Mga Halimbawa ng Talumpati Tungkol sa Edukasyon (15 Talumpati)

139 Shares

Edukasyon. Laging sinasabi ng ilan na ito ang madalas na pamanang iiwan ng ating mga magulang. Marami sa atin ang sasang-ayon diyan. Katulad na lamang dito sa nakalap naming mga halimbawa ng talumpati tungkol sa edukasyon.

Kung ang hanap mo ay maikli o mahabang halimbawa, tiyak na marami kang mababasa dito. Nawa ay makatulong sa iyo ng koleksyong ito ng mga talumpati tungkol sa edukasyon.

SEE ALSO: Ano ang Talumpati, Halimbawa ng Talumpati at mga Uri

Mga Halimbawa ng Talumpati Tungkol sa Edukasyon


Edukasyon: Susi sa Tagumpay

Talumpati ni Joan M. Dueñas

Edukasyon, isa ito sa karapatan ng bawat tao. Bata pa lamang tayo ay alam na natin na ito ay pinakamahalagang bahagi ng ating buhay. Bakit nga ba? Mula sa pang-araw-araw nating
gawain ay kaakibat na ang edukasyon na kung saan parte na ito ng ating pamumuhay. Habang tayo ay lumalaki, nadaragdagan at lumalawak ang ating isipan at kaalaman. Mula dito, nag-uumpisa
tayong makihalubilo sa ibang tao o kapwa na ating makikilala sa paaaralan. Ang ating guro ang nagsisilbing pangalawang magulang at mga kamag-aral ay intinutring din na ating pamilya.

Malaking kasiyahan para sa ating mga magulang ang makapagtapos. Kayamanan ito para sa kanila dahil ito lang ang maipamamana nila sa atin. Ito ay mahalaga dahil dito nakasalalay ang
kinabukasan ng bawat tao at para magkaroon ng magandang hinaharap. Hindi hadlang ang kahirapan para sa pagtatagumpay. Kung mahirap ka man, maraming paraan para makamit mo ang
iyong tagumpay. Kailangan mo lang ipakita ang iyong katatagan, pagiging maabilidad at pagkakaroon ng lakas ng loob upang makaisip ng paraan upang ikaw ay makapagtapos ng pagaaral.
Ipakita ang pagtitiyaga, pagsusumikap at pagtitiwala natin sa ating Panginoon para makamit natin ang ating tagumpay.

Sa mundong ito, hindi ganoon kadaling mamuhay lalo na kung wala kang sapat na kaalaman. Habang tumatagal, nagiging kumplikado ang lahat. Nagkakaroon ng problemang hindi madaling solusyunan. Ngunit kung mayroon kang mabisang sandata, malalampasan mo ito. Pangalawa sa Diyos, Edukasyon ang mabisang panlaban sa problema at pagsubok.

Ayon kay Enriquez (2012), ang edukasyon ay hindi lamang susi sa tagumpay kundi sa marami pang bagay. Ang kaalamang natututunan natin sa paaralan ang nagbubukas at nagmumulat
sa ating kaisipan tungkol sa mga bagay-bagay na nangyayari sa ating kapaligiran at nagbibigay sa atin ng pagkatuto. Edukasyon din ang nagdadala sa atin sa mga lugar kung saan tayo nararapat na magbanat ng buto. Edukasyon din ang magbubukas ng daan upang ating malaman ang ating mga karapatan at ang kaakibat na mga pananagutan.

Ang pagkakaroon ng isang mataas at matibay na edukasyon ay isang saligan upang mabago ang takbo ng ating buhay. Matibay ang edukasyon kung ito ay pinagsamang katalinuhan at pagunawa bunga ng mga pormal na pag-aaral tungkol sa iba’t ibang asignaturang tinuturo sa atin ng mga guro at ng ating mga magulang.

Ang edukasyon ay katumbas ng isang imbisibol na susi, tulay, hagdan, at sandatang panghabambuhay na bitbit ng bawat isang tao na magagamit nila sa kani-kanilang paglalakbay at
mga hakbang na dadaanan sa buhay. Kung wala ito, mahihirapan ang tao na abutin ang kanilang mga pangarap at mithiin sa mundong ito.

Susi ang edukasyon sa bawat pinto ng oportunidad. Kung tayo ay mayroon nito, magagawa nating buksan ang ating puso at isipan na pagsikapan ang tagumpay na gustong makamtan. Ito ay
tulay upang malalagpasan natin ang lahat ng bagay na humahadlang sa atin na maabot ang ating kapalaran. Isa itong hagdan upang maakyat natin ang mga bundok na humaharang sa ating
pagkatagumpay. At ito ay isang sandata laban sa lahat ng kahirapan na mararanasan sa pagkamit ng pangarap.

Mahalaga ang edukasyon dahil ito ang ugat ng maginhawang buhay. Gaya ng lagi nating naririnig sa ating mga magulang na edukasyon lamang ang kanilang maipamamana sa atin. Ito ang
dahilan kung bakit sila ay nagpapakahirap magtrabaho para mabigyan lamang tayo ng magandang edukasyon o pag-aaral. Kaya naman, huwag natin sayangin ang kanilang paghihirap, mag-aral
nang mabuti at pagsikapang makamit ang minimithi.

Tunay ngang napakalaking papel ang ginagampanan ng edukasyon sa buhay ng tao. Subalit ang kaalaman sa pagbasa at pagsulat ay hindi sapat upang maituring na edukado ang isang tao
kaya’t nararapat na de kalidad ang edukasyon na natatanggap ng mga Pilipino


Edukasyon

Talumpati ni Farah Grace Jimena

Edukasyon ay di mananakaw ninuman, kultura ang kinapapalooban ng mga paniniwala’t kaugalian, palakasan ang daan sa pakikipagkaibigan, sandatang kailangang maangkin ng mga kabataan.

Mahal kong mga tagapakinig naririto na naman po tayo sa isang pagtitipon kung saan ating pag-uusapan ang mga aspekto na makapagpapalakas sa mga kabataang tulad ko. Mga kabataang magiging susi upang umunlad ang ating Lupang Sinilangan. Mga kabataang makapagbibigay liwanag sa mga mamamayan mula sa madilim na nakaraan. Na magiging daan sa pagbabagong ating inaasam.

