Bawat tao ay may kanya-kanyang kwento ng pag-ibig. May masasaya at mayroon ding malulungkot. May mga di-malimot na pangyayari samantalang sa iba naman ay masalimuot. Gayunpaman, masasabi nating ang pag-ibig ay isa sa pinaka-masarap na pakiramdam na maaring maranasan ninuman.
Nakakakilig, nakakaaliw, nakakakaba, nakakabaliw. Ilan lamang iyan sa mga emosyong naidudulot ng pag-ibig sa atin.
Samantala, basahin ang mga kinalap at pinagsama-sama naming mga halimbawa ng maikling kwento tungkol sa pag-ibig sa ibaba.
Ang mga ito ay kathang-isip lamang ng mga sumulat ngunit siguradong may mapupulot kayong mga aral sa bawat kwento.
SEE ALSO: Mga Tula Tungkol sa Pag-ibig
4 Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi maiinggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man, 5 hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim ng sama ng loob sa kapwa. 6 Hindi ito natutuwa sa masama, sa halip ay nagagalak sa katotohanan. 7 Ang pag-ibig ay matiisin, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at nagtitiyaga hanggang wakas.
8 Matatapos ang kakayahang magsalita ng mensahe mula sa Diyos, titigil rin ang kakayahang magsalita sa iba’t ibang mga wika, at lilipas ang kaalaman, ngunit ang pag-ibig ay walang katapusan.
— 1 Corinto 13:4-8 Magandang Balita Biblia (MBB)
Mga Halimbawa ng Maikling Kwento Tungkol sa Pag-ibig
- Si Wigan at si Ma-I
- Ang Nawawalang Prinsesa
- Si Ederlyn
- Wala na Siya
- Tren
- Halaman ng Pagmamahal
- Ang Lugar sa Habang Panahon
- Nakalbo ang Datu
Si Wigan at si Ma-I
Dalawang libong taon na ang nakalilipas, may alitan ang bayan ng Banaue at Mayaoyao. Itinuturing noon na isang karangalan ang makapatay ng kalaban. Sa panahong ito nabuhay si Wigan, anak ng hari ng Banaue na si Ampual.
Minsan, si Wigan ay nangaso sa kagubatan. Nang magawi siya sa isang talon upang magpahinga, nakakita siya ng isang dalagang naliligo. Naakit siya sa kagandahan nito ngunit napansin niyang ito ay isang dayuhan at walang karapatang maligo sa lupain ng Banaue.
Papatayin na sana ni Wigan ang dalaga nang pigilin siya ng isang ahas. Nakilala niya na ang ahas ay si Lumawig, ang diyos ng kalangitan.
Sa halip na ipagpatuloy ang naunang balak, sinamahan ni Wigan ang dalaga pauwi.
Nalaman niyang ang pangalan nito ay Ma-i, anak ng hari ng Mayaoyao na si Liddum. Sa kanilang mahabang paglalakbay, nabuo ang kanilang pag-iibigan.
Pagdating sa lupain ng Mayaoyao, agad na dinakip si Wigan. Siya na ngayon ang dayuhan sa lupain ni Ma-i.
Nakiusap si Ma-i sa kanyang ama. Isinalaysay niya ang pangyayari.
“Maaaring pinaslang niya ako nang mahuli niya akong naliligo sa kanyang lupain ngunit siya ay nahabag. Sa halip, sinamahan pa niya ako pauwi nang ligtas sa anumang kapahamakan. Mahabag ka sa kanya. Ama, tulad ng pagkahabag niya sa akin,” nagmamakaawang sabi ng dalaga.
Nag-isip si Liddum. Ang kahilingan ng kanyang anak ay taliwas sa nais ng mga mamamayan ng Mayaoyao.
“Siya ay mamamatay kung hindi niya kayang ipagtanggol ang kanyang sarili,” pahayag ng hari. “Mga mamamayan ng Mayaoyao, piliin ninyo ang pinakamahusay nating mandirigma upang makatunggali ng binatang mula sa Banaue. Ang magwawagi sa labanan ang siyang magiging asawa ng aking anak.”
Sumang-ayon ang mga mamamayan ng Mayaoyao. Pinili nila ang pinakamagiting nilang mandirigma upang makalaban ni Wigan. Nagsimula na ang paghaharap ng dalawa.
Mula naman sa Banaue, dumating ang isang daang mandirigma na naghahanap sa anak ng kanilang hari. Nakita nila si Wigan na nakikipaglaban. Humanda silang maipaghiganti ito kung sakaling magagapi ito.
Sa kabutihang palad, nanalo si Wigan at naiwasan ang sana’y madugong pagtutuos ng mga maiidirigma ng Banaue at Mayaoyao.
Isang canao (handaan) ang sumunod. Si Ma-i ang namuno sa sayaw ng kasalan. Tuluy-tuloy ang pagtunog ng gansa. Umabot ang kasayahan sa loob ng siyam na araw.
Sina Wigan at Ma-i, kasama ang mga mandirigma ng Banaue, ay naglakbay pabalik sa Banaue. Habang naglalakbay, naisip ni Wigan ang kanyang ama. Matanda na ito at marahil ay naghihintay na rin itong magkaapo. Ngunit nag-asawa siya nang walang pahintulot ng ama. Sasang-ayon kaya ito sa kanyang ginawa?
Sa hagdan-hagdang palayan nagtagpo sina Wigan at Ampual. Hinanda na ng binata ang kanyang sarili.
“Sa simula ng paggawa ng ikawalong baitang ng palayan, iyon ang magiging taon ng aking pag-aasawa. Ama, narito na si Ma-i, anak ng hari ng Mayaoyao. Ang kanyang amang si Liddum at mga mamamayan nito ay naging mabait sa pagtanggap sa akin.”
