Isinulat ni Secret XD galing sa Wattpad.
Noong unang panahon may isang prinsesang may napaka-gandang buhok na iba’t iba ang kulay. Siya’y nagngangalang Prinsesa Buna na umiibig ng palihim sa kanilang hardinero na si Lakal.
Araw-araw ay pumupunta ang prinsesa sa hardin. Iniisip ng kanyang ama na mahilig lamang talaga ang prinsesa sa mga bulaklak kaya ito ay laging naroroon. Ngunit lingid sa kaalaman ng ama ay hindi iyon ang pinupunta ng kanyang anak sa hardin. Pinupuntahan ng prinsesa si Lakal na laging gumagawa ng sari-saring pabango na gustong-gusto niyang amuyin at gamitin dahil sa kakaibang amoy ng pabangong gawa nito.
Ngunit isang araw, nahuli ng hari ang dalawa na naglalakad sa hardin ng magkahawak ang kamay. Agad na nagalit ang hari dahil ang isang prinsesa ay umiibig sa isang hardinero kaya isinikreto niya sa kanyang anak ang plano niyang pamamaslang kay Lakal.
BASAHIN DIN: Alamat ng Bulkang Mayon
Inutusan ng hari ang isang kawal na pagdating ng gabi ay dapat ipatapon si Lakal sa kagubatan at iwanan doon hanggang mamatay. Ginawa ng kawal ang utos ng hari at agad na iniwan si Lakal sa gitna ng gubat.
Si Lakal ay namatay at ang prinsesa ay inintay ang pagdating ni Lakal sa hardin ngunit hindi niya nakita ang binata hanggang magdilim.
Ilang araw na nag-intay si Buna at hindi siya kumain o naligo. Ni hindi rin siya natulog at kinaumagahan ay inaantay pa rin nya si Lakal.
Isang araw ay naisipan ng prinsesa na umalis sa palasyo at hanapin si Lakal. Ngunit siya’y nang hihina na.
Paglipas ng ilang araw ay hinanap ng hari ang kanyang anak na si Buna. Pumunta siya sa hardin kung saan nagpupunta si Buna upang intayin si Lakal. Ngunit ang nasilayan niya lamang ay ang isang malagong halaman na may iba-t ibang kulay at iba’t ibang uri. Napansin din niyang ito ay kakulay ng buhok ng kanyang anak. Kasing bango rin ng mga gawang pabango ni Lakal ang mga halaman. Nasa huli plagi ang pagsisisi. Nalungkot ang hari at walang nagawa kundi alagaan ang natitirang bunga na naiwan bilang alaala sa anak. Pinangalanan niya ang halaman na Bunalak at kalaunan ay tinawag na Bulaklak.
Aral:
- Kausapin ang anak kung hindi sang-ayon sa taong iniibig nito. Bago gumawa ng aksyon ay pag-isipan muna ito ng maka-ilang ulit kung ito ba ay makakabuti o makasasama sa sitwasyon.
- Huwag maglihim sa magulang, ito man ay tungkol sa taong nagpapatibok ng iyong puso o iba pang mga bagay. Hingin ang kanilang payo kung tama pa ba ang iyong ginagawa upang hindi mapariwara.