Ang kahirapan ay isa sa mga pangunahing problema ng ating bansa. Halos kalahati ng ating populasyon ang nagsasabi na nabibilang sila sa isang maralitang pamilya. Dahil dito, kinalap namin at pinagsama-sama ang ilang mga halimbawa ng sanaysay tungkol sa kahirapan. Mayroong mga halimbawa rito ng pormal at di-pormal na uri ng sanaysay. Nawa ay makatulong sa inyo ang koleksyong ito at mangarap ng mas mataas para umasenso sa buhay.
SEE ALSO: Mga Talumpati Tungkol sa Kahirapan
Mga Halimbawa ng Sanaysay Tungkol sa Kahirapan
- Kahirapan sa Pilipinas
- Sanaysay: Sa Gitna ng Kahirapan / Pahid ng Kahirapan
- Ano ang Kahirapan?
- Mga napapanahong isyu ngayon: Kahirapan
- Itaboy ang Kahirapan, Hindi ang Mahihirap
- Kahirapan na walang katapusan
- Paano natin ipapaliwanag ang kahirapan sa Pilipinas?
Kahirapan sa Pilipinas
Akda ni Ghie
Ang kahirapan ang isa sa mga mabibigat na problema ng ating bansa. Madalas nating sisihin ang maling pamamalakad ng mga pinuno ng bansa, pero sila nga ba ang may kasalanan o tayong mga Pilipino na tamad?
Sabi nga nila, “Katamaran ay katumbas ng Kahirapan”. Tama sila, at tama rin naman ang mga taong nagsasabing nasa gobyerno ang pagkakamali. Sinasabi ng karamihan, kaya sila naghihirap ay sa kadahilanang wala silang trabaho, pero ang totoo, maraming trabahong nakalaan, mapili lang talaga ang mga Pilipino. Pero hindi rin natin sila masisisi, mas pipiliin pa nilang maupo na lang sa isang tabi at manghingi ng limos kaysa magpakapagod sa napakabigat na trabaho at kumita ng isang daang piso sa isang araw. Pero sa kadahilanang ito, pinapakita lang natin na tayo ay tamad, pinakadahilan ng kahirapan.
Pangalawa sa mga dahilan ay ang maling gawain ng mga pinuno ng ating bansa, ang pagbubulsa sa kaban ng bayan. Ang mga pondo na para sa pagpapaunlad ng buhay ng mga mahihirap ay ginagamit ng mga pulitiko para sa sarili nilang interes. Sapat ang sweldo ng mga pinuno ng ating bansa, ang totoo ay sobra-sobra pa ito para bumuhay ng isang pamilya, pero patuloy pa rin sila sa maling gawain nila.
Kamakailan lang ay sinabi na umaangat na ang ekonomiya ng ating bansa, pero wala kahit isa ang nakaramdam nito. Kailangan pa ring pumila ng matagal para lang makabili ng NFA Rice, mataas pa rin singil sa gasolina, sa kuryente at halos sa lahat ng bilihin, hindi kasya ang sweldo ng isang empleyado lamang.
Dahil sa maling gawain ng mga pulitiko, mga simpleng mamamayan ang naaapektuhan, dahil mas pinipili nilang ibulsa ang malaking pondong pangkahirapan kaysa idagdag sa sweldo ng mga empleyado, isang malaking kamalian sa parte ng mga pinuno.
Pangatlo sa mga kadahilanan ay ang pagiging iresponsable ng mga Pilipino, o ang kawalan ng paninindigan. Kung magiging responsible lamang ang mga magulang ng mga batang kalye ay malamang walang pakalat-kalat na bata ngayon sa lansangan, walang uhuging bata na nanghihingi na limos, at walang kaawa-awang mga mukha ng mga gutom na bata ang makikita natin.
Kung pinag-aaral lamang sila ng kanilang magulang, malamang ay magkakaroon sila ng magandang kinabukasan. Bumabalik nanaman dito ang kadahilanang wala silang trabaho, pero may mga programa ang ating pamahalaan, maging ang local, para sa libreng pag-aaral, pero mukhang hindi nauubusan ng dahilan ang Pilipino kung bakit hindi sila nakaka-pagaral, at ibabalik nanaman ang sisi sa gobyerno.
Ang katotohanan ay tayo mismo ang dahilan ng ating paghihirap, tayong mga mamamayan ng bansa natin. Kung sisimulan natin ang pagbabago sa sarili natin, malamang ay mababagao rin natin ang antas ng ating pamumuhay, pinuno ka man o simpleng mamamayan ay dapat magbago para sa ikauunlad nating lahat.
Sanaysay: Sa Gitna ng Kahirapan / Pahid ng Kahirapan
Akda ni nica_upl13 galing sa DefinitelyFilipino.com
Habang ako’y nakaupo sa upuang ito, kaharap ang aking laptop at nagfe-Facebook, bigla kong naisipan na umpisahan na ang aking takdang aralin na sanaysay sa Filipino. Sinubukan kong mag-isip ng paksa para sa aking sanaysay ngunit nahirapan akong magdesisyon. Hanggang sa sumagi sa aking isipan ang isa sa aking mga karanasan noong ako’y kinse anyos pa lamang.
Isa itong alaala na inaamin kong ninais ko nang kalimutan ngunit hindi ko magawa, isang alaalang nahihiya akong alalahanin pa. Ngunit may isang parte sa akin na nagnanais na ipahayag at ikwento ito dahil sa isa itong riyalidad tungkol sa akin at sa pagkatao ng isang taong ibang-iba sa akin.
Hindi ko alam sa aking sarili kung bakit ko ito ikinahihiya. Marahil sa dahilang may pagkamatapobre talaga ako. At dahil iniisip kong baka isipin ng ibang tao sa akin ay cheap ako at mababaw. At inaamin kong wala pa talaga akong alam at napakababaw pa talaga ng aking pag-iisip nang mga panahong iyon. Iyon ang mga panahong nagrerebelde pa ako at inip na inip sa buhay.
Dahil nga sa mas nakakaangat pa kami sa buhay nang mga panahong iyon, naging medyo pabaya ako at naging walang pakialam sa mundo. Kaya isang araw, ay nabagok yata ako at bigla kong naisipan na tingnan ang buhay mula sa ibang perspektibo, sa ibang lebel ng pagtingin, na malayong-malayo sa akin.
