Tula Tungkol sa Wikang Filipino (10 Tula)

190 Shares

Ang mga tula tungkol sa wikang Filipino na aming nakalap ay nagmula pa sa mga makatang Pilipino at ang iba naman ay mula sa iba’t ibang websites. Makatulong nawa ang mga sumusunod na tulang ito at maging pundasyon upang mas lalo pa nating pag-alabin ang ating pagmamahal sa ating sariling wika.

SEE ALSO: Tula Tungkol sa Kalikasan

Halimbawa ng mga Tula Tungkol sa Wikang Filipino


Ako’y Wika

Tula ni Kiko Manalo

Wikang Filipino ang aking pangalan,
Ipinanganak ko itong kalayaan,
Ako ang ina at siyang dahilan,
Ng pagkakaisa at ng kasarinlan!

Sapagkat ako nga ang siyang tumanglaw
Sa bansang tahanang iyong tinatanaw,
Katulad ng inang sa iyo ay ilaw,
Nagbibigay-sigla’t buting sumasaklaw!

Ako rin ang ama at naging haligi,
Ng mga sundalo at mga bayani,
Sa digmaan noon sa araw at gabi,
Ako ang sandatang nagtaas ng puri!

Pagkat akong wika ang lakas mo’t tuwa
Ako’y lakas nitong bisig mo at diwa
Sa pamamagitan ng aking salita,
Ligtas ka sa uring luksong masasama!

Sinalita ako at gamit ng lahat,
Upang mga taksil ay maisiwalat,
Sa Luzon, Visayas, sa lahat ng s’yudad,
Pati sa Mindanao, ako ay nangusap!

At nakamit mo na ang hangad na laya,
Mula sa dayuhang sakim at masama,
Dilim na sumakop sa bayan at bansa,
Dagling lumiwanag, pintig ay huminga!

Wikang Filipino, ginto mo at hiyas,
Panlahat na wika saan man bumagtas,
Ilaw na maalab, sa dilim ay lunas
At lakas patungo sa tuwid na landas!


Wikang Filipino

Tula ni Marvin Ric Mendoza

Ito ay punyal na ubod ng talim
Punyal na kumikinang sa gabing madilim
Ang puluhan nito ay utak na magaling
At ang talas nito’y kakaiba kung limiin.

Sa nakaraa’t sa ngayo’y patuloy na hinahasa
Na ang gamit ay kaydaming mga dila
Ang punyal na kaytagal nang ginawang pananda
Ay may bakas na rin ng kalawang at dagta.

Ang punyal na ito ay ang wikang Filipino
Na patuloy na umuunlad sa pag-ikot ng mundo
Ang kapara nito’y matigas na bato
Na ‘pag di ipukol ay di malaman kung ano.

Mula sa isang bibig ay kumalat nang kumalat
Mangyari’y dala-dala ng bapor na laging naglalayag
Ang wikang Filipino’y katulad ng kamandag ng ahas
Na sa isang sarili ay nagpapalakas.

Ang wika sa malayo ay kakaiba sa narito
Iba ang sa kanya, iba rin ang sa iyo
At dahil tayo ay kapwa Pilipino
Yakapin natin ang wikang Filipino.

Ang wikang Filipino ay ilaw ng Pilipinas
Liwanag sa pagtahak sa tuwid na landas
Gamitin natin at gawing lakas
At gawin ding pananggol sa darating na bukas.

Madaling magkaisa kung may pagkakaunawaan
Madaling makakita kung may liwanag na natatanaw
Medaling mananggol kung may lakas na taglay.
Sa lahat ng ito’y wikang Filipino ang daan.

Sa bukas na darating ay ating mamamalas
Ang dating ilaw ngunit bago nang landas
Maaaring paabante, maaaring paatras
Maaaring pababa, maaaring pataas.

