Magandang araw sa iyo, kaibigan! Hanap mo ba ay mga halimbawa ng talumpati tungkol sa pag-ibig? Nasa tamang website ka!
Marami kang mababasang talumpati dito na maaari mong pagkunan ng ideya. Halina’t basahin at gawing inspirasyon sa iyong paksang napili ang mga talumpating nakalap namin. Huwag mo din namang sayangin ang mga aral na maari mong makuha sa bawat talumpating iyong mababasa.
Maligayang pagbabasa!
SEE ALSO: Ano ang Talumpati, Halimbawa ng Talumpati at mga Uri
Mga Halimbawa ng Talumpati Tungkol sa Pag-ibig
- Kapangyarihan ng Pag-ibig
- Ang Pag-ibig
- Tunay na Pag-ibig
- Talumpati Tungkol sa Pag-ibig
- Ano ang Uunahin: Pag-ibig o Pag-aaral?
- Unang Pag-Ibig
- Pagkatuto sa Pag-Ibig
Kapangyarihan ng Pag-ibig
Talumpati ni Anthony Rosales Sarino
Walang perpektong bagay sa mundo. Walang kasiguraduhan. Oo, mayroon tayong patutunguhan at mayroong dahilan ang lahat ngunit wala ni isa sa atin ang nakakaalam ng kahihitnatnan.
PAG-IBIG –- naniniwala akong ito ang dahilan ng lahat ng bagay. Alam kong ang puso ang nagdidikta ng nararapat sa ating sarili. Yung pagmamahal na makukuha sa iisang tao na nilaan ng Diyos at magtuturo nang tamang kahulugan ng buhay.
Ang pag-ibig ay makikita at madarama saan ka man makarating. Kahit sa mga simpleng bagay na espesyal at kung minsan sa mga bagay na walang halaga ay naroon ang pag-ibig. Bunga ito lahat ng pagmamahalan. Napakamakapangyarihan ng pag-ibig. Kung titingnan natin ito ng mas malawak at mas malalim sa kung ano mang dapat ipakahulugan nito, tiyak lahat tayo ay mag-aasam na sana isang araw darating ang taong magiging kabiyak ng ating puso.
Wala sa edad, klase ng buhay o kasarian makikita ang pag-ibig. Hanggat may pagmamahalan na namamagitan sa dalawang tao iba man o parehas ang buhay na meron sila wala na dapat tayong itanong pa. Hindi na ako nagulat sa pag-ibig ngayon. Hindi na bago sa akin ang pagmamahalan ng isang matanda at bata, isang mahirap at mayaman o maging dalawang lalaki o babae. Natutuwa pa nga ako dahil sa kabila ng mapanghusgang lipunan nariyan pa rin ang mga taong may kakaibang pagmamahalan. Tinitiis ang bawat masasamang salita na namumutawi sa mga taong makitid ang utak na intindihin ang sitwasyon nila.
Isa pa sa kapangyarihan ng pag-ibig ang TADHANA. Wala ng tatalo sa pagtagpo ng dalawang puso dulot nito. Napakasarap isipin na may mga taong nagiging masaya at maligaya sa kapangyarihang ito. Naghintay ka o naghanap ngunit may isang bagay na makakagawa nito sa isang iglap lang. Nakakatawa man ngunit ito ang katotohanan.
Kung minsan, hindi lang kasiyahan ang dulot ng pag-ibig. Pumapasok ang iba’t ibang suliranin at problema. Ang kasawian at kalungkutan bunga nito. Minsan, negatibong tinuturing ang pagkakaroon ng pag-ibig sa mga taong takot na magmahal at ang masama pa’y sa mga taong takot na masaktan. May iba ngang naniniwala na kailangan nating sumugal sa pagmamahal. Tipong manalo man o matalo, bumalik man o tuluyang mawala yung itinaya natin wala dapat tayong pagsisihan. Yun daw ang tinatawag na UNCONDITIONAL LOVE.
