Alamat ng Bulkang Mayon (3 Different Versions + Aral)

22 Shares

Ang alamat ng Bulkang Mayon ay nagmula pa sa probinsya ng Bikol. Sa pahinang ito ay mababasa ninyo ang tatlong bersyon ng kwento. Hindi na matukoy kung alin sa mga ito ang orihinal na bersyon sa kadahilanang ito ay nagpasalin-salin na sa iba’t-ibang henerasyon.

Para sa iba pang impormasyon kung ano ang alamat at iba pang mga halimbawa nito, basahin ang: Ano ang Alamat, Mga Elemento, Bahagi, at Halimbawa ng Alamat.

READ ALSO: Alamat ni Maria Makiling


Alamat ng Bulkang Mayon (Ver. 1)

Alamat ng Bulkang Mayon (Ver. 1)

Ang pinuno ng mga Bikolano ay si Raha Makusog. Mayroon siyang kaisa-isang anak na dalaga, si Daragang Magayon na ang
ibig sabihin ay Dalagang Maganda.

Kilalang-kilala ang kagandahan ng prinsesa hanggang sa malalayong pook. Marami siyang manliligaw at isa na rito si Pagtuga, isang mayaman, bantog na mandirigma ngunit masama ang ugali pagdating sa kayamanan.

Nakarating sa katagalugan ang usap-usapan tungkol sa magandang dalaga. Nabalitaan ito ni Ginoong Alapaap na anak ng isang lakan. Maganda ang kanyang tindig, matalino at magalang. Ibig niyang mapatunayan ang kagandahan ni Daragang Magayon kung kaya’t siya ay naglakbay patungong Bikol.

Matagal na nagmasid si Alapaap sa ilog na ayon sa nagsabi sa kanya ay doon madalas maligo si Daragang Magayon. Nagbunga naman ang kanyang pagsisikap. Minsan ay naligong mag-isa si Daragang Magayon sa ilog, ngunit sa kasamaang-palad ay na dupilas ang dalaga at nahulog sa tubig na may kalaliman. Mabilis na tumalon sa tubig si Alapaap upang iligtas ang babae.

“Sino ka?” tanong ng dalaga. “Ano ang ginagawa mo rito?”

“Huwag po ninyong ikagagalit. Isa po akong hamak na Tagalog buhat pa sa malayong lugar upang masilayan lamang ang iwi mong kagandahan. Ibig ko sanang makasama ka habang-buhay,” magalang na tugon ni Alapaap.

“Baka nangangarap ka?” ang nakangiting tugon ng dalaga.

Sa maikling kuwento ay nagkaigihan ang dalawa. Nagkasundo silang pakasal. Umuwi si Alapaap upang sunduin ang kanyang mga magulang. Nabalitaan ni Pagtuga ang balak ng dalawa kaya’t gumawa siya ng paraan upang sagkaan ito. Tinipon niyang lahat ang kanyang mga tauhan at binihag si Raha Makusog. Sinabihan niya si Daragang Magayon na pakakawalan lamang ang kanyang ama kung siya ay papayag na pakasal kay Pagtuga. Napilitang sumang-ayon ang dalaga alang-alang sa kaligtasan ng ama.

Samantala, hindi ito nalingid kay Alapaap. Siya sampu ng kanyang mga tauhan ay lumusob bago naisakatuparan ang kasala nina Daragang Magayon at Pagtuga. Napatay ni Alapaap si Pagtuga ngunit sa kasamaang-palad ay tinamaan nang hindi sinasadya si Daragang Magayon. Sa pagtulong ni Alapaap kay Daragang Magayon, siya ay nahagip din ng isang saksak ng tauhan ni Pagtuga. Ang tatlo ay sabay-sabay na namatay sina Daragang Magayon, Alapaap at Pagtuga. Silang tatlo ay sabay-sabay ding inilibing sa gitna ng malawak na bukid. Lahat ng hiyas at kayamanan ni Daragang Magayon ay kasama sa hukay niya pati na ang mga regalo sa kanya ni Pagtuga.