Tiningnan ni Ampual si Ma-i. Hindi man nagsalita ay alam ni Wigan na naunawaan siya ng ang ama. Habang naglalakad ay nag-iisip si Ampual ng sasabihin niya sa mga nasasakupan. Masayang sumalubong naman ang lahat. Nagwika ang hari sa mga taga-Banaue.
“Ako ay matanda na. Hindi magtatagal at makakapiling ko na rin ang ating mga ninuno. Bago ito mangyari ay nais kong makita ang aking anak na mag-asawa at handa nang pumalit sa akin. Narito ang dalaga mula sa Mayaoyao. Mga dalaga ng Banaue, piliin ninyo kung sino sa inyo ang pinakamaganda na maaari nating itapat sa panauhing padala ni Lumawig. Mula sa dalawa, pipiliin namin ng aking anak kung sino ang higit na maganda.
Ang mapipili ay mapapangasawa ng aking anak at ang hindi ay mamamatay. Bilang gantimpala sa magwawagi, ang kanyang karanasan ay magiging alamat sa ating mga anak.”
Pumili ang mga mamamayan ng Banaue ng dalagang itatabi nila kay Ma-i. Nang sila ay makapili, lahat ay sumang-ayon na iyon na nga ang pinakamaganda sa mga taga-Banaue.
Nagtabi na ang dalawang dalaga. Tunay ngang di-pangkaraniwan ang mga kagandahang nasa harap ni Wigan ngayon.
Nagtanong si Ampual.
“Ano na nga ba ang pangalan ng dayuhan?”
“Ma-i,” tugon ni Wigan.
“Sumasang-ayon ka ba na si Ma-i ang higit na maganda?”
“Opo,” sagot ni Wigan na nagagalak sa desisyon ng ama.
Inihayag ng hari na nagwagi si Ma-i. Nagalak ang mga tao. Sa kasiyahang ito, nagwika si Ma-i.
“May isang kahilingan po ako, dakilang pinuno ng Banaue. Hayaan niyong ang dalagang aking nakatapat ay manatiling buhay nang walang kahihiyan. Ito’y upang ang kanyang karanasan ay magsilbing alamat ng ating mga anak.”
Pinagbigyan ni Ampual ang kahilingang ito ni Ma-i. Sinimulan na ang ikawalong baitang ng hagdan-hagdang palayan at naganap muli ang kasalan nina Ma-i at Wigan. Ito ang naging simula ng kapayapaan sa pagitan ng Banaue at Mayaoyao na umabot hanggang sa kasalukuyan.
Aral:
- Ang maayos na pakikipag-usap ay nagdudulot ng kapayapaan. Gulo naman ang hatid ng hindi pagkakaunawaan.
- Mas maiging piliin ang kapayapaan kaysa karahasan.
Ang Nawawalang Prinsesa
Nawawala ang prinsesa gabi-gabi ngunit walang makapagsabi kung saan siya pumupunta. Nagpabalita na ang hari na ang sinumang makapagtuturo kung saan tumitigil ang anak tuwing hating-gabi ay bibigyan ng kalahati ng kaharian at, kung binata, ay ipakakasal sa prinsesa. Ngunit, kapag nabigo ang nagprisintang magbabantay, pupugutan siya ng ulo.
Marami ang nagtangkang makipagsapalaran hindi lamang dahil sa kayamanang matatamo kundi dahil sa napakaganda raw ng prinsesa. Ang lahat ng mga ito ay nabigo. Wala pa ring makapagsabi kung bakit nawawala ang prinsesa sa hating-gabi.
Sa kalagitnaan ng gubat na malapit sa palasyo, may isang dampang tinitirhan ng isang matandang mangkukulam. Isang araw ay dinalaw ang matanda ng binatang napamahal sa kanya dahil madalas siyang tulungan nito.
Ngayon naman, ang binata ang humihingi sa kanya ng tulong. “Maganda pong talaga ang prinsesa kaya tulungan po ninyong magtagumpay ako sa kanya.”
Binigyan siya ng matanda ng isang balabal na kapag kanyang isinampay sa mga balikat niya ay hindi siya makikita ninuman. Binindisyunan siya ng matanda at pinagbilinang magpakaingat bago siya nagpaalam.
Nang gabi ring iyon, nasa labas na nga siya ng silid ng prinsesa at handang magbantay. Biglang nabuksan ang pinto at tumambad sa kanyang paningin ang napakagandang binibini.
May iniabot sa kanyang isang basong inumin na noong makatalikod ang prinsesa ay kanyang itinapon sa isang masitera ng halaman. Naluoy agad ang mga dahon ng halaman.
Nagkunwaring natutulog, ang binata sanhi ng tinunggang inumin. Nang maramdaman niyang lumabas sa silid ang prinsesa, isinoot niya ang mahikang balabal at sinundan niya ito. May dinaraanan palang tagong pintuan ito na palabas sa palasyo.
Sumakay sa isang naghihintay na karwahe ang prinsesa. ‘Di nito alam ay kasama ang binata dahil hindi niya nakikita ito.
Nagtuloy sa isang malayong gubat ang karwahe. Sa gitna ng mga kahuyan huminto ito at bumaba ang prinsesa. Nakipag-sayaw siya sa mga gitanong nagkakaipon doon at nagsasaya.
Sa likod ng isang puno, tinanggal ng binata ang kanyang balabal at naglagay ng maskara.
Nilapitan niya ang prinsesa at sila’y nagsayaw. Nagsayaw sila nang nagsayaw hanggang mapagod ang dalaga at halos mabutas ang mga suwelas ng sapatos.
Muling isinoot ng binata ang balabal nang paalis na ang karwahe at sila’y bumalik sa palasyo.
“Masasabi mo ba kung bakit nawawala ang prinsesa sa hating-gabi?” tanong ng hari nang humarap sa kanya ang binata kinaumagahan.
“Opo, Mahal na Hari! Nakikipagsayaw po siya sa mga gitano sa gubat gabi-gabi. Ito po ang katunayan. Itong halos warak nang sapatos na kinuha ko sa kanyang pinagtapunan matapos na makasayaw siya.”
