Maikling Kwento Tungkol sa Kalikasan (9 Kwento)

Ang kalikasan ay isa sa pinakamagandang bagay na ibinigay ng Diyos sa sangkatauhan. Bawat bansa ay may maipagmamalaking tanawin. Dito sa Pilipinas, marami tayong maituturing na magagandang tanawin na hinahangaan at kinaiinggitan ng maraming banyaga. Gayunpaman, ilan sa atin ang tila nakakalimot at sadyang inaabuso ang inang kalikasan. Hindi ito magandang senyales sa hinaharap. Kaawa-awa ang mga susunod na henerasyon kung ngayon pa lang ay hindi natin aalagaan ang ating kalikasan.

Sa ibaba ay mababasa ninyo ang mga halimbawa ng maikling kwento tungkol sa kalikasan na malaki ang maitutulong upang magkaroon tayo ng kamalayan tungkol sa naturang usapin.

May mga aral ding nakapaloob sa bawat kwento na magtuturo sa atin upang mas lalong pahalagahan, ingatan at mahalin ang kalikasan.

Nasa kanyang palad ang buong daigdig, pati kalaliman; ang lahat ay kanya maging ang mataas nating kabundukan. Kanya rin ang dagat at pati ang lupa na kanyang nilalang. — Mga Awit 95:4-5 Magandang Balita Biblia

SEE ALSO: Mga Tula Tungkol sa Kalikasan

Mga Halimbawa ng Maikling Kwento Tungkol sa Kalikasan


Ang Bulkang Taal

Nahulog sa dagat ang gintong singsing ni Prinsesa Taalita kaya’t nag-utos ang amang si Datu Balindo sa mga kawal na hanapin ito. Isang linggong nilangoy ng mga matipuno at matapat na alagad ng barangay ang lawa ng Bunbon ngunit wala isa man sa kanilang makakita sa singsing.

Hindi pa rin nagtugot ang datu dahil ang singsing daw ay napakahalaga hindi lamang dahil ginto ito kundi dahil makasaysayan ito sa buhay niya. “Iyang singsing na iyan ay nagpasalin-salin sa kamay ng aking mga ninuno na pawang mga raha at lakan. Iyan pati ang piping saksi nang pagbuklurin ang puso naming mag-asawa.”

“Patawarin ninyo ako, mahal kong ama,” luhaang sabi ni Taalita. “Alam ko po ang kahalagahan niyan. Minamahal ko ang singsing nang higit sa buhay tulad ng pagmamahal ko sa nasira kong ina, subalit…”

“Huwag kang lumuha, anak,” sabi ng ama. “Hayaan mo’t makikita pa rin iyan.”

Sa mga naghahanap ng singsing, isang binata ang di naglulubay sa pagsisikap na makita ito. Hiningi niya ang tulong ng langit at di nga nagtagal ay nakita ang hinahanap. Nalunok pala ito ng isang malaking isda.

Ibinalik niya ito sa prinsesa at sa laki ng utang na loob ng mag-ama naging malapit sa kanila ang binata. Hindi naglaon at naging magkasintahan si Taalita at Mulawin. Pumayag naman ang ama sa pag-iisang-dibdib nila dahil alam niyang mabait, matapat at mapag-kakatiwalaan ang lalaki.

Masaya ang buhay ng mag-asawa, at nang matanda na ang raha, si Mulawin na ang namahala sa barangay. Madalas na ang ginagawa nilang pasyalan ay ang lawa. Namamangka ang mag-asawa at natutuwang minamasdan ang mga isda at ibang nabubuhay sa dagat.

Isang araw, sa pamamangka nila, natanawan ni Taalita ang isang di-karaniwang bulaklak na nakalutang sa tubig. “Kay ganda ng bulaklak na iyon. Kukunin ko,” at bago napigilan ng asawa ay nakatalon agad sa tubig. Hinintay ni Mulawin na lumitaw ang asawa ngunit hindi ito pumapaibabaw. Dagling tumalon din ang lalaki para saklolohan ang asawa, ngunit pati siya ay nawalang parang bula.

Laking pagluluksa ng buong barangay sa nangyari sa kanilang mahal na Raha Mulawin at Prinsesa Taalita. Hindi naglaon, may lumitaw sa gitna ng lawa sa kinalinuran ng magsing-irog na isang pulo.