Tumawa siya, at sa tono pa lamang ng kanyang boses ay malalaman mong nagbibinata pa lamang siya. Parang ipit at kumbaga, basag. Medyo nanginginig ang aking kamay habang hawak ang telepono, pinipigil na matawa sa kanya at sa kung paano siya mag-salita. May accent kasi siya at hindi marunong mag-Ingles. Marahil ang alam lang niya ay ang katagang ‘I luv u’ na nababasa niya lang sa mga quotes sa text.
Tawagin na lang natin siyang Jon-jon. Probinsyano, taga Iloilo, Bisaya. Labim-pitong taong gulang. Grade 3 pa lamang nang siya’y tumigil sa pag-aaral. Walo silang magkakapatid, at mukhang madadagdagan pa. Pumasok sa pagawaan ng asukal bilang kargador ng tubo. Sumasideline ang kanyang ama sa pangingisda at pagsasaka at sa bahay naman ang kanyang ina, nag-aalaga sa kanyang mga nakababatang kapatid. Madalas siyang nakikitulog sa bahay ng kanyang mga tiyahin kasama ang kanyang mga pamangkin. Paglalaro lamang ng basketbol ang kanyang nakahiligan.
Ala-singko ng umaga siya gumigising para pumasok sa tubuhan at matatapos siya ng hapon, mula Lunes hanggang Biyernes siyang ganoon. At kapag Sabado ay tumutulong naman siya sa palayan. Ganoon ang buhay nila sa probinsya, ani niya. Mahirap pero kinakaya. Kahit na hikahos ay kakayanin niya ang lahat para sa kaniyang pamilya. Tinanong ko siya minsan kung may pangarap ba siya at sa naalala ko’y hindi muna siya nakasagot. Umahon ata sa kahirapan. Tinanong ko siya kung gusto ba niya mag-aral, at ang una niyang sinagot ay ‘wag na. Ayaw na daw niya dahil sa matanda na siya at maraming taon na ang lumipas nang siya’y tumigil. Marami silang magkakapatid at hindi na rin siya kayang pag-aralin pa ng kanyang mga magulang.
Bakit pa nga ba? Ang gusto nalang niya ay ang magtrabaho para kumita ng pera. Sabay sabi naman akong, ‘may mangyayari ba sa pagbubuhat ng tubo?’
‘Ang pwede lang ata mangyari sa iyo ay ang matusok ka at magkasugat-sugat ka dahil sa tubo, mahulog ka sa trak, mabagsakan ka ng mga tubo, o tumandang ganoon ang trabaho at manatili na lang na isang kahid, isang tuka ang pamumuhay.’
Pero sa isip ko na lang ito nasabi. Hindi ko na nagawang idugtong pa ito. Ngunit ano nga ba ang kanyang magagawa? Tinanong ko sa aking sarili. Kung ako ba ang nasa kanyang posisyon, ano ba ang aking gagawin? May magagawa ba ako para sa ikauunlad ko at ng aking pamilya? At naisip kong baka matagal na akong sumuko kung ganoon. Hindi ko kaya ang ganoong pamumuhay. Ni magbuhat ng tubo ay hindi ko kaya at ni mag ani ng palay at magbabad sa matinding sikat ng araw. Ni ayaw ko ngang umitim, magtrabaho pa kaya at mamuhay nang ganoon?
Tila ngang napakadaling magsalita, ng isang katulad ko ukol sa mga ganoong bagay. Kay dali magsalita tungkol sa mga ambisyon at buhay. Madali nga lang naman magdunong–dunungan dahil nga naman sa wala ako sa ganoong kalagayan.
Minsan ay tinanong ko siya kung ano’ng ginagawa niya at sabi niya ay nagluluto siya ng talong, tortang talong sa bagoong. Ang alam ko nga lang ay’ yung tortang talong na may ground beef tsaka pinipirito. Sa kanila naman ay usong substitute ang bagoong sa ground beef para ilagay sa tortang talong. Hindi kaya maalat yun? Masarap naman daw at yun daw ang kanilang hapunan.
Madalas nga daw ay wala na siyang ganang kumain. Parang busog na daw ang kanyang tiyan na walang ibang laman kundi alak pagkatapos nila mag-inuman ng kanyang mga kapatid nang walang pulutan. Ang naging biro ko na lang sa kanya ay bakit hindi niya minsan subukang manghuli ng mga butiki sa pader at bubong ng kanilang bahay, para pampulutan. Para lang maiba. At bata pa lang daw siya nang matutong manigarilyo. Sayang nga at hindi ko na siya naalok ng rugby at baka nagustuhan din niya.
Sinubukan ko na lang isipin kung anong klaseng lugar ang kanyang kinalakihan. Kargador din ang isa niyang kapatid at katulad niya ay napaaga din ang retirement sa eskwelahan. Ganoon na din ba ang magiging kapalaran ng kaniyang iba pang nakababatang kapatid? Para na lang kasi silang nasa isang Cycle, mula sa magulang hanggang sa mga anak hanggang sa mga apo at apo sa tuhod… Cycle ng kahirapan. Nasaan na ang lugar ng edukasyon at pangarap? Naisip ko na lang na buti ay apat lang kaming magkakapatid sa aming pamilya.
Marahil ay nakapagtataka nga kung paano ko siya nakilala, si Jon-jon na isang taong malayo-malayo ang estado ng buhay sa akin. Ito ay dahil sa tiyahin niya kasi ang isa naming kasambahay noon, na siyang dahilan kung bakit ko na rin siya nakilala. Pala-kwento rin kasi ang tiyahin niyang iyon at palaging tumatawag sa kanyang anak at ibang kapamilya na kanyang iniwan sa probinsya.At lagi ko naman kinakausap ang kanyang tiyahin dala lang ng kainipan. At minsan nga ay natiyempohang si Jon-jon ang kausap, at naisipang ipakausap sa akin.
Madrama rin ang buhay ng tiyahin niyang iyon. Mag-isa na lang kasi nitong tinataguyod ang kanyang anak mag-mula nang iwan siya ng kanyang asawa para sa kabit nitong naanakan. Ang sakit siguro noon ‘no? Iyong piliin ng iyong asawa ang kanyang kabit kaysa sa iyo, na legal niyang asawa, at ang mas masakit pa, pinakasalan lang daw siya nito pagkatapos siyang gahasain at mabuntis. Ang kanyang pamilya na lang daw ang kanyang pinaghuhugutan ng lakas ng loob para magpatuloy. Parang naging anak na rin daw niya kasi si Jon-jon na siyang naging pinakamalapit sa kanya sa lahat ng kanyang mga pamangkin, at sa pagmamahal ng kanyang anak ay hindi narin niya gaanong naramdaman ang pagkukulang sa kanya ng kanyang asawa. Parang sa telenobela. At dumating ang pagkakataong nahulog sa puno ng niyog ang kanyang anak, at sa aksidenteng iyon ay napilitan siyang umuwi at hindi na siya muling nakabalik sa amin dahil sa wala na siyang perang pamasahe. Talaga ngang parang sa telenobela ang buhay nila. Naawa na lang ako at naiyak sa buhay nilang mga bida.
