Tanghaling tapat. Mainit ang sikat ng araw. Tapos na ang gawain ni Kalabaw sa bukid. Nagpunta siya sa tubugang putik at dito siya naglunoy. Pagkatapos, sumilong siya sa lilim ng punong mangga. Hindi nagtagal, nakatulog si Kalabaw.
Matagal na nakatulog si Kalabaw. Nagising lamang siya nang maramdaman niya ang sakit at kati ng kagat ng mga lamok.
“Ayan na naman kayo”, wika ni Kalabaw. “Bakit ba ako na lamang ng ako ang alaga ninyong kagatin? Ang sakit at kati pa naman ninyong kumagat. Hala, alis kayo sa likod ko.”
“Ayaw namin. Hindi kami aalis sa likod mo. Kay sarap-sarap mong kagatin. Malaki at malaman ang inyong katawan”, wika ng mga lamok.
At lalong dumami ang lamok na dumapo at kumagat sa likod at batok ni Kalabaw. Hinampas nang hinampas ni Kalabaw ng kanyang buntot ang mga lamok. Ngunit nagpalipat-lipat lamang ang mga ito ng lugar sa likod at batok ni Kalabaw na di abot ng hampas ng kanyang buntot. Inis na inis sa mga lamok si Kalabaw ngunit wala siyang magawa.
Siyang pagdating ni Tagak. Naawa siya kay Kalabaw.
“Nakakaawa ka naman”, wika ni Tagak kay Kalabaw. “Tutulungan kita. Pagtutukain ko ang mga pesteng lamok sa ito.”
“Salamat, Tagak, kaybuti mo”, wika ni Kalabaw.
Inisa-isa ni Tagak na pagtutukain ang mga lamok na nakadapo at dumadapo pa sa katawan ni Kalabaw. Naubos ang mga lamok.
SEE ALSO: Si Haring Tamaraw at si Daga
“Hayan, Kalabaw!” wika ni Tagak. “Naubos ko nang tukain ang mga lamok sa iyong batok at likod.”
“Kayginhawa na nga ng pakiramdam ko. Salamat na muli sa iyo, Tagak”, wika ni Kalabaw. “Magmula ngayon makakasakay ka na sa aking likod.”
Lumipas ang mga araw. Naging mabuting magkaibigan si Tagak at si Kalabaw. Ang mga lamok na dumadapo sa likod ni Kalabaw ay kanyang tinutuka kaya libre naman ang pagsakay ni Tagak sa likod ng Kalabaw.
Minsan umulan nang malakas. Nasa likod ni Kalabaw si Tagak.
“Tagak, dito ka sumilong sa ilalim ko”, wika ni Kalababaw sa kaibigan. “Malapad ang katawan ko at hindi ka mababasa.”
“Salamat, Kalabaw. Kaybuti mo. Isa kang mabuting kaibigan”, wika ni Tagak.
“Ang mabuting magkaibigan ay nagtutulungan sa lahat ng araw at sa anumang panahon”, wika ni Kalabaw.
Aral:
- Ang mabuting kaibigan ay nagtutulungan sa lahat ng pagkakataon.
- Huwag magsawang tumulong. Pasasaan ba’t babalik din sa iyo ang mga mabubuting bagay na itinanim mo.