Kung minsan tayong mga tao ay hindi na napapahalagahan ang kalikasan. Ito ay isang napakagandang biyaya ng may Kapal sa sangkatauhan. Ang mga halimbawa ng sanaysay tungkol sa kalikasan na aming nakalap at pinagsama-sama ay malaki ang magiging tulong upang magbukas ng kamalayan sa nasisira nating kapaligiran. Tampok dito kung paano maaring ingatan at alagan ang inang kalikasan na unti-unti nang nasisira dahil sa pang-aabuso ng mga tao.
Galing sa iba’t ibang websayt ang mga halimbawa ng sanaysay na maari ninyong mabasa dito. Nawa ay makatulong sa inyo ang koleksyong ito.
Maligayang pagbabasa!
SEE ALSO: Mga Tula Tungkol sa Kalikasan
Mga Halimbawa ng Sanaysay Tungkol sa Kalikasan
- Ang Aking Kapaligiran
- Global Warming sa Pilipinas
- Inang Kalikasan – 1
- Inang Kalikasan – 2
- Inang Kalikasan – 3
- Inang Kalikasan – 4
- Inang Kalikasan – 5
- Inang Kalikasan – 6
- Inang Kalikasan – 7
- Ang Magagawa kong Kabutihan para sa ating Kalikasan
- Pagkasira ng Kalikasan: Isang Historikal na Pagtingin
- Pangangalanga ng kalikasan: Bakit Kaya Kailangan?
- Kalikasan, Ating Pangalagaan!
- Kalikasan ay Kayamanan na dapat Pangalagaan!
- Luntiang Kalikasan, meron pa nga ba?
Ang Aking Kapaligiran
Akda ni Jheru Anselmo Mendoza galing sa Wattpad
Anim na araw daw ang iginugol ng Diyos sa paglikha ng mundo at sa ikapitong araw ay nagpahinga siya. Ginawa niya ang buong kalupaan at katubigan. Lumikha siya ng puno at halaman, pati mga hayop na titira sa lupa, sa tubig at sa kalangitan. Mula sa alabok ay nilikha niya ang isang espesyal na nilalang; ito ay ang tao. Siya ang inatasang mangalaga sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos. Siya ang tagapangalaga ng mundo. Ngunit ngayon, ang tanong na naghahari ay nasaan na ang dating paraiso?
Maitim na tubig sa ilog, basura sa dagat at kalbong gubat – iyan ang iyong makikita kapag minasdan mo ang kapaligiran. Nasaan ang tagapangalagang nilikha ng Diyos upang magbantay sa lahat ng bagay na kanyang ginawa? Alam mo ba kung nasaan siya? Nasa ilog at nagtatapon ng basura, nandoon din siya sa gubat at namumutol ng puno, nasa loob din siya ng pabrika kung saan nagtatapon siya ng langis sa dagat at nagbubuga ng maitim na usok.
Ang mga puno ay importante sa mga tao dahil ito ang naglilinis ng hangin at sumisipsip ng tubig ulan upang hindi bumaha. Dahil sa walang tigil na pagputol ng mga puno ay madalas magkaroon ng mga malalaking pagguho ng lupa at pagbaha, pati ang mga hayop sa kagubatan ay nanganganib din dahil nawawalan na sila ng tirahan. Kaunti na lang ang mga punong lumilinis ng hangin ngayon kaya ang mga tao ay madalas magkasakit. Nagkakaroon din ng mga pagbabago sa klima na dulot ng polusyon. Nagkakaroon ng mga malalakas na bagyo at sobrang init at matagal na tagtuyot. Pati ang mga ilog ay nasira at namatay na dahil sa kagagawan ng mga tao dulot ng walang habas na pagtatapon ng basura. Katulad ng Ilog ng Meycauayan. Ang isa sa pinaka-maruming ilog sa mundo na nandito sa aming lugar. Dati ay malinis pa ang ilog na ito ngunit dahil sa walang tigil na pagtatapon ng basura ay unti-unting nasira at namatay ang ilog.
Tunay na sa kabila ng pag-unlad ng sibilisasyon at teknolohiya ay ang kapaligiran ang higit na naaapektuhan. Kung may disiplina sana tayong mga tao, siguro malinis at maganda parin ang kapaligirang ating ginagalawan ngayon. Tayo ang tinaguriang tagapangalaga ng lahat ng bagay na nilikha ng Diyos. Kailan pa tayo kikilos upang itama ang pagkakamaling ating nagawa? Ngayon ang oras hangga’t hindi pa huli ang lahat. Tayo ang higit na naaapektuhan. Nais kong makita muli ang paraisong nilikha ng Diyos. Hahayaan pa ba nating tuluyang mawasak ang mundo. Papayagan mo ba na kahit ang itsura ng dagat, puno at halaman ay hindi na kailanman masilayan ng susunod na henerasyon. Tayo ang tagapangalaga, hindi tayo nilikha upang maging taga-ubos at taga-sira. Simulan natin sa ating sarili, sa simpleng pagtatapon ng wasto ay masisimulan nating likhain ang paraisong matagal ng hinahanap ng mga tao.
Global Warming sa Pilipinas
Halimbawa ng Pormal na Sanaysay – galing sa Sanaysay-Filipino.blogspot.com
Maraming isyu ang kinakaharap ng ating bansa sa kasalukuyan. Ngunit kung ako’y bibigyan ng pagkakataon na maging bahagi ng mga isyung ito, ang una kong pagtutuunan ng pansin ay ang isyu tungkol sa ating kapaligiran. Ginawa ko ang sanaysay na ito upang mailahad ko ang mga bagay na aking naiisip na kaakibat ng ating kapaligiran sa kasalukuyang panahon.
