Mga Sanaysay Tungkol sa Pag-ibig (8 Sanaysay)

Ang mga sanaysay tungkol sa pag-ibig na inyong mababasa ay mga halimbawa ng uri ng sanaysay na di-pormal. Ang mga ito ay kinalap at pinagsama-sama galing sa iba’t ibang website upang tulungan ka sa paghahanap ng mga halimbawa at bigyan ka ng ideya kung sakaling gagawa ka rin ng sanaysay sa kaparehong paksa. Sana ay makatulong sa iyo ang koleksyon na ito at kung oo maaari mo rin itong ibahagi sa iba. 🙂

SEE ALSO: Mga Maikling Kwento Tungkol sa Pag-ibig

Mga Halimbawa ang Sanaysay Tungkol sa Pag-ibig


Pag-ibig nga ba?

Akda ni AxeLa-eAm galing sa Wattpad

Sa buhay pag-ibig, maraming relate dyan, maraming gustong magkaroon nyan. Gustong mahanap yung isang taong pupuno at kukumpleto sa sarili nya. Taong handang mahalin sya, kung ano man o sino sya. At taong magpapatibok ng puso nya at masasabing “It’s the One.”

Pero masasabi mo bang puro kaligayahan lang sa pag-ibig? Diba’t darating din ang puntong masasaktan ka ng todo. Mahirap at masakit man pero, kailangan mo yung tanggapin. Dahil kasama yun pag nagmahal ka, yung tipong nasasaktan ka na, nagpapakamartir ka na, nagpapakatanga ka na, pero mahal na mahal mo pa rin. Yung halos lahat ginawa mo na, pero para sa kanya wala lang yun. Ginagawa mo yun dahil sa sobrang pagmamahal mo sa kanya. Ikaw nagmahal ka na ba? Nasaktan ka na ba? O nakasakit ka na ng damdamin ng iba?

Marami na kong narinig na kwento ng pag-ibig. Kadalasan, nagiging saksi pa nga ako. Masaya, nakakakilig at nakaka-inggit. Aminin natin, totoo yan, dahil tayo mismo, gusto din nating maramdaman yung nararamdaman ng mga taong inlove. Gusto din nating maranasan yun. Yung makakakita ka ng mga taong sobrang sweet sa paligid mo. Nakakainggit sila. Mahal na mahal nila yung isa’t isa, yung tipong kahit lagi silang nag-aaway at nagkakatampuhan, nag-babati pa din dahil alam nilang may pangako silang pinanghahawakan sa isa’t isa.

Meron din naming mga taong takot magmahal, dahil takot silang masaktan at takot maiwan. Mga taong ayaw sumugal sa laro ng pag-ibig. At meron din namang taong kahit alam nyang talo na sya, sumugal pa din, handa syang masaktan para sa taong mahal nya, na kahit palayain nya ito para sumaya sa piling ng iba, gagawin nya.

Meron din namang mga taong, ginagawang laro lang ang pag-ibig. Ginagawang laro lang lahat, na nakakasakit na ng damdamin ng iba, pero para sa kanila, tama yung ginagawa nila.

At meron din namang, mga taong naniniwala sa “Destiny.” Ako? Isa ako sa mga taong yun. Dahil naniniwala ako na lahat ng tao, may kanya-kanyang taong itinadhana. Yung kahit anong mangyari at kahit saan ka man dalhin ng kapalaran, kayo pa din yung magkakatuluyan. Dahil lahat tayo may karapatang magmahal, mahalin at maging masaya. Dahil tadhana na mismo ang maghahatid sayo sa taong mamahalin mo.

Kaya wag kang magmadali, dahil lahat ng bagay dadating sa tamang panahon at oras. Tamang panahon para magkita kayo at tamang oras para magmahalan kayo. Yung kahit mala “Romeo-and-Juliet” ang peg “You-and-me-against-the-world.” Kayo pa din para sa isa’t isa.

At kung dumating man yung puntong nasaktan ka ng todo dahil sa nagmahal ka. Huwag mong sisihin yung taong nanakit at nang-iwan sayo. Kundi magpasalamat ka, dahil sa ginawa nya natuto ka at mas lumakas ka. Huwag mong gamitin yung galit nay un para maghiganti sa kanya. Dahil may mga taong darating lang sa buhay natin para pasayahin tayo at pagkatapos nun, iiwanan na lang tayong nasasaktan at nakadapa.