Tunay ngang makapangyarihan ang pag-ibig. May mga panahong magsasakripisyo tayo para makamit ang kaligayahan o kung sinusuwerte ka madali mong mararamdaman ang magmahal at mahalin. Ngunit kung ano man ang magiging sitwasyon mo at magiging bunga nito; masama man o hindi ito ay dulot ng iyong malayang kaisipan at higit sa lahat ng iyong PUSO.
Ang Pag-ibig
Talumpati ni Estephanie May Venerayan
Pag-ibig? Ano nga ba ang pag-ibig? Ano nga ba ang pakiramdam ng isang taong umiibig? Ano bang dulot nito sa isang tao? Bakit ba natin ito nararamdaman? Kayo? Naranasan nyo na bang umibig?
Ang pag ibig ay isang pakiramdam na napakahirap ipahiwatig. Nararamdaman mo ito, ngunit napakahirap bigyang kahulugan. Pakiramdam na nakakapagpabago sa damdamin ng isang tao. At nagdudulot ng iba’t ibang emosyon.
Ang Isang Taong umiibig ay Madalas nakangiti, lutang Ang Isip. Wari ba’y nasa ibang daigdig! O sa madaling sabi “May sariling mundo”, Kinikilig. Pag naiisip ang iniirog lalo na pagka-kasama! Madalas Masaya, kasi nga “iN-LOVE”!
Ang pag-ibig ay napakahirap ipaliwanag, na kahit ang sciencia ay hindi maibatid kung ano nga ba ang pag-ibig. Kaya sigurado ako, na lahat kayo ay naka-relate sa talumpati ko!
Sa mga taong umiibig, iniibig at iibig… Ang pag-ibig ay isang unibersal na pakiramdam. Lahat nakakadama, lahat nakakaranas. Kaya huwag ipagkait ang pagmamahal. Tayo’y magmahalan.
Tunay na Pag-ibig
Talumpati ni Ianrhold07
Ikaw nga bang talaga? Isang simpling katanungan na maaaring magmulat sa ating lahat ng katotohonan . Anu nga ba ang salitang ito, maaaring ito’y bay magdulot ng kasiyahan o kalungkutan?
Ngayong tayo’y nasa high school year, dito natin mararadaman ang tinatawag na pag-ibig sa isang lalaki o babae man. Sa una pakiramdam natin ang saya-saya, sa tuwing makikita mo siya sa bawat oras, sa bawat sandali na ayaw mong lumipas. Syempre ito’y normal lamang sa isang tao, at minsan lamang mangyari ito sa parte ng buhay mo na kung tawagin ay “first love”. Sa bawat araw na lumilipas ay may mga pangyayari hindi inaasahan, yung una friends lang kayo ang close niyo sa isa’t-isa ni hindi kayo kayang paghiwalayin ng bagyo o ng kahit sino mang nagtatangkang pag-layuin ang landas niyong dalawa. Ang bawat araw ay puno ng kasiyahan, kaligayahan at harutan niyong dalawa, yung tipong parang kayo lang wala kayong paki-alam sa taong nasa paligid niyo, anu man ang sabihin nila. Hanggang dumating ang sandaling mahulog ang loob mo sa kanya, ngunit hindi mo kayang ipahayag ang tunay na pag-ibig na nadarama mo. Pero siya, simula nang malaman niyang may lihim kang pagtingin sa kanya ay unti-unting nagbabago ang pakiki-tungo niya. Bakit nga ba nagagawa ng isang tao ito? Ang sagot, simple lang hindi naman nating masasabing hindi kanya type kasi yong iba dahil na rin nahihiya siya sayo o may gusto siyang iba. Kaya tayong mga taong bigo, okay lang yan. Isipin na lang din natin na hindi siya yung taong itinakda na magmamahal sa atin habang-buhay,kunting paghihintay at darating din siya malay mo andyan lang siya sa tabi-tabi hindi mo lang napapansin. Bawat isa sa atin na naririto ngayon ay may tinatagong pag-ibig na hindi pa nabubunyag, hanggang kailan pa nga ba natin ito itatago? Maraming istorya sa ngayon ang mababasa natin sa magazine, wattpad,facebook at kung anu pa man na maraming tao ngayon ang tinatawag nating”turpe”. Turpe ito ay ang mga taong walang ibang ginawa kundi ay ang itago ang kanilang feelings sa taong kanilang na iibigan, o maaari ring taong gumagawa ng iba’t-ibang gimik para mapansin ni crush. Natatakot sila kasi ayaw nilang sila’y iwasan ng kanilang nagugustuhan. Pero sana minsan maintindihan niyo ang mga taong ganito, taong mahina ang loob pagdating sa pag-ibig. Kung saka-sakali mang naiinis o nagtatampo na kayo dahil hindi niya kayo nasusuyo, huwag kayong mag-alala kasi may malaking inihanda sila para supresahin at pasayahin ka.
