Mga Sanaysay Tungkol sa Wika (15 Sanaysay)

Tuwing Agosto ay ipinagdiriwang ang “Buwan ng Wika” sa buong Pilipinas. Aming kinalap at pinagsama-sama ang ilan sa mga halimbawa ng sanaysay tungkol sa wika na maaring makatulong sa ating lahat upang mas lalo pang mahalin at pahalagahan ang ating wika. Mayroong mga halimbawa ng pormal at di-pormal na uri ng sanaysay na nakapaloob dito. Hangad namin na makatulong sa inyo ang koleksyong ito.

Maligayang pagbabasa!

SEE ALSO: Mga Tula Tungkol sa Wikang Filipino

Mga Halimbawa ng Sanaysay Tungkol sa Wika


Kahalagahan ng Wikang Filipino

Akda ni J galing sa sanaysay-filipino.blogspot.com

Malinaw na ang wika ay isang mahalagang kasangkapan na ginagamit upang maiparating ang mga nasasaloob na ideya at damdamin ng isang tao. Hindi lamang ito isang paraan ng pakikipag-usap niya sa kapwa kundi ginagamit din niya upang makipagkaibigan, makipagtalakayan at maibahagi ang kanyang iba’t ibang opinyon at kaisipan. Sa buong kasaysayan, maraming mga bagay, sitwasyon at pangyayari na tumutukoy sa kahalagahan ng wika sa mga tao, sa kanyang kapaligiran at higit lalo na sa kanyang bansa.

Ang wika ay hindi lamang kumakatawan sa isang tao. Ito ay hindi lamang isang sasakyan para sa pagpapahayag ng mga sariling saloobin, opinyon, mga personal na obserbasyon at halaga ng kanyang mga katangian bagkus ay isang sisidlan na siyang nagpapahayag ng mga aspeto ng isang komunidad o bansa. Ang wika ay kumakatawan din sa pangunahing pagpaparating sa iba ng panlipunang pagkakakilanlan. Sa maikling salita, ang wika ay tumutulong na mapanatili ang mga damdamin ng kultura, sining at pagkabansa ng isang bayan.

Ang wikang Filipino, na siyang pambansang wika sa Pilipinas ay ang wikang ginagamit sa lahat ng sulok ng bansa. Ito ang nagsisilbing sinturon upang maitali ang mga mamamayan upang maging isa sila sa kanilang mga diwa, pangarap at kalsadang tinutugpa. Mahirap na isipin kung walang sariling wika na magiging daan upang magkabuklod-buklod ang mga hiwa-hiwalay na isla ng Pilipinas. Maaaring magdulot ito ng mga kaguluhan at hindi pagkakaunawaan.

Kahit na sa anumang anyo, sa pamamagitan man ng pagsusulat o pagsasalita, ang wika ang pinakamabisang paraan upang maihatid ang mga kaisipan at mapanatili sa madaling hakbang ang kasaysayan at mga tala ng mga sinaunang Pilipino. Sa ganitong pagkakataon, malalaman ng mga kasalukuyang mamamayan ang mga hakbangin na ginawa noong una upang maituloy ito sa mabuting paraan at maiwasan ang mga hindi magagandang pangyayari noon. Ito ang ilaw na magiging tanglaw ng mga Filipino upang mapabuti pa ang mga gawain. Ito rin ang magsisilbing lakas upang maisakatuparan ang mga naudlot na pangarap noong simula pa.

Sa paglipas ng panahon, mapatutunayan na ang wika ang siyang pinakamahalagang sandata upang maiparating ng isang bansa sa kanyang mga mamamayan ang mga pangyayari, kasaysayan at bahagi ng ekonomiya nito. Gayundin naman na ang wika ang siyang sentro ng mga mamamayan upang maihugos sa kanilang pamahalaan ang kanilang mga hinaing.

Naipadarama ng isang tao sa pamamagitan ng kanyang sariling wika ang kasidhian ng kanyang damdamin, ang lalim ng kanyang pagkatao, ang katangian ng kanyang ginagalawang kapaligiran, ang lawak ng kanyang kultura at sining, ang kabihasaan niya sa anumang larangan at ang katotohanan ng kanyang pag-iral. Sa kabuuan, ang wika ang nagsisilbing kaparaanan upang maging isang ganap na tao ang isang tao at maging isang ganap na bansa ang isang bansa.


Sanaysay Tungkol Sa Wikang Mapagbago

Galing sa liryko.blogspot.com

Ang Wikang Filipino ay isa sa mga kayamanang ating natanggap mula pa sa ating mga ninuno. Ito ang nagsisilbing instrumento para sa pambansang pagkaka unawaan at tulay sa magandang ugnayan. Bilang isang mamamayan ng bansang Pilipinas at matatag na Pilipino ang ating sariling wika ay regalong dapat pakaingatan para na rin sa mga susunod pang mga henerasyon. Ugaliin itong gamitin at ipagmalaki saan man tayo makarating. Laging pakatandaan na ang wika ang sumisimbolo sa ating pagka Pilipino.Ano ba ang napapansin mo sa ating sariling wika? marami na bang mga nagbago? ano ba ng naidudulot sayo ng ating wikang Filipino? Ang pagbabago ay kailanman hindi natin maiiwasan bagkus gamitin itong tama na magdudulot ng positibong resulta.

Mapapansin natin sa ating kapaligaran na bawat araw ay napakaraming mga pagbabagong nagaganap maging sa ating mga sarili merong mga pagbabagong nangyayari. Ang pagbabago ay hindi masamang bagay marahil minsan ito ay nagdudulot ng masamang resulta pero kadalasan naman ay maganda ang kinalalabasan.Kagaya ng ating sariling wika and wikang Filipino ito ay sinasabing wikang mapagbago na kung saan maraming mga magagandang naidudulot sa bawat isa sa atin kagaya na lamang ng mas nauunawaan natin ang ating mga kausap at mas naipapahayag nating mabuti ang ating mga nararamdaman at gustong sabihin sa ating kapwa. Iilan lamang yan sa mga mabuting epekto ng palaging pagamit ng ating wika.

Laging ugaliing gamitin ang ating wika sa magagandang bagay at huwag itong abusin. Dahilan na rin ng mabilis na paglipas ng panahon marami ng mga pagbabagong naganap sa wikang Filipino kagaya ng mga nadagdag na mga salita at mga salitang hango sa wikang Ingles. Ang wika ay isa sa napakahalang aspeto upang maging maunlad ang isang bansa at ito ang siyang sumisimbolo sa ating pagkakakilanlan. Gamitin ito ng wasto at tama at mahalin para na rin sa bawat isa sa ating mga Pilipino.


Filipino: Wika ng Karunungan

Akda nina Ricalyn Bitancor, Allana Marie Galeos, Trisha Amor Canadalla, Jessel Mae Hortel, Narel Bonotan, Apple Jane Anta, Justin Eleda, at Almie Jane Romanillos galing sa filipinowikangkarunungan.blogspot.com

Bakit nga ba ginagamit natin ang Wikang Filipino? Bakit nga ba ito ang ugat ng karunungan nating mga Pilipino ? Sa sanaysay na ito malalaman natin ang gamit at importansya nito sa ating mga Pilipino.

Ang Filipino, ang pambansang wika ng Pilipinas, ginagamit natin ito sa pagkakaroon ng mabisang komunikasyon sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Napakahalaga ng wikang ito sapagkat ito ang pinakapangunahing instrumento nating mga Pilipino na maipahayag ang ating damdamin, saloobin, kaisipan, opinyon at iba pa. Ang pagkatuto ng Wikang Filipino ay isa rin sa instrumento upang tayo ay magkaintindihan at makakalap ng mga impormasyon tungo sa maunlad na pagkakaisa.