Iyan ang Bulkan ng Taal, ngalang ibinigay ng amang datu para laging ipagunita ang nawalang mga anak.

Ayon sa mga mangingisda, madalas daw nilang marinig kapag napapalapit sila sa bulkan ang masayang awit ng mag-asawang Mulawin at Taalita, na kahit sa kabilang-buhay ay masaya at nagmamahalan.

Aral:

  • Maging matapat sa pinagagawa sa iyo. Huwag agad susuko, tandaan “Kapag may tiyaga, may nilaga.”
  • Maging maingat sa lahat ng oras. Huwag padalos-dalos sa mga desisyon dahil maaari itong magdulot ng kapahamakan.

Ang Araw at ang Hangin

Sino kaya ang mas malakas, ang araw o ang hangin? Madalas daw ay nag-aaway itong dalawang ito noong araw dahil sa nagpapalakasan nga.

Isang araw, sinabi ng hangin, “O, gusto mo ba talagang patunayan ko na mas malakas ako kaysa iyo?”

Ngumiti ang araw. “Sige, para hindi ka laging nagyayabang, tingnan natin. Hayun, may lalaking dumarating. Kung sino sa ating dalawa ang makakapagpaalis ng suot niyang polo, siya ang
kikilalaning mas malakas.”

“Payag ako. Ngayon din, magkakasubukan tayo,” malakas na sagot ng hangin.

“Ako ang uuna,” dugtong pa niya dahil ayaw niyang maging pangalawa sa anumang labanan.

Sinimulan niyang hipan ang naglalakad na lalake. Sa umpisa ay tila nagustuhan ng tao ang hihip ng hangin kaya naging masigla at bumilis ang lakad nito.

Nilakasan ng hangin ang pag-ihip. Isinara ng tao ang lahat ng butones hanggang sa may leeg ng kanyang polo. Inubos ng hangin ang buong lakas sa pag-ihip. Lalo namang pinakaipit-ipit ng mga braso ng lalake ang damit dahil tila giniginaw na siya.

Nanghina na nang katakut-takot ang hangin sa pag-ihip niya ay talagang hindi niya makuhang mapaalis ang damit ng lalaki.

“Sige,” sigaw niya sa araw, “tingnan naman natin ang galing mo. Marahil, hindi mo rin naman mapapahubad ang taong iyon.”

Pinalitaw ng araw ang sinag niya, at unti-unti niyang pinainit ito. Tumulo ang pawis ng lalaki.

Dinagdagan pa ng araw ang init na inilalabas niya at ang lalake ay nagkalas ng mga ilang butones sa baro.

Maya-maya, nang uminit pang lalo ang araw, hindi na nakatiis ang tao at tinanggal nang lahat ang mga butones ng polo at hinubad ito.

Panalo ang araw! Mula noon, di na nagyabang uli ang hangin.

Aral:

  • Iwasan ang pagiging mayabang. Kadalasan ay wala itong mabuting naidudulot kanino man.
  • Mas mainam sa tao ang may kababaang loob at hindi nagmamalaki. Higit siyang kapuri-puri kaysa taong maraming sinasabi ngunit kulang sa gawa at wala namang silbi.
  • Maging matalino sa bawat desisyong gagawin. Pag-isipan muna ng mabuti at makailang beses bago gumawa ng desisyon upang hindi ka magsisi.

Ang Aral ng Damo

May anghel na galing sa langit na nagbisita upang tiyakin kung tunay ngang ang lahat ng nilalang sa kagubatan ay nasisiyahan.

“Ginoong Punongkahoy, ikaw ba’y maligaya?” tanong ng anghel.

“Hindi,” ang sagot sa tinig na walang sigla, “sapagkat ako’y walang bulaklak.”

Ang anghel ay nagpunta sa bulaklak upang magsiyasat. “Binibining Bulaklak, ikaw ba’y maligaya sa iyong paligid?”

“Hindi ako maligaya sapagkat wala akong halimuyak. Masdan mo ang gardenia sa banda roon. Siya’y umuugoy sa amihan. Ang kanyang bango na taboy ng hangin ay kahali-halina!”

