Biag ni Lam-ang Buod (Epikong Ilokano)

Sinasabing pinakapopular na epikong-bayan, ang Biag ni Lam-ang ay nagmula sa Hilagang Luzon, partikular na sa mga lalawigan ng Ilocos at La Union. Nag-iisa itong Kristiyanisadong epikong-bayan at pruweba nito ang paggamit ng mga pangalang naimpluwensiyahan ng Katolisismo. Sinasabing ang paring si Gerardo Blanco ang nagtala ng epikong-bayan noong 1889 at si Canuto Medina na nagtala noong 1906. Sinundan ito ng bersiyon na nailathala sa La Lucha, ang bersiyon ni Parayno noong 1927 at pinagsáma niya ang unang dalawang bersiyon at ang bersiyon ni Leopoldo Yabes noong 1935.

Umiikot ang epikong-bayan sa buhay ng pangunahing tauhan na si Lam-ang. Bago siya ipanganak ni Namongan, inutusan ng kaniyang ina ang kaniyang ama na si Don Juan Panganiban na manguha ng mga kahoy. Ngunit hindi na bumalik si Don Juan hanggang ipinanganak niya si Lam-ang. Pambihirang bata si Lam-ang dahil kaya na niyang magsalita at may taglay siyang kakaibang lakas. Itinanong ni Lam-ang kung nasaan ang kaniyang ama. Nang sinabi ng kaniyang ina na umalis ang kaniyang ama upang labanan ang mga Igorot, nag-ayos si Lam-ang at pumunta sa lugar ng mga Igorot kahit hindi pumayag ang kaniyang ina. Nakita niya na nagsasagawa ng sagang ang mga Igorot. Nang lumapit siya, nakita niya ang ulo ng kaniyang ama. Pinagpapatay niya ang mga Igorot.

Nang bumalik siya sa bayan, may mga dalagang naghihintay sa kaniya upang paliguan siya. Nang maligo siya sa Ilog Amburayan, namatay ang mga isda sa baho ng kaniyang libag. Hinanap niya ang dalagang nagnangangalang Ines Kannoyan, anak ng pinakamayamang tao sa Kalanutian. Pumunta siya sa nasabing lugar, kasama ang tandang at aso niya. Nakarating siya matapos ang pakikipaglaban kay Sumarang at pang-aakit ni Sarindang. Nasindak sa kaniya ang mga lumiligaw kay Ines Kannoyan. Naibigay din niya ang lahat ng mga hiling ng magulang nito kaya ikinasal ang dalawa. Minsan, nangisda si Lam-ang at nakain siya ng berkakan, isang malaking isda. Isang maninisid ang nakakuha ng kaniyang labi at sa tulong ng kaniyang tandang, muli siyang nabuhay at namuhay nang matiwasay.

SEE ALSO: Ibalon (Epiko ng Bicol)

Buod ng Biag ni Lam-ang (Epikong Ilokano)

Sa lambak ng Nalbuan sa baybayin ng Ilog Naguilian sa La Union ay may mag-asawang kilala sa pangalang Don Juan at Namongan.

Nang malapit nang magsilang ng sanggol si Namongan, nilusob ng tribo ng Igorot ang nayon at pinatay ang maraming tauhan ni Don Juan. Sa laki ng galit, nilusob naman ni Don Juan ang mga Igorot upang ipaghiganti ang mga tauhan niya. Hindi na nakabalik si Don Juan sa kanyang nayon. Ang naging balita, siya ay pinugutan ng ulo ng mga Igorot.

Isinilang ni Namongan ang kanyang anak. Ang sanggol ay nagsalita agad at siya na ang pumili ng pangalang Lam-ang at siya na rin ang pumili ng kanyang magiging ninong.

Nang malaman ni Lam-ang ang masakit na nangyari sa kanyang ama, sumumpa siyang ipaghihiganti niya ito. Sa gulang na siyam na buwan pa lamang, ay malakas, matipuno at malaking lalaki na siya. Ayaw man siyang payagan ng kanyang ina upang hanapin ang bangkay ng kanyang ama, ay nagpilit din si Lam-ang na makaalis.