Ngunit napagisip-isip ko… Aanhin ba ni Jon-jon ang aking awa? Aanhin ba nila ang aking awa? Tila ang dami ko nang nalaman tungkol sa kanila sa pakikipag-usap lamang sa telepono. Tila nagkaroon na rin talaga ako ng kagustuhan makilala si Jon-jon at ang kanyang pamilya. Sinubukan kong may magawa, sinubukan kong makatulong; kaya pinadalhan ko sila ng damit, at ang isang t-shirt ay A/X pa.
Ngunit sa huli, bakit parang kulang pa rin? Bakit parang ang lahat ng iyon ay parang isa lamang pangyayari na aking kinahihiya? Na parang hindi bukal sa akin ang pagtulong….na isang maykaya na katulad ko ay nakipagkaibigan sa katulad nilang mahirap. Pero ano nga ba ang aking natulong? Ano bang magagawa noong mga damit na iyon na aking pinadala para sa batang nahulog? Pambalot sa nabaling buto? Naawa talaga ako. At parang hanggang doon nalang talaga ako, hanggang awa nalang.
Wala kasi akong ibang alam sa buhay. Ano ba ako noon… at hanggang ngayon? Isang teenager na umaasa sa magulang. Ni kumita ng pera at magbanat ng buto ay hindi ko pa nagagawa. Paano pa kaya ang tumulong sa ibang matindi ang pangangailangan?
Tinanong ko siya uli noon kung gusto na niyang mag-aral at umoo siya. Gusto na daw niya at magsisikap siya sa pagtratrabaho para makaipon ng pera para makapag-aral. Pinangakuan ko pa yata siya na tutulungan ko din siya para makapag-aral. Mukhang malabo ko nang magawa pa iyon.
Nakita ko talaga ang pagiging tao ni Jon-jon, kahit sa maikling panahon lamang. Na tulad ng ibang tao, na tulad namin may mga kaya sa buhay, may iba pa rin silang mga problema bukod sa kahirapan. Na ang katulad ni Jon-jon ay marunong din umiyak at napapagod din. Nasabi niya sa akin yun. Na napapagod na siya at sa talagang mahirap daw; hindi lamang ang trabaho kundi ang maging isang anak ng kanyang mga magulang at maging isang taong katulad niya. Na minsan ay gusto na niyang sumuko pero hindi niya magawa. Dahil sa kailangan niyang magpakatatag para sa kanyang sarili at pamilya, para balang araw daw, ay may magagawa din siya para sa ikaaahon ng kayang mga mahal sa buhay. Naiyak na lang ako habang pinakikinggan siya….dahil naramdaman ko na rin kahit papaano ang nararamdaman niya ng mga oras na iyon. Kung anu-ano na lang yata ang nasabi ko sa kanya nuon, hindi ko na rin maala kung tama ba o mali yuong mga pinayo ko; naisip ko na lang na… Oo, sana nga Jon-jon, balang araw.
Si Jon-jon ay isang ehemplo ng isang taong pinanganak na mahirap, lumaking mahirap at tila hindi pa alam ang landas na kanyang tatahakin at kahahantungan. Kungsanalang ay naging isang tao akong nakapagturo sa kanya ng tamang landas na iyon.
Hindi ko na alam kung ano na ang nangyari sa kanya; kung natupad ba niya ang kanyang mithiin na makapag-aral o tuluyan na siyang napariwala. Hindi ko na gaano pa naaala ang tungkol sa kanya o sa kanyang tiyahin na nagkwento sa akin ng napakaraming bagay tungkol sa kanilang lugar at sa pamumuhay ng mga tao doon. Hindi ko narin gaanong naaalala ang mga kwento nila ng kahirapan, ang mukha ni Jon-jon na sa aking imahinasyon ay puro bakas ng kahirapan at pagkatakot sa kawalan. Hindi ko na talaga maalala pa dahil tatlong taon na rin ang lumipas.
Nakikita ko nalang ang mga bata na sumasabit sa dyip tuwing ako’y umuuwi mula sa paaralan, mga batang kulang na lang ay itapon sa kalsada ng drayber na nanggagalaiti sa pagsigaw sa kanila. Isang batang musmos na ang ngayo’y sumakay na sa dyip…..tinitignan ko na lang ang kanyang repleksyon sa tila makintab na mga sapatos naming mga pasahero; habang siya’y nakaluhod at nagmamadaling magpunas at magpahid ng kanyang maduming basahan sa aming mga paanan. Umaasang bibigyan ng kakaunting barya at limos mula sa amin na nakakaangat.
Ano ang Kahirapan?
Akda ni Ace galing sa Brainly
Ang kahirapan ay pangkalahatang kasalatan o kakulangan, o ang estado ng isa na walang isang tiyak na halaga ng materyal na mga ari-arian o pera. Ito ay may maraming tapyas, kung saan kabilang ang mga panlipunan, pang-ekonomiya, pampulitika at mga elemento. Ang kahirapan ay talamak o pansamantala, at karamihan nito ay malapit na nauugnay sa hindi pagkakapareho. Ang kahirapan ay dinamiko. Ito ay may pagbabago at minsa’y nakikibagay ayon sa paraan ng pagaggamit, dinamikong panlipunan at teknolohikal na pagbabago. Ang lubos na kahirapan ay tumutukoy sa kawalan ng pangunahing pangangailangan ng tao, na karaniwang kabilang ang pagkain, tubig, sanitasyon, damit, tirahan at pangkalusugang pag-aalaga. Ang magkaugnay na kahirapan ay tinutukoy bilang pang-ekonomiyang mga hindi pagkakapareho sa mga lokasyon o lipunan kung saan ang mga tao nakatira.
Mga napapanahong isyu ngayon: Kahirapan
Akda ni Iris Sicam
Ang kahirapan ang isa sa mga mabibigat ng problema ng ating bansa. Madalas nating sisihin ang maling pamamalakad ng mga pinuno ng bansa, pero sila nga ba ang may kasalanan o tayong mga Pilipino na tamad? Sabi nga nila, “Katamaran ay katumbas ng Kahirapan”, tama sila, at tama rin naman ang mga taong nagsasabing nasa gobyerno ang pagkakamali.
