Bago pa man dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas ay mayan na sa mga kwentong-epiko ang ating bansa. Ang ilan sa kilalang mga halimbawa ng epiko ng Pilipinas ay ang Biag ni Lam-ang (epikong Ilokano), Ibalon (epiko ng Bicol), Maragtas (epiko ng Bisayas), at Indarapatra at Sulayman (epiko ng Mindanao).
Bukod sa mga epikong nabanggit, narito pa ang ilan sa mga halimbawa ng epiko ng Pilipinas na aming nakalap.
SEE ALSO: Epiko: Kahulugan, Katangian at mga Halimbawa
Mga Halimbawa ng Epiko ng Pilipinas
- Biag ni Lam-ang (Epikong Ilokano)
- Hudhud (Epiko ng Ifugao)
- Ibalon (Epiko ng Bicol)
- Kudaman (Epiko ng Palawan)
- Manimimbin (Epiko ng Palawan)
- Ullalim (Epiko ng Kalinga)
- Hinilawod (Epiko ng Panay)
- Humadapnon (Epiko ng Panay)
- Labaw Donggon (Epiko ng Bisayas)
- Maragtas (Epiko ng Bisayas)
- Bantugan (Epiko ng Mindanao)
- Darangan (Epiko ng Maranao)
- Indarapatra at Sulayman (Epiko ng Maguindanao)
- Agyu (Epiko ng Mindanao)
- Bidasari (Epiko ng Mindanao)
- Olaging (Epiko ng Bukidnon)
- Sandayo (Epiko ng Zamboanga)
- Tudbulul (Epiko ng Mindanao)
- Tuwaang (Epiko ng Mindanao)
- Ulahingan (Epiko ng Mindanao)
- Ulod (Epiko ng Mindanao)
Biag ni Lam-ang (Epikong Ilokano)
Sinasabing pinakapopular na epikong-bayan, ang Biag ni Lam-ang ay nagmula sa Hilagang Luzon, partikular na sa mga lalawigan ng Ilocos at La Union. Nag-iisa itong Kristiyanisadong epikong-bayan at pruweba nitó ang paggamit ng mga pangalang naimpluwensiyahan ng Katolisismo. Sinasabing ang paring si Gerardo Blanco ang nagtalâ ng epikong-bayan noong 1889 at si Canuto Medina na nagtalâ noong 1906. Sinundan ito ng bersiyon na nailathala sa La Lucha, ang bersiyon ni Parayno noong 1927 at pinagsáma niya ang unang dalawang bersiyon at ang bersiyon ni Leopoldo Yabes noong 1935.
Umiikot ang epikong-bayan sa buhay ng pangunahing tauhan na si Lam-ang. Bago siyá ipanganak ni Namongan, inutusan ng kaniyang ina ang kaniyang ama na si Don Juan Panganiban na manguha ng mga kahoy. Ngunit hindi na bumalik si Don Juan hanggang ipinanganak niya si Lam-ang. Pambihirang batà si Lam-ang dahil káya na niyang magsalita at may taglay siyáng kakaibang lakas. Itinanong ni Lam-ang kung nasaan ang kaniyang ama. Nang sinabi ng kaniyang ina na umalis ang kaniyang ama upang labanan ang mga Igorot, nag-ayos si Lam-ang at pumunta sa lugar ng mga Igorot kahit hindi pumayag ang kaniyang ina. Nakita niya na nagsasagawa ng sagang ang mga Igorot. Nang lumapit siyá, nakita niya ang ulo ng kaniyang ama. Pinagpapatay niya ang mga Igorot.
Nang bumalik siyá sa bayan, may mga dalagang naghihintay sa kaniya upang paliguan siyá. Nang maligo siyá sa Ilog Amburayan, namatay ang mga isda sa baho ng kaniyang libag. Hinanap niya ang dalagang nagnangangalang Ines Kannoyan, anak ng pinakamayamang tao sa Kalanutian. Pumunta siyá sa nasabing lugar, kasáma ang tandang at aso niya. Nakarating siyá matapos ang pakikipaglaban kay Sumarang at pang-aakit ni Sarindang. Nasindak sa kaniya ang mga lumiligaw kay Ines Kannoyan. Naibigay din niya ang lahat ng mga hiling ng magulang nitó kayâ ikinasal ang dalawa. Minsan, nangisda si Lam-ang at nakain siyá ng berkakan, isang malaking isda. Isang maninisid ang nakakuha ng kaniyang labí at sa tulong ng kaniyang tandang, muli siyáng nabuhay at namuhay nang matiwasay.
Buod ng Biag ni Lam-ang
Sa lambak ng Nalbuan sa baybayin ng Ilog Naguilian sa La Union ay may mag-asawang kilala sa pangalang Don Juan at Namongan.
Nang malapit nang magsilang ng sanggol si Namongan, nilusob ng tribo ng Igorot ang nayon at pinatay ang maraming tauhan ni Don Juan. Sa laki ng galit, nilusob naman ni Don Juan ang mga Igorot upang ipaghiganti ang mga tauhan niya. Hindi na nakabalik si Don Juan sa kanyang nayon. Ang naging balita, siya ay pinugutan ng ulo ng mga Igorot.
Isinilang ni Namongan ang kanyang anak. Ang sanggol ay nagsalita agad at siya na ang pumili ng pangalang Lam-ang at siya na rin ang pumili ng kanyang magiging ninong.
Nang malaman ni Lam-ang ang masakit na nangyari sa kanyang ama, sumumpa siyang ipaghihiganti niya ito. Sa gulang na siyam na buwan pa lamang, ay malakas, matipuno at malaking lalaki na siya. Ayaw man siyang payagan ng kanyang ina upang hanapin ang bangkay ng kanyang ama, ay nagpilit din si Lam-ang na makaalis.
Kasama niya sa pagtungo sa lupain ng mga Igorot ang isang mahiwagang tandang, ang tangabaran, at mahiwagang aso. Baon rin niya ang kanyang talisman mula sa punong saging. Sa tulong ng kanyang talisman ay madali niyang nalakbay ang mga kabundukan at kaparangan. Sa laki ng pagod ni Lam-ang, siya ay nakatulog. Napangarap niya ang mga Igorot na pumatay sa kanyang ama na nagsisipagsayaw at nililigiran ang pugot na ulo ng kanyang ama. Nagpatuloy si Lam-ang sa paglalakbay at narating ang pook ng mga Igorot. Nakita niya ang ulo ni Don Juan na nasa sarukang, isang haliging kawayan.
Hinamon ni Lam-ang ang mga Igorot. Pinauwi ng mga Igorot si Lam-ang upang huwag siyang matulad sa ginawa nila kay Don Juan. Sumigaw ng ubos lakas si Lam-ang at nayanig ang mga kabundukan. Ang tinig niyang naghahamon ay narinig ng marami kaya’t dumating ang maraming Igorot at pinaulanan si Lam-ang ng kanilang mga sibat. Hindi man lamang nasugatan si Lam-ang. Nang maubusan ng sibat ang mga Igorot ay si Lam-ang naman ang kumilos. Hinugot niya ang mahaba niyang itak at para lamang siyang tumatabas ng puno ng saging, na pinagpapatay niya ang mga nakalaban.
Umuwi si Lam-ang sa Nalbuan. Naligo siya sa Ilog Amburayan sa tulong ng mga dalaga ng tribu. Dahil sa dungis na nanggaling kay Lam-ang, namatay ang mga isda sa Ilog Amburayan at nagsiahon ang mga igat at alimasag sa pampang.
Matapos mamahinga ay gumayak na si Lam-ang patungo sa Kalanutian upang manligaw sa isang dilag na nagngangalang Ines Kannoyan. Kasama ni Lam-ang ang kanyang mahiwagang tandang at mahiwagang aso.
Sa daan patungo sa Kalanutian ay nakalaban niya ang higanteng si Sumarang. Pinahipan ni Lam-ang sa hangin si Sumarang at ito ay sinalipadpad sa ikapitong bundok.
Sa tahanan nina Ines ay maraming tao. Hindi napansin si Lam-ang. Tumahol ang mahiwagang aso ni Lam-ang. Nabuwal ang bahay. Tumilaok ang mahiwagang tandang. Muling tumayo ang bahay. Napansin si Lam-ang.
Ipinagtapat ng tandang at aso ang kanilang layunin. Nais pakasalan ni Lam-ang si Ines. Hindi naman tumutol ang mga magulang ni Ines kung magbibigay si Lam-ang ng panhik o bigay-kaya na kapantay ng kayamanan nina Ines.
Nagpadala si Lam-ang ng dalawang barkong puno ng ginto at nasiyahan ang mga magulang ni Ines.
Si Ines at si Lam-ang ay ikinasal nang marangya at maringal sa simbahan. Pagkatapos ng kasalan, bilang pagtupad sa kaugalian ng mga tao sa Kalanutian, kailangang manghuli si Lam-ang ng mga isdang rarang. Nakikinikinita ni Lam-ang na may mangyayari sa kanya, na siya ay makakain ng pating na berkahan. Ipinagbilin ni Lam-ang ang dapat gawin sakaling mangyayari ito.
Si Lam-ang ay sumisid na sa dagat. Nakain siya ng berkahan. Sinunod ni Ines ang bilin ni Lam-ang. Ipinasisid niya ang mga buto ni Lam-ang. Tinipon ito at tinakpan ng saya ni Ines. Inikut-ikutan ng mahiwagang tandang at mahiwagang aso. Tumilaok ang tandang at tumahol ang aso.
Walang anu-ano’y kumilos ang mga butong may takip na saya. Nagbangon si Lam-ang na parang bagong gising sa mahimbing na pagkakatulog.
Nagyakap si Lam-ang at si Ines. Kanilang niyakap din ang aso at tandang. At namuhay silang maligaya sa mahabang panahon.
Hudhud (Epiko ng Ifugao)
Sa lipunang Ifugaw, ang Hudhúd ay isang mahabang salaysay na patula na karaniwang inaawit sa panahon ng tag-ani, o kapag inaayos ang mga payyo o dinadamuhan ang mga palayan Inaawit din ito kapag may lamay sa patay at ang yumao ay isang táong tinitingala dahil sa kaniyang yaman o prestihiyo. Kinakanta ang Hudhud sa mga naturang okasyon bilang paglilibang o pampalipas-oras lamang. Hindi nakaugnay sa anumang ritwal ang pagkanta ng Hudhud.
Karaniwang umiikot ang kuwento nito sa mga karanasan ng isang pambihirang nilaláng, kadalasan ay si Aliguyon, na kabilang sa uring mariwasa o kadangyan. Ang diin ay nasa pagsuyo at pakikipag-isang-dibdib niya sa isang babaeng mula rin sa uring kadangyan. Ang tema ng pag-ibig at kariwasaan ang nangingibabaw sa Hudhud.
