Magandang araw sa iyo, kaibigan! Hanap mo ba ay mga halimbawa ng talumpati tungkol sa kahirapan? Nasa tamang website ka! 🙂
Sa pahinang ito ay marami kang mababasang talumpati tungkol sa kahirapan na maaari mong pagkunan ng ideya para sa paggawa ng iyong sariling talumpati.
Huwag mo din namang sayangin ang mga aral na maari mong makuha sa bawat talumpating iyong mababasa.
Enjoy reading! 🙂
SEE ALSO: Ano ang Talumpati, Halimbawa ng Talumpati at mga Uri
Mga Halimbawa ng Talumpati Tungkol sa Kahirapan
- Talumpati Para sa Kahirapan
- Kahirapan, Masusulusyunan pa ba?
- Kahirapan: Problema ng Bayan
- Talumpati tungkol sa kahirapan
- Ang Patuloy na Paglaganap ng Kahirapan sa Bansa
- Talumpati sa Isyu ng Lipunan: Kahirapan
- Kahirapan: Hamon sa Bawat Pilipino
- Talumpati Tungkol Sa Kahirapan
- Talumpati Para Sa Kahirapan
- Mga napapanahong isyu ngayon: Kahirapan
- Sa Problema ng Kahirapan, Hindi ang Gobyerno, mga Politiko, at Mayayaman ang May Kasalanan Kundi ang mga Táong Nabubuhay Nang Lampas sa Kanilang Kakayahan
Talumpati Para sa Kahirapan
Talumpati ni Jhiann Lopez
Sa aking magandang mahal na guro, magandang umaga. At sa aking mga masasayahin at kooperatibong mga kaklase, naway sa maikling sandali ay hayaan ninyong hiramin ko ang inyong mga taynga.
Ako ay sadyang may isang katanungan sa aking isip, sa tingin niyo, ano ang pinakamalalang problema ng ating lipunan sa ngayon? Pagnanakaw? Korupsyon? Pagbebenta ng droga? O kahirapan? Sa aking matagal at masinsinang pagninilay-nilay, aking napagtanto na lahat ng mga problemang aking nabanggit kanina ay resulta ng kahirapan? Tama. Isa sa pinakamalaking kinakaharap na problema ng ating bansa ay ang kahirapan.
Dahil sa kahirapan, maraming tao ang nakakagawa ng kasalanan, dala ng kanilang kakulangan sa pera, ay napipilitan silang gawin ang mga bagay na hindi kanais-nais. Dahil doon, patuloy na dumarami ang bilang ng krimen sa ating bansa. Tayong mga Pilipino ay nahaharap ngayon sa isang matinding krisis. Namumuhay tayo ng salat sa mga pangunahing pangangailangan upang tayo ay mamuhay ng matiwasay. Taon-taon ay mas lumalala pa ang problema ng ating bansa na hindi masolusyunan dala ng kahirapan.
Isa sa pangunahing dahilan nito ay ang mga korap na opisyal ng gobyerno. Ninanakaw nila ang ang kaban o pondo ng ating bansa na para sana sa ikauunlad ng mamamayang Pilipino, ngunit napupunta sa sariling bulsa ng mga opisyales, kung kaya naman mas ramdam natin ang krisis. Isa pang dahilan ang kawalan ng mapapasukang trabaho ng mga tao kasabay ng sunod sunod na pagtaas ng bilihin. Paano tayo makararanas ng isang matiwasay na pamumuhay kung ang mga pangunahing pangangailangan pa nga lang ay hindi na natin kayang tustusan?
Isa pang dahilang ng kahirapan ay ang katamaran at maling pag uugali nating mga Pilipino. Ang katamaran ang nagunguna sa mga dahilan ng paghihirap ng mga tao. Wala silang tiyaga na maghanap ng mga posibleng paraan kung paano nila iaangat ang buhay nila sa kahirapan na kanilang tinatamasa. Ang mga oportunidad ay nababalewala dahil ang mga tao ay nakukuntento na sa salat nilang pamumuhay.
Ang mga nasabing halimbawa ay ilan lamang sa mga kaisipan na maaari kong ibahagi sa inyo. Ilan lang ang mga ito sa mga pangunahing dahilan ng paglaganap ng kahirapan sa ating bansa.
Mamarapatin pa ba natin ang mamuhay ng salat? Bakit nga ba hindi tayo makaahon sa kahirapan? Kailan pa tayo kikilos upang magbago ang takbo ng ating buhay?
Ako bilang isang kabataan, ay may layunin akong gawin ang aking makakaya para hindi maging isang mahirap at hindi maituring na isang basura lamang sa aking lipunan. Sa simpleng pamamaraan, ako’y magsisikap makapagtapos ng pag-aaral nang sa gayon ay magkaroon ng magandang kinabukasan. Hindi lamang ako kundi pati ikaw, tayong lahat ay kinakailangan ng pagkakaisa tungo sa kaunlaran. Lahat tayo ay may magagawa para sa kinabukasan ng ating bayan, isang bansa na magagamit,maipagmamalaki at higit sa lahat ay maipapamana sa susunod pang henerasyon.
Ano pa nga bang hinihintay natin? Ang patuloy pang lumala ang kahirapan na ating natatamasa? Bakit hindi tayo kumilos? Magsikap tayo habang maaga pa upang umunlad ang ating buhay!
Kahirapan, Masusulusyunan pa ba?
Talumpati ni Steven Coral
Isang pagbati ng magandang araw sa ating lahat.
Tingnan natin ang ating bansang Pilipinas. Maganda, mayaman at masaya. Ngunit, alam ba ninyo na sa kabila ng magandang imahen ng ating bansa ay nagkukubli ang isang suliraning batid ng karamihan pero bulag sa kasagutan.
Kahirapan, iyan ang suliraning kinahaharap ng ating bansa. Isang suliranin na deka-dekada nang problema ng ating bansa. Isang suliranin na kahit na anong gawin ay mahirap mawala. At, isang suliranin na hindi lang naninira sa imahen ng ating bansa kundi naninira rin sa kinabukasan ng bawat isa.
Ngayon, ang tanong ng karamihan, masusulusyunan pa ba ang kahirapan sa ating bansa?
Kung iyan ang tanong, iisa lamang ang kasagutan at iyon ay OO.
Mga kababayan, dapat nating unawain na ang kahirapan ay ang naging bunga lamang ng ating pagiging ganid, tamad at pagsasawalang-bahala. Hindi ito dulot ng ating kasaysayan at panahon.