Ang rason kung bakit patuloy pa rin ang paghihirap ng ating bansa ay ang mga sumusunod:
- Ang dahilan ng kahirapan sa Pilipinas ay kakulangan ng pagtutulungan
- Digmaan
- Pagmamalabis
- Krisis
- Maling pagtrato sa mga pulubi at mahihirap.
- Ibang priority ng may hawak ng pera
- Kakulangan sa pangangalaga sa kapakanan ng mga halaman at hayop
- Pagtago ng pera ng ilan at hindi pinaiikot
- Nabalitang corruption
- Kakulangan ng disiplina ng mga tao
Kung patuloy nating paiiralin ang ganoong mga pag-uugali, hindi uunlad ang ating bansa. Walang mangyayari. Walang makakamit na progreso ang Pilipinas. Ngunit ang naisip ko lamang na solusyon sa kahirapan sa ating bansa ay pagkakaroon ng DISIPLINA.
Ang hirap lang kasi yung iba wala naman yata sa bokabularyo nila ang salitang disiplina. Yun lang naman ang kelangan natin talaga. Hindi naman magagawa ng iisang tao ang pagbabago ng buong bansa. Tayong lahat ang dapat gumalaw para magbago.
Tigilan na rin natin siguro ang crab mentality. Imbes na matuwa dahil may nararating ang iba, naiinggit pa ang iba. Imbes na magsikap para sa sarili nila, naghihintay na may ibigay na lang ang gobyerno sa kanila. Kaya walang nararating ang iba sa atin.
Disiplina nga ang kailangan. Karamihan sa atin, lahat na ng pangit na nangyayari sa buhay nila, sa gobyerno nila sinisisi. Hindi sila nakapag aral, gobyerno ang sisisihin, wala sila trabaho, gobyerno nanaman ang may kasalanan. Wala silang makain, gobyerno nanaman. Nakakapagtaka tuloy bakit may mga indibibwal na nagmula din sa miserableng buhay, subalit sa pagsisikap ay nakaahon.
Disiplina nga ang kailangan. Kapag may disiplina lahat ng magagandang kaugalian ay susunod na. Matutong magsipag at magtiyaga ang isang tao. Hindi rin gagawa ng mali. Hindi rin aasa lang sa bigay ng gobyerno at lalong hindi nito sisisihin ang gobyerno. Pero ang tanong, paano matuturuan ng disiplina ang taong wala nito?
Kumilos na tayo hangga’t may oras pang natitira. Masosolusyunan natin ang kahirapan basta tayo ay nagtutulungan. Kaya kung ako sayo, tulungan mo ang sarili mo na magkaroon ng disiplina at maya-maya kapag talagang sa tingin mong tiyak na mayroon ka ng disiplina, tumulong ka na sa komunidad upang makagawa tayo ng mas maunlad at mabuting bansa.
Itaboy ang Kahirapan, Hindi ang Mahihirap
Akda ni Gregorio V. Bituin Jr.
(Taliba ng Maralita, Oktubre-Disyembre 2003)
Ayon sa gobyerno, kailangang labanan ang kahirapan. Pero ang solusyon nila para labanan ang kahirapan ay itaboy ang mga mahihirap. Ang pananaw na ito ng gobyerno, pati na rin ng mga kapitalista at naghaharing iilan sa lipunan, ay makikita sa sumusunod na kwentong bayan:
“Bibisita ang isang hari sa probinsyang kanyang nasasakupan, at ipinabatid niya ito sa mga namumuno sa bayang yaon. Dahil dito, naghanda ang gobernador ng lalawigan at inatasan ang lahat ng kanyang mga kabig na kailangang matuwa ang hari sa pagdalaw nito sa kanilang bayan. Ngunit sa dadaanan ng hari ay may mga barung-barong na pawang mga mahihirap ang nangakatira. Hindi nila maitaboy agad-agad ang mga tao dahil tiyak na lalaban ang mga ito. Kaya ang ginawa ng gobernador ay pinatayuan ang paligid nito ng mahabang pader upang sa pagdaan ng hari, ay hindi nito makita ang karumal-dumal na kalagayan ng mga mahihirap.”
Hindi ko maalala kung saan ko nabasa ang kwentong ito, pero ang aral ng kwentong ito’y nahalukay ko pa sa aking memorya. Sa esensya, karima-rimarim sa mga mata ng naghaharing uri sa lipunan ang mga mahihirap dahil ang mga ito’y “nanlilimahid, mababaho, mga patay-gutom at mababang uri”. Kaya nararapat lamang na ang mga mahihirap na ito’y itago sa mata ng hari, at palayasin o itaboy na parang mga daga sa malalayong lugar.
Kaya naman pala patuloy ang demolisyon sa panahong ito. Demolisyon ng barung-barong ng mga mahihirap dahil sila’y masakit sa mata ng gobyerno’t kapitalista. Demolisyong ang pinag-uusapan lamang ay maitaboy sa malalayong lugar ang mga mahihirap. Demolisyong hindi pinag-uusapan ang kahihinatnan ng mga mahihirap sa lugar ng relokasyon at pagkalayo nila sa lugar ng kanilang hanapbuhay.
Kung ganoon, para sa gobyerno’t kapitalista, para labanan ang kahirapan, itaboy ang mahihirap. Ito ang esensya ng demolisyon.
Pero para sa mahihirap, para labanan ang kahirapan, itaboy ang nagpapahirap. Ito ang esensya ng rebolusyon.
Teka, hindi pa tapos ang kwento: “Nang dumating ang hari sa bayang nasabi, ipinagbunyi siya ng mga tao at nakita ang kaayusan at kaunlaran ng lugar. Kaya ang sabi ng hari ay gagantimpalaan niya ang gobernador dahil sa malaking nagawa niya sa lalawigan. Sa pag-uwi ng hari mula sa maghapong pagdalaw sa probinsya, napansin niya ang mahabang pader na agarang ipinatayo ng gobernador. Hiniling niyang makita ang nasa kabila nito. Walang nagawa ang gobernador. Dito’y agad nakita ng hari ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga nakatirang mahihirap sa kabila ng pader. Itinatago pala ng gobernador ang tunay na kalagayan ng lalawigan. Bumaba ang hari’t nakitang maraming namamayat at ang iba’y halos mamatay sa gutom, marami ang nagkakasakit at walang nag-aasikaso. Dahil dito, binawi ng hari ang gantimpalang sana’y ibibigay niya sa gobrnador.”