Ang anghel ay nagpunta sa gardenia upang mabatid ang damdamin nito. “Ano ang masasabi mo sa iyong halimuyak?”

“Ako’y hindi nasisiyahan. Wala akong bunga. Naiinggit ako sa saging! Iyon, siya’y natatanaw ko. Ang kanyang mga piling ay hinog na!”

Ang anghel ay lumapit sa saging, nag magandang-araw at nagtanong, “Ginoong Saging, kumusta? Ikaw ba’y nasisiyahan sa iyong sarili?”

“Hindi. Ang aking katawan ay mahina, hindi matibay na tulad ng sa narra! Pag malakas ang hangin lalo’t may bagyo, ako’y nababali! Nais ko sanang matulad sa narra!”

Nagpunta ang anghel sa narra at nagtanong, “Anong palagay mo sa iyong matibay na puno?”

“Sa ganang akin, gusto ko pa ang isang damo! Ang kanyang mga dahon ay matutulis. Ang mga ito’y nagsisilbing proteksiyon!” pakli ng narra.

Ang anghel ay nagpunta sa damo. “Kumusta ka? Ano ang nanaisin mo para sa iyong sarili?”

“Masaya ako!” sagot ng damo. “Ayaw kong mamumulaklak. Walang kwenta ang bunga. Ayaw ko rin ng matibay na puno. Gusto ko’y ako’y ako… Hindi nananaghili kaninuman pagkat maligaya!”

Aral:

  • Makuntento sa kung anong meron ka. Lahat tayo ay nilikha ng Diyos na may kanya-kanyang katangian. Huwag maging mainggitin sa iba.
  • Maaring ang kahinaan mo ay maging kalakasan ng iba. Gamitin ito upang makatulong sa kapwa.
  • Ang sikreto sa masaya at payapang pamumuhay ay ang pagiging kuntento. Huwag laging tingalain ang iba. Sa halip ay pagyamanin mo kung anong meron ka at matutong maging masaya para sa iba.

Pagatpat

Isinulat ni Gloria V. Guzman

Isang gabing namamahinga na sila, nabanggit ni Dindo ang napuna nito sa dulong hilaga ng pulo. “May mga latian pala po sa gawing hilaga ng pulo,” sabi niya kay Mang Pisyong. “At marami po akong nakitang isang uri ng punongkahoy na ngayon ko lang nakita. Malalaki po ito, at may mga sumusulpot na kung anong matutulis na bagay sa tabi nila, parang maliliit na puno, pero medyo namumuti-muti.”

“Pagatpat ang tawag sa mga punongkahoy na ‘yon,” sabi ni Mang Pisyong. “Nasa putikan sila, at ang sinasabi mong matutulis na tumutubo sa paligid ay tinatawag na air roots, bahagi rin ng mga punong iyon. Nakatutulong sa paghinga ng mga puno dahil nasa putikan nga sila. At ang mga uring ugat na ‘yon ay nagagamit sa mga lambat upang lumutang ito sa tubig. Nagagawa ring cork o tapon sa mga bote.”

“Parang may mga bunga rin po,” sabi pa ni Dindo.

“Mayroon nga,” ayon ni Mang Pisyong. “At nakakain din ang mga bungang iyon, medyo lasang keso, puedeng pagkapitas sa puno ay kanin, o kaya ay iluluto. At nagagamit ding gamot, na pampaampat sa hemorrhage o labis na pagdugo.”

“Hindi ko po yata alam ang punong sinasabi n’yo,” sabi ni Kiko.

“Kasi, ang mga kilala mong mga puno ay yaong tumutubo sa bundok,” sabi ni Mang Pisyong. “E, ito ngang pagatpat, sa mga latian at putikan matatagpuan.”

“Ano po naman ang silbi ng pagatpat?” tanong ni Inday. “Nagagamit din po ba ang kahoy noon?”

“Puwede ring magawang haligi, pinto, sahig, dingding at kahit sa mga pantalan at tulay, nagagamit din,” paliwanag ni Mang Pisyong. “Kaya lamang, mahirap lagariin, at saka ang kahoy ay may taglay na asin, dahil nga tumutubo nang malapit sa dagat o kaya ay mga ilog na malapit sa dagat. Ang mga pakong kailangan sa kahoy na ito ay dapat na yari sa tanso at dahil masyadong matigas ang kahoy, kailangan pa rin ang mga turnilyo.”