Pero may taong dadaan at aalalayan kang tumayo at pasasayahin kang muli, taong handang mahalin ka. OO, masarap magmahal pero kung magmamahal ka, kahit konti manlang magtira ka sa sarili mo. Dahil pag-iniwan ka nya, paano ka na? Huwag mong sanayin yung sarili mo na umiikot lang ang mundo mo sa kanya. Dahil pag yung mundo mong yun nawala at nawasak, makakagalaw ka pa kaya? Dahil sabi nga, walang permanente dito sa mundo, ang buhay nga natin walang forever, ang pag-ibig pa kaya?

Pero sa kabila ng mga dahilang yan, may isang rason ka parin para sumugal sa laro ng pag-ibig. Huwag kang matakot makipagsapalaran sa laro ng pag-ibig. Oo, matatalo ka sa una pero malay mo sa pangalawang pagkakataon, manalo ka na, at doble pa. Kung gusto mo o mahal mo yung isang tao, huwag mong itago, sabihin mo sa kanya. Malay mo diba, gusto ka din pala nung tao, nag-aantayan lang kayo parehas. At malay mo sya na pala si “The One”. Sya na pala yung taong pangangakuan mo ng “I Do” at “Till Death Do us Part.”


Pag-ibig

Akda ni Yesah galing sa Wattpad

Bawat isa sa atin ay naghahangad na makatagpo ng isang tao na magpupuno sa ating kakulangan. Isang taong magpaparamdam sa ating kung gaano tayo kahalaga at tutulong upang mahubog pa natin ang ating pagkatao. Taong magiging dahilan para lubusan natin maunawaan ang tunay na kahulugan ng salitang “kaligayahan”. Ngunit masasabi ba nating pagdating sa pag-ibig ay puro na lang kaligayahan? Hindi ba’t darating din ang oras na kailangan mo ring masakatan. Ito ay pagkabigo sa ating buhay na hindi natin inaasahan na magdadala sa atin ng labis na kalungkutan. Bahagi na ito ng ating buhay. Gaano man kasakit, gaano man kasaklap, tanggapin na lamang natin at matuto tayong tumayo sa sarili nating mga paa. Ikaw, nagmahal ka na ba? Nasaktan ka na ba? Oh di kaya’y nakasakit ka na ba ng damdamin ng iba?

Marami na akong narinig na kwento ukol sa buhay pag-ibig ng iba. Kadalasan nagiging saksi pa nga ako ng pagmamahalan nila. Masaya, nakakakilig, minsan pa nga ay nakakainggit. Hindi ba tunay naman? Nakakainggit yaong mga magkasintahan na wagas kung magmahalan, magkatampuhan man o dumating man ang puntong puro na lang away ay pinaninindigan pa rin nila ang pangako nilang hindi nila iiwan ang isa’t isa.

Mayroon din namang mga tao na sa una ay sawi na makahanap ng taong tunay na magmamahal sa kanila. May mga tao namang takot na masaktan at lumuha kaya’t pinipili na lamang nila na huwag na lamang magmahal.

May mga nagpapakamartir din, na kahit ilang beses pa silang lokohin ay handa pa rin niyang patawarin. Hindi rin mawawala na sa kabila ng mga taong tunay na nagmamahal ay mga tao ring walang ginawa kundi paglaruan ang pag-ibig. Ito ay ang mga taong wala ng ginawa kung hindi magpaasa at manggamit. Bakit ba nauso pa ang panloloko? At bakit may mga taong napakahilig manloko? Ano bang napapala nila, karma lang naman diba?

Alam ko mayroon tayong iba’t-ibang istilo sa pagmamahal. Yung iba todo effort mapatunayan lang kung gaano nya kamahal at kung gaano kahalaga sa kanya ang isang tao. Yung iba ay dinadaan na lamang sa biro. Meron din namang torpe at hanggang sulyap lamang dahil wala siyang lakas na loob upang maipahayag ang kanyang tunay na nararamdaman. May mga taong sobrang agresibo na ang gusto ay makuha agad ang loob ng kanyang hinahangaan.

May kasabihan tayong “true love waits” na nangangahulugang may tamang oras para sa pag-ibig, gaano man katagal o gaano man kayo kalayo sa isa’t isa nananalaytay ang tiwala. Ano man ang istilo ng pagmamahal ang ating ginagawa tandaan natin na ang tadhana na ang gagawa ng paraan para matagpuan natin ang taong tunay na magmamahal satin at mapag-isa ang damdamin. Ginawa tayo ng Poong Maykapal para magmahal at mahalin.


Sanaysay sa Pag-ibig

Akda ni TellMeWhereToStart galing sa Wattpad

Maraming uri ng pag-ibig sa mundo. Pag-ibig para sa pamilya, sa mga kaibigan, sa Diyos at sa taong gusto mong makasama pang-habang buhay. Hindi naman daw mahirap hanapin ang taong bubuo sa buhay natin. Kailangan lang natin maghintay na kusa siyang dumating.

