Florante at Laura Buod ng Buong Kwento

Ang Florante at Laura na isang mahabang tula at itinuturing na pinakamahalaga sa lahat ng mga korido sa Pilipinas. Ito ay isinulat ni Francisco Baltazar o mas kilala sa tawag na “Balagtas”.

Ang aktuwal at buong pamagat ng koridong ito ay “Pinagdaanang búhay ni Florante at ni Laura sa kahariáng Albanya: Kinuhà sa madláng cuadro histórico o pinturang nagsasabi sa mg̃á nangyari nang unang panahón sa imperyo ng̃ Gresya, at tinulâ ng̃ isáng matuwaín sa bersong Tagálog.

SEE ALSO: Florante at Laura Buod ng Bawat Kabanata 1-30 (with Talasalitaan)

Ang ilan sa mga tauhan dito bukod kina Florante at Laura ay sina Aladin, Flerida, Adolfo, Menandro, at marami pang iba.

Nawa ay makatulong sa inyo itong Florante at Laura buod ng buong kwento na aming ginawa upang maging gabay ng mga mag-aaral na naghahanap nito.

Florante at Laura Buod

Florante at Laura Image
  • Save

Sa isang madilim na kagubatan ay nakatali sa isang puno ng Higera ang isang taga-kaharian ng Albanya na ang ngalan ay Florante. Siya’y namimighati sa pagkawala ng kaniyang amang si Duke Briseo. Halos mabaliw siya sa kakaisip sa kanyang minamahal na si Laura na baka mapasakamay ng anak ni Konde Sileno na si Konde Adolfo.

Isang moro na naglalakbay noon sa kagubatan ang nakarinig sa pagtangis ni Florante. Ang pangalan ng moro ay Aladin at ito’y tila naantig ng mga pananalita ni Florante.

Dalawang liyon ang umatake noon kay Florante ngunit iniligtas siya ni Aladin. Nawalan ng malay tao ni Florante kaya ipinasya ni Aladin na alagaan muna ang binata hanggang sa magbalik ang kanyang lakas.

Nang gumaling si Florante ay nagulat ito sapagkat hindi niya lubos akalain na isang kalaban ng mga Kristyano ang nagligtas sa kanya sa kamatayan. Silang dalawa ay nag-usap at sinimulan na ring isalaysay ni Florante ang tungkol sa kanyang buhay.

Si Florante umano ay anak ng isang prinsesa at ng isang tagapag-payong maharlika. Lumaking masiyahin at puno ng pagmamahal at kalinga ang binata. Mahilig siyang maglaro at noong siyang anim na taong gulang ay muntik na siyang mapatay ng isang buwitre na nagtangkang dumagit sa batong hiyas na nasa dibdib ni Florante. Mabuti na lamang at nasagip siya ng pinsang si Menalipo na taga-Epiro na mahusay gumamit ng pana.

Nang siya’y labing isang taong gulang na ay ipinadala si Florante ng kanyang mga magulang na sina Duke Briseo at Prinsesa Floresca sa Atenas, Gresya upang mag-aral sa ilalim ng kilalang guro na si Antenor.

SEE ALSO: Florante at Laura Tauhan at mga Katangian ng Bawat Isa

Sa Atenas niya nakilala si Adolfo na kababayan niya at pinakamatalinong mag-aaral sa paaralan nang mga panahong iyon. Ngunit makalipas lamang ang anim na taon ay nalampasan na ni Florante ang mga kakayahan, kagalingan at katalinuhan ni Adolfo. Naging kilala si Florante at hindi ito ikinatuwa ni Adolfo.

Tinangkang patayin ni Adolfo si Florante  habang ito’y gumaganap sa isang dulaan sa kanilang paaralan. Mabuti na lamang at mabilis na namagitan ang kaibigan ni Florante na si Menandro kaya nakaligtas ito sa tangkang pagpatay sa kanya ni Adolfo.

Dahil sa naunsiyaming balak ay umuwi si Adolfo sa Albanya. Makalipas ang isang taon ay nakatanggap si Florante ng isang liham mula sa ama na naglalahad ng balitang pumanaw na ang kaniyang inang si Prinsesa Floresca. Dalawang buwan pa ang lumipas bago nakauwi si Florante sa Albanya. Kasama niya si Menandro sa kanyang pagbabalik.

Sa Albanya ay isang kinatawan ng kaharian ng Krotona ang humiling ng pagtulong mula kay Florante hinggil sa nalalapit na digmaan laban sa mga Persa (Persian). Hindi nakatanggi si Florante sapagkat lolo niya ang hari ng Krotona.

Samantala, naimbitahan naman si Florante sa palasyo ng hari kung saan siya’y nabighani kay Laura na anak ni Haring Linseo, ang hari ng Albanya.

Nang paunlakan ni Florante ang hinihinging tulong ng Krotona ay nakipagdigma ito laban sa heneral ng Persiya na si Osmalik. Limang oras ang itinagal ng kanilang pakikipagtunggali kung saan matagumpay na napatay ni Florante si Heneral Osmalik. Limang buwan na namalagi si Florante sa Krotona bago nagbalik sa Albanya para makita si Laura.

