Tula Tungkol sa Sarili (6 Tula)

Ang bawat isa ay may natatanging katangiang taglay. Iba-iba man ang pamamaraan ng pagpapalaki ng ating mga magulang sa atin, ikaw at ako ang patunay na di nagkamali ang Panginoon sa pagkakalikha sa atin. Bagama’t hindi perpekto at may kapintasan ang ilan sa atin, maaring ito naman ay maging kalakasan sa iba. Katulad ng mga tula tungkol sa sarili na nakasulat dito, nawa ay magsilbing inspirasyon ang mga ito sa iyo. Palakasin ang mga bagay kung saan ka mahina at iwasan ang pagkukumpara ng iyong sarili sa iba.

Ako’y iyong nakita na, hindi pa man isinilang,
batid mo kung ilang taon ang haba ng aking buhay;
pagkat ito’y nakatitik sa aklat mo na talaan,
matagal nang balangkas mong ikaw lamang ang may alam.

— Awit 139:16 (Magandang Balita Biblia)

SEE ALSO: Tula Tungkol sa Kaibigan

Halimbawa ng mga Tula tungkol sa Sarili


Para sa Aking Sarili

Tula ni ClemsClements galing sa wattpad.com

Aking ikinukubli ang mga bawat panaghoy
Sa aking sarili, patuloy pa rin ang daloy
Kabataang nakaraan, sa akin nag-bigay daan
Patungo sa kasalukuyang pinaglalaanan.

Mga nakaraang bata pa’y di na nais balikan
Bawat ala-alang aking pinanghahawakan
Sa saglit pa’y dumungis sa aking nakaraan
Ngunit maayos na pag-iisip ang kinakailangan.

Dito ko napagtanto at nakapag-isip ng wasto
Para sa aking sarili at ma magiging pagbabago nito
Nais kong magpatuloy sa pagbabagong ito
Dahil marami pang pagsubok ang kakaharapin ko.


Patutunguhan

Tula ni Judy Ann Omar

Nag-iisa, nag-iisip kung ano ang maaring gawin,
Mga bagay, pangarap na kay hirap abutin,
Marami pang problema ang kailangang kayanin,
Mga pagsubok ay dapat nating harapin.

Dalawang daan, ang kailangang pagpipilian,
Ang tuwid na daan at makipot na daan,
Tuwid na mayroong bangin sa dulu-dulohan,
Makiipot ma’y sa tamang landas naman.

Ngunit, ako’y nalilito kung saan ako patungo,
Sa tuwid na daan ba o sa makipot na ito,
Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko!
Bahala na sa sarili kung saan gustuhin ko.

Aking mga paa’y napapagod na’t nanginginig pa,
Buong katawan ko ri’y mababagsak na,
Ngunit ayaw pang sumuko ng aking mga mata,
Na kahit madilim ma’y lakad parin at pilit kinakaya.

Nagpapasalamat ako sa pinagtunguhan ko,
Bagaman alam ko na, kung ano ang haaharapin ko,
Lakas ng loob para sa kinabukasan ko,
Patutunguhan ko’y malayang pook na sinilangan ko.


Aking Sarili

Tula ni Sheena Mae Evangelista

Tulang aking nilikha na walang tugma
Di para sa kanya o para sa mundo,
Kundi sa sarili mo’t sa sarili ko.

Mga katangian ko at sa buhay ko
Dito nakasaad at iyong malalaman,
Aking sarili at iyong maunawaan.
Pangalan ay Sheena Mae Evangelista,
May katangian at kinatatakutan.

Ako’y simpleng bata at di pa malaya,
Umaasa pa sa aking mama’t papa.
Ako’y estudyante na siyang responsable
Sa bahay man o sa paaralan.

Ako ay kaibigan at kayamanan,
Kasama mo sa iyong kapighatian.
Ako’y laging kasama sa katiisan,
Sa huli ako’y iyong masusulyapan.

At sa kabila ng iyong kahirapan,
Ako ay sandalan na may kasiyahan.
Ang kasiyahan ko’y maaasahan,
Ngunit ako’y may takot na masugatan.

Aking nabatid, aking kilos ay mali
Di nag-isip kumilos ng dali-dali.
Gulo’t abala ang hatid sa marami
Mabuti’ nalunasan ng dali-dali.

Kaya’t tula’y nalikha na walang tugma
Di dahil gusto, kundi para sa grado.
Patawad Sir at ito lang ang nabuo,
Tungkol sa aking sarili’t sa buhay ko.