Pagkalipas ng tatlong gabi, nagulat ang mamamayan sa lakas ng lindol sabay ng tunog ng malalakas na kulog at kidlat. Kinabukasan ay nagisnan nilang tumaas ang ipinaglibingan ni Daragang Magayon at ng dalawa niyang mangingibig. Tumaas nang tumaas ang puntod natila isang bundok. Nagkaroon ito ng magandang hugis at naging bulkan. Ayon sa pari ang magandang bulkan ay si Daragang Magayon ang maitim na usok ay ang maitim na budhi ni Pagtuga na labis ang kasakiman sa kayamanan. Naroon pa siya at gustong bawiin ang mga iniregalo kay Daragang Magayon. Maganda ang bulkan ngunit ito’y pumuputok at nag-aapoy sa galit kapag naaalala nito ang kasakiman ni Pagtuga. Unti-unting pumapayapa ito kapag nararamdaman niyang nasa piling niya si Alapaap at patuloy na nagmamahal sa kanya.

Mula noon ang bulkan ay tinawag na Mayon. Ang bayan na kinatatayuan ng bulkan ay tinawag na Daraga bilang pag-alaala kay Daragang Magayon.


Alamat ng Bulkang Mayon (Ver. 2)

Alamat ng Bulkang Mayon (Ver. 2)

Noong unang panahon sa kaharian ng Albay ay may isang makapangyarihang Raha. Siya ay may anak na kaakit-akit. Ito ay si Daragang Magayon na ang kahuluga’y “Magandang Dalaga.”

Maraming naakit sa kanyang taglay na kagandahan kaya di mabilang na mga datu at mga ginoong tanyag ang nag-alay sa kanya ng pagmamahal. Ang isa sa mga nanligaw ay si Kauen, anak ng mayamang Raha sa kanugnog na kaharian. Naghandog ng mahalagang hiyas at ginto ang binata subalit tumanggi sa regalo ang dalaga. Si Kanuen ay nabigo subalit nagyabang pa na ang dalaga ay magiging kanya pagdating ng araw.

Mula sa malayong Katagalugan, narinig ni Gat Malaya ang nabalitang kagandahan ni Daragang Magayon. Marami siyang mga pagkakataong makaniig ang paraluman subalit nagkaroon ng mga sagabal. Minsan malapit sa munting ilog, nakita niya ang dalagang namumupol ng bulaklak. Kinamaya-maya’y ang binibini’y nagtampisaw sa batis. Ang binata’y nagparinig ng himig ng masayang awit upang matawag ang kanyang pansin. Nagkatitigan sila at ang binata’y nginitian.

Nabuhayan ng loob ang prinsipeng Tagalog at ito’y nagsalita, “Magandang Mutya, mula ako sa malayo upang ikaw ay sadyain at makita ang tangi mong kariktan!”

“Sino ka? Hindi kita kilala! Isa kang pangahas!”

“Ako’y si Gat Malaya, galing sa kahariang malapit dito. Bigyan mo ako ng isang bulaklak at ako’y masisiyahan na!”

Bantulot na ihinagis ng dalaga ang bulaklak. Dumapo sa mga palad ng binata at ito’y kagyat na idinampi sa kaliwang dibdib.

“Maaari bang kita’y makitang muli?”

At nagsimula ang maraming tipanan ng dalawa sa makasaysayang batis.

“Isang araw,” mungkahi ng lalaki, “kita’y iniibig. Tayo’y pakasal!”

“Ngunit ang Raha? Ang aking ama?” may alinlangang paliwanag. “Dapat niyang malaman!”

“Huwag kang mag-alala! Hihingin ko ang kamay mo sa kanya!”

