Isang hapon, naglalakad ang dalawang binatang magkaibigan sa gubat. Masaya nilang pinag-uusapan ang mga karanasan nila nang bigla na lamang nilang narinig ang kaluskos sa may gawing likuran. Nang lingunin nila ay natanaw nilang dumarating ang napakalaking oso. Mabilis na umakyat sa katabing puno ang isa sa binata. Hindi niya naala-alang pagsabihan man lang ang kasama sa laki ng takot sa mangyayari sa sarili.
Naiwan ang kasama na di na makakibo dahil sa aabutan na ng oso. Naisipan na lamang niyang dumapa sa kinatatatayuan niya at magkunwaring patay. Alam niyang hindi inaano ng oso ang mga taong patay.
Lumapit nga ang oso, inamoy-amoy ang taong pigil na pigil naman ang paghinga. Pagkaraan ng ilang sandali, iniwan na siya ng oso at lumayo na ito.
SEE ALSO: Halaman ng Pagmamahal
Bumaba sa puno ang unang lalaki.
“Ano ang ibinulong sa iyo ng oso?” ang pabiro niyang tanong sa kasama.
“Sabi niya sa akin,” sagot ng binatang dumapa, “hindi raw maaasahan ang isang kaibigang iiwan sa iyo sa gitna ng kagipitan. Hindi raw ganoon ang tunay na kaibigan.”
Naghiwalay ang dalawa, ang isa’y nahihiya, at ang isa’y nagdaramdam.
Aral:
- Ang tunay na kaibigan, bukod sa hindi nang-iiwan, dapat din ay maasahan at hindi ka ilalagay sa sitwasyong iyong ikapapahamak.
- Maraming magsasabi na sila ay totoong kaibigan, ngunit ang taong daramay lamang sa iyo sa panahon ng kagipitan ang matatawag na tunay na kaibigan sa kanilang lahat.
- “Ang kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon, at sa oras ng kagipita’y kapatid na tumutulong.” (Mga Kawikaan 17:17)