Syempre hindi rin mawawala ang mga taong bigo. Oo maraming magsyota sa ngayun ang nag bi-break dahil na rin sa iba’t-ibang dahilan ilan na rin dito ay ang dala ng selos, kakulangan sa tiwala sa bawat isa, hindi pagtanggap kung anu nga ba talaga siya, at higit sa lahat yung pangbabae o panlalaki na madalas mangyari kung ang babae/lalaki na naibigan mo ay niluloko ka lang. Sabi ko nga kanina, hindi sila para sa inyo. Huwag niyong masyadong dibdibin ang mga sakit na iniwan nila sa iyo, bugkos tumayo ka at iangat ang sarili. Wala na rin tayong magagawa upang baguhin ang tapos na diba sabi nga nila Past is Past. Pero kung ikaw ay may malakas ng loob upang bumangon at umunlad balang araw pag-nakita ka niya ( yung taong pinabayaan ang lahat ng paghihirap at pagmamahal mo ) Maiisip niya na nagkamali siya dahil niloko ka niya. Hindi ko rin sinasabing limutin mo siya ng lubusan at maghiganti pero kung ang taong ito ay may malaking pagsisi sa lahat ng kaniyang ginawa sayo maaari natin/mo siyang bigyan ng pangalawang pagkakataon upang ipakita niya kung anu ang pagbabago nangyari matapos ang lahat sa inyo. Para sa mga taong nagnanais na umibig huwag niyong madaliin si girl o boy kasi maaaring mainis siya sayo.
Para sabihin ko sa inyo, ako man ay hindi pa nakaranas kung paano nga ba ang tinatawag na tunay na pag-ibig ito ay basi lamang sa aking napapanood at nababasa lalong-lalo na sa Nobela ni Dr. Jos Rizal na nagpaliwana sa akin kung gaano magmahal ng tunay sa iyong kasintahan. Ngunit bago magtapos naiis ko sanang mag-iwan ng kaunting katanungan sa inyong isipan kung anu ng aba talga ang dulot ng pag-ibig sa atin. Kasiyahan o Kalungkutan inaasahan ko inyong mga sagot.
Talumpati Tungkol sa Pag-ibig
Mula sa TakdangAralin.com
Isa sa mga pinakamahalagang handog sa atin ng dakilang lumikha ay ang pag-ibig. Nang dahil sa pag-ibig tayong lahat ay naging tao. Ang pag-ibig ay may iba’t-ibang uri ng kaanyuan.
May pag-ibig sa dakilang lumikha, sa kapwa-tao, sa alagang hayop, sa kalikasan at kung anu-ano pa na napag-tutuunan natin ng pagmamahal at ng emosyon.
Makapangyarihan ang pag-ibig. Puwede itong magbigay ng buhay at puwede rin itong kumitil ng buhay. Wika nga ng isang tula ni Francisco Balagtas “O, pag-ibig na makapangyarihan pag pumasok sa puso ninuman, hahamakin ang lahat masunod ka lamang”. Isang napakatalinhagang pananalita na nagpaparating ng labis na kapangyarihan sa puso ng isang umiibig.
Walang masama sa kapangyarihan ng isang pag-ibig kung ito ay gagamitin natin sa positibong pananaw at pamamaraan. Magsilbi sana itong inspirasyon lamang sa ating mga puso. Halimbawa dito ay ang pagkakaroon natin ng ating mga sinisinta o iniirog sa buhay.