Pumayag ang Raha. Ang batang prinsipe ay kanyang nagustuhan pagkat magalang at nakakahalina kung kumilos. Itinakda ng Raha ang kasal sa pagbibilog ng buwan, matapos ang anihan.

Nagpaalam si Gat Malaya upang ipabatid sa kanyang mga magulang ang itinakdang kasalan. Kakaunin niya ang ama’t ina at silang tatlo ay babalik sa Albay.

Nabalitaan ni Kauen (nabigong manliligaw) ang napabalitang pag-iisang dibdib. Kanyang sinamantala ang pagkakataong wala si Gat Malaya. Pinuntahan niya si Daragang Magayon.

Matigas ang pagtanggi ng dalaga sa kabila ng mga pagbabala: “Kung hindi kita makamtan, walang magkakamit sa iyo sinuman!”

Ang prinsesa ay natakot dahil sa pagbabala sa buhay niya at sa kanyang ama. Siya’y sumagot, “Ako’y magiging iyo kung si Gat Malaya ay hindi bumalik!”

Nagtumulin ang mga araw at mga linggo. Malapit na ang tag-ani ngunit wala pa si Malaya. Hindi pa siya nagbabalik. Gabi-gabi ang dalaga’y nakaupo sa duruwangawan at naghihintay.

Nang dumating ang kabilugan ng buwan napilitan nang pakasal si Daraga kay Kauen. Nagkaroon ng maringal na handaan, kainan at sayawan.

Sa gitna ng kasayahan ay dumating si Gat Malaya kasama ang mga magulang.

“Ako’y naparito upang angkinin ang aking nobya!” sabi ni Malaya.

“Hindi maaari!” tugon ni Kauen.

Nagkaroon ng sukatan ng lakas. Magugunita na si Malaya ay subok sa espada subalit si Kauen naman ay malansi at mapaglalang.

Nang ihahagis ni Kauen ang kanyang sibat, si Daragang Magayon ay tumakbo upang pumagitna at sawayin ang dalawa. Sa kasamaang-palad, ang sibat ay tumama sa dibdib ng dalaga. Niyakap ni Malaya ito ngunit pataksil na sinibat ng katunggali. Kapwa nalagutan ng hininga ang magsing-ibig.

Nagluksa ang Raha at ang buong palasyo. Ipinag-utos niya na ang dalawa’y ilagak na magkasama sa isang hukay.

Lumipas ang mga araw. Himala ng mga himala. Ang lupa sa puntod ng libing ay tumaas hanggang sa itoy maging bundok. Napakaganda at perpekto ang hugis. Tinawag itong Bundok ng Mayon, bilang alaala kay Daragang Magayon.


Alamat ng Bulkang Mayon (Ver. 3)

Alamat ng Bulkang Mayon (Ver. 3)

Ang Mayon na isa sa pinakamagagandang bulkan sa Pilipinas ay ipinagmamalaki ng mga taga-Albay. Pero paano nga ba nagkaroon ng Bulkang Mayon?

Ayon sa isang matandang alamat, sa Albay ay may isang kagalang-galang na raha na sinusunod ng lahat. May anak itong dalaga na hinahangaan dahil sa taglay nito ng kagandahan at kabaitan. Daragang Magayon ang kilalang bansag sa anak ng raha. Daraga na nangangahulugang dalaga at magayon na ang ibig sabihin ay maganda.

Sapagkat ubod ng ganda, maraming binata ang dumadayo pa sa Albay makita lamang ang anak ng raha. Kabilang sa mga mangingibig ni Daragang Magayon ay mga binatang anak ng mga raha rin mula sa Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes at Sorsogon.

Bagama’t kalat na kalat sa kabikulan ang nababalitang kariktan ni Magayon, pinagtiyap lang ng pagkakataon kung bakit nalaman din ng isang binatang mula sa napakalayong lugar sa katagalugan ang kahali-halinang kagandahan. Ang binata ay si Ulap na anak ni Raha Tagalog ng Quezon. Isa siyang abenturerong manunudla ng mga hayop gubat kaya siya napadpad sa kabikulan.