Sugat Ng Lasing

Tula ni Anthony Francisco

Nilaro-laro pa ng dilang may paltos,
Ang tinunggang brandy na may tatak na Vos,
At sa ngiwing mukha’y (ngiwing-ngiwing lubos)
Nagpapatinterong luhang umaagos!

Sa kaniyang diwa’y tila pumapalo
Ang labindalawang sungay ng demonyo
Kahit umaga pa, mata’y langung-lango
Taranta sa utak ang ikot ng mundo!

Wala sa sarili nang maisip niya
Mga hinanakit sa palad na balintuna
Bakit ganito ang tanong sa Bathala
Sa akin mo lahat binigay ang dusa!

Wala na nga akong magulang…kapatid!
Wala pa rin akong asawang mabait
Wala na nga akong anak na saklit
Wala pa rin akong sarilinang bait!

Hanggang kailan mga alab ng hirap
Mga dusa’t pasakit laging nasa palad
Ayaw lubayan ng unday ng tabak
Lalong nanariwa itong mga sugat!


Tula ng Buhay Ko

Tula ni Charlene Martonito

Charlene Martonito, ito’y aking pangalan
Maragondon, bayang aking sinilangan
Sa aking paglaki, namulat sa katotohanan,
Edukasyon dapat pahalagahan.

Paghubog sa aking kakayahan,
Nagsimula sa aming tahanan
Aking mga magulang, nagturo sa tamang daan,
Daan tungo sa kaunlaran.

Sumunod ang mga gurong,
Nagpaunlad sa taglay kong katalinuhan,
Umunawa sa aking mga kahinaan
At binuksan ang aking isipan
Sa pananampalataya sa Poong Maykapal.

Ang aking edukasyon,
Nagbigay lakas at kasanayan
Upang makasabay sa hamon ng buhay,
Kaya ako’y nagpupugay
Sa aking mapag-arugang magulang,
At sa gurong luminang sa aking kaalaman.

Paaralang Elementarya ng Pulo ni Sara,
Ito ang paaralang nagbigay ala-ala
Gumradweyt ng may dalang pag-asa
At ngayo’y tatahak, lalandasin ang bagong simula.

Buhay hayskul, pinakamasayang bahagi,
Kung saan sa pagkain,kami ay naghahati-hati
Pumasok sa aking guni-guni,
Kami’y magkakahiwa-hiwalay na ngunit ang ngiti
ay nananatili sa aking mga labi.

Sa aming pagtatapos,
Ligaya’y sana’y hindi maubos
Bagkus manatili pag-ibig na dulot
Ng pag-kakaibigang magkakasama sa ligaya’t hirap.

Sa aking buhay maraming pangyayaring
Hindi inaasahan,ngunit hindi ko sinusukuan
Dahil sa aking pamilya at sa Diyos na makapangyarihan
Na nagbigay sa atin ng buhay na walang hanggan.

Sa aking mga kaibigan, sana’y nagustuhan niyo
Ang tula ng buhay ko,
Ito’y inaalay ko sa inyo
Buhay ng isang tunay na Pilipino.


Tula Para sa Sarili

Tula ni Juan Ekis

Nasumpungan kita sa harap ng salamin.
Binabagtas ng iyong dalumat ang bawat bakat,
bawat lamat at pilat ng tatlong dekadang paghahanap
sa balon ng buhay na walanghanggan,
na nakatato sa iyong noo, sa iyong pisngi, sa iyong mukhang
tinatabingan ng iyong buhok na pinahaba upang matakpan
ang iyong mga kasalanan.

Kay tagal nating hindi nagkita bagamat lagi tayong magkasama.
Hindi madalas ang pagsisiyasat natin ng haraya
ng isa’t isa. Ngayo’y tinititigan mo ako na puno ng pag-aakusa
sa walang pakundangan kong pagpikit at pagbubulag-bulagan
tuwing tinatawag ang ating pansin ng mga salaming ating nadaraanan.
Ano ba’ng dapat kong ikatakot, iyong pinagtataka. Bakit ganoon na lamang
ang aking panghihilakbot na lumaot sa karagatan ng salamin?
Ano’ng mga halimaw at bakulaw ba ang hinahaka kong nag-aabang
sa mga alon? Ano’ng multo, ano’ng maligno ang hinihinala kong nagtatago
sa dalampasigan ng mga basag na liwanag? Hindi ba’t ipinagkakait ko sa iyo
ang kalayaang sakupin ang aking daigdig sa pag-iwas
kong sumulyap sa iyong mga mata?

