Ano ang Sanaysay?
Ang sanaysay o essay sa wikang Ingles ay isang komposisyon na kadalasan ay naglalaman ng pananaw o kuro-kuro ng may akda. Sa ganitong paraan, naipapahayag ng may akda ang kanyang damdamin sa mga mambabasa. Isa rin itong uri ng pakikipag-komunikasyon na ang layunin ay maipabatid ang iyong saloobin sa isang makabuluhan at napapanahong paksa o isyu.
SEE ALSO: Talumpati: Ano ang Talumpati, Halimbawa ng Talumpati at mga Uri
2 Uri ng Sanaysay
Ito ay may dalawang uri: ang pormal at di-pormal.
1. Pormal
Tumatalakay ito sa mga siryosong paksa na nagtataglay ng masusing pananaliksik ng sumulat. Kadalasan itong nagbibigay ng impormasyon tungkol sa isang tao, bagay, lugar o pangyayari. Ang tono nito ay siryoso at walang halong biro.
Isang uri ng pormal na sanaysay ang editoryal sa mga pahayagan. Ito ay tungkol sa opinyon ng sumulat sa mga maiinit na balita.
2. Di-pormal
Ito naman ay tumatalakay sa mga paksang karaniwan, personal at pang araw-araw na nagbibigay-lugod o mapang-aliw sa mga mambabasa. Binibigyan diin nito ang mga bagay-bagay at karanasan ng may akda sa isang paksa kung saan mababakas ang kanyang personalidad na para bang nakikipag-usap lamang siya sa isang kaibigan kaya naman ito ay madaling maintindihan.
Sa madaling sabi, tungkol sa damdamin at paniniwala ng may akda ang paksa ng di-pormal na sanaysay.
Mga Bahagi ng Sanaysay
Mayroon itong tatlong bahagi: ang simula o panimula, gitna o katawan, at wakas.
1. Simula/Panimula
Ang bahaging ito ang pinakamahalaga dahil dito nakasalalay kung ipagpapatuloy ng mambabasa ang kanyang binabasa. Sa simula pa lamang ay dapat mapukaw na ng may-akda ang damdamin ng mga mambabasa.
2. Gitna/Katawan
Dito naman mababasa ang mahahalagang puntos tungkol sa paksang isinulat ng may-akda. Malaman ang bahaging ito dahil ipinapaliwanag ng mabuti dito ang paksang tinatalakay o pinag-uusapan.
3. Wakas
Ito ang bahaging nagsasara sa talakayang nagaganap sa gitna o katawan ng sanaysay. Dito rin nahahamon ang pag-iisip ng mambabasa na maisakatuparan ang mga tinalakay sa paksang pinag-usapan.