Bakit Dala-Dala ni Pagong ang Kanyang Bahay?

Noong mga unang araw ay sinusugong paminsan-minsan ng bathalang maykapal si Barangaw magmula sa alapaap upang tingnan kung maligaya ang ating mga ninuno. Kung minsan si Barangaw ay nag-aanyong bahaghari upang pahintuin ang unos na maaaring makasira sa mga pananim. Kung minsan ay nag-aanyong isang sultan, naglalagay ng putong, nagdadamit ng kundiman at palakad-lakad sa loob at labas ng balangay. Isang baston o tungkod na nilalik na kamagong ang kanyang dala-dala tanda ng kapangyarihan. Ito ang pinaparusa niya sa mga malulupit at mga masasama, at ito rin ang ginagamit niya sa paggawad ng gantimpala sa mabubuti.

Isang araw noong panahon ni Lakan Lumatay ay inutusan nga ni Bathala si Barangaw na mamasyal sa Malanday upang malaman ang mga daing ng mga aliping namamahay at aliping sagigilid. Samantalang naglalakad si Barangaw, nakaalinig siya ng abot-abot na lagapak ng hagupit na kasabay ang malungkot na daing.

“Bakit kaya?” ang tanong ni Barangaw sa kanyang sarili. Walang kakila-kilatis siyang nasok sa silid na pinanggagalingan ng daing ng taong hinahagupit ng lanubo ng bayabas. Kitang-kita niyang namimilipit sa sakit ang taong hinahagupit na sa kahit saan tamaan.

“Kaawa-awang alipin!” ang malungkot niyang nasabi.

Walang nakakita kay Barangaw sapagkat ang tagaputong niya ay maysa tagabulag, ngunit kitang-kita niya ang lahat.

Naroon si Lakan Lumatay at nakapamewang, pinag-abot-sikong nakabalita ang alipin at pinapalo ng walang patumangga ni Magbitag na siyang tagapagparusa ni Lakan.

“Saan mo itinago ang iyong anak na dalaga?” Ang tanong ni Magbitag.

BASAHIN DIN: Si Kuneho at si Pagong

Sandaling tinigilan ng palo ang alipin. Ito’y hubad ang baro at ang katawan ay halos putok-putok na sa kapapalo.

“Hala, magsabi ka ng totoo. Pag hindi’y mauutas ka. Dapat mong ipagpasalamat na Lakan pa at puno natin ay may ibig sa anak mo. Ano, magsasabi ka o hindi?”

Hindi umimik si Barangaw. Nakinig siya upang malaman ang puno’t dulo ng paghahagupit na yaon. Hinintay na sumagot ang alipin, ngunit ito’y walang imik.

“Matigas ang ulo! Hala lantakan mo uli!” ang makapangyarihang utos ni Lakan Lumatay.

“Pagkamatay ay itapon na ninyo sa ilog at ng lamunin ng buwaya.”

Pagkaunat-unat ng Magbitag ang kanyang bisig upang hagupitin na naman ang aliping halos wala ng malay-tao.

Datapwa’t ng sasayad na sa katawan ang lanubo ng tagapagparusa ay biglang sinangga ng tungkod na kamagong ni Barangaw. Nahulog sa lupa ang lanubo at nanginig ang buong katawan ng mabalasik na si Magbitag.

Si Barangaw ay galit na galit sa nakita niyang kalupitan ng punong dapat sanang magpasunod sa kahabag-habag na alipin.

“Lakan Lumatay! Ikaw ba ang nag-utos na hagupitin ang aliping ito?” ang tanong ni Barangaw.

BASAHIN DIN: Si Mario, si Ana, at ang Isda

“Hulihin ang pangahas!” ang mabangis na utos ni Lakan Lumatay sa kanyang mga kampon. “Paluhurin sa monggo at timbain sa tubig.”

“Sayang, sa gulogod mo sana naubos ang lanubo ko. Kung hindi lamang sa utos ng puno ko, masasarapan ka! Mata mo lang ang walang latay!” at inakmang hagupitin si Barangaw.

Ngunit pinigil ni Barangaw ang lanubo, hinarap si Magbitag at ang wika, “malupit kang walang kaparam wala kang awa sa kapwa. Ngayon din ay magsisi ka ng iyong mga kasalanan.”

Dadaluhong sana si Magbitag ngunit ang mga paa nito ay parang natilos sa kinatatayuan at nawalan ng lakas.

Kaya si Lakan Lumatay naman ang nagtangkang humagupit kay Barangaw, ngunit ito’y nawalan din ng lakas.

“Ah, malulupit, magagara ang inyong damit, maiinam ang inyong bihis ngunit wala kayong bait. Binigyan pa naman kayo ng Lumikha ng puso’t diwa, ang bagay sa inyo ay ito!” at anyong hahatawin ang kanyang tungkod.

Ngunit ang alipin ay natauhan noon at napasigaw,” Poon ko po patawarin mo po ang aking puno. Ang akin pong anak ay itinatago ko nga!

Hindi itinuloy ang paghataw ni Barangaw.

“Bakit mo itinago ang iyong anak?” ang tanong sa alipin.

“Ayaw ko ng anak ko na mahulog sa kamay ni Lakan. May tunay po siyang iniibig, si Malaya. Ayoko po namang piliting ibigin ng anak ko ang Lakan. Ako po ang may sala. Patawarin mo na po ang aking puno.”

“Mabuti kang kampon, aliping tapat hanggang wakas. Bakit ang kalupitan ay sinusuklian mo ng katapatan? Dahil sa iyong hiling ay hindi ko papatayin ang iyong puno at ang humagupit sa iyo. Subalit sila’y hindi makatao, kaya’t sila’y dapat parusahan. Buhat ngayo’y mag-uusad silang tulad ng ibang hayop; ngunit ng sila’y may masilungan, dadalhin nila ang kanilang bahay.

Sinaling ang tungkod niya kay Lakan at kay Magbitag at ang wika sa mga ito ng, “mula ngayon ay dadalhin ninyo ang inyong bahay at kayo’y uusad upang huwag ng pamarisan.

Aral

  • Huwag maging malupit sa kapwa.
  • Ang kasamaan ay may kaakibat na kaparusahan.
1 Star2 Stars3 Stars4 Stars5 Stars (1 votes, average: 5.00 out of 5)
Loading...
Loading...