“Pambihira namang uri ng kahoy iyon,” buong paghangang sabi ni Kiko.

“Ang mapupuna ninyo sa ating mga punongkahoy, iba-iba ang silbi sa kapaligiran,” pagpapaliwanag pa ni Mang Pisyong. “tulad nitong pagatpat, nabubuhay nga sa tabi ng mga latian at mapuputik na tabing-dagat. At sa gayong paraan, naililigtas nila ang lupa sa pagkaagnas. Nakatutulong din sa paligid ang kanilang mga ugat na sadyang ginagamit nila upang makahinga sa maputik na kinaroroonan.”

“Kung susuriin po,” sabi ni Inday, “talagang mapupuna natin ang Kamay ng Diyos sa iba-ibang tanim, puno, ibon, hayop at maging mga tao. Iba-iba ang silbi natin… At kung iisipin lamang ng mga tao ang kabutihan ng Diyos sa pagbibigay ng buhay sa atin at sa ibang mga bagay sa ating kapaligiran, makikiayon tayo sa kalikasan.”

“At laging may kaparusahan ang tao sa mga maling gawa,” malungkot na dagdag ni Kiko. Nagbuntong-hininga, “Noong araw, hindi ko naiintindihang masama pala ang pagkakaingin. Kainginero ang aking ama, at sa simula ng kanyang pagtatanim ng palay sa bundok, maganda ang ani, pero habang lumalaon, humina na nang humina. At napilitang maging mangingisda ang aking Kuya, at ako po naman, Mang Pisyong, nakita n’yo, lumikas na rin ako mula sa lupang binungkal ng aking ama pagkaraang silaban niya ang mga puno upang magkaroon ng kaingin.”

“Ang sinisikap nga natin ngayon, mapaunawa sa mga nagsisipagkaingin pa rin na hindi mabuti iyon,” sabi ni Mang Pisyong. “At ang kabutihang nagagawa ng mga NGO para sa kanila, sila mismo, ang mga kainginero, ang kinakatulong sa pagtatanim sa mga gulod na panot.”

“Ang kaso po,” mapait pa rin ang tinig ni Kiko, “maraming mga makapangyarihan sa ating mga kababayan, mayayaman, mga nasa kongreso at matataas ang puwesto sa pamahalaan ang siya pang nakasisira sa ating mga kagubatan. Sila ang mga illegal loggers. Mas higit po ang pinsalang nagagawa nila kaysa mga kainginerong tulad ng tatay ko.”

“Totoo rin ang sinasabi mo. Kiko,” malungkot ding ayon ni Mang Pisyong, “at hanggang hindi nasasawata ang pamiminsala ng mga illegal loggers, hindi mawawala ang panganib sa ating kapaligiran.”

“Kung sana po naman, mabilanggo ang mga mayayamang taong nagkasalapi dahil sa pamiminsala sa ating mga bundok,” sabi ni Inday.

“Kaya nga, tayong lahat, dapat laging magsuri sa pagkatao ng mga ibinoboto natin, sa mga taong hahawak ng pamahalaan, iyon ang una sa lahat,” sabi ni Mang Pisyong. “Kapag tapat sa tungkulin ang mga pinuno ng barangay, alkalde, gobernador, kongresman, senador at pangulo ng ating bansa, matatakot gumawa ng masama ang naninira ngayon sa ating kapaligiran”

Aral:

  • Ang bawat nilalang ng Diyos ay may kanya-kanyang katangian at ambag sa pamayanan.
  • Walang mabuting naidudulot ang pagpuputol ng mga puno at pagkakaingin. Iwasan ito upang hindi magkaroon ng masamang epekto sa kapaligiran at mga tao.
  • Gamitin ang talino upang iluklok ang tamang tao/pulitiko sa gobyerno. Kung bulok ang mga pinuno ay tiyak na walang magandang pakinabang ang mapapala ng mga tao, bagkus ay mas uunahin ng mga ito ang kanilang sarili kaysa sa kapakanan ng taumbayan.