Minsang nakatulog siya sa kagubatan ay ginising siya ng halakhakan ng mga kadalagahan mula sa batis ng Rawis. Nakita niyang naglulunoy sa malinaw na tubig ang magagandang dilag. Pinakamaganda rito si Daragang Magayon. Hindi nagpakilala si Ulap sa inibig na kaagad na dilag. Sapagkat nalaman ng binatang buwan-buwang naglulunoy ang magkakaibigan sa batis ay pinagsasadya niya ang nasabing lugar upang masilayan lamang ang pinakamamahal. Sa tuwing nagsisiahon ang mga dalaga sa kristal na batis ay gustung-gusto na sanang makipagkilala ni Ulap kay Magayon subalit nag-aalala siyang baka sabihing siya ay pangahas.

Minsang napansin niyang may mga binata ring nakipaligo sa bukal Rawis ay nakiligo na rin si Ulap. Sa sobrang pagmamahal kay Magayon ay sinikap niyang mapansin siya ng dalaga.
Naging madalas ang pakikilunoy ni Ulap sa mga kabinataan upang mapalapit lamang kay Daragang Magayon.

Minsang nagpapahinga na sa talampas si Ulap at paakyat na ang dalaga ay napansin ng binatang isang malaking ahas ang umuusad papalapit sa damuhang nilalakaran ng kaniyang diyosang sinasamba. Patakbo siyang sumaklolo at sa isang kisapmata ay natagpas ang ulo ng ahas na nagkikisay sa paanan ni Daragang Magayon. Laking pasasalamat ng dalaga.

Iyon ang pagkakataon upang makipagkilala na si Ulap sa dalaga. Lagi at lagi na silang nagkikita. Mga sariwang prutas lang ang inihahandog nito sa kanya. Akala ni Daragang Magayon na ordinaryong mamamayan lang si Ulap sa kanilang bayan. Wala kasi itong yabang sa katawan.

Nang masukol sa kuwentuhan ay naipagtapat niyang anak din siya ng sikat na si Raha Tagalog sa Tayabas.

Lalong humanga sa pagpapakumbaba ni Ulap si Daragang Magayon.

Naikumpara niya ang binata sa manliligaw niyang si Iriga, matandang balong pinuno ng Camarines Sur. Pawang nagkikinangang alahas ang inihahandog nito sa kaniya. Magarbong matanda si Raha Iriga na kinatatakutan ng lahat pagkat kilala ito sa kawalan ng katarungan, raha ng mga magnanakaw at puno ng kasamaan.

Nagkaibigan si Ulap at si Daragang Magayon. Upang patunayan ang pagmamahal sa dalaga ay pinagsadya niya sa kaharian ang ama nito at malakas na itinulos ang matulis na sibat bilang pagpapatunay sa masidhi niyang pagmamahal kay Daragang Magayon. Iyon ay paghamon din sa sinumang nais magpahayag ng pag-ibig kay Daragang Magayon. Humanga sa tapang ni Ulap si Raha Makusog. Nag-usap sila. Ipinagpaalam ng binatang papupuntahin ang mga magulang niya upang pormal na hingin ang kamay ni Daragang Magayon upang sila ay makasal sa lalong madaling panahon. Pumayag ang mabait na ama ni Magayon. Bago sumagot ay nagpasya na si Raha Makusog na isauli na ang lahat ng alahas na handog ng ganid na si Raha Iriga.

Nakarating kay Raha Iriga ang nalalapit na pamamanhikan at kasalan.

Habang papauwi si Ulap upang sunduin ang mga magulang ay nilusob ni Raha Iriga ang baranggay ni Raha Makusog.

Bilang benggansa, binuhay niya bilang alipin si Raha Makusog at itinakda ang kasal nila ni Magayon sa pagbibilog ng buwan. Nagpakatanggi-tanggi ang dalaga subalit tuso si Raha Iriga.

