Tula Tungkol sa Kaibigan (10 Tula)

Isa sa pinaka-masayang bahagi ng buhay ay ang pagkakaroon ng kaibigan. Yung sa hirap at saya, kalokohan at tawanan ay lagi mo siyang kasama. Maraming ala-ala ang nabubuo tuwing kasama natin ang ating kaibigan at sa tuwing may nakikilala tayong mga bagong kaibigan. Bagaman may kaibigang panandalian lamang natin kung makilala, nag-iiwan naman sila ng mga di malilimutang ala-ala na hanggang sa iyong pagtanda ay iyong dala-dala. Pinagpala ka namang maituturing kung hanggang sa pagtanda ay kasa-kasama mo pa rin ang iyong kaibigang matalik. Tunay ngang ang mga kaibigan ay kaloob ng Panginoon sa atin.

Samantala, ang mga tula tungkol sa kaibigan na inyong matutunghayan ay hango sa mga tunay na karanasan ng mga manunulat. May masasaya at mayroon din namang malulungkot na tema kayong mababa rito. Gayunpaman, ang mga aral na maaari ninyong mapulot sa pagbabasa ng mga tulang ito ay huwag nawang masayang. Pahalagahan natin ang ating mga kaibigan dahil mahirap ang makahanap ng mga katulad nila.

Ang kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon, at sa oras ng kagipita’y kapatid na tumutulong. —Kawikaan 17:17 (Magandang Balita Biblia)

SEE ALSO: Tula Tungkol sa Pamilya

Halimbawa ng mga Tula tungkol sa Kaibigan

Tunay na Kaibigan
Ang aking Kaibigan
Ang Nakalimot na Kaibigan
Kaibigang Tunay
Para sa Matalik kong Kaibigan
Matalik na Kaibigan
Sana Kaibigan
KAIB-IGAN
Barkada
Tula Para sa Tropa (Graduation Poem)


Tunay na Kaibigan

Tula ni Semidoppel

Sa dinami-rami ng tao sa mundo
Mahirap makahanap ng kaibigang totoo
Sa walong bilyon na nabubuhay na tao
Saan makakahanap ng tunay na katoto

Marami diyan akala mo ay kaibigang tunay
Nung lumaon malalaman mo may iba palang pakay
Personal na dahilan ang kanyang mithiin
Mag-ingat ka baka ika’y kanya lamang gagamitin.

Meron din naman akala mo’y kakampi
Siya ay kakampi kapag ika’y may katunggali
Pero wag ka sanang minsan ay magkamali
Baka isang araw wala na sa iyong tabi

Mag-ingat din tayo sa mga mapagkunwari
Kapag kaharap ka’y maganda ang sinasabi
Pero kapag nakatalikod ka sa ganitong uri ng tao
Sa likod mo ay kahol ng kahol na parang aso

Anu nga ba sa tingin ko ang tunay na kaibigan
Tingin ko madali lang natin iyan malalaman kaibigan
Tunay na kaibigan, laging nariyan
Sa oras ng ligaya o kalungkutan man.

Siyang kaibigan na hindi kailanman aalis
Magpapahid ng luha, aalisin ang iyong dungis
Sa iyong kahinaan ay sandigan ng lakas
Kasama mo sa problema hanggang ito ay malutas.

Ang isang kaibigan ay malawak ang tanaw
Suporta ay nariyan, laging nag-uumapaw
Gagabayan ka at hindi pababayaan
Ikaw ay aakayin, kasama mong tutungo sa paroroonan

Siyang kaibigan na hindi ka kukunsintihin
Kapag katangahan na ang iyong gawain
Tatapikin ka sa balikat upang iyong alalahanin
Hoy Tol! Gumising ka buhay mo ay wag sirain

Ito sa tingin ko ay ilan lamang na aspeto
Para malaman kung ang kaibigan ay totoo
Siyang kaibigan kung kailangan ay lilitaw
Hindi tulad ng anino na nariyan lang kapag may araw.


Ang aking Kaibigan

Tula ni Erika Ivy Cruz

Ang aking mga kaibigan
Ay lagi kong maaasahan
Kasama ko kahit saan
Nagdadala ng kasiyahan.

Kapag ako ay may problema
Silay ay lagi kong kasama
Tulong nila’y lagi kong dama
Pagdamay ay laging kasama.

Tanggap naming ang bawat isa
Kahit walang laman ang bulsa
Sa bawat isa ay umaasa
Pag-susulit ay lagging pasa.