Hindi na lingid sa ating kaalaman na laganap na ang pag-unlad ng agham sa ating lipunan. Kaliwa’t kanan na ang mga makabagong bagay. Katulad ng cellphone at computer. Mga makabagong bagay na makagpapadali ng ating pamumuhay, lalung-lalo na ng mga kabataan.

Kahit saang dako ka man ngayon tumingin, marami ng mga internet café ang nagkalat. Iba’t ibang model na rin ng cellphone ang lumalabas. At hindi maikakaila na halos lahat tayong mga nag-aaral sa pribadong paaralan ay umaangkin ng mga bagay na ito. Ngunit, ito ba ay ginagamit natin sa tamang paraan?

Mga kaibigan, ang computer ay malaking tulong sa ating mga mag-aaral. Katulad sa mga pananaliksik. Hindi mo na kailangang maghalukay pa ng sandamukal na mga aklat para kumuha ng mga kakarampot na datos sa bawat aklat. Punta ka lang ng yahoo, encode mo lang ang topikong hinahanap, mag-antay ka lang ng ilang segundo, binggo na! Makikita mo na ang hinahanap mo.

Nariyan din ang cellphone na makapagpapadali ng ugnayan natin. Magagamit sa mga panahon ng kagipitan. Hindi mo na kailangan pang mag-antay ng ilang buwan maipadala at tumanggap lang ng sulat. Sapagkat sa isang text lang, minuto lang aantayin mo… tanggap kaagad.

Ngunit sadyang namamali ang ilang mga kabataan sa paggamit ng mga teknolohiyang makabago. Sa halip na sa pagpapaunlad ng karunungan ito gagamitin, ginagamit nila ito sa walang kuwentang bagay. Sa halip na magresearch para sa assignment… DOTA, counterstrike, YM at Facebook ang inaatupag. Mayroon din diyan na pakikipag-textmate ang pinagkakaabalahan.

Nagpupuyat tuwing gabi. Nanlalalim ang mga mata sa kinaumagahan. Ang siste, nakikipag-textmate sa kung kanino na lamang. Pagdating sa klase bagsak si nene, inaantok, walang assignment. Pagkatapos magpapadala sa mga magagandang quotes, mag-a-eyeball, magkakarelasyon, mabubuntis, mawawala sa huwisyo ang kinabukasan, malulugmok sa putikan. Ito ang paraan ng paggamit ng mga kabataan sa mga makabagong teknolohiya. Tsk tsk tsk…

Hindi ba’t edukasyon ang natatanging kayamanan na hindi mananakaw ninuman? Ito ang natatanging sandata na maipagsasanggalang sa lahat ng pagsubok ng buhay. Kapag edukado ang isang tao nagagawa nitong maitama ang mga maling paniniwala na bunga ng kahunghangan. Naisasalba ang isang tao sa lupit ng kahirapan.

Bumaling naman tayo sa ating banal na kultura. Ito ay ang kinapapalooban ng mga paniniwala’t kaugalian. Ito ang makinang na kasaysayan ng ating mga ninuno. Alam ba ninyo na sa buong mundo, Pilipino ang tinitingala ng mga dayuhan pagdating sa kulturang kinamulatan? Kung kaya’t maraming mga dayuhang ang piniling mag-asawa ng isang Pilipino nang dahil sa ating kultura.

Sapagkat tayong mga Pilipino ay kilala bilang matulungin, mapagkumbaba, masunurin, at magalang na lipi. At ito dapat ang magiging katangian ng ating mga kabataan. Sa kadahilanang kung taglay ng mga kabataan ang mga ganitong uri ng mga katangian ay mapapadali ang ating pag-unlad. Magkakaroon ng matiwasay na pagsasama. Makakamtan ang paggalang sa bawat kapwa.

Ang Kultura natin ay maipapakita rin sa mga palakasan. Dahil ito ang isang makinang na daan sa pakikipagkaibigan. Dito nalilinang ang mga kakayahan na sangkatauhan. Nahahasa rin dito ang tiyaga ng mga kabataan sa pagkamit ng tagumpay. Kung ang bawat kabataan ay mapapabilang sa isang legal na palakasan, mapapalayo sila sa bisyo. Bagkus, mararagdagan pa ang mga kaalaman at kakayahan nito sa pagsunod sa agos ng buhay. Hindi lamang pisikal na kakayahan ang mahahasa kundi pati na rin ang emosyonal at intelektwal. Sa mga palakasan nagsisimula ang isang magandang pagsasamahan.

Kayat mahal kong mga tagapakinig, lalung-lalo na sa mga kabataang tulad ko, huwag nating antaying mawala ang lahat ng mga pagkakataon para sa ikauunlad natin. Sama-sama nating yakapin at tanggapin ang mga aspektong makapagbibigay sa atin ng lakas na makakatulong sa ating ikauunlad. Nasa ating kamay ang pag-unlad na inaantay ng ating bayan. Sapagkat tayo ang tinaguriang pag-asa ng bayan.


Edukasyon: Pasaporte tungo sa tagumpay

Talumpati ni defyingravity mula sa Wattpad

Sa ating guro Gng. Melvira David, sa mga panauhin at sa aking mga kaklase na mag-aaral ng Signal Village National Highschool, isang magandang umaga.

Mula sa pag gising natin sa umaga, pagkain ng almusal, at sa araw-araw na pagpasok natin dito sa ating silid-aralan, di natin maitatanggi na tayo’y napapatanong sa sarili, “Ano ba ang kahalagahan ng pagpasok ko sa skwela?”

Marami ang nagsasabi na ‘ang kabataan ang pag-asa ng bayan’ at ‘kabataan para sa kinabukasan’ ngunit mahirap isipin na marami sa kabataan ngayon ay hindi nakakapag-aral o hindi nakapagtapos ng pag-aaral. May iba’t iba silang dahilan. Merong mga kabataan na hindi pumapasok sapagkat sila’y tinatamad, may mga tumatambay lamang at ang iba naman ay nalulong pa sa mga masamang bisyo. Hindi natin dapat pinapabayaan ang ating pag-aaral sapagkat ito’y pinaghihirapan ng ating mga magulang. Kaya nga meron tayong kasabihan, “nasa huli ang pagsisisi”.