Ipinatawag ng hari ang prinsesa at hindi naman ito makatanggi sa amang nagpakita ng katunayan.
Balak pa sana ng prinsesa na umayaw na maging asawa ang binata, ngunit nang ilagay nito ang maskara, nakilala niya ang kasayaw na kinagiliwan nang nagdaang gabi.
Tumugtog ang banda at masuyong niyaya ng binata na magsayaw sila ng prinsesa na masaya namang yumakap sa kanya.
Aral:
- Maging masunurin sa magulang at iwasang gumawa ng mga bagay na ikalulungkot o ikagagalit nila.
- Huwag aalis ng bahay ng hindi nagpapaalam o walang nakakaalam kung saan ka pupunta. Marami nang napahamak sa ganitong gawain.
- Kilalanin muna ang isang tao bago ito husgahan. Ang mabilis na paghatol sa iba ay maaring magdulot ng sakit sa kalooban nila.
Si Ederlyn
Isinulat ni Arriane Arlie Antonio
Si Alex ay isang mag-aaral sa kolehiyo na nagmahal ng isang babaeng nagngangalang Ederlyn De Vivarre. Hindi naman niya inasahan na magkakasama pala sila sa iisang klase, kaya sa hindi inaasahang pagkakataon, sila ay naging malapit sa isa’t isa.
Lalong nahulog ang loob ni Alex kay Ederlyn.
Patapos na ang ikalawang semestre noon. Kung kaya’t hindi mapiglan ni Alex na gumawa ng paraan upang ipagtapat na kay Ederlyn ang kanyang nararamdaman. Gumawa siya ng sulat at inipit ito sa aklat na nasa mesa ni Ederlyn habang break time ng mga estudyante.
Pag uwi sa bahay, hindi mapakali si Alex dahil nag-aalala siya sa kung anong mangyayari matapos basahin ni Ederlyn ang sulat. Kinabukasan, hindi siya pinapansin o kinakausap man lang ni Ederlyn. Ganito nang ganito ang pangyayari sa dalawang araw matapos niyang ibigay ang sulat. Sa sobrang lungkot na tila ba gumuho na ang mundo ni Alex, hindi na siya nakapagpigil na lapitan at kausapin si Ederlyn. Ngunit bago pa man siya makapagsalita, may iniabot si Ederlyn na maliit na papel sa kanya sabay alis na wala man lang siyang narinig na anumang salita mula dito. Nang buklatin niya ang papel, isa pala itong imbitasyon sa isang piging na gaganapin sa bahay nila Ederlyn.
Kinabukasan ay pumunta siya sa piging. May kalayuan at liblib pala ang lugar nitong si Ederlyn. Pagkarating niya doon, agad na may sumalubong sa kanya na isang karwahe. Lulan ng sasakyang ito si Ederlyn. Iniaabot ni Ederlyn ang kanyang kamay kay Alex upang pasakayin sa karwahe.
Pagkarating nila sa isang malaking hardin, napansin ni Alex na tila siya lamang ang naiiba sa kanilang lahat dahil ang lahat ng taong nandoon ay pawang mga dugong bughaw. Ang kulay ng kanilang mga buhok ay ginto. Lahat sila ay mapuputi at anyong mayayaman.
Hindi naman niya naramdamang siya ay naiiba sakanila pagkat ang mga tao doon ay mababait at may pakisama sa kaniya. Kahit pasulyap-sulyap lamang siya kay Ederlyn, ang gabing iyon ay maituturing niyang pinakamasaya sapagkat nakasama niya at nakilala ang pamilya ni Ederlyn.
Ngunit, biglang nawala ang lahat at tila ba naglaho na parang bula ang mga tao sa paligid maging si Ederlyn. Nagising siya sa isang kwarto na tila ba pamilyar sa kanyang paningin. Nakita niya ang kanyang ina na tuwang-tuwa at nagpapasalamat dahil nagising na ang kanyang anak.
Matapos magising sa katotohanan, ikinuwento ng kanyang ina ang lahat ng nangyari sa kanya sa loob ng isang linggo.
Sinabi ng kanyang ina na isang linggo na raw siyang wala sa sarili. Wala siyang kilala kahit isa sa kanyang mga kamag-anak at lagi raw siyang nakatulala. Nagsimula raw ito matapos siyang matagpuan ng isang lalaki na nakahandusay sa gitna ng kalsada sa isang di-kilalang lugar.
Nagising na lamang daw siya nang may isang batang hindi taga-roon ang nag-abot ng isang maliit na papel sa kanyang ina. Binigay ng ina ang sulat kay Alex. Binuksan niya ito at nakasulat ang mga salitang…
Kami man ay marunong ding magmahal.
— Ederlyn
Aral:
- Kilalaning mabuti ang taong iibigin. Kadalasa’y mas mabuti kung maging magkaibigan muna kayo bago pumasok sa isang relasyon. Sa ganitong paraan, unti-unti mong makikilala ang taong nais mong pag-alayan ng iyong pag-ibig.
- Ugaliing manalangin sa lahat ng panahon at pagkakataon. Hiling
- in sa Diyos na patnubayan ka sa lahat mong ginagawa upang hindi ka mabiktima ng mga di-maipaliwanag na elemento sa mundong ito.
Wala na Siya
Mula sa website na limarx214.blogspot.com
“Wala na po siya!” Tugon ng nurse na nasa information counter ng Santisima De Dios Hospital nang tanungin ni Ralph kung nasaan ang pasyenteng si Donna na nakaconfine sa Room 214.
Si Donna ay girlfriend ni Ralph for 8 years at napagkasunduan na nga nilang dalawa na magpakasal na sa susunod na taon. Ang magnobya ay punong-puno ng matatayog na pangarap. Kahit dalawang taon na silang nagsasama, maigi nilang pinagplanuhan ang pagpapamilya, sa katunayan ay nagtiis at nagpigil sila na mabuntis si Donna sa takot na mapurnada ang magagandang plano at pangarap nilang ito.
