Mga Halimbawa ng Tula Tungkol sa Magulang (15 Tula)

Bukod sa mga anak, ang mga magulang ang isa sa pinakamahalagang bahagi na bumubuo sa pamilya. Kung walang mga magulang ay walang kakalinga sa mga anak at magtuturo ng kagandahang asal. Bagamat ang bawat magulang ay may kanya-kanyang katangian, nararapat lamang na sila ay pahalagahan at pasalamatan. Ang simpleng pagsasabi ng “Salamat, Nanay at Tatay, mahal ko po kayo” o kaya naman ay ang pagyakap o paghalik sa kanila ay napakasarap sa pakiramdam ng isang magulang.

Maaari mo ring idaan sa pagsulat o kaya naman ay sa tula ang iyong pasasalamat sa kanila. Tamang-tama at nagawi ka sa aming pahina kung saan may labinlimang koleksyon ng mga tula tungkol sa magulang. Ang mga ito ay naglalaman ng damdamin ng mga makatang anak tungkol sa kanilang mga magulang na siguradong kagigiliwan mong basahin at maaring maging inspirasyon sa pagsulat din ng tula para sa iyong magulang.

Halina’t sama-sama nating basahin ang mga tula tungkol sa magulang na tagos sa puso’t damdamin. Maligayang pagbabasa!

SEE ALSO: Tula Tungkol sa Pamilya

Halimbawa ng mga Tula Tungkol sa Magulang


Para sa aking Mahal na Magulang

Tula ni Eden Diao Apostol

Ang buhay kong ito’y sa inyo nagmula
Pangalawa sa Diyos na s’yang lumikha
Utang ko sa inyo ang aking hininga
Minahal, hinubog ng inyong kalinga.

Mga sakripisyo’y sadyang hindi biro
Mula ng ako’y iniluwal sa mundo
Pag-ibig na iniukol sa ‘ki’y totoo
Pagmamahal ninyo’y nagsilbing lakas ko.

Ako’y tinuruan ng magandang asal
Sa gitna ng hirap ako’y pinag-aral
Upang ‘di mapariwara ang aking buhay
Diplomang natanggap sa inyo ini-alay.

Ngayon ang buhay ko ay sadyang kay-palad
Pangarap ko’y unti-unting natutupad
Ito’y bunga ng ‘nyong dakilang paglingap
Sa ‘king puso’y walang hanggang pasalamat.


Pagkalinga ng Magulang

Tula ni Laurence B. Reyes

Saking pag unlad baon ang inyong aral
Bilang papuri at sa inyo ay parangal
Ang walang katapusang pasasalamat
Ang pag ibig at karangalan ang dapat.

Sa aking pagmulat sa mundo ng kaligayahan
Kayo ang aking lagging nadadamhan
Sa aking paglaki dama pa rin ang aruga
Hindi ko makalimutan ang pagmamahal at aruga

Sa pag aaruga at pag aalaga
Sa pag ibig at iyong pagkalinga
Sadyang tinakda ng ating kapalaran
Patungo lamang sa tuwid na daan.

Ang pagbibigay ng natatanging aral
Ang inyong anak ay nabusog sa pangaral
Ang inyong pag ibig na para sa akin
Tanging kabutihan ang nais hatid.

Naging daan patungo sa kabutihan
Naging daan ng pag ibig sa tahanan
Kayo ang pundasyon, mabuting samahan
Maraming salamat sa pagmamahal.


Magulang

Tula ni Allana Mendoza

Ang taong nagpakilala sa ‘yo
Sa mundong ginagalawan mo
Nakakita at nakasaksi
Habang ikaw ay lumalaki.

Magmula nang imulat mo ang iyong mga mata
Hanggang sa unang hakbang ng iyong mga paa
At sa pag-iyak tuwing gabi
Sila ay nanatili sa iyong tabi.

Nagsasakripisyo at nagtatrabaho araw–araw
Para maibigay ang iyong pangangailangan
Tinuturing kang isang dugong bughaw
Dahil ayaw ka nila makitang nahihirapan.

Importanteng tao na kailanman hindi ka iiwanan,
Sa kahit anong oras handa kang damayan,
Handang makinig sa iyong mga kadramahan
At hindi aalis hanggang sa kahuli-hulihan.