Mahalaga ang edukasyon. Kahit na gasgas na ang linyang ito, ito ay totoo. Dito nakasalalay ang ating kinabukasan at kung ano man ang kahihinatnan natin sa mundong ito. Upang tayo’y magkaroon ng isang mainam na pamumuhay at kinabukasan, kinakailangan nating maghanda. Hindi natin maiiwasan na maharap sa mga hadlang na maaaring pumigil sa atin upang makamit ang tagumpay kaya nararapat lang na tayo’y maging handa nang sa gayo’y malagpasan natin ito. Dapat tayo ay may tiwala sa sarili, may buong tapang at determinasyon. Ang kahirapan ay di hadlang sa kinabukasan. Tayo rin mismo ang gumagawa ng sarili nating kapalaran. Sa pagkamit natin ng tagumpay, huwag natin kalimutan ang pagkakaroon ng pananampalataya sa Diyos. Sa kanya, lahat ng bagay ay posible.

Ang edukasyon ang siyang nag-bibigay sa atin ng importansyang umunlad sa ating lipunan. Ito lang ang natatanging kayamanan ng ating mga magulang na maipapamana sa atin. Isa itong kayamananan na hindi makukuha kahit sino man sa’yo.

Tunay ngang edukasyon ang ating pasaporte tungo sa tagumpay. Hindi matatawaran ang kontribusyon nito sa buhay ng mga tao. Lagi nating tatandaan na ang pag-pasok sa eskwela ay hindi ibig sabihin na magpaka-dalubhasa ka, ang dalahin ka sa tama ay gawain niya.

Maraming salamat po sa pakikinig!


Talumpati na pang Edukasyon

Mula sa Hubzilla.com

Mayroon akong itatanong sa inyo
Kung maari lamang ay pansinin niyo.
Kung kayo’y hihingan ng talumpati tungkol sa edukasyon
Paano niyo ba sasabihin ito?

Ano ba ang kahalagahan ng Edukasyon para sa inyo?
Ito nga ba ang siyang tanging yaman ng bawat tao?
Maging sa eskwelahan man na Pribado o pam-Publiko.
Ang Edukasyon na tanging yaman ba ay ang pagtatapos ng Kolehiyo?

Bakit sobrang mahal na ngayon magpa-aral?
Ang pagtatapos sa kolehiyo ba ay responsibilidad ng mga magulang?
Basta makakuha ng titulo ang pinakamamahal nilang mga anak
Ayos lang ba na ang iba ay malubog sa pagkakautang?

Paano kung di kaya ng inyong magulang na pag-aralin kayo?
Ipipilit niyo pa rin ba ito?
O hahayaan mo na lamang na di kayo makapagtapos?
Dahil may di nakatapos naman na nakakakuha din ng trabaho.

Tunay ngang mas marami ang nakapagtapos na may trabaho.
Ang iba nga ay nakakapunta pa sa iba’t ibang panig ng mundo.
Para makatulong magbayad sa mga utang ng magulang na ipinang-aral nila.
At makaipon ng pera na pambayad sa pagpapaaral ng magiging mga anak naman nila.

Ganitong sistema ba ang gusto nating maging patakaran?
Formal na Edukasyon na tanging yaman ay dapat makamtan
Dahil ang edukadong Kabataan ang pag-asa ng Bayan
Tungo sa pag-asenso ng ating Lipunan

Sa mga nakabasa ng talumpati na pang edukasyon na ito
Ang mga katanungan ko sana ay masagutan niyo.
Walang tama o mali sa mga tugon ninyo
Nais ko lamang malaman ang mga opinyon ninyo


Talumpati Tungkol sa Edukasyon

Mula sa TakdangAralin.ph

Mahal ang edukasyon pero mas mahal ang maging mangmang. Ang pagkakaroon natin ng sapat na edukasyon ay gabay ng sinuman sa pagkakaroon ng magandang kinabukasan. Sa uri ng lipunan na ating ginagalawan ngayon, talo at dehado ang mga taong walang pinag-aralan.

Hindi sapat ang makatungtong lamang sa paaralan at matuto ng simpleng pagbasa at pagsulat. Ang uri ng edukasyon sa bagong milenya ay ang pagkakaroon ng natapos na kurso para tayo ay makasabay sa progresibong teknolohiya na ginagamit sa ating mga modernong pangkabuhayan.

Edukasyon ang natatanging gamot sa kamangmangan. Ang pagkakaroon ng salat at kulang na kaalaman sa maraming bagay ang siyang nagiging balakid upang hindi natin makamtan ang ating mga gustong makamit at marating sa buhay.

Sa pakikipagsapalaran sa paghahanap ng trabaho, ang unang tinatanong ay ang antas ng ating pinag-aralan. Mahirap ang walang natapos na kurso dahil palagi tayong napag-iiwanan sa anumang larangan. Dahil dito mga mababang uri at pasahod na trabaho ang karaniwang ibinibigay sa atin.

Dito na tayo nasasadlak at mahirap na ang pag-angat sa mas mataas pa na posisyon. Wala tayong magagawa dahil ito ang reyalidad at tunay na kalakaran sa mga taong kulang ang pinag-aralan.

Ang kawalan ng edukasyon ng isang indibidwal ay mistulang isang kapansanan ng kaniyang pagkatao. Mayroon tayong mga naririnig pero hindi natin lubos na naiintindihan, mayroon tayong nakikita ngunit hindi natin sadyang maintindihan.

Ganito ang ating kahihinatnan, animo’y mga bulag at bingi sa may malinaw na mata at taynga. Ito po ay patunay lamang na talagang napakahirap ng maging isang mangmang sa lipunan. Ikaw nanaisin mo bang mapabilang sa mga ganitong uri ng mamamayan ng ating lipunan? Sana ang inyong kasagutan ay hindi.