May pag-ibig na handang isuko ang lahat sumaya lang ang taong mahal niya. Kaya tayo nagpaparaya ay dahil ayaw natin ikulong ang isang tao sa pag-ibig natin. Pagdating kasi sa love, hangga’t hindi ka niya matutunang mahalin ay hindi siya sasaya sa piling mo. Ano ba ang mas gusto natin? Yung katabi nga natin siya, ngunit hindi siya masaya, o yung malayo man siya sa piling mo alam mong masaya na siya kahit sa piling ng iba?

May pag-ibig na naghahangad ng pangalawang pagkakataon. Pero hindi naman lahat ng tao nabibigyan ng second chance. Kung isa ka man sa maswerteng nabigyan, pwes wag mo nang sayangin yun. Binigyan ka ng isa pang pagkakataon dahil MAHAL KA NG TAONG MAHAL MO. At handa niyang kalimutan ang mga ginawa mo sa kanya noon.

May pag-ibig na mali sa mata ng marami. Yung pag-ibig na tama pero nasa maling pagkakataon. Dito pumapasok ang pagiging 2 timer. Maaaring may gusto ka sa kanya pero may iba na siya, o ikaw naman ang may iba, pero gusto niyo parin ang isa’t isa. Ikaw ay nasa maling pagkakataon. Lagi mong isipin na may girlfriend o boyfriend kana, bago pumatol sa iba.

May pag-ibig na nagsimula sa matagal na pagkakaibigan, at kalaunan ay nahulog ang damdamin sa bestfriend niya. Ang pinakamatibay daw na pondasyon ng pag-ibig ay ang pagkakaibigan, meron kasi itong TIWALA at matagal nang NAPATUNAYAN. Marami ang ayaw tanggapin ang pag-ibi ng bestfriend nila, dahil ang relasyon daw ay maaaring masira sa isang maling gawa, pero ang pagkakaibigan, pwede yang habang buhay. Ikaw, ano ba ang pipiliin mo? Yung relasyon niyo ni Bestfriend na maaaring magkalamat, o mas mahalaga sayo ang friendship?


Pag-Ibig, Pagmamahal at Pagkabigo… Handa ka bang Masaktan?

Akda ni Dhors galing sa DefinitelyFilipino.com

The greater your capacity to love, the greater your capacity to feel the pain.
~ Jennifer Aniston

Naranasan mo na ba ang paulit-ulit na pagkabigo at paulit-ulit na nasaktan? Dahil lamang sa ikaw ay nagmamahal nang lubusan?

Sa isang relasyon na halos ginagawa mo na ang lahat, upang ito’y maging maayos at magkaroon ng katuparan. Ang bawat pangarap na magkasama ninyong binuo; pangarap na umaasang balang araw ito’y matutupad, pagdating ng tamang panahon. Sa pakikipagrelasyon sa larangan ng pag-ibig, kaakibat nito ang saya at kaligayahan. Sa bawat matatamis na mga ngiti ng labi ito’y masasalamin; mga wagas na pagmamahalan na akala mo ay wala ng katapusan. Aminin man natin o hindi, meron kasabihan na “The more you love, the more you are prone to have pain”. “Oo”. Dahil kung hindi ka masasaktan meaning hindi ka rin nagmamahal. “Vice versa”. Ang bawat matatamis na ngiti; katumbas ay pait.

Ang bawat pagmahahalan ng isang magkareslasyon, hindi puwedeng mawala ang pagsubok. Pagsubok sa kung saan ay sinusukat ang bawat isa; sinusukat kung hanggang saan ang hangganan ng pagmamahalan sa bawat isa. Sa ngalan ng pag-ibig, ika nga sabi nila ay “hahamakin ang lahat masunod ka lamang”. Pero ang tanong, hanggang saan ka nga ba? Masakit ang masaktan dulot ng pagmamahalan.

Sa bawat tahimik na pagpatak ng bawat mga luha; ‘yong tipong halos mag-collapse ka na dahil hirap ka huminga. Para ka na nga’ng ‘zombie’, dahil nanlalalim na ang iyong mga mata; ikaw ba naman ang halos ‘di makakain at makatulog, ewan ko lang kung ‘yong pangarap mo na “diet” at “5lbs.” na gusto mo ma reach ay di mo pa makamit! Andun iyong wala ka na sa iyong sarili, na muntikan ng dahilan para ika’y masagasaan. Tulala ka kasi eh! Ewan ko kung saang universe ang utak mo nakarating hmmp! Marami pa ang mga bagay na hindi magandang nangyayari sa atin dahil sa ngalan ng pag-ibig o pagmamahal; kapag ikaw ay nasaktan o nakaranas ng kabiguan.