Ngunit, sa dinami-dami na ng itinakbo nitong suliranin sa ating bansa, alam kong napapansin ninyo na paliit nang paliit na ang pag-asa natin para mawala ito. At, ito’y dahil sa mga Pilipinong lalo pang pinapairal ang pagkaganid sa pera kapalit ang kinabukasan ng iba. Pinapayaman ang sarili kapalit ang pagpapahirap ng ilan.
Isama pa ang mga Pilipinong namimili ng mga trabaho imbes na makuntento lamang dito. Mga kaibigan, dapat natin isipin na walang naaabot na hindi magmumula sa maliit. Kaya, ano ang kinahihinatnan ng ilan? Sila’y nawawalan na ng trabaho.
Ang mga pulitikong nagsasawalang-bahala sa ganitong suliranin ay nagdudulot din ng kahirapan. Imbes kasi naito’y bigyan kasagutan ay kanila itong sinasawalang-bahala. Ang mga programa para sa mahihirap ay isa nang malaking ginhawa para sa mararalita. Ngunit, minsan ay hindi ito pinaglalaanan ng pansin at kasagutan.
Ngunit, ang pamahalaan ay hindi pagawaan ng kaginhawaan. Mga kapwa kong Pilipino, matutuo tayong magsikap, matuto tayong magsipag at hindi parating nakasandig sa ating pamahalaan. Ang kaginhawaan ay pinaghihirapan at hindi inaasa sa iba.
Alam kong sa panahon natin ngayon, mahirap na para masulusyunan ang problema ng kahirapan sa ating bansa. Walang sapat nagamot para rito. Walang tamang sagot para sa tanong na ito.
Ngunit, kung tayong lahat ay magsisikap na matugunan ang problemang ito, matitiyak kong masasagot natin ito. Huwag tayo umasa lamang sa pamahalaan. Isipin natin lagi na kung gusto nating guminhawa ay matuto tayong magsikap para rito.
Ang kahirapan ay hindi panghabangbuhay. Ang kahirapan ay hindi na dapat natin ipamana sa susunod na henerasyon. May sulusyon ang lahat ng problema at nasa sa atin na lamang ito para tuklasin ito. Nasa sa atin na lamang kung paano tayo giginhawa sa kahirapang minsang sumira ng ating pangarap at pag-asa.
SEE ALSO: Mga Talumpati Tungkol sa Magulang
Kahirapan: Problema ng Bayan
Talumpati ni Hannalet Roguel
Isa sa pinakamalaking kinakaharap na problema ng ating bansa ay ang kahirapan. Pero bakit nga ba maraming Pilipino ang nagdurusa dahil dito?
Dahil sa kahirapan, maraming tao ang nakakagawa ng kasalanan, dala ng kanilang kakulangan sa pera, ay napipilitan silang gawin ang mga bagay na hindi kanais-nais. Dahil doon, patuloy na dumarami ang bilang ng krimen sa ating bansa. Nadadagdagan din lalo ang bilang ng mga namamatay. Pero bakit hindi nakilos ang ating mga pinuno ukol sa mga isyung ito?
Sadyang mahirap ang maging isang mahirap pero madaming paraan upang ito’y labanan kung ating gugustuhin.marami na tayong nabalitaan mula sa pagiging maralita ngayon ay natatamasa na ang kaginhawaan, dahil iyon sa kanilang pagsisiskap at pagpupursigi para sa kanilang gusting makamit.
Maraming mamamayan ang nakakaranas ng kahirapan, kung mapapansin natin, nagkalat ang mga batang iniwan o inabandona ng kanilang mga magulang na walang ibang matuluyan. Lalo na rin sa mga squatters area. Magulo at tila ba walang kaginhawahan at kapayapaan sa lugar na yaon.kung ating susuriin, mas marami ang bilang ng mga taong sadlak sa kahirapan, pero bakit ang mga taong may mataas na katayuan sa buhay, sa halip na tulungan ang mga itoay lalo pa nilang itinutulak sa kahirapan. Kaya mahihirap lalong naghihirap at ang mga mayayaman lalong yumayaman. Dulot ng walang pagkakaisa, may pag-asa pa ba ang bayan ay umunlad.
Ako bilang isang kabataan, may layunin akong iwasan ang pagigingisang mahirap at hindi maituturing na basura lamang sa isang lipunan.sa simpleng pamamaraan, ako’y magsisikap makapagtapos ng pag-aaral. Nang sa gayon ay magkaroon ng magandang kinabukasan. Hindi lamang ako kundi pati ikaw, tayong lahat ay kinakailangan ng pagkakaisa tungo sa kaunlaran. Lahat tayo ay may magagawa para sa kinabukasan n gating bayan, isang bansa na magagamit,maipagmamalaki at higit sa lahat ay maipapamana sa susunod pang henerasyon.
Talumpati tungkol sa kahirapan
Talumpati ni Sen Santuyo
Sa aking magandang guro, magandang hapon. At sa aking mga mababait, masasayahing mga kaklase, naway sa maikling sandali ay hayaan ninyong hiramin ko ang inyong mga taynga at hayaan niyo akong ipahayag ang aking ideya.
Ako ay nabubuhay na ng labing-anim na taon dito sa lipunang puno ng sakit at problema. Ano ba ang mga ito? Korupsyon ? Kalamidad? o Kahirapan? Sa aking palagay, oo kahirapan. Sinasabing ngayon ay panahon ng teknolohiyang nagpapabilis sa mga Gawain?Pero bakit marami pang tao ang uhaw sa pag-unlad?Maraming kababayan ang nahihirapan sa pagsabay sa agos ng buhay? Bakit marami pa ang naghahanap ng makakain sa tambak ng basurahan?
Kayraming katanungan iilan ang nalulutas. Sa pangyayaring ito, ating sinisisi ang gobyerno. Sinasabing sila ang dahilan kung bakit nakakaranas tayo ng ganitong krisis. Hindi ba dapat ay magpasalamat nalang tayo, na kahit papaano, nakapagbibigay sila ng patak ng tulong. Ang pinakamalala, sinisisi natin ang Diyos. Bakit? Ano ba ang kanyang kasalanan? Bakit tayo pa ang may karapatang magsisisi? Ang may kasalanan ay tayo rin. Dahil sa kahirapan, nagagawa nating mandamay ng ibang tao. Nagnanakaw dahil sa pera. Nanakit dahil sa tinapay na makakain lamang. At pumapatay dulot ng drogang gamot sa ating pagkabagot. Ang kahirapan ay tila isang kadenang nakagapos sa ating mga paa. Kadenang pumipigil sa ating pag-unlad. At kadenang unti-unting pumapatay sa atin dahil sa kalawang na matagal nang naka baluktot sa ating mga sarili.