Nasumpungan kita sa harap ng salamin na iyong bintana
sa aking haraya, at aking bintana sa iyo. Napadaan ako para mangamusta
at basahan ka ng ilang mga tulang ninakaw ko mula sa ating pagkabata.
Alam kong uhaw ka na sa mga talinghaga bagamat lagi kang basa
ng liwanag sa karagatan ng repleksiyong basag-basag. Tinanong mo ako
kung ako’y takot pa ring makipagpalitan sa iyo ng pwesto
ngunit ang tugon ko’y isang duwag na “lagi naman kitang kasama
saan man ako tumungo.”

Ang sabi mo’y ang mga bakat, lamat, at pilat ay di iyo kundi akin,
at ako ang uhaw, hindi ikaw, dahil lagi kang basa ng alaala’t pangarap.
Hindi iyo ang sinisiyasat kundi ang mga sarili kong guhit
ng edad, mga titik sa noo kong sumisigaw ng mga tayutay
na hindi ko ginagapos sa dahil sa takot, mga talinghagang hindi
ko hinahaplos upang magbagong-anyo at lumapat sa kaluluwa
kong pagal sa kaiiwas na magtampisaw sa iyong dalampasigan.

Hindi kita nasumpungan, kundi sinadya. Narito ako para mangumpisal
sa likod ng tingin mong mapanghusga. Narito ako para magpasintensiya
at sa wakas ay angkinin ang mga kasalanang pilit
mong tinatakluban ng pinahaba mong mga alaala.
Sinadya kita sa salaming bintana natin sa kaluluwa ng isa’t isa
dala-dala ang mga bangkay ng mga tulang aking pinaslang
habang hindi pa sila isinisilang—balot ng buntung-hininga’t panghihinayang.
Ilalatag ko ang mga ito sa iyong harapan, sa walang-katapusang daang binuksan
ng pakikipagtitigan ng ating mga mata sa basag na liwanag
at pahuhugasan ang mga walang buhay nilang basal na anyubog
sa paro’t paritong mga alon ng mga hinarayang liwanag.
Ibinabalik ko na sila sa iyong laot sa likod ng salaming bintana
at ngayo’y tatanggapin ang panghuhusga ng iyong mga mata.

Sa pag-alis ko’y hinihintay ko ang iyong pag-abswelto.
Ika’y ngumiti at ako’y inayang muling makipagpalitan sa iyo ng pwesto.
Palasap naman ng hangin ng Laguna, ng hampas at sampal ng malamig na awit
ng mga ulap na sinasabayan ng indayog ng mga punong kahoy. Patikim naman
ng mga tulang may amoy, may porma, may lasa. Nais mong maintindihan ang metapora
ng natutunaw na chicharong bulaklak sa iyong dila habang naka-marijuana
ang iyong konsiyensiya. Parinig naman ng panaginip ng buwan, ng bangungot ng araw,
ng mga ninakaw na alaala ng kapre’t tikbalang. Paamoy naman ng pawis sa singit ng birheng
tanaga, ng sangsang ng hininga ng bagong-silang na dalit, ng samyo ng bagong-paslang
na malayang taludturan. Alok mo sa aki’y pagpapatawad kapalit ang mga ito.

Nasumpungan kita sa harap ng salamin.
Iminumuwestra mo sa aking mukha ang simbolo ng krus ng pagpapatawad,
habang dumudura ka ng berso ng kapatawaran.
Lumuluha ako ng duguang berso sa pagsisisi sa aking karuwagan
habang inaanod sa iyong dalampasigan ang mga bangkay ng tula
patungo sa walang-katiyakan. Handa na akong makipagtagisan ng lakas at talino
sa anumang multo o maligno na nakatago sa ilalim ng mga dayandang
sa iyong ibayo. Handa na akong sumiping sa sinumang bakulaw o halimaw
na nagkukubli sa iyong dalampasigan.

Hindi ko babasagin ang bintanang salamin, at hindi ko mamasamain
kung paminsan-minsan ay lilimutin mong tumingin kapag tinatawag ko
ang iyong pansin. Lasapin mo ang daigdig na matagal nang dapat ay iyo;
na ngayon mo lamang tinutuklas dahil sa karuwagan ko,
ako ngayo’y lalangoy sa laot kasama ang mga naagnas kong tula
at paminsan-minsa’y mag-aabang sa salaming bintana ng ating mga kaluluwa
para sa mga pasalubong mong mga tula ng iyong panunuklas
sa balon ng buhay na walang hanggan na susuklian ko
ng mga awit ng aking panghaharaya’t pagtatangkang tumakas.

39 Shares
Share via
Copy link