Naisip mo na din ba ang sumuko na? Iyong akala mo ay sinumpa ka na ng tadhana? Malamang ang sagot mo, “oo”, ayaw ko na! Dumating ka sa point na “ano ba ang aking kasalanan? may pagkukulang ba akong nagawa?”. Of course wala! Eh, syempre sarili natin ang tinatanong natin eh (lalo na kung ma pride tayo hindi natin maamin sa ating sarili) Ganito lang iyon eh! “Hoy, Pachuchay! Huwag ka nga magdrama”.

Tandaan mo na kapag malas ka sa pag-ibig o mga lalaki, isipin mo na swerte ka pa rin! Hmmp!…..’swerte? Alam mo ba ang sinasabi mo? Oo! Kasi kahit papano ay nakaranas ka magmahal at ang mahalin; samantalang ako menopause na, virgin pa din! Hahaha!…. oo nga ‘noh? Ano ba talaga ang problema? Wagas ka naman magmahal! Ahh… siguro sadyang malas lang talaga pagdating sa larangan ng pag-ibig. Bitter ka dahil bakit ikaw pa na mabait ka naman at at walang inaagrabyadong tao, pero madalas ka pagkaitan ng panahon upang ika’y lubos na lumigaya. Iyong pagiging loyal mo balewala na, naging royal true orange na!

Pero dahil tao ka lang, at gusto mo makaranas ng wagas at totoong pagmamahal; ang gawing makulay ang napakalungkot mong buhay, ito ka ngayon at sumubok na naman na magmahal ulit. Nakakapagod din ‘di ba? Pero lagi mong iniisip na baka sya na nga, iyong tao na sagot sa panalangin mo. At in return ay mamahalin ka din ng taos puso at hindi ka sasaktan. Ang pag-ibig ay isang sugal. Kailangan natin ang sumugal, ang buksan ang ating isip; sa mga bagay na puede makatulong upang mapaunlad ang isang relasyon. Ang sugal ay meron pagkatalo at meron din panalo, malay natin at tayo ay nanalo pala sa labang iyon. Kapag naman natalo, ito ka at iiyak na lang sa isang tabi. Mag iisip at babangon ulit para buuin naman ang sarili na minsan na naman winasak ng dahil sa pag-ibig.

Madalas, dahil sa kagustuhan natin na ayusin ang lahat; dahil sa pagmamahal at mga pangarap. Ito ka at lagi umuunawa, at umaasa. Umaasa na malampasan lahat ng pagsubok.

Nang dahil sa pagmamahal, halos kainin mo na ang sarilimg pride, pero hindi katangahan iyon (take note). Gagawin mo ang mga bagay na akala mo hindi mo kayang gawin, pero nagawa mo alang-alang sa ngalan ng pag-ibig sa taong mahal mo.

Pero, dumadating ka din ba sa point na halos natatakot ka na? Sa mga ginagawa mo at sa mga nangyayari?

Natatakot ka na baka isang araw, magising ka na naman ulit at magtataka ka; at meron ka na naman kakaibang nararamdaman. Pakiramdam na parang wala na iyong “pain” at parang balewala na lang lahat. Dahil sa sobrang sakit, na iyong nararamdaman na sa t’wina meron hindi pagkakaunawaan. Halos na immune ka na, at sasagi na naman sa iyong isip ang mga nakalipas na mga pangyayari. Kung paano ka exactly na fall out of love. Kasabihan nga na hindi sa lahat ng oras, hawak natin ang ating mga puso, sila ay may sariling isip na puede magdikta sa atin thru our emotion.

Hindi ba puwede na puro na lang pagmamahal, ang dapat na pairalin? Nang sa gayon ay walang nasasaktan na damdamin? Hindi puwede! Dahil kapag hindi ka marunong magmahal hindi ka rin masasaktan. At hindi ba puwede pagtagpuin kapwa, iyong mga taong hindi kayang manakit ng damdamin? Nang taong mahal niya? Nang sa ganun pareho nilang iingatan ang pagmamahalan nilang dalawa?

Iyong parehong merong malawak na pang-unawa sa ngalan ng pag-ibig at pakikipagrelasyon? Iyong parehong nakakaunawa, sa bawat pagkukulang at pagkakamali ng isa’t-isa? Pero, siguro nga hindi puwede ang ganun. Dahil kailangang maranasan ng bawat relasyon, ang sakit para makamtan nila ang tunay na ligaya; at kahalagahan ng bawat isa.

Iyong kaligayahan at na dulot ng wagas na pagmamahalan, na hinubog na ng panahon; at hindi na kayang buwagin, ng kahit na anong unos pa dumating. dahil meron na itong ugat na malalim, na nagpapatibay sa lahat. Pagdating ng araw…… Sa pagdating ng tamang panahon.