Sila ay iyong pasalamatan, alagaan
Mahalin, pahalagahan at huwag kalilimutan.
Sila ay iyong sabihan ng mahiwagang salita
Na “Maraming salamat at mahal na mahal kita”.


May Panahon Pa upang Sila ay Mahagkan

Tula ni Eureka C. Bianzon

Isinilang ka ng puno ng kagalakan
Ngiti sa labi ng iyong mga magulang ay nahagkan
Ikaw noon ay mumunting anghel na nakakahalinang pagmasdan
Kinasasabikang hawakan na halos ay ayaw nang bitiwan.

Unti-unti ikaw ay lumalaki na
Sinimulan mo na din gumuhit kahit na ang magbasa
Aral mula sa iyong mga magulang ay iyong nabibihasa
Ikaw ay nagging magalang at masunuring bata.

Dumating ang panahon ikaw ay nakatuntong na sa mataas na paaralan
Unti-unti mo nang nakikilala ang iba’t-ibang ugali ng iyong mga kaibigan
Naramdaman mo na ding humanga sa iisang nilalang
Na hindi mo inasahan na mamahalin mo din gaya ng iyong mga kapatid at mga magulang.

Ngayon ikaw na ay nakapagtapos at maayos na ang kinalalagyan
Abala na sa trabaho at nag ibang bayan
Hindi mo na mabalikan mga gawaing gustong gusto mong balikan
Sapagka’t iyong dahilan ikaw ay wala ng panahon upang mga ito’y gawin pa kinabukasan.

Hindi mo naramdaman na bawat oras ay tumatakbo
Tuloy-tuloy ang pagtanda ng mga magulang mo
Lingid sa iyong kaalaman pag-aaruga nila ay nananatili para sa’yo
Sa bawat araw at gabing ika’y iniisip at nasusulyapan na lamang sa mga larawan mo.

Ikaw ay babalik na sa lupang nakagisnan
Upang dalawin ang iyong mga kapatid at mga magulang
Ikaw ay asensado na halos mga nakagawiang bagay ay nalimutan
Ngunit iyong mga ala-ala ay patuloy padin ibinabahagi sa iyo ng iyong mga naiwang mga magulang

Naramdaman mo ba ang pagpapabago mula sa kanilang pagmamahal?
O dumagdag pa ito sa pagkasabik nila sa iyo ng pagkatagal-tagal
Mga magulang ay hindi nakalilimot kailanpaman
Patuloy ka pa din ipagmamalaki at sasambiting paulit-ulit ang iyong pangalan.

Pangalan na kanilang naisip noon iyong kapanganakan
Pangalan ng kanilang minamahal kahit madalang
Na lamang na pagmasdan
Kung iyong nararamdaman ang tulang ito.

May panahon pa upang sila ay mahagkan
Gaya nila na patuloy na nagmamahal sa iyo sa
Mga panahong ikaw ay masaya at pansamantalang
Sila ay nalimutan.


Magulang

Tula ni Realine Mañago

Mabubuting magulang ilalarawan,
Ang kanilang nagawang kaligayahan,
Marapat lamang bigyan ng kapurihan,
Walang hanggang pag-ibig ay ilalaan,
Para sa haligi’t ilaw ng tahanan.

Masayang araw ng aking pagkabata,
Ang kaginhawaan ay aming panata,
Masayang pagdiriwang ay ikakanta,
Natatanging magulang ay sinisinta,
Pag-ibig ng pamilya’y hindi nalanta.

Naging masaya simulang kamusmusan,
Sa aking isipan ay nakalarawan,
Sa aming bahay palaging may sayawan,
Hanggang ngayon dama ko ang katamisan,
Magulang ang tangi kong inaasahan.

Mag-aral mabuti ang naging litanya,
Upang ang buhay mo ay maging malaya,
Buhay ng magulang ay handang itaya,
Paghihirap ay kanilang kayang kaya,
Kapagka magulang kasama’y masaya.

Paghihirap ay kanilang titiisin,
Pawis sa noo’y kanilang papawiin,
Masakit na likuran hihlurin,
Maunlad na pamumuhay pipilitin,
Pagmamahal sa pamilya’y pupunoin.

Pagdurusa ay kanilang hihigupin,
Kayod kalabaw ang nagiging gawain,
Bumabaha man, nagtratrabaho pa rin,
Upang sa pamilya ay may mapakain,
Pasalubong sa anak di lilimutin.