Patuloy na nasisira ang ating kapaligiran, dahilan upang magkaroon ng negatibong pagbabago hindi lamang dito sa ating bansa bagkus pati na rin sa buong sadaigdig. Ang lumalalang sitwasyon ay nagiging dahilan upang magkaroon ng pangyayari na tinatawag na global warming. Ang global warming ay ang pagtaas ng temperature ng ating mga karagatan at atmosphere at ang patuloy na paglala nito. Sinasabi ng mga scientist at mga eksperto na ang dahilan nito ay ang pagsusunog ng mga fossil fuels na nagiging sanhi ng pagkasira ng ozone layer n gating atmosphere. At dahil unti-unting nabubutas ang ozone layer, ang init na galing sa araw o itong tinatawag na sun’s rays na mapanganib sa ating kapaligiran kung ito’y direktang makapapasok ay siya na ngang nagyayari sa kasalukuyang panahon. Ang ozone layer ang siyang nagsisilbing taga-sala nito o filter upang hindi ang mga mabubuting sinag lamang ang makapasok sa ating atmosphere.
Sa isyu ng global warming, napakahalaga na pagtuunan ng pansin ang mga bagay na nagiging dahilan ng ganitong pangyayari. Alamin, sa abot ng makakaya, ang mga sanhi ng global warming. Sa ganitong paraan, malalaman natin ang mga dahilan ng pagkasira ng ating atmosphere at magagawan natin ng paraan. Maiiwasan natin ang mga gawaing nakapagdudulot ng unti-unting pagkabutas ng ating ozone layer gaya ng pagsusunod ng mga fossil fuels.
Hindi lamang sa ating henerasyon maaaring makaapekto ang global warming. Higit na mararamdaman ito ng ating mga anak at kanilang mga pamilya kung hindi natin maaagapan ang pagkasira n gating kapaligiran. Marapat lamang na hanggang maaga ay kumilos tayo upang hindi na lumala pa ang sitwasyon. Kailangan lamang na magkaisa tayo upang masolusyunan natin ang problemang kinakaharap. Malaki ang ambag ng bawat isa sa pagkakaroon ng mabuti at malinis na kapaligiran. Huwag n asana tayong dumagdag pa sa mga taong patuloy ang pagsira sa ating kapaligiran.
Inang Kalikasan – 1
Akda ni Sheila Mae Espeja galing sa InangKalikasan113.wordpress.com
Ang kalikasan ay isang biyayang galing sa ating Panginoon. Dito nanggagaling lahat ng bagay na ating ikanabubuhay. Ito ay maganda at kapakipakinabang. Mula sa pagkain, tirahan, gamot at marami pang iba. Dito rin nanggagaling ang ating kaalaman na dahil sa kuryosidad sa napakahiwagang nilikha ng Diyos, nasusubok natin ang hangganan ng ating kaalaman.
Dito sa ating bansa, napakataas ng ating biodiversity. Marami tayong mga hotspots na tinatawag na mapapakinabangan natin para lumago at lumawak ang turismo sa ating bansa. Mayaman din tayo sa likas na yaman. Ang ilang sa mga ito ay hindi pa natin alam kung paano gagamitin at ang ilan ay di pa natin natutulakasan.
Ang kakulangan natin ng kaalaman sa kahalagahan ng kalikasan, abusadong paggamit nito at walang disiplina at limitasyon pagpapatayo ng mga inprastraktura, maling paraan pagtatapon ng basura, mali paraan ng pangingisda ang naging dahilan kung bakit nagkakaroon ng di inaasahang mga sakuna. Halos taon-taon tayong nakakaranas ng matinding pagbaha, landslide, phenomena at pagbabago ng klima.Tayong mga mamamayan at lahat ng nabubuhay dito sa mundo ang naaapektuhan ng mga sakuna at hindi magandang pagbabagong ito.
Nararapat lamang na pangalagaan ang ating mga likas na yaman sapagkat dito tayo kumukuha ng ating mga pangangailangan sa ating pamumuhay at dito rin nakasalalay ang ating kaligtasan. Huwag na nating antayin pa na mailagay sa panganib ang buhay natin, at magkaroon ng realisasyon sa kahalagahan ng kalikasan.
Simulan natin sa ating sarili, sa sariling bakuran at sa maliit na komunidad. It will make a difference. Kumilos na tayo habang pwede pa nating isalba at maenjoy ang biyayang binigay sa atin ng Panginoon.
Inang Kalikasan – 2
Akda ni Darylle Salvador galing sa InangKalikasan113.wordpress.com
Madalas nating magamit ang salitang kalikasan tulad na lang pag tayo ay sinasamaan ng tiyan, nasasabi natin na “ako ay tinatawag ng kalikasan”. Sa mga taong hindi kaagad makakaintindi ng ibig sabihin non ay aakalaing tao ang kalikasan. Pero hindi nila alam na ang kalikasan ay ang ating ginagalawan. Ang kalikasan ay madalas na nababalita sa atin dahil ito ay may mabuti at masamang naidudulot sa atin depende sa ating pangangalaga. Mararapat nating pangalagaan ang ating kalikasan sapagkat itoy biyaya ng diyos. Huwag nating pabayaang masira ang ating kalikasan dahil ito ay ating yaman at maaaring magkaroon ng hindi tamang pagkabalanse sa atin na pwedeng magdulot ng panganib.
