Buhat nang mapatakbo ni Toniong Tandang si Tenoriong Talisain ay humanap na ng ibang libutan at madaling nakapamayagpag na muli ang Talisain. Ang mga Katyaw na leghorn doon ay madaling nasilaw sa balitang bilis at lakas ni Tenoriong Talisain. At madali niyang naging kaibigan ang pinakamagandang sa mga banyagang manok na si Lolitang Leghorn.
Isang araw ay galit na galit na umuwi si Denang Dumalaga.
“Naku!” ang bulalas ng dumalaga. “Ako pala ay sinisiraan ni Tenoriong Talisain. Ako raw ay naging kasintahan niya…”
“Diyata’t?” ang bulalas din ni Aling Martang Manok.
“At katakot-takot na paninira raw laban sa mga kalahi ang ginagawa ng Talisaing iyan. Tayo raw ay ikinahihiya niya. Masamang lahi raw tayo…”
Gayon din ang ikinagalit ni Toniong Tandang nang siya’y dumating.
“Napakasamang manok iyang si Tenoriong Talisain”, ang wika ng tandang. “Kangina’y nakita ko. Kung lumakad at magslita’y ginagaya ang mga leghorn.”
“Ang balita ko pa’y nagpasuklay ng balahibo upang maging mistulang leghorn na. Nakapang-nginig ng laman.”
“Bayaan ninyo siya”, ang wika ni Aling Martang Manok. “Pagsisisihan din niya ang kanyang ginawang iyan.”
Ilang araw, pagkatapos ay dumating si Toniong Tandang na kasama si Tenoriong Talisain. Gusut-gusot na ang balahibo ng katyaw. Pilay pa ang isang paa, pasa-pasa ang buong katawan at hindi halos makagulapay.
SEE ALSO: Ang Madaldal na Pagong
“Bakit ano ang nangyari?” ang tanungan ng mga kalahing manok.
“Iyan pala ay maluwat nang kinaiinisan ng mga katyaw na Leghorn”, ang wika ni Toniong Tandang.
“Kangina’y nakita ko na lamang na pinagtutulungan ng apat na katyaw na leghorn.”
“Bakit hindi mo pa pinabayaang mapatay?” ang wika ng mga kalahing manok. “Tayo rin lamang ay ikinahihiya niya at itinatakwil pa…”
“Talaga nga sanang ibig ko nang pabayaan”, ang wika ni Toniong Tandang. “Ngunit hindi rin ako nakatiis. At talagang namang kung hindi ako sumaklolo’y nasirang Tenoriong Talisain na siya ngayon.”
“Nakita mo na, Tenoriong Talisain!” ang wika ni Aling Martang Manok. “Iyang kalahi, kahit masamain mo’y talagang hindi makatitiis.”
Aral:
- Pahalagahan ang iyong pamilya. Maaring iiwan ka o pababayaan ng mga taong nakapaligid sa iyo ngunit ang pamilya ang laging nandiyan para sa iyo.
- Kahit pa gaano kasama ang ginawa mo sa iyong pamilya, sa oras ng pangangailangan ay sila rin ang tutulong sa’yo.