Ano ang Pang-abay, Halimbawa ng Pang-abay at mga Uri

Sa pahinang ito ay matututunan mo kung ano ang pang-abay, ano ang mga uri ng pang-abay at ilang mga halimbawa nito.

Ano ang Pang-abay? ?

Ang pang-abay o adverb sa wikang Ingles ay mga salita na naglalarawan sa pang-uri, pandiwa at kapwa pang-abay. Ito ay kabilang din sa mga Bahagi ng Pananalita o Parts of Speech.

SEE ALSO: Panghalip: Ano ang Panghalip, Halimbawa ng Panghalip at mga Uri

Mga Uri ng Pang-abay ?

Mayroong siyam (9) na uri ang pang-abay. Ito ay ang mga pang-abay na Pamanahon, Panlunan, Pamaraan, Pang-agam, Panang-ayon, Pananggi, Panggaano o Pampanukat, Pamitagan, at Panulad.

  1. Pamanahon
  2. Panlunan
  3. Pamaraan
  4. Pang-agam
  5. Panang-ayon
  6. Pananggi
  7. Panggaano o Pampanukat
  8. Pamitagan
  9. Panulad

1. Pang-abay na Pamanahon

Ang pang-abay na pamanahon ay nagsasaad kung kailan naganap o magaganap ang kilos na taglay ng isang pandiwa sa pangungusap. Mayroon itong tatlong (3) uri: may pananda, walang pananda, at nagsasaad ng dalas.

May Pananda

Halimbawa: nang, sa, noon, kung, kapag, tuwing, buhat, mula, umpisa, hanggang

  • Tayo nang manood ng sine.
  • Naglalakad sa kawalan ni Marco.
  • Aawit ako kung aawit ka rin.
  • Maglalaba tayo kapag sumikat ang araw.
  • Magbabasa tayo ng aklat tuwing makalawa.

Walang Pananda

Halimbawa: kahapon, kanina, ngayon, mamaya, bukas, sandali

  • Sumayaw kami kahapon sa palatuntunan.
  • Kanina pa sila umalis.
  • Ngayon mo na puntahan si Mareng Winnie.
  • Bukas mo na dalhin ang biik.
  • Kaunting sandali pa at aalis na tayo.

Nagsasaad ng Dalas

Halimbawa: araw-araw, tuwing, taun-taon

  • Kailangan mong maligo araw-araw.
  • Tuwing umaga nangunguha si ama ng mangga.
  • Nagbabakasyon kami sa Hongkong taun-taon.
  • Lingo-lingo kung mamili ng paninda si Aling Fe.
  • Oras-oras kung magdasal ang mga madre.

2. Pang-abay na Panlunan

Ang pang-abay na panlunan ay nagsasaad ng lugar kung saan naganap ang pangyayari. Ito ay nagsasabi kung saan ginawa, ginagawa, at gagawin ang kilos sa pangungusap. Tumutukoy din ito sa pook na pinangyarihan, o pangyayarihan ng kilos sa pandiwa. Ilan sa mga halimbawa ng pang-abay na panlunan ang mga salitang sa, kina o kay.

Samantala, ginagamit ang ‘sa’ kapag ang kasunod ay isang pangngalang pambalana o isang panghalip. Ang ‘kay’ at ‘kina’ naman ay ginagamit kapag ang kasunod ay pangngalang pantangi na pangalan ng isang tao.

Halimbawa:

  • Buksan mo ang pinto sa kusina.
  • Ibinigay sa akin ni Mariel ang hawak niya.
  • Pag-aaralin kita kung sa amin ka titira.
  • Pumunta sa bayan ang mag-asawa.
  • Pakikuha kina Berto at Berta ang bayad sa bangus.
  • Kina Amiel at Ariel ang mga prutas na ito.
  • Kina Sonia mo hanapin ang nawawala mong pusa.
  • Bumili ako ng sapatos kay Nora.
  • Pakibigay na lang ang sukli kay Vilma.
  • Kay Sharon bagay ang sapatos.

3. Pang-abay na Pamaraan

Ang pang-abay na pamaraan ay naglalarawan kung paano naganap, nagaganap, o magaganap ang kilos na ipinahahayag ng pandiwa. Ilan sa mga halimbawa nito ang nang, na, at -ng.

Halimbawa:

  • Sinuntok ko siya nang malakas.
  • Binigyan niya ako nang matinding sampal sa mukha.
  • Kumain ako ng mabilis para makanood agad sa telebisyon.
  • Bukas ng gabi ko balak tumakas.
  • Sa makalawa ay maisasakatuparan ko ng mahusay ang aking mga plano.
  • Matutulog na sana ako nang biglang tumawag si Amy.
  • Kakain kami ng spaghetti sa JolliDo.
  • Sa Linggo na tayo mag-usap.
  • Gumising ka nang maaga para maaga ka ding makaalis.
  • Hanggang mamaya na lang ako tatanggap ng labada.

4. Pang-abay na Pang-agam

Ang pang-abay na pang-agam ay nagpapahiwatig ng hindi o kawalan ng katiyakan sa pagganap sa kilos ng pandiwa. Ilan sa mga halimbawa nito ang mga salitang marahil, siguro, tila, baka, wari, parang, at iba pa.