Ngunit ngayon ngang wala na si Donna, paano na ang kanyang mga bukas na darating? Sino na ang kasama niyang bumuo ng pangarap na sa tagal makumpleto ay tila jigsaw puzzle na may mga maliliit na piraso? Paano ba siya gigising sa umaga kung wala na ang kaisa-isang dahilan ng kanyang pagbangon? Sino na ang kasama niya tuwing gabi na bumilang ng mga bituin sa langit? Paano ba siya bubuo ng tahanan kung ang haliging susuhay rito’y ipinagdamot ng tadhana?
Sapo-sapo ni Ralph ang kanyang noo tila ba mahuhulog ito kasabay ng mga luha niyang bigla na lamang pumatak nang marinig niyang wala na nga si Donna. Napasandal siya sa pader at walang lakas na napaupo at napahagulgol sa labis na galit at kalungkutan. Kung bakit naman kasi sa dinadami ng mga araw ay ngayon pang araw nawalan ng power ang battery ng kanyang cellphone. Marahil ay tumatawag sa kanya ang mga kapatid ni Donna nang mga sandaling nag-aagaw buhay ito, nakausap man lang niya sana ito kahit sa huling sandali. Marahil ay galit sa kanya ang ina ni Donna dahil sa pag-aakalang pinabayaan niyang bawian ito ng hininga habang pangalan niya ang hinahanap at tinatawag.
“Bakit kinakailangang ilabas agad nila ng ospital si Donna ng hindi ipinaalam sa akin?”
Magulo ang isip ni Ralph. Naghahalong emosyon ang namamayani sa kanyang puso.
Kung gaano siya kasaya kaninang umaga, napalitan ito ng kawalan ng pag-asa.
Sana hindi na siya pumasok sa opisina. Kaya pala nagdadalawang-isip siya ng umagang iyon, kaya pala tila may bumubulong sa kanyang isip na siya’y magdiretso na sa ospital. Kung alam niya lang na sa wala mauuwi ang kanilang pagsasama at pagluha ang katumbas ng lahat ng kanyang pagsisikap, hindi na sana niya pinanghinayangan ang anumang kanyang kikitain at lahat ng ito’y ginastos at ginamit niya upang mapaligaya ang kinakasama. Para saan pa ang kanyang mga naipon? Sino na ang paglalaanan niya nito?
Alam ni Ralph maghahari na ang kalungkutan sa kanilang bahay na kailan lang ay halakhak nilang dalawa ang namamayani. Magiging kalbaryo ang kanyang bawat araw. Magiging madilim ang kanyang gabi at pati na ang umagang darating. Matagal bago muling mabuo ang pangarap na gumuho. Matagal bago muling makabangon mula sa pagkakadapa. Hindi niya batid kung kailan sisilay muli ang napingasan niyang ngiti. Hindi niya alam kung kailan muling makakakita ng liwanag ang kanyang matang nahilam ng luha.
Kagabi lang galing siya sa ospital. Masaya pa silang nag-uusap ni Donna at halos hindi naging paksa ang kanyang karamdaman dahil tuluyan nang bumaba ang platelets ng nobya, sensyales na pawala na ang dengueng apat na araw nang nagpapahirap sa kinakasama. Pinag-usapan nila ang detalye ng kanilang kasal sa susunod na taon at planong pagbubuntis ng taon ding iyon, ang napipintong promotion ni Donna sa trabaho bilang manager ng Logistics Department sa kompanyang pinapasukan nito at ang balaking pagdu-Dubai ni Ralph sakaling may dumating na magandang oportunidad.
Kaya hindi sukat akalain ni Ralph na sa kisapmata’y wala na si Donna! Wala na ang kanyang buhay, wala na ang kanyang bukas. Marami nang dengue case kasi ang humantong sa ‘di inaasahan at tumuntong sa biglaang kamatayan kahit sabihin pang bumuti na umano ang lagay ng biktima. Pag-aakalang umokay na ang pasyente ngunit sa kabila ng nakaantabay na mga nurse at doktor, availability ng mga medical equipment ng ospital ay hindi pa rin naisalba ang buhay ng dengue victim.
“Sir, sir…” tinatapik-tapik ng nurse si Ralph na nakatungo ang ulo, nakasalampak sa sahig at nakasandal sa pader. Mugto ang nga mata, sumisinok-sinok na halatang galing sa isang pag-iyak. Narinig niya ang nurse ngunit wala siyang pakialam sa sasabihin nito, bahagyang iniangat niya ang kanyang ulo.
“Sir, ang ibig ko pong sabihin ng ‘wala na siya’ ay nadischarge na po siya, si Ma’am Donna. Gusto na raw po niyang umuwi dahil gusto niya raw pong i-celebrate ang anniversary ninyo. Heto nga po ‘yung waiver na pinirmahan niya kanina.” Mahabang paliwanag ng nurse.
Tulala si Ralph dahil sa narinig niya mula sa nurse.
Hindi niya alam kung ano ang kanyang magiging reaksyon.
Anniversary nila kahapon.
Aral:
- Kung ikaw ang nurse at sa iyo ay may magtanong, mangyaring ipaliwanag ng mabuti ang mga sagot sa taong nagtatanong upang hindi mabigyan ng ibang kahulugan ang sagot na iyong ibinigay. Hindi na sana naging malungkot ang emosyon ni Ralph kung antimano ay naintindihan niyang nakauwi na pala si Donna at hindi ang inaakala niyang patay na ito.
- Mabuti sa tao ang may pangarap. Mas maganda kung may kasama ka na makakatuwang upang maabot iyon. Ngunit kung sakali mang ikaw na lang mag-isa ang aabot sa pangarap na iyon, huwag mo itong susukuan at huwag na huwag kang magpapakain sa matinding lungkot. Maaring may mga bagay na hindi mo maabot sa paraang nais mo ngunit kung magtitiwala ka sa Diyos ay siguradong may mas maganda siyang nakalaan para sa iyo.
