Isang araw ay nagkita ang kalabaw at ang pagong. Nais ng pagong na makipagkaibigan sa kalabaw. Tumawa lang nang malakas ang kalabaw at pakutyang sinabi na, “hindi ang isang tulad mo ang nais kong kaibigan. Ang gusto ko ay iyong kasinlaki at kasinlakas ko. Hindi tulad mong lampa na’t maliit ay sobra pa ang kupad kumilos.”
Ang pagong ay napahiya sa tinuran ng palalong kalabaw. “Sobra kang mapang-api. Minamaliit mo ang aking kakayahan. Dapat mong malaman na ang maliit ay nakakapuwing.”
Napika si kalabaw. Hinamon niya ng karera si pagong upang mapatunayan nito ang kanyang sinasabi. Tinanggap naman ni pagong ang hamon ni kalabaw.
“Kapag ako ay tinalo mo sa labanang ito ay pagsisilbihan kita sa habang panahon.”
“Matibay ka talaga, ha. Pwes, kailan mo gustong umpisahan ang karera?” Pakutyang sambit ng kalabaw.
BASAHIN DIN: Bakit Laging Nag-Aaway ang Aso, Pusa at Daga?
“Bukas ng umaga, sa lugar ding ito,” ang daling sagot ng pagong.
Tuwang-tuwa si kalabaw dahil sigurado na niyang talo si pagong sa karera. Malaki siya at mabilis tumakbo.
Subalit si pagong ay matalino. Kinausap niya ang apat na kaibigang pagong. Pinapuwesto niya ang mga ito sa tuktok bawat bundok hanggang sa ikalimang bundok.
Kinabukasan, maagang dumating si kalabaw. Tulad ng inaasahan, wala pa ang makakalaban niya sa karera.
“O, paano, di pa man ay nahuhuli ka na. Ano bang kondisyon ng ating karera?” tanong ng kaiabaw.
“Okey, ganito ang gagawin natin. Ang maunang makarating sa ikalimang tuktok ng bundok na iyon ay siyang panalo,” sabi ng pagong.
Tulad ng dapat asahan, natabunan ng alikabok si pagong. Naunang sinapit ng kalabaw ang unang bundok ngunit laking gulat niya ay naroon na ang pagong na ang akala niya ay ang kanyang kalaban. Nagpatuloy sa pagtakbo si kalabaw hanggang sa ikalawang bundok. Ganon din ang kanyang dinatnan. Mayroon nanamang isang pagong doon. Galit na galit na nagpatuloy sa pagtakbo ang kalabaw hanggang sa ikatlong bundok. Muli ay may isang pagong na naman doon, ganoon din sa ikaapat at ikalimang bundok.
Dahilan sa matinding kahihiyan at galit sa kanyang pagkatalo kay pagong tinadyakan niya ng malakas ang pagong. Matigas ang likod nang pagong kaya hindi ito nasaktan sa halip ay ang kalabaw ang umatungal ng iyak dahil sa sakit na dulot ng nabiyak ng kuko sa pagsipa sa mahina at maliit na pagong.
Aral
- Iwasan ang pagiging mayabang.
- Huwag dayain ang kapwa.