Ang Pag-ibig

Akda ni Emilio Jacinto

Sa lahat ng damdamin ng puso ng tao ay wala nang mahal at dakila na gaya ng pag-ibig.

Ang katwiran, ang katotohanan, ang kabutihan, ang kagandahan, ang Maykapal, at ang kapwa-tao ay siya lamang mangyayaring maging sanhi ng pag-ibig; siya lamang makapagpapabukal sa loob ng tunay at banal na pag-ibig. Kung ang masama at matuwid ay ninanasa rin ng loob, hindi ang pag-ibig ang tunay na siyang may udyok kundi ang kapalaluan at kasakiman.

Kung ang pag-ibig ay wala, ang mga bayan ay hindi magtatagal, at kara-karakang mapapawi sa balat ng lupa ang lahat ng pagkakapisan at pagkakaisa, at ang kabuhayan ay matutulad sa isang dahon ng kahoy na niluoy ng init at tinangay ng hanging mabilis.

Ang tunay na pag-ibig ay walang iba kundi iyong makaaakay sa tao sa mga dakilang gawa sukdulang ikawala ng buhay sampu ng kaginhawahan.

Ngunit ang kasakiman at ang katampalasanan ay nag-aanyo ring pag-ibig kung minsan, at kung magkagayon na ay libu-libong mararawal na kapakinabangan ang nakakapalit ng gapatak na pagkakawanggawa na nagiging tabing pa mandin ng kalupitan at ng masakim na pag-iimbot. Sa aba ng mga bulag na isip na nararahuyo sa ganitong pag-ibig.

Ang pag-ibig – wala na kundi ang pag-ibig na tanging binabalungan ng matatamis na alaala sa nagdaan at ng pag-asa naman sa darating. Sa malawak na dagat ng ating mga kahirapan at pagkadusta, ang pag-ibig ay siyang nagiging dahilan lamang kung kaya natin minamahal pa ang buhay. Kung ang magulang ay walang pag-ibig sa anak, sino ang magbabatang mag-iiwi sa mga sanggol? At mabubuhay naman kaya ang mga anak sa sarili lamang nila?

Kung ang anak kaya naman ay walang pag-ibig sa magulang, sino ang magiging alalay at tungkod ng katandaan? Ang kamatayan ay lalo pang matamis kaysa buhay para sa matandang nangangatal ang tuhod at nanlalabo ang pagod na mga mata ay wala nang malingapang mag-aakay at makaaaliw sa kanyang kahinaan.

Ang pagkahabag sa ating mga kapwa na inilugmok ng sawing kapalaran hanggang sa tayo’y mahikayat na sila’y bahaginan ng kaunting kaluwagan ang ating pagtatanggol sa naapi hanggang sa isapanganib at idamay natin ang ating buhay; ang pagkakawanggawa sa lahat kung tunay na umusbong sa puso, alin kaya ang pinagbuhatan kundi ang pag-ibig?

Ang tunay na pag-ibig ay walang ibinubunga kundi ang tunay na ligaya at kaginhawahan.

Kailanpama’t sapin-sapin ang dusang pinapasan ng bayani, at ang kanyang buhay ay nalipos ng karukhaan at lungkot, ang dahilan ay sapagkat hindi ang tunay na pag-ibig ang naghahari kundi ang taksil na pita sa yama’t bulaang karangalan.

Sa aba ng mga bayang hindi pinamamahayan ng wagas at taimtim na pag-ibig!

Sa pag-ibig nunukal ang kinakailangang pagdadamayan at pagkakaisang magbibigay ng di-maihahapay na lakas na kailangan sa pagsasanggalang ng matuwid.

Sa aba ng mga bayang hindi pinamamahayan ng pag-ibig at binubulag ng hamak na pagsasarili. Ang masasama ay walang ibang ninanasa kundi ang ganitong kalagayan. Gumagawa ng daan tungo sa pag-aalitan, kaguluhan, pagtataniman, at pagpapatayan sapagkat kinakailangan ng kanilang kasamaan. Ang hangarin nila ay mapagbukud-bukod ang mga mamamayan upang kung mahina na at dukha dahil sa pag-iiringan, sila ay makapagpapasasa sa kanilang kahinaan at karupukan.

Oh! Sino ang makapagsasaysay ng mga himalang gawa ng pag-ibig?

Ang pagkakaisa na siyang kauna-unahang bunga niya ay isang lakas at kabuhuyan, at kung nagkakaisa na’t nag-iibigan, ang lalong malalaking hirap ay nagiging maagang pasanin, at ang munting ligaya’y matimyas na nalalasap. Kung bakit nangyari ang ganito ay hindi matatalos ng mga pusong hindi nakadarama ng tunay na pag-ibig.