Hindi lahat ng Pilipino ay may kakayahang gamitin ito sa mas malalim na paraan pero maaari pa rin nating makasalamuha ang ating kapwa Pilipino dahil tayo ay nasa modernong panahon, marami nang teknolohiya tulad ng telebisyon, radyo at mga social networking sites na maaaring maging instrumento para sa mas madaliang pag-unawa sa wikang ito.

Hindi tayo makakatuklas at makakagamit ng ibang wika hanggang sa hindi natin lubusang tatanggapin ang sariling wika natin. Ang pagiging marunong sa Wikang Filipino ay hindi lamang para sa ating komunikasyon kundi para rin sa ating ekonomiya. Alam nating lahat na maraming turista sa ibang bansa ang pumupunta sa Pilipinas para makita kung gaano kaganda ang ating bansa. Marami tayong nakukuhang kaalaman sa kanila lalong-lalo na sa kanilang wika. Gayundin tayo, natuturuan rin natin sila ng mga salita na isinalin sa Wikang Filipino at dahil dito mas pinapatibay pa natin ang ating komunikasyon at relasyon sa kanila at higit sa lahat naibabahagi natin ang ating kaalaman na nagbigay naman sa kanila ng karunungan sa paggamit nito para sa mabisang komunikasyon.

Higit sa lahat, ginagamit natin ang wikang ito upang maipakita natin sa iba na tayo ay Pillipino at tayo ay taas noo’ng pinagsisigawan na tayo ay mamamayan ng bansang sinilangan. Ito ang nagpapaalala sa atin na sa kabila ng imperyalismo ng ibang bansa sa panahon ng kanilang pananakop ay nanatili tayong tapat sa ating bansa hanggang sa nakamit natin ang ating kalayaan. Ito rin ang nagpapaalala sa atin na dapat nating respetuhin ang mga bayani ng bansa noong unang panahon na nag buwis ng kanilang buhay para sa kalayaan natin. Ang kalayaang gawin ang nararapat sa ating bansa at ang makamit ang karapatang pantao. Wikang naging instrumento sa pagkakaroon ng magandang edukasyon at mabisang komunikasyon. Wikang sumisimbolo sa ating pagka-Pilipino. Wikang nagpapaunlad sa ating ekonomiya. Ang Wikang Pambansa. Ito ang Wikang Filipino.


Sanaysay Tungkol sa Wika

Galing sa sanaysay-filipino.blogspot.com

Wika ang pinakamagandang regalo ng Maykapal sa kanyang mga nilalang. Ito ang tanging kasangkapan ng tao sa pakikipag-ugnayan niya sa kapwa, sa asosasyon, sa institusyon at maging sa dakilang Bathala. Malaki ang nagagawa ng wika sa pagkakaroon ng magandang unawaan, ugnayan at mabuting pagsasamahan.

Kung wala ang wika, paano kaya magkakaintindihan ang mamamayan, paano kaya mapabibilis ang pagsulong ng kaunlaran at paano kaya mapalalapit ang tao sa isa’t isa? Sa bawat isang tanong at marami pang kasunod na katanungan, hindi sapat ang senyas, drowing, ang kulay, ang krokis, ang ingay o anumang paraang maaaring likhain ng tao upang matugunan ang lahat ng mga katanungan. Sa lahat ng ito, kailangan ng tao ang wika.

Kahit na anumang anyo , pasulat o pasalita, hiram o orihinal, banyaga o katutubo, wika ang pinakamabisang sangkap sa paghahatid ng diwa at kaisipan at sa pagpapanatili sa madali o mahabang panahon ng mga naliko na tala, pangkasaysayan o pampanitikan, pampolitika at panlipunan, pansimbahan o pangkabuhayan at maging sa larangan ng siyensya o ng iba pang displina. Maging ang kultura ng isang panahon, pook o bansa ay muling naipahayag sa pamamagitan ng wika.

Naipadarama ng wika ang sidhi ng damdamin, ang lalim ng lungkot, ang lawak ng galak, ang kahalagahan ng katwiran, ang kabutihan ng layunin, ang nakapaloob na katotohanan sa isang intension, ang kaibuturan ng pasasalamat at paghanga at ng iba pang nais na iparating ng sinuman.

Wika pa rin ang pinakamahalagang sangkap sa anumang paraan ng mabisang pakikipagtalastasan at komunikasyon.


Isang Pasasalamat sa Wikang Filipino

Akda ni Rose Vida Ann B. Arocha galing sa markjan-markjan.blogspot.com

Ang wika ang maituturing na pinakamabisang kasangkapan sa ating pakikipag-komunikasyon sa ating kapwa. Ang wika, pasalita man o pasulat ay magiging sandata natin sa ating pakikihamok sa mga hamon ng buhay. Ang wika ay binubuo ng mga titik at simbulo na kapag pinagsama-sama ay maipapahayag natin ang mga nararamdaman natin sa ating pamilya, kaibigan, o kung sino pa man na kakilala natin.

Ang Pilipinas, bagamat isang archipelago, na binubuo ng 7,107 na mga pulo na mayroong iba’t-ibang diyalekto ay nagkakaroon ng pagkakaunawaan sa pamamagitan ng paggamit ng iisang wika, ang wikang Filipino! Kaya naman kahit may iba’t-ibang kultura, relihiyon at paniniwala sa bawat panig ng Pilipinas, nagkakaisa parin ang bawat mamamayan ng ating bansa sa paggamit ng wikang Filipino.

Sa ating nagbabagong estilo ng mundo ngayon, kung saan masasabi na ang mga bagay ay nagiging “high-technology” na, dapat pa rin nating isaisip ang pagpapahalaga sa ating sariling wika. Oo nga at tama sa ang Ingles ang “Universal Language” at siyang dahilan upang mas masaliksik pa natin at mas maipahayag ang nararamdaman natin sa mga hindi natin kalahi o mga dayuhan. Ngunit hindi ito sapat na dahilan upang ipagwalang bahala na lamang natin ang wikang Filipino. Hindi ba’t bago tayo matuto ng wikang Ingles ay wikang Filipino muna ang una nating natutunan? Na bago pa man tayo makihalubilo sa ibang tao sa loob at labas ng ating bansa ay wikang Filipino ang una nating pinagpakadalubhasaan upang magamit natin sa ating pakikipagkapwa? Kaya huwag naman sana na sa pagbago ng pagdaloy ng panahon ay mabago narin ang ating pananaw sa pagpapahalaga sa paggamit ng wikang Filipino.

Ngunit nakakalungkot man na isipin, marami sa atin lalo na sa mga kabataang kagaya ko ang siya pang lumalapastangan sa ating wika. Kaya naman humihingi ako ng kapatawaran sa ating pambansang bayani na minsang nagwika na, “Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda.” Kasabay ng pag-unlad ng mundo ang pag-usbong ng ng mga hindi pormal na salita, katulad ng wika na sa lansangan o kalye ma lamang maririnig. Isama mo pa riyan ang mga nauuso naring salita ngayon na ginagamit ang mga salita ng mga nasa ika’tlong kasarian o mga bading, ang “Gay Lingo”. Halimbawa ng mga salita na ito ang “gora mama!” na ang ibig sabihin ay “tara na!” at “echos” na ang ibig sabihin ay “biro lamang!”. Hindi ba’t bukod sa hindi magandang pakinggan ang mga salitang ito ay nagpapakilala din ito kung ng anong klaseng mga tao na ang mayroon sa Pilipinas. Mga mamamayan na imbes na igalang ang sariling wika ay siya pa ang lumalapastangan dito. Ano nga ba ang siyang masasabi nating dahilan kung bakit ang mga Pilipino ay ipinagbabawalang bahala ang maayos na paggamit ng wikang Filipino? Base sa aking obserbasyon, ang masasabi kong isa sa mga dahilan kung bakit hindi nabibigyan ng karampatang pagpapahalaga ang ating wika ay dahil sa pagkakauso ng “Short Message Service” o mas kilala sa tawag na “text”. Isipin ninyo ito, bilang kabataan na mahilig mag-text, mas kaaya-aya para sa akin kung wikang Ingles na paikliin ang aking gagamitin dahil unang-una sa lahat mas matipid ito sa espasyo at mas mabilis gawin. Sa pagtetext din mas laging naaabuso ang wikang Filipino kung saan ang mga kabataan ay laging mga balbal na salita ang ginagamit sa pakikipagkomunikasyon. Ang isa pa sa nakikita kong dahilan ay ang paniniwala ng mga kabataan ngayon na mas “in” ang paggamit ng wikang Ingles. Na mas angat ka sa lipunan kung lagging wikang Ingles ang Iyong gagamitin, kahit “english carabao” iyan!