Tumatagal nang ilang oras o isang araw ang pag-awit ng Hudhud. Kinakanta ito ng isang grupo o koro, ang mun-abbuy, na pinangungunahan ng isang punòng mang-aawit, ang munhaw-e. Ang mga linyang kinakanta ng munhaw-e ang nagdadala ng salaysay. Mga babae ang umaawit ng Hudhud. Kung minsan, panandaliang sumasali sa pagkanta ang ilang kalalakihan, ngunit ayon sa matatanda, hindi ito sumasang-ayon sa tradisyon.
Sinasalamin ng Hudhud ang mga paniniwala’t kaugalian ng sinaunang lipunan ng mga Ifugaw, at binibigyang-paliwanag ang mga bagay na kanilang pinahahalagahan. Matatagpuan sa Hudhud ang paglalarawan sa mga konsepto na kinababatayan ng mga ugnayang pampamilya, at ng mga ugnayan ng iba’t ibang grupo sa loob at labas ng ili o nayon. Makikita rito ang paniniwala ng mga Ifugaw tungkol sa mga diyos at espiritu, at kung paano sila dapat makipag-ugnayan sa mga ito. Mangyari pa, matatagpuan din sa Hudhud ang pagtukoy sa iba’t ibang ritwal na mahigpit na bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng mga Ifugaw.
Noong 2001, kinilala ng UNESCO ang Hudhud bilang isa sa mga Masterpiece of the Oral and Intangible Heritage of Humanity.
Buod ng Hudhud: Kwento ni Aliguyon
Isang araw sa nayon ng Hannanga, isang sanggol na lalaki ang isinilang sa mag-asawang Amtalao at Dumulao. Ang pangalan niya ay Aliguyon. Siya ay matalino at masipag matuto ng iba’t ibang bagay. Katunayan, ang napag-aralan niyang mahahalaga mula sa mga kasaysayan at pangaral ng kanyang ama ay marami. Natuto siya kung paano makipag-bakbakan nang mahusay, at paano umawit ng mga mahiwagang gayuma (encantos, magic spells). Kaya kahit nuong bata pa, tiningala na siya bilang pinuno, at hanga ang mga tao sa kanya.
Nang mag-binata si Aliguyon, ipinasiya niyang sagupain si Panga-iwan, ang kaaway ng kanyang ama, sa nayon ng Daligdigan. Subalit ang sumagot sa kanyang hamon ay hindi si Pangaiwan. Ang humarap sa kanya ay ang mabangis na anak nito, si Dinoyagan na bihasa rin sa bakbakan tulad ni Aliguyon.
Hindi naaling, pinukol ni Aliguyon ng sibat si Dinoyagan. Kasing bilis ng kidlat, umiktad si Dinoyagan upang iwasan ang sibat. Wala pang isang kurap ng mata, binaligtad ni Dinoyagan ang sibat at hinagis pabalik kay Aliguyon. Umiwas din si Aliguyon at sinalo rin ng isang kamay sa hangin ang humahagibis na sibat. Binaliktad din niya at ipinukol uli kay Dinoyagan.
Pabalik-balik at walang tigil, naghagisan at nagsaluhan ng sibat si Aliguyon at Dinoyagan. Umabot na ng ilang taon ay hindi pa rin tumigil ang bakbakan, at walang nagpakita ng pagod o pagsuko sa dalawa. Subalit sa bangis at dahas ng kanilang paghahamok, kapwa sila humanga sa giting at husay ng kalaban, at pagdaka’y natuto silang igalang ang isa’t isa.
Biglang bigla, tumigil sina Aliguyon at Dinoyagan at sa wakas ay natigil ang bakbakan. Nag-usap at nagkasundo sila ng payapa. Buong lugod na sumang-ayon ang lahat ng tao sa nayon ng Hannanga at Daligdigan, at ipinagdiwang nila ang pagkakaibigan ng dalawa.
Sa paglawak ng katahimikan, umunlad ang dalawang nayon. Naging matalik na magkaibigan sina Aliguyon at Dinoyagan. Naging asawa ni Aliguyon si Bugan samantalang napangasawa naman ni Dinoyagan ang kapatid na babae ni Aliguyon, si Aginaya.
Ang dalawang pamilya ay iginalang ng lahat sa Ifugao at namuhay ng masaya.
Ibalon (Epiko ng Bicol)
Ang epikong Ibalon ay isang salaysay ng pakikipagsapalaran ng mga bayaning sina Baltog, Handiong, at Bantong. Pinaniniwalaang isang sinauna’t mitolohikong salaysay ito ng mga Bikolano. Gayunman, pinagdududahang epikong-bayan ito dahil sa kasalukuyang napakaikling anyo nitó (240 taludtod) at nakasulat sa wikang Espanyol. Bahagi ang naturang teksto ng libro ni Padre Jose Castaño, isang paring nadestino sa Bikol. May makatang nagsalin ng teksto sa Bikol ngunit walang nakatutuklas hanggang ngayon ng kahit isang orihinal na saknong nitó sa wika ng mga Bikolano. May tumatawag ding Ibalon sa Kabikulan.
Nagsisimula ang salaysay sa isang kahilingan ng ibong si Yling kay Cadugnung na kantahin ang kuwento ni Handiong. Isinasalaysay muna ni Cadugnung ang kagitingan ni Baltog na pumatay sa Tandayag, isang dambuhalang baboy. Sumunod ang kuwento ni Handiong. Bago siya dumating ay punô ng mababangis at malalaking hayop ang Kabikulan. Madalî niyang pinatay ang mga ito maliban kay Oriol, ang mailap na ahas na nagbabalatkayo bilang isang napakagandang babae. Pagkatapos mapatay si Oriol ay nagkaroon ng mga pag-unlad sa sining at industriya sa ilalim ng pamumunò ni Handiong. Ang hulíng bayani, si Bantong, ang pumatay sa dambuhalang si Rabot, isang nilaláng na kalahating tao at kalahating hayop at nagiging bato ang matingnan. Pinatay ni Bantong si Rabot hábang natutulog. Dito huminto sa pag-awit si Cadugnung.
Buod ng Ibalon
Si Baltog ay nakarating sa lupain ng Ibalon dahil sa pagtugis niya sa isang malaking baboy-ramo. Siya’y nanggaling pa sa lupain ng Batawara. Mayaman ang lupain ng Ibalon at doon na siya nanirahan. Siya ang kinilalang hari ng Ibalon. Naging maunlad ang pamumuhay ng mga tao. Subalit may muling kinatakutan ang mga tao, isang malaki at mapaminsalang baboy-ramo na tuwing sumasapit ang gabi ay namiminsala ng mga pananim. Si Baltog ay matanda na upang makilaban. Tinulungan siya ng kanyang kaibigang si Handiong.
Pinamunuan ni Handiong ang mga lalaki ng Ibalon upang kanilang lipulin ang mga dambuhalang buwaya, mababangis na tamaraw at lumilipad na mga pating at mga halimaw na kumakain ng tao. Napatay nila ang mga ito maliban sa isang engkantadang nakapag-aanyong magandang dalaga na may matamis na tinig. Ito ay si Oriol. Tumulong si Oriol sa paglipol ng iba pang mga masasamang hayop sa Ibalon.
Naging payapa ang Ibalon. Ang mga tao ay umunlad. Tinuruan niya ang mga tao ng maayos na pagsasaka. Ang mga piling tauhan ni Handiong ay tumulong sa kanyang pamamahala at pagtuturo sa mga tao ng maraming bagay.
Ang sistema ng pagsulat ay itinuro ni Sural. Itinuro ni Dinahong Pandak ang paggawa ng palayok na Iluad at ng iba pang kagamitan sa pagluluto.
Si Hablon naman ay nagturo sa mga tao ng paghabi ng tela. Si Ginantong ay gumawa ng kauna-unahang bangka, ng araro, itak at iba pang kasangkapan sa bahay.
Naging lalong maunlad at masagana ang Ibalon. Subalit may isang halimaw na namang sumipot. Ito ay kalahating tao at kalahating hayop. Siya si Rabut. Nagagawa niyang bato ang mga tao o hayop na kanyang maengkanto. May nagtangkang pumatay sa kanya subalit sinamang palad na naging bato. Nabalitaan ito ni Bantong at inihandog niya ang sarili kay Handiong upang siyang pumatay kay Rabut.
Nalaman ni Bantong na sa araw ay tulog na tulog si Rabut. Kaniya itong pinatay habang natutulog.
Nagalit ang Diyos sa ginawang pataksil na pagpatay kay Rabut. Diumano, masama man si Rabut, dapat ay binigyan ng pagkakataong magtanggol sa sarili nito. Pinarusahan ng Diyos ang Ibalon sa pamamagitan ng isang napakalaking baha.
Nasira ang mga bahay at pananim. Nalunod ang maraming tao. Nakaligtas lamang ang ilang nakaakyat sa taluktok ng matataas na bundok. Nang kumati ang tubig, iba na ang anyo ng Ibalon. Nagpanibagong buhay ang mga tao ngayon ay sa pamumuno ni Bantong.
Kudaman (Epiko ng Palawan)
Isa ang Kudaman sa umaabot sa 60 tultul o epikong-bayan ng pangkating Palawan na nakolekta ni Nicole Revel-Macdonald pagkatapos ng 20 taóng saliksik mulang 1970. Ang saliksik ni Revel-Macdonald ay patunay sa napakayamang panitikang-bayan ng Filipinas. Ang bayaning si Kudaman ay datu ng Kapatagan, may putong na kalapati at may tahanang naliligid ng liwanag. May sasakyan siyáng malaki’t mahiwagang ibon, si Linggisan, na isang kulay lilang bakaw, na nagdadalá sa kaniya sa iba’t ibang lupain at pakikipagsapalaran. Tuwing aalis siyá, iniiwan niya sa mga asawa ang isang bulaklak ng balanoy na kapag nalanta ay sagisag ng kaniyang kasawian.
Ang kasalukuyang Kudaman ay inawit ni Usuy, isang babaylang Palawan, at ilang gabi niya itong inawit. Isinalin sa Filipino ni Edgar B. Maranan ang tultul nang ilathala noong 1991.
Buod ng Kudaman
Nagsisimula ito sa istorya kung paano napangasawa ni Kudaman si Tuwan Putli, at pagkaraan, ang tatlo pang asawa na nagturingang magkakapatid at nagsáma-sáma sa isang tahanan. Sinundan ito ng pagdalo sa isang pagdiriwang ng mga Ilanun upang manggulo. Ilang taóng naglaban si Kudaman at ang pinunòng Ilanun at sa ganitong labanan ay nagwawagi sa dulo ang bayani upang kaibiganin ang nakalaban. Anupa’t malimit magtapos ang mga bahagi ng tultul sa malaking inuman ng tabad, ang alak ng Palawan, at pagkonsumo ng mahigit sandaang tapayan ng alak. Dili kayâ’y nagsisimula ito sa malaking inuman na nauuwi sa labanan kapag nalasing ang mga panauhin. Sa dulo ng mga nairekord na tultul, sampu na ang asawa ni Kudaman na nakatagpo sa iba’t ibang abentura.