At upang mapagkilalang magaling na ang pag-ibig ay siya ngang susi at mutya ng kapayapaan at ligaya. Ikaw na bumabasa nito, mapagnanakawan mo kaya, mapagdadayaan o matatampalasan mo kaya ang iyong ina’t mga kapatid? Hindi, pagkat sila’y iniibig, at sa halip ay dadamayan mo ng iyong dugo at sampu ng buhay kung sila’y nakikitang inaapi ng iba.

Gayundin naman, kung ang lahat ay mag-iibigan at magpapalagayang tunay na magkakapatid, mawawala ang lahat ng mga pag-aapihan na nagbibigay ng madlang pasakit at di-mabatang mga kapaitan.

Kung ang pag-ibig sa kapwa ay wala, nilulunod ng malabis na pagsasarili ang magagandang akala. Ipapalagay na may tapat na nais at tatawaging marurunong ang mabuting magparaan upang matamasa sa dagta ng iba, at ituturing na hangal yaong marunong dumamay sa kapighatian at pagkaapi ng kanyang mga kapatid.

Maling mga isip at ligaw na loob ang manambitan sa mga hirap ng tao sa inaakalang walang katapusan. Sukat ang matutong magmahal at manariwang muli sa mga puso ang wagas na pag-ibig sa kapwa, at ang tinatawag na bayan ng hinagpis ay matutulad sa tunay na paraiso.


Friendzone: Magmamahal na lang sa kaibigan pa

Akda ni Queenie Resmundo

Ang susunod na babasahin ay walang intensyon manakit kundi manampal ng katotohanan. You’ve been warned.

Hindi ito kwentong barbers. Isa ‘tong maikling prosa kung bakit sa dinami-dami pa ng gugustuhin mo, at sa dinami-dami ng lalakeng/babaeng pwede mong pangarapin, e, ‘yong tao pang kaibigan lang ang turing sa’yo?

Kahit kailan, walang babae at lalakeng magkaibigan na walang nagaganap na malisya. Hindi palagi, pero may ‘minsan.’

Siguro, oo, minsan parang wala lang sa inyo, pero aminin mo na sa isang banda, nagkakaroon ng kulay ang pagsasama ninyo. Dahil nga babae, at lalake kayo. `Wag na tayong maggaguhan. Wag nating lokohin ang sarili natin na “Friends lang kami” samantalang minamanyak mo siya tuwing magkatabi; na tinitignan mo ang labi niya pag may chance; na nagnanakaw-tingin ka pag di siya nakatingin; at ini-stalk mo ang Facebook account niya at chini-check kung naka-like ba siya sa profile picture mo.

Wala naman talagang masama na mahalin ang kaibigan. Ang tanong, mahal ka ba niya?

Dito na nagkakatalo. Minsan kung sino pa ang taong nakasama mo nang pakatagal-tagal, at alam ang bango’t baho mo, sa kanya ka pa pinakamahihirapang magsabi ng totoong nararamdaman. Bakit? Kasi natatakot kang mawala siya dahil lang sa sinabi mong espesyal siya; nangangambang baka iwasan ka, at maiwan – edi nganga.

Mas masakit kung ang kaibigan mo, nagmahal ng iba. Isa to sa pinakamasakit na pinagdadaanan ng mga ‘friendzoned’ dahil una sa lahat, dahil nga kaibigan ka, ikaw ang unang-unang makakaalam kung gaano kamahal ng kaibigan mo ang isang tao… na hindi naman ikaw.

Ikaw ang unang sasabihan na type niya si…

Sa’yo siya hihingi ng payo.

Sa’yo hihingi ng motivation.

Ikaw lang ang makakakita kung paano siya kiligin na parang ipis.

Sa’yo siya magku-kuwento araw-araw kung ano nang balita sa panliligaw niya o sa manliligaw niya. Kaibigan ka, e; general rule na malaman mo ang lahat ng kaganapan sa buhay niya.

At halos mamatay ka sa selos kahit hindi naman dapat.

Pero ang mas dobleng sakit, e, ‘yong sinasarili mo ang selos dahil hindi mo naman masabi sa kaibigan mo kung ano talaga ang nararamdaman mo sa kabila ng lahat ng ‘yon. Hindi mo naman masasabing nasasaktan ka dahil alam mo na ikagugulo nito ang lahat; na sa huli, alam ng puso mo kung hanggang saan ka lang. Hindi niya man sabihin pero alam mo kung ano’ng lugar mo sa kanya. Tipong parang laser na pag hinamak mo, ikaw lang din ang masasaktan.