Halimbawa:

  • Parang ayoko nang pumunta sa lugar nina Elmer.
  • Marahil ay wala na tayong aabutan kung tutuloy pa tayo.
  • Siguro ay nakaalis na sila.
  • Baka naman hinihintay pa nila tayo.
  • Tila may ilalakas pa ang ulan.
  • Wari ko’y nasa kanto na ang mga iyon.
  • Pero parang sasama din si Eden.
  • Marahil gumagayak na siya ngayon dahil alas-singko ang usapan.
  • Siguro mauna na tayong lumakad dahil baka mahuli tayo sa piging.
  • Tila mahirap ang daan patungo sa kanila.

5. Pang-abay na Panang-ayon

Ang pang-abay na panang-ayon ay nagsasaad ng pagsang-ayon ng nagsasalita sa pangungusap. Ilan sa mga halimbawa nito ang mga salitang oo, opo, tunay, sadya, talaga, syempre at marami pang iba.

Halimbawa:

  • Sadyang mabilis kumilos ang batang si Irene.
  • Tunay ngang napakabuti ng ating Diyos.
  • Talagang malikot ang anak ni Don Pepot.
  • Sadya namang mahusay ang kapatid niya dahil may pinagmanahan.
  • Tunay na marangal ang pamilya ni Jojo.
  • Talagang mabuting bata iyang si Nonong.
  • Sadyang maadali ang pagsusulit upang lahat tayo ay makapasa.
  • Tunay ngang ika’y mahal sa akin.
  • Talagang hindi maipagkakaila na ikaw ang ama ng bata.
  • Sadyang mahina sa aralin ang anak ni Mang Tomas.

6. Pang-abay na Pananggi

Ang pang-abay na pananggi ay nagsasaad ng pagtanggi, pagsalungat o pagtutol. Ilan sa mga halimbawa nito ang mga salitang hindi, di at ayaw.

Halimbawa:

  • Hindi ako makakapayag sa nais mo.
  • Ayaw kong makita kang pagala-gala sa oras ng gabi.
  • Di bale nang tamad basta marunong mahiya.
  • Hindi ko gusto ang suot mong baro.
  • Kung ayaw mong sumunod ay makakaalis ka na sa bahay ko.
  • Hindi siya ang ibig ko para sa iyo.
  • Ayaw kong sumama sa iyo.
  • Hindi na lang ako sasama.
  • Ayaw ko ng gulo kaya manahimik ka diyan.
  • Ang ayaw kolang ay ‘yung masyado kang maingay.

7. Pang-abay na Panggaano o Pampanukat

Ang pang-abay na panggaano o pampanukat ay nagsasaad ng timbang, bigat, o sukat ng pinag-uusapan sa pangungusap. Sumasagot ang pang-abay na panggaano sa tanong na gaano o magkano ang halaga.

Halimbawa:

  • Tumakbo ako ng limang kilometro kanina.
  • Marami akong kinaing gulay.
  • Tatlong litrong tubig ang kaya kong ubusin sa maghapon.
  • Sampung talampakan ang lalim ng tubig sa pool.
  • Isang gatang na bigas ang isaing mo mamayang hapo.
  • Sampung piso na ang pamasahe sa jeep.
  • Isang libo piso ko nabili ang sapatos na ito.
  • Kaya kong lumangoy ng hanggang tatlong kilometro.
  • Siyam na pusa ang alaga ni Keith.
  • Tatlong daang piso ang bayad ko sa pagpapalaba ng damit.

8. Pang-abay na Pamitagan

Ang pang-abay na pamitagan ay nagsasaad ng paggalang.

Halimbawa:

  • Bukas ko na po iuuwi ang pusang ito.
  • Saan po maaring makakuha ng libreng tubig?
  • Maaari po bang makiinom?
  • Mamaya po kami pupunta sa inyo.
  • Bakit po maraming tao dito?
  • Saan po kayo galing?
  • Salamat po sa inyong tulong.
  • Inyo na po itong alaga kong pato.
  • Ang bahay po namin ay nasa pagitan ng dalawang bundok.
  • Sa makalawa po ang dating ni Ate Beth.

9. Pang-abay na Panulad

Ang pang-abay na panulad ay ginagamit sa pagtutulad ng dalawang mga bagay sa pangungusap.

Halimbawa:

  • Mas marami siyang alam kaysa sa akin.
  • Higit na magaling umawit si Erik kaysa kay Mark.
  • Mas maingay ang bapor kaysa sa tren.
  • Higit na kahanga-hanga ang buhay ni Bonifacio kaysa kay Rizal.
  • Mas gusto kong kasama si Baldo kaysa kay Chubs.
  • Higit na mabuting kaibigan si Eli kaysa kay Ernie.
  • Mas masayang kasama si Nita kaysa kay Fely.
  • Higit kong hinahangaan si Rody kaysa kay Noynoy.
  • Mas mabuting kumain ng masustansiyang pagkain kaysa mga sitsirya.
  • Higit na mabait ang batang si Baste kaysa kay Buduy.
153 Shares
Share via
Copy link