Tren
Isinulat ni eyeshield7788 mula sa Symbianize.com
I’m forgiven, because you were forsaken
I’m accepted, you were condemned
Matagal na akong nagtatrabaho sa isang kumpanya ng isang tren. Bilang inhenyero, buong buhay ko ay ginugol ko sa kumpanyang ito. Sa edad na animnapu’t tatlo ay nasaksihan ko na ang madaming mukha na paroo’t parito sa istasyon ng tren, pati ang samu’t saring kwento ng buhay ay aking natunghayan. Mula sa simpleng pagmamasid sa mga pasahero hanggang sa pakikipag-usap sa kanila, nalalaman ko ang mga pinagdadaanan nila.
Ang tren na to ay nagdadala ng ibat-ibang uri ng tao. May mga lulong sa bisyo, manloloko, mga gumagamit ng bawal na gamot, mga kabataang rebelde, mamatay tao, magnanakaw, at marami pang iba. Sila ang mga taong kadalasan ay may gustong takasan, gustong takasan ang buhay, lugar, alaala, at mga taong kanilang sinira.
Ang huling proyektong nahawakan ko ay isang tulay na daraanan ng tren. Ang tulay na ito ay nagdurugtong sa dalawang bahagi ng lupa na pinaghihiwalay ng malawak na ilog na dinaanan din ng barko. Kaya hindi permanente ang tulay na ito, itoy dinudugtong lamang kapag paparating na ang tren. Dito ko nakilala si Dave, siya ang nagsilbing Bridgemaster o tagadugtong ng tulay. Natapos ang proyekto nung ako’y apatnapung taon pa lamang at pagkatapos nun ay dito na ko namalagi para mangalaga at mangasiwa ng tulay. Si Dave ang lagi kong kasama at naging magkaibigan kami.
Si Dave ay may siyam na taong gulang na lalaking anak na lagi nyang dinadala doon. Masayahin ang bata, at tuwang-tuwa ito sa tren. Malapit si Dave sa anak niya at makikitang mahal na mahal nya talaga ito. Sabi nga ni Dave makita nya lang ang ngiti ng anak nya nawawala lahat ng pagod at problema niya.
Mahilig maglaro ang anak ni Dave sa may riles at sa tuwing paparating ang tren ay kakaripas ito ng takbo sa may operating dock upang pagmasdan ito. Tuwang-tuwa siya at pinagmamasdan nya ito hanggang sa pinakadulo. At masaya naman akong pinagmamasdan sya sa bintana ng aking opisina.
Ngunit isang araw noon, paparating na ang tren at nakapwesto na si Dave sa Bridge Operating Room para idugtong ang tulay. Ngunit sa bintana ng silid niya habang inaabangan ang tren ay narinig nya ang iyak ng anak nya. Sinilip nya ito at ito pala ay nahulog sa isang hydraulic box na bahagi ng mekanismo ng tulay. Kapag dinugtong ni Dave ang tulay ay maiipit ang bata at mamamatay. At kung di naman nya dinugtong ay mamamatay ang libo-libong taong sakay ng tren.
Halos natulala si Dave ng masaksihan ko ay tumakbo ako paalis sa opisina ko, ngunit napakalayo nito. Nakita ko hawak ni Dave ang knob habang tumutulo ang luha sa mga mata nya.
Paparating na ang tren, nasa baba na ko ng gusali ng aking opisina at nakita ko lamang na nakababa na ang tulay at nakadaan ng ligtas ang tren. Nakita ko si Dave na tumakbo pababa ng tower nya papunta sa anak nya. Lumuhod sya at walang tigil na tumangis.
Pinagmasdan ko ang dumadaan na tren. Mula sa bintana nito ay nakikita ko ang mga tao. May natutulog, nag-uusap, nagkukuwentuhan, nagtatawanan, nagkakainan at nag-iinuman.
I’m alive and well
Your spirit lives within me
Because You died ang rose againAmazing love, how could it be
That you my King would die for me…Amazing love…
Note: Ang orihinal na kwento ay hango sa isang YouTube video na may pamagat na “A Father’s Love and Sacrifice“.
Verses are from the lyrics of the song “You Are My King (Amazing Love)” by Newsboys
Aral:
- Ang pag-ibig na ipinakita dito ay ang klase ng pag-ibig ng Diyos atin. Iniaalay niya ang kanyang kaisa-isang anak upang tayo ay maligtas sa isang tiyak na kapahamakan. Maaring hindi tayo karapat-dapat sa ganitong klase ng pag-ibig, ngunit ang tiyak ay minamahal Niya tayo kaya kahit ang bugtong Niyang anak ay handa niyang isakripisyo.
Halaman ng Pagmamahal
Isinulat ni L. Salvador
Ang tagpuan ng magkasintahang Malvar at Rosa ay isang malaking puno ng duhat. Sa lilim nito sila’y nagkukwentuhan. Sa tabi ng puno may isang balon na yari sa mga batong adobe. Ang labi ng balon ay halos pantay sa lupa. Bawal sa mga bata ang tumayo o maglaro sa tabi nito.
Isang araw, sa buwan ng Abril, nakita ni Malvar ang maraming bunga ng duhat. Kumikintab ang maitim na balat ng mga hinog. Kay lalaki pa! Umakyat si Malvar upang pagdating ni Rosa ay may ipapasalubong siya. Maraming mga hinog na duhat sa dulo ng maliliit na mga sanga. Sa pagnanasa ni Malvar na mapitas iyon, napayapak siya sa isang sangang marupok. Nahulog siyang tuloy-tuloy sa balon. Nawalan siya ng malay tao. Kaya, kahit na mababaw lamang ang tubig sa balon, si Malvar ay nalunod.