Ang ugali man ay iba-iba
Kami’y komportable, walang kaba
Estado’y mataas o mababa
Kami’y walang pag-kakaiba.

Kanya-kanya man ng minamahal
Magkakasama sa pagpasyal
Kahit kami’y hindi sosyal
Ang bawat isa’y aming mahal.


Ang Nakalimot na Kaibigan

Ang tulang ito ay mula sa hellopoetry.com

Dati, may isa akong matalik na kaibigan,
Mabait s’ya at siguradong maasahan.
Halos ng bagay aming napagkakasunduan.
At alam kong ‘di n’ya ako iniiwan.

Ngunit may kakaibang nangyari,
Pinagpalit n’ya ako sa isang lalaki.
Lalaking nagpatibok ng kanyang puso,
Kaya’t ang sarili ko’y dinistansya ko.

Nagkaroon ng lamat ang aming pagkakaibigan
Madalas na kaming hindi nagpapansinan,
At madalas na rin kaming hindi nagkakaintindihan.
Anong nangyari sa amin? Anong nangyari sa’king kaibigan?

Siya’y masaya na sa kanyang kasintahan,
Habang ako’y tuluyan na n’yang iniwanan.
Nagpagpasyahan kong s’ya rin ay kalimutan,
At sa listahan ng aking kaibigan siya’y aking inekisan.

Sinanay ko ang aking sarili,
Sinanay kong wala na s’ya sa buhay ko.
Sinanay kong wala na s’ya sa sistema ko.
Sinanay ko kasi alam kong mas makakabuti ito.

Maaaring kilala ko s’ya sa pangalan,
Pero ibang-iba na ang kanyang katauhan.
Kaya kayo, pumili kayo ng maaasahang kaibigan,
‘Yung hindi kayo makakalimutan kailanman.


Kaibigang Tunay

Ang tulang ito ay mula sa pinoyedition.com

Tanggapin mo ito,
Aking kaibigan;
Ito ang damay ko
Sa ‘yong kalungkutan.

Di ito Salapi,
Hindi kagamitan;
Ito’y aking mithi
Na ikaw’y damayan.

Sa iyong pagluha,
Ako’y naninimdim;
Iyong pagdurusa
Nais kong angkinin.

Kaya, kaibigan,
Ito’y tanggapin mo –
Tapat na pagdamay
Ng abang puso ko.


Para sa Matalik kong Kaibigan

Tula ni Quenie Q. Claro

Tandang tanda ko pa
Tayo’y mga bata pa
Parating nagaaway
Sa mga simpleng bagay.

Hindi ko sukat akalain
Ika’y aking kakaibiganin
Noo’y aking kaaway
Ngayong kaibigang tunay.

Sa araw araw na magkakasama
Buti di tayo nagsasawa
Napagkakamalan pa nga minsan
Tayo daw ay magpinsan.

Hindi kita makakalimutan
Matalik kong kaibigan
Masaya akong ika’y nakilala
Sana ito’y panghabang buhay na.

Simpleng pasasalamat sayo
Ang tula na ito
Sana magustuhan mo
Ang ginawa ko.


Matalik na Kaibigan

Ang tulang ito ay mula sa croatoan09.blogspot.com 

Isang gabi ng kasiyahan
sa kaarawan ng isang kaibigan
ika’y naroon at aking nasilayan
at tayo’y nag-usap at nagkulitan

di nga nagtagal tayo’y naging magkaibigan
may samahan na tunay at hindi nag-iiwanan
sa dami ng mga problemang pinagdaanan
alam natin na pinagtitibay lang nito ang ating samahan

Sana samahan natin ay huwag mag-iba
dahil walang sino man sa atin ang makagigiba
kahit na tayong dalawa ay pawang magkaiba
ito’y isang paraan para punan ang kulang ng isa

ilang taon na ngayon ang lumipas
ang pagkakaibigan ay hindi pa din kupas
tanda lang ito na kahit man ang oras
ay hindi pwede humadlang sa samahang wagas.


Sana Kaibigan

Tula ni Maricel A. Dimaala

Naaalala mo ba?
Noong tayo’y unang nagkita
Kung saan ang isa’t isa ay di pa kilala
At ni isang simpleng ngiti ay di magawa.

Tingnan mo ngayon
Tayo’y sadyang kay saya
Aakalain mo bang tayo’y magiging magkaibigan pala?
Kaya’t maraming salamat at nakilala kita.