Katulad ng isang buto ng anumang uri ng halaman, ang taong may pinag-aralan saan man itapon ay kusang mabubuhay. Maging sa mga banyagang lupain man, kaya nating tumayo at makipagsabayan sa anumang uri ng buhay.

Malayo sa takot at pang-aapi. Kapag ikaw ay may pinag-aralan kaya mong lumaban ng patas at malayo sa panlalamang ng kapwa mo.

Ang edukasyon ay para sa lahat, ito ang programa ng ating pamahalaan ngayon. Ang natatangi na lang nating obligasyon ay ang tulungan ang ating mga sarili. Maging mapursigi sana tayo para lubusan nating mawakasan ang hirap ng kamangmangan, hindi lamang para sa ating kinabukasan bagkus ay para sa ating inang bayan.

Walang pinipiling edad ang edukasyon. Hanggang mayroon tayong pagkakataon at oras para makapag-aral ay samantalahin natin ito. Huwag natin itong ipagwalang-bahala. Masarap ang tumunganga at tumambay sa buhay pero wala ng sasaklap at hihirap pa sa kalagayan ng taong walang natapos sa buhay.

Tanggalin po natin sa ating mga kaisipan na ang edukasyon ay para sa mga mayayaman lamang. Sa ating mga ordinaryo at mahihirap na tao mas higit nating kailangan ang edukasyon sa ating buhay. Hindi lamang ito mag-aahon sa atin sa kahirapan, bagkus ay ito rin ang natatanging pamana sa atin ng ating mga magulang na kailanman ay hindi mananakaw ninuman.

Sa pagkakaroon ng sapat na edukasyon sana ay gamitin natin ito sa tamang pamamaraan. Maging responsable sana tayong mamamayan at huwag lamang ipagyabang ang natutunang aral.

Maging mabuti tayong ehemplo lalo na sa mga kabataan. Ibahagi ang inyong mga dunong at huwag itong ipagkait lalo na sa mga nangangailangan.

Sana ay nabigyan ko kayo ng mga butil ng kaalaman na magsisilbing gabay at inspirasyon niyo sa buhay. Sana sa pag-uwi ninyo sa inyong mga tahanan ay baunin ninyo ang mga aral ng buhay na magbibigay sa inyo ng pagkakataon upang higit pang pag-isipan ang kahalagahan ng aral at edukasyon sa buhay ng isang tao.


Talumpati Tungkol Sa Pag-aaral

Mula sa TakdangAralin.ph

Ang pag-aaral at pagkakaroon ng edukasyon ay siyang tunay na kayamanan na kailanman ay hindi mapag-iiwanan.

Walang ibang pinapangarap ang isang magulang kung hindi ang mapag-aral ang kanilang mga anak na kalaunan ay inaasam rin na makapagtapos at maging isang produktibong nilalang.

Isang katuparang ganap na makita mo ang iyong mga anak na masigasig at matiyagang nagpupunyagi para sa kanyang pag-aaral. Lahat ng pagod at hirap ay hindi mo mararamdaman kapag ang kapalit ay ang dedikasyon ng mga anak mo sa kanilang mga akademya.

Dito sa ating lipunan hindi lahat ay nagkakaroon at nabibigyan ng pribilehiyo makapag-aral. Dahil na rin ito sa maraming aspetong kadahilanan. Nangunguna na rito ang kahirapan sa buhay.

Ang simpleng abakada at pagsulat man lang ng sariling pangalan ay tunay na napakailap para sa mga taong isinilang na maralita. Ang pag-aaral na dapat sana ay karapatan ng bawat indibidwal ay naging isang oportunidad sa isang lipunan ng mga mahirap.

Kapag kayo ay magkaroon ng pera at mabigyan ng pagkakataon na makapag-aral, pagyamanin at pahalagahan ninyo ito ng buong puso. Hindi lahat ng tao ay nabibiyayaan.

Sa hirap ng buhay na mayroon tayo ngayon, ang pag-aaral lang natin ang tanging kayamanan na maipapamana sa atin ng ating mga magulang. Totoong mahirap ang maging mahirap ngunit mas mahirap ang maging mang-mang at walang alam.

Sa pakikipag-sapalaran sa tunay na realidad ng buhay, hindi sapat ang abilidad, sipag at lakas ng pangangatawan lamang. Nangangailangan rin tayo ng katalinuhan para lubos nating maunawaan kung hindi man ang lahat ay ang mga ibang nangyayari sa ating lipunan.

Sa inyong mga kabataan maging masigasig sana kayo sa inyong mga pag-aaral at huwag ninyong sasayangin ang bawat oras at pagkakataon na lumilipas. Ang pagsisisi ay palaging nasa huli.

Ang pagkakaroon ng munting butil ng kaalaman ay napakahalaga sa ating buhay upang hindi tayo magmistulang mga bulag na naglalakad sa ilalim ng liwanag at sikat ng haring araw.


Edukasyon para sa Kinabukasan

Talumpati ni Roselyn L. Guico

Gaano nga ba kahalaga ang edukasyon? at ano nga ba ang kaugnayan nito sa ating kinabukasan? Maaaring ngayon di mo pa lubos na naiisip .Bilang isang mag-aaral ano nga ba ang iyong pananaw.

Madalas sinasabing ang edukasyon ang daan patungo sa kaunlaran. Tama! Totoo iyan! kahit mahirap kung sasamahan naman ng sikap tiyak iyong makakaya. Marami dyan gustong mag-aral subalit wala naman pangtustos ang mga magulang. Pero ikaw! kayo! Andyan kayo sa paaralan. Pinag-aaral! Iginagapang ng mga magulang mapaf-aral lang at mabigyan ng magandang kinabukasan.

Alam nyo bang napaka-halaga talaga ng edukasyon sa ating buhay. Dahil dito natuto tayong sumulat at bumasa.Magpasalamat tayo at hindi tayo kabilang sa mga mangmang na nabubuhay sa ating digdig. Ang mga Guro na nagpupursige para tayo’y matuto, pahalagahan natin! Makinig tayo! At buksan ang isipan dahil ito’y para din sayo.