Di nagtagal dumating si Rosa. Dati-rati ay dinaratnan niya si Malvar na laging nauuna sa kanya. Bakit ngayon ay wala pa siya? Nakita niya ang maraming duhat na nakakalat sa lupa. Mukhang bagong pitas. Tumingala siya. Wala namang nakaakyat.
“Pupulutin ko nga,” ang sabi ni Rosa sa sarili. “Makatas ito at matatamis.”
Kumuha muna siya ng dahon ng saging. Kapag puno na ang kanyang mga kamay, inilalagay niya ang mga duhat sa dahon ng saging. May mga duhat na nahulog sa tabi ng balon. Lumapit doon si Rosa. Nang yumuko siya upang damputin ang mga bunga napansin niya ang tao sa ilalim ng balon.
“Panginoon ko!” ang sigaw niya, “Si Malvar! Si Malvar!” Hinimatay siya. Sa kasamaang palad, sa bunganga ng balon pa bumagsak ang katawan ni Rosa.
Nang hindi umuwi ang dalawa, naghanap ang kanilang kamag-anak at mga kapitbahay. Kinabukasan natuklasan ang mga bangkay. Doon na rin sa balon sila inilibing. Pinuno ng lupa ang balon.
Pagkaraan ng may isang taon may tumubong halaman sa ibabaw ng balon. Walang bulaklak ngunit napakabango ng mga dahon.
“Nabuhay na muli sina Malvar at Rosa,” ang sabi ng mga taong nakakaalam sa mga nangyari, “Sila’y naging isang halaman.”
Ang halaman ay tinatawag nilang Malvarosa. Ang mabangong dahon nito ay isinasama sa rosas na isinasabit sa kasuotan ng mga dalaga.
Aral:
- Laging mag-iingat. Kung sa simula’t mula pa’y may malaking palatandaan na “Bawal Tumambay” na nakalagay malapit sa lugar kung saan namatay sina Malvar at Rosa, hindi na sana nagkakaroon ng malagim na pangyayari.
- Mas mainam sana kung sa mas ligtas na tagpuan na lamang nagkita sina Malvar at Rosa. Sa ganitong paraan ay maaring naiwasan sana ang maaga nilang pagkamatay.
- Laging magpaalam sa mga magulang o “guardian” kung saan kayo pupunta at kung sino ang inyong kasama upang mas madali kayong mahanap kung sakaling bigla ang inyong pagkawala.
Ang Lugar sa Habang Panahon
Isinulat ni Ms. Necang mula sa Facebook
Isang dapit hapon sa araw ng Biyernes, may isang lalake ang nakatayo sa tapat ng simbahan at tila malalim ang iniisip. Di anu-ano’y may isang babae ang bumunggo sa kanya, sa lakas ng pagkakabunggo ay napaupo silang dalawa sa sahig. Agad namang tumayo ang lalake at itinayo niya ang babae. Nang makatayo ang babae ay agad naman itong humingi ng tawad sa lalake. Ngunit walang reaksyon ang lalake kaya nagpakilala ang babae.
“Ako nga pala si Audrey. Ah… Alam mo kasi nagmamadali ako ngayon e. Pero may masakit ba sayo o kung ano man?”
“Ah… Wala naman,” sagot ng lalake ngunit wala pa ring reaksyon ang kanyang mukha.
“Sigurado ka? Pasensya na ha!? Di ko talaga sinasadya,” wika ni Audrey na halatang nag-aalala. Tumango lang ang lalake pero wala pa ring reaksyon ang mukha. Paalis na si Audrey ng maalala niya na di pa pala niya naitanong ang pangalan ng lalakae.
“Ah! Ano nga palang pangalan mo?” napakunot ang noo ng lalake.
“Ako nga pala si Terrence,” wika nito pero halata mo na nagtataka ito. Ngumiti si Audrey at tuluyan ng nagpaalam kay Terrence.
Araw ng lunes nagmamadali si Audrey pumasok sa eskwelahan. Nang makapasok na siya ay agad siyang pumunta sa silid aklatan. Nang makarating siya doon may nakita siyang pamilyar na tao. Nilapitan niya ito at tinitigan ng mabuti at naalala niya na si Terrence yon. Gusto niya sanang kausapin ngunit nabatid niya na marami itong ginagawa kaya di na lang niya ito inabala. Umupo si Audrey sa kalapit ng nagbabantay ng silid aklatan.
Maya-maya, napansin ni Audrey si Terrence na tila di ito magkandaugaga kung paano niya dadalhin ang napakaraming libro kaya na isip niya na tulungan ito. Nilapitan ni Audrey si Terrence,
“Tulungan na kita” wika nito ng nakangiti.
“Hindi na kaya ko naman ito, salamat na lang.” Pagtanggi ni Terrence sa alok ni Audrey.
Ngunit nagpumilit pa rin si Audrey kaya wala ng nagawa si Terrence, hinayaan na lang niya si Audrey. Simula noon lagi na sila magkasama sa loob ng eskwelahan, hanggang sa mahulog ang dalawa sa isa’t isa.
Sa di inaasahang pagkakataon nadulas si Audrey at na amin niya ang nararamdaman para kay Terrence, ngunit parang walang narinig si Terrence at agad na iniba ang kanilang pinag-uusapan.
Nagulat si Audrey sa ginawang iyon ni Terrence pero inisip na lang nya na mas maganda na iyon kesa sa iwasan siya nito. Kinabukasan, nagtataka si Audrey kung bakit miski anino ni Terrence ay wala, inisip niya nalang na baka may inasikaso na napaka-importante.
Isang linggo na ang nakalipas ngunit di pa rin pumapasok si Terrence.
Halos lahat ng mga guro nito ay hinahanap na siya gayon din ang mga taong nakakakilala dito. Mas lalong nag-alala si Audrey dahil halos tatlong linggo nang di pumapasok si Terrence kaya minabuti na nitong magtanong-tanong pero iisa lang ang sagot sa kanya, “Hindi ko alam”.