Araw, Buwan, at Kuliglig

Noong unang mga panahon, laganap pa sa kapaligiran ang mga punong siyang maaaring panirahan ng mga kuliglig. Kakaunti pa ang tao sa mundo, masagana ang kabukiran.

Isang araw, ang Buwan at ang Araw ay naglalakbay sa alapaap. Masaya ang mag-asawang ito. Gwapo ang Araw at maganda ang Buwan. May anak silang lalaki. Mahal na mahal nila ang anak nilang ito. Masaya silang namumuhay na mag-anak.

Ang kasayahan nilang mag-anak ay ginulo ng isang alitan. Nagsimula lamang iyon sa isang munting pagtatalo, hanggang sa magpalitan na sila ng mabibigat na mga salita. Nagalit si Buwan. Inihampas ang walis sa pisngi ni Araw. Umalis si Araw dahil sa malaking galit sa asawa.

Isang araw, habang pinaliliguan ni Buwan ang kanilang anak biglang dumating si Araw. Isinaboy niya sa mukha ni Buwan ang dalang mainit na tubig. Napasigaw si Buwan. Nasira ang magandang mukha nito. Dahil sa kabiglaan ni Buwan sa nangyari sa kanya, nabitiwan niya ang kanyang anak at nahulog ito sa lupa.

Sinasabing ang anak na ito ang naging kuliglig. Umiiyak ito tuwing lumulubog na ang araw sa kanluran. Nais niyang makita ang kanyang mga magulang na matagal nang nawalay sa kanya. Dahil naman sa pagkakagalit ng mag-asawa hindi na sila nagsamang muli. Kung araw lamang makikita si Araw, kung gabi naman makikita si Buwan.

Aral:

  • Huwag nang palakihin ang maliit na pagtatalo. Ang pagpapakumbaba ay higit na mahalaga upang ang pagsasama ay lalong maging matibay at maligaya.
  • Palaging iisipin kung ano ang magiging bunga ng mga desisyong inyong gagawin. Kaawa-awa ang maaring mangyari sa mga taong maaring maapektuhan ng mga maling desisyong iyong nagawa.

Ang Kalabasa at ang Duhat

Noong unang panahon nagtanim si Bathala ng kalabasa at duhat. Gusto niyang makita kung papano magsilaki ang mga ito.

Dahil si Bathala ang nagtanim, kaydali nilang lumaki. Si Duhat ay lumaki pataas na ang itinuturo’y kalangitan, at ilang araw pa ay nakahanda na itong mamunga.

“Sabik na sabik na akong mamunga,” wika ni Duhat.

Si Kalabasa naman ay humaba, ngunit hindi tumaas. Gumapang lang ito nang gumapang, hanggang sa ito’y nakatakda nang mamunga.

Ngunit hindi malaman ni Bathala kung anong uri ng bunga ang ipagkakaloob niya sa dalawang ito.

Matamang nag-isip si Bathala.

“Ang duhat na nilikha ko’y malaki, nararapat lamang na malaki rin ang kanyang bunga. At si Kalabasa naman ay gumagapang lamang, at walang kakayahang tumayo, nararapat lamang na ang mga bunga nito’y maliliit lamang.” Wika ni Bathala.

Ganyan nga ang nangyari. Si Duhat ay namunga ng sinlaki ng banga. Agad niyang nakita na hindi tama ito, sapagkat nababali ang mga sanga nito dahil sa bigat ng bunga. Si Kalabasa nama’y hindi bagay dahil maliit ang bunga. Di pansinin ang mga bunga nito lalo’t natatakpan sa malalapad na dahon.

Muling nag-isip ng malalim si Bathala. Tunay na hindi siya nasiyahan.

Napagpasiyahan niyang ipagpalit ang mga bunga ng mga ito. At napatunayan niyang tama ang kanyang ginawa, sapagkat ang kalabasa, mahinog man ito’y hindi malalaglag dahil ang puno ay gumagapang lamang. Samantalang ang duhat, malaglag man ay magaan, hindi masisira at ginawa naman niyang kulay berde ang kalabasa sa dahilang ito’y malayo sa araw. At kulay itim naman ang duhat. Pagkat ito’y malapit sa araw.

At sa kanyang ginawa’y nalubos ang kasiyahan ni Bathala.