Ipapapatay daw niya ang ama kung hindi pakakasal sa kaniya ang dalaga. Kumagat sa patalim si Daragang Magayon na dasal nang dasal na sana ay dumating na ang binatang pinakamamahal.

Naghahanda na sa maringal na pamamanhikan si Ulap at ang mga magulang nang makarating sa binata ang balitang sinapit ni Magayon. Galit na galit na isinama niya kaagad ang mga kawal.

Ang paghaharap ni Ulap at Raha Iriga ay tunggalian ng lakas sa lakas. Sapagkat katarungan ang ipinakikipaglaban kaya lalong lumakas si Ulap na sa huling malakas na taga ay napatay ang Raha ng Kasamaan. Tuwang-tuwa si Daragang Magayon na patakbong yumakap sa tagapagtanggol. Sapagkat napagitna ang magkasintahan sa mga kawal na nagdidigmaan ay di napansin ni Daragang Magayon ang ligaw na sibat na tumama sa dibdib niya. Natulala si Ulap na sumapo at yumakap sa mahal niyang diyosa. Napakabilis ng pangyayari. Hindi na nakapagpaalam pa ang magandang dalaga. Sa isang kisapmata ay sinugod naman ng tagapagtanggol ni Iriga si Ulap. Tumagos sa dibdib ng binata ang may lasong sandata. Nang makita ni Raha Makusog ang katampalasanan ng alipin ay tinagpas niya ang ulo ng buhong.

Nagapi sa digmaan ang ilan sa mga tauhan ng ganid na raha. Ang karamihan na naniniwala pa rin sa katarungan, kapayapaan at pag-iibigan ay nagsiluhod at pumayag na paampon sa mga matatapat na kawal ni Raha Makusog na inalalayan ng mga mandirigma ni Ulap mula sa katagalugan.

Bagama’t nauwi sa pagdadalamhati ang kasalan ni Ulap at ni Daragang Magayon ay nagyuko na lang ng ulo si Raha Makusog bilang pag-alinsunod sa itinakda ni Bathala.

Bilang pagbibigay pahalaga ng ama sa nag-iisang anak, pinagsama niya ang bangkay ng magsing-irog sa lugar na malapit sa batis Rawis na unang pinagtagpuan ng dalawa.

Ang lugar na iyon na pinaglibingan kay Daragang Magayon ay kapansing-pansing tumataas taun-taon. Sa kinatagalan ay lumaki ito nang lumaki at naging isang bundok. Bilang pagpapahalaga sa dakilang pag-ibig na inialay kay Daragang Magayon, ito ay tinawag na Bundok ni Daragang Magayon na ngayon ay naging Mayon.

Sa panahong tila humahaplos ang maninipis na ulap sa tuktok ng bundok, sinasabi ng mga matatanda na hinahagkan ni Ulap ang pisngi ni Magayon. At kapag marahang dumadaloy ang ulan sa gilid ng bundok, iyon daw ay pagluha ni Ulap na nangungulila sa pagmamahal na hindi nabigyan ng katuparan.

May mga taga-Bicol na naniniwala pa rin sa nagngangalit na kaluluwa ni Raha Iriga. Sinasabi nilang sa pagnanais nitong makuhang muli ang mga alahas na inihandog kay Magayon ay nag-aapoy ang bulkan ng Mayon.

Iyan ang alamat ng Bulkang Mayon.

Aral:

  • Huwag humadlang sa dalawang taong tunay nag-iibigan. Magparaya at huwag maging matigas ang puso. Kung ayaw sa iyo ng isang tao ay tanggapin ito ng maluwag sa kalooban. Hilingin mo sa Diyos na dumating nawa ang tamang panahon na ipagkaloob niya sa iyo ang nararapat na tao sa iyong pagmamahal.