Sa panahon ngayon kitang- kita at damang- dama natin ang lupit ng kalikasan. Buhay ang sinisingil sa atin pag itoy gumanti. Bagyon,pagguho ng lupa,lindol at pabago bago ng klima ay ilan lamang bunga ng ating pagpapakabaya sa kalikasan. Tulad na lamang ng bagyong Ondoy, ang daming buhay at ari-arian ang nasira niya. Halos burahin ang Pilipinas sa mapa. Hanggang ngayon ay bakas na bakas pa rin ang kaniyang ginawa. Landslide na binabaon ng buhay ang tao,na para kang inilibing ng buhay. Pabago pabago ng klima na nagdudulot ng sakit hanggang sa mahantong sa kamatayan at nakakaapekto rin sa ting mga pananim na nagbubunga ng kakapusan ng pagkain hanggang sa magmahalan ang mga ito. Lindol na kumikitil ng buhay at ari arian. Sa makatuwid hindi biro pag nagalit ang kalikasan.
Dapat tayong kumilos upang maayos natin ang mga suliranin sa usaping kalikasan. Magtanim tayo ng mga puno upang mabawasan ang pagbaha at mga “landslide” na maaring mangyari sa mga kalbong kabundukan at para na rin mabawasan ang init ng ating mundo o maiwasan ang “global warming”. Iwasan din nating magtapon ng basura sa mga yamang tubig upang makaiwas sa pagkamatay ng mga isda. At para rin hindi dumumi o mamatay ang yamang tubig. Huwag din gumamit ng mga dinamita sa pangingisda nang hindi masira ang ating mga koral na bato. Iyan lamang ang mga ilang halimbawa upang makaiwas sa mga delubyong kayang ibigay ng kalikasan.
Pangalagaan natin ang kalikasan sapagkat dito rin nanggagaling ang ating mga pangangailangan lalo’t higit ang hangin na ating inihihinga. Sa tulong ng mga ahensya ng pamahalaan mas mapapadali ang pagsagip sa ating inang kalikasan. Makakatulong rin ito sa mga susunod pang henerasyon, sana’y masaksihan pa nila ang tunay na kagandahan ng ating minamahal na kapaligiran. At sa ganitong pamamaraan matutulungan din natin na magising mula sa matagal na pagkakahimlay ang ating bansang Pilipinas.
Inang Kalikasan – 3
Akda ni Franz Jerome de Guzman galing sa InangKalikasan113.wordpress.com
Kalikasan na kay linis at kay ganda yan ang pangarap nating nasilayan. Ngunit paano nating masisilayan kung patuloy tayong tumutulong masira ito? Hanggang salita nalang ba ang ating pagnanais na muling pagandahin at ibalik sa dati ang ating kalikasan? Sino ba ang dapat magsimula para sa pagbabago?
Sa ngayon paano mo masasabi na maganda ang ating kalikasan? Kung kalbo na ang mga kabundukan dahil sa pagtotroso, pagkakaingin,pagcoconvertsa commercial subdivision.Pagsira sa katubigan. Dahil sa paggamit ng dinamita sa karagatan, pagtatapon ng basura sa mga ilog. Ito ba ang maganda sa ating paningin. Paano na ang mga susunod na henerasyon, makikita pa ba nila ang magandang kalikasan o masisilayan na lang nila ang naghihingalong kalikasan? Sa patuloy nating pagbabaliwala sa ating kalikasan. Ano pa ang kakahinatnan ng paghihirap ng mga ninuno natin para ipreserba ang kalikasan para sa atin.
Ngayon, siguro napapasin na natin ang lupit ng kalikasan kitang kita siguro natin ang galit ng kalikasan. Pagsila ay gumanti maraming buhay ang sinisingil sa atin. Bagyo, landslide, lindol,at pabagu-bagong klima na nararanasan ng lahat ilan lang yan sa kayang gawin ng kalikasan. Siguro kaya nangyari ang mga ito ay dahil binbigayan na tayo ng babala ng kalikasan na tayong mga tao ang dapat pag-ingatan ng ating kalikasan.
Dapat sa panahon ngayon tayo ay kumilos na at simulan ang pagbabago para sa kalikasan. Huwag nating hayaang masira ang ating kalikasan upang makita pa natin ang ganda ng kalikasan. Kay gandang pagmasdan ang mga batang naliligo muli sa malinis na ilog, umaakyat sa mayayabong na puno. Kaya ngayon pa lang simulan na ang pagbabago.
Inang Kalikasan – 4
Akda ni Erwin Tiglao galing sa InangKalikasan113.wordpress.com
Kalikasan, isang bagay na dapat nating ingatan at pagyamanin. Ngunit ano nga ba ang kalagayan ng ating kalikasan sa ngayon? Ikaw, ako tayo ano nga bang maaari nating gawin upang na makakatulong upang mapaganda ang ating inang kalikasan?
Kapansin-pansin ang malaking pagbabago sa ating kapaligiran. Kung dati rati’y hilera ng mga puno ang kadalasan nating makikita, ngayon ay mga nagtataasang gusali at iba’t ibang uri ng sasakyan ang madalas nating makita na siya namang nglalabas ng mga waste product at iba’t ibang klase ng mga maruruming hangin. Pansin din ang pagiging marumi sa iba’t ibang sulok ng lugar dahil sa kaliwa’t kanang pagtatapon ng basura ng mga tao. Ito rin ang dahilan kung bakit ang bilis ng bumaha sa ilang lugar tuwing uulan. Kung dati rating malinis na simoy ng hangin ang ating nalalanghap, ngayon ay maruming hangin at itim na usok ang ating malalanghap. Ito rin ang dahilan kung bakit mabilis dumapo ang sakit sa mga tao.
