamali at naitanong na dahil ba sa pagkakamaling iyon ay ipagkakait na ng Diyos ang kalayaan ng isang bayan at ililigtas ang napakaraming higit pang salarin kaysa sa kanya?

Tumugon ang pari at sinabing ang matatapat at mababait ay nararapat na magtiis nang ang mga adhika nila ay makilala at lumaganap. Ang nararapat na gawin ay magtiis at gumawa.

Napailing lamang si Simoun. Madali lamang daw sabihin ang magtiis at gumawa sa mga taong hindi pa nakararanas ng ganoon. Natanong pa ni Simoun na anong klaseng Diyos daw ang humingi ng ganoon kalaking pagpapasakit.

Sinabi naman ng pari na ito raw ang isang Diyos na makatarungan at nagpaparusa sa kakulangan ng tao ng pananalig at sa mga gawang masama. Dagdag pa niya,

“Pinabayaan natin ang kasamaan kaya’t katulong tayo sa paglikha nito. Ang kalayaan ay ‘di natin dapat tuklasin sa tulong ng patalim. Tuklasin natin ito sa tulong ng nagpapataas ng uri ng katwiran at karangalan ng tao. Gumawa tayo ng mabuti, tapat at marangal hanggang mamatay tayo dahil sa kalayaan.”

Pinisil ni Simoun ang kamay ng pari. Naghari ang katahimikan. Dalawang pisil pa. Nagbuntong hininga si Simoun at higit na mahabang katahimikan ang namayani.

Napabulong na lamang ang pari ng,

“Nasaan ang kabataang naglalaan ng magagandang sandali, ng kanilang mga pangarap at kasiglahan alang-alang sa ikabubuti ng kanilang bayan? Saan naroon ang handang magpakamatay upang hugasan ng dugo ang napakaraming pagkakasala? Upang karapatdapat ang pagpapakasakit ito’y kailangang malinis at busilak. Nasaan ang kabataang may lakas na tumanan na sa aming mga ugat, ng kalinisan ng diwa na narumihan na sa amin, ng apoy ng sigla na patay na sa aming puso? O kabataan, kayo’y aming hinihintay!”

Naluha ang pari at binitawan ang kamay ni Simoun. May kumatok na utusang nagtanong kung magsisindi na ng ilawan. Hinipo niya si Simoun at dahil sa liwanag ng lampara ay nabatid na ito ay patay na. Lumuhod at nanalangin si Padre Florentino.

Pagkaraan ay tinawag ng pari ang mga utusan, pinaluhod ang mga ito at pinagdasal. Umalis ang pari sa silid at kinuha ang takbang bakal ni Simoun. Dinala niya ito sa talampas na laging inuupuan ni Isagani upang sisirin ng tingin ang kalaliman ng dagat.

Maya-maya’y inihagis ni Padre Florentino ang mga takba ng brilyante at alahas ni Simoun sa dagat.

Talasalitaan:

  • Dalumat – dila
  • Gubat – giyera
  • Kahalangdon – dignidad
  • Lubong – lamay
  • Mabudhion – traydor
  • Magtutudlo – propesor
  • Pahamatngon – banta
  • Pinuy’anan – tahanan
  • Pusil – baril
  • Suba – ilog
  • Ulipon – alipin

I-download ang PDF bersyon ng post na ito at basahin ito offline. Maaari mo itong i-save sa iyong smartphone at basahin kahit saan.

Umaasa kami na nakatulong sa iyo at natuto ka sa mga buod na ito ng El Filibusterismo. Maraming oras ang inilaan namin sa pagsulat sa mga buod na ito, kaya naman kung natagpuan mong kapaki-pakinabang ang mga ito, mangyaring ibahagi ito sa iyong mga kaklase at kaibigan upang matulungan din kami na maipaabot ito sa mas marami pang mambabasa.

Maraming salamat! 🙂

54.3K Shares
Share via
Copy link