Napakalakas ang pag-ihip ng hangin,
Ang sariwang hangin aking lalanghapin,
Bagong araw na darating salubungin,
Matibay na pamilya ay nasa atin,
Naging matatag dahil sa panalangin.

Sa hapag ng hirap, magsikap manalo,
Ang magulang ay hindi magpapatalo,
Masaya kami tuwing salo-salo,
Liwanag ng pag-asa’y naging sulo,
Problema ng buhay tayo’y mananalo.


Aking mga Magulang

Tula ni Roselle Pongpong

Ako ay gumawa ng isang tulain
Para sa mga idolo ko kung tawagin
Sila ang dahilan ng aking paghinga
Aking mga magulang ang magiging tema.

Aking mga magulang kami ay minahal
Kami pinalaking may mabubuting asal
Lahat ay ginawa para kami ay mapasaya
Nagtrabaho at nagkayod upang buhay namin ay guminhawa.

Ako ay nabuo sa kanilang kalinga
Pag-ibig na wagas totoo’t dakila
Ang siyang nagbigay ng lakas ko’t sigla
Hinubog ang aking damdamin at diwa.

Di nga maliit kanilang sakripisyo
Simula ng ako’y maging isang tao
Kaya naman po ako’y may mga pangako
Inyong pakingga’t suriin kung gusto niyo.

Mga utos at hiling ay susundin ko
Aalagaan sa paraang alam ko
Igagalang sila at irerespeto
Mamahalin sila sa buong buhay ko!

Walang hanggang pasasalamat aking iaalay
Sa mga magulang kong sa akin ay gumabay
Sa lahat ng oras ay nagiging karamay
Aking mga magulang na mamahalin ko habang buhay.


Para sa Aming mga Magulang

Tula ni Joshelle Rose Chua

Salamat Nanay
Salamat Tatay
Marami pong salamat sa gabay
At lalong lalo na sa pagmamahal nyong tunay.

Marami na po kayong naisakripisyo sa amin
At sana ay pabayaan nyo kaming ito’y pawiin
Mga iniinda nyong sakit
At lahat ng inyong hirap na binibitbit.

Patawad po sa minsang aming mga naturan
At sa mga kalayawan
Sa mga pagsuway
At sakit ng ulo na aming binigay.

Kahit kami ay
minsang naging suwail
Andyan parin kayo
At kami’y di itinakwil.

Nanay tatay,mama at papa
Ano man ang aming tawag sa inyo
Pakatandaan po sana ninyo
Na nag-iisa lang po kayo dito sa aming mga puso.


Sa Aking mga Magulang

Tula ni Krizelle R. Talladen

Ang isang ina ay ilaw,
Takbuhan ng mga nadidimlan
Sa lahat ng katanungan
Siyang nagbibigay kasagutan

Ang isang ama’y haligi,
Sumusuporta at humahalili
sa mga mahina at naaapi.
Lakas niya’y bukod tangi.

Ang isang ate/kuya ay kaibigan
Kakwentuhan at kalokohan
Hindi ka pababayaan
Lalo kung wala ang mga magulang

Saan man bumaling ang mga mata
Saan man mapadpad ang mga paa,
Laging nariyan ang mga ina, ama,
Nariyan lagi ang mga ate at kuya

Sa dugo man o lahi ay hindi katulad
Paggabay ay handa nilang ialay
Buo ang paniniwala nilang kaya ko ang anuman
Mahina man ang aking kumpiyansa’t kalooban

Kaya naman sa mga magulang kong iiwan,
Pasasalamat ang aking panambitan
Tingin ko man sa sarili ko’y walang kabuluhan
Dahil sa kanila’y napuno ang buhay ng saysay

Sa bagong mundong aking tatahakin,
Masasayang alaala ang gugunitain
Mga natutuhan ang laging sasariwain
At tiyak na sa dulo ng daan,

Kaligayahan ang kakamtin.