Gayunman, mapapansin diumano ang taglay na hinahon at paghahangad ng kapayapaan ni Kudaman. Maraming tagpo ng sigalot na tinatapos sa kasunduang pangkapayapaan at pagpapasiya alinsunod sa tradisyong Palawan. Nakapalaman din sa tultul ang mga kapaniwalaan ng Palawan at ang konsepto nilá ng sandaigdigan.
Manimimbin (Epiko ng Palawan)
Ang Maninimbin ay isa sa mga nalikom at reirekord ng etnolohistang Pranses na si Nicole Revel sa kaniyang pagsasaliksik sa Palawan. Narinig niya ang epikong-bayan kay Masinu. Nalathala ito sa Paris noong 2000 na may kalakip na mga salin sa Pranses at Ingles. Isa pang epikong-bayang Palawanon, ang Kudaman, ang inilathala sa Paris noong 1983 at muling inilathala noong 1991 nang may salin sa Filipino ni Edgardo Maranan.
Buod ng Manimimbin
Ang binatang si Manimimbin na naglakbay sa paghahanap ng asawa. Nakatagpo siyá ng isang babae na inibig niya ngunit tumutol sa kaniyang panunuyò. May kapatid ang babae, si Labit, na naging kaibigan ni Manimimbin. Sa pagpapatuloy ng kuwento, nag-away sina Manimimbin at Labit. Dahil kapuwa may mahiwagang kapangyarihan, tumagal ang kanilang paglalaban at walang manalo. Naisip niláng lumipad sa langit at humanap ng tagapamagitan. Natagpuan nilá ang Kulog at bumalik silá sa lupa. Sa ikalawang paglalakbay ni Manimimbin at sa tulong ng mga mahiwagang ibon at ng Binibini ng mga Isda, nagwakas ang epikong-bayan sa sabay na pag-iisang-dibdib nina Manimimbin at Labit. Nakasal si Manimimbin sa kapatid ni Labit at si Labit sa kapatid ni Manimimbin.
Ullalim (Epiko ng Kalinga)
Ang Ullalim ang epikong-bayan ng mga Kalinga sa Cordillera. Isang bantog na bayani sa naturang epikong-bayan si Banna ng Dulawon. Noong 1974, inilathala nina Francisco Billiet at Francis H. Lambrecht ang ilan sa kaniyang mga pakikipagsapalaran.
Buod ng Ullalim
Sa Nibalya da Kalinga (Kasal ng Magkaaway), sinalakay nina Banna ang isang nayon para mamugot. Nagkaroon ng madugong labanan at napahiwalay siyá sa mga kasáma. Dahil tinutugis ng mga kaaway, naisip niyang tumalon sa ilog at magpatangay sa agos. Nakarating siyá sa isang kaaway na nayon at nakita ni Onnawa, na dagling umibig sa kaniya. Nag-iisa noon si Onnawa dahil nása pamumugot din ang ama at mga kanayon. Nagsáma sina Banna at Onnawa bago umuwi ang mandirigma. Nabuntis si Onnawa, at para mailihim ang nangyari ay ipinaanod sa ilog ang sanggol na si Gassingga, kasáma ang mga handog sa kaniya ni Banna. Mabuti’t nasagip ang sanggol ni Mangom-ombaliyon at pinalaking isang mahusay na mandirigma.
Si Banna naman ay nanligaw sa magandang si Laggunawa. Ngunit ang gusto ng ama ng babae ay ipakasal ito sa sinumang makapapatay sa higanteng si Liddawa. Marami nang mandirigmang nabigo na mapugot ang ulo ni Liddawa. Nabalitaan din ni Gassingga ang kondisyon ni Laggunawa at nagpasiyang lumahok. Nagdalá siyá ng alak sa nayon ni Liddawa at hinámon ang lahat ng inuman. Nang malasing si Liddawa, pinugot ni Gassingga ang ulo nitó at dinalá sa bahay ni Laggunawa. Ipinabalita ang kasal nina Gassingga at Laggunawa.
Nagalit si Banna sa nangyari at nagsadya sa bahay ni Laggunawa. Hinámon niya ang hindi nakikilalang anak. Nag-isip ng paraan si Laggunawa para mapigil ang labanan. Binigyan niya ng pagsubok ang dalawa. Nagwagi sa pagsubok si Banna. Ngunit kinain ng malaking sawá si Gassingga. Ipinasiyang iligtas si Gassingga. Pati si Mangom-ombaliyon ay dumating. Nailigtas ni Banna si Gassingga at nakilala ang anak. Sa dulo, nagkaroon ng dalawang kasalan. Binalikan ni Banna si Onnawa para pakasalan. Ikinasal din sina Gassingga at Laggunawa.
Hinilawod (Epiko ng Panay)
Tinatawag na Hinilawod ang epikong-bayan ng mga Sulod na nakatira sa bulubunduking bahagi ng Panay. May dalawa itong pangunahing tauhan, sina Labaw Donggon at Humadapnon, at may mga sariling salaysay. Sa saliksik ni F. Landa Jocano, kaniyang naitala ang Labaw Donggon noong 1956 mula kay Ulang Udig, isang Sulod sa Iloilo.
Buod ng Hinilawod
Ang salaysay na Labaw Donggon ay nagsimula sa kaniyang pamilya. Isa siyá sa tatlong mala-bathalang anak nina Abyang Alunsina, isang diwata, at ni Buyung Paubari, isang mortal. Mga kapatid niya sina Humadapnon at Dumalapdap. Pagkapanganak sa kaniya ay naghanap si Labaw Donggon ng mapapangasawa. Una niyang nakuha si Abyang Ginbitinan, ikalawa si Anggoy Doronoon. Ikatlo at pinakamahirap ang pakikipagsapalaran niya ay si Malitong Yawa Sinagmaling na asawa ni Saragnayan, tagapag-alaga ng araw. Dahil may agimat din si Saragnayan, natalo niya si Labaw Donggon sa labanan na tumagal ng maraming taon. Ibinilanggo ni Saragnayan si Labaw Donggon sa kulungan ng baboy sa silong ng bahay niya. Samantala, nanganak ng dalawang lalaki ang dalawang asawa ni Labaw Donggon, sina Asu Mangga at Buyung Baranugan. Hiananap ng magkapatid ang ama, nakaharap si Saragnayan, ngunit ngayo’y natuklasan ni Baranugan ang lihim ng kapangyarihan ni Saragnayan kayâ napatay ang asawa ni Malitong Yawa Sinagmaling. Pinawalan ng magkapatid si Donggon at pinaliguan. Ngunit nagtago ito sa loob ng isang lambat. Sina Humadapnon at Dumalapdap naman ang humanap kay Labaw Donggon at nakita nilá ito sa loob ng lambat ngunit halos bingi at lubhang matatakutin. Gayunman, pinagtulungan siyáng gamutin nina Abyang Ginbitinan at Anggoy Doronoon pagkatapos mangako na pantay-pantay siláng ituturing na asawa kasama ni Malitung Yawa Sinagmaling. Sinundan pa ito ng mga pakikipagsapalaran nina Humadapnon at Dumalapdap na nakuha din ng kani-kanilang asawa.
Humadapnon (Epiko ng Panay)
Sa ulat ni E. Arsenio Manuel (1963), may epikong-bayan tungkol kay Humadapnon na anak nina Munsad Burukalaw at Anggay Ginbitinan at ang pakikipagsapalaran nito upang makuha si Nagmalitong Yawa Nagmaling Diwata. Naipit ang kaniyang ginintuang biray sa dalawang nag-uumpugang malaking bato ngunit iniligtas siya ng mga kaibigang espiritu. Pagkaraan, naengkanto naman siya nang pitong taon sa pulo ng magagandang babae. Isang mahiwagang lalaki ang nagligtas sa kaniya (si Nagmalitong Yawa na nakabalatkayo) at muling naglaho. Nagpatuloy sa paghahanap si Humadapnon at dumanas ng marami pang hirap. Sa wakas, natagpuan niya ang Ilog Halawod at nakasal kay Nagmalitong Yawa. Sa pagdiriwang, isang lalaki ang dumagit kay Nagmalitong Yawa. Sakay ng kalasag, humabol si Humadapnon at naglaban sila ng lalaki nang pitong taon. Sa dulo, namagitan si Launsina, diwata ng langit, at ipinaliwanag na kapatid ni Humadapnon ang lalaki—si Amurutha. Hinati ni Launsina si Nagmalitong Yawa, na nabuhay muling dalawang magandang babae, at naging mga asawa nina Humadapnon at Amurutha.
Buod ng Humadapnon
Ang mag-asawang Musod Burubalaw at Anggoy Ginbitinan ay may mga anak na lalaki. Isa sa kanilang mga anak ay itinuturing na bayani ng mga Sulod Pagandra ng Panay Sentral. Ito ay ang kanilang panganay na si Humadapnon.
Nang siya’y magbinata, iginayak niya ang kanyang sarili sa paglalakbay. Nais niya’y matagpuan ang babaeng kanyang pakakasalan. Ang babaeng nagngangalang Nagmalitong Yawa, nag-iisang anak nina Labaw at Viva Matanayon ng Ilog Hulanod ang siyang nagpatibok sa puso ni Humadapnon. Kumuha muna siya ng maliit na patalim at sinugatan nito ang maliit na daliri. Matapos iyon, siya ay naglakbay at nangyaring si Buyung Dumalaplap ang naging kapatid niya sa dugo.
Habang siya’y naglalayag sakay ng kanyang ginintuang bangka, isang hindi inaasahang lakas ang dumating. Natangay ang kanyang ginintuang bangka. Salamat na lamang at may dumating siyang kaibigang hindi nakikita kaya nakaiwas siya sa pagkakaipit sa dalawang malalaking bato.
Matapos ang trahedyang ito’y muling nagpatuloy sa paglalakbay si Humadapnon hanggang sa makarating siya sa dagat na ang tubig ay hindi gumagalaw, malagkit, maputik at maitim. Matagal pa sana siyang aalis sa lugar na iyon ngunit muli na naman siyang tinulungan ng kanyang kaibigang di niya nakikita, na nagngangalang Saragudon.
Sa pagpapatuloy ng kanilang paglalakbay, narating nila ang lupain ng Taraban. Ang lahat ng mga namumuno sa lugar na ito ay pawang babae na naggagandahan. Sina Simalubay Hanginum, Simahuboli Hubunan at Sinaghating Bulawan. Sa kagandahan ng magkapatid ay naakit si Humadapnon. Isa rin ito sa dahilan kung bakit nananatili pa sila sa lugar na ito sa kabila ng pinagbantaan siya ng kapatid sa dugo na si Dumalaplap. Nabilanggo siya rito ng halos pitong taon. Sa kabutihang-palad, may nagligtas muli sa kanya. Ito ay si Nagmalitong-Yawa na matapos siyang makawala ay bigla itong nawala.