Maaari naman tayong makagawa ng mga bagay bagay na makatutulong upang mapaganda at mapangalagaan ang ating kalikasan. Tulad na lamang ng tamang pagtapon ng basura sa tamang lugar o yong pagkaroon ng disiplina sa sarili. Maaari din tayong makiisa sa mga proyektong pangkalikasan o manguna sa mga ilang gawain kahit na ang simpleng pagsunod sa batas ay malaking tulong na din.
Higit sa lahat malaking tulong ang partisipasyon ng bawat isa. Marami pang paraan at hindi pa huli ang lahat para maisalba ang inang kalikasan.
Inang Kalikasan – 5
Akda ni Rhoneil Abrina galing sa InangKalikasan113.wordpress.com
Isa ko sa mga taong iyon. Anu nga ba silbi natin dito? Siguro tau dapat yung tagapag-alaga ng mundo ito. Diba? E bakit ganun? Sa halip na tayo ang mag-alaga ng n gating mundo, tayo pa mismo ang sumisira dito. Dahil sa tayo pa mismo ang sumisira dito, nagkakasakit ang ating mundo. Isa sa mga sakit na iyon ay ang “GLOBAL WARMING” o patuloy na pagtaas ng temperature ng mundo at nga pagkabutas ng ating “OZONE LAYER”. Ito ay sanhi ng paggamit ng ng mga kagamitang nay taglay na CFC katulad ng AIRCON o REFRIGERATOR. Pati na ang simpleng pagsusunog ng basura, paningarilyo at ang di mapigilang pamumutol ng puno sa ating mga kagubatan..
Naalala nyo pa ba ang mga nagdaang bagyo nung nakaraan taon na ONDOY at PEPENG? Dalawa ito sa pinaka mapinsalang bagyong aking naranasan sa buong buhay ko. Libu-libong tao ang nawalan ng tirahan at kabuhayan, hecta-haktarayang mga lupain ang nasira. Kahit kami may kataasan na ang bahay ay d padin pinatawad ng bagyong iyon. Mahigit isang ilong kami na hirap sa paglilinis ng bahay at paglalaba ng mga damit dala ng mga putik ng rumaragasang baha na dumaan sa aming lugar.
Napapansin ko lang, habang lumilipas ang panahon patuloy ang pagtaas ng tubig baha sa amin. Ang dating bahang hanggang bewang lang ay nagging hanggang balikat na. tuwing el nino ay sobraang init at tuwing la nina ay sobra naman masyado ang ulan. Dati rati ay july ang nag-uumpisa ang tag-ulan ngunit ngayon ay mayo palang ay dagsa na ang bagyo sa ating bansa. Tingin ko ay mas mahaba ang tag-ulan ngayon kesa sa tag-araw.
Sa tingin ko ito ay mga senyales na nasisira na ang mundo. Walang nakakaalam kung kelan at kung saan ito mgasisimula. Aantayng pa ba natin ang panaahong iyon saka lang tao kikilos? Wag na sana natin itong antayin. Kumilos na tayo bago pa mahuli ang lahat!
Inang Kalikasan – 6
Akda ni Daryl Morante galing sa InangKalikasan113.wordpress.com
Ang Inang kalikasan ay isa sa pinakamahalaga at pinakamagandang biyaya ng Diyos. Ito ay ang mga nakikita natin sa ating kapaligiran tulad ng mga puno, halaman, lupa, katibigan, kabundukan at marami pang iba. Ngunit dahil sa mga maling paraan o gawain ito’y nasisira ng iba nating kababayan. Ang mga “illegal loggers” na nagpuputol ng mga punong kahoy na hindi pa dapat puputulin. Ang mga minero na nagmimina sa mga kabudukan na walang pahintulot at mga taong nagtatapon ng basura sa hindi tamang tapunan. Sila ang mga walang disiplina at patuloy n sumisira at umuubos sa ating inang kalikasan.
Sa makatuwid dahil sa kanilang gawain, maraming trahedya ang satin ay dumadating. Tulad ng mga pagbaha, landslide at lindol na ating dinadanas. Ang pinakamasaklap pa dito sa bawat trahedya na ating nararanasan maraming buhay ang nawawala at nasasakripisyo dahil sa mga taong pabaya at makasarili. Madami-dami na rin pagsubok an gating naranasan dahil sa kapabayaan sa inang kalikasan.
Hahayaan pa ba nating mawala ang mga mahal natin sa buhay bago tayo magising sa katotohanan na mali an gating ginagawa. Maaaring hindi nga tayo gumagawa ng mali ngunit marami namang maliit na paraan upang tayo ay makatulong sa pagpapanatili ng kalinisan, kaayusan at kagandahan ng ating kalikasan.
Inang Kalikasan – 7
Akda ni Adrian Bantigue galing sa InangKalikasan113.wordpress.com
Ang ating kalikasan ay maraming nadudulot sa pang araw-araw nating pamumuhay.Hindi man natin napapansin ito pero pasalamat tayo at may kinakain tayong prutas at gulay na galing sa puno at nahahain sa ating hapag kainan isa din sila sa pumipigil sa paggiba ng mga lupa na nagdudulot ng landslide,pagbibigay ng malinis na hangin na ating nalalanghap,nagbibigay sa atin ng papel upang meron tayong masulatan,pagbibigay ng matibay na pundasyon sa ating tahanan.