Huwag tayong magpa-alipin ng tuluyan sa ating puso. Isaalang-alang din natin ang gamit ng ating utak. Alalahanin ninyo na ang lahat ng labis ay lason.
Mayroong pag-ibig na mapagbalat-kayo. Batu-bato sa langit ang tamaan ay huwag magagalit. Karamihan sa mga may mapagbalat-kayong pag-ibig ay mga pulitiko sa ating lipunan. Labis-labis ang kanilang pagmamahal na pinapakita lalo na sa mga mahihirap tuwing malapit na ang panahon ng halalan.
Kahangalan ang tawag sa ganitong uri ng pag-ibig. Sadyang mahirap ang pagbibigay ng walang imbot na uri ng pag-ibig sa ating kapwa. Mayroong mga gumgawa at nagpapakita nito para lang mapuri at maging tanyag. Ang tunay na pag-ibig ay hindi ginagamit para sa sariling interes lamang. Ito ay binibigay na kusa na walang hinihintay na anumang kapalit.
Ang pinakadakila sa lahat ng pag-ibig ay ang pagmamahal ng ating mga magulang. Ito ang pag-ibig na nagsisimula sa loob ng ating mga tahanan. Pagmamahal at pag-aaruga na walang halong kondisyon at hangganan. Para sa akin ang pagmamahal nina tatay at nanay ang pinakamaganda kong biyaya na natanggap mula sa ating dakilang Lumikha.
Ngunit masakit mang sabihin ang pag-ibig na ito ang kadalasan na hindi nabibigyan ng halaga ng bawat isa sa atin, lalong lalo na ng mga kabataan. Mas binibigyang pansin nila ang mga materyal na bagay na bigay ng kanilang mga magulang.
Bago po mahuli ang lahat, lagi nating bigyang halaga ang pagmamahal ng ating mga magulang. Hindi sa lahat ng oras at panahon ay nasa tabi natin sila. Pagyamanin po natin at suklian ang pag-ibig na binibigay nila sa atin mula pa sa ating kamusmusan.
Nilikha ang pag-ibig para magkaroon ng katahimikan, kapayapaan at higit sa lahat ay ang pagkakaunawaan. Huwag po natin itong abusuhin at gamitin sa maling pamamaraan. Magsilbi sana itong sandata at ating saligan para maibsan ang anumang uri ng gusot at suliraning pangkapwa na mayroon tayo.
Kung pag-ibig lamang sana ang mananaig sa bawat puso ninuman, ang galit ay kusang mawawala sa mundo. Tanging kapayapaan at pagmamahalan na lamang ang siyang tunay na maghahari.
Nawa ay maging kasangkapan tayong lahat sa pagpapalaganap ng tunay na adhikain at kahulugan ng salitang pag-ibig. Imulat natin ang mga murang kaisipan ng ating mga anak sa kung ano ang tunay na kaulugan ng pag-ibig.
Busugin natin sila ng tamang kalinga at pagmamahal para sa kanilang paglaki ay pag-ibig rin ang nasa kanilang mga puso. Pag-ibig na busilak at wagas. Walang halong pag-iimbot at pagbabalat-kayo.
Isang uri ng pag-ibig na kaaya-aya hindi lamang sa mata ng tao ngunit sa mata ng dakilang nagbigay nito sa atin. Maging kupido tayo ng makabagong panahon, hindi lamang sa mga magsing-irog kundi sa lahat ng sangkatauhan.
Ano ang Uunahin: Pag-ibig o Pag-aaral?
Talumpati ni Elaisha Recide
Malungkot, minsan masaya, tapos malungkot ulit. May problema kasi, kailangan kong mamili sa dalawang bagay na sobrang halaga sakin. Paano ko kaya malalampasan ang problema kong ito? Alam ko kasi na kailangan kong mamili lang ng isa para matuldukan na ang paghihirap kong ito. Sabi nga nila “You cant serve two masters at the same time” Ako, bata pa lang ako ay prayoridad ko na ang pag-aaral ko, sinunod ko lahat ng gusto ng magulang ko para sakin, pero nagayong ako naman nag may gusto, papayagan kaya nila ko?