Sana lamang ay tandaan natin ito, taga Pilipinas tayo, tayo ay mga Pilipino! Kung hindi natin gagamitin, pagyayamanin at pahahalagahan ang sarili nating wika, sino pa ang magpapahalaga dito? Wala ba tayong utang na loob sa sarili nating wika na pagkatapos nating gamitin sa loob ng ating mga tahanan ay siya na lamang natin babalewalain dahil sa pagbabago ng panahon? Huwag naman din sana natin hayaang mawalan ng saysay ang pagpupursigi ng dati nating pangulo na si Manuel Quezon nag awing Pambansang wika ang Filipino. Isa lamang itong paalala, “Wika mo. Wikang Filipino. Wika ng Mundo. Mahalaga!”


Wika mo. Wikang Filipino. Wika ng Mundo. Mahalaga

Akda ni Jasmin V. Montalbo galing sa markjan-markjan.blogspot.com

Wika. Ano nga ba ang Wika? Ano ba ang kahalagahan nito sa atin? At sa mundong ginagalawan natin? Ano kaya ang mangyayari kung wala tayong wika, Mailalarawan pa kaya natin ang kagandahan ng paligid at maipapakita pa ba natin ang ating galit at nararamdaman?

Ang Wika bagaman maikling salita subalit ang kahulugan at katangian ay napakalawak at napakalalim. Ang kakayahahan nito’y makakapagpapaunlad ng isang tao at bansa, ngunit may kakayahan din itong magwasak kung mali at hindi angkop ang paggamit. Magagawa nitong pagbuklurin at pagsamahin ang isang bansa ay lahing nasa gitna ng sigalot at kaguluhan. Ngunit gaano nga ba natin kakilala at kamahal ang ating sariling wika? Hanggang saan nga ba natin ito kayang ipaglaban?

Ang Pilipinas ay napakapalad, sapagkat nabubuklod tayo ng ating wikang Filipino. Bagaman iba’t iba ang bigkas at punto na inilalapat natin sa ating wika. Hindi maitatangging nalangkapan natin ito ng kakaibang himig. Ang bawat bagsak ng tunog nito ay may kahali-halinang hatid sa ating puso. Nagkaroon tayo ng kasarinlan at kapayapaan dahil sa ating wika. Subalit sa paglaon ng panahon, katulad ng buhangin sa dagat, natatangay tayo ng alon ng pagbabago. Nagpatianod tayo sa pag-unlad ng teknolohiya at siyensya. Sumabay tayo sa mabilis at hindi mapigil na kolonyalismo. Binigyan natin ng mataas na pagkilala ang mga wikang kanluranin at mabilis na pagkadalubhasa dito.

Subalit labis nating nakalimutan ang ating pambansang wika, mas minatamis nating magsalita ng ingles sa pagkakataong maaari naman tayong magtagalog. Hindi ako tumututol, ikinararangal ko na tayong mga Pilipino ay may angking kagalingan sa pagbigkas ng ibang wika. Ngunit nais kong ipabatid na hindi masamang umunlad at sumabay sa yumayabong na kasaysayan. Pero hindi ba’t masarap na habang nagtatagumpay tayo, ang ipinabandila natin ay ang sarili nating wika. Hindi ba masarap na nakikilala tayong mga Pilipino hindi lang sa talento kundi maging sa kultura?

Huwag nating kalimutanang sinabi ng anting pambansang bayani, “Ang hindi magmahal sa sariling wika ay masahol pa sa malansang isda.” Taglayin natin ang pagmamahal at pagpapahalaga sa sarili nating wika, dail ito ang pinakamabisa nating sandata sa ating pagtatagumpay. Ikarangal natin ang ating wika at huwag tayong mapagod na paunlarin at gamitin ito sapagkat ang ating wika ay mahalaga, at ito ang wika ng Mundo, ang wika ng nagpupunyaging Filipino.


Wikang Filipino: Kahapon, Ngayon at Bukas

Akda ni Glorivel H. Glomar galing sa markjan-markjan.blogspot.com

“Ako’y isang Pinoy!” -mga simpleng salita na may malalim na kahulugan kung lubusang sususriin. Paano nga ba natin mapapatunayan an gating tunay na pagmamalaki bilang isang Pilipino? Kung ating titignan, maraming paraan hindi ba? Sybalit ang pinaka mahalaga ay ang paggamit natin n gating sariling wika. Bilang panimula, nais kong itaning kung batid nga ba natin ang kahulugan ng salitang “wika” ? Ano bang wika ang ginagamit mo? Mahalaga ba angwika sa buhay ng bawat tao? Paano ba ito makakatulong sa pag-abot ng magandang bukas na inaasam ko? Marahil ikaw ay napaisip nang malalim o napabuntong hininga, ngunit hayaan mong bigyan ko ng kasagutan ang mga katanungan sa iyong isipan.

Maraming pagkakataon na hindi sapat ang simbolo, galaw, kumpas at iba pa upang maipahayag ang tunay na kahulugan ng isang bagay. Dito pumapasok ang kahalagahan ng wika – ito ang pangunahing midyum upang maipahayag natin an gating saloobin at opinion ayon sa nilalaman ng ating isip at damdamin sa ating kapwa. Ito ang ginagamit natinsa pang-araw-araw partikular na sa komunikasyon. Kung wala ang wika, paano natin mapapanindigan ang ating mga prinsipyo at paniniwala sa buhay? Hindi ba’t napakahalaga ng wika? Tunay nga naman! Sapagkat sa pamamagitan nito magagampanan natin ang isa sa pangunahing tungkulin dito sa mundong ibabaw at ito ay ang magbahagi ng kaalaman.

Bawat bansa sa dito sa mundo ay may kanya-kanyang wika na ginagamit upang matalos ang malawak na pagkakaintindihan ng bawat isa. Kung ang iba ay may salitang Ingles, Niponggo, Mandarin, Spanish at marami pang iba, dito sa Pilipinas, “Wikang Filipino” ang tawag sa pangunahing wika o “mother language” ng bansa. Ang Pilipinas ay binubuo ng Pitong libo at isang daang mga pulo na pawang pinaghihiwalay ng mga malalaking karagatan dito sa ating bansa. Bawat mga mamamayan sa iba’t-ibang dako ng Pilipinas ay mayroon ding sariling wikang kinagisnan. May kanya-kanyang kultura, wika at paniniwala batay sa lahing kinabibilangan. Maraming salita ang ginagamit sa bansa tulad ng mga sumusunod: Pampango, Waray, Visaya, Cebuano, Ilokano, Bikolano at iba pa. Subalit namumukod tangi pa rin na ang WIKANG FILIPINO ang nagsisilbing buklod ng sangkapilipinuhan upang makamit ang kaunlaran at kaayapaan na ating pinapangarap. Ito ang landas tungo sa pagkakaisa. Wikang Filipino ang daan upang ang galit at poot ay maiwaksi sa ating mga puso at tunay na pagmamahalan ang siyang maghari dito. Hindi pa huli ang lahat, maari pa nating simulan ang nararapat Maniwala, Magtiwala at Umaksyon!