Hanggang isang estudyante ang lumapit sa kanya at sinabi kung saan nakatira si Terrence. Agad namang nagpasalamat si Audrey at pinuntahan ang lugar. Laking pagtataka ni Audrey ng walang sumasagot sa loob ng bahay nina Terrence. Mabuti na lang lumabas ang kapitbahay nina Terrence, “Ay wala pong tao dyan” pagbibigay alam nito kay Audrey.
“Ah… Ganon po ba!? Lung ganon po asaan po kaya ang mga tao dito?” Pagtatakang tanong ni Audrey.
“Eh, sino bang hanap mo?” Pagtatanong ng kapitbahay.
“Si Terrence po,” sagot ni Audrey.
“Ah! Terrence ba kamo!? Nasa ospital siya ngayon balita ko nga malala na ang lagay. Kawawa nga ang batang iyon ang bait pa naman,” pagsisiwalat ng kapitbahay.
Agad na umalis ai Audrey at pumunta sa ospital kung saan naroon si Terrence. Nang makarating si Audrey kung nasaan ang kwarto ni Terrence, tila nag-iiyakan ang mga tao doon. Nang buksan na ni Audrey ang pinto ay nagtaka siya ng walang pasyente ang nakahiga roon, puro mga tao lang na nag-iiyakan ang naroon.
Isang may edad na babae ang nagtanong sa kanya, “Ikaw ba si Audrey na kaibigan ng aking anak?”
“Opo, ako nga po si Audrey.” Pagsang-ayon ni Audrey sa babae.
Agad siyang niyakap ng babae at nagwika, “Ako ang kanyang ina, kasalukuyan siyang nawawala at sa ngayon ay di namin mahanap. Tulungan mo kami, alalang- alala na kami sa kanya. Di na namin alam ang gagawin, may sakit pa naman siya.” Humahagulgol na sagot ng babae.
“Ano po bang sakit ni Terrence?” Pagtatanong ni Audrey na ngayon ay humahagulgol na din.
Umalis sa pagkakayakap ang babae, “Si Terrence ay may sakit sa puso. May butas ang puso niya, di namin namalayang lumalaki na ng lumalaki ang butas sa puso niya. Kailan lang namin nalaman at dapat bukas na siya ooperahan ngunit nawawala siya.” Mas lalong lumakas ang paghagulgol ng babae.
Natulala na lang si Audrey sa mga narinig niya. Sa ngayon ay tulala pa rin siya at di niya namalayang dinala siya ng mga paa niya sa tapat ng simbahan kung saan sila nagkita ni Terrence. Pumasok siya sa loob ng simbahan at laking gulat nito ng makita niyang nakaupo si Terrence malapit sa may altar.
Nilapitan niya ito at tinanong, “Ano ba sa tingin mo ang ginagawa mo!? Mahahalata mo sa boses ni Audrey ang labis na pag-aalala.
“Bakit ka umalis sa ospital? Terrence may sakit ka at kailangan mo ng ma-operahan” dagdag pa nito.
Ngunit laking pagtataka ni Audrey ng ngumiti lang sa kanya si Terrence at niyaya pa siya nitong umupo sa tabi niya.
“Alam mo Audrey sa simbahang ito una akong nanirahan. Iniwan ako dito ng tunay kong mga magulang, buti na lang dumating ang ina’t ama ko ngayon at kinupkop nila ako pero ni minsan di ko naramdaman na di nila ako tunay na anak,” wika ni Terrence habang nakatingin sa altar ng nakangiti.
“At isa pang dahilan kung bakit mas lalong naging mahalaga sa akin ang lugar na ito. Ay yung dito ko nakilala ang babaeng mamahalin ko at ikaw yon Audrey. Patawad kasi noong sinabi mo yung nararamdaman mo sakin nagbingibingihan ako, natatakot lang ako noon na baka masaktan ka lang. Ang gusto ko lang ay maging masaya ka pero nakikita kong nasasaktan kita,” dagdag ni Terrence.
Mas lalong tumulo ang luha ni Audrey. “Terrence ano ka ba!? Halika na bumalik na tayo sa ospita baka kase makasama pa sayo kung di pa tayo babalik doon,” akmang tatayo na si Audrey ng hawakan ni Terrence ang kamay niya.
“Ayaw ko ng bumalik doon, nakikiusap ako sayo Audrey,” pagmamakaawa ni Terrence.
Wala nang nagawa si Audrey kaya tumango na lang siya. Hinigpitan ni Terrence ang pagkakahawak niya sa kamay ni Audrey.
“Audrey ipangako mo na aalagaan mo ang sarili mo at tutuparin mo lahat ng pangarap mo. At syempre, huwag mong kakalimutang dalawin ako kapag natupad mo na lahat yan,” wika ni Terrence ng nakangiti.
“Ano bang…”
Di na natapos ang sasabihin ni Audrey ng biglang magsalita si Terrence.
“Dito ako nagsimula kaya gusto ko dito rin ako magtapos kasi lahat ng nandito ay mahalaga para sa akin. Kaya sa tuwing maaalala mo ako, dito ka lang pumunta o kaya kapag nalulungkot ka, nandito lang ako pangako. Huwag mong kakalimutan yan ha!? Ipangako mo,” wika ni Terrence at unti-unti niyang ipinatong ang ulo niya sa balikat ni Audrey.
Tumango naman si Audrey na umiiyak pa din. Naramdaman na lang ni Audrey na unti-unting lumuluwag ang pagkakahawak nito.
Lumipas ang maraming taon nakatapos ng pag-aaral si Audrey at ngayon ay nagtatrabaho na sa malaking kumpanya. Kasalukuyan siyang nasa tapat ng simbahan kung saan una silang nagkakilala. Pumasok siya sa loob ng simbahan at bigla na lang ngimiti ang mga labi niya at muli siyang naupo sa malapit sa altar kung saan sila nakaupo ni Terrence dati.