Ang wikang Filipino’y magsisilbing gabay
Sa kayraming taong sa Pilipinas namamahay..
Sa tuwid na landas ay walang mawawalay
Kung tayo’y hawak-kamay sa pag-abot sa tagumpay…


Tatag ng Wikang Filipino, Lakas ng Pagka-Filipino

Tula ni Avon Adarna

Ang wika ay apoy – nagbibigay-init,
Sa sanggol na hulog ng anghel sa langit,
Ang inang kumalong at siglang umawit,
Wikang Filipino ang siyang ginamit.

Ang wika ay tubig – na nagpapaputi,
Ng pusong may sala at bahid ng dumi,
Manalangin lamang at saka magsisi,
At patatawarin ng Poong mabuti!

Ang wika ay hangin – siyang bumubuhay,
Sa patid na hinga ng kulturang patay,
Ito’y nagbibigay ng siglang mahusay,
Sa mga tradisyon at pagtatagumpay.

Ang wika ay bato – na siyang tuntungan,
Nitong mga paa ng mahal na bayan,
Wika ay sandigan nitong kasarinlan,
Sa bundok o burol, maging kapatagan.

May alab ng apoy at lakas ng bato,
At kinang ng tubig na wari ay ginto,
Wikang Filipino’y matatag na hukbo
Na lakas ng iyong pagka-Filipino!


Ang Teknolohiya at Ang Wika

Tula ni Avon Adarna

Pinagkaitan nga ng mga patinig,
Mga pangungusap – kulang sa katinig,
At kung babasahin sa tunay na tinig,
Ay mababanaag ang kulang na titik!

Sa sulating pormal at mga sanaysay,
Ano’ng pakinabang kung putol at sablay,
Kulang na ang letra’y mali pa ang baybay,
Ang akala yata’y lubhang mahinusay.

Sa paglalahad ng totoong damdamin,
Hindi ba nagkulang sa ibig sabihin?
Sa pagsusulit ba at mga eksamin,
Makapasa kaya kung letra’y kulangin?

Mundong makabago at teknolohiya,
Anong naidulot sa ating pag-asa?
Kabataang dugong mag-aahon sana,
Tila katunggali ng sariling wika.

Ngayo’y nagtatampo – Wikang Filipino
Sa wari’y nasunog ang tunay na mundo,
Ang wika na dapat ay isinasaulo,
Ay lubhang nalimot at nagkalitu-lito!


Laging Pana-Panahon

Tula ni Avon Adarna

Umuusok ang lupa,
Umaso’t, nagbabaga,
Bumibirit ang liyab,
Muntik na ngang magsilab!

Ang araw’y naglalatang,
Harapan ay buyangyang
Saka nakapamaywang,
Nakanguso’t mayabang!

Nag-alsa ang ligamgam,
Bumabangong mainam,
Ang hanap ay kalaban,
Sa mundo ng kawalan…

Isasaboy ang init
At pawis na malagkit
Na tila isang pagkit,
Sa balat – kumakapit!

Tameme lang ang ulan,
Ayaw munang lumaban
Ayaw mabilaukan,
Sa silab na initan…

Hintay muna ng tugma
Maglaro ng gunita
Saka punta sa gitna,
Ilabas na ang handa.

Pagkat talo ang alab,
Kung hindi pa sasalag,
Hintayin na tumalab
Saka na lang pumalag.

Umulan sana bukas…
Panalangin ng pantas
Ganyan nga ang paglutas
Sa pagpapakataas!

Luha ng ulan doon,
Na nagbuhat sa Poon,
Layang gaya ng ibon
Sadyang pana-panahon…

Laging pana-panahon!


Wikang Pambansa, Wikang Panlahat

Tula ni Gerlie L. Palmenco

Luzon, Visayas, pati na sa Mindanao
Tuwing Agosto’y sabay-sabay humihiyaw
Grupong etniko sa ‘Pinas nagkakaisa
Pinagyayaman pang lalo ang wika nila.

Ilokano, Bisaya, maging ang Tausug
Sa wikang-ginto, Pilipinas ay busog.
Chavacano, Cebuano, Ilonggo’t marami pa
Pagsaluha’t mahalin, bigay ng Dakilang Lumikha.