Isang matalik na kaibigan – hindi lang simpleng kakilala, pero hindi lubos para maging kasintahan.

Hindi mo matukoy kung ano’ng kulang para di umabot sa lebel na pinagdadasal mo tuwing simbang gabi. Kung ano pa ba ang hinanahanap niya para lang matipuhan ka. Kung kailangan mo ba siyang ihampas sa pader para matauhan siyang may tangang nagmamahal sa tulad niya – at ikaw ‘yon.

Pero dahil nga nakakatakot ma-inlab sa kaibigan, mas okay na lang sigurong manahimik. Para ka lang magba-bike sa Pacific Ocean; di mo pa nga nasusubukan, alam mong lalamunin ka na ng takot. At least pag magkaibigan, malaki ang tsansa mong makasama mo siya araw-araw, at makasundo.

Sakit lang sa ulo ang relasyon (sabi ng wala pang naka-relasyon). Higit sa lahat, itaga sa utak na may mga taong sinosyota at kinakaibigan lang. At desisyon mo na ‘yon kung may balak kang patunayan kung ano ka ba talaga.

Okay lang maiyak, frieeeeend.


Kapangyarihan ng Pag-ibig

Akda ni Anthony Rosales Sarino

Walang perpektong bagay sa mundo. Walang kasiguraduhan. Oo, mayroon tayong patutunguhan at mayroong dahilan ang lahat ngunit wala ni isa sa atin ang nakakaalam ng kahihitnatnan.

PAG-IBIG –- naniniwala akong ito ang dahilan ng lahat ng bagay. Alam kong ang puso ang nagdidikta ng nararapat sa ating sarili. Yung pagmamahal na makukuha sa iisang tao na nilaan ng Diyos at magtuturo nang tamang kahulugan ng buhay.

Ang pag-ibig ay makikita at madarama saan ka man makarating. Kahit sa mga simpleng bagay na espesyal at kung minsan sa mga bagay na walang halaga ay naroon ang pag-ibig. Bunga ito lahat ng pagmamahalan. Napakamakapangyarihan ng pag-ibig. Kung titingnan natin ito ng mas malawak at mas malalim sa kung ano mang dapat ipakahulugan nito, tiyak lahat tayo ay mag-aasam na sana isang araw darating ang taong magiging kabiyak ng ating puso.

Wala sa edad, klase ng buhay o kasarian makikita ang pag-ibig. Hanggat may pagmamahalan na namamagitan sa dalawang tao iba man o parehas ang buhay na meron sila wala na dapat tayong itanong pa. Hindi na ako nagulat sa pag-ibig ngayon. Hindi na bago sa akin ang pagmamahalan ng isang matanda at bata, isang mahirap at mayaman o maging dalawang lalaki o babae. Natutuwa pa nga ako dahil sa kabila ng mapanghusgang lipunan nariyan pa rin ang mga taong may kakaibang pagmamahalan. Tinitiis ang bawat masasamang salita na namumutawi sa mga taong makitid ang utak na intindihin ang sitwasyon nila.

Isa pa sa kapangyarihan ng pag-ibig ang TADHANA. Wala ng tatalo sa pagtagpo ng dalawang puso dulot nito. Napakasarap isipin na may mga taong nagiging masaya at maligaya sa kapangyarihang ito. Naghintay ka o naghanap ngunit may isang bagay na makakagawa nito sa isang iglap lang. Nakakatawa man ngunit ito ang katotohanan.

Kung minsan, hindi lang kasiyahan ang dulot ng pag-ibig. Pumapasok ang iba’t ibang suliranin at problema. Ang kasawian at kalungkutan bunga nito. Minsan, negatibong tinuturing ang pagkakaroon ng pag-ibig sa mga taong takot na magmahal at ang masama pa’y sa mga taong takot na masaktan. May iba ngang naniniwala na kailangan nating sumugal sa pagmamahal. Tipong manalo man o matalo, bumalik man o tuluyang mawala yung itinaya natin wala dapat tayong pagsisihan. Yun daw ang tinatawag na UNCONDITIONAL LOVE.

Tunay ngang makapangyarihan ang pag-ibig. May mga panahong magsasakripisyo tayo para makamit ang kaligayahan o kung sinusuwerte ka madali mong mararamdaman ang magmahal at mahalin. Ngunit kung ano man ang magiging sitwasyon mo at magiging bunga nito; masama man o hindi ito ay dulot ng iyong malayang kaisipan at higit sa lahat ng iyong PUSO.