Wika mo! Wika ko! Wika natin ay wikang Filipino! Anuman ang lahi mo. Iba man ang kultura at kulay ng balat ko, Ikaw, Ako, Tayo ay tunay na mga Pilipino! Wikang Filipino ay bukod tangi at nag-iisang wikang Filipino maghahatid ng panibagong pag-asa. Saan mang panig ng mundo ako tumungo. Iba’t-ibang lagi man ang aking makahalubilo. Taas noo kong ipagmamalaki na ang dugong nananalaytay sa akin ay dugong Pilipino. Wkang Filipino: Noon, Bukas ay sa darating na Henerasyon. Wikang Filipino, Hanggang kamatayan ay baon.


Wikang Filipino: Wikang panlahat, ilaw at lakas, sa tuwid na landas

Galing sa thefilipinoservant.wordpress.com

Ngayong buwan ng Agosto, ating ginugunita at ipinagdiriwang ang Buwan ng wika bilang pagbibigay ng kahalagahan sa ating wika, ang Filipino at ang kontribusyon nito sa ating mga buhay. Ipinapaalala nito na napaka-importante sa isang bansa na magkaroon ng pambansang wika upang lubos na makilala ang yaman ng ating kultura. Pero ano ba ang kahalagahan ng pagkakaroon ng iisang wika? Paano natin ito maipagmamalaki sa buong mundo ngayong panahon ng globalisasyon? At paano natin ito magagamit upang makamit natin ang pagbabago?

“Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda; kaya ating pagyamaning kusa, gaya ng inang sa atin ay nagpala.” Ito ang tanyag na katagang nagmula sa ating pambansang bayani na si Gat. Jose Rizal na nagbibigay kahalagahan sa wika sa buhay ng isang tao. Isang inspirasyonal na kataga at kapupulutan ng aral tungkol sa pagpapahalaga ng wika. Kahit maraming wikang banyaga ang alam na sabihin ni Rizal, hindi niya tinalikuran ang kanyang bansa at pinalagahan ang wikang Tagalog na isa sa mga parating ginagamit ng mga Pilipino noon.

Ang pagkakaroon ng iisang wika ay nangangahulugang nagkakaisa ang mga mamamayan at nagkakaintindihan ang lahat para sa iisang hangarin. Dahil kung hindi pinahalagahan noon na magkaroon ng pambansang wika ay hindi magkakaintindihan at magulo ang pakikipag-komunikasyon at talastasan. Hindi magiging maayos ang buhay kung iba’t-ibang wikang etniko ang dapat nating kabisaduhin. Kaya noon, pinahalagahan ni dating Pangulong Manuel Quezon na magkaroon ng iisang lengwahe upang magkaisa at maipakita sa buong mundo na kung may iisang wika na ginagamit ang isang bansa, nagkakaisa sa iisang hangarin ang mga tao nito. Kaya itinanghal nating ‘Ama ng wikang Pambansa’ si Quezon dahil sa kanyang natatanging limbag sa wika’t panitikan.

Ngayong panahon ng globalisasyon at makabagong teknolohiya, hindi papahuli ang ating wika. Kagaya sa website na Facebook na kung saan ay pwedeng gamitin ang wikang Filipino bilang medium o lengwahe sa pakikipag-komunikasyon at lubos na maintindihan ng mga Pilipinong gumagamit nito kung paano paganahin ito. Hindi rin papahuli ang Twitter na kailan lang ay pwede na sa wikang Filipino. Kamakailan lamang ay naging sikat sa website na YouTube ang isang music video kung saan tampok ang isang banyaga na kumakanta sa wikang Filipino at siya ay si David DiMuzio na lumabas na sa iba’t-ibang programa dito sa ating bansa.

Sa ibayong dagat naman, alam niyo bang may 1.4 milyong tao sa Estados Unidos ang nagsasalita sa wikang Filipino at ito ang pang-apat na lengwahe na parating ginagamit ng mga tao roon. Hindi rin mawawala ang mga bansang may mga OFWs na kung saan natututunan ng mga banyaga kung paano magsalita sa Filipino.

Ngayong pumapasok na ang iba’t-ibang wikang banyaga sa ating bayan, kailangan nating pahalagahan at wastong gamitin ang ating pambansang wika. Ating ipaalam sa kanila na kung nandito ka sa Pilipinas, dapat matuto kang magsalita sa wikang Filipino upang lubos na makilala ang kultura at panitikan ng ating lipunan.

Ang ating wika ay sumisimbolo ng isang bansang matatag at nagkakaisa dahil kung hindi magkaintindihan ang bawat mamamayan nito dahil sa mga pansariling wika, hindi uunlad ang ating bayan at patuloy pa rin sa paglayo ang inaasam nating pagbabago. Kung may iisang wika, magkakaintindihan ang lahat at magkakaroon ng iisang hangarin at ito ay bumangon mula sa mga pinagdaanang problema. Ngayong nasa tuwid na landas na tayo, ating ipagmalaki at ipagbunyi na mayroon tayong iisang wika at ito ang Filipino na daan sa iisa nating hangarin, at ito ang pagbabago sa lipunan. Nawa’y ating gamitin ng wasto ngayong buwan ng wika ang Filipino at taas-noo tayong magsalita sa ating sariling wika!


Wikang Pambansa-Filipino

Akda ni Carla Mae

Mahalaga ba ang wika ng isang bansa? Tinatangkilik mo ba ang iyong sariling wika? Ipinagdririwang mo ba ang iyong sariling wika? Ginagamit mo ba ang sarili mong wika? Ito ang mg tanong na di mawari sa aking isipan. Bilang isang tao binigyan tayo ng isipan ng Panginoon upang gamitin at ipalaganap. Maraming tanong sa isipan ng isang tao, mga tanong na nakakaapekto sa bawat galaw, kilos, at desisyon nito. Sa paaralan nalalaman natin ang kahalagahan ng mga baya-bagay katulad nalang ng wikang pambansa. Ang isang bansa na may sariling wika ay nangangahulugang malaya ito. Ang wika ay isang paraan ng komunikasyon. Dahil sa wika nagkakainindihan ang lahat ng tao. Iba’t-ibang wika sa bawat lugar, komunidad, at bansa. Mahalaga ang wika ng isang bansa katulad ng Wikang Filipino. Ang Wikang Filipino ay sumisimbolo sa kultura ng mga Pilipino kung sino, ano, at meron sila. Ang isang tao na gumagamit ng Wikang Filpino ibig sabihin isa siyang Pilipino pero bakit ang ibang Pilipino ay ikinakahiya ang kanilang sariling wika? Ito ba ang kanilang sinasabing mahalaga at mahal raw nila kanilang sariling wika ngunit kahit gamitin man lamang ito ay di magawa dahil sa mga masasamang ideya,at kuro-kuro na namuo sa isipan ng ibang tao o mga banyaga tungkol sa Pilipino na dahilan na ikahiya nila ang kanilang sariling wika. Nasa atin na ang desison kung magpapaniwala at magpapaapekto tayo sa mga ganitong bagay daahil tayo lamang mga Pilipino ang nakakaalam kung ano ang katutuhanan. Kung mahalaga talaga ang ating Wikang Pambansa gagaamitin natin ito kahit kailan at saan man tayo magpunta.