Muli niyang ipinagpatuloy ang paghahanap kay Nagmalitong Yawa. Napadaan siya sa isang madilim na lupain na kinakitaan ng mga kaluluwa ng kanyang mga ninunong yumao na. Ang lupaing ito’y nagtataglay ng sampung ilog. Lulan ng kanyang bangka, mula sa bulubunduking ito, nagkaroon sila ng paglalaban at agad naman niyang nagapi ang mga ito. Mula sa ilog na ito ay nadako siya sa ilalim ng lupa at dito’y nakasagupa niya ang isang hayop na may walong ulo. At nagapi niya ang hayop. Sa maraming taon niyang paglalakbay, narating niya ang Ilog ng Holawod. At dito niya nakita si Nagmalitong Yawa. Ito ay kanyang pinakasalan. Sa gitna ng pagdiriwang may dumating na isang grupo mula sa kalawakan. Mabilis na kinuha si Nagmalitong Yawa at ito ay napatay. Buong tapang na nakipagsagupa si Humadapnon sa pinuno ng grupo. Sapagkat kapwa may angking lakas ay umabot sa pitong taon ang kanilang sagupaan. Ipinaalam ni Launsina kay Humadapnon na kulang sa pag-iisip ang nakalaban ni Humadapnon sa Namurata sa himpapawid upang bigyan ng buhay si Nagmalitong Yawa.
Nang muling mabuhay si Nagmalitong Yawa ay saka nila napag-alaman na ang kalahating katawan nito ay napangasawa ni Amurutha at ang kalahati ay napangasawa ni Humadapnon. Mula nang magkaliwanagan ay nanaog sina Humadapnon at Nagmalitong Yawa sa naging pinuno ng mga tao sa Sulod ng Panay.
Labaw Donggon (Epiko ng Bisayas)
Isa sa mga halimbawa ng epiko ng Pilipinas ang “Labaw Donggon” na epikong Bisaya. Narito ang buod ng naturang epiko.
Buod ng Labaw Donggon
Si Labaw Donggon ay anak ni Anggoy Alunsina at Buyung Paubari. Siya ay napakakisig na lalaki na umibig kay Abyang Ginbitinan. Binigyan niya ng maraming regalo ang ina ni Abyang Ginbitinan na si Anggoy Matang-ayon upang pumayag lamang na makasal ang dalawa. Inimbita niya ang buong bayan sa kanilang kasal. At hindi nagtagal ay umibig siyang muli sa isang magandang babae na nagngangalang Anggoy Doronoon. Niligawan niya ito at hindi nagtagal ay nagpakasal.
At muli ay umibig si Labaw sa isa pang babae na nagngangalang Nagmalitong Yawa Sinagmaling Diwata. Ngunit ang babae ay nakasal na kay Buyung Saragnayan na katulad niya na may kapangyarihan din.
“Patayin mo muna ako bago mo makuha ang aking asawa”, sabi ni Buyung Saragnayan sa kanya.
“Handa akong kalabanin ka”, sagot ni Labaw kay Saragnayan.
Naglaban sila ng maraming taon gamit ang kanilang mga kapangyarihan ngunit hindi mapatay ni Labaw si Saragnayan. Mas malakas ang kapangyarihan ni Saragnayan kaysa kay Labaw.
Natalo si Labaw at siya ay itinali at ikinulong sa kulungan ng baboy ni Saragnayan. Samantala ang kanyang mga asawa na si Abyang Ginbitinan at Anggoy Doronoon ay nanganak sa kanilang panganay. Tinawag ni Abyang ang kanyang anak na Asu Mangga at si Anggoy Doronoon na Buyung Baranugun. Gustong makita si Labaw ng kaniyang dalawang anak at nagpasya na hanapin siya. Sa tulong ng bolang kristal ni Buyung Barunugun ay nalaman nlla na bihag siya ni Saragnayan. Ang dalawang magkapatid ay nagtagumpay sa pagpapalaya sa kanilang ama na napakatanda na at ang kanyang katawan ay nababalutan na ng mahabang buhok.
“Kailangan nyo munang malaman ang sikreto ng kapangyarihan ni Saragnayan bago ninyo siya labanan!” sabi ni Labaw sa kanyang dalawang anak.
“Opo ama”, sagot ni Baranugun. “Ipapadala ko sina Taghuy at Duwindi kay Abyang Alunsini upang itanong ang sikreto ng kapangyarihan ni Saragnayan.”
Nalaman ni Baranugun kay Abyang na ang hininga ni Saragnayan ay itinatago at pinangangalagaan ng isang baboy ramo sa kabundukan. Siya at si Asu Mangga ay nagtungo sa kabundukan upang patayin ang baboy ramo. Kinain nila ang puso nito na siyang buhay ni Saragnayan.
Biglang nanghina si Saragnayan. Alam niya kung ano ang nangyari. Nagpaalam na siya kay Nagmalitong Yawa. Handa na siyang upang kalabanin ang dalawang anak ni Labaw. Si Baranugun lamang ang humarap sa kanya sa isang madugong laban. Napatay siya ni Baranugun sa isang mano-manong laban. Pagkatapos ng labanan ay hinanap nila ang kanilang ama. Nakita nila na siya ay nakasilid sa lambat ni Saragnayan. Natakot sila sa mga kapatid ni Saragnayan. Pinatay silang lahat ni Baranugun at pinalaya si Labaw sa lambat.
Nang makita ni Abyang Ginbitinan at Anggoy Doronoon si Labaw ay napaiyak sila sa pighati. Nalaman nilang hindi na makarinig si Labaw, hindi na rin nito nagamit ang pag-iisip. Pinaliguan nila ito, binihisan at pinakain. Inalagaan nila ito ng mabuti. Samantala, si Buyung Humadapnon at Buyung Dumalapdap, mga bayaw ni Anggoy Ginbitinan ay ikinasal kina Burigadang Pada Sinaklang Bulawan at Lubaylubyok Hanginon Mahuyukhuyukon. Ang dalawang babae ay ang magagandang kapatid ni Nagmalitong Yawa.
Nang malaman ni Labaw Donggon ang kasal sinabi nito sa dalawang asawa na nais niyang mapakasalan si Nagmalitong Yawa Sinagmaling Diwata.
“Gusto kong magkaroon ng isa pang anak na lalaki!” sabi ni Labaw Donggon.
Nagulat sina Abyang Ginbitinan at Anggoy Doronoon sa sinabi ng asawa at dahil mahal na mahal nila ang asawa ay tinupad nila ang kahilingan nito. Humiga si Labaw sa sahig at pumatong ang dalawang babae sa kanya, naibalik ang kanyang lakas at sigla ng isip. Masayang-masaya si Labaw at ang kanyang tinig ay umalingawngaw sa buong lupain.
Maragtas (Epiko ng Bisayas)
Ang epikong Maragtas ay kasaysayan ng sampung magigiting, matatapang at mararangal na datu. Ang kasaysayan ng kanilang paglalakbay mula Borneo patungo sa pulo ng Panay ay buong kasiyahan at pagmamamalaking isinalaysay ng mga taga-Panay.
Buod ng Maragtas
Ang Borneo noon ay nasa pamumuno ng isang malupit at masamang sultan na si Sultan Makatunao. Kinamkam niya ang lahat ng yaman ng nasasakupan. Kanya ring pinupugayan ng dangal ang mga babae, pati ang mga asawa at anak na dalaga ng mga datu na nasa ilalim niya.
Isang araw, si Pabulanan, ang asawa ni Datu Paiborong, ang nais halayin at angkinin ng masamang sultan. Nalaman ni Datu Paiborong ang tangka ni Sultan Makatunao. Nagbalak ang magigiting na datu na manlaban kay Sultan Makatunao. Nag-usap-usap silang palihim. Naisipan sin nilang humingi ng tulong kay Datu Sumakwel.
Si Sumakwel ay mabait, magalang at matalino. Alam niya ang kasaysayan ng maraming bansa at marami siyang alam kung tungkol sa paglalayag. Dinalaw ni Datu Paiborong at ni Datu Bangkaya si Sumakwel. Ipinagtapat ng dalawa ang paglaban na nais nilang gawin. Ayaw ni Sumakwel sa balak na paglaban.
Pinuntahan ni Sumakwel si Datu Puti. Si Datu Puti ay punong ministro ni Makatunao. Sinabi ni Sumakwel ang suliranin ng mga datu at ang balak na paglaban. Ipinasiya nina Sumakwel at Datu Puti ang palihim na pag-alis nilang sampung datu sa Borneo. Hindi nila magagapi si Makatunao. Maraming dugo ang dadanak at marami ang mamamatay. Ayaw ni Datu Puti na mangyari ang ganoon. Iiwan nila ang kalupitan ni Sultan Makatunao at hahanap sila ng bagong lupain na maaaring pamuhayan nila nang malaya at maunlad. Sila’y mararangal na datu na mapagmahal sa kalayaan.
Nagpulong nang palihim ang sampung datu. Sila’y tatakas sa Borneo. Palihim silang naghanda ng sampung malalaking bangka, na ang tawag ay biniday o barangay. Naghanda sila ng maraming pagkain na kakailanganin nila sa malayong paglalakbay. Hindi lamang pagkain ang kanilang dadalhin kundi pati ang mga buto at binhi ng halamang kanilang itatanim sa daratnan nilang lupain. Madalas ang pag-uusap ni Sumakwel at ni Datu Puti. Batid ni Sumakwel ang malaking pananagutan niya sa gagawin nilang paghanap ng bagong lupain. Silang dalawa ni Datu Puti ang itinuturing na puno, ang mga datung hahanap ng malayang lupain.
Isang hatinggabi, lulan sa kanilang mga biniday o barangay, pumalaot ng dagat ang sampung datu kasama ang kanilang asawa at mga anak at buong pamilya pati mga katulong. Sa sampung matatapang na datu, anim ang may asawa at apat ang binata. Si Sumakwel ay bagong kasal kay Kapinangan, si Datu Bangkaya ay kasal kay Katorong na kapatid ni Sumakwel. Ang mag-asawang si Datu Paiborong at Pabulanan, si Datu Domangsol at ang asawang si Kabiling, ang mag-asawang si Datu Padihinog at Ribongsapaw, Si Datu Puti at ang kanyang asawang si Pinampangan. Ang apat na binatang datu ay sina Domingsel, Balensuela, Dumalogdog at Lubay.
Ang mga taga-Borneo ay kilala sa tawag na Bisya o Bisaya. Malakas ang loob nila na pumalaot sa dagat pagkat batid nila ang pagiging bihasa ni Datu Puti at ni Sumakwel sa paglalayag. Nakita nang minsan ni Sumakwel ang isang pulo makalagpas ang pulo ng Palawan. Alam niya na ang naninirahan dito ay mga Ati, na pawang mababait at namumuhay nang tahimik. Alam din niya kung gaano kayaman ang pulo.
Nasa unahan ang barangay ni Datu Puti. Makaraan ang ilang araw at gabi nilang paglalakbay, narating nila ang pulo ng Panay. Ang matandang pangalan nito ay Aninipay.