Babae ako, natural hindi na bago sa akin ang salitang pag-ibig, sa ngayon ay may boyfriend ako, ang kaos nga lang ay ayaw sa kanya ng mga magulang ko. Wala raw akong mararating sa buhay ang lalaking ito, wala raw akong kinabukasan sa kanya. Pero bata pa ang puso ko, mabilis magdamdam. Hindi ko alam kung bakit kailangan pang dumating sda puntong kailangan ko pang mamili. pinagbawalan kasi akong lumabas at makipagkita sa kanya at kinuha na rin ang cellphone ko. Alam ko naman na kailangan kong makapagtapos ng pag-aaral. Sa totoo lang, mataasa ang pangarap ko, gusto kong makapagtapos ng apat na taong kurso, makarating sa ibang bansa at makapagpundar ng negosyo. Hindi ko naman talaga sila balak suwayin, ang gusto ko lang ay inspirasyon, yung konting tamis sa buhay.
Ngayon ay mas pinili ko ang pag-aaral, gusto ko ng manahimik, sinabihan ko ang kasintahan ko na kailangan ko munang magtapos ng pag-aaral bago ang lahat-lahat.
Unang Pag-Ibig
Talumpati ni PinayAko
Ang unang pag-ibig…
Hindi ibig sabihin nito’y una mong nakarelasyon o una mong nakatagpo. Ang unang pag-ibig ay ang kauna-unahang tao na minahal mo ng lubos na higit pa sa inaakala mo. Maaring siya ay ang pang-apat mong kasintahan o pang-pito. O maari rin namang siya ang huli at iyong nakatuluyan.
Masarap umibig, masarap ibigin at lalong masarap ang tunany na pag-ibig. Sabi ng iba, ang unang pag-ibig ay hindi kailanman nalilimot. Hindi kailanman nawawala. Marahil totoo, sa aking pananaw, ang pag-ibig ay hindi nawawala, hindi nauubos, hindi nalilimot. Nanatili ito sa pusong nagmamahal at sa puso ng nagmahal. Ang pag-ibig ay hindi nagmamaliw bagkus nahihigitan lamang ng bagong pag-ibig ngunit ang ligaya at pait ay mananatili ngayon at kailanman.
Sa unang pag-ibig, marami kang maaalala, ang iba’y nanghihinayang, ang iba’y nahihiya at ang iba’y hindi maka-move on. Iba’t ibang damdamin, iba’t ibang paniniwala ngunit ang tamis ng unang pag-ibig ay mananatiling alaala. Alaala ng kahapon, alaala ng mga bagay na nawala at lumipas, alaala ng araw na may mga kakaiba kang nagawa’t napatunayan, alaala ng taong nagpangiti at nagpatibok sa puso mong nananahimik. Ang pait at ligaya, ang araw at oras, ang kwentuhan at iyakan, ang love song at tawagan, ang date at tagpuan, ang pangako at awayan, ang pagsagot at paglisan… Ang lahat ng iyan ay mararanasan sa unang pag-ibig na nakakatuwang balikan.
Pagkatuto sa Pag-Ibig
Talumpati ni Martin Ceazar Hermocilla
“Don’t look for LOVE let LOVE look for you”, isang linyang galing sa isang palabas na naging bukang bibig ko na din. Madalas pag may humihingi sa kin ng payo yan ang sinasabi ko. Tama nga naman kasi, wag mong hanapin ang pag-ibig, hayaan mong sila ang humanap sayo. Kabaliktaran naman sa sinasabi nilang, ” Paano mo makikita ang taong para sa yo kung hindi ka gagawa ng paraan para makita siya? ” Tama nga din,kailangan mong ding gumawa ng paraan para hanapin kung sino man ang taong nakatadhana sayo. Ngunit, magulo, napakagulo ng mundo ng pag-ibig.. Maraming matalinhaga na may kaakibat na kabaliktaran katulad ng :
– Mahal mo , hindi ka mahal, tapos yung hindi mo mahal, mahal ka.