Ang isang dahilan ng kahirapan ay ang katamaran. Tinatamad tayong tumayo sa sarili nating paa , upang maghanap ng opurtunidad na pwedeng makakalutas sa problemang ito. Nawawala ang presensya ng pagiging matiyaga. Paano natin maiaangat ang ating buhay kung tinatamad tayo? Hindi lahat ng opisyal ng gobyerno ay may magandang mithiin. Ang iba ay imbes na linulutas ang kahirapan, pinapalala pa nito. Mga opisyal na “korupsyon”ang ginagawang layunin. Hindi lang pera ang kanilang katiwalian pati buhay ng ibang Pilipino. Wag sana tayong “kukurap” pagdating sa mga taong “corrupt”.
Hindi na lingid sa ating kaalaman na simula pa noong iminulat natin ang ating mga mata, nagkaroon na tayo ng kamalayan tungkol sa sakit saating lipunang hindi pa nahihilom. Sana, sa paglagas ng mga pahina ng kalendaryo, unti-unti nating malutas ang problema lalong lalo na ang kahirapan. Huwag nating naisin ang mabuhay sa salat, dahil alam kong hindi tayo mananatili dito.
Ang Patuloy na Paglaganap ng Kahirapan sa Bansa
Talumpati ni Lawrence Reyes Gonzales
Bakit nga ba laganap ang kahirapan sa ating bansa? Bakit marami ang dumaranas ng isang mahirap at salat na pamumuhay? Masasabi bang isang maunlad na bansa ang pilipinas? Sa iyong palagay tayo ba ay nasa isang maunlad at hindi kapos na antas ng pamumuhay? Marami tayong pangangailangan na hindi masolusyunan ng gobyerno. Narito ang ilang kaisipan na maaring makatulong sa atin upang lutasin ang ating mga suliranin.
Tayong mga Pilipino ay nahaharap ngayon sa isang matinding krisis. Namumuhay tayo ng salat sa mga pangunahing pangangailangan upang tayo ay mamuhay ng matiwasay. Taon-taon ay lumalala ang problema ng ating bansa na hindi masolusyunan dala ng kahirapan. Isa sa pangunahing dahilan nito ay ang mga korap na opisyal ng gobyerno. Ninanakaw nila ang kaban o pondo ng ating bansa na para sana sa ikauunlad ng mamamayang Pilipino, ngunit napupunta lamang sa sariling bulsa ng mga opisyales, kung kaya naman mas ramdam natin ang krisis. Isa pang dahilan ay ang kawalan ng mapapasukang trabaho. Sabayan pa ito ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng bilihin. Paano tayo makararanas ng isang matiwasay na pamumuhay kung ang mga pangunahing pangangailangan pa nga lang ay hindi na natin kayang tustusan? Isa pang dahilang ng kahirapan ay ang katamaran at maling pag-uugali nating mga Pilipino. Ang katamaran ang nagunguna sa mga dahilan ng paghihirap ng mga tao. Wala silang tyaga na maghanap ng mga posibleng paraan kung paano nila iaangat ang buhay nila sa kahirapan na kanilang tinatamasa. Ang mga oportunidad ay nababalewala dahil ang mga tao ay nakukuntento na sa salat nilang pamumuhay. Mamarapatin pa ba natin ang mamuhay ng salat? Bakit nga ba hindi tayo makaahon sa kahirapan? Kailan pa tayo kikilos upang magbago ang takbo ng ating buhay?
Ang mga nasabing halimbawa ay ilan lamang sa mga kaisipan na maaari kong ibahagi sa inyo. Ilan lang ang mga ito sa mga pangunahing dahilan ng paglaganap ng kahirapan sa ating bansa. Ano pa nga bang hinihintay natin? Ang patuloy pang lumala ang kahirapan na ating natatamasa? Bakit hindi tayo kumilos? Magsikap tayo habang maaga upang umunlad ang ating buhay!
Talumpati sa Isyu ng Lipunan: Kahirapan
Talumpati ni Lovely Shaine Consuegra
Isang magandang bati sa lahat!
Iba’t ibang isyu ang kinakaharap ng ating lipunan kung kaya’t kaming mga kabataan ay dapat na may sapat na kaalaman tungkol dito upang hindi na madagdagan ang mga isyung ito.
Sa lahat ng isyung kinakaharap ng ating lipunan isa rito’y nakaagaw ng aking pansin, ang kahirapan.
Kahirapan ang kadalasang napag-uusapang isyu ng lipunan. Dahil sa isyung ito maraming tao ang naapektuhan at nakagagawa ng kasalan, kumakapit sa patalim kumbaga.
Maraming kabataan ang walang natutunan dahil hindi nakakapag-aral bunsod na dala ng kahirapan, walang perang panggastos ang kanilang mga magulang sa kanilang pag-aaral.
Sa halip, ang mga kabataang ito’y natututong magtrabaho kahit wala pa sa tamang edad, natututong magnakaw, gumamit ng droga, mamalimos sa lansangan, magsugal at iba pang hindi kaaya-ayang gawain.
Ang mga gawaing ito ay hindi nararapat na magpatuloy pa sapagka’t ito ay nakakadagdag ng mga suliranin at nagiging panibagong isyu na naman sa ating lipunan.
Sa aking palagay ito’y masosolusyunan kung mabibigyang pansin ang pagkakaroon ng libreng edukasyon ang ating bansa at ang mga magulang na walang trabaho ay bigyan ng pagkakataon na makapagtrabaho upang magkaroon ng sila ng puhunan na magagamit nila sa pang-araw-araw na gastusin at sa pag-aaral ng kanilang mga anak.
Sa tingin ko’y isang malaking tulong na ang mga kabataan ay makapag-aral upang magkaroon ng kaalaman kung ano ang tama at ang mali; at nang mababawasan ang mga isyu sa lipunan.
Bilang isang mag-aaral na gustong makatulong sa lipunan kahit sa simpleng paraan lamang, hinihikayat ko ang aking mga kapwa kabataan na mag-aral ng mabuti.
Ang edukasyon ay isang kayaman na hindi kailan man mananakaw sa atin kaya atin itong pahalagahan dahil ito’y makapagbibigay sa atin ng susi ng ating kinabukasan upang makamit natin ang tagumpay.