Bumaba si Datu Puti at naglakad-lakad. Nakita niya ang isang Ati. Siya ay katutubo sa pulong iyon. Pandak, maitim, kulot ang buhok at sapad ang ilong. Sa tulong ng kasama ni Datu Puti na marunong ng wikain ng katutubo ay itinanong niya kung sino ang pinuno sa pulong iyon at kung saan ito nakatira. Ipinabalita ni Datu Puti kay Marikudo na silang mga Bisaya mula sa Borneo ay nais makipagkaibigan.
Si Marikudo ay siyang hari ng Aninipay. Siya ay mabuting pinuno. Ang lahat sa pulo ay masaya, masagana at matahimik na namumuhay. Walang magnanakaw. Ang lahat ay masipag na gumagawa. Kilala rin sila sa pagiging matapat at matulungin sa kapwa.
Dumating ang takdang araw ng pagkikita ng mga Ati sa pamumuno ni Marikudo at ng mga Bisaya sa pamumuno ni Datu Puti. May isang malaking sapad na bato sa baybay dagat. Ito ang kapulungan ng mga Ati. Ito ang Embidayan. Dito tinanggap ni Marikudo ang mga panauhin. Nakita niya na mabait at magalang ang mga dumating. Ipinaliwanag ni Datu Puti ang kanilang layong makipanirahan sa pulo ng Aninipay. Nais nilang bilhin ang lupain. Sinabi ni Marikudo na tatawag siya ng pulong, ang kanyang mga tauhan at saka nila pagpapasyahan kung papayagan nilang makipanirahan ang mga dumating na Bisaya.
Muling nagpulong ang mga Ati at mga Bisaya sa Embidayan. Nagpahanda si Marikudo ng maraming pagkaing pagsasaluhan ng mga Ati at mga Bisaya. Dumating mula sa Look ng Sinogbuhan ang mga Bisaya lulan ng sampung barangay. Nakaupo na sa Embidayan si Marikudo kasama ang kanyang mga tauhan. Katabi ni Marikudo ang kanyang asawa na si Maniwantiwan. Nakita ng mga Ati ang maraming handog ng mga Bisaya. Ang mga lalaking Ati ay binigyan ng mga Bisaya ng itak, kampit at insenso. Ang mga babaeng Ati ay binigyan naman ng kuwintas, panyo at suklay. Ang lahat ay nasiyahan. Nagpakita ng maramihang pagsayaw ang mga Ati. Tumugtog ang Bisaya sa kanilang solibaw, plota, at tambol habang ang mga lalaki naman ay nagsayaw pandigma, ang sinurog.
Nag-usap sina Marikudo at Datu Puti. Ipinakuha ni Datu Puti ang isang gintong salakot at gintong batya mula sa kanilang barangay. Ibinigay niya ito kay Marikudo. Nakita ni Maniwantiwan ang mahabang-mahabang kuwintas ni Pinampangan. Ito’y kuwintas na lantay na ginto. Ibig ni Maniwantiwan ang ganoon ding kuwintas. Pinigil ni Maniwantiwan ang bilihan, kung hindi siya magkakaroon ng kuwintas. Madaling ibinigay ni Pinampangan ang kuwintas niya kay Maniwantiwan.
Itinanong ni Datu Puti kung gaano kalaki ang pulo. Sinabi ni Marikudo, na kung lalakad sa baybay dagat ng pulo simula sa buwang kiling (Abril o buwan ng pagtatanim) ay makababalik siya sa dating pook pagsapit ng buwan ng bagyo-bagyo (Oktubre o buwan ng pag-aani).
Ang lupang kapatagan ay ibinigay ng mga Ati sa mga Bisaya. Ibinigay rin nila ang kanilang mga bahay. Ang mga Ati ay lumipat ng paninirahan sa bundok.
Madaling isinaayos ni Datu Puti ang mga Bisaya. Si Datu Bangkaya kasama ang kanyang asawa na si Katurong at anak na si Balinganga at kanilang mga tauhan at katulong ay tumira sa Aklan. Sumunod na inihatid ni Datu Puti sina Datu Paiborong at asawang si Pabulanon at ang kanyang dalawang anak na si Ilehay at si Ilohay. May mga tauhan ding kasama si Datu Paiborong na kakatulungin niya sa pagtatanim ng mga buto at binhi na iiwan ni Datu Puti at Datu Sumakwel. Sina Lubay, Dumalogdog, Dumangsol at Padahinog ay kasama ni Sumakwel. Sila ay sa Malandog naman maninirahan. Nagpaalam si Datu Puti kay Sumakwel. Kanyang pinagbilinan si Sumakwel na pamunuang mahusay ang mga Bisaya. Nag-aalala si Datu Puti tungkol sa kalagayan ng iba pang Bisaya sa Borneo sa ilalim ng pamumuno ng malupit na si Makatunao.
Matapos magpaalam kay Sumakwel, umalis na ang tatlong barangay, kay Datu Puti ang isa, at ang dalawa pa ay sa dalawang binatang datu na sina Datu Domingsel at Datu Balensuela. Narating nila ang pulo ng Luzon. Dumaong ang tatlong barangay sa Look ng Balayan. Ipinasya ng dalawang datu na dito na sa Taal manirahan kasama ang mga “Taga-ilog”. Isang araw lamang at umalis na sina Datu Puti at Pinampangan upang bumalik sa Borneo.
Bantugan (Epiko ng Mindanao)
Isa sa mga halimbawa ng epiko ng Pilipinas ang “Bantugan” na epiko ng Mindanao. Narito ang buod ng naturang epiko.
Buod ng Bantugan
Si Bantugan ay isang magiting na mandirigma sa epikong-bayang Darangan ng mga Maranaw. Siya ay kilala sa kaniyang kahariang Bumbaran dahil sa mga naipanalo niyang mga digma at labanan.
Sagisag ng tapang at kakisigan, si Prinsipe Bantugan ay sikat na sikat sa kanilang kahariang Bumbaran lalo na sa mga dalaga. Sinasabing naligawan na niya ang 50 na pinakamagandang prinsesa sa mundo. Dahil dito, lubhang naiinggit sa kaniya ang mas nakatatandang kapatid na si Haring Madali. Ipinagbawal ni Madali na kausapin ng kahit sino ang kaniyang kapatid.
Sa labis na kalungkutan, umalis ng kanilang kaharian si Bantugën hanggang nagkasakit at namatay malapit sa Kaharian ng Lupaing nása Pagitan ng Dalawang Dagat. Nakita ng hari at ni Prinsesa Datimbang ang katawan ni Bantugan at agad inilapit ang kanilang balita sa pulong ng mga tagapayo. Isang loro ang pumasok at sinabi kung sino at kung saan gáling ang patay na manlalakbay.
Nang mabalitaan ito ni Haring Madali, binawi niya ang kaluluwa ng kapatid sa langit upang maibalik sa katawan ni Bantugën. Kumalat ang balita ng kaniyang pagkabuhay hanggang sa kaaway na kaharian at kay Haring Miskoyaw. Sinugod ng kawal ni Miskoyaw ang Bumbaran at nabihag si Prinsipe Bantugën na may nanghihinà pang katawan. Nang magbalik ang lakas, pinuksa niya ang hukbo ng kaaway na hari at iniligtas ang buong Bumbaran. Nagkaroon silá ng malaking pagdiriwang at nawala na ang inggit sa puso ni Haring Madali. Matagal at masayang namuhay sa kaharian ng Bumbaran si Prinsipe Bantugan kasáma ng mga pinakasalan niyang prinsesa.
Darangan (Epikong Maranao)
Ang Darangan ng mga Muslim ay mga salaysay na patula hinggil sa kabayanihan ng mga nasa Magindanaw, mga gawaing kahanga-hanga at di sukat mapaniwalang kabayanihan at kagitingan ng mga mandirigmang Muslim. Ang Darangan ay hindi iisang epiko – marami – ngunit tatatlo lamang ang napasalin pa sa Ingles at ito’y utang sa pagsasaliksik ni G. Frank Lauback. Ang mga Darangan ay nasusulat sa wikang Maranaw. Ang lalong popular sa lahat ay ang Bantugan, na paulit-ulit na binibigkas sa dating pagkakakatha sa palibot ng Lawa ng Lanaw. May ilang mga Muslim ngayon na nakapag-uulit sa kabuuan ng Bantugan.
Buod ng Darangan
Mayroong isang hari sa isang malayong kaharian sa Mindanao ang may dalawang anak na lalaki. Ang nakatatanda ay si Prinsipe Madali at ang nakababata ay si Prinsipe Bantugan. Sa murang edad ay nagpakita si Prinsipe Bantugan ng magagandang katangian na higit sa kanyang nakatatandang kapatid na si Prinsipe Madali. Laging sinasabi ng kanilang guro sa kanilang ama na si Prinsipe Bantugan ay napakatalino. Mabilis siyang matuto, kahit sa paggamit ng espada at palaso. Taglay niya ang lakas na kayang makipaglaban sa tatlo o limang tao sa mano-manong labanan.
Ang unang tanda na siya ay magiging isang magaling na sundalo ay nang makita siya nang mapatay niyang mag-isa ang isang malaking buwaya na nakapatay sa ilang taong-bayan. Hindi makapaniwala ang mga taong-bayan sa kanilang nakita pagkatapos ng pagtutuos.
“Napakalakas niya!” ang sabi ng isang matandang lalaki nang makita ang patay na buwaya.
“Paano nakaya ng isang tao na ganito kabata na patayin ang buwaya? Sinasapian siguro siya ng mga diyos!” sabi naman ng isa.
“Halika, pasalamatan natin ang prinsipe sa pagpatay niya sa halimaw!” sabi ng pinuno ng bayan.
Nang umabot na si Prinsipe Bantugan sa kanyang kabinataan, siya ay naging pinakamagaling na sundalo sa kaharian. Lagi niyang pinamumunuan ang mga sundalo sa labanan. At lagi silang nagwawagi laban sa mga kalabang kaharian. Ang kanyang pangalan ay naging bukambibig ng lahat ng mga sundalo ng mga kalapit na kaharian. Hindi nagtagal ay wala nang kaharian na nangahas kumalaban sa kanila. Kapayapaan at pag-unlad ang naghari sa kaharian dahil natamo nilang respeto at pagkilala ng mga kalapit kaharian.
Nang mamatay ang kanilang ama, ang kaniyang nakatatandang kapatid na si Prinsipe Madali ang hinirang na bagong hari. Nagkaroon ng protesta ang mga nasa ranggo. Nais nila na si Prinsipe Bantugan ang maging bagong hari. Kahit ang mga ordinaryong mamamayan ay nagsasabi na si Prinsipe Bantugan ang mas karapat-dapat maging hari sa dalawang prinsipe.
“Si Prinsipe Bantugan ay matapang at malakas, kaya niya tayong protektahan laban sa mga kaaway!” sabi ng isang matanda sa pamilihan.
“Sang-ayon ako sa iyo”, sagot ng matandang lalaki.
Hindi ito pinansin ni Prinsipe Bantugan. Alam niya na ang kanyang kapatid ang karapatdapat na tagapagmana ng trono dahil si Prinsipe Madali ang panganay sa kanilang dalawa. Siya mismo ang nagpatunay para sa kanyang kapatid.