Aral:

  • May kanya-kanyang natatanging katangian ang lahat. Maging masaya sa kung ano ang ipinagkaloob sa iyo ng Diyos dahil siguradong may dahilan kung bakit ganyan ang katangiang mayroon ka.

Ang Dalawang Magtotroso at ang Engkantada

Isang hapon may isang magtotroso na nagtungo sa kagubatan upang pumutol ng isang puno upang gawing panggatong. Pinili niya ang isang mataas at tuwid na puno sa tabi ng isang lawa. Sinimulan niyang putulin ito ng kanyang palakol. Ang ingay na nilikha ng palakol ay umalingawngaw sa buong kagubatan.

Mabilis ang pagkilos ng lalaki sa dahilang ayaw niyang abutan siya ng dilim. Nang di sinasadya, ang talim ng palakol na kanyang tangan ay tumilapon sa lawa.

Agad niyang sinisid ang lawa ngunit sa kasawiang palad nabigo siyang makita ang kanyang hinahanap. Naupo siya sa paanan ng puno at nag-isip kung ano ang susunod niyang gagawin. Nang biglang lumitaw sa kanyang harapan ang isang engkantada, “Ano ang problema mo?”

“Ang talim ng aking palakol ay nahulog sa tubig, tugon niya. Hindi ko alam kung ito’y makikita ko pang muli.”

“Tingnan natin kung ano ang aking maitutulong sa iyo,” wika ng engkantada sabay talon sa lawa.

Paglitaw ng diwata ay may hawak siyang talim ng palakol na lantay na ginto. “Ito ba ang hinahanap mo?” tanong ng engkantada.

Pinagmasdang mabuti ng magtotroso ang palakol. “Hindi, hindi sa akin iyan,” ang tanggi ng magtotroso.

Inilapag ng diwata ang gintong talim sa may pampang at sumisid na muli ito sa lawa.

Di nagtagal ay muli siyang lumitaw na hawak ang pilak na talim ng palakol. “Ito ba ang talim ng iyong palakol?”

“Hindi, hindi sa akin iyan.”

Inilapag ng engkantada ang pilak na talim sa tabi ng gintong talim at pagdaka’y muli itong sumisid sa lawa.

Nang muling lumitaw ang diwata tangan niya ang isang bakal na talim, “Ito ba ang iyong hinahanap?” tanong niya.

“Oo, iyan nga ang aking nawawalang talim,” masayang sagot ng lalaki. “Maraming salamat sa iyong pagtulong sa akin.”

Ibinigay ng engkantada ang kanyang talim pati na ang ginto at pilak na mga talim at ito’y nagsabing:

“Ako’y humahanga sa iyong katapatan. Kaya’t bilang gantimpala, ipinagkakaloob ko sa iyo itong ginto at pilak na mga talim.”

Nagpasalamat ang lalaki at lumakad na siyang pauwi sa taglay ang kagalakan.

May kapitbahay ang lalaki na isa ring magtotroso na nakakita sa mga talim na ginto at pilak, at ito’y nag-usisa. “Saan mo nakuha ang mga talim na ‘yan?”

“Mangyari’y pumuputol ako ng isang punongkahoy sa tabi ng isang lawa sa gubat nang matanggal at nahulog sa tubig ang talim ng aking palakol. May tumulong sa aking isang engkantada at ako’y binigyan pa niya ng dalawa.” May pagmamalaking salaysay nito.

“Sabihin mo sa akin kung paano ako makakarating doon. Nais ko ring subukin ang aking kapalaran,” wika ng magtotrosong kapitbahay.

Hindi naman nahirapan sa paghahanap ang lalaki sa naturang lawa at sinimulan niya ang pagputol ng isang puno. Dinig na dinig sa buong kagubatan ang ingay na nilkha niya. Hindi nagtagal at ang talim ng palakol na sadya niyang niluwagan ay natanggal at nahulog sa tubig. Sumisid siya at nagkunwaring naghahanap. Naupo siya sa pampang at kunwa’y nalulungkot sa kanyang sinapit.

Maya-maya’y lumitaw ang isang diwata at nagtanong. “Ginoo, tila yata malungkot ka?”