Tula Para sa Aking Mahal na Magulang

Tula ni Saira

Akoy gumawa ng isang tulain
Para sa mga idolo kung tawagin
Sila ang nagpalaki at nagaruga sa akin
The best sa buhay ko na aking maituturing

Nang akoy isilang sa mundong ibabaw
Ngiti sa labi ng aking mga magulang
Parang akong isang anghel na nakahahalinang pagmasadan
Kinasabikang hawakan ni ayaw pang bitawan

Nang akoy lumaki at magkaisip
Magagandang aral sa akin ay pinasasambit
Bawat letra at pangungusap ay aking isinasaisip
Upang kahit saan man ako naroon ay aking mabitbit

Kayo ang dahilan ng aking paghinga
Ako ay lumaki sa inyong kalinga
Pag-ibig na wagas at napakadakila
Hinubog ang damdamin isip ko at diwa

Kaya’t nagpapasalamat ako sa aking mga magulang
Na nagsisikap magtrabaho umulan man o umaraw
Ano mang pagod at hirap ang kanilang maranasan
Mabuhay lang at maibigay ang aming mga pangangailangan

Kaya’t sa bawat hakbang sa landas kung tatahakin
Masasayang ala-ala ay aking gugunitain
Lahat ng pangarap ko ay aking tutuparin
At sa dulo ng daan kaligayahan ay kakamtin

Araw,buwan,at taon pa man ang aking paghihirap
At kahit ano mang pagsubok ang aking hinaharap
Mananatiling matibay at magsusumikap
Minamahal kong mga magulang kayo ang inspirasyon ko sa aking mga pangarap.


Sa Aking Mga Magulang

Tula ni Jerome Apilla

Kayo ang dahilan ng aking hininga
Ako ay nabuo sa inyong kalinga,
Pag-ibig na wagas, totoo’t dakila,
Ang siyang nagbigay ng lakas ko’t sigla.
Hinubog ang aking damdamin at diwa,
Kasama ko kayo sa ngiti ko’t luha.

Sa aking pagtulog sa gabing madilim,
Nagbabantay kayo hanggang sa mahimbing,
Hindi hahayaang lamok ay kagatin,
Pati na ang init, pilit papawiin,
At kung ako ma’y tuluyang magising,
Nakangiti kayong sasalubong sa akin.

Hindi nga maliit ang sakripisyo n’yo.
Simula nang ako’y maging isang tao,
Kaya naman ako’y may mga pangako
Mga utos at hiling ay susundin ko,
Igagalang kayo at irerespeto,
At mamahalin sa buong buhay ko!


Ang Aming Magulang

Tula ni Pacific Hernandez

Sa isang mag-anak ay meron pa kaya
Na sa ama’t ina’y higit pang dakila
Na kahit sa angkang mahirap nagmula
Ang para sa anak, lahat ay ginawa

Sa paaralan ay di man nakatuntong
Mataas na aral di man nagkaroon
Binigyan ang anak ng pagkakataon
Na sa kahirapan ay mangakaahon

Di man napatira sa bahay na mansion
Ng malaking yaman di man nakaipon
Ang yaman nila ay sa anak naroon
Wala sa salapi kundi edukasyon

Ang amin pong ina ay tubong Montalban
At ang aming ama’y San Mateo naman
Ng anim na anak ay biniyayaan
Hanggang sa lumaki’y pawang ginabayan

Sa tamang ugali sila ay hinubog
Marunong magtiis kahit kinakapos
Mga pinalaki na mayroong takot
Sa batas ng tao at batas ng Diyos

Nang ako’y bata pa, natatandaan ko
Ang aming almusal lamang ay kung ano
Pan de sal na simple at walang palaman
Kapeng walang gatas lamang ang kasabay

Kung bakit gano’n lang, di dapat pagtakhan
Ay sadyang matipid ang aming magulang
Di ubos-biyaya kung may tinago man
Ang bukas ang laging pinaghahandaan

At tanda ko pa rin na kapag Deciembre
Sa Divisoria na sila’y namimili
Ng tela, damit at iba pang kalakal
Upang ipamalit ng tag-aning palay

Kaya laging puno yaong aming bangan
May pambentang bigas at panglaman sa tiyan
Hindi man marangya ang hapag kainan
Sumala sa oras, kami’y hindi naman

Noong Second World War, hinuli ng Hapon
Ang aming ama at saka ikinulong
Tumingin sa amin habang wala siya
Ay ang aming ina at wala nang iba

Nagawa niya iyon habang inaalam
Ang aming ama ba’y naroon kung saan
May dalang pagkain na pangtawid-gutom
Para sa ‘ming ama na hindi matunton

Ginawa niya iyon lakad-takbo lamang
Sa panahong iyon na walang sasakyan
Hindi iniinda ang init ng araw
Ng tungkol kay ama’y makabalita lang

Ang pasasalamat namin ay sa Diyos
Nang higit sa isa, dalawang linggo halos
Ang aming ama ay bigla lang sumipot
Yayat na katawan may sugat at galos

Ikinuwento niya hirap na sinapit
Sa kamay ng mga sakang na pa’y singkit
Dahil daw sa gutom at matinding uhaw
Sila’y nagsiinom sa isang ‘dirty’ bowl

Sa bawat pamilya ay may’rong bayani
Na ng karangalan ay dapat umani
Sila’y walang iba kundi ang magulang
Na dapat mahalin at ating igalang.