Sa pinakasimple, para itaboy ang kahirapan, dapat resolbahin ito ng pamahalaan pagkat sila ang namumuno at nasa poder ng kapangyarihan. Hindi nararapat na basta na lamang itaboy ang mahihirap pagkat sila’y biktima lamang ng kahirapan, biktima ng bulok na sistemang nag-anak sa kahirapang kanilang nararanasan. Walang silbi ang isang gobyernong hindi kayang lutasin ang problema ng kanyang mga nasasakupan. Dahil doon, nararapat lamang silang mawala sa poder.
Kahirapan na walang katapusan
(Pang-Masa, Marso 30, 2015. Galing sa Philstar.com)
Maganda ang forecast sa ekonomiya ng Pilipinas ngayong 2015. Maaari raw umangat ng 6-7 percent ang kabuhayan. Nakikita na umano ang mga palatandaan. Noong 2012, umangat ang ekonomiya ng bansa ng 6.6 percent. Tuwang-tuwa si President Noynoy Aquino sa pag-angat na ito. Ipinagmalaki niya ito. Sabi, ang pag-angat ng ekonomiya ay dahil sa “maayos na pamamahala” ng kasalukuyang pamahalaan.
Ang nakapagtataka, sa kabila na umaangat ang ekonomiya, bakit marami pa rin ang naghihirap at nagugutom. Bakit marami pa rin ang walang trabaho? Bakit marami pa ring palaboy?
Sa latest Pulse Asia survey, 40 percent ng mga Pilipino ang nagsabing hindi sila satisfied sa ginagawa ng gobyerno kung paano malulutas ang kahirapan ng buhay. Wala pa ring pagbabago sa buhay ng mga dukha at lalo pa umanong nalulubog sa kumunoy ng kahirapan. May ginagawang paraan ang gobyerno gaya ng pagbibigay ng financial na tulong sa mga mahihirap na pamilya pero ito ay hindi garantiya na magpapabago sa buhay ng mga dukha, sa halip tinuturuan lamang na umasa at maging depende sa pamahalaan. Hindi na nagnanais magsikap at bagkus naghihintay na lamang ng babagsak sa kanilang bunganga.
Hindi magawa ng gobyerno na mapagaan ang pasanin ng mga mahihirap. Kahit na maraming beses nang nag-rollback ang petroleum products, ang presyo ng mga pangunahing bilihin ay nananatili pa ring mataas. Walang makitang pagsisikap ang pamahalaan para mabigyan ng kagaanan ang maraming Pinoy na isang kahig, isang tuka.
Marami sanang mapagkukunan ng ikabubuhay sa bansang ito pero kulang ang pagsisikap ng gobyerno. Ang agricultural sector na maraming pagkukunan ng pagkakakitaan ay nakakaligtaan. Sa halip na tulungan ang mga magsasaka na kumita mula sa inaani, mas pinapaboran pa ang pag-iimport ng produkto – halimbawa ang bigas at sibuyas.
Hindi matatakasan ang kahirapan at kagutuman, dahil walang sistema ang gobyeno kung paano lulutasin ang problema. Nababaluktot ang daang matuwid.
Paano natin ipapaliwanag ang kahirapan sa Pilipinas?
Akda ni Philip Emmanuel Penaflor, PhD galing sa Linkedin
Bakit ba mahirap tayo kahit na umaangat daw ang ekonomiya ng ating bansa? Ilang pangulo na ba ang nagsabing umuunlad na ang ekonomiya ng bansa ngunit ito ba’y nararamdaman ng karaniwang mamamayan? Sino ba ang nakikinabang sa pag-angat ng ating ekonomiya? Babalik tayo sa tanong noon ng mga awtor o manunulat patungkol sa human development na “Development for Whom?” “Para kanino ba ang pag-unlad”?
Masalimuot ang usaping kahirapan sa ating bansa. Kung tatanungin natin ang mga mayayaman ang tiyak na sasabihin nila’y “marami kasi sa atin ang tamad”. At hindi naman natin sila masisisi sa ganitong pananaw dahil umagang-umaga pa lamang nakikipag-inuman na ang ibang mga kalalakihan sa barangay, walang kusang magbanat ng buto, at naghahangad na lamang ng biglaang kita na parang “instant coffee”. Ang iba sa halip na maghanap ng kapakipakinabang na trabaho ay nagbabakasakali sa sugal, at habang natatalo ay lalong nagpipilit na makabawi hanggang sa malulong sa sugal at magkabaon-baon sa utang na lalong nagpapalugmok sa kahirapan. Ang lalong nagpapabigat sa ganitong problema, wala na ngang trabaho, ayaw magbanat ng buto, saksakan pa ng bisyo – sugal, alak o droga. Siga pa, palaaway, nambubugbog ng asawa o mga anak. Kaya paano nga naman aasenso?
Bakit nga ba marami sa atin ang tamad, batugan, ayaw magbanat ng buto, pero nangangarap ng masarap na buhay? Ay di hanggang pangarap na lang tayo?
Kung tatanungin naman ang mga aktibista kung bakit mahirap tayo ang kanilang sasabihin ay “dahil sa pagkakasakal ng mga mayayaman at naghaharing-uri sa lipunan” katulad ng mga panginoong may-lupa at mga negosyante na madalas sila rin ang mga pinuno sa pulitika. At dahil sila ang mga namumuno sa pulitika ang kanilang mga balakin at gawain ay patungo sa higit na pagpapaibayo ng kanilang mga interes, ng kanilang mga negosyo at ng kapakanan ng kanilang mga pamilya lamang. Kaya nga sila tumatakbo sa pulitika ay upang ma-proteksiyunan ang kanilang mga negosyo at iba pang mga interes, hindi talaga kapakanan ng mga tao ang layunin nila. Kaya patuloy na lumalaki ang agwat ng mayaman at mahirap.
Kaya ano nga ba ang dahilan ng ating kahirapan? Katamaran nga ba? O ang paghahari ng mga mayayamang panginoong may-lupa o may-negosyo?
Maaaring may katuwiran ang parehong argumento, at higit pa, sapagkat maaaring may kaugnayan ang dalawang dahilang ito.
Ugat ng “katamaran” sa kasaysayan
Panahon pa ng mga Kastila’y naobserbahan na ang katamaran daw ng mga “Indiyo” (“Indiyo” ang tawag noon ng mga Kastila sa mga katutubong Pilipino). Ang kanilang obserbasyon, magtatrabaho lamang daw ng ilang oras ang mga Pilipino pagkatapos ay uuwi na sa bahay at wala nang gagawin, tatambay na kung baga, hanggang hapon na. Pagkatapos sa hapon naman ay pupuntang muli sa linang na sinasaka magbubungkal ng kaunti tapos uuwi na at kung may makakasama ay mag-iinom na ng “tuba” o kahit na anong alak. Kaya naturingang tamad ang mga ninuno natin.