“Mangyari’y nawala ang pinakamahalaga kong pag-aari,” hinagpis ng magtotroso.

“Ano ang nawala at paano nawala ito?” tanong ng diwata.

“Pinuputol ko ang punong ito, malungkot na wika ng lalaki, Nang biglang natanggal ang talim ng aking palakol at nahulog sa tubig. Naglagay ako ng panibagong talim at nagtatrabahong muli ngunit nahulog din ito sa lawa. Sinisid ko, ngunit hindi ko natagpuan,” nagpatuloy sa pag-iyak ang lalaki.

“Huwag ka nang umiyak,” wika ng dalaga, “at titingnan ko kung ano ang aking maitutulong.”

Nang lumitaw ang diwata ay tangan niya ang isang gintong talim. “Ito ba ang iyong nawawalang talim?” tanong ng diwata.

Kinuha ng lalaki ang gintong talim at nagsabing, “Oo, ito nga ang aking gintong talim. Maraming salamat sa iyo. Mayroon pa akong isang talim na nawawala.”

“Susubukin kong hanapin din iyon,” wika ng diwata at pagdaka’y sumisid muli sa lawa.

Ngayon, naisip ng lalaki, magiging kasing yaman na ako ng aking kapitbahay.

Ilang sandali pa’y lumitaw ang diwata na may hawak na pilak na talim. Iniabot niya ito sa lalaki at nagtanong, “Ito ba ang isa mo pang talim na nawawala?”

Iniabot ng lalaki ang talim na pilak at nagwika, “Oo, oo! Iyan nga ang isa pa. Hanga ako sa iyo, napakagaling mong sumisid. Maraming salamat sa ginawa mong pagtulong sa akin.”

Ngunit hindi pinagkaloob sa kanya ng diwata ang talim at nagwika ito, “Hindi mapapasaiyo ang mga ito. Ang mga matatapat lamang ang aking pinagkakalooban ng tulong. Ang mabuti pa’y umalis ka na sa kagubatang ito kung hindi ay magsisisi ka!” Pagwika nito ay naglaho na ang diwata.

Nahihiyang lumakad nang pauwi ang lalaki. Ngayon nawala pa ang aking bakal na talim, wika niya sa sarili. “Sana naging matalino ako.”

Aral:

  • Maging matapat sa lahat ng pagkakataon. Kung hindi sa iyo ang isang bagay ay huwag itong angkinin.
  • Huwag maging sinungaling. Ikapapahamak mo lang ang pagsisinungaling.
  • Huwag maging ma-iinggitin. Maging masaya sa nakakamit na tagumpay ng iba at huwag mo silang kainggitan.
  • Kung nais mong yumaman, magsumikap ka. Magsipag. Trabahuhin mo ang iyong pangarap at huwag kang umasa sa iba.
  • Maging matalino sa paggawa ng desisyon. Isipin ng maraming beses ang maaring maging bunga ng desisyong gagawin at kung ito’y hindi magdudulot ng mabuti sa iyo at sa iba ay huwag na lamang gawin.

Ang Punong Kawayan

Sa isang bakuran, may ilang punungkahoy na may kanya-kanyang katangian. Mabunga ang Santol, mayabong ang Mangga, mabulaklak ang Kabalyero, tuwid at mabunga ang Niyog. Ngunit sa isang tabi ng bakuran ay naroroon ang payat na Kawayan.

Minsan, napaligsahan ang mga punungkahoy.

“Tingnan ninyo ako,” wika ni Santol. “Hitik sa bunga kaya mahal ako ng mga bata.”

“Daig kita,” wika ni Mangga. “Mayabong ang aking mga dahon at hitik pa sa bunga kaya maraming ibon sa aking mga sanga.”

“Higit akong maganda,” wika ni Kabalyero. “Bulaklak ko’y marami at pulang-pula. Kahit malayo, ako ay kitang-kita na.”

“Ako ang tingnan ninyo. Tuwid ang puno, malapad ang mga dahon at mabunga,” wika ni Niyog.

“Tekayo, kaawa-awa naman si Kawayan. Payat na at wala pang bulaklak at bunga. Tingnan ninyo. Wala siyang kakibu-kibo. Lalo na siyang nagmumukhang kaawa-awa.”