Pag-ibig: Nag-aalab na Damdamin

Akda ni Jerome Pamintuan

Noong bata pa ako, itinuro sa akin ng aking mga magulangkung ano ang pag-ibig. Sabi nila, ito raw ang damdamin na nananalaytay sa pagitan ng bawat isa, sa pagitan ng ating mga magulang, mga kapatid at sa Diyos. Basta raw may pag-ibig laging magiging masaya at matiwasay ang pagsasama ng aming pamilya. Siguro nga, ito kasi ang pangunahing dahilan kung bakit simula noong tayo ay isinilang sa mundong ito, pag-ibig na ang naghahari sa ating mga puso.

Ngunit, habang humahaba ang paglalakbay natin sa buhay na itinakda para sa atin, aking napagtantao na ang lahat ng paninindigan natin tungkol sa pag-ibig ay nababago. Bunga na rin siguro ito ng mga karanasang nagpasaya, nagpalungkot o hindi kaya nakasakit sa ating mga damdamin. Sabi nga nila, karanasan daw ang nakapagpapabago sa pagtingin natin sa mga bagay-bagay. Oo, totoo iyon, dahil sa aking paglaki at pagtahak sa bawat karanasan, ang pag-ibig ay hindi na lamang basta sa pagitan ng isang pamilya kundi isa rin itong biyahe ng buhay na lahat tayo ay kinakailangang pagdaanan.

Isang bagay nga ang makapagbubuod kung ano ang pag-ibig para sa akin, at ito ay ang depinisyon ni Zoe Johnson sa pag-ibig. Ayon sa kanya, sa lahat ng damdamin tanging pag-ibig lamang ang nangingibabaw sa pamamagitan ng oras. Kaya nitong hamakin ang lahat ng bagay. Ito ang pinaka-makapangyarihang elemento ng buhay na nagbibigay ng sigla at kagalakan sa atin. Walang saysay ang buhay kung walang pag-ibig. Hindi sa lahat ng oras ay tao ang kinakailangang paglaanan nating nga ating pag-ibig, maari rin naman itong ilaan sa mga bagay na tunay na nakapagpapasaya sa atin. Sinabi rin ni Johnson na kahit na lahat ng kayamanan ay nasa iyo na, kung wala ka namang mahal sa buhay na makakasama upang matamasa ang sarap ng buhay na mayroon ka, ang lahat ng ito ay walang saysay. Ang pag-ibig ay isa raw paglalakbay sa buhay na isang masayang karanasan.

Isa pang paniniwalang aking pinanghahawakan ay nagmula sa liriko ng kanta ni KC Concepcion na nagsasabing ang pag-ibig ay hindi tulad sa isang pelikula. Totoo ito, karamihan kasi sa atin (lalo na ang mga kababaihan) ay inihahambing ang pag-ibig sa mga pelikula. Malayo ito sa katotohanan, dahil hindi sa lahat ng oras ay may magandang pagtatapos ang pag-iibigan. Marahil nga ay masarap tignan ang konsepto ng pag-ibig sa perspektibo ng pinilakang tabing, ngunit naniniwala ako na mas masarap itong maramdaman sa riyalidad. Maliban pa rito, naniniwala akong walang kahit isa sa atin ang nakakaalam kung ano ang storya ng pag-ibig na inilaan para sa atin, dahil ang Diyos lang ang sumusulat ng ating mga storya.

Sa kabilang dako, hindi lamang ang aking mga karanasan ang nagturo sa akin ng tunay na depinisyon ng pag-ibig. Nariyan rin ang institusyong aking pinanggalingan kung saan pinalawak at pinalinaw kung ano ang pag-ibig. Ayon sa aming pag-aaral sa wika noong ako ay nasa mataas na paaralan pa lamang, may iba’t ibang uri daw ng pag ibig:

Eros – pagmamahalan sa pagitan ng dalawang tao
Storge – pagmamahal sa pamilya
Philia – pagmamahal sa pagitan ng magkakaibigan
Agape – pagmamahal sa kapwa
Filia – nagmamahal sapagkat siya rin ay minamahal bilang kapalit.

Dahil sa mga kaalaman na ito na natutunan ko sa aking pamamalagi sa mundong kumanlong sa akin sa iilang taon kong pamumuhay natutunan ko na ang pag-ibig ay isang daan upang tayo lumago bilang isang indibidwal, ito rin ang makapagpapatibay kung ano tayo, sino tayo at ano ang ating kahihinatnatnan sa mundong ito dahil mayroong PAG-IBIG na naghahari sa ating mga puso.


SEE ALSO: Mga Talumpati Tungkol sa Pag-ibig

Anu-ano ang mga aral na natutunan mo sa mga sanaysay tungkol sa pag-ibig na iyong nabasa? Mayroon ka bang mga puna? Mag-iwan lang ng komento sa ibaba.

69 Shares
Share via
Copy link