Ang hindi naisip ng mga Kastila ay magkaiba ang klima ng Pilipinas at Espanya. Sa Espanya malamig at iba’t iba ang panahon, may tag-araw (summer), may tag-yelo (winter), may tinatawag na tagsibol (spring) at taglagas (autumn/fall). Sa Pilipinas dalawa lang ang panahon, tag-araw at tag-ulan. Sa Espanya iba’t ibang panahon iba’t ibang pamamaraan ng pagtrabaho, madalian ang pagtanim dahil tatlong buwan lang ang tagsibol, kailangang mayroon sapat ng supply ng pagkain sa panahon ng taglamig dahil walang tumutubo sa panahong ito. Samantalang sa Pilipinas napakasimple lang ng panahon at sa buong taon ay maaaring magtanim, at noong panahong iyon sagana sa kagubatan at mga hayop. At dahil mainit ang klima hindi maaaring magtrabaho sa maghapon kung kaya nagpapahinga ang mga tao sa tanghali hanggang hapon.
Hindi dahil sa katamaran ang dahilan kung bakit naghirap ang ating mga ninuno. Ang dahilan ay ang pananakop ng mga Kastila na kumamkam ng ating mga lupain. Nawalan ng lupang sasakahin ang mga Indiyo at ang mga ito’y napunta sa kamay ng mga dayuhang mananakop. Ano’ng nangyari sa mga Indiyong ninuno natin? Sila’y naging mga mangagawa sa mga malalawak na hacienda ng mga Kastila at nang mga may dugong Kastila, na halos mistulang alipin ng mga mananakop. Ang iba’y sapilitang pinagtrabaho sa mga pagawaan ng “galleon” at sumasama sa paglaban sa mga pirata, at iba pang mga gawain tulad ng paggawa ng mga Simbahan, mga gusali ng gobyerno at ng mga kalsada. Ang tawag dito’y “polo” o “forced labor” at walang bayad.
Sino ang gaganahang magtrabaho sa ganitong kalagayan? Araw-araw, taun-taon, dekada kada dekada, at daang taon, ang mga ninuno natin ay naging mga alipin ng mga mayayamang haciendero at walang nakikinitang paglaya sa ganitong uri ng pagkaalipin, kung kayat napaniwala nila ang kanilang mga sarili na iyon na talaga ang swerte ng kanilang buhay. Kailangang magtiis dahil sa langit, ayon sa turo ng Simbahan, ay may nakalaang biyaya ng kaligtasan at kaluwalhatian. Kaya tinawag na “fatalistic” ang mga mahirap dahil sa paniniwalang ang kahirapan ang swerte nila sa buhay.
Ang mga ninuno natin sa gitna ng kaapihan at pagkaalipin ay madalas pang inaalipusta ng mga mayayamang haciendero komo sasabihing sila’y mga hampaslupa, walang pinag-aralan, mga bobo at ignorante, patay-gutom, at ito’y natanim sa kanilang diwa sa mahabang panahon hanggang sa ngayon, kung kaya’t ganoon na nga ang paniniwala ng mga mahihirap. Ang pakiramdam nila’y kulang ang kanilang pagkatao, kakaiba sila sa mga marangya at nakakataas sa lipunan. Kaya’t sa tuwing makakaharap sa mga mayayaman ay sunud-sunuran lamang ang mga ito at wari’y nanginginig pa, hindi makapangatwiran kahit na hindi makatarungan para sa kanilang ang ipinagagawa o ang nais mangyari ng mga naghaharing uri.
Sa panahon ngayon ito’y nagaganap pa rin, katulad ng pagtrato ng mga namamahala ng mga kumpanya sa kanilang mga empleyado o ng mga pinuno ng pamahalaan o burukrasya sa mga karaniwang kawani nito, maging sa Simbahan man sa pagitan ng mga pari at madre at ng karaniwang layko, o sa tahahan mismo kung paano ituring ng mga amo ang kanilang mga katulong o kasambahay. Dahil sa pag-tratong may pang-aalipusta ang mga mahirap ay tuluyan nang nawalan ng tiwala sa sarili nilang kakayahan sa paniniwalang wala silang magagawa dahil sa sila’y “pobre” lamang. At dahil dito’y hindi na nagkaroon ng hangad na magsikap kaya’t naging “apathetic” na rin sila. Nakaukilkil na sa kanilang mga puso, isip at kaluluwa na ganito na talaga ang buhay. At ito’y namana natin sa ating mga ninuno hanggang sa ngayon.
Ngunit sa kabila ng kanilang mababang pagtingin sa sarili ang mga mahirap ay nangangarap din na magkaroon ng magandang buhay, na maging katulad ng mga mayayaman at naghaharing uri sa lipunan. Sa kanilang palagay ang pagiging ganap na tao ay ang katulad ng mga mayayaman, at sa tingin nila magiging ganap lamang ang kanilang pagkatao kung sila’y makaahon sa kahirapan. Kaya nga marami sa mga mahihirap, na tinatawag na “masa”, ang nalululong sa mga telenobela o mga palabas sa telebisyon lalo’t kung may kuwento ng mahihirap na umasenso, pagka’t sa sandaling panahon ng panonood ay nakakalimutan nila ang kanilang mga suliranin sa buhay at nakikita nila ang kanilang mga sarili doon sa mga bida sa mga telenobela at nangangarap na mangyari din ang pagtatagumpay sa kanilang buhay.
Ganito rin maipapaliwanag ang pagkakalulong ng mga mahihirap sa alak. Sa karaniwang araw ang turing nila sa kanilang mga sarili’y mga hampaslupa, walang kwenta at api, ngunit sa kaibuturan ng kanilang mga puso’y naghahangad ding umasenso at makaahon sa kahirapan. Datapwa’t dahil wala silang nakikinitang pag-asa sa abang kalagayan, ay idinadaan na lamang ang kanilang mga problema sa pag-inom kung saan panandaliang nakakalimutan nila ang kanilang abang kalagayan. Sa kalasingan nagkakaroon sila ng sariling mundo, ang mundo na nais nilang manyari sa kanilang buhay na hindi nangyayari sa tunay na buhay. Kapag sila’y nalalasing lumalabas sa kanilang mga bibig ang mga hindi nila masabi sa karaniwang araw, katulad ng mga hinaing, mga hinanakit, o mga hangarin nila sa buhay, kasama na rin ang pagyayabang na kaya nilang gawin ang lahat.