– Manhid siya, tanga ka
– Hinahanap mo ang taong tama para sayo, pero sa mali ka nahulog.
– Taong kinaiinisan mo noon, pero taong minamahal mo ngayon
– Moved On sa salita, pero hindi sa gawa.
– Pinagpupuyatan mo para lang sagutin ka, tapos pag kayo na, binabalewala mo na.
– Minamahal mo ng patago, takot kang umamin pero mahal ka rin pala at kung kelan huli na, wala na may mahal na siyang iba.
– Love as an inspiration, Love as a destruction.
– Pangakong napapako at sinusulat sa tubig.
– At syempre, pagmamahal ng kaibigan na matakot sabihin ang nararamdaman dahil sa pagkakaibigan.
Mga talinhaga ng pag-ibig para sa mga kabataan na tulad ko.Siguro nga, masyado nang nalulong kaming mga kabataan sa PAG-IBIG, maaring masama, maari ring mabuti ang naidudulot. Tulad sa pag-aaral, masasabing masama kung nagiging sagabal at nakakasira ito. Yun tipong mas inuuna ang “LABLYF” kung tawagin kesa sa pag-aaral.Mabuti naman kung ito ay nagiging inspirasyon, yun tipong matataas ang grades, nagpapakitang gilas para sa kanyang iniibig, yun maganda yun.Syempre,hindi mawawala sa masamang naidudulot ng PAG-IBIG ang pagiging batang ina at batang ama at yun ang pinakamalala sa lahat.
Marahil, lahat naman ng aming pagkakamali lalo na pagdating sa pag-ibig ay meron kaming aral na napupulot o sabihin na nating meron kaming pagkakatuto. Sabi nga, ” Mistakes are made for us to realize what is right” , sa bawat pagkakamali namin, nandyan din yung pagkatuto. Pagkatuto kung saan hindi lang namin itatanim sa isip at puso namin, bagkos sasamahan namin ng gawa.
– Natutunan na ang Pag-Ibig hindi minamadali, kailangan hinihintay ang tamang oras at panahon na kung saan doon ibibigay ang buong pagmamahal .Kung dumating man ang maling tao, at hindi napigilan ang nararamdaman, mamahalin yong taong yun ngunit magtitira sa sarili para kung dumating man ang tamang tao meron pa kaming maibibigay.
– Na ang Pag-Ibig ay hindi isang laro, ito ay isang seryosong bagay na hindi namin kailangan madaliin.
– Na ang Pag-Ibig ay kailangan maging isang inspirasyon sa amin hindi isang destruksyon
– Na ang Pag-Ibig ay isang emosyon na maaring magpabago ng isang indibidwal.
– Na kakambal ang PAG-IBIG ang PAGKABIGO, kaya kailangan handa kang masaktan at handa kang magparaya kung kinakailangan.
Siguro nga, hanggang ngayon ang PAG-IBIG ay isa sa malaking problema ng kabataan ngayon, subalit parte na yun ng buhay. Lahat tao nagmamahal, siguro yung iba sa maling panahon, maling oras at maling pagkakataon. Ngunit dadating ang panahon na magmamahal din tayo, masasaktan at sa huli maaring maging masaya, nasa pagtanggap lang yan, kung paano mo tatanggapin ang taong nagmamahal sayo, kung paano mo tatanggapin lahat lahat sa kanya at kung paano mo tatanggapin ang pag-ibig na nakalaan sa yo.Walang taong hindi nagmamahal at hindi nasasaktan dahil magkakambal ang PAG-IBIG at PAGKABIGO. Pero ito lang ang masasabi, hanggang may nagmamahal sayo, wag kang magsasawang mahalin din ang taong mahal mo, hindi ka man niya mahal, dadating ang taong mamahalin ka ng buong-buo at duon mo ibigay ang pagmamahal mo ng walang labis at walang kulang.
SEE ALSO: Mga Talumpati Tungkol sa Magulang