Ang Aking Pamilya

Tula ni Julie Ann F. Rosario

Sa mundong ito, simula nang ako’y mabuhay,
Ang mga magulang ko ang aking taga gabay.
Sa mundong puno ng lungkot at problema,
Hindi nila ko hinayaang mag-isa at walang kasama.

Sa loob ng labing-anim na pagkabuhay ko sa mundo,
Nagpapasalamat ako sa mga magulang ko.
Mula sa araw ng aking pagsilang, sila’y nasa tabi.
Hindi nila ko hinayaan hanggang sa ako’y lumaki.

Laking pasasalamat ko sa kanilang pag-aalaga
Pagkat ako’y lumaki nang maayos at may kwenta.
Kapag may problema, laging nariyan para umalala
Dahil sa ako’y mahal at anak nila.

Bilang isang anak, hindi man ako perpekto.
Ayos lang dahil sila nama’y mahal ko.
Hindi ko man ipakita ang pagmamahal na ito
Alam kong nararamdaman ito ng kanilang puso.

Salamat sa inyo, aking ama’t ina.
Sa walang sawa niyong pagsuporta.
Alay ko sa inyo ang matatanggap na medalya,
Kapalit ng inyong maayos na pag-aaruga.


Para Sa Aking Ama At Ina

Tula ni Jay-R “Rex Revol” Altoveros

Maaga pa lang ay gising na si Ina.
Tinig nya ang naririnig sa pagmulat ng aking mga mata.
“Anak, bangon ka na riyan nang hindi ka mahuli sa eskwela.”
At habang sa kusina si Ina nga’y abalang-abala,
Napansin kong ang mga damit kong pang-eskwela’y handa na.
Sa aking pag-upo sa hapagkainan
Nariyan si Inang handa akong pagsilbihan.
At habang ninanamnam ko ang paburito kong almusal,
Napatigil ako’t napatanong kay Inang mahal.
“Ina, Nasaan po si Ama?”
Saglit ay napahinto sa pagsisilbi si Ina.
Sagot niya’y, “Anak, kanina pa pumunta sa trabaho ang iyong Ama.”
Naaalala ko pa rin ang palaging sinasabi sa akin ni Ama,
“Pagbutihan mo anak ang iyong pag-aaral
Nang makatapos ka’t makahanap ng trabahong marangal.”
Dagdag pa niya, “Nagta-trabaho kami para sa iyong pag-aaral.
Titiisin namin ang hirap at pagod makapagtapos ka lamang.
Wala man kaming kayamanang maipapamana,
Hangad lang namin ay ang iyong magandang kinabukasan.
Para rin sa iyo ito mahal naming anak.
Kaya’t sana’y iyo itong pahalagahan.”
Tila ang mga salitang ito’y tumatak na sa aking isipan.
Dala-dala ko palagi kahit ‘di lubusang nauunawaan.
Ang mura kong isipan ay tila ‘di pa handa
Sa pag-unawang lubos nang ganitong mga salita.
Matapos ang almusal ay handa na ang mainit na tubig na pampaligo.
Ngunit hirap pa rin si Ina na ako’y paliguan sa banyo
Ako’y tila parang kiti-kiting malikot na malikot
Ang nasa isip ko na lang palagi ay ang paglalaro.
Mula sa pagsuklay ng aking magulong buhok
Hanggang sa pagsintas ng aking mga sapatos,
Si Ina pa rin ang nagti-tiyagang nag-aayos.
Takbo rito, lakad doon; Upo rito, tayo roon.
Walang sawang si Nanay sa akin ay habol nang habol.
Maging sa paghatid sa pinto’y gawain ni Nanay nang buong puso.
Naghihintay hanggang sa ako nga ay makalayo.
Bigkas ng damdamin, “Ingatan N’yo po ang anak ko, Panginoon.”
Noo’y ‘di pa batid ng mura kong isipan ang ganoong mga kaganapan.
Subalit sa aking pagtanda’y akin nang napagtantuan.
Sa tuwing kapiling ko si Ina at si Ama,
Pakiramdam ko’y malayo ako sa anumang masasama.
Sila ang nagsisilbi kong pananggalang
Sa anumang dumarating na kapahamakan.
Wala nang hihigit pa sa aking mga magulang
Kahit pa sila’y magka-utang-utang
Matustusan lamang ang aking pangangailangan.
Ilang oras na kaya ang ibinigay sa pagpupuyat
Simula pa nang ako’y sanggol pa lamang?
Gaano na kayang karaming dugo’t pawis ang inialay
Maituwid lamang ang aking buhay?
Ilang beses na kayang ininda ang sakit ng tuhod
Maihatid lamang ako nang buo at maayos?
At sa tuwing matigas ang aking ulo
Paano nila nagagawang magtiis kahit ‘di ako tumitino?
Hindi ko noon napapansin ang kanilang pagsasakripisyo.
Akala ko pa nga’y ang malas na ng mundo ko.
Maraming mga panahong nais kong kumawala sa pagkagapos.
At sinusubukang humanap ng paraan upang lubusang makalayo.
Pero dahil sa pagsisikap at pagmamahal na tunay
Ay hindi napahamak ang aking mapag-rebeldeng buhay.
Si Ama at Ina pa rin sa tuwina ay handang umagapay.
Dahil sa kanila, ako’y nagkaroon ng katatagan at pagpupugay.
At sa Panginoon ako nga’y tinuruang manalig.
Dahil Siya ang magbibiyaya para sa aking ikabubuti.
Malimit ko mang sambitin at minsan pa nga’y pilit,
“Mahal na mahal ko kayo!”, ‘Yan ang sigaw ng aking damdamin.
Salamat po sa inyong pag-aaruga.
Salamat po sa inyong pagkalinga.
Salamat po sa inyong pagti-tiyaga.
Salamat po sa inyong pagdurusa.
Salamat po sa inyong pag-uunawa.
Salamat po sa inyong suporta.
Salamat minamahal kong Ama at Ina.