Ang pagsakal ng mayayaman sa mahihirap
Dahil sa madilim na kasaysayang naglugmok sa ating mga ninuno sa kahirapan, na naging dahilan upang bumaba ang kanilang pagtingin sa sarili kung kaya’t nawalan na ng tiwala sa kanilang kakayahan, naging madali para sa mga mayayaman ang pananamantala sa mahihirap tulad halimbawa ng pangangamkam ng mga lupain. Ang mga mayayaman bukod sa mahuhusay ang kanilang mga abogado, kaibigan pa nila ang mga huwes o ang mga pulitiko, at maging ang Simbahan. Ang mahihirap, dahil sa walang sapat na kaalaman, ni wala ngang kayang magbayad ng abogado at kung mayroon man ay abogado ng gobyerno na wala ring magawa dahil sa kakampi ng mayayaman ang mga huwes at mga pulitiko, kung kaya’t tahimik na tatanggapin na lamang ang kanilang pagkatalo at pagka-api. Ganito rin ang nagaganap kung ang isang mayaman ay nang-abuso ng isang mahirap, halimbawa’y nanghalay ng puri ng isang babaeng mahirap, halimbawa’y ang kanilang katulong, na babayaran na lamang ang pamilya upang manahimik pagkat wala rin namang mararating ang kaso.
Sa lipunan ang mayayaman ang nagdidikta ng mga kalakaran sa pulitika at sa ekonomiya. Kailangang maproteksiyunan nila ang kanilang mga lupain at mga negosyo, kaya kailangang may kakampi sila sa gobyerno lalo pa’t ang gobyerno’y umaasa sa kanilang mga buwis. Kaya naman ang gobyerno’y sunud-sunuran sa mga mungkahing mga patakaran o batas ng mga mayayaman. Kaya nga kung may mga batas na magiging mapanira sa kanilang mga interes, katulad na lamang ng reporma sa lupa o tinawag na “Comprehensive Agrarian Reform Program”, ito’y puno naman ng butas upang hindi talaga tuluyang maipamigay sa mga magsasakang walang lupa ang mga lupain ng mayayaman. Karamihan sa mga naipamahagi nitong nakaraang panahon ay lupang gobyerno, at hanggang ngayon maraming lupaing prime agricultural land ay nasa kamay pa ng mag panginoong may lupa o kaya na-i-convert sa layuning pang-industrial kaya’t hindi na maipamahagi.
At upang tuluyang maisulong nila ang kanilang mga interes, ang mayayaman na mismo ang mga namamayani sa pulitika bilang mga alkade, gobernador, congressman, senador at iba pa, at sila ang mga may koneksiyon at kapangyarihan upang magtalaga ng kanilang mga kaibigan sa gabinete at iba pang mga katungkulan sa burukrasya upang kanilang maging mga kakampi. Ang mga mayayaman ay wala naman talagang pakialam sa karaniwang mamamayan. Pinapasok nila ang larangan ng pulitika upang isulong ang interes ng kanilang pamilya at mga negosyo. Kaya may “political dynasty” na kung saan ilang pamilya lamang ang naghahari sa isang lugar, o kaya hindi napapalitan ang mga pinuno sa isang lugar at nagpapasalin-salin lamang ito sa mga kasapi ng iisang pamilya. Ginagamit lamang nila ang mahihirap upang patuloy silang manatili sa kanilang mga puwesto.
Paano ginagamit ng mga mayayaman ang mga mahihirap upang manatili ang kanilang political dynasty? Dito pumapasok ang usaping “patronage politics” na siyang laman o katangian ng tinatawag nating “traditional politics” o “trapo”. Ang mga mayayamang pulitiko ay nagmimistulang mga “patron” ng mga lugar na kanilang nasasakupan. Dahil sila’y patron, sa kanila tumatakbo ang mga mahihirap tuwing may mga pangangailangan, halimbawa’y gamot, pambayad sa ospital, pampalibing, pang-eskuwela ng mga bata, at iba pang mga pangangailangan. Kaya nga ang mga bahay ng mga pulitiko ay palaging maraming tao sa araw-araw sapagkat maraming mga mahihirap ang dumudulog upang humingi ng kaunting tulong. Ang kaunting tulong na kanilang natatanggap sa kanilang mga pulitiko ay kanilang tinatanaw bilang utang-na-loob kung kaya’t sa susunod na eleksiyon iboboto nila ang mga pulitikong ito bilang pagtanaw ng utang-na-loob. Ginagamit ng mga trapo ang utang-na-loob na ito upang mapanatili sila sa kanilang mga puwesto.
Kaya ang kalakarang ito ang ibig sabihin ng patronage politics. Tinatangkilik ng mga tao ang mayayamang pulitiko dahil sa mga kaunting tulong na tinatanggap nila sa mga ito, kung kaya’t nananatili ang mga mayayamang pulitiko sa kanilang mga puwesto. At ito ang ibig sabihing ng traditional politics o “trapo”, na hindi kuwalipikasyon o kakayahan ng pulitiko o plataporma de gobyerno ang tinitingnan ng mga tao, kungdi kung ano ang ibinibigay sa kanila ng mga trapo na tinatanaw nilang malaking utang-na-loob. At dahil sa ginagamit nga lang naman ng mga trapo ang mahihirap, walang tunay na pagbabago sa kalagayan ng lipunan ang nagaganap kungdi ang patuloy na pananamantala ng mga mayayamang pulitiko gamit ang kanilang kapangyarihan, upang lalo pa silang yumaman sa pamamagitan ng kurapsiyon at iba pang pang-aabuso sa gobyerno, samantalang ang mahihirap ay patuloy na naghihirap, walang tunay na pag-asenso kungdi ang umasa na lamang kakarampot na ibinibigay sa kanila ng mga trapo.
Ang masaklap hindi batid ng mga mahihirap na ang ginagamit ng mga trapo ay nagmula rin naman sa buwis ng mga mamamayan ngunit sa akala nila’y napakabuti na sa kanila ng mga trapo sa kaunting biyayang ambon. Ang mas masaklap ang ibang ginagamit ng mg trapo ay galing sa pandarambong o kaya sa mga illegal na gawain tulad ng illegal na pagtotroso, illegal na pagmimina, illegal na pangingisda, huweteng, smuggling o droga. Natatakpan ang kanilang mga illegal na gawain sa pamamagitan ng mga kaunting tulong na ibinibigay sa mahihirap na dahil dito’y patuloy na naniniwala sa kabutihan ng mga trapo.