“Nararapat lamang na ang kapatid ko ang maging bagong hari dahil napag-aralan na niya kung paano magpatakbo ng gobyerno”, sinabi niya sa kapwa niya sundalo at mga ministro sa kaharian. “Alam niya kung paano ang pamamalakad sa ugnayang panlabas. At marami siyang magandang ideya upang mapaganda ang buhay ng bawat mamamayan!”
Tumango na lamang ang mga ministro at mga kawal. Ngunit nagkaroon ng isang bitak sa pagitan ni Prinsipe Bantugan at Prinsipe Madali. Sapagkat si Prinsipe Bantugan ay hindi lamang matapang at malakas, siya rin ay napakakisig. Maraming magagandang babae sa kaharian ang nahuhumaling sa kanya. Kahit ang mga babaeng gusto ng kanyang kapatid na si Prinsipe Madali ay sumuko sa kanyang gayuma. Dahil sa galit at inggit, nagpahayag ang hari ng kautusan.
“Hindi ko gusto na kahit sino, kahit sino, ang makikipag-usap sa aking kapatid na si Prinsipe Bantugan. Sino man ang makita na nakikipag-usap sa kanya ay ipapakulong o kaya ay parurusahan ng malubha.”
Nalungkot si Prinsipe Bantugan sa iniutos ng kanyang kapatid. Nakita niya ang sarili na parang mayroong nakakahawang sakit. Lahat ay lumalayo sa kanya, kahit ang mga kababaihan. Kahit ang mga taong kanyang minahal. Walang gustong kumausap sa kanya sa takot na baka makulong maparusahan ng hari. Dahil hindi na niya matagalan ang mga ito, nagpasiya ang prinsipe na lisanin ang kaharian at manirahan sa malayong lugar kung saan siya nanirahan habambuhay.
Indarapatra at Sulayman (Epiko ng Maguindanao)
Ang Indarapatra at Sulayman ay isang epikong-bayan ng mga Maguindanao sa Mindanao. Inaawit na ito bago pa man dumating ang paniniwalang Islam sa isla. Pangunahing tauhan nito ang magkapatid na sina Raha Indarapatra at Raha Sulayman at kung paano nila iniligtas ang Mindanao laban sa mga halimaw. Hari si Indarapatra ng Mantapuli, isang malaki at dakilang lungsod na pinamamahayan ng maraming tao, samantalang magiting na mandirigma si Sulayman. Bukod sa epikong-bayang ito, lagi ring nababanggit si Indarapatra sa ibang kuwentong-bayang Maguindanao, at maituturing siyang kanilang maalamat na bayani.
Nagsisimula ang Indarapatra at Sulayman nang mababalitaan ni Indarapatra ang malimit na pananalakay ng mga dambuhala at mababangis na hayop sa ibang panig ng Mindanao, sa labas ng kaniyang kaharian ng Mantapuli. Ipinatawag niya ang kapatid na si Sulayman. Papakiusapan niya itong puksain ang mga halimaw, at ipahihiram ang kaniyang mahiwagang singsing at mahiwagang kris, ang Juru Pakal, na animo’y may sariling isip sapagkat káya nitóng lumusob sa kalaban nang mag-isa. Pagkatapos ng iba pang tagpo at labanan, sa dulo ng salaysay ay ipanganganak sina Rinamuntaw at Rinayung, kambal na anak na lalaki at babae ni Indarapatra at sinasabing ninuno ng ilan sa mga tribu ng rehiyon ng Lawang Lanao.
Ayon sa aklat ni Damiana L. Eugenio, umaayon ang lunan ng epikong-bayan sa lupaing pamilyar sa mga Magindanaw, tulad ng mga bundok Kabalalan, Matutun, Bita, at Gurayn. Kahit may nakapasok na mga pangalang Arabe, nananatili pa rin daw tapat ang naratibo sa katutubong tradisyon ng mga Magindanaw.
Buod ng Indarapatra at Sulayman
Si Indarapatra ay ang matapang na hari ng Mantapuli. Nabalitaan niya ang malimit na pananalakay ng mga dambuhalang ibon at mababangis na hayop sa ibang panig ng Mindanao. Labis niyang ikinalungkot ang mga nangyayaring ito sa mga naninirahan sa labas ng kaharian ng Mantapuli.
Ipinatawag ni Indarapatra ang kanyang kapatid na si Sulayman, isang matapang na kawal. Inutusan ni Indarapatra si Sulayman upang puksain ang mga ibon at hayop na namiminsala sa mga tao. Agad na sumunod si Sulayman. Bago umalis si Sulayman, nagtanim si Indarapatra ng halawan sa may durungawan. Aniya kay Sulayman, “Sa pamamagitan ng halamang ito ay malalaman ko ang nangyayari sa iyo. Kapag namatay ang halamang ito, nanganaghulugang ikaw ay namatay.”
Sumakay si Sulayman sa hangin. Narating niya ang Kabilalan. Wala siyang nakitang tao. Walang anu-ano ay nayanig ang lupa, kaya pala ay dumating ang halimaw na si Kurita. Matagal at madugo ang paglalaban ni Sulayman at ni Kurita. Sa wakas, napatay rin ni Sulayman si Kurita, sa tulong ng kanyang kris.
Nagtungo naman si Sulayman sa Matutum. Kanyang hinanap ang halimaw na kumakain ng tao, na kilala sa tawag na Tarabusaw. Hinagupit nang hinagupit ni Tarabusaw si Sulayman sa pamamagitan ng punongkahoy. Nang nanlalata na si Tarabusaw ay saka ito sinaksak ni Sulayman ng kanyang espada.
Pumunta si Sulayman sa Bundok ng Bita. Wala rin siyang makitang tao. Ang iba ay nakain na ng mga halimaw at ang natirang iba ay nasa taguan. Luminga-linga pa si Sulayman nang biglang magdilim pagkat dumating ang dambuhalang ibong Pah. Si Sulayman ang nais dagitin ng ibon. Mabilis at ubos lakas ng tinaga ito ni Sulayman. Bumagsak at namatay ang Pah. Sa kasamaang palad nabagsakan ng pakapak ng ibon si Sulayman na siya niyang ikinamatay.
Samantala, ang halaman ni Sulayman sa Mantapuli ay laging pinagmamasdan ni Indarapatra. Napansin niyang nanlata ang halaman at alam niyang namatay si Sulayman.
Hinanap ni Indarapatra ang kanyang kapatid. Nagpunta siya sa Kabalalan at nakita niya ang kalansay ni Tarabusaw. Alam niyang napatay ito ng kapatid niya. Ipinagpatuloy ni Indarapatra ang paghahanap niya kay Sulayman. Narating niya ang bundok ng Bita. Nakita niya ang patay na ibong Pah. Inangat ni Indarapatra ang pakpak ng ibon at nakita ang bangkay ni Sulayman. Nanangis si Indarapatra at nagdasal upang pabaliking muli ang buhay ni Sulayman. Sa di kalayua’y may nakita siyang banga ng tubig. Winisikan niya ng tubig ang bangkay at muling nabuhay si sulayman. Parang nagising lamang ito mula sa mahimbing na pagtulog. Nagyakap ang magkapatid dahil sa malaking katuwaan.
Pinauwi na ni Indarapatra si Sulayman. Nagtuloy pa si Indarapatra sa Bundok Gurayu. Dito’y wala ring natagpuang tao. Nakita niya ang kinatatakutang ibong may pitong ulo. Sa tulong ng kanyang engkantadong sibat na si juris pakal ay madali niyang napatay ang ibon.
Hinanap niya ang mga tao. May nakit siyang isang magandang dalaga na kumukuha ng tubig sa sapa. Mabilis naman itong nakapagtago. Isang matandang babae ang lumabas sa taguan at nakipag-usap kay Indarapatra. Ipinagsama ng matandang babae si Indarapatra sa yungib na pinagtataguan ng lahat ng tao sa pook na iyon. Ibinalita ni Indarapatra ang mga pakikilaban nilang dalawa ni Sulayman sa mga halimaw at dambuhalang ibon. sinabi rin niyang maaari na silang lumabas sa kanilang pinagtataguan. Sa laki ng pasasalamat ng buong tribu, ipinakasal kay Indarapatra ang anak ng hari, ang magandang babaeng nakita ni Indarapatra sa batisan.
Agyu (Epiko ng Mindanao)
Si Agyu ang pangunahing bayani ng sinaunang epikong-bayan na Olaging at Ulahingan sa Mindanaw. Olaging ang tawag sa epikong-bayan ng mga Bukidnon at sinasabing ukol lámang ito sa búhay at pakikipagsapalaran ni Agyu. Sa kabilâng dako, ayon kay Elena G. Maquiso (1977), ang Ulahingan ay isang sanga ng epikong-bayang Bendigan at nakaukol sa búhay ni Agyu at kaniyang angkan. Ang Bendigan diumano ay epikong-bayan ng mga Manobo at may sanga ito na tinatawag na Tulalangan at hinggil naman sa bayaning si Tulalang.
Malimit na ang paksa ng Ulahingan ay ang paglalakbay ni Agyu, angkan, at mga alagad upang hanapin ang Nalandangan o Nelendangan. Nagsisimula ito sa pagdating ng isang malupit na kaaway o mananakop kayâ kailangang tumakas ng komunidad ni Agyu. May episodyo tungkol kay Mungan, asawa ng kapatid ni Agyu na si Vanlak. Nagkasakit ng ketong si Mungan at nagpasiyang magpaiwan. Ngunit pinagaling siyá ng mga naawang diwata at tinuruan pa kung paanong makaliligtas ang komunidad ni Agyu. May episodyo din sa mga kapatid ni Agyu na gaya nina Tabagka at Lena, gayundin sa anak niyáng si Bayvayan. Isang lumilipad na malaking bangka, ang sarimbar, ang sinakyan nina Agyu upang makaligtas. Sa dulo, narating nilá ang pangakong lupain, ang Nalandangan, at doon naghari si Agyu sa habang-panahon kasáma ang mga adtulusan o pinagpalà.
Gayunman, may nakararating ding kaaway at ibang problema sa Nalandangan. Sa isang Olaging na nakolekta ni Ludivina R. Opeña (1972), inilarawan ang isang malaki’t madugong labanan nang lusubin ng mga kaaway ang Nalandangan. Nagwagi ang mga taga-Nalandangan dahil sa kapangyarihan ni Agyu at sa husay niyá sa pakikidigma. Ang isang katangi-tangi sa Olaging na ito ay ang paglalarawan sa tila-paraisong kalagayan ng Nalandangan at sa malaking bahay ni Agyu.