Dapat tayo ay determinado, may tiwala sa sarili sa bawat gagawin at manalig sa panginoon at humingi ng gabay.
Kahirapan: Hamon sa Bawat Pilipino
Talumpati ni Manny Villar
Hindi nakapagtataka na ang bawat administrasyon ay nagsisikap na pagandahin ang larawan ng bansa sa kabila ng matitinding suliranin, pero kung minsan ay tila nakakainsulto dahil sa kalabisan.
Isang halimbawa ang mga ginawang pagbabago sa paraan ng pagtaya sa lawak ng kahirapan. Isa sa mga binago ay ang pinakamababang komposisyon ng pagkain ng mga nasa Metro Manila upang ang isang pamilya ay hindi mabilang na dukha. Sa dating panukat, ang food threshold sa almusal ay tortang kamatis, sinangag, kape para sa matatanda at gatas para sa bata. Sa bagong panukat, ang dapat ihain sa almusal ay pritong itlog, kape na may gatas at kanin. Wala na ang gatas para sa mga bata. Marami ring nawala sa bagong panukat para sa tanghalian, meryenda at hapunan. Dahil sa mga pagbabagong ito, bumaba ang katumbas na sustansiya mula sa kinakain ng mga Pilipino para hindi mabilang na dukha. Ibinaba rin ang poverty income threshold o ang halagang dapat kitain ng isang pamilyang may limang miyembro para hindi mabilang na mahirap, mula sa dating P7,953.00 hanggang P7,017.00. Dahil sa mga pagbabagong ito, ang bilang ng mahihirap na pamilya ay bumaba mula 4.9 milyon hanggang 3.9 milyon, at ang bilang ng mamamayang dukha ay bumaba ng isang milyon – mula sa 24.1 milyon hanggang 23.1 milyon.
Sa aking pananaw, hindi malulutas ng anumang pagbabago sa panukat ang kahirapan. Kahit ang 23.1 milyong lugmok sa kahirapan ay napakalaking bilang pa rin. Tinatalakay ko ang paksang ito hindi para tuligsain ang pamahalaan kundi para ipakita na ang kahirapan ay isang hamon na dapat harapin ng lahat ng mga Pilipino. Ang unang hakbang para malutas ang kahirapan ay ang pagtanggap na ito ay suliranin ng bansa. Sa isang maysakit, walang magagawa ang sinumang manggagamot hangga’t hindi tinatanggap ng isang pasyente na siya ay maysakit. Sa halip na pagandahin ang larawan ng kahirapan sa pamamagitan ng pagmamanipula sa mga panukat ay dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang mga proyektong makakalikha ng hanapbuhay, na magtataas ng antas sa pamumuhay ng bawat pamilyang Pilipino at sa bandang huli ay tunay na magpapababa sa bilang ng mahihirap.
SEE ALSO: Mga Talumpati Tungkol sa Pamilya
Talumpati Tungkol Sa Kahirapan
Mula sa Takdangaralin.ph
Walang taong gustong maging mahirap, dahil mahirap ang maging mahirap. Ang antas ng tao sa buhay ay naayon sa sarili nitong pananaw. Ang bawat isa sa atin ay mayroong pagpipilian kung anong uri ng buhay ang gusto natin maging balang araw.
Wika nga ng isang kanta, “kung gusto ay may paraan at kapag ayaw ay may dahilan”. Para sa akin walang taong ipinanganak na nakatadhanang maghihirap.
Ginawa ng dakilang Lumikha ang buhay na talagang mahirap. Walang bagay na madali, lahat sa mundong ito ay pinagpapaguran muna bago mo ito makamtan. Karamihan sa atin ay mayroong mga negatibong pananaw sa buhay.
Halimbawa kapag ang magulang nila ay sadlak sa kahirapan at halos hindi na nakapag-aral, gagawin na rin nila itong basehan kung anong uri ng pamumuhay ang kahihinatnan nila sa hinaharap. Iwaksi at tigilan po natin ang ganitong gawain.
Matuto po tayong lumaban at pilit na baguhin kung ano ang hindi maganda na kinasasadlakan natin. Gumawa po tayo ng legal na paraan upang huwag ng tahakin ang landas na alam nating tutungo lamang sa kalunos-lunos na uri ng pamumuhay.
Ang karamihan sa bilang ng tao sa ating lipunan ay nasa mahirap na antas. Karamihan dito ay matatagpuan sa mga malalaking lungsod gaya ng Metro Manila. Sino ang itinuturing nating mga maralita sa Maynila? Mga Squatters. Saan galing ang mga ito? – sa probinsiya.
Simple at masarap ang mamuhay sa bayang kinagisnan, lalo na sa mga probinsiya. Payak ang pamumuhay, maging ng ating mga suliranin at gastusin at mga pangaraw-araw na pangangilangan. Huwag na po tayong makipagsapalaran sa isang lugar na kung saan tayo ay mga estranghero lamang.
Palaguin at pagyamanin natin kung ano ang mayroon tayo sa ating mga kanayunan. Hindi natin kailangang lumipat para umangat at maging sagana sa buhay. Ang ating ikabubuti ay nasa ating sarili.
Kung saan mayroong malalang kahirapan ay doon mo rin makikita ang talamak na kamangmangan. Ginagawa nilang sangkalan at dahilan ang pagiging mahirap upang hindi na mag-aral. Sa panahon po ng ating pamahalaan ngayon, ang edukasyon ay ginawa ng karapatan ng bawat indibidwal lalo na ng mga kabataan.
Ang pagpupunyagi at sipag na lang po ang ating kailangan na ipuhunan para tayo ay makaahon ng konti sa hirap ng buhay. Walang bagay na pilit na pinagsisikapan ang hindi natin makakamtan. Huwag nating tuldukan ang ating mga pangarap dahil lamang sa pagiging kapos sa buhay.
Gawin nating inspirasyon ang ating mga kahinaan para hindi na ito dadanasin pa ng ating mga susunod na anak. Iwasan ang panghihina ng loob bagkus ay tibay ng dibdib ang ating pairalin.
Para sa mga magulang na nandito sa okasyong ito, maging huwarang ehemplo po sana tayo sa mata ng mga bata. Magsilbi po tayong mga gabay at patnubay ng ating mga supling. Tumulong po tayo sa ating pamahalaan para hindi na masyadong lumobo ang bilang ng tao. Hikayatin po natin ang ating mga anak na mag-aral at turuan ng tamang disiplina at respeto.
