Alamat ng Kasoy

Noong unang panahon ay nasa loob ng kasoy ang abuhing buto nito. Lungkut na lungkot ang buto sapagkat madilim na madilim sa loob ng kasoy. Lalo itong nalungkot nang malamang magdaraos ng isang handaan ang Adang kagubatan. Sa gabi ng handaan ay ipinatawag ng Ada ang lahat ng hayop at halaman.

Ang buong kagubatan ay nagliliwanag sa tama ng mga ilaw ng parol ng mga Alitaptap. Ang huni ng mga Kuliglig at kokak ng mga Palaka ay sumasaliw sa awit ng mga Maya. Masayang kasayaw ng mga Kuneho ang mga Usa, ng mga Elepante ang mga Tamaraw, ng Zebra ang Tsonggo. Kapareha naman ni Kangkong ang Sitaw, ni Mangga ang Dalanghita, ni Saging ang Papaya.

Lahat ay nagsasayaw. Lahat ay kumakanta. Masayang-masaya ang kagubatan. Bukod tanging ang buto ng kasoy ang lungkut na lungkot.

“Mabuti pa sila, nakikita ang masayang paligid. Heto ako, nakakarinig ng awit at tawanan pero hindi naman nakikita ang katuwaan.”

Naulinigan ng makapangyarihang Ada ang himutok ng Buto.

“Gusto kong maging maligaya ka. May kahilingan ka ba?”

“Ayoko pong nakakulong sa madilim na lugar na kinalalagyan ko. Naiinggit ako sa ibang hayop at halaman na tuwang-tuwa kapag may handaan sa kagubatan. Nakakasama sila sa pagsasaya. Hindi lang nila naririnig kundi nakikita pa ang katuwaan ng lahat. Maawa kayo, mahal na Ada. Gawan ninyo ng paraang makalabas po sana ako sa pagkakakulong ko sa loob ng prutas na ito.”

BASAHIN DIN: Alamat ng Pakwan

Naantig ang maawaing damdamin ng mahal na Ada. Iwinasiwas nito ang nagniningning na pananglaw. Sa isang iglap ay nakalabas sa madilim na kulungan ang Buto.”

Masayang-masayang napanood ng Buto ng Kasoy ang sayawan, kantahan, at pagkakatuwaan ng mga hayop at halaman.

Ang malakas na pagkokak ng mga Palaka at paghuni ng mga Kuliglig ay sumaliw sa awit ng mga Maya. Sa tuwa ng Elepante ay kumembut-kembot ito sa pag-indak. Napapasabay din sa pagimbay ang mahagway na Kawayan kasama ang Pagong na nagbababa at nagtataas ng bahay-bahayan.

Hatinggabi na nang iwasiwas na muli ng butihing Ada ang kaniyang makinang na pananglaw. Hudyat iyon ng pamamahinga. Pinatay na ng mga Alitaptap ang parol nila.

Nalungkot ang Buto nang dumilim na ang paligid. Nahahalinhan ng takot at lungkot nang kumulog at kumidlat. Napansin ng Buto na nagsipagtago ang mga hayop sa mga kuweba. Mahigpit namang ikinabit ng mga halaman ang mga ugat sa ilalim ng lupa.

Tulad ng dapat asahan, bumuhos na ang malakas na ulan. Takot at kinakaliglig sa lamig ang Buto.

“Ga…Ganito pala sa labas. Ma…Mamamatay ka sa sobrang ginaw. Mabibingi ka sa ingay ng kulog. Malamang na tamaan ka pa ng kidlat. A…Ayoko na sa labas.”

Hindi pinakinggan ng Ada ang abuhing Buto ng Kasoy. Bilang panghabambuhay na parusa ay pinamalagi ng Adang manatili sa labas ng Kasoy ang abuhing Buto nito.

Iyan ang Alamat ng Kasoy at ng di nito makuntentong Buto.

Aral

  • Lahat tayo ay may kanya-kanyang natatanging katangian. Maging kuntento sa kung ano ang kaloob na binigay ng Diyos sa atin.
4 Shares
Share via
Copy link