Buod ng Agyu
Ang mga bayaning sina Banlak, Agyu, at Kuyasu ay nakatira sa bayan ng Ayuman. Sa tradisyong Ilianon sila’y magkakapatid na anak ni Pamulaw. Si Agyu ay may apat na kapatid na babae, ngunit sina Yambungon at Ikawangon lamang ang binanggit sa epiko. Isang araw nagpadala si Agyu sa datung Moro ng siyam na komu-buu-buong pagkit sa pamamagitan nina Kuyasu at Banlak. Nagalit ang datung Moro dahil kakaunti ang pagkit pambayad, kaya’t kanyang ibinalibag ang pagkit kay Kuyasu na tumama sa may ulser. Gumanti si Kuyasu at kanyang sinibat ang datu na tinamaan sa dibdib. Nahulaan ni Agyu na magkakagiyera dahil napatay ang datu. Nagtungo sila sa Ilian at ipinasiya ni Agyu na magtayo ng kuta sa bundok ng Ilian. Ang mga mandirigmang Morong nagdaan sa Ilog Palangi ay dumating at nakita ang kutang ginawa ng mga Ilianon. Nakipaglaban sina Agyu sa mga Moro at halos naubos ang mga kaaway.
Pagkatapos ng tagumpay, ipinasya ni Agyu na lumipat sa bayan. Pinili niya ang bundok ng Pinamatun. Hanggang narating nila ang bayang Tigyandang at dito sila sinalakay. Lumaban ang mga tauhan ni Agyu sa pampangin ng look ng Linayagon. Nang sila’y naubusan ng tauhan, ang batang anak ni Agyu na si Tanagyaw ay nagprisintang sasagupa sa mga kaaway. Napatay niyang lahat ang kalaban nang ikaapat na araw. Narating ni Tanagyaw ang bayang Bablayon. Nanghihilakbot ang mga tao rito at nang malaman niyang lulusubin sila ng mga kaaway o mananakop nanlaban at napatay ni Tanagyaw ang mga mananakop. Dahil dito ay ipinakasal ng datu ang kanyang anak kay Tanagyaw.
Di nagluwa’t ang bayan ni Agyu ay nanganib din sa mga mananakop na galing sa ibayong dagat. Ang mga lalaki, bata at matanda ay sinabihang lumaban ngunit sila’y natalo. Hinulaan ng propeta ang malagim nilang wakas ngunit sinalungat at pinarusahan siya ni Tanagyaw. Nagbihis siya ng sampung suson makasiyam ang kapal at dinampot ang kanyang sibat at kalasag na hindi nasisira. Nilabanan niya ang mga mananakop sa dalampasigan. Naghambalong ang mga patay, patung-patong, na parang bundok at burol.
Itinalaga ni Agyu ang bayan sa kanyang matagumpay na anak na nanirahan doon kasama ang kanyang kaakit-akit na asawa.
Bidasari (Epikong Mindanao)
Ang epikong Bidasari ng Kamindanawan ay nababatay sa isang romansang Malay. Ayon sa kanilang paniniwala, upang tumagal ang buhay ng tao, ito’y pinaaalagaan at iniingatan ng isang isda, hayop, halaman o ng punongkahoy.
Buod ng Bidasari
Ang kaharian ng Kembayat ay naliligalig dahil sa isang dambuhalang ibon. Ang ibong ito ay mapaminsala sa mga pananim at maging sa buhay ng tao. Ang ibong ito ay ang ibong garuda. Kapag dumarating na ang garuda, mabilis na nagtatakbuhan ang mga tao upang magtago sa mg yungib. Takot na takot sila sa ibong garuda pagka’t ito’y kumkain ng tao.
Sa pagtatakbuhan ng mga tao, nagkahiwalay sa pagtakbo ang sultan at sultana ng Kembayat. Ang sultana ng Kembayat ay nagdadalantao noon. Sa laki ng takot ay naisilang niya ang sanggol na babae sa may tabi ng ilog. Dahil sa malaking takot at pagkalito naiwan niya ang sanggol sa bangka sa ilog.
May nakapulot naman ng sanggol. Siya ay si Diyuhara, isang mangangalakal mula sa kabilang kaharian. Kanyang pinagyaman at iniuwi sa bahay ang sanggol. Itinuring niya itong anak. Pinangalanan nila ang sanggol ng Bidasari. Habang lumalaki si Bidasari ay lalo pang gumaganda. Maligaya si Bidasari sa piling ng kanyang nakikilalang magulang.
Sa kaharian ng Indrapura, ang sultang Mongindra ay dalawang taon pa lamang kasal kay Lila Sari. Mapanibughuin si Lila Sari. Natatakot siyang umibig pa sa ibang babae ang sultan. Kaya lagi niyang itinatanong sa sultan, kung siya’y mahal nito na sasagutin naman ng sultan ng, “Mahal na mahal ka sa akin”.
Hindi pa rin nasisiyahan ang magandang asawa ng sultan. Kaniyang itinanong na minsan sa sultan, “hindi mo kaya ako malimutan kung may makita kang higit na maganda kaysa akin?”
Ang naging tugon ng Sultan ay, “Kung higit na maganda pa sa iyo, ngunit ikaw ang pinakamaganda sa lahat.”
Nag-alala ang sultana na baka may lalo pang maganda sa kanya at ito ay makita ng sultan. Kaya’t karakarakang inutusan niya ang matapat niyang mga kabig na saliksikin ang kaharian upang malaman kung may babaeng higit na maganda sa sultana.
Nakita ng mga tauhan ni Lila Sari si Bidasari at siya ay higit na maganda kaysa kay Lila Sari.
Inanyayahan ng Sultana si Bidasari sa palasyo upang diumano ay gagawing dama ng sultana. Ngunit pagsapit doon, si Bidasari ay lihim na ikinulong ni Lila Sari sa isang silid at doon pinarurusahan.
Nang hindi na matiis ni Bidasari ang mga pagpaparusa sa kanya, sinabi niyang kunin ang isdang ginto sa halamanan ng kanyang ama. Kapag araw ito’y ipinakukuwintas kay Lila Sari at sa gabi’y ibinabalik sa tubig at hindi maglalaon si Bidasari ay mamamatay. Pumayag si Lila Sari. Kinuha niya ang isdang ginto at pinauwi na niya si Bidasari.
Isinuot nga ni Lila Sari ang kuwintas ng gintong isda sa araw at ibinabalik sa tubig kung gabi. Kaya’t si Bidasari ay nakaburol kung araw at muling nabubuhay sa gabi. Nag-alala si Diyuhara na baka tuluyang patayin si Bidasari. Kaya nagpagawa siya ng isang magandang palasyo sa gubat at doon niya itinira nang mag-isa si Bidasari.
Isang araw, ang Sultan Mongindra ay nangaso sa gubat. Nakita niya ang isang magandang palasyo. Ito’y nakapinid. Pinilit niyang buksan ang pinto. Pinasok niya ang mga silid. Nakita niya ang isang napakagandang babae na natutulog. Ito ay si Bidasari. Hindi niya magising si Bidasari. Umuwi si Sultan Mongindra na hindi nakausap si Bidasari. Bumalik ang sultan kinabukasan. Naghintay siya hanggang gabi. Kinagabihan nabuhay si Bidasari. Nakausap siya ni Sultan Mongindra. Ipinagtapat si Bidasari ang mga ginawa ni Lila Sari. Galit na galit ang sultan. Iniwan niya si Lila Sari sa palasyo at agad niyang pinakasalan si Bidasari. Si Bidasari na ang naging reyna.
Samantala, pagkaraan ng maraming taon ang tunay na mga magulang ni Bidasari ay matahimik nang naninirahang muli sa Kembayat. Nagkaroon pa sila ng isang supling. Ito’y si Sinapati. Nang pumunta sa Kembayat ang isang anak ni Diyuhara ay nakita niya si Sinapati, anak ng sultan at sultana ng Kembayat.
Si Sinapati ay kamukhang-kamukha si Bidasari. Kinaibigan nito si Sinapati at ibinalita ang kapatid niyang si Bidasari sa kamukhang-kamukha ni Sinapati. Itinanong ni Sinipati sa mga magulang kung wala siyang kapatid na nawawalay sa kanila. Pinasama ng ama si Sinapati sa Indrapura. Nang magkita si Bidasari at si Sinapati ay kapwa sila nangilalas dahil sa silang dalawa ay magkamukhang-magkamukha. Natunton ng Sultan ng Kembayat ang nawawala niyang anak na si Bidasari. Nalaman ng sultan ng Indrapura na ang kanyang pinakasalang si Bidasari ay isa palang tunay na prinsesa.
Olaging (Epiko ng Bukidnon)
Ang Olaging ng Bukidnon ay isang epikong-bayan tungkol sa labanan sa Nalandangan at ang pagtatanggol dito ng bayaning si Agyu at kaniyang angkan. Kuwento ito ng mga taong nagpapahalaga at nagmamalaki ng kanilang lupain at ng mga pagdiriwang para sa kanilang lahi at ng bayaning si Agyu. Bagaman mayroong mga pinsala, naipanalo nila ang labanan. Isa si Matabagka, ang kapatid na babae ni Agyu, sa mga nagtagumpay nang ipagtanggol niya ang Nalandangan habang naglalayag ang mga kalalakihan.
Ang tawag ng mga Arakan-Arumanen at Livunganen-Arumanen para sa epikong-bayan ay “olaging,” “ulahing,” o “ulahingan.” Mayroong itong dalawang bahagi: ang kepuunpu-un na tungkol sa pag-akyat ni Agyu at ng kaniyang kamag-anak sa langit; at ang sengedurug na tungkol sa pakikipagsapalaran nila. Ang kepuunpu-un ay isang estandardisadong naratibo. Maaaring gumawa ng maraming sengedurug kung kaya nagkaroon ng iba’t ibang kuwento na umiikot sa mga kamag-anak ni Agyu. Naiiba ang naturang epikong-bayan tungkol kay Agyu at sa kaniyang mga kamag-anak dahil hindi ito ang karaniwang kuwento ng paghahanap ng isang bayani ng kaniyang mapapangasawa. Sa halip, layunin ng bayani ang ipagtanggol ang kaniyang lupain upang mapanatili ang kanilang lahi at tribu.
Sandayo (Epiko ng Zamboanga)
Ang Sandayo ay epikong-bayan mula sa mga Subanon na naninirahan sa bulubunduking nasa hanggahan ng Hilaga at Timog Zamboanga. Kinalap, itinala, at isinalin ito sa Ingles ni Virgilio Resma, isang pampublikong guro sa Misamis, mula sa salaysay ng isang babaeng Subanon na kilala bilang si Perena, sa loob ng pitong magkakasunod na gabi, simula ika-9 ng gabi hanggang ika-3 ng madaling-araw, noong ika-9 hanggang ika-16 ng Hunyo 1980. Una itong nailatlahala sa pamagat na Keg Sumba Neg Sandayo sa Kinaadman: A Journal of the Southern Philippines noong 1982. Pinamagatan naman itong Sandayo sa salin sa Filipino ni Antolina T. Antonio bilang pagkilála sa bayani ng epikong-bayan.