Huwag po nating iasa ang kahihinatnan ng ating kinabukasan sa ating pamahalaan. Maging arkitekto at inhiyenero po tayo ng ating sariling pamumuhay.
Muli po at aking uulit-ulitin ang kahirapan ay hindi kailanman nakatadhana. Nasa inyo po ang desisyon kung saan ang daan na gusto ninyong tahakin sa buhay. Ang buhay ay parang sugal, matuto tayong dumiskarte at mag-isip. Alamin natin kung ano ang dapat at hindi nararapat.
Makuntento tayo kung ano ang mayroon tayo, ang mahalaga ay hindi ka nalilipasan ng gutom at mayroon kang nasisilungan. At ang pinakaimportante sa lahat huwag po tayong bibitaw sa ating mga pangarap at lagi po tayong mananalig sa ating dakilang Lumikha.
Ang taos puso ko pong pagbati ng magandang araw sa inyong lahat. Mabuhay po tayo.
Talumpati Para Sa Kahirapan
Ako ay sadyang may isang katanungan sa aking isip, sa tingin niyo, ano ang pinakamalalang problema ng ating lipunan sa ngayon? Pagnanakaw? Korupsyon? Pagbebenta ng droga?
O kahirapan? Sa aking matagal at masinsinang pagninilay-nilay, aking napagtanto na lahat ng mga problemang aking nabanggit kanina ay resulta ng kahirapan? Tama. Isa sa pinakamalaking kinakaharap na problema ng ating bansa ay ang kahirapan.
Ang Kahirapan ay ang problemang di malutas-lutas Bakit nga ba?
Dahil sa kahirapan, maraming tao ang nakakagawa ng kasalanan, dala ng kanilang kakulangan sa pera, ay napipilitan silang gawin ang mga bagay na hindi kanais-nais. Dahil doon, patuloy na dumarami ang bilang ng krimen sa ating bansa. Tayong mga Pilipino ay nahaharap ngayon sa isang matinding krisis. Namumuhay tayo ng salat sa mga pangunahing pangangailangan upang tayo ay mamuhay ng matiwasay. Taon-taon ay mas lumalala pa ang problema ng ating bansa na hindi masolusyunan dala ng kahirapan.
Isa sa pangunahing dahilan nito ay ang mga korap na opisyal ng gobyerno. Ninanakaw nila ang ang kaban o pondo ng ating bansa na para sana sa ikauunlad ng mamamayang Pilipino, ngunit napupunta sa sariling bulsa ng mga opisyales, kung kaya naman mas ramdam natin ang krisis. Isa pang dahilan ang kawalan ng mapapasukang trabaho ng mga tao kasabay ng sunod sunod na pagtaas ng bilihin. Paano tayo makararanas ng isang matiwasay na pamumuhay kung ang mga pangunahing pangangailangan pa nga lang ay hindi na natin kayang tustusan?
Isa pang dahilang ng kahirapan ay ang katamaran at maling pag uugali nating mga Pilipino. Ang katamaran ang nagunguna sa mga dahilan ng paghihirap ng mga tao. Wala silang tiyaga na maghanap ng mga posibleng paraan kung paano nila iaangat ang buhay nila sa kahirapan na kanilang tinatamasa. Ang mga oportunidad ay nababalewala dahil ang mga tao ay nakukuntento na sa salat nilang pamumuhay.
Diba mayroong tinatawag na programang 4P’s? Ito ay ginagamit upang suportahan ang pangangailangan ng mga bata. Pero bakit ang ibang magulang ay ginagamit ito upang gamitin sa masamang bisyo. Minsan andun sila sa Mahjongan, Tong’Its at iba pang gawaing masama o bisyo.
Ang mga nasabing halimbawa ay ilan lamang sa mga kaisipan na maaari kong ibahagi sa inyo. Ilan lang ang mga ito sa mga pangunahing dahilan ng paglaganap ng kahirapan sa ating bansa.
Mamarapatin pa ba natin ang mamuhay ng salat? Bakit nga ba hindi tayo makaahon sa kahirapan? Kailan pa tayo kikilos upang magbago ang takbo ng ating buhay?
Ako bilang isang kabataan, ay may layunin akong gawin ang aking makakaya para hindi maging isang mahirap at hindi maituring na isang basura lamang sa aking lipunan. Sa simpleng pamamaraan, ako’y magsisikap makapagtapos ng pag-aaral nang sa gayon ay magkaroon ng magandang kinabukasan. Hindi lamang ako kundi pati ikaw, tayong lahat ay kinakailangan ng pagkakaisa tungo sa kaunlaran. Lahat tayo ay may magagawa para sa kinabukasan ng ating bayan, isang bansa na magagamit,maipagmamalaki at higit sa lahat ay maipapamana sa susunod pang henerasyon.
Ano pa nga bang hinihintay natin? Ang patuloy pang lumala ang kahirapan na ating natatamasa? Bakit hindi tayo kumilos? Magsikap tayo habang maaga pa upang umunlad ang ating buhay! Hindi na palaging sinisisi pa sa gobyerno at sa Presidente!
KUNG TAYO AY MAY PANGARAP NA UMUNLAD TAYO AY MAGSUMIKAP!
Maraming Salamat po!
Nawa’y nagustuhan niyo po ito!
Mga napapanahong isyu ngayon: Kahirapan
Talumpati ni Iris Sicam
Ang kahirapan ang isa sa mga mabibigat ng problema ng ating bansa. Madalas nating sisihin ang maling pamamalakad ng mga pinuno ng bansa, pero sila nga ba ang may kasalanan o tayong mga Pilipino na tamad? Sabi nga nila, “Katamaran ay katumbas ng Kahirapan”, tama sila, at tama rin naman ang mga taong nagsasabing nasa gobyerno ang pagkakamali.
Ang rason kung bakit patuloy pa rin ang paghihirap ng ating bansa ay ang mga sumusunod:
- Ang dahilan ng kahirapan sa Pilipinas ay kakulangan ng pagtutulungan
- Digmaan
- Pagmamalabis
- Krisis
- Maling pagtrato sa mga pulubi at mahihirap
- Ibang priority ng may hawak ng pera
- Kakulangan sa pangangalaga sa kapakanan ng mga halaman at hayop
- Pagtago ng pera ng ilan at hindi pinaiikot
- Nabalitang corruption
- Kakulangan ng disiplina ng mga tao
Kung patuloy nating paiiralin ang ganoong mga pag-uugali, hindi uunlad ang ating bansa. Walang mangyayari. Walang makakamit na progreso ang Pilipinas. Ngunit ang naisip ko lamang na solusyon sa kahirapan sa ating bansa ay pagkakaroon ng DISIPLINA.