Kung ang bawat isa sa ating mamamayan ay mayroong edukasyon siguradong uunlad ang ating bayan. Magkakaroon ng mga magagandang oportunidad at trabaho ang bawat tao, wala ng magugutom! Wala ng maghihirap! Ngunit sa reyalidad anong nangyayari sa ngayon? Naghihirap ang ating bansa at madalang ang nakakapag tapos ng pag-aaral. Kaya pagbutihin ng mga estyudyanteng nakakapag-aral. Imulat ang mga mata dahil ito ay para din sa ating ikauunlad. Magsikap! Tandaan, Edukasyon: para sa kinabukasan.


Edukasyon: Daan tungo sa tagumpay

Talumpati ni Marielle Barrientos

Sa araw-araw nating pamumuhay, mula sa pag-gising natin sa umaga, hanggang matapos ang buong araw, di natin maitatanggi na tayo’y minsan napapatanong kung ano ang kahalagahan ng pagpasok sa paaralan.

Maraming nagsasabing “Ang Kabataan ang Pag-asa ng Bayan” at “Kabataan ang Babangon sa Kahirapan”. Ngunit mahirap isipin na mas marami sa mga kabataan ngayon ang di makapag-aral at hindi makapagtapos ng pag-aaral dahil sa iba’t ibang mga dahilan. Ang ilan ay hindi pumapasok sapagkat tinatamad gumising ng umaga, ang ilan pa ay nalulong sa mga masasamang bisyo.

“Mahalaga ang Edukasyon”, kahit na gasgas na ang linyang ito, ito ay labis na totoo. Dito nakasalalay ang ating kinabukasan at kung ano man ang kahihinatnan natin sa mundong ito. Upang tayo’y magkaroon ng isang masaganang pamumuhay at kinabukasan, kinakailangan nating maghanda sapagkat hindi natin maiiwasan na maharap sa mga hadlang at problema na maaaring pumigil sa atin upang makamit ang tagumpay, kaya nararapat lang na tayo’y maging handa nang sa gayo’y malagpasan natin ang mga ito. Dapat tayo ay may tiwala sa sarili at determinasyon. Ang kahirapan ay di hadlang sa kinabukasan. Tayo rin mismo ang gumagawa ng sarili nating kapalaran.

Ang edukasyon ang siyang nag-bibigay sa atin ng importansyang umunlad sa ating lipunan. Ito lang ang natatanging kayamanan ng ating mga magulang na maipapamana sa atin. Isa itong kayamanan na hindi makukuha ng kahit sino man sa’yo. Ang edukasyon ang ating sandata para sa magandang kinabukasan, hindi lamang para sa atin pero kundi pati na rin sa ating bayan. Sa pagkamit natin ng tagumpay, huwag natin kalimutan ang pagkakaroon ng pananampalataya sa Diyos sapagkat sa kanya, lahat ng bagay ay hindi imposible.


Susi para sa sariling tagumpay

Talumpati ni Cady Lorenzana

“Edukasyon ay di mananakaw ninuman, kultura ang kinapapalooban ng mga paniniwala’t kaugalian, palakasan ang daan sa pakikipagkaibigan, sandatang kailangang maangkin ng mga kabataan.”

Magandang hapon sa inyong lahat. Nandito ako sa inyong harapan upang magtalumpati ukol sa kahalagahan ng edukasyon. Sa labing walong taon kong pamumuhay sa mundo, labing apat doon ay madalas kong ginugugol sa pag-aaral ko kaya hindi na bago sa akin ang salitang edukasyon. Ang edukasyon ay ang pag-aaral sa isang kasanayan. Ngunit bakit nga ba mahalaga ang mag-aral? Bakit nga ba mahalaga ang edukasyon?

Marami ang nagsasabing napakahalaga ng edukasyon. Ito daw ang daan para sa isang magandang kinabukasan. Ako mismo ay naniwala doon. Kapag tayo ay may sapat na kaalaman at nakapagtapos ng pag-aaral, marami tayong mararating.

Lahat tayo ay may kanya-kanyang pangarap. Karamihan sa atin ay pangarap na makapagtapos ng pag-aaral o di kaya ay magkaroon ng isang magandang buhay sa ating hinaharap. Sino nga ba naman ang pangarap na magtinda sa kanto ng yelo? Sumigaw ng balot, balot, balot tuwing gabi? Umupo sa daan upang mamalimos? Wala, `di ba? Ngunit kung hindi natin pagbubutihan ang pag-aaral, maaring mapunta tayo sa lagay na iyon.

Mahirap ang daan upang makakuha ng isang kumikinang na diploma. Isa ako sa maaring magpatunay sa mga iyan. Marami ang kailangang pagdaanan para makamit natin ang ating pangarap. Nandiyan ang nakakahilong proyekto at mga nakakadugo sa utak na eksamin. Ngunit palagi nating tandaan na hindi lahat ng bagay ay nakukuha sa madaling paraan. Sa pag-aaral, kailangan natin ng dalawang bagay na nagpasikat kay Manny Villar: Sipag at Tiyaga.

Ang edukasyon ay isang bagay na hindi mananakaw ninuman. Ito ang ating magiging daan upang makamit natin ang ating mga pangarap. Kaya ikaw na nasa upuan at nakikinig sa aking harapan, huwag nang tatamad-tamad kung gusto mong magkaroon ng isang magandang kinabukasan. Mag-aral ng mabuti dahil ang edukasyon ay ang susi para sa ating sariling tagumpay.


Edukasyon: Susi sa tagumpay at pagkakaroon ng magandang kinabukasan

Talumpati ni Jecelyn Joy D. Juganas

Simula ng ipinanganak tayo at magsimulang magkaroon ng muwang sa mundo na ating ginagalawan ay mayroon na tayong karapatan na katulad ng mga natatamasa ng isang mamamayan sa lipunan. Isa sa mga karapatang ito ang edukasyon. Malaking tulong ang pagpasok sa paaralan upang mas magkaroon tayo ng kaalaman at lumawak pa ang ating isipan. Dito nagsisimula ang lahat makakahalubilo natin ang mga mag – aaral na magsisilbi nating kapatid at ang guro naman ang magsisilbi nating pangalawang magulang.

