Ang aming ginawang El Filibusterismo buod ng buong kwento ay karugtong ng nobelang Noli Me Tangere na parehong isinulat ni Dr. José Rizal. Isa sa mga layunin ng nobelang ito ay gisingin ang kamalayan ng mga Pilipino noong panahon na sakop pa tayo ng mga Kastila.
Nais ng may akda na himukin ang mga Pilipino na paalabin ang pagnanais na makapagtamo ng tunay na kalayaan at ipaglaban ang ating bayan.
Basahin ang maikling buod sa ibaba upang mas lalong maunawaan ang nais ipahiwatig ng nobelang El Filibusterismo.
SEE ALSO: Noli Me Tangere Buod ng Buong Kwento (Maikling Buod + PDF)
Samantala, kung hanap mo rin ang buod ng bawat kabanata at mga tauhan ng El Filibusterismo, mangyaring basahin ang El Filibusterismo Buod ng Bawat Kabanata at El Filibusterismo Tauhan at mga Katangian ng Bawat Isa.
Maligayang pagbabasa! 🙂
El Filibusterismo Buod ng Buong Kwento
Nagsimula ang lahat makalipas ang labintatlong taon mula ng mamatay sina Sisa at Elias.
May isang bapor na kung tawagin ay Bapor Tabo na naglalakbay sa pagitan ng Maynila at Laguna. Ilan sa mga sakay nito ay ang mag-aalahas na si Simoun, Basilio, at Isagani.
Nang makarating si Basilio sa San Diego ay dinalaw niya ang puntod ng kanyang ina sa libingan ng mga Ibarra. Sa ‘di inaasahang pangyayari ay nagkita sila ng mag-aalahas na si Simoun. Nakilala niyang ito ay si Crisostomo Ibarra na nagbabalatkayo.
Upang maitago ang lihim ni Ibarra, tinangka niyang patayin si Basilio. Ngunit hindi ito natuloy kaya hinimok na lamang ni Simoun si Basilio na makiisa sa kanyang layuning maghiganti sa Pamahalaang Kastila. Tinanggihan ito ng binata dahil nais niyang makatapos sa kanyang pag-aaral.
Samantala, habang ang Kapitan Heneral ay nagliliwaliw sa Los Baños, ang mga mag-aaral na Pilipino ay naghain ng isang kahilingan upang magtatag ng isang Akademya ng Wikang Kastila.
Hindi ito napagtibay sa kadahilanang ang mga pari ang mamamahala dito. Sa gayon ay hindi sila magkakaroon ng karapatang makapangyari sa anupamang pamamalakad ng nasabing akademya.
Muling nagkita si Simoun at Basilio at muli niyang hinimok ang binata na umanib sa binabalak niyang panghihimagsik at manggulo sa isang pulutong na sapilitang magbubukas sa kumbento ng Sta. Clara upang agawin si Maria Clara. Ngunit hindi ito nangyari dahil nang hapong din iyon ay binawian ng buhay si Maria Clara.
Sa kabilang dako, ang mga mag-aaral naman ay nagdaos ng isang salu-salo sa Panciteria Macanista de Buen Gusto. Ito ay sa kaadahilanang masama ang kanilang loob dahil sa kabiguang maipatayo ang Akademya ng Wikang Kastila.
Sila ay nagkaroon ng talumpati sa loob ng Panciteria kung saan tahasang tinuligsa ng mga mag-aaral ang mga pari. Nalaman naman ito ng mga prayle.
Kinabukasan, sa mga pinto ng unibersidad ay natagpuan ang mga paskin na naglalaman ng mga pagtuligsa at paghihimagsik. Ibinintang ito sa mga kasapi ng kapisanan ng mga mag-aaral. Dahil dito ay ipinadakip ang mga mag-aaral at nadamay sa mga dinakip si Basilio. Labis itong ipinagdamdam ng kanyang kasintahan na si Juli.
SEE ALSO: Noli Me Tangere Buod ng Bawat Kabanata (1-64 with Talasalitaan)
Bagama’t urong-sulong ay tuluyan ng nilapitan ni Juli si Padre Camorra upang hingian ng tulong na mapalaya si Basilio. Pinilit din siya ni Hermana Bali dahil ang akala nito’y ang pari lamang ang nag-iisang maaring lapitan para sa kalayaan ni Basilio.