Si Manuel L. Quezon ang tinaguriang “Ama ng Wikang Pambansa”. Siya ang nangunang maghubog ng Wikang Pammbansa na Wikang Filipino. Marami tayong wika dit sa bansa katulad ng Cebuano, Boholano, Ilocano ,Tagalog, at iba pa. Maram tayong iba’t-ibang wika dahl sa archepilagong hugis ng ating bansa . layu-layo ang mga lugar at isla na bumubuo nito . Hindi madali ang kay Mannuel L. Quezon at iba pangtagapamahala ng gobyerno na pumili at agtalaga n aing sariling Wika dahil maraming hindii desidido at hindi sang-ayon nito. Hanggang nakapagdesisyon n ang madla na nnag magiging Wikan Pambansa ay ang Wikang Filipino.

Tuwing Agosto ipinagdiriwang ang Wikang Filipino. Bilang isang mamamayang Pilipino isa tayo sa mga taong nagdiriwang nito. Bumabalik tanaw tayo sa ating kasaysayan kung paano nabo ang Wikang Filipino. Maraming mga gawain ang bawat paaralan sa pagdiriwang. May iba’t-ibang patimpalak isa isa na rito anng tula, paggawa ng sanaysay, mga sayaw at iba pa. Sa buwang io maas naiintindihan nating mga Pilipino ang kahhalagahan ng Wikang Filipino. Hiindii lamang sa buwan ng Agosto magdiriwang kundi dapat araw-araw dahil ginagami natin ang ating wika bawat segundo. minuto at araw sa ating buhay.

Sabi ng marami an Wikang Ingles ang mas mahalaga kumpara sa Wikang Filipino dahil sa ang Wikang Ingles a ang pangunahing linggwahi nna mmas ginnagamit nga karamihan kait saan man sila maggpunta sa mundo. Pero parra sa akin at sa mg atong mas nakakaiintindi sa kahalagahan ng Wikang Filipino ay ang Wikang Filipino parin ang napakahalaga dahil ito ang sumisimbolo sa ating katauhan bilang isang Pilipino, makakaya nating mapaunlad an ating sariling bansa kahit ang ating sariling wika lamang ang ating gamitin katulad ng bansang Japan. Mas pinahahalagahan nila nag kanilang sariiling wika kasa sa ibang wika kait ganito napapaunllad pparin nila ang kanilang bansa at ngayon isa ang kanilang bbansa sa pinakamaunlad na bansa sa buoong mundo. Sabi pa nga g ating bayani na si Dr. Jose Rizal ” Ang hindi marunoong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa malansang isda.” Kaya tayong mga Pilipino pahalagahan natin ang ating sariling wika at mahalin ng buong puso, hindi lamang sa salita kundi sa gawa.


Filipino: Wikang Pambansa

Akda ni Carla Mae

Ang Linggo ng Wika ay ipinagdiriwang tuwing unang linggo ng Agosto kada taon sa Pilipinas. Sinasalamin ng selebrasyong ito ang kahalagahan ng Filipino bilang pambansang wika. Sa bawat taon, ang mga institusyong pang-edukasyon kagaya ng mga paaralan at unibersidad, at ang mga sangay ng pamahalaan, ay sama-samang nakikilahok sa iba’t ibang mga gawain tulad ng mga paligsahan sa pagsulat ng sanaysay, mga pagtatanghal, parada, at iba pang paraan nang pagpapakita ng paggamit ng wikang Filipino.
Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda. -Gat Jose Rizal

Kahalagahan ng Wika

“Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda; kaya ating pagyamaning kusa, gaya ng inang sa atin ay nagpala.” Ito ang tanyag na katagang nagmula sa ating pambansang bayani na si Gat. Jose Rizal na nagbibigay kahalagahan sa wika sa buhay ng isang tao.
Ang wika ng isang bansa ay masasabing siyang kaluluwa na nagbibigay buhay dito. Ito ang nagsisilbing tulay na nagdurugtong sa mga kumunidad na naninirahan sa isang bansa. Sa pamamagitan ng wika, nagkakaunawaan at nagkakaisa ang bawat tao. Higit sa lahat, nagsisilbi ito bilang ating pagkakakilanlan. Dahil dito ay nakikita ang iba’t ibang impluwensya sa bansa na siyang nakapagpabago at humulma sa pagkatao ng mga mamamayan. Samakatuwid, ang wika ay batayan ng natatanging kultura ng isang bansa.

Kasaysayan

Noong ika-26 ng Marso 1946, nagpalabas si Pangulong Sergio Osmeña ng Proklamasyon Blg. 35, na nagtatalaga ng petsang mula ika-27 ng Marso hanggang ika-2 ng Abril bilang Linggo ng Wika. Noong ika-23 ng Setyembre 1955, iniutos naman ni Pangulong Ramon Magsaysay sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 186 na ang Linggo ng Wika ay ipagdiriwang mula ika-13 hanggang ika-19 ng Mayo. Ang pagbabago ng petsa ng pagdiriwang ng Linggo ng Wika ay bilang paggunita sa kaarawan ni Pangulong Manuel L. Quezon, ang tinaguriang “Ama ng Wikang Pambansa”. Dahil sa paglilipat na ito ng petsa ng pagdiriwang ng Linggo ng Wika, naging imposible para sa mga estudyante at guro ang makilahok dito.

Pagkatapos ng Himagsikan sa EDSA noong 1986, inilabas ni Pangulong Corazon Aquino ang Proklamasyon Blg. 19 noong ika-12 ng Agosto 1988, upang pagtibayin ang pagdedeklara ng pagdiriwang ng Linggo ng Wika mula ika-13 hanggang ika-19 ng Agosto kada taon.

Upang higit pang pagtibayin ang mga naunang proklamasyon hinggil sa Linggo ng Wika, idineklara naman ni Pangulong Fidel V. Ramos ang buong buwan ng Agosto bilang Pambansang Buwan ng Wika sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 1041 noong ika-15 ng Enero, 1997.

Sa kasalukuyan, ipinagdiriwang pa rin ang Linggo ng Wika at Buwan ng Wika sa Pilipinas. Opisyal itong nakatala sa listahan ng mga kultural na pagdiriwang sa bansa.

Selebrasyon

Karaniwang ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika sa elementarya, sekundarya at kolehiyo sa pamamagitan ng pagkakaroon ng palatuntunan, mga patimpalak sa paggawa ng tula, pagbigkas ng tula, pag-awit, pagsusulat ng maikling kwento at sanaysay, pagpupulong, at talakayan gamit ang wikang Filipino. Upang mapahalagahan ang sariling wika, nagkakaroon din ng mga patimpalak sa pagsusulat ng slogan, paggawa ng poster at marami pang aktibidad mula sa iba’t ibang munisipalidad

Ayon sa DepEd

“Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda; kaya ating pagyamaning kusa, gaya ng inang sa atin ay nagpala.” Ito ang mga tanyag na katagang nagmula sa ating pambansang bayani na si Gat. Jose P. Rizal na nagbibigay importansya sa kahalagahan ng wika sa buhay ng isang tao.Ang wika ng isang bansa ay masasabi natin na kaluluwa ng isang bansa na siyang nagbibigay buhay dito. Ito ay nagsisilbing tulay na siyang nagdurugtong sa mga komunidad na naninirahan sa isang bansa. Sa pamamagitan nito, ang pagkakaisa at pagkakaunawaan sa bawat tao ay lalong yumayabong. Ito rin ang nagsisilbing susi ng ating pagkakakilanlan, sa pamamagitan nito, nakikilala ng ibang tao kung sino tayo.