Kapag nasimulan na nating mahalin at pahalagahan ang edukasyon hindi natin namamalayan na unti – unti na pala nating naaabot ang ating mga pangarap. Wala ng mas sasaya pa sa pakiramdam ng ating mga magulang kapag natunghayan nila ang pagtatapos natin sa pag – aaral dahil para sa kanila ang edukasyon ang tanging kayamanan na maipapamana nila sa atin. Marami pa rin ang mga batang hindi nakakapag – aral dahil sa kahirapan at kung isa ka man dito ang kailangan mong gawin ay magsikap kang makapag – aral at magtyaga ka na abutin ang iyong mga pangarap sa kabila ng mga problema o balakid na pumipigil sayo. Hindi mo kasalanan na magkaroon ka ng ganyang buhay kaya dapat mas mangarap ka pa ng mataas para makamit mo ang tagumpay at magandang kinakabukasan na minimithi mo.

Sa panahon natin ngayon hindi madali ang mabuhay kung wala kang sapat na kaalaman. Kaya kailangan mong maging maabilidad, matiyaga, at magtiwala sa sarili mo kung nangangarap ka na magkaroon ng magandang buhay at kinabukusan. Higit sa iyong sarili ay magtiwala ka sa Panginoon na tutulungan at gagabayan ka niya sa lahat ng gagawin at bawat hakbang na iyong tatahakin. Siya ang magpapakita sayo ng daan patungo sa tagumpay at magandang kinabukasan. Bukod sa edukasyon, ang Panginoon ang higit na magiging sandata mo sa lahat ng laban mo sa buhay.

Hindi maitatanggi na ang edukasyon ay mayroong malaking papel na ginagampanan sa ating buhay at maging sa ating pamumuhay. Kung kayo ay may pagkakataong makapag – aral ay huwag niyong hayaan na masayang ang pagkakataon at pagtitiwalang ibinigay ng magulang niyo. Kaya sila nagpapakahirap sa pagtatrabaho para lang maibigay ang inyong mga pangangailangan. Kung sila ay hindi humihinto sa pagtatrabaho dapat ikaw din ay hindi huminto sa pangarap na gusto mo para sa kanila at sa sarili mo. Kayo pa rin ang gagawa ng buhay na gusto niyo kaya maging masipag at matiyaga kayo sa pag – aaral.


Edukasyon (Talumpati)

Halimbawa ng maikling talumpati ni Rean P. Del Valle

Bawat estudyante ay may kanya-kanyang pangarap sa buhay..Ang edukasyon lang ang susi sa atin mga pangarap ng ating buhay..Maituturing ginto ang edukasyon sapagkat ito ay napakahalaga sa ating buhay..Higit natin magagamit ang edukasyon sa mga darating na panahon..Mga mahal kong kamag aral sabay-sabay nating tuklasin ang kahalagahan ng edukasyon…

Simula nung tayo’y mga bata pa lamang ay meron na tayong mga ambisyon sa buhay..Dapat sa pagtungtong natin ng 5 pataas dapat ay tayo ay nag aaral na sapagkat tayo daw ang pag asa ng bayan kaya obligado na tayong pumasok sa eskwelahan pati sabi din ng ating mga magulang edukasyon lang daw ang tanging nilang maipapamana..Kaya dapat tayong mag aral ng mabuti para hindi masayang ang kanilang hirap at pagod nila sa atin..kaya dapat natin suklian ng magagandang grado at magandang asal..


Edukasyon at Politika

Talumpati ni Geraldine O. Napiza

Bilang isang mamamayan Pilipinas. Napapansin ko ang patuloy na pagdami ng mga batang hindi na nakapag-aaral. At halos nawalan na ng pag-asa sa buhay.

Isa ako sa bawat kabataang handang bigyan ng pansin ang suliraning ito ng ating bansa. Ayon sa aking nakikita marami ang mga batang nais makapag-aral ngunit walang sapat na pera upang
matustusan ito kung kaya’t marami ang mga batang nagkalat sa lansangan upang maglako ng kanilang paninda. Ngunit sa kabilang dako naman marami rin ang mga kabataang napapariwara at
napapabayaan na ng kanilang mga magulang. Sino nga ba ang dapat sisihin sa pangyayaring ito?

Ngayong ako ay nag-aaral na sa kolehiyo marami ang nagsasabing ako ay mapalad at nakakapag-aral. Ito ay magagamit ko sa aking kinabukasan. At makahanap ng isang magandang trabaho.

Ngunit paano ang kabataang hindi nakapag-aaral? Ano na lang ang kanilang magiging kinabukasan?

Sa bawat araw na nagdadaraan aking naiisip ang mga batang hindi nakapag-aaral at ang mga nag-aaral ngunit kulang naman sa kagamitan. Dahil sa pagkurakot sa pera na dapat sana ay napupunta sa libreng edukasyon. At hindi sa mga taong may kaukulang posisyon na nagsasayang ng pera sa pansariling kagustuhan. Nasaan ang pinangako nila noong sila ay nangangampanya para sa kanilang posisyon? Nasaan ang mga nasasabing proyekto para sa edukasyon? Nasaan na ang pagtulong?

Ang sakit isipin na hindi nila magampanan ang kanilang tungkulin. Hindi nabigyan ng solusyon ng gobyerno ang mga problemang kinakaharap ng ating bansa. Wala ng pakakaisa.


Edukasyon ang Solusyon

Talumpati ni Zyrene Evangelista

Magandang araw po sa inyo!

Nawa po sa maikling pagkakataon na ibinigay sa akin dito ay makinig kayo.

Edukasyon.. Edukasyon.. Talaga bang mahalaga ito? Ano ba ang maitutulong nito sa ating kinabukasan? Maraming katanungan ang nais nating mabigyan ng kasagutan. Tayong mga kabataan ang pag-asa ng bayan, maraming nagsasabi nito. Ngunit, bakit maraming mga kabataan ang hindi nag-aaral? Nagiging tambay na lang sila at nalululong sa masamang bisyo. Maraming dahilan kung bakit gindi sila nag-aaral pero marami rin namang paraan upang makapag-aral. Alam kong ang pagiging mahirap ay isa sa mga dahilan pero may paraan naman para dito, pwede ka namang maging “working student” kung gusto mo lang talaga. Sabi nga sa kanta, “kung ayaw may dahilan, kung gusto palaging merong paraan.” Kaya’t kung gusto mo talagang mag-aral ay gagawa at gagawa ka ng paraan para dito.