Ngunit bakit meron paring mga tao na nagpuputol ng puno kahit na alam nila na bawal at makakadulot ng disgrasya sa kapwa nila at minsan pati sila ay nadidisgrasya.Siguro ay sa sobrang pagkagahaman nila sa pera o sa kayamanan ng ating kalikasan.Isipin ninyo dahil sa mga taong ito na walang takot sa pagputol ng mga puno nakakaapekto din ito sa ating mga hayop na dapat ay naninirahan ng maayos at may magandang tirahan pati tuloy sila ay naaapektuhan at humahantong sa pagkamatay nila.Kung nauubos na ang ating kalikasan pati ang hayop ay nawawala nadin.
Kaya may mga organisasyon na pumipigil sa mga nangaabuso sa ating inang kalikasan tulad ng Philippine Federation for Environmental Concern (PFEC) para masugpo ang mga illegal logers. Mas maganda parin na dapat mismo tayong mga indibidwal na tao ay magkaroon ng pagmamalasakit sa ating kalikasan hihintayin paba natin na mawala sila at saka tayo kikilos diba.
Pwede tayong tumulong sa pamamagitan ng pagtatanim at pagbabaon ng mga dumi ng manok na nagbibigay sa ating kalikasan ng pangpataba at pati ang ating mga basura na imbis sa kung saan-saan mo ito itapon ay ibaon mo nalang ito makaktulong pa sa ating kalikasan.Ang sarap pagmasdan ng isang lugar na sagana sa kalikasan kaya dapat nating ingatan at payabungin.ikaw paano mo pinahahalagahan ang ating inang kalikasan?Paano ka nakakatulong sa ating inang kalikasan bilang isang indibidwal na tao?
Ang Magagawa kong Kabutihan para sa ating Kalikasan
Galing sa Millionmiler.com
Ang Kalikasan ang nagbibigay kulay sa ating kapaligiran na sadyang ipinagkaloob nang ating Panginoon.Dapat natin itong ingatan at aalagaan .Mahalagang bagay na dapat nating palaguin at huwag abusuhin para sa kapakanan ng sumusunod na henerasyon.
Para sa akin ang dapat kong gawin ay tutulong ako kahit sariling sikap lamang para mapangalagaan ko ang kalikasan tulad ng pagtatanim ng puno sa bukirin at lugar na walang puno na itinanim dahil sa pagtotroso at pagkakaingin.Bakit kaya nila ito ginawa at seguro alam naman nila ang magiging epekto kapag wala ng mga puno?Ang gagawin ko para masugpo ang mga masasamang gawain na ito ay isusumbong ko sa awtoridad ang maling ginagawa ng tao.Dapat tayong magtulungan upang maibalik ang dating sagana sa kalikasan nang may magagamit pa ang ating mga anak,mga apo sa susunod na henerasyon.
Ipaparating ko po sa mga tao na sa halip na ating sirain ang kalikasan ay tutulong tayo sa paglilinis, pagbabawas ng basura,pagtittipsa koryente at tubig,ayusin ang mga sirang sasakyan o di kaya’y maglalakad kung malapit lang at pag-iwas sa mga gawain na makakadagdag ng butas sa ozone layer.
Pagkasira ng Kalikasan: Isang Historikal na Pagtingin
Akda ni Gregorio V. Bituin Jr. galing sa SanaysayniGorio.blogspot.com
Walang makapagsasabi kung kailan nagsimulang mawasak ng unti-unti ang kapaligiran. Maari nating sabihin na nagsimula ang pagkawasak na ito simula nang magkaroon ang tao ng kamalayan na may problema sa ecosystem nang may marami nang namamatay at nasasalanta (hindi dahil sa kalamidad kundi dahil sa kagagawan ng tao.) Ngunit sa wari ko, bago pa malaman ng tao na nasisira na ang kapaligiran at ang ating likas na yaman, ito ay unti-unti nang nasisira.
Ngunit ang matinding pagkasira ng mga bahagi ng kapaligiran ay nito lamang ika-20 siglo. Ito ang panahon kung saan maraming imbensyong imbes na makatulong sa tao at sa kabuuan ng sandaigdigan ay nagkus nakapipinsala pa ng kapaligiran. Bagamat hindi natin sinasabi na ang karamihan ng mga imbensyon ng tao ay mapangwasak (sapagkat marami rin ang nakatutulong), karamihan sa mga ito ay karumal-dumal, gaya ng pag-imbento ng mga bombang nukleyar at iba pang armas-pandigma. Ang mga imbensyong pamuksa na ito ay bunsod ng taimtim nilang pagkilala sa pribadong pag-aari upang magkamal pa ng malaking tubo. Bakit at paano? Para sa mga kapitalistang bansa na halos sakupin na ang buong mundo (nangyayari na ito, lalo na ngayong panahon ng globalisasyon), hindi na baleng mamatay ang kanilang kapwa basta’t malaki ang kanilang tutubuin at kikilalanin ang kapangyarihan ng kanilang bansa. Ang mga nuclear weapons ay maaari nilang gamiting panakot sa negosasyon at pananggalang sa sariling interes. Kung tutuusin, ang mga nuclear weapons na ito ay basura kung ituring ng mga mapagmahal at mapag-alaga sa kalikasan at kapaligiran. Ganyan katindi ang sistema ng pribadong pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon o kapitalistang sistema. Alalahanin sana natin ang Three Mile Islands accident at ang Chrenobyl incident noong 1986 kung saan nagkaroon ng leak ang mga nuclear facilities ng Russia at milyong tao ang naapektuhan.