Kasama niya sa pagtungo sa lupain ng mga Igorot ang isang mahiwagang tandang, ang tangabaran, at mahiwagang aso. Baon rin niya ang kanyang talisman mula sa punong saging. Sa tulong ng kanyang talisman ay madali niyang nalakbay ang mga kabundukan at kaparangan. Sa laki ng pagod ni Lam-ang, siya ay nakatulog. Napangarap niya ang mga Igorot na pumatay sa kanyang ama na nagsisipagsayaw at nililigiran ang pugot na ulo ng kanyang ama. Nagpatuloy si Lam-ang sa paglalakbay at narating ang pook ng mga Igorot. Nakita niya ang ulo ni Don Juan na nasa sarukang, isang haliging kawayan.

Hinamon ni Lam-ang ang mga Igorot. Pinauwi ng mga Igorot si Lam-ang upang huwag siyang matulad sa ginawa nila kay Don Juan. Sumigaw ng ubos lakas si Lam-ang at nayanig ang mga kabundukan. Ang tinig niyang naghahamon ay narinig ng marami kaya’t dumating ang maraming Igorot at pinaulanan si Lam-ang ng kanilang mga sibat. Hindi man lamang nasugatan si Lam-ang. Nang maubusan ng sibat ang mga Igorot ay si Lam-ang naman ang kumilos. Hinugot niya ang mahaba niyang itak at para lamang siyang tumatabas ng puno ng saging, na pinagpapatay niya ang mga nakalaban.

Umuwi si Lam-ang sa Nalbuan. Naligo siya sa Ilog Amburayan sa tulong ng mga dalaga ng tribu. Dahil sa dungis na nanggaling kay Lam-ang, namatay ang mga isda sa Ilog Amburayan at nagsiahon ang mga igat at alimasag sa pampang.

Matapos mamahinga ay gumayak na si Lam-ang patungo sa Kalanutian upang manligaw sa isang dilag na nagngangalang Ines Kannoyan. Kasama ni Lam-ang ang kanyang mahiwagang tandang at mahiwagang aso.

Sa daan patungo sa Kalanutian ay nakalaban niya ang higanteng si Sumarang. Pinahipan ni Lam-ang sa hangin si Sumarang at ito ay sinalipadpad sa ikapitong bundok.

Sa tahanan nina Ines ay maraming tao. Hindi napansin si Lam-ang. Tumahol ang mahiwagang aso ni Lam-ang. Nabuwal ang bahay. Tumilaok ang mahiwagang tandang. Muling tumayo ang bahay. Napansin si Lam-ang.

Ipinagtapat ng tandang at aso ang kanilang layunin. Nais pakasalan ni Lam-ang si Ines. Hindi naman tumutol ang mga magulang ni Ines kung magbibigay si Lam-ang ng panhik o bigay-kaya na kapantay ng kayamanan nina Ines.

Nagpadala si Lam-ang ng dalawang barkong puno ng ginto at nasiyahan ang mga magulang ni Ines.

Si Ines at si Lam-ang ay ikinasal nang marangya at maringal sa simbahan. Pagkatapos ng kasalan, bilang pagtupad sa kaugalian ng mga tao sa Kalanutian, kailangang manghuli si Lam-ang ng mga isdang rarang. Nakikinikinita ni Lam-ang na may mangyayari sa kanya, na siya ay makakain ng pating na berkahan. Ipinagbilin ni Lam-ang ang dapat gawin sakaling mangyayari ito.

Si Lam-ang ay sumisid na sa dagat. Nakain siya ng berkahan. Sinunod ni Ines ang bilin ni Lam-ang. Ipinasisid niya ang mga buto ni Lam-ang. Tinipon ito at tinakpan ng saya ni Ines. Inikut-ikutan ng mahiwagang tandang at mahiwagang aso. Tumilaok ang tandang at tumahol ang aso.

Walang anu-ano’y kumilos ang mga butong may takip na saya. Nagbangon si Lam-ang na parang bagong gising sa mahimbing na pagkakatulog.

Nagyakap si Lam-ang at si Ines. Kanilang niyakap din ang aso at tandang. At namuhay silang maligaya sa mahabang panahon.

38 Shares
Share via
Copy link