Iba’t ibang salita man ang banggit
Sa puso’t kaluluwa’y iisa lang ang gamit
Buong pagmamahal itong ipagpunyagi
Kayamanan ng buhay, dugo, at lahi.

Mayamang kultura, kanyang sinasalamin
Makulay na tradisyon, ipinamamahagi din
Wikang Pambansa ay Wikang Panlahat
Gamitin ng tama’t paglingkurang tapat.

Sagisag ng kalayaan, sandigan ng katapatan
Wikang Pilipinong noo’y ating ipinaglaban
Nawa’y ingatan at laging alagaan
Lubos na mahalin, kailanma’y huwag pabayaan.


Ang Wikang Pilipino

Mula sa website na Pinoyedition.com

Wikang pilipino ay ating mahalin
Ito ang sagisag nitong bansa natin,
Binubuklod nito ang ating damdamin
Ang ating isipan at mga layunin.

Wikang pilipino ay maitutulad
Sa agos ng tubig na mula sa dagat,
Kahiman at ito’y sagkahan ng tabak
Pilit maglalagos, hahanap ng butas.

Oo, pagkat ito’y nauunawaan
Ng Wikang Pambansa sa baya’y ituro,
Tatlumpu’t dalawang taong sinapuso
Ng bata, Matanda, lalo na ng guro.

Napasok na nito’y maraming larangan
Ng mga gawain na pampaaralan,
Transaksyon sa bayan at sa sambayanan
Mga paaralan sa sandaigdigan.

Wikang Pilipino’y dapat ipagtanggol
Lalo’t iisiping dito’y ginugugol,
Ang maraming hirap, Salapi’t panahon
Ng pamahalaan at ng masa ngayon.

Wikang pilipino, ikaw ay mabuhay
Itataguyod ka sa lahat ng araw.


Pilipinong Banyaga sa Wikang Filipino

Mula sa website na Pinayunlimited.wordpress.com

Ikaw kabataan, binibini, ginoo
Sa lahat ng Pilipinong makakabasa nito
Maalam ka ba sa Wikang Filipino?
O isa kang banyaga sa wika mo?

Kamusta o kumusta?
Ano nga ba ang tama sa dalawa?
Tagalog o Filipino ba?
Ano rito ang pambansang wika?

Magaling, kay galing!
Ang isip sa wika ng iba’y matulin
Kapag Wikang Filipino ang usapin
Bakit ba ika’y nagiging antukin?

Sa Ingles kay husay, o napakahusay
Ngunit sa Filipino ika’y nawawalan ng kulay
Nauubusan ng tinig, tinatakasan ng salita
Hala siya sa sariling wika niya ay banyaga!

O kahindik-hindik, kagila-gilalas
Paanong nangyaring di ka matatas
Kung nububuhay lamang si Balagtas
Tiyak mabubuwisit sa’yo ang pantas.

Nasaan na ang bakas ng wika sa pananalita?
Bakit di na kilala ng iyong dila?
Napakarikit naman ng ating wika
Sana lang ito’y iyong nakikita.

Buksan lamang ang iyong kamalayan
Ang wika nati’y makulay kung mamasdan
May kapangyarihang magbuklod ng mamamayan
Ng mga mamamayang niyayakap nitong bayan.

Ang Pilipinong banyaga sa Wikang Filipino
Ay di dapat tawaging isang Pilipino
Mahal mo lang ang Pilipinas kapag gusto mo
Ngunit hindi ba dapat mahalin mo ang lahat ng tungkol dito?


Iniibig Ko Ang Wikang Filipino

Mula sa website na Pinayunlimited.wordpress.com

Ginulo mo ang isip ko sa paraang gusto ko
Pinilit ko mang umiwas ngunit sinuyo mo ako
Itinakas sa ‘king mundo dinala sa’yong palasyo
Aking nadarama hindi ito ordinaryo.