Nagdasal muna si Audrey ng taimtim sa Panginoon.
“Terrence ito na, natupad ko na yung pangako ko sayo. Ilang taon na din na hindi kita kasama sobrang na mi-miss na kita. Alam mo….” Nangingiyak nyang sabi ng putulin siya ng isang tawag mula sa kanyang likuran.
“Audrey”.
Laking gulat niya ng makita ang lalaki at agad niya itong niyakap.
“Terrence nagbalik ka, ang tagal mong nawala” nagagalak na wika ni Audrey.
“Sabi naman sayo nandito lang ako.” Wika ni Terrence habang yakap-yakap ng mahigpit si Audrey.
Bumitaw sa pagkakayakap si Terrence at sinabing,
“Salamat nga pala kase kung hindi dahil sayo wala sana ako dito, hindi sana ako na idala sa ibang bansa, na operahan, gumaling at sana hindi ko na makikita ang magada mong ngiti. Dahil pinaalam mo kung nasaan ako noong araw na yon.”
Ngumiti si Audrey kay Terrence. Nagulat siya ng biglang lumuhod si Terrence,
“Will you marry me?” Tanong ni Terrence.
“Oo,” sagot ni Audrey na naiiyak na naman at niyakap si Terrence.
Sa mismong simbahan na iyon ikinasal sina Terrence at Audrey.
Aral:
- May tamang panahon ang lahat ng bagay, at may tamang panahon din para sa pag-ibig. Matiyagang maghintay para dito. Sa ngayon, mag-aral kang mabuti at trabahuhin mo ang iyong pangarap upang kapag dumating ang tamang tao na pag-aalayan mo ng iyong pag-ibig ay nakahanda na ang lahat.
Nakalbo ang Datu
Ang kuwentong ito ay tungkol sa ating kababayang Muslim. May katutubong kultura ang mga Pilipinong Muslim tungkol sa pag-aasawa. Sa kanilang kalinangan, ang isang lalaki ay maaaring mag-asawa nang dalawa o higit pa kung makakaya nilang masustentuhan ang pakakasalang babae at ang magiging pamilya nila.
May isang datu na tumandang binata dahil sa paglilingkod sa kanyang mga nasasakupan. Lagi siyang abala sa pamamahala ng kanilang pook. Nalimutan ng datu ang mag-asawa. Siya ay pinayuhan ng matatandang tagapayo na kinakailangan niyang mag-asawa upang magkaroon siya ng anak na magiging tagapagmana niya.
Napilitang mamili ang datu ng kakasamahin niya habang buhay. Naging pihikan ang datu dahil sa dami ng magagandang dilag sa pinamumunuang pamayanan. Sa tulong ng matiyagang pagpapayo ng matatandang bumubuo ng konseho, natuto ring umibig ang datu. Ngunit hindi lamang iisang dilag ang napili ng datu kundi dalawang dalagang maganda na ay mababait pa. Dahil sa wala siyang itulak-kabigin kung sino sa dalawa ang higit niyang mahal kaya pinakasalan niya ang dalawang dalaga.
Ang isa sa dalagang pinakasalan ng datu ay si Hasmin. Siya ay batang-bata at napakalambing. Kahit na matanda na ang datu, mahal ni Hasmin ang asawa. Mahal na mahal din siya ng datu kaya ipinagkaloob sa kanya ang bawat hilingin niya. Dahil sa pagmamahal sa matandang datu, umisip si Hasmin ng paraan upang magmukhang bata ang asawa.
“Ah! Bubunutin ko ang mapuputing buhok ng datu. Sa ganito, magmumukhang kasinggulang ko lamang siya.”
Ganoon nga ang ginawa ni Hasmin. Sa tuwing mamamahinga ang datu, binubunutan ni Hasmin ng puting buhok ang asawa. Dahil dito, madaling nakakatulog ang datu at napakahimbing pa.
Mahal din ng datu si Farida, ang isa pa niyang asawa. Maganda, mabait si Farida ngunit kasintanda ng datu. Tuwang-tuwa si Farida kapag nakikita ang mga puting buhok ng datu. Kahit maganda siya, ayaw niyang magmukhang matanda.
Tuwing tanghali, sinusuklayan ni Farida ang datu. Kapag tulog na ang datu, palihim niyang binubunot ang itim na buhok ng asawa.
Dahil sa ipinakikitang pagmamahal ng dalawa sa asawa, siyang-siya sa buhay ang datu. Maligayang-maligaya ang datu at pinagsisihan niya kung bakit di kaagad siya nag-asawa. Ngunit gayon na lamang ang kanyang pagkabigla nang minsang manalamin siya, Hindi niya nakilala ang kanyang sarili.
“Kalbo! Kalbo, ako!” sigaw ng datu.
Nakalbo ang datu dahil sa pagmamahal ni Hasmin at ni Farida.
Aral:
- Kung talagang mahal mo ang isang tao, matutong tanggapin ang lahat sa kanya.
- Huwag lang pisikal ang iyong gawing batayan sa pagmamahal. Higit na mahalaga ang mabuting ugali kaysa panlabas na kagandahan.
Umaasa kami na nagustuhan ninyo ang mga halimbawa ng maikling kwento tungkol sa pag-ibig na nakapaloob sa pahinang ito.
Kung mapapansin ninyo, may mga kwento na walang nakalagay kung sino ang may akda. Sinikap naming hanapin ngunit hindi namin matukoy kung sino ang orihinal na sumulat ng mga kwento kaya hindi namin ito nalagyan. Kung alam ninyo kung sino ang orihinal na may akda ng mga kwento na nabanggit sa itaas, please contact us para ma-update namin at ma-credit ng tama ang mga kwento.
Gayunpaman, maraming salamat sa pagbabasa at huwag kalimutang ibahagi sa iba! 🙂