Tula para sa Magulang

Tula ni Isaiah M. Apolinario

Lagi silang nandiyan para sa iyo
Minamahal ka nila ng buong-buo
Pinangangalagaan ka’ng husto
At sila ang mga magulang mo.

Sobrang maaga bumabangon
Nagtratrabaho hanggang hapon
Kahit pagod basta may maahon
Para mayroon ka lang pambaon.

Pag may ikinakatakot ka
Sa kanila ka pumupunta
Nakikinig sa pangangailangan mo
Ginagawa ang lahat para sa iyo.

Ginagabay ka at tinutulungan
Harapin ang iyong dinadaanan
Sila’y dapat respetuhin at mahalin
Dahil sa kanila ika’y may makain.


Ang Ibon na Kinulong sa Haula

Tula ni Nathaniel Anthony T. Jubac

Ako ay katulad sa ibong kinulong sa haula.
Kinulong ako dito ng aking sariling pamilya.
Pinanganak at lumaki, malungkot at magisa.
Tanging ako ng, nagtanda ng walang kasama.

Ang aking haula ay maganda.
Iwan ng magulang, ito ay pamana.
Perpekto itong lahat sana,
kung meron akong kasama.

Lumaking malamig sa tao, kahit sa sariling pamilya,
ayaw kong ganito, magbago ako sana,
sa salang ito ako ay nakokonsensiya,
Puso ko tigilan mo na ito, ako’y nagmamakaawa.

Nayong panahon nakalaya na ako sa haula,
pero di ko parin matigil ang panlalamig sa aking pamilya.
Ito ang pagsisikapan ko, ito ang aking pangako.
Ang relasyon ko sa aking pamilya ay magbabago.


SEE ALSO: Talumpati Tungkol sa Magulang

Nawa ay nagustuhan mo ang mga tula tungkol sa mgulang na iyong nabasa. Alin sa mga tulang ito ang talagang naka-relate ka? Kung mayroon kang orihinal na tula para sa iyong magulang, maari mo itong i-komento sa ibaba upang mabasa rin ng iba. 🙂

46 Shares
Share via
Copy link