Ang importansya upang lalong paunlarin at palawakin ang ating pambansang wika ay matagal nang binibigyang pansin ng mga namumuno sa ating bansa. Sa Pilipinas mayroon tayong higit sa isang daang klase na lengguahe na ginagamit mula Batanes hanggang Tawi-tawi, ngunit ang pambansang wikang “Filipino” pa rin ang siyang mas malimit na ginagamit at mas naiintidahan sa buong kapuluan.Sa ating mayamang salita, madali nating makikita ang iba’t-ibang impluwensya na siyang nakapagbago at humulma sa pagkatao ng mga Filipino. Samakatwid ang wika rin ay maari ring maging batayan ng ating nakaraan at kultura.

Kaya ang “Buwan ng Wika” ang isa sa mga pagkakataon natin upang ito ay pagyabungin at ipagmalaki. Pagkakataon din ito upang iparating sa ating mga kababayan na ang ating pambansang wika ay hindi lamang para sa pakiki-pagkomunikasyon ngunit siya ring pundasyon ng ating pagkakakilanlan bilang isang indibidual at bilang isang bansa.


Filipino wikang mapagbago

(Hataw Tabloid, Agosto 9, 2017)

Aminin natin sa hindi, marami talaga ang hindi naiintindihan kung ano ang ating wika — ang wikang Filipino.

Maging sa akademya, marami ang nahihirapang umunawa kung bakit kailangan gamitin sa iba’t ibang larang at disiplina ang wikang Filipino, na kung mangyayari ay isang malaking pagbabago dahil nangangahulugan ito nang lubos na pagkaunawa kung ano ang ating wika.

Alam ba ninyong nitong nakaraang Pandaigdigang Kongreso sa Araling Filipinas sa Wikang Filipino, ang iba’t ibang paksang may kinalaman sa wika, panitikan, kultura, kasaysayan, at lipunang Filipino ay tinalakay sa ating wika?

Maging si Bernardita Churchill ng University of the Philippines at ng Philippine Studies Association ay nagsabing, “Upang maipalaganap ang ating wika, lahat tayo, kabilang ang mga lider sa politika ay kailangan magsalita sa Filipino. Lagi silang nasa radyo at telebisyon kaya ang mga tao ay matututo sa kanila nang husto kung lagi nilang ginagamit sa pagsasalita ang wika na naiintindihan nating lahat.”

Idinagdag ni Churchill na ang Filipino gaya ng English, French at iba pang wika na iniaalok din bilang asignatura sa malalaking unibersidad sa buong mundo.

At katunayan sa apat na araw ng Kongreso nitong 2-4 Agosto, tinalakay ng mga dayuhang tagapagsalita ang kanilang lektura sa wikang Filipino.

Kabilang sa kanila sina Damon Woods ng University of California Los Angeles, Sotoshi Ara ng University of Fukushima, JC Gaillard ng University of Auckland, at Saac Donoso ng University of Alicante sa Spain.

Para kay National Artist for Literature Almario Virgilio, Tagapangulo ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), ang Filipino ay isang mahusay na daluyan ng pagtuturo at hindi lamang salitang ginagamit sa kalye o sa palengke.

Para ganap nating maramdaman na ang ating wikang Pambansa ay wikang Filipino, hindi nilulubayan ni Almario ang estandarisasyon nito sa baybay at bigkas. Ilalahok rin ang mga katutubong wika gaya ng Waray, Tausug, Maranao, Ilocano, at Bicolano.

Malayo na ang narating ng ating wika — ang wikang Filipino — pero lubusan lang nating mararamdaman ito kapag dumating ang panahon na tayo’y nagkakaunawaan sa pagagamit ng ating wika tu-ngo sa pag-unlad.

Doon natin masasabi, sa pamamagitan ng ating wika, tuluyang nagbago ang ating bansa.


Ilang Pananaw Tungkol sa Pananalitang “Taglish”

Galing sa hinagapnikaure.blogspot.com

Ang “Taglish” ay tumutukoy sa paghahalo ng mga salitang Tagalog at Ingles sa karaniwang pakikipagusap ng mga Pilipino sa isat-isa. Ang paggamit ng “Taglish” ay karaniwang nasasaksihan sa mga lugar sa Pilipinas kung saan Tagalog ang wikang sinasalita ng nakararami tulad ng Kalakhang Maynila at mga karatig na lalawigan. Ngunit dahil sa pagtuturo ng wikang Pilipino na ang batayan ay wikang Tagalog sa buong bansa, ang paggamit ng salitang ito ay tinatayang lalaganap na rin sa buong Pilipinas.

Ang pagsipot ng mga pananalitang tulad ng “Taglish” ay masasaksihan sa mga lugar na dating sinakop ng mga bansang Kanluranin tulad ng Estados Unidos at Inglatera. Sa bansang Pilipinas, ang pagusbong ng “Taglish” ay naguugat sa matagalang paggamit ng salitang Ingles bilang wika ng pagtuturo sa mga paaralan. Sa pagdami ng mga Pilipinong nakapagaral sa mababa at mataas na antas ng edukasyon, nagkaroon ng kasanayan ang maraming Pilipino sa paggamit ng salitang Ingles. Ngunit may mga Pilipino pa rin na hindi nagkapalad na makapagaral kung kaya hindi tuluyang nawala ang paggamit ng wikang Tagalog. Sa isang nakalilitong sitwasyon kung saan may pagnanais na gumamit ng wikang Ingles at may pangangailangan na makipagusap sa mga hindi nakapagaral ay isinilang ang sistema ng pananalita na kung tawagin natin ay “Taglish”.

Kung ikaw ay mapapadpad sa Kalakhang Maynila ay mapapansin mo na lubhang malaganap ang paggamit ng “Taglish” sa mga taong nakatira dito. Sa paguusap sa pagitan ng mga miyembro ng pamilya, mga kawani at manggagawa, at mga programa sa radyo at telebisyon ay madalas madinig na “Taglish” ang kanilang salitang ginagamit.

May isang pagtingin sa pamamayagpag ng “Taglish” ang naniniwala na nabuo ang pananalitang “Taglish” dahil sa kakulungan ng mga karampatang salita sa wikang Tagalog na maipahayag ang iniisip na konsepto kung kaya napipilitang salitang Ingles na lamang ang gamitin. Ang mga Pilipinong nakapagaral sa ibat-ibang larangan at natuto ng kaalaman sa wikang Ingles ay di maiiwasan na gumamit ng salitang Ingles sa kanilang pakikipagusap sa isat-isa o kaya sa ibang tao. Maaaring ituring na isa ito sa kadahilanan ng tuluyang paggamit ng “Taglish” ng mga Pilipino ngunit marahil ay may mga iba pang kadahilanan o pingbubuhatan ng paggamit nito.

Sinisisi ng iba ang pagkakaroon ng mga Pilipino ng mentalidad na kolonyal bunsod na rin ng sistemang pangedukasyon na pinairal sa ating bansa sa mahabang panahon. Anila, ang walang patumanggang panggagaya natin sa mga Amerikano ang nagbunsod sa atin para magsalita sa wikang Ingles na hindi naman angkop sa ating kultura at estilo ng pamumuhay. Kaya lamang ay tila baga kung minsan ay kinukulang tayo sa salitang Ingles kung kaya sa di inaasahang pangyayari ay naghahalo na sa ating paguusap ang mga salitang Tagalog at Ingles.