Ang hirap lang kasi yung iba wala naman yata sa bokabularyo nila ang salitang disiplina. Yun lang naman ang kelangan natin talaga. Hindi naman magagawa ng iisang tao ang pagbabago ng buong bansa. Tayong lahat ang dapat gumalaw para magbago.
Tigilan na rin natin siguro ang crab mentality. Imbes na matuwa dahil may nararating ang iba, naiinggit pa ang iba. Imbes na magsikap para sa sarili nila, naghihintay na may ibigay na lang ang gobyerno sa kanila. Kaya walang nararating ang iba sa atin.
Disiplina nga ang kailangan. Karamihan sa atin, lahat na ng pangit na nangyayari sa buhay nila, sa gobyerno nila sinisisi. Hindi sila nakapag aral, gobyerno ang sisisihin, wala sila trabaho, gobyerno nanaman ang may kasalanan. Wala silang makain, gobyerno nanaman. Nakakapagtaka tuloy bakit may mga indibibwal na nagmula din sa miserableng buhay, subalit sa pagsisikap ay nakaahon.
Disiplina nga ang kailangan. Kapag may disiplina lahat ng magagandang kaugalian ay susunod na. Matutong magsipag at magtiyaga ang isang tao. Hindi rin gagawa ng mali. Hindi rin aasa lang sa bigay ng gobyerno at lalong hindi nito sisisihin ang gobyerno. Pero ang tanong, paano matuturuan ng disiplina ang taong wala nito?
Kumilos na tayo hangga’t may oras pang natitira. Masosolusyunan natin ang kahirapan basta tayo ay nagtutulungan. Kaya kung ako sayo, tulungan mo ang sarili mo na magkaroon ng disiplina at maya-maya kapag talagang sa tingin mong tiyak na mayroon ka ng disiplina, tumulong ka na sa komunidad upang makagawa tayo ng mas maunlad at mabuting bansa.
SEE ALSO: Mga Talumpati Tungkol sa Edukasyon
Sa Problema ng Kahirapan, Hindi ang Gobyerno, mga Politiko, at Mayayaman ang May Kasalanan Kundi ang mga Táong Nabubuhay Nang Lampas sa Kanilang Kakayahan
Talumpati ni Jon E. Royeca
Sa isyu ng kahirapan sa ating bansa, ang laging sinisisi ay ang gobyerno, ang mga politiko, at ang mayayaman. Kung hindi raw mali ang pamamalakad ng gobyerno, kung hindi raw kurakot ang mga politiko, at kung hindi raw sakim ang mayayaman, wala raw mahihirap.
Gobyerno, mga politiko, at mayayaman. Silá lámang lagi ang itinuturong may salà. Tama ba naman ang ganyan? Silá na lámang ba ang laging may kasalanan, at ang nakararaming mga mamamayan ay walang pagkakamali?
Gobyerno at mga Politiko
Kung gobyerno at mga politiko ang laging may kasalanan, ang mga susunod na uupo sa Malakanyang, Kongreso, Korte Suprema, lokal na pamahalaan, sangguniang pambarangay, at iba pang puwesto sa gobyerno, kahit hindi pa nakauupo sa mga puwestong iyon, ay pawang mga makasalanan na. Kung tama ang ganyang pananaw, walang katapusang paninisi ang ganyan, dahil ang bawat uupo sa iba’t ibang puwesto sa gobyerno ay lagi na lámang ang siyang may kasalanan.
Magkakaroon tayo ng halalan para sa pangulo at pangalawang pangulo sa taóng 2088. Ang mananalong pangulo at pangalawang pangulo sa halalang iyon ay hindi pa isinisilang sa ngayon (2015). Kung tama ang pananaw na gobyerno na lámang ang laging may kasalanan, aba, ang mananalong pangulo at pangalawang pangulo sa 2088, kahit hindi pa ipinanganganak sa ngayon, ay kapwa makasalanan na.
Ang Mayayaman
Kung hindi gobyerno at mga politiko ang nasisisi, ang mayayaman naman ang pinag-iinitan. Madalas pukawin ang pananaw na ito: Ang bílang ng mayayaman ay wala pa raw 1% ng kabuuang populasyon ng bansa, at silá raw ang kumukontrol sa 99% ng yaman ng bansa; samantalang ang 1% ng yaman ng bansa ay pinaghahati-hatian ng 99% ng populasyon. Talamak daw ang kahirapan, dahil mangilan-ngilan lámang ang nakikinabang sa yaman ng bansa.
Hindi rin ang mayayaman ang dapat sisihin sa kahirapan. Ang mayayaman kasi—at hindi ang gobyerno—ang siyang nagtatatag ng mga bangko, paktorya, tindahan, pamilihan, at iba pang industriya na siyang bumubuhay sa bawat bansa.
Pagdating na sa ekonomiya, hindi gobyerno ang nagtatatag ng paktorya ng panloob, ang nagtatahi ng panloob, ang nagbabálot ng panloob, at ang nagbebenta ng panloob. Hindi rin ang gobyerno ang nagtatanim ng palay, ang nagdidilig ng palay, ang nag-aani ng palay, at ang nagbebenta ng palay. Gawain ang mga ganyan ng pribadong sektor o ng mga may-salapi.
Ang gawain ng gobyerno ay ang magbalangkas ng mga patakaran at batas na siyang dapat sundin ng mga nása industriya. Halimbawa: Itatakda ng gobyerno ang batas na ang presyo ng bigas bawat kilo ay P35. Dapat namang sundin iyan ng mga nagtitinda ng bigas. At titiyakin ng gobyerno na sinusunod ang mga ipinatutupad nitong mga batas upang maitaguyod ang kaayusan ng lipunan at upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayan.
Dahil sa mga industriyang itinatatag ng mayayaman, may napapasukang trabaho ang mga tao. Ang mga tao naman na may trabaho ay kumikíta. At dahil sa mga industriya at sa mga trabaho ng mga tao, may nakokolektang buwis ang gobyerno.