Ang edukasyon ang ating panlaban upang magkaroon tayo ng magandang kinabukasan. Kung mapapansin natin maraming mga kababayan natin sa ibang bansa ang minamaltrato, inaapi, at inaabuso. Bakit nating hahayaang mangyari ito? Tayong mga kabataan ngayon, papayag ba tayong magpatuloy ito? Hindi na dapat, ipakita natin sa kanila na kaya nating umunlad gamit ang ating sariling mga paa. Ang edukasyon ang tanging kayamanan na ipamamana ng ating mga magulang sa atin na kailanman ay hinding-hindi mawawala sa atin at walang sinuman ang makakakuha nito mula sa atin.

Ang edukasyon ang susi ng ating tagumpay. Ito ang makakapagpa-ahon sa atin mula sa kahirapan. Kaya’t wag nating sayangin ang pagkakataon na ibinigay sa atin ng ating mga magulang upang makapag-aral. Tayo’y mag-aral ng mabuti at ipasantabi ang mga bagay na makakasira sa ating pag-aaral. Lagi tayong magsumikap at wag nating kalilimutan na ang edukasyon ang solusyon sa ating kahirapan.


Edukasyon ng Isa: Kinabukasan ng Marami

Talumpati ni J. Chenglay

Tanggap na nating lahat na naghihirap ang Pilipinas. Malungkot man isipin ngunit alam na natin na minamata ang mga Pilipino. Marami na akong mga pelikulang napanood kung saan mga Pilipino ang nagsisilbing mga kasambahay lamang ng mga mayayamang Amerikano. Marami rin akong napanood na halatang mababa ang tingin sa Pilipinas. Naaalala ko ang isang episode ng Desperate Housewives (isang teleserye sa Amerika) kung saan nainsulto ang mga doktor ng Pilipinas. Ipinahiwatig dito na ang mga doktor ng Pilipinas ay hindi dapat pagkatiwalaan at walang katuturan upang manggamot sa kanila.

Tunay na masakit pakinggan ang mga ganito, ngunit bakit nga ba ganito ang tingin sa mga Pilipino? Saan ba tayo nagkukulang? Hirap na hirap na ang Pilipinas at pinaganda lamang ang tawag dito kaya sinabing “developing country” raw tayo. Isipin natin, totoo nga bang umuunlad tayo sa kalagayang ito? Sinasabi nila na marami nang pagkukulang sa Pilipinas maging sa ekonomiya, teknolohiya pati na rin sa edukasyon. Unti-unting bumababa ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas at lumalaki ang porsiyento ng mga hindi nakakapagpasok sa paaralan lalo na sa mga lalawigan na hindi pa ganap na nakakaunlad.

Maraming sa mga kabataang nasa namumuhay sa ilalim ng poverty line ang hindi nakakapagpasok sa paaralan dahil wala silang pambayad sa matrikula. Napipilitan silang magtrabaho na lang bilang tagabenta ng Sampaguita o mga basahan sa kalsada. Mayroon namang mga masmapalad na nakakapasok sa paaralan ngunit dahil sa kahirapan, hindi sila nakakapasok araw-araw. Marahil mahirap makarating sa paaralan o paminsan-minsan ay kailangan nilang tumulong sa trabaho ng kanilang mga magulang. Siguro noong panahong bago tuluyang humina ang ekonomiya ng Pilipinas, bihira lamang makarinig ng mga kuwento tungkol sa kawalan ng edukasyon nang dahil sa kahirapan. Ngunit sa panahon ngayon, nagiging normal na lamang ang mga sitwasyon na ito.

Kung minsan ay napapaisip na lamang ako kung wala na bang pag-asa ang kalidad ng edukasyon ng maramihan sa Pilipinas? Siyempre mayroon pa ring mga iilang porsiyento ng kabataan ang mapalad na nakakapasok sa paaralan na walang katingting na tunay na hirap. Ngunit mas marami pa rin ang mga gustong mag-aral ngunit walang pagkakataon na makamit ito. Mabilis na ang takbo ng mundo ngayon, marami na ang mga napapag-aralan at marami nang mga bansang umuunlad ng lubos. Ayon sa mga ideyal na pag-iisip, nakakahabol rin tayo sa takbo ng mundo ngayon ngunit alam nating hindi ito nangyayari. Dapat na lang ba nating hayaan ang patuloy na pamumulok ng mga potensiyal ng mga Pilipino? Mayroon pa ba tayong magagawa para naman hindi na mababa ang tingin sa mga Pilipino? Ang sagot diyan ay isang malaking OO at ipinakita ni Efren Penaflorida ang halaga ng edukasyon bilang isang bahagi ng kultura ng isang bayan.

Si Efren Penaflorida ay isang guro at social worker sa Pilipinas. Ang kanyang ama ay isang tricycle driver at ang kanyang pamilya ay may isang maliit na pansiterya. Nakatira sila malapit sa isang dump site sa may Cavite. Nakapagtapos siya ng elementarya at hayskul sa pamamagitan ng mga financial aids at scholarships. Kungbaga, si Efren ay isang tipikal na Pilipinong naghihirap. Sa kalagayang iyon, paano ba naging bayani si Efren hanggang sa nakilala na siya bilang CNN HERO OF THE YEAR para sa taong 2009?

