Talumpati: Ano ang Talumpati, Halimbawa ng Talumpati at mga Uri

Ano ang Talumpati?

Ang talumpati ay isang sining ng pagpapahayag ng kaisipan o opinyon ng isang tao tungkol sa isang paksa na ipinababatid sa pamamagitan ng pagsasalita sa entablado. Mananalumpati ang tawag sa taong gumagawa at nagtatalumpati sa harap ng publiko o grupo ng mga tao.

Layon nitong magbigay ng kaalaman o impormasyon, tumugon, humikayat, mangatwiran, at maglahad ng isang paniniwala. Isa rin itong uri ng komunikasyong pampubliko kung saan ang isang paksa ay ipinapaliwanag at binibigkas sa harapan ng mga tagapakinig.

SEE ALSO: Sanaysay: Uri, Bahagi at mga Halimbawa ng Sanaysay

Uri ng Talumpati

May anim (6) na uri ng talumpati o pananalumpati. Ito ay ang talumpating pampalibang, nagpapakilala, pangkabatiran, nagbibigay-galang, nagpaparangal, at pampasigla.

Talumpating Pampalibang

Ang mananalumpati ay nagpapatawa sa pamamagitan ng anekdota o maikling kwento. Kadalasan ito ay binibigkas pagkatapos ng isang salu-salo.

Talumpating Nagpapakilala

Kilala rin ito sa tawag na panimulang talumpati at karaniwan lamang na maikli lalo na kung ang ipinapakilala ay kilala na o may pangalan na. Layon nitong ihanda ang mga tagapakinig at pukawin ang kanilang atensyon sa husay ng kanilang magiging tagapagsalita.

Talumpating Pangkabatiran

Ito ang gamit sa mga panayam, kumbensyon, at mga pagtitipong pang-siyentipiko, diplomatiko at iba pang samahan ng mga dalubhasa sa iba’t ibang larangan. Gumagamit dito ng mga kagamitang makatutulong para lalong maliwanagan at maunawaan ang paksang tinatalakay.

Talumpating Nagbibigay-galang

Ginagamit ito sa pagbibigay galang at pagsalubong sa isang panauhin, pagtanggap sa kasapi o kaya ay sa kasamahang mawawalay o aalis.

Talumpating Nagpaparangal

Layunin nito na bigyang parangal ang isang tao o kaya magbigay ng papuri sa mga kabutihang nagawa nito. Sa mga okasyon tulad ng mga sumusunod ginagamit ang ganitong uri ng talumpati.

  • Paggawad ng karangalan sa mga nagsipagwagi sa patimpalak at paligsahan
  • Paglipat sa katungkulan ng isang kasapi
  • Pamamaalam sa isang yumao
  • Parangal sa natatanging ambag ng isang tao o grupo

Talumpating Pampasigla

Pumupukaw ng damdamin at impresyon ng mga tagapakinig kung saan kalimitang binibigkas ito ng:

  • Isang Coach sa kanyang pangkat ng mga manlalaro
  • Isang Lider ng samahan sa mga manggagawa o myembro
  • Isang Pinuno ng tanggapan sa kanyang mga kawani

Uri ng Talumpati ayon sa Pamamaraan

Mayroon itong tatlong (3) uri ayon sa pamamaraan. Ito ay ang mga sumusunod:

Dagli

Ito ang uri ng talumpati na hindi pinaghandaan.

Maluwag

May panahon para maihanda at magtipon ng datos ang mananalumpati bago ang kanyang pagsasalita.

Pinaghandaan

Maaring isinulat, binabasa o sinasaulo at may sapat na pag-aaral sa paksa.

Bahagi ng Talumpati

Nahahati ito sa tatlong (3) bahagi; ang simula, katawan at katapusan.

Simula

Sa bahaging ito inilalahad ang layunin ng paksa kasabay ng stratehiya upang makuha sa simula pa lang ang atensyon ng tagapakinig.

Katawan o Gitna

Dito nakasaad ang paksang tinatalakay ng mananalumpati.

Katapusan o Wakas

Ito naman ang buod ng paksang tinalakay ng mananalumpati. Nakalahad dito ang pinakamalakas na katibayan, katwiran at paniniwala para makahikayat ng pagkilos mula sa mga tagapakinig ayon sa paksa ng talumpati.

Paano Gumawa ng Talumpati

Narito ang ilang payo sa paggawa ng talumpati.

  • Pumili ng magandang paksa.
  • Tipunin ang mga materyales na maaring pagkunan ng impormasyon tungkol sa napiling paksa. Pwedeng mga dating kaalaman o karanasan o kaya ay mga babasahin na may kaugnayan sa paksang gagamitin.
  • Simulan ang pagbabalangkas ng ideya at hatiin ito sa tatlong bahagi; ang simula, katawan at katapusan.
  • Maging sensitibo. Kung maaari ay iwasan na pag-usapan lamang ang tungkol sa sarili at pansariling kapakinabangan.
  • Iwasan din naman na maging “boring” ang iyong pagtatalumpati. Kung maari ay magkaroon ng “sense of humor” sa pagdedeliber ng talumpati at laging isipin ang iyong tagapakinig.

Mga Halimbawa ng Talumpati

Narito ang koleksyon ng mga halimbawa ng talumpati tungkol sa iba’t ibang paksa na aming nakalap mula sa iba’t ibang website.

7 Shares
Share via
Copy link