Kung walang mga industriya, walang mapapasukang trabaho ang mga tao. Kung walang mapapasukang trabaho, walang kikitain at magugutom ang mga tao. Kung walang mga industriya at trabaho ang mga tao, walang buwis na makokolekta ang gobyerno. Kung walang buwis na makokolekta ang gobyerno, walang itong maipagagawang mga pambayang proyekto gaya ng mga pampublikong daan, tulay, paaralan, ospital, pabahay, elektrisidad, at patubig, at wala ring maipansusuweldo sa mga pulis, sundalo, guro, empleyado sa mga tanggapan nitó, at iba pang mga lingkod-bayan.
Hindi dapat sisihin at kutyain ang mayayaman. Dapat pa ngang hikayatin na magpayaman ang maraming tao. Kung mas marami ang mayaman, mas mainam, dahil mas marami ang maitatatag na mga industriya.
Kung mas marami ang mga industriya, mas marami ang mapapasukang trabaho ng mga tao. Kung mas marami ang mga industriya at kung mas marami ang mga táong may trabaho, mas marami ang makokolektang buwis ng gobyerno. At kung mas marami ang makokolektang buwis ng gobyerno, mas marami ang magagawa nitóng mga pambayang proyekto.
Ang mga Tunay na Maysala
Hindi gobyerno, mga politiko, at mayayaman ang laging dapat sisihin sa isyu ng kahirapan sa ating bansa. Sino-sino kung gayon ang talagang may sanhi ng kahirapan? Ang sagot: Ang mga táong nabubuhay nang lampas sa kanilang kakayahan.
Sino-sino naman itong mga táong nabubuhay nang lampas sa kanilang kakayahan, at ang dahilan ng kahirapan sa ating bayan? Sila ang mga táong palaasa sa iba, ang mga táong hindi marunong magplano ng pamilya, at ang mga babaero.
Ang mga Taong Palaasa sa Iba
Si Analyn (di-tunay niyang pangalan) ay isang tin-edyer na ang tinitirhang barangay ay mayroong paaralan sa elementarya at sekondarya, sentrong pangkalusugan, at himpilan ng pulisya. Naroroon na sa kanilang barangay ang mga pangunahing serbisyo na maibibigay sa mga tao ng gobyerno.
Nang si Analyn ay nása ikatlong taon sa hay iskul, nabuntis siya ng isang 19-na-taóng-gulang, na nang malamang nagdadalantao na siya ay bigla na lámang naglaho sa kanilang lugar. Dahil hindi pa naman tapos sa pag-aaral, wala pang alam na trabaho, at sa gayo’y wala pang kinikíta, nanatili si Analyn sa tahanan ng kanyang mga magulang, na hindi rin naman sapat ang kinikíta.
Ang inaasahan ni Analyn na tutugon sa mga pangangailangan ng ipinagbubuntis niya ay ang kanyang mga magulang. Noong hindi pa siya nabubuntis, hindi inisip ni Analyn kung saan siya kukuha ng pambili ng gatas, pampaospital, pambili ng mga damit, pampadental, pag-aaral, at iba pang mga gugugulin ng kanyang magiging anak. Basta, nagpabuntis siya.
Ang mga táong katulad ni Analyn ay mga tao na palaasa sa iba. Iniaasa nila sa kani-kanilang mga magulang o iba pang tao ang lahat-lahat ng mga pangangailangan nila at ng kani-kanilang magiging pamilya. Sa halip na tumayo sa sariling mga paa, ang iniisip nila ay bibitbitin silá ng kani-kanilang mga magulang.
Wala namang problema sa ganito, kung may sapat na salapi at kakayahan ang mga magulang na itaguyod silá. Pero papaano na kung kakarampot din lámang naman ang kinikíta ng mga magulang?
Ang mga táong palaasa sa iba ay nabubuhay nang lampas sa kanilang kakayahan. Ang kinauuwian sa ganyang gawa nila ay ang talamak na gútom at karukhaan ng mga ginagawa nilang anak. Sa ganitong gawa nila, sino ang may kasalanan? Ang gobyerno, ang mga politiko, at ang mayayaman? At siláng mga táong palaasa ay walang pagkakamali?
Ang mga Hindi Marunong Magplano ng Pamilya
Si Efren (di-rin-tunay niyang pangalan) ay tagapagluto sa isang restoran. Kumikita ang restoran na iyon ng P10,000 bawat araw. Mula sa kita na iyon ay kinukuha ng may-ari ng restoran ang pambili sa mga inilulutong pagkain; pambayad sa koryente, tubig, telepono, at gas; pansuweldo sa mga tagapagluto at iba pang kawani; at buwis na ibabayad sa gobyerno. Ang káyang ipasuweldo ng may-ari ng restoran kay Efren ay P400 lámang bawat araw.
Mula naman sa P400 na iyon ay kinukuha ni Efren ang mga kailangan niya at ng kanyang pamilya, gaya ng pagkain; bayad sa bahay, koryente, at tubig; damit; at pag-aaral ng mga anak. Kung tutuusin, para lámang sa isang tao ang P400 na ito.
Ngunit pito ang anak ni Efren, at hindi káyang tugunan ng P400 ang lahat ng mga kailangan nila. Katákot-tákot na tipid at panggigipit sa sarili, asawa, at mga anak ang ginagawa ni Efren. Ang kinalalabasan ay hindi sapat ang kanilang pagkain at iba pang mga kailangan, gutóm ang mga anak kung pumapasok sa paaralan, at hindi mapag-aaral ni Efren sa kolehiyo ang kanyang mga anak.
Marami ang mga táong katulad ni Efren, na bagama’t mayroon ngang trabaho at kinikíta, subalit anak nang anak kahit wala naman silang sapat na kakayahan upang itaguyod ang maraming anak. Hindi sila marunong magplano ng pamilya.
Hindi iniisip ng mga táong hindi marunong magplano ng pamilya kung may pantustos ba silá para sa panganganak at iba pang pangangailangan sa gamutan. Ang batà ay likas na sakitin; kayâ’t dadalhin talaga ito sa ospital habang lumalaki. Pero hindi iniisip ng mga táong hindi marunong magplano ng pamilya kung may salapi ba silá para sa pagpapagamot ng kanilang magiging mga anak, para sa mga sakuna, at para sa iba pang dagliang pangangailangan.
Hindi rin iniisip ng mga táong hindi marunong magplano ng pamilya kung may pantustos ba silá para sa titirhan, pagkain, bitamina, damit, sapatos, pampadental, pag-aaral, at iba pang gugugulin ng kanilang magiging mga anak.