Sa kabilang banda at sa isang mababaw na analisis, ang isang taong nagtapon ng basura sa labas ng kanyang bakuran ay nakapag-contribute sa karumihan ng kapaligiran dahil para sa kanya, hindi na niya sakop iyon. Wala siyang pakialam kung makabara man iyon sa kanal na maaaring maging sanhi ng pagbaha sa tikatik na ambon lamang. Ngunit kung wala ang konsepto ng pribadong pag-aari sa kanyang pag-iisip at bagkus ay tinitingnan niya ang kapaligiran at kalikasan bilang pag-aari ng lahat kaya’t dapat pangalagaan, ang basura niya at tiyak na itatapon siya sa dapat pagtapunan.
Ang pagkakalat ng mga insustriya ng kanilang waste material sa mga ilog (wala nang nabubuhay kahit isda dahil sa tindi ng pagkalason ng ilog) ay senyales na wala silang pakialam sa mga mamamayan basta’t kumita lamang ang kanilang negosyo.
Tingnan natin ang konteksto sa Pilipinas. Isinulat ni Graciano Lopez Jaena noong panahon ng mga Kastila na ang Pilipinas ay sagana sa mga puno at kagubatan. Inilarawan din niya na kayang suportahan ng Pilipinas ang buong mundo sa kahoy. Ibig sabihin, mayabong pa ang ating mga kagubatan noon at hindi nakakalbo gaya ngayon. Marami ding mapag-aral sa kasaysayan ang nagsasabi na malaki ang naiambag ang organisadong relihiyon sa pagkasira ng kalikasan. Ayon sa kanila, bago pa dumating ang mga mananakop sa ating bansa, ang mga tribu o ang mga katutubo rito ay mapagmahal at mapagbantay sa kalikasan. Meron silang pagkakaisa at itinuturing nila ang bawat bagay sa kanilang paligid bilang kapamilya nila. Ito ‘yung panahon ng primitibo komunal, ika nga ni Marx.
Ang tingin ng mga katutubo sa mga puno, ilog, atbp. ay mga nilalang din na may karapatang mabuhay. Ngunit ito’y hindi nila sinasamba, kundi itinuturing nilang kapwa rin nila may buhay. Kung tutuusin, nasa fifth level of consciousness na sila sa pagtingin sa kalikasan. Samantalang ang sustainable development (SD) na ipinangangalandakan ngayon sa iba’t ibang NGO ay maituturing pa ring nasa first level of cosciousness pa lamang dahil ang tema pa rin nito ay survival. Sa SD, hindi pa rin nahihiwalay ang pagtingin ng kapitalista, halimbawa, sa puno. Ito’y isa lamang gamit. Ito’y hindi na TREE kundi LOG na pambenta para makapag-survive at masustenahan ang kanyang mga pangangailangan. Ganyan kasi mag-isip ang kapitalista. Bata pa lang ang puno, may presyo na. Para kang sinukatan ng kabaong samantalang buhay na buhay ka pa at malakas.
Sa mga tribu noon, ang tingin nila sa kalikasan ay sagrado na kahit hanggang ngayon ay umiiral pa rin sa ibang mga tribu na hindi napasukan ng westernized capitalist culture. Nuong dumatin ang mga puting unggoy, este, mga dayuhang mananakop pala, at sinakop ang ating lupain, ginamit nila ang espada’t krus upang palaganapin ang kanilang relihiyon. Itinuro nila sa mga katutubo rito na hindi nila dapat sambahin ang mga puno at bagkus ay sambahin nila ang tunay na diyos na nakaukit sa kahoy. (Ang kahoy ay nanggaling sa puno!) Dito na nagsimula ang pagtingin nila sa kalikasan bilang gamit at hindi na bilang kapatid na may karapatang mabuhay. Ini-alienate ng mga mananakop ang mga katutubo sa kanyang sarili.
Ito ang nakasaad sa isang libro ng Democratic Socialist Party (DSP) ng Australia na tumatalakay sa kalikasan, “The law of profit doesn’t care for the law of nature.” (Ang batas ng tubo ay walang pakialam sa mga batas ng kalikasan.) Ibig sabihin, kung ang prayoridad ng isa ay ang kanyang tutubuin, wala na siyang pakialam sa kalikasan, ito man ay masira. Pero kung tutuuisn, nag-iisip din naman ang mga kapitalista ng solusyon sa pagkasira ng kalikasan, dahil baka naman daw masira ang pagkukuhanan nila ng mga hilaw na materyales. Haaay, buhay nga naman!!!
Pangangalanga ng kalikasan: Bakit Kaya Kailangan?
Akda ni Laurence Reyes galing sa YourReadingHelp.blogspot.com
Banaue Rice Terraces, Bohol Chocolate Hills at Puerto Prinsesa Underground River, ilan lamang yan sa mga likas yamang matatagpuan sa ating sariling bansa. Ngunit ano ang nangyayari, bakit parang nasisira ang lahat ng ito? Nawawala ang mga yaman nating ipinagmamalaki sa buong mundo. Hahayaan na lang ba natin ang walang habas na pagsira ng mga ating mga kayamanang ipinagmamalaki? Ano pang ipagmamalaki natin kung wala na lahat ng ito. Maraming yaman ang ibinigay ng Diyos sa ating inang bayan, ngunit sa kasamaang palad unti-unti na itong nauuubos. Halos nasira ng lahat ng landslide, flashflood, tagtuyot, at pagbaha, ito ang mga resulta ng ating mga ginagawa sa paligid na nakaaapekto naman sa yaman ng Inang Bayan.