Mabisang naipakita ni Efren ang kanyang tungkuling makatulong sa pagpapaaral ng mga naghihirap na kabataan. Siya ang namuno at nagpatayo ng Dynamic Teen Company (DTC), isang organisasyong kung saan tinuturuan nila ang kabataan maging mga responsableng mamamayan. Sinimulan rin niya ang kanyang pushcart classroom kung saan nakakapagturo siya sa iba’t ibang mahihirap na lugar sa pamamagitan ng isang kariton. Ang mga pangkaraniwang gamit sa silid-aralan ay inilagay niya sa kariton at dinala sa mga batang nangangailangan ng edukasyon. Hindi naging kumbensiyonal ang mga lugar na pinuntahan niya tulad ng mga tambakan ng basurahan at sementeryo. Dahil sa kanyang determinasyon at pagpapahalaga sa edukasyon ng mga Pilipino, tunay na nakatulong siya sa mga kabataang Pilipino.

Sinasabi nilang isang mahalagang pundansiyon ang kabataan. Naniniwala ako sa kasabihang ito. Naniniwala rin ako na upang makapagtayo ng matatag na pundasyon ang isang bayan, dapat ay sikapin ng mga mamamayan ang makapag-aral at gamitin ang mga natutunan. Si Efren ay isang simpleng Pilipino na may malaking pangarap. Tularan natin siya at ihandog ang kahit kaunting panahon at sipag upang maangat ang kalagayan ng Pilipinas. Hindi natin kailangan maging isang mayaman o may malaking impluwensiyang Pilipino. Kailangan lang natin ng pusong tunay na may pagmamahal sa bayan. Dapat rin nating maunawaan na ang edukasyon ng isa ay kinabukasan ng buong bayan.

Ang edukasyon ng bayan ay kasali na rin sa kultura nito. Kung gusto nating magbago ang tingin ng mga ibang bansa sa Pilipinas, hindi tayo dapat simpleng umaangal na lamang at nagagalit sa mga panlalait nila. Sikapin nating magkapagsimula ng pagbabago upang maitaguyod muli ang mga maaaring ipagmalaki ng Pilipinas. Sikapin nating tumulong sa pagpapatayo ng bayang may kalidad at bayang nagtatagumpay.


Edukasyon ang Solusyon (Talumpati)

Mula sa themanwhofelltoearth

Walang duda’t alinlangan, kung gaano kahalaga ang edukasyon sa paghubog ng isang magandang kinabukasan.

“Ang kabataan ang pag-asa ng bayan”. Ang mga salitang ito ay minsang namutawi sa labi ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose P. Rizal. Siya’y mayroong maraming pangarap sa ating bayan. Hindi lamang ang hangaring makalaya noon sa pananakop ng mga mapang-aping kamay ng mga Kastila kundi pati na rin ang pagkakaroon ng edukasyon ng mga kawawang Pilipino na madalas laitin ng mga ito. Hindi niya malimot ang mga salitang “Indio” o “mangmang” na karaniwang tawag ng mga mapangilnlang na Espanyol sa mga Pilipino noong panahon ng kolonisasyon. Ninais ni Rizal na mahango sa kahirapan ng buhay ang mga Pilipiino at makakamit lamang iyon kung sila’y makapag-aaral. Ang edukasyon ang susi para mahango sa kahirapan ang mga Pilipino. Iyon ang tanging paraan at wala ng iba pa.

Ngunit nakapanlulumong makita na ang pangarap ni Rizal na mahango sa kahirapan ang mga Pilipino ay nananatiling panaginip na lamang. Wala na rin halos makita sa kanyang mga sinabing, “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan sa hinaharap.” Nasaan na ang mga kabataang ito?

Ang mga kabataang pag-asa ng bayan ay wala nang makitang pag-asa sa kasalukuyan. Maraming kabataan ang lulong sa bawal na droga. Marami sa atin ang isinusuka na ng lipunan sapagkat pawang karahasan ang ginagawa. Marami ang nasasangkot sa pagpatay, pagnanakaw, panggagahasa at iba pang krimen. Naging kalbaryo na ng kanilang mga magulang ang mga kabataang ito. Kawawa naman si Rizal na umasa noon na tayong mga kabataan ang pag-asa ng bayang ito.

May magagawa pa tayo para maisalba ang mga kabataang naliligaw ang landas dahil sa kahirapan. Hindi pa huli ang lahat, di ba mayroong mga programa ang ating pamahalaan sa mga OSY o Out of School Youths ? Halimbawa na lang ang mga DepEd ALS o Alternative Learning System na nagbibigay ng pagkakataon sa mga OSY na makapasok ulit sa paaralan. Marami pang mga programa sa edukasyon ang ating gobyerno upang masugpo ang kahirapan;nandyan na ang pagbibigay ng mga scholarship grants at ’study now, pay later scheme’ para sa mga ‘poor but deserving students’, ang pagpaggawa ng mga paaralan sa bawat barangay upang hindi na tayo mahirapan sa pagpasok sa eskwela.Kung ganoy may pagkakataon pang makapag-balik loob ang mga kapwa nating kabataang naligaw ng landas at nasadlak sa kahirapan.

Kaya naman huwag nating sayangin ang opurtunidad na makapag-aral at makapasok sa isang paaralan. Dahil ang ating mga paaralan ay hindi lamang institusyong pang akademiya at instrumento sa paghubog ng pagkatao ngunit ito’y isang “Training Ground” na rin sa ating mga kabataan upang maihanda ang ating mga sarili sa pagharap sa totoong laban ng buhay at ito rin ay magiging isang susi sa pag-ahon sa ating bayan sa kahirapan…Tayo’y mag-aral ng mabuti,dahil ang ‘edukasyon ay ang solusyon’. At ayon nga sa isang kasabihan, “Ang kaalaman ay hindi mananakaw ninuman.”

Huwag ng magtumpik-tumpik pa, halina’t gisingin natin ang tila natutulog na kaisipan ng kapwa nating kabataan at kusang gugulin ang ating lakas sa pagsulong ng tunay na ikabubuti ng ating bayan. Tayo’y makisangkot sa mga napapanahong isyu, dahil sa pamamagitan ng ating kaalaaman at kuro-kuro ito’y magiging daan sa kaliwanagan at kaunlaran…ipakita natin na ang kahirapan ay hindi hadlang upang maabot ang magandang kinabukasan. At nang sa gano’y karapat-dapat nating sabihin na tayo ang bukas…

Ang pag-asa ng bayan!

SEE ALSO: Mga Talumpati Tungkol sa Pag-ibig