Mayroon din naman na nagsasabi na ang “Taglish” ay unang ginamit ng mga anak-mayamang kolehiyala na tinuruan ng kanilang mga magulang na magsalita sa wikang Ingles sa pakikipagusap kaninoman ngunit tila sumablay yata dahil hindi marunong magsalita ng Ingles ang kanilang tsuper at katulong sa bahay. Kaya naman napilitan silang gumamit ng magkahalong Tagalog at Ingles sa kanilang karaniwang pakikipagusap sa ibang tao. Ang ganitong estilo ng pananalita ay kung minsan nakakatutuwang pakinggan ngunit kung minsan naman ay para bagang kahalintulad ng isang Amerikanong nagsusumikap na magsalita sa wikang Tagalog.

Ang pagiral ng “Taglish” sa ating pangkarinawang pakikipagugnayan sa isat-isa ay isang masalimuot na isyu patungkol sa ating pagtingin sa ating sariling wika. Nagpanukala na ang ating mga dalubhasa sa wika ng mga bagong salitang Filipino na pwedeng gamitin sa halip na Ingles sa larangan ng agham, teknolohiya, ekonomiya, pananalapi, negosyo, at iba pa. Subalit tila baga hindi pa rin natin nakasanayan ang paggamit ng mga katagang ito. Kadalasan ay salitang Ingles pa rin ang namamayani sa pagtukoy natin sa mga konsepto at bagay-bagay na may kaugnayan sa mga larangang ito. Bunsod nito ay may mga taong nagtatanong kung meron ba talaga tayong pagmamahal sa ating sariling wika.

Sa kasalukuyan ay talamak pa rin ang paggamit natin ng pananalitang “Taglish” sa ating pangaraw-araw na buhay. Kasaysayan na lang ang makapagsasabi kung patuloy na mamamayagpag sa ating bansa ang paggamit ng ganitong pananalita. Ang wikang Ingles ay isang makapangyarihang wika. Ito ay ginagamit sa ibat-ibang larangan sa buong mundo. Tuluyan na kayang magagapi at mawawala sa sirkulasyon ang wikang Pilipino? Hindi naman siguro ngunit posible marahil sa hinaharap na magkaroon ng internasyonalisasyon ang wikang Pilipino at tanggapin na rin sa wakas ang mga salitang Ingles sa bukabularyong Tagalog. Hinahangad natin na matukoy ng ating mga dalubhasa sa wika ang wastong daan na dapat tahakin sa patuloy na pagunlad ng ating wikang pambansa.


Palaganapin natin ang Wikang Pilipino sa Buong Mundo

(Halimbawa ng Sanaysay na Nagmumungkahi ng Panukala Tungkol sa Wikang Pilipino – galing sa hinagapnikaure.blogspot.com)

Sa kasaysayan ng mundo ay nagkaroon ng mga kaganapan na ang ilang mauunlad na bansa ang sumakop sa mga maliliit at mahihinang bansa. Ang Pilipinas ay isa sa mga bansang nakubkob ng mga banyaga. Nagsimula ito sa pananakop ng Espanya na sinundan naman ng bansang Hapon at pagkatapos ng bansang Estados Unidos.

Ang mga pananakop na ito ay nagiwan ng malàlim at pangmatagalang pagbabago sa ating kultura. Isa sa mga pinaka matinding naapektuhan nito ay ang ating wika. Nahaluan na ng mga salitang banyaga ang ating wikang Pilipino. Ngunit sa pagdaan ng panaon ay nanatili pa ring buhay at namamayagpag ang ating pambansang wika. Nakatulong ng malaki sa mabilis na paglaganap nito sa buong bansa ang pagtuturo ng wikang ito sa ating mga paaralan.

Ang yamang pang ekonomiya at lakas militar ang ginamit ng mga mananakop na bansa upang palakasin at patatagin ang kani-kanilang sariling wika. Kadalasan ay kasama sa estilo ng pananakop ang pagtuturo at pagpapalaganap ng wika ng mananakop sa mga lugar na kanilang nasasakupan. Ang Estados Unidos at Inglatera ang dalawa sa mga malalakas na mananakop sa kasaysayan ng mundo. Pinalaganap nila ang wikang Ingles sa mga bansang kanilang sinakop at ito ang naging dahilan upang maging malakas at makapangyarihan ang wikang Ingles sa buong daigdig.

Bagamat may digmaan pa rin sa ilang lugar sa mundo, itinuturing na wala nang puwang sa makabagong panahon ang pagkubkob ng isang makapangyarihang bansa sa isang maliit at mahinang bansa. Sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at ng pagkatatag sa Nagkakaisang Bansa ay tuluyan nang ipinagbawal ang imperyalismo na siyang nagudyok sa mga makapangyarihang bansa na sakupin ang mga mahihinang bansa.

Sa pagunlad ng ekonomiya ng buong daigdig ay dumanas ng kasaganaan ang ilang bansang kanluranin samantalang ang ilang bansang nabibiyayaan ng likas na yaman ay kinailangang palawigin ang produksyon upang matugunan ang lumalaking pangangailangan sa mga batayang produkto sa isang makabagong mundo. Bunsod ng mga kaganapang ito ay nakaramdam ng matinding pagkukulang sa mga manggagawang may pagnanais at kakayahan upang gawin ang mga trabahong nalikha sa mga bansang ito. Sa kagustuhang mapunuan ang pagkukulang na ito ay napilitan silang umangkat ng mangagawa sa ibang bansa.

Ang mga Pilipino ay likas na masunurin at masipag na manggagawa. Ang kanilang masamang karanasan na idinulot ng pananakop ng mga Amerikano ay naghatid naman ng isang maswerteng katangian: natuto silang gumamit ng wikang Ingles. At dahil Ingles ang itinuturing na pandaigdigang lengguwahe ng negosyo at kalakalan, nagkaroon sila ng lamang sa mga mangagawang buhat sa ibang bansa kung galing sa pagtatrabaho ang paguusapan. Sa simula ay kakaunti lamang ang mga Pilipinong tumanggap sa hamon ng pagtatrabaho sa ibang bansa ngunit nang lumaon ay dumami na ang Pilipinong may ganitong hanap-buhay.

Sa ngayon ay merong milyun-milyong Pilipino na nagtatrabaho sa ibat-ibang lugar sa buong mundo. Sila ay isa sa mga pinaka malaking pinagkukunan ng yaman ng ating ekonomiya. Dito sa atin ay itinuturing silang mga bagong bayani at ating pinahahalagahan ang kanilang ambag sa pagunlad ng ating bansa. Sa kanilang panig naman ay dumaranas sila ng pangungulila at pagkabagot sa kakulangan ng mapapaglibangan na may katuturan. Ito po ang nagtulak sa akin upang magbigay ng isang suhestiyon. Bigyan po natin sila ng isang dakilang hamon at misyon at ito po ay ang pagpapalaganap ng ating wikang Pilipino sa lahat ng sulok ng mundo.

Kung ginamit ng mga malalakas na bansa ang kanilang yaman at pwersang militar sa pagpapalaganap ng kanilang wika, gamitin naman po natin ang ating yamang pangkatauhan upang ikalat ang kagandahan ng ating kultura sa buong daigdig. Hinihikayat po natin ang ating mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa na turuan ng paggamit ng wikang Pilipino ang mga banyagang kanilang nakakatagpo sa kanilang gawain at pamumuhay sa bansang kanilang pinagtatrabahuhan. Ito po ay pwede nilang gawin sa mga panahong wala silang ginagawa at naghahanap sila ng gawaing mapaglilibangan. Ang gawain pong ito ay isang mabisang lunas sa pangungulila at pagkabagot na isa po sa mga mabibigat na suliranin ng ating mga manggagawa sa ibang bansa.