Upang mapawalang-sala ang mga estudyante ay nilakad ng kani-kanilang mga kamag-anak ang pagpapalaya sa mga ito. Naiwan si Basilio sa kulungan dahil wala siyang naging tagapagmagitan.
Naisagawa ni Padre Camorra ang panghahalay kay Juli. Dahil sa pangyayaring iyon ay tumalon sa bintana ng kumbento ang dalaga na siyang naging dahilan ng kanyang kamatayan.
Patuloy pa rin si Simoun sa pagbabalak ng paghihiganti sa pamahalaan. Upang matuloy ang kanyang balakin ay nakipagsanib siya sa negosyo ni Don Timoteo Pelaez, ang ama ni Juanito. Nagawa niyang ipagkasundo ang kasal nina Juanito at Paulita Gomez. Ninong sa kasal ang Kapitan Heneral. Ang mga may mataas na katungkulan sa pamahalaan ay inanyayahan din niya sa piging na idaraos.
Makalipas ang dalawang buwan ng pagkakakulong ay nakalaya din si Basilio sa tulong ni Simoun. Dahil sa mga pangyayari sa kanyang buhay pati na rin ang pagkamatay ng kanyang kasintahang si Juli ay tuluyan na siyang umanib sa balakin ni Simoun na paghihimagsik.
Sinamantala na ni Simoun ang pagkakataong iyon at ipinakita sa binata ang bomba na kanyang ginawa. Lampara ito na hugis granada at kasinalaki ng ulo ng tao. Ihahandog niya ang magarang ilawang ito sa ikakasal na sina Juanito at Paulita.
Ang ilawan umano ay magbibigay ng isang maningning na liwanag at pagkaraan ng dalawampung minuto ay manlalabo. Kapag itinaas ang mitsa upang paliwanagin ay puputok ito at ang granada ay sasabog. Kasabay nito ay ang pagkawasak at pagkatugnaw ng kiyoskong kakanan dahilan upang walang sinumang makaligtas sa mga bisita.
Kapag narinig naman ang malakas na pagsabog ng dinamita sa lampara ay magsisilbi itong hudyat para simulan ang paghihimagsik na pangungunahan ni Simoun.
Araw na ng kasal nina Juanito at Paulita at mag-iikapito na noon ng gabi. Palakad-lakad si Basilio sa tapat ng bahay na pagdarausan ng piging. Nanaog na rin si Simoun upang lisanin ang bahay dahil sa nalalpit na pagsabog.
Aalis na sana si Basilio ngunit natanawan niya si Isagani, dating kasintahan ni Paulita. Pansamantalang nalimot ni Basilio ang kanyang kabiguan sa buhay kaya ipinagtapat nito kay Isagani ang magaganap na pagsabog. Binalaan niya si Isagani na kung maari ay umalis na din upang hindi na madamay pa.
Sakto naman at nanlalamlam na noon ang lampara kaya iniutos ng Kapitan Heneral kay Padre Irene na pakitaas ang mitsa ng ilawan. Ngunit inagaw ito ni Isagani, tumakbo sa asotea at inihagis ang lampara sa ilog.
Hindi natuloy ang balakin ni Simoun na paghihimagsik. Tumakas siya patungo sa bahay ni Padre Florentino, isang paring Pilipino.
Nang malapit ng dumating ang mga huhuli kay Simoun ay uminom ito ng lason upang huwag na siyang abuting buhay ng mga ito. Dito na rin niya ipinagtapat sa pari ang kanyang katauhan.
Mula nang siya ay bumalik sa Pilipinas buhat sa Europa labintatlong taon na ang nakalipas, ang pag-iibigan nila ng kasintahang si Maria Clara, at pagbabalatkayo niya na mag-aalahas sa pakay na mapaghigantihan ang Pamahalaan sa pamamagitan ng isang paghihimagsik.
Pagkatapos na mangungumpisal ay namatay na si Simoun.
Ang mga naiwang alahas naman ni Simoun ay itinapon sa dagat ni Padre Florentino.
I-download ang PDF bersyon ng post na ito para mabasa ito offline. Maaari mo itong i-save sa iyong smartphone at basahin kahit saan.
SEE ALSO: Ibong Adarna Buod ng Buong Kwento
Kung nakatulong sa iyo ang buod na ito ng El Filibusterismo, please share this post with your classmates and friends!
Maraming salamat! 🙂