Noong siya nama’y nagbalik sa kanyang bayan na Albanya ay napansin ni Florante na nakawagayway ang bandila ng Persiya sa kanilang kaharian. Dahil dito’y muli siyang nakipagtunggali sa mga taga-Persiya at nagapi ang mga ito. Kanyang nailigtas sina Duke Briseo, Adolfo, Haring Linceo at Laura na muntikan nang mapatay ni Emir.

Dahil sa pangyayaring ito ay itinalagang “Tagapagtanggol ng Albanya” si Florante dahil sa kaniyang naipakitang kagitingan at katapangan. Ito nama’y lubhang ikinamuhi at ikinainggit ni Adolfo.

Sa isa namang labanan sa Etolya ay muling ipinagtanggol ni Florante ang Albanya mula sa pananakop ng mga taga-Turkiya na pinamumunuan ng kilalang mananakop na si Heneral Miramolin. Sa Etolya ay nakatanggap ng liham si Florante mula sa kaniyang ama. Pinababalik umano siya nito sa Albanya kaya naiwan sa pangangalaga ni Menandro ang hukbong kanyang pinamumunuan.

Nang makauwi si Florante sa kanyang bayan ay tinugis siya ng tatlumpung libong mga kawal na inutusan ni Adolfo. Siya’y nabilanggo ng dalawampu’t walong araw. Sa piitan na din nalaman ni Florante ang ginawang pagpugot ng ulo ni Adolfo sa kanyang ama at sa hari ng Albanya. Pagkaraan ay dinala si Florante sa kagubatan at itinali sa isang puno ng akasya.

Doon ay isinalaysay ni Florante ang kaniyang kaugnayan at pag-ibig kay Laura pati na rin ang pagkainggit sa kanya ni Adolfo na gustong angkinin ang trono ng Albanya.

Samantala, pagkalipas ng ilang panahon ng kanilang paglalakbay sa kagubatan ay ipinagtapat din ni Aladin na isa palang Persa na may pagkakatulad ang kanyang kapalaran kay Florante.

SEE ALSO: Noli Me Tangere Buod ng Bawat Kabanata (1-64 + Talasalitaan)

Aniya, pinagbintangan umano siya ng kanyang amang si Sultan Ali-Adab na iniwan daw niya ang kaniyang mga alagad na naging sanhi ng pagkagapi mula sa kanilang kaaway. Dahil dito’y nais papugutan ng ulo ni Sultan Ali-Adab si Aladin. Dahil kay Flerida na iniibig ng binata ay hindi natuloy ang balak na pagpatay sa kanya. Hiniling kasi ng dalaga sa Sultan na palayasin na lamang si Aladin sa kaharian at ang kapalit ay papakasal siya dito.

Habang nagsasalaysay si Aladin ay nakarinig sila ng mga tinig. Isang babae ang nagkukwento tungkol sa kaniyang pagtakas mula sa isang kaharian at sa kanya sanang pagpapakasal. Hinahanap umano ng babae ang kanyang kasintahan na tumagal ng anim na taon. Dagdag pa niya, sa loob ng kagubatan ay nakarinig siya ng mga iyak ng paghingi ng tulong.

Natagpuan niya ang isang babae na inaalipusta ng isang lalaking ibig gumahasa dito. Ayon sa babaeng naglalahad ay ginamit niya ang kanyang pana upang paslangin ang lalaking lumalapastangan sa babae.

Nagpakilala ang naglalahad bilang Flerida at ang babaeng kanyang iniligtas ay si Laura.

Si Laura naman ang sumunod na naglahad ng kanyang kwento. Ayon sa kanya, nang malayo sa kanyang piling ang kasintahang si Florante ay naging bantog si Konde Adolfo sa mga mamamayan ng Albanya, kahit na puro kasinungalingan naman ang ginagawa nito.

Nagtagumpay si Adolfo na sirain sa mga mata ng mga mamamayan ang hari ng Albanya kaya naangkin at naupo siya sa trono. Si Laura nama’y napilitang maging reyna nito. Ang hukbong nasa ilalim ng pamumuno ni Menandro ang naging dahilan kaya nalupig si Konde Adolfo. Tumakas itong tangay si Laura at nagtungo sa loob ng kagubatan.

Nagkatagpo ang apat sa kagubatan at pagkatapos ng paglalahad ni Laura ay nagsibalik sa kani-kanilang kaharian sina Florante at Aladin kasama ang kanilang mga minamahal na sina Laura at Flerida. Nagbalik sina Florante at Laura sa Albanya at sila’y naging hari at reyna doon. Sina Aladin at Flerida naman ay nagbalik sa Persiya. Sa kanilang pagbabalik ay naging sultan si Aladin dahil patay na ang kanyang ama.

Dahil sa mga kaganapang ito ay namuhay ng matiwasay at payapa ang dalawang kaharian.

89 Shares
Share via
Copy link