Pangunahing tauhan ng epikong-bayang ito si Sandayo, anak nina Datu Salaria at ng asawa nitong si Salaong ng Tubig Liyasan. Gayunman, hindi siya iniluwal ng kaniyang ina kundi nahulog sa buhok nito sa ikasiyam na ulit na pagsuklay. Sa pagsapit ng kaniyang unang buwan, ipinasiya ni Sandayo na maglakbay at mula roon ay masasaksihan ang katapangan at kahusayan ng bayani sa pagharap sa mga hamon at labanan.
Binubuo ng 4,843 taludtod, isa ang Sandayo sa tatlong epikong-bayan ng mga Subanon. Ang dalawa pang nailathala na rin ay ang Ang Guman ng Dumalinao na binubuo ng 4,063 taludtod at ang Ag Tobig Nog Keboklagan na binubuo ng 7,960 taludtod. Kilalá rin ito sa tawag na guman na tumutukoy hindi lámang sa epikong-bayan ng mga Subanon kundi maging sa paraan ng pag-awit nito. Nagaganap ang pagsasalaysay nito sa isang buklog, ang isang linggong pagdiriwang na kinapapalooban ng awitan, sayawan, at kainan. Kaugnay nitó, pinaniniwalaan ng mga Subanon na kapag may isang ibong dumapo sa bubong sa panahong inaawit ang epiko, ito ay ang kaluluwa ni Sandayo–ang bayaning mangangalaga sa kanilang mga lupain at tubigan at magpapanatili ng kapayapaan at kaayusan ng pamayanan.
Tudbulul (Epiko ng Mindanao)
Mula sa pamayanang Tiboli ng lalawigan ng Timog Cotabato, Mindanao ang epikong-bayang Tudbulul. Isinasalin ang salaysay nitó sa iba’t ibang pangkat at panahon sa pamamagitan ng pag-awit o helingon. Ang mga awit o lingon na bumubuo sa epikong-bayan ay tinatawag sa loob ng pamayanang Tiboli na Lingon Tuha Logi (“Awit ng Matanda”). Malawakan naman itong kinikilála bilang Tudbulul dahil ito ang pangalan ng bayaning tauhan.
Tinatayâng may 20 hanggang 24 na lingon ang epikong-bayan, at bawat isa ay nagsasalaysay ng isang buong kuwento. Nagsisimula ang epikong-bayan sa awit na Kemokul Laendo nga Logi (“Walang Anak si Kemokul”) na nakatuon sa pagnanais ni Kemokul na magkaroon ng anak na lalaki na siyáng magtatanggol sa kanilang pamayanan, ang Lemlunay. Ang kapanganakan ni Tudbulul ang magiging katuparan ng kaniyang nais. Ipinahihiwatig ang kadakilaan ng sanggol ng mga kakambal nitóng gamit pandigma: sombrero, kalasag, mamahaling gong, at isang kabayo.
Ang pag-awit ng Tudbulul ang siyáng pinakatampok sa anumang pagtitipon ng pamayanan. Isinasagawa ito tuwing Klalak, ang bahagi ng pagdiriwang kung kailan tapos nang kumain ang lahat at wala nang iba pang gagawin maliban sa pakikinig ng lingon. Itinuturing na sagrado ang pag-awit ng epikong-bayan dahil ang kanilang diwata ang nagsasabi kung ano ang kanilang dapat isalaysay. Ginagawa ang helingon hábang nakaupô at mahigpit na ipinagbabawal ang paghiga. Kaugnay nitó, mataas ang pagtingin ng mga Tiboli sa umaawit ng epikong-bayan at pinatutunayan ng paghahandog sa kaniya ng mga pagkain at regalo sa katapusan ng pagtitipon.
Tuwaang (Epiko ng Mindanao)
Tuwaang ang pamagat ng epikong-bayan ng mga Manobo, mga taong nakatira sa hanggahan ng Cotabato, Bukidnon, at Davao, at tungkol sa pakikipagsapalaran ng bayaning si Tuwaang. Sinasabing may mahigit sa 50 kanta ang mga Manobo tungkol kay Tuwaang. Dalawa sa mga ito ang naitala at ipinalathala ni E. Arsenio Manuel, ang Mangovayt Buhong na Langit (Ang Dalaga ng Langit Buhong) at Midsakop Tabpopowoy (Pagdalo ni Tuwaang sa Kasalan).
Buod ng Tuwaang: Ang Dalaga ng Langit Buhong
Sa “Ang Dalaga ng Langit Buhong”, pumunta si Tuwaang sa lugar ni Batooy upang pakasalan ang kararating lamang na dalaga ng Langit Buhong. Matapos ang mahabàng paglalakbay, nagpahinga si Tuwaang malapit sa dalaga, at naikuwento nito na may isang higanteng binata ng Pangumanon na nais siyang pakasalan. Nang hindi pumayag ang dalaga sa kahilingan ng binata, sinunog ng lalaki ang kaharian ng babae. Tumakas siya sa kalupaan upang magtago. Nang matapos ikuwento ito ng dalaga ay dumating ang binata ng Pangumanon, pinatay ang mga tao, at hinamon si Tuwaang sa labanan. Natalo ni Tuwaang ang taga-Pangumanon.
Buod ng Tuwaang: Ang Pagdalo ni Tuwaang sa Kasalan
Sa “Ang Pagdalo ni Tuwaang sa Kasalan”, naimbitahan si Tuwaang sa kasalan ng Dalaga ng Manawon at ng Binata ng Sakadna. Dumating si Tuwaang sakay ng gungutan, isang malaking ibon. Nang dumating ang lalaki sa Manawon, minasama ng binata ng Sakadna ang pagdalo ni Tuwaang. Sinabi ni Tuwaang na isa rin siyang bagani kung kayâ nása kasalan. Nang sinimulan na ang paghahandog ng mga regalo, hindi naibigay ng Binata ng Sakadna ang gintong gitara at plawta. Sinagip ni Tuwaang ang binata at siya na ang nagbigay ng mga ito. Lumabas ang dalaga at inutusan ang lalagyan ng kaniyang nganga na magbigay nito sa mga bisita. Huminto ang mahiwagang lagayan ng nganga sa tapat ni Tuwaang. Tumabi pa ang dalaga kay Tuwaang. Nagalit ang binata ng Sakadna at hinamon si Tuwaang na maglaban. Matagal ang labanan at nahirapan si Tuwaang bago natuklasan ang lihim ng lakas ng kalaban. Sakay ng gungutan, umuwi si Tuwaang sa kaniyang kaharian kasama ang dalaga ng Manawon.
Ulahingan (Epiko ng Mindanao)
Ang Ulahingan ay epikong-bayan o bendingan ng mga Livunganen-Arumanen Manobo na naninirahan malapit sa Ilog Libungan sa Hilagang Cotabato, Mindanao. Itinuturing itong pinakamahabàng epikong-bayan sa buong Filipinas. Ang ulahing o pag-awit ay maaaring abutin nang mahigit sa dalawang linggo. Isinasalaysay rito ang pakikipagsapalaran ng bayaning si Agyu at ng kaniyang mamamayan sa daigdig at paraisong tinatawag na Nelendangan. Mahigpit na kaugnay ito ng epikong Agyu ng mga Ilianon Manobo, sapagkat ang dalawang nabanggit na pamayanang Manobo ay dáting iisang grupo.
Nahahati sa dalawang bahagi ang Ulahingan: ang kepu’unpu’un at ang sengedurug. Tumutukoy ang kepu’unpu’un sa simula ni Agyu at ng kaniyang mamamayan sa daigdig; samantalang isinasalaysay sa sengedurug ang búhay nina Agyu sa Nelendangan. Iisa lámang ang kepu’unpu’un bagama’t maaari itong magkaroon ng maraming bersiyon. Apat ang naitala at nailimbag na bersiyon nitó, dagdag pa rito ang bersiyong nalikha ng Langkat, isang relihiyosong sekta na nabuo bunsod ng pangako ng Ulahingan sa pagmamana ng paraiso ng susunod na pilìng grupo. Ang sengedurug ay bahagi ng epikong-bayan, bagama’t bawat isa nitó ay isang kompletong kuwento. Sa kasalukuyan, umaabot sa 1,647 ang sengedurug at patuloy pa itong nadaragdagan bunga ng sinasabing pananatili sa Nelendangan ni Agyu at ng kaniyang mamamayan. Isa sa mga sengedurug nitó ay ang Ang Pagbisita ni Lagaba’an sa Nelendangan na umaabot ng 5,779 taludtod. Itinalâ ito ni Elena G. Maquiso ng Silliman University mula sa salaysay ng magkapatid na Langkan at Santiago Abud at nairekord ni Samoan Bangcas sa Barongis, Libungan noong 1963. (JGP)
Ulod (Epiko ng Mindanao)
Ang Ulod ang epikong-bayan at pangalan ng bayani sa epikong-bayan ng mga Matigsálug, ang isa sa mga pangkating etniko ng mga Bagobo na naninirahan sa hilagang kanluran ng Davao. Sa mga Matigsalug, tinatawag na ad-ulahing ang pag-awit ng epikong-bayan. Tulad ng Tuwaang, ang epikong-bayan ng mga Manobo, binubuo rin ang Ulod ng ilang awitin, at karaniwang inaawit upang maging libangan tuwing may libing at kasal, at isinasagawa rin bilang ritwal ng pagpapasalamat para sa masaganang ani o tagumpay na pangangaso.
Nagsisimula ang epikong-bayang ito sa pagsusugo sa Dalaga ng Bundok Misimalun upang magtanim ng palay. Dalá ng hangin, agad na dumating ang bayaning si Ulod upang tumulong sa pagtatanim. Pag-uwi, natuklasan ni Ulod na ang kapatid niyang babae’y tinangay ng Binata mula sa Buttalakkan. Agad sumugod si Ulod at hinámon ang Binata. Napatay ang Binata at natagpuan ni Ulod ang kapatid na sirâ ang damit. Ginawa niyang suklay ang kapatid at inilagay sa kaniyang buhok. Nakita ni Ulod ang kapatid na babae ng Binata at inilagay niya ito sa palawit ng kuwintas niya bago siyá umuwi. Pagkalipas ng ilang araw, dinalaw niya ang Dalaga ng Bundok Misimalun na nagtanong sa kaniya kung bakit siyá napadalaw. Naglakbay si Ulod nang gabing iyon at napaisip naman ang Dalaga na kailangan na niyang ibigay ang sarili sa bayani. Iniuwi siyá ni Ulod, at tinipon ng bayani ang kaniyang sakop upang tanungin kung sasamahan siyá ng mga ito sa langit. Namahagi ng ngangà ang dalaga at nagpatugtog ng gitarang kawayan. Hindi nagtagal, may pumanaog na sasakyang panghimpapawid at sinabi ni Ulod sa kaniyang mga kamag-anak na sumakay rito sapagkat magtatatag siyá ng limang nasasakupan sa lupain ng Katulussan.
Ang teksto ng Ulod ay binigkas ni Abbiyuk Ansavon sa tahanan ni Datu Duyan sa Lumut noong 1956. Isinaayos ito sa 416 na linya ni Sadani Pagayaw, at upang awitin ito’y binibigkas ng Matigsalug ang ad-indakko: Ulahing.