Tara at tayo’y alalahaninmga sandaling tayo’y magkasama
Mga araw ng lungkot at ligaya
Mga oras ng hindi pagkakasundo
Mga panahong tayo’y sadyang kay gugulo.

Sana’y hindi malilimutan
Ang ating pinagsamahan
Ito’y ating itago at pagyamanin
At minsan pa’y sabihing ika’y mahalaga sa akin.

Ito ang aking pangako
Na pinagsamahan nati’y hindi maglalaho
Mananatili ka sa puso
Panahon man ay magbago.

At iyo ring pahaalalahaning
Kung ika’y mayroong suliranin
Huwag mahihiyang lumapit sa akin
Ikaw ay tutuylungan at hindi bibiguin.

Bukas ay panibagong hamong ating haharapin
Bagong mga taong ating kikilalanin
Karagdagang kaalaman para sa tagumpay na nais kamtin
Ngunit huwag mong kalimutan na patu;oy akong alalahanin.

Ngayon tayo’y lilisan na sa lugar kung saan tayo’y nagkakilala
Ngunit huwag mangangamba alala’y di mawawala
Paligid lang ang nag-iiba
Subalit sa puso ko’y laging mananatili ka.


KAIB-IGAN

Ang tulang ito ay mula sa mywap.ph 

Mula pa nuong tayo ay bata
Lage na tayong magkasama
Kaya ang magkalayo tayo ay di ko inakala
Sadyang mapaglaro talaga ang tadhana.

Kay lupet ng ating pagdadamayan
Sa pagbagsak ko ikay sinasandalan
Dahil di ka lang naging isang tunay na kaibigan
Kundi ay higit pa sa kapatid at minsa’y naging aking magulang.

Nagkaroon man ako ng bagong pamilya
Sa isip ko lagi kang gunita
Dahil kahit saan mang daku tayo magpunta
Dito sa puso ko ay laging andito ka.

Sa aki’y wala ka nang dapat pang patunayan
Dahil alam ko kahit noon pa man
Para sa aking kapakanan
Handa mong suongin pati kamatayan

Kaya eto nalang at aking tinatangis
Ang tindi ng aking pagkamiss
Kung wala ka may iniisip kong andito ka
Dahil ang makapiling ka’y lubos ko ligaya.

Kung sa kaibigan man ay mamimili ako
Alam mo namang ikaw ang pipiliin ko
Dahil ‘ika nga ni Dan Seal na aking idolo
“if i had only one friend left, i want it to be you.”


Barkada

Ang tulang ito ay mula sa Facebook.com 

Mga kaibigang lagi kong kasama
pati magulang nami’y magkakilala
barkadang layunin ay hindi masama
pag-aaral ay ‘di binabalewala

tunay nga na sila’y aking kaibigan
sa saya at lungkot ay nagdadamayan
ni isa sa amin ay ‘di iniiwan
anong trip ng isa na trip na rin namin ‘yan

di maiiwasan ang mga tampuhan
ngunit inaayos di pinabayaan
may pa handshake-handshake pa kaming nalalaman
simbolo ng aming pagkakaibigan

mga alaala ng lagi naming dala
saan man kami dadalhin ni bathala
balang araw muli kaming magkikita
magsasaya gaya noong kami ay bata.


Tula Para sa Tropa (Graduation Poem)

Ang tulang ito ay mula sa mahiwagangisip.wordpress.com 

Ang High School sa akin ang pinakamasaya,
Dahil mga tunay na kaibigan, dito ko nakilala.
Sinamahan n’yo ako sa saya man o problema,
Hanggang sa huli nating pagsasama.

Tinuruan nyo ako ng mga bagay na dati’y di ko kaya,
Kaya ngayon mas gumaling akong magDotA.
At lalong tinuruan n’yo ako mga tropa,
Na sarili ko’y mas lalong makilala.

Tinuruan n’yo akong maging makapal ang muka.
Sa harap n’yo yata, lahat na ay aking nagawa.
Mag-imba face, pati na sa harap niyo ay mangulangot.
Kaya mga tropa tinuruan n’yo akong huwag matakot.

High School life man nati’y may wakas,
Saya naman nati’y mananatiling wagas.
Hindi pa dito natatapos ang ating pagsasama.
Dahil habangbuhay, kayo ay aking TROPA.

303 Shares
Share via
Copy link