Ang mga táong hindi marunong magplano ng pamilya ay nabubuhay nang lampas sa kanilang kakayahan. Ang kinauuwian sa ganyang gawa nila ay ang talamak na gútom at karukhaan ng mga ginagawa nilang anak. Sa ganitong gawa nila, sino ang may kasalanan? Ang gobyerno, ang mga politiko, at ang mayayaman? At siláng mga táong hindi marunong magplano ng pamilya ay walang pagkakamali?
Ang mga Babaero
Pambihira ang mga laláking babaero. Bukod sa kanilang asawa, naghahanap pa silá ng ibang babae. Para sa kanila, kung mayroon siláng dalawa o higit pang asawa, mas maganda. Gustong-gusto nilang ipaalam sa buong mundo na silá ay babaero. At nalulugod silá kung laganap ang tsismis na silá raw ay mga babaero—o mga laláking matutulis, dahil mahihilig daw sa mga babae.
Wala namang masamâ kung gustong patunayan ng mga babaero na mahihilig silá sa mga babae. Sarili nilang kaligayahan iyon, at hindi dapat panghimasukan ng iba.
Ang masamâ sa gawa nilang iyan ay ang bawat babae na inaasawa nila, binibigyan nila ng maraming anak. Apat-apat o lima-limang anak sa bawat babae nila, gayong wala naman siláng sapat na pera para sa pagkain, gamot, damit, pampadental, pag-aaral, at iba pang kailangan upang mabuhay nang maayos ang mga ginagawa nilang tao.
Mabuti sana kung mapepera ang mga babaero, pero ang karamihan sa kanila ay wala namang sapat na kakayahan upang itaguyod ang maraming asawa at maraming anak. Ang ilan nga sa kanila ay walang mga trabaho at kinikíta.
Ang mga babaero ay nabubuhay nang lampas sa kanilang kakayahan. Ang kinauuwian sa ganyang gawa nila ay ang talamak na gútom at karukhaan ng mga ginagawa nilang anak. Sa ganitong gawa nila, sino ang may kasalanan? Ang gobyerno, ang mga politiko, at ang mayayaman? At siláng mga babaero ay walang pagkakamali?
Ang mga Lunas
Ang paglutas sa kahirapan sa ating bansa ay nagsisimula sa bawat isa sa atin. Hindi tama iyong gagawa ng problema ang isang tao, at kapag naririyan na ang problema ay maninisi na ng iba, na ang lagi nang sinisisi ay ang gobyerno, mga politiko, at mayayaman. Ano-ano ba ang mga paraan upang malutas ang matagal nang suliranin ng kahirapan?
Una, ang bawat tao ay dapat mag-aral hanggang sa makatapos ng isang kurso, ito man ay agrikultural, propesyonal, bokasyonal, teknikal, o iba pa. Ang mga natutuhang karunungan (knowledge), kaalaman (know-how), at kakayahan (skills) mula sa tinapos na kurso ang siyang magiging batayan ng papasukang trabaho.
Ikalawa, ang isang tao ay huwag munang mag-asawa kung wala pa siyang matibay na trabaho at kinikíta. Sa trabaho at kinikíta magmumula ang ipantutustos sa mga pangangailangan ng asawa’t mga anak. Kung wala pang trabaho at kinikíta, pero nag-aasawa’t nag-aanak na, ang kalalabasan ng ganyan ay gútom. Simpleng lohika lámang ang kailangan dito. Hindi natin kailangang maging mga henyo upang maunawaan ito.
Ikatlo, ang bílang ng magiging mga anak ay dapat ibatay sa kinikíta. Kung ang kinikíta ay sapat sa lima, anim, pito, o higit pang anak, at gustong gumawa ng lima, anim, pito, o higit pang anak, aba’y di gumawa ng lima, anim, pito, o higit pang anak. Pero kung ang kinikíta ay sapat lámang sa isa o dalawang anak, pero walo ang ginawang anak, mauuwi iyan sa kasalatan sa pagkain, damit, pag-aaral, pampaospital, pampadental, at iba pang mga pangangailangan.
Ikaapat, kung ang isang tao ay hindi makapag-aral o wala pang trabaho at kinikíta, huwag niyang gawing lunas sa ganyang problema ang pag-aasawa at pagpapamilya. Walang magulang na papayag na ang kanyang anak ay basta na lámang mag-aasawa at gagawa ng mga anak kahit wala pang natatapos na pag-aaral, wala pang trabaho, at wala pang kíta.
Ikalima, ang bawat isa sa atin ay dapat matutong makapagsarili o maging independent. Mali iyong wala pang trabaho at wala pang kinikíta, pero ang lakas na ng loob na mag-asawa at gumawa ng mga anak, at sakâ dadalhin sa mga magulang ang asawa’t mga anak, at ang mga magulang ang aasahang magpapakain at aaruga sa kanya at sa kanyang asawa’t mga anak.
Bago mag-asawa ang isang tao, mayroon na dapat siyang trabaho at kinikíta. Kahit makipisan pa siya at ang kanyang pamilya sa kanyang mga magulang, may sarili na siyang pantustos sa mga pangangailangan ng sarili niyang pamilya. Kung iaasa lámang niya ang mga pangangailangan ng sarili niyang pamilya sa kanyang mga magulang (na kapos din naman), ang kauuwian din sa ganyan ay gútom.
At ikaanim, kontrahin na natin ang mga babaero. Ang Kongreso ay dapat ay gumawa ng batas upang masupil ang ginagawa ng mga ganyang uri ng laláki. Apat-apat o lima-lima ang kanilang asawa, at pito-pito ang anak sa bawat asawa kahit wala naman siláng trabaho, o kung may trabaho man ay hindi naman sapat ang kinikíta upang itaguyod ang maraming asawa at mga anak. Marami pa sa kanila ang tinatakasan ang kani-kanilang mga responsibilidad bílang asawa at ama matapos mambabae at gumawa ng maraming anak. Dapat ay ipakulong ang ganyang mga laláki upang mabawasan ang mga ipanganganak na salat sa pagkain, damit, pampadental, pampaospital, pampaaral at iba pang pangangailangan.
Nagsisimula sa bawat isa ang kaunlaran. At hindi natin makakamit ang kaunlarang iyon kung táyo ay mamumuhay nang lampas sa ating kakayahan, kung papasukin natin ang isang bagay na hindi naman natin kayang panindigan, at kung sisisihin na lámang lagi natin ang gobyerno, mga politiko, at mayayaman sa kahirapan ng búhay na táyo rin naman ang siyang may kagagawan.
SEE ALSO: Mga Talumpati Tungkol sa Kabataan