Sa pagkasira ng ng ating likas na yaman tayong mga tao na may mataas na kaisipan ang dapat maging responsable sa pag aalaga dito. Nagsusumigaw na ang ating inang kalikasan upang atin na siyang bigyan ng halaga at atin siyang alagaan. Sa lahat ng nangyayari sa paligid tayong mga tao ang may gawa kahit na mabuti man o masama. Sabi nga ng iba hindi masama ang pag ulad basta huwag lang nakasisira ng kalikasan. Sa kasamaang palad umuunlad nga ng ating bayan sira naman ang ating likas na yaman wala pang kabuhayan.
Maraming mga gawaing ginagawa ang mga tao na kakasira sa ating kalikasan. Una ang simpleng patatapon ng basura sa mga katubigan. Ito ang sumisira sa ating mga yamang tubig dahil karaniwan sa mga tinatapon natin sa katubigan ay may mga kemikal na kasama na patuloy namang kumukontamina sa tubig na nakalalason para sa mga isda. Ang mga plastik naman na tinatapon natin sa katubigan ay nakakain ng mga isda na nagdudulot ng pagkamatay ng mga ito. Pati nga ang mga dolphin na sinasabing pinakamatalinong isda ay nabibiktima rin ng gawaing ito.
Kalikasan, Ating Pangalagaan!
Akda ni Percy galing sa Definitelyfilipino.com
Ang kalikasan ang isa sa mga pinakamagandang regalo ng Diyos sa atin kaya dapat natin itong pangalagaan. Subalit sa halip na pangalagaan, kapabayaan ang aking nakikita. ‘Di ba kaya nga nilikha ang tao para pangalagaan ito?
Kaming mga Iskolar ng Philberth sa Taal, Batangas ay nagkaroon ng isang workshop/seminar nitong nakaraang June 1-3, 2012. Ang naging tema ng aming workshop ay tungkol sa kalikasan. Isa sa mga ipinaliwanag dito ang kung paano sinisira ang ating kalikasan. Sa loob ng tatlong araw, nagkaroon kami ng talakayan tungkol sa kalikasan upang magkaroon kami ng dagdag kaalaman ukol dito at bilang mga kabataan, ano ang aming magiging hakbang upang maprotektahan ang ating Inang kalikasan at paano namin ito sisimulan. At para magkaroon ng output ang workshop na ito, gumawa kami ng isang teatro na umiikot lamang sa problemang pangkalikasan ng Batangas at maganda naman ang kinalabasan nito.
Batay sa aming nakuhang kaalaman tungkol sa workshop, unti-unti na ngang nasisira ang ating kapaligiran bunga ito ng mga sakunang dumarating sa ating buhay. Marami nang tao ang nagkakasakit dahil na din sa maruming kapaligiran. Ang landslide, flashfloods, at iba pang mga sakuna na galing sa kalikasan ay epekto ng illegal logging sa kabundukan at maging sa kagubatan. Ang Ozone layer ay unti-unti na ring nabubutas dahil sa mga pagsusunog ng basura at sobrang paggamit ng carbon dioxide. Ito ang nagiging sanhi ng Climate Change.
Bilang isang mamamayan ng ating bayan, may magagawa pa tayo para mapigil pa ang mga masasamang epekto nito. Hindi pa huli ang lahat upang mapigil ito. Ngunit kung papairalin natin ang ating kapabayaan, patuloy na masisira ang ating kalikasan at wag tayong mabibigla kung may dumating sa ating ganti ng kalikasan. Laging Tandaan: Nasa Huli ang Pagsisisi.
Ikaw, bilang mamamayan, Ano ang magiging hakbang mo upang mapigilan ang ganitong sitwasyon? Paano mo ito sisimulan?
Kalikasan ay Kayamanan na dapat Pangalagaan!
Akda ni Nicole Cordovez Reyes galing sa DeviantArt.com
Sa panahon ngayon nahaharap ang mundo sa ibat ibang sakuna. Isa na dito ang bansang Pilipinas maraming lugar na nalubog sa baha dala ng hanging habagat. Paulit-ulit na lang nahaharap ang mga Pilipino sa ganitong kalagayan. Ngunit masakit man isipin na hindi ito nasosolusyunan ng ating bansa. Ano ba dapat gawin ng ating pamahalaan? Kulang nga ba sa disiplina ang mamayang Pilipino? Bakit nga ba nalulubog sa baha ang maraming lugar? Higit sa lahat bakit hindi lamang nadadala ang mga Pilipino sa mga gantong sakuna? At pano natin maliligtas ang ating kalikasan?
Sa panahon ngayon kailangan natin ng isang batas, batas na makakapagsuporta sa pangagalaga ng kalikasan. Oo may batas pangkalikasan ngunit kayang kayang ng mga nangaabuso na magpyansa. Dapat ang batas ay matibay na hindi kayang buwagin ninuman. Dapat rin i-relocate ang mga informal settlers sa tamang lugar, na nakakasagabal sa pagdaloy ng tubig. Nakakalungkot man isipin na sobrang dami pa rin informal settlers ito ang pagkawala ng disiplina ng ating mga kababayan.