Hanap ko’y salita, angkop na salita
Sa paglalarawan nais ko sanang ipakita
Angkin mong kulay o kay iga-igaya
Bakit ang iba’y hindi ito makita?

Musmos nang ika’y unang makapiling
Ang makilala ka ng malalim yan ang aking hiling
Sana’y makita ka saan man bumaling
Akin kang makikilala gamitan man ng piring.

Naaalala mo ba galak ko sa paligsahan?
Unang sabak ko noon sa talumpatian
May pagdiriwang noon Agosto ang buwan
Nabigo man ang dilag ngunit ako’y may natutunan.

Ang iyong pagkasilang ay dakila pala
Binuklod mo ang mga taong nais magkanya-kanya
Ikaw ang sinag na piniling di makita
Aming lampara sa dilim ng umaga.

O aking Wika nasa puso ka ba nila?
Sa tibukan ng buhay ko’y mabubuhay ka
Mahal ko ang Pilipinas at ang lahat sa kanya
Kaya ikaw Wikang Filipino di ka mag-iisa.


FILIPINO: Wika ng Pagkakaisa

Tula ni Jennifor L. Aguilar

Pagkakaisa ano ba ang iyong diwa?
Ito ba’y para sa iba’t ibang lahi at bansa?
Wika, ano ba ang iyong makakaya?
Matibay ka bang sandata sa pagbibigkis ng diwa?

Wika ng pagkakaisa ang isinisigaw mo
Habang ang bayan ay nagdidiliryo
Ninakawan ng kampon ng mga manggagantso
Una sa Hudisyaryo, Lehislatibo at ngayo’y Ehekutibo

Nalilito, nahihilo, utak ay gulong gulo
Saan ba nagmula wika ng tao sa mundo?
Iba’t ibang teorya sa kaisipa’y nabubuo
Wika ko’t wika mo, saan nga ba hinango?

Panawagan ng pagkakaisa sa bawat Pilipino
Wika raw ang magbubuklod, ikaw oh, Wikang Filipino
Ito nga ba’y katotohanan o itinusok lang sa palaso
Upang pagtakpan, pagkitil sa wika ng bayan ko?

Nagbabadya ang kaunlaran sa 2015 ASEAN
Unti-unting ginagapang, pagiging sandaigdigan
Natatangi umanong solusyong maiahon, maliliit na bayan
Magsasama-sama’t magbubuklod, itatakwil sariling pagkakakilanlan

Preparasyon ito sa malawakang globalisasyon
Brunei, Cambodia, Indonesia, Lao, Malaysia, Singapore,
Myanmar, Thailand, Vietnam at Pilipinas ay nagtipon
Binuo ang ASEAN upang gawing matatag na rehiyon

Globalisasyon at Rehiyonalisasyon natatanging solusyon?
Ito ba’y maka-Diyos at sa bawat baya’y mag-aahon?
O ito’y preparasyon ng diyablo’t kaniyang kampon
Na sukat pang naitala sa aklat ng rebelasyon?

Noon pa mang una, batid na ang kalooban ng Maylikha
Iniutos kay Adan at Noah na punuin ang buong lupa
Maging sa tore ng Babel sangkatauha’y sinawata
Nais nilang maging isa ngunit binigyan ng iba’t ibang wika

Pagkat bawat wika’y kinapaloloban ng sariling kultura
Kailangang pagyamanin sa sarili’t angking lupa
Likas na tumutubo’t nililinang sa kaugalia’t pakikipagkapwa
Tunay na hanguan ng diwang epistemolohiya

Nagbabadya ang pagkitil sa pagkatao’t pagkakakilala
Unti-unting tatabunan kalikasan ng bawat bansa
Pipintahan ng mapagkunwang kaunlaran at pag-asa
Nang maisakatuparan pagwawakas at pagkawasak na naitala

Wika ng bawat bansa, dapat na dinadakila
Minamahal, ginagamit, nililinang, inaaruga
Natatanging sandata sa preserbasyon ng kultura
Na tunay na diwa at kasangkapan ng pagkakaisa!