Nagtawanan ang mga punungkahoy. Pinagtawanan nila ang Punong Kawayan.

Nagalit si Hangin sa narinig na usapan ng mga punungkahoy. Pinalakas niya nang pinalakas ang kanyang paghiip. At isang oras niyang pagkagalit ay nalagas ang mga bulaklak, nahulog ang mga bunga at nangabuwal ang puno ng mayayabang na punungkahoy. Tanging ang mababang-loob na si Kawayan ang sumunud-sunod sa hilip ng malakas na hangin ang nakatayo at di nasalanta.

Aral:

  • Ang kayabangan ay nagpapababa sa dangal ng tao. Kaya huwag maging mayabang.
  • Maging tulad ng kawayan na mapagpakumbaba. Bagaman hindi siya kasing gaganda at kasing-tikas ng ibang mga puno, siya naman ay higit na matatag sa oras ng pagsubok.

Bakit Itim ang Kulay ng Uwak?

Noong unang panahon, pinarusahan ng Bathala ang mundo. Ginunaw Niya ito sa pamamagitan ng napakalaking baha. Walang nalabing buhay maliban kay Noah at sa mga kasama niya sa malaking arko. Ang arkong ito ang ipinagawa ng Bathala bago pa man maganap ang pagbaha.

Kasama ni Noah sa kanyang arko ang dalawang ibon, ang uwak at ang kalapati. Ang mga ibong ito ay parehong kulay puti. Kapwa rin sila may magandang tinig.

Nang humupa ang baha, inutusan ni Noah ang uwak.

“Lumabas ka ng arko at alamin kung maaari na tayong bumaba sa lupa.”

Agad na tumalima ang uwak sa utos ni Noah. Labis siyang nagimbal sa nakita niya. Nagkalat ang mga bangkay ng tao at mga hayop. Bumaba siya sa isang patay na kabayo. Dahil marahil sa pagod ay nagutom ang uwak. Kumagat siya sa katawan ng patay na kabayo at sa iba pang patay na hayop.

Nainip si Noah sa tagal ng uwak. Inutusan niya ang kalapati.

“Humayo ka sa labas ng arko upang tupdin ang dalawang utos ko sa iyo. Una, tingnan mo kung ano na ang nangyari sa uwak at ikalawa, alamin mo rin kung maaari na tayong bumaba sa lupa.”

At umalis na ang kalapati. Tulad ng uwak, nalungkot siya sa mga nakahambalang nabangkay sa lupa. Napag-alaman din niyang ligtas nang bumaba sa lupa. Pabalik na sana siya sa arko nang may mapansin siyang gumagalaw sa ibaba. Lumapit siya ng kaunti. Kitang-kita niya ang uwak na patuloy parin sa pagkagat sa mga bangkay ng hayop.

Dali-daling nagbalik ang kalapati sa arko. Ibinalita niya kay Noah ang nasaksihan. Natuwa si Noah sa katapatan ng kalapati subalit nagalit siya sa inasal ng uwak.

Ang sabi ni Noah:

“Dahil sa iyong katapatan, kalapati, ikaw ay magiging simholo ng kalinisan, katapatan at kapayapaan at ang uwak naman ay magiging kulay itim. Papangit ang kanyang tinig at kaiinisan siya ng mga tao at ibang hayop. Ang kanyang tinig ay mapapaos.”

Magmula nga noon ang uwak ay naginging itim. Pumangit siya, ang kanyang tinig ay naging paos. At ang tanging salitang lumalabas sa kanyang bibig ay “Uwak, uwak, uwak.”

Aral:

  • Gawin sa lalong madaling panahon ang pinag-uutos sa  iyo. Mag-pokus at tapusin kaagad ang iyong nakatakdang gawain.
  • Kapuri-puri ang taong masunurin at gumagawa ng tama.

Umaasa kami na nagustuhan ninyo ang mga halimbawa ng maikling kwento tungkol sa kalikasan na nakapaloob sa pahinang ito. Kung alam ninyo kung sino ang orihinal na may-akda ng mga kwento na nabanggit sa itaas, please contact us para ma-update namin at ma-credit ng tama ang mga kwento.

Maraming Salamat sa pagbabasa! 🙂

70 Shares
Share via
Copy link