Pagkatapos ng ilang araw na pag-ulan ay sumikat na ang araw. Maganda na ang panahon. Namasyal ang mga anak ni Inang Palaka sa tabi ng sapa. Nakita nila ang isang kalabaw na nanginginain ng sariwang damo. Sa tingin ng mumunting palaka ay napakalaking palaka ang kalabaw. Dali-dali silang umuwi at ibinalita ito sa kanilang ina.
“Ina, nakakita kami ng napakalaking palaka!” sabay-sabay na sabi ng mga anak ng palaka.
“Totoo? Malaki pa sa akin?” wika ng Inang Palaka. “Ako na ang pinakamalaki sa lahat ng palaka.”
“Talaga pong napakalaki”, patotoong muli ng mga anak na palaka. “Sumama po kayo sa amin nang inyong makita.”
“Hala, tayo na”, wika ng Inang Palaka. “Hindi ako naniniwala na mayroon pang palaka na mahigit ang laki kaysa sa akin.”
At sabay-sabay na pumunta ang mag-iinang palaka sa tabi ng sapa.
Itinuro ng mga anak na palaka ang nakitang kalabaw na patuloy na nanginginain ng damo.
“Tingnan ninyo ako”, wika ng Inang Palaka sa mga anak. Huminga siya nang huminga upang palakihin ang kanyang sarili.
“Sino ngayon ang higit na malaki sa aming dalawa?”
SEE ALSO: Ang Masamang Kalahi
“Malaki po ang aming nakitang palaka”, wika ng maliit na palaka. “Higit po siyang malaki kaysa sa inyo.”
Muling huminga nang huminga ang Inang Palaka upang madagdagan ang kanyang laki. At kanyang muling tinanong ang maliliit na palaka.
“Malaki na ako ngayon kaysa sa kanya, hindi ba?”
“Hindi po, Ina”, sabay-sabay na namang sagot ng mga anak na palaka. “Ang laki po niya kaysa sa inyo.”
“A, hindi! Ako ang pinakamalaking palaka. Tingnan ninyo ako”, wika ng Inang Palaka at ubos-lakas siyang huminga nang huminga.
Bog! narinig na putok ng mga anak ng palaka. At nakita nilang pumutok ang tiyan ng mahal nilang ina.
“Kaawa-awa naman si Inang Palaka!” wika ng mga anak na palaka. “Ayaw niyang mahigitan ng iba kaya siya nagdusa.”
Aral:
- Nakamamatay ang kayabangan. Mas marami ang nalulugod sa taong mapagpakumbaba kaysa taong ubod ng yabang at puro salita.
- Walang masama kung may taong nakahigit sa kakayahan mo. Maluwag na tanggapin ang pagkatalo at iwasan ang sama ng loob.