Ang pagbabahagi ng kulturang Pilipino sa mamamayan ng mundo ay magdadala ng pagkabihasa ng mga banyaga sa katauhan ng Pilipino. Sa ganitong paraan ay lalo pa nitong palalakasin ang kagustuhan ng mga taong ito na kumuha ng mga manggagawang Pilipino para sa kanilang mga organisasyon. Maaari din po itong magresulta sa pagkahilig ng mga banyaga na bumisita sa Pilipinas at ito po ay makatutulong sa pagpapaunlad ng turismo sa ating bansa. Ang pagkakaroon ng kakayahan ng mga banyagang makaintindi at makipagusap gamit ang wikang Pilipino ay posibleng maghatid ng marami pang hanap-buhay para sa ating mga kababayan.

Mayroon din po tayong mapapait na karanasan sa pangingibang bansa ng ating mga kapwa Pilipino. Hindi po natin ninanais na pang habang panahon na maglilingkod ang ating mga kababayan sa ibang bansa. Ngunit sa kasamaang palad ay mukhang hindi pa kaya ng ating ekonomiya ang magbigay ng hanap-buhay sa lahat ng ating mga kababayan. Nakalulungkot man ay mukhang ganito pa rin ang magiging kalagayan ng ating ekonomiya sa malapit na hinaharap. At kung mangyari man na matigil na ang paglilingkod ng mga Pilipino sa ibang bansa, isa pong magiging napakahalagang pamana sa mundo ang pagkaalam ng mga banyaga na gumamit ng wikang Pilipino sa pakikipagusap sa kanilang kapwa-tao.


Ang Wika ng Karunungan

Akda nina Ram Michael Genovia, Richard Borres Jr., Kennith Ballega, Chloe Leigh Placer, Jhoanna Arnaido, Noel Aguila, at Pelongo galing sa sanaysayngwika.blogspot.com

Una sa lahat ano nga ba ang wika? At ano ang karunungan? Bakit na-iuugnay ang wika sa karunungan? Sa pagkakaalam natin, ang wika ay isang lingwahe lamang na ginagamit natin sa pang-araw-araw ngunit ang hindi natin alam dito ay sumisimbolo rin sa ating pagkakaisa at ito ay wika ng karunungan kalaman kung gaano ba ka importante ang wika sa bawat mamamayan ng pilipinas marami man tayong ginagamit na dayalekto nag-iisa parin ang ating wika ang wikang Filipino.

Hindi natin alam kung saan nanggaling ang ating mga salita dahil kusa o likas itong pamamaraan upang mag-pahayag, matuto o makaalam ng mga bagay-bagay. Ang wika rin ay nag-silbing ugnay upang magkaintindihan tayong lahat. Ito ay tumatalakay sa ating kaalaman na pinaunlad ng ating wika at upang makatulong sa pag-intindi sa kahit anong sulat, tawag, o mismo sa ating kapwa pilipino.

Wika ang pinakamagandang regalo ng Maykapal sa kanyang mga nilalang. Ito ang tanging kasangkapan ng tao sa pakikipag-ugnayan niya sa kapwa, sa asosasyon, sa institusyon at maging sa dakilang Bathala. Kung wala ang wika, paano kaya magkakaintindihan ang mamamayan, paano kaya mapabibilis ang pagsulong ng kaunlaran at paano kaya mapalalapit ang tao sa isa’t isa? Sa bawat isang tanong at marami pang kasunod na katanungan, hindi sapat ang senyas, drowing, ang kulay, ang krokis, ang ingay o anumang paraang maaaring likhain ng tao upang matugunan ang lahat ng mga katanungan.

Kahit na anumang anyo , pasulat o pasalita, hiram o orihinal, banyaga o katutubo, wika ang pinakamabisang sangkap sa paghahatid ng diwa at kaisipan at sa pagpapanatili sa madali o mahabang panahon ng mga naliko na tala, pangkasaysayan o pampanitikan, pampolitika at panlipunan, pang-simbahan o pang-kabuhayan at maging sa larangan ng siyensya o ng iba pang-displina.

At kung wala ang Wikang Filipino , hindi tayo magiging isa o hindi tayo matatawag na mga Pilipino . Dahil ang Wikang Filipino ay sadyang nandyan sa atin yan dahil ito ang ating ginagamit sa pakikipag-komunikasyon sa kapwa Pilipino at kapwa tao.


Pagpapahalaga sa Wika

Galing sa mgbrdeos.blogspot.com

Wikang Filipino, ang pambansang wika ng Pilipinas. Wika ang pinaka-pangunahing ginagamit ng tao sa araw-araw na pakikipagsapalaran sa buhay. Sa halos 7,107 na mga pulo ng Pilipinas, iba’t iba man ang kultura, etniko, o lokal na wika, pinag-iisa tayo ng bigkis ng lahi sa pamamagitan ng ating pambansang wika. Kung walang iisang wika, ang wikang Filipino, mararating kaya natin ang kaunlaran ng bansang Pilipinas?

Sa palagay mo, may pagkakaisa ba kung hindi nagkakaintindihan ang mga tao dahil sa kalat-kalat at iba’t-ibang wikang kinamulatan nating mga Pinoy? Napaka “obvious” ang sagot. Hindi. Marahil sa ganitong mga katanungan, napagtanto mo na ang kahalagan ng iisang wika, ang wikang pambansa ng Pilipinas, ang wikang Filipino. Kaya marapat lamang na bigyan ng napakataas na pagpapahalaga ang ating pambansang wika. Ngunit paano? Marahil nalilito ang iba sa inyo kung anu-ano ang mga kailangang gawin upang bigyang halaga ang pambansang wika. Nais kong ilahad sa inyo ang kung paano mapapakita ang pagpapahalaga sa ating pambansang wika.

1. Palawakin o paunlarin ang unawa tungkol sa wikang Filipino. Ito’y magagawa sa pamamagitan ng mga sumusunod:

Kailangan may sarili kang diksiyonaryong Filipino. Sa panahon natin ngayon, pwede ka ring magsaliksik at magpaunlad ng paggamit ng wikang Filipino sa pamamagitan ng internet.
Magbasa ng mga libro, mga babasahin, lalo na ng mga “research papers” na gumagamit ng wikang Filipino.
Mapanuring pakikipagtalakayan sa mga bihasa sa wikang Filipino

2. Mataas na pagpupugay at paggalang sa mga lumikha ng Batas Pambansa Blg. 7104 at Proklamasyon Blg. 1041, sa mga mananaliksik o sa mga taong tumutulong sa pagpapatibay at pagpapaunlad ng kasanayan sa paggamit ng wikang Filipino.

3. Makilahok sa mga aktibidad at proyekto ng pamahalaan na may kinalaman sa pagpapahalaga ng wikang pambansa.

4. Sa araw-araw na panangalangin mo sa Diyos, kay Bathala, kay Allah, kay Buddha, o sa sinumang sinasamba mo, maaari mong gamitin ang wikang Filipino. Ito ay napakabisang paraan upang lalong malinang ang iyong paggamit ng wikang Filipino.

5. Paglikha nga mga nakakatuwang tula, mga kinapupulutan ng aral na mga sanaysay, kwento, o anumang artikulo gamit ang wikang pambansa.

6. Paghubog ng isang sining; “drawing, iskultura, sand animation o anumang uri ng sining” na may kinalaman sa papapahalaga ng ating wikang pambansa.

Ito’y ilan lang sa mga napakarami pang paraan. Alam kong marami pang mga paraan ng pagpapahalaga ng ating wikang pambansa (ang wikang Filipino). At alam ko rin na kayong nagbabasa nito ay mayroong tinatagong mga natatanging ideya kung paano pahalagahan ang ating wikang pambansa.


Ano ang masasabi mo sa mga sanaysay tungkol sa wika na nakapaloob sa pahinang ito? Mag-iwan lang ng komento sa ibaba.

SEE ALSO: Mga Talumpati Tungkol sa Wika

50 Shares
Share via
Copy link