Totoo nga kulang sa disiplina ang mga Pilipino nakakalungkot man isipin na kung sino pa yung kulang sa kaalaman yun pa ang mga nakatira sa tabing ilog. Natural di nila maiiwasang magtapon ng basura sa ilog dahil hindi nila naiisip kung anong mangyayari. Tapon lang sila ng tapon. Hindi lamang ang mga informal settlers ang problema pati na rin ang iba’t ibang polusyon at sobrang daming basura. Ito ang dahilan ng pagkalubog ng maraming lugar sa ating bansa.
Sa iba’t ibang polusyon na gawa ng tao. Ito’y isang malaking epekto sa ating inang kalikasan. Isa na dito ang sobrang dami ng basura sa sobrang paggamit ng plastik pagtatapon kung saan saan at marami pang iba. At ang pagdami ng populasyon dahil sa sobrang tao nawawalan ng kontrol ang pamahalaan sa mga sakuna. Nagkukulang din ng mga mapagtatamnan ng ating mga puno at iba pang mga pangangailangan sa kadahilanang puro bahay na lang. At nakakalungkot sa ating lipunan sapagkat hindi nagtatanda ang mga pilipino sa mga ganitong sakuna.
Isa pa sa mga nakakalungkot na dahilan na hindi lamang nadadala ang mga Pilipino sa mga ganitong sakuna patuloy pa ring naninirahan sa tabing ilog at pagkawala ng disiplina. Sana’y magkaroon tayo ng disiplina at magising na sa mga pangyayaring kahindik-hindik. Magkaroon ng sapat na edukasyon. Maging isa sa solusyon sa problema ng ating bansa at huwag nang dumagdag pa.
Ako at ikaw bilang isang estudyante tayong lahat ay makakatulong. Sa simpleng pagtapon ng maayos sa basuharahan at pagbawas ng plastik sa lipunan isang malaking tulong sa ating bansa. Makisali sa mga programang nagsusulong para iligtas ang inang kalikasan. Dahil kung hindi ito pangangalagaan darating ang panahon maghihirap ang lahat ng tao at wala nang magandang kinabukasan para sa susunod na henerasyon. Makiisa, makitulong at simulan ang pagbabago.
Luntiang Kalikasan, meron pa nga ba?
Akda ni Ralph galing sa LakbayDiwaPinas.com
Sabi nila nung nagsaboy ng biyaya ang Diyos sa sanlibutan, isa ang ang Pilipinas sa mga sumalo nito kaya tinagurian itong Pearl of the Orient Seas. Napakasarap isipin na may paraiso pala sa Timog – Silangan ng Asya, subalit hanggang sa ngayon ba ay maituturing pa rin ba nating Pearl of the Orient Seas ang Pilipinas. Ikaw sa tingin mo? Karapat – dapat pa bang itawag iyon sa ating Inang Bayan? Hawak pa ba natin ang titulo na yun? Nakakalungkot isipin ngunit parang unti-unti na itong nawawala sa imahe ng ating bayan. Huwag naman sana.
Hindi man tayo ganun kayaman na bansa at hindi man tayo ganun kasabay sa daloy ng modernisasyon buhat ng teknolohiya, mayaman naman tayo sa likas na yaman. Kung ating iisipin, napakabait ng ating Panginoon sapagkat malaking porsyento ng likas na yaman ang ipinagkatiwala at ipinagkaloob niya sa atin. Sa kabilang banda, napakasakit isipin na unti-unti na itong naglalaho sa kadahilanan na ang mga nakikinabang nito ang siyang tumutuldok sa buhay ng mga ito. Tayo! Tayong mga makasarili at mga mangmang ang may kasalanan sa pagkasira ng mga kaloob na yaman mula sa Diyos. Kung ating papansinin, buhay lang natin ang ating iniisip at pagkatapos pakinabangan o kunin ang intensyon mula sa kalikasan ay wala na tayong pakialam kung anong mangyayari. Kasakiman ang ating pina-iiral, hindi man lang natin naisip na may buhay din ang kalikasan. Sa mga nagdaang oras, araw, linggo, buwan, taon at panahon na may masaklap na kaganapan buhat ng higanti mula sa kalikasan ay hindi natin maaaring sisihin ang Diyos na may likha sa lahat. Tila naniningil lang ang kalikasan sa mga kalokohan at kawalang – hiyaan na ginawa ng mga tao sa agos ng buhay niya.
Sana isang araw, mula sa malalim na pagkakahimbing natin ay magising tayo sa katotohanan bago pa mahuli ang lahat at tuluyang bawiin ng Panginoon ang lahat ng kanyang nilikha. Sana maisip din natin kung paano magpahalaga sa mga bagay na nasa paligid natin. Maraming paraan para mabago ang lahat, maaari mo itong umpisahan sa wastong pagtatapon ng iyong basura sa tamang lugar. Hindi pa huli ang lahat at sana magising tayo sa katotohanan.
SEE ALSO: Mga Maikling Kwento Tungkol sa Kalikasan
Umaasa kami na pagkatapos mong mabasa ang mga sanaysay tungkol sa kalikasan na nakapaloob sa pahinang ito ay magkakaroon ka ng mas malaking pagpapahalaga sa ating kapaligiran. Ibahagi sa iyong mga kaibigan ang mga sanaysay na ito para mabasa rin nila ang mga aral na nakapaloob dito.