Sa ating bansa ang pulitikang patronage politics o traditional politics ay tinatawag ding “Oligarchy” na ang ibig sabihin ay pamumuno ng iilan lamang, at sila ang tinatawag ng mga aktibista na “naghaharing uli” o “ruling elite”. Kapag ang iilang mga naghaharing ito’y mga mayayaman lamang ang tawag naman dito’y “Plutocracy”. Ito’y mga magkakaugnay na mga terminolohiya. Ang Plutocracy na isang uri ng Oligarchy ay traditional politics o “trapo”. Ang katangian ng mga trapo ay patronage o paggamit ng “utang-na-loob” sa pamamagitan ng pamumudmod ng maliliit na tulong sa mga mahihirap. At dahil sa patuloy nilang pananatili sa puwesto nagpapasalin-salin lamang sa mga kasapi ng pamilya ang kanilang pamumuno sa pulitika. Ang tawag dito’y political dynasty. At dahil interes lamang ng pamilya ang mahalaga sa political dynasty ang mahihirap ay patuloy na naghihirap at walang pag-asang makaahon sa kanilang kahirapan.
Paano tayo makakaalpas sa kahirapan at magkakaroon ng tunay na pagbabago?
Nauna nang nabanggit na masalimuot ang usaping kahirapan sa Pilipinas. Kaya hindi tamang sabihing mahirap ang mahihirap dahil sila’y mga tamad. Maaaring iyan ay isang dahilan ngunit ayon sa naipaliwanag na, mas malawak pa ang sanhi ng kahirapan sa bansa.
Ayon sa isang batikang edukador na nagngangalang Paolo Freire mula sa bansang Brazil, ang mga mahihirap, dahil sa napakatagal na pagkaalipin sa mga dayuhang mananakop ay walang kakayahang iangat ang antas ng kanilang kamalayan upang maunawaan ang kanilang tunay na kalagayan pagkat para sa kanila, ayon kay Freire, napaniwala nila ang kanilang mga sarili na ganito na nga ang swerte ng kanilang buhay, na ganun talaga ang buhay, kung kaya’t wala nang kusang magsikap upang makaalpas sa ganitong kalagayan. Kailangang itaas ang antas ng pag-iisip ng mga mahihirap ayon kay Freire, upang maunawaan nila na ang buhay ay hindi “swerte-swerte” lamang, at malaki ang kanilang magagawa sa pagbabago ng kanilang buhay kung mababago ang kanilang pananaw sa buhay.
Ang mga mahirap na nagsikap at nakaalpas na sa kahirapan ay mga taong tumaas na ang antas ng kanilang kamalayan, naunawaan nila na nasa kanilang mga kamay ang ika-aasenso ng kanilang buhay, hindi “swerte-swerte” lang, o hindi ang pagdulog na lamang sa mga pulitiko. Sa mga mayayamang bansa na ang mga tao ay may kusa at masipag na naghahanap ng mga paraan upang umasenso, hindi sila interesado sa pulitika. Para sa kanila ang pulitika ay pagsasaayos ng mga alintuntunin sa pamahalaan upang ito’y makapagbigay ng mga tama at sapat ng mga serbisyo sa ikakaayos ng buhay ng mga tao hindi ng mga pulitiko lamang.
Makakaalpas tayo sa kahirapan kung mababago ang pananaw ng mga mahihirap, na aasenso tayo kung magsisikap at hindi aasa sa iba. Hindi ikakahiya ang pagbabanat ng buto sa marangal na paghahanapbuhay, at hindi maghahangad ng agarang pagyaman kundi pagtitiyaga.
Kung pagbabago ng lipunan ang pag-uusapan, malaki ang magagawa kung magsasama-sama ng lakas ang mahihirap. Hindi pagagamit sa mga trapo sa maling pagtanaw ng utang-na-loob. Sa gayon ang mga mahihirap ay makakawala sa pagkakasakal ng mga political dynasty na patuloy nang mabubuwag kung hindi na tatangkilikin ng mga mahihirap. Hindi ipagbibili ang boto tuwing darating ang eleksiyon at pipili ng mga kandidatong higit na kuwalipikado at may maayos na platoporma de gobyerno lalo’t kung ang programang ilalatag ay bunga ng konsultasyon sa mga tao.
Malaki ang papel na gagampanan ng mga pamilya. Sa pamilya mag-uumpisa ang pagbabago kung ang mga magulang ay magbibigay ng magandang halimbawa sa kanilang mga anak ng kasipagan, katapatan o “honesty”, pagtutol sa pandaraya o kurapsiyon, pag-iisip ng tama at paggawa ng mabuti at pagtulong sa kapwa.
Maraming pamilya sa lipunan natin ang napariwara na dahil ang mga magulang mismo ang nagtuturo sa kanilang mga anak ng hindi maganda. Karaniwan nang naririnig sa mga magulang ang ganito: “Anak, dalawang klase lang ang tao sa mundo, ang mga manloloko at ang mga nagpapaloko, kaya maging wais ka para hindi ka maloko”. O kaya, “Mas mabuti pang ikaw na ang manloko huwag ka lang maloko”.Sa murang isipan ang mga bata’y nahuhubog na kaagad sa pandaraya at kurapsiyon.
Kaya kailangang magbago ng pananaw sa buhay ang mga tao. Hindi swerte-swerte lamang ang buhay. Kailangang maunawaan natin na may mga balangkas o istruktura sa lipunan na siyang dahilan ng patuloy na pagkakalugmok ng mga tao sa kahirapan. Kung tataas ang antas ng ating kamalayan, bubuwagin natin ang oligarchy at patronage politics ng mga trapo at mga political dynasty, hindi aasa na lamang sa kanila kundi magsusumikap na makaahon sa kahirapan sa pamamagitan ng pagbabanat ng buto. Kung nabuwag na ang oligarchy maaari tayong magsama-sama upang magtayo ng bagong uri ng pamahalaan na tunay na para sa tao na tutugon sa kanilang mga karapatan at pangangailangan bilang mga mamamayan ng bansa, at hindi pamahalaan para sa interes ng iilan lang na naghaharing uri.
SEE ALSO: Mga Sanaysay Tungkol sa Edukasyon
Ano ang mga aral na natutunan mo mula sa mga sanaysay tungkol sa kahirapan na nabasa mo? Ibahagi ang mga ito sa amin sa pamamagitan ng pag-iwan ng komento sa ibaba.