Mayroon ka bang pangarap? Mga pangarap para sa iyong sarili, pamilya o pangarap para sa bansa o para sa ibang tao. Anuman ang ating pangarap o hangarin sa buhay, mahalaga na malaman na ang katuparan ng ating mga pangarap ay nasa ating mga kamay.
Depende sa iyo kung paano mo planong trabahuin at kung kaylan mo balak simulan para ang iyong pangarap ay magkaroon ng katuparan.
Ang nalikom namin at napagsama-samang mga halimbawa ng maikling kwento tungkol sa pangarap ay may iba’t ibang tema. Base sa malikot at malawak na imahinasyon ng mga sumulat ng kwento, magsilbi nawang inspirasyon sa’yo ang mga mababasa mo dito.
Nilagyan rin namin ng aral ang bawat kwento upang maging gabay mo sa pag-abot ng iyong pangarap.
See also: Mga Tula Tungkol sa Pangarap
Mga Halimbawa ng Maikling Kwento Tungkol sa Pangarap
- Regalo sa Guro
- Ang Inapi
- Ang Batang Maikli ang Isang Paa
- Ang Babaing Maggagatas
- Si Mariang Mapangarapin
- Kapuri-puring Bata
Regalo sa Guro
Nalulungkot si Ben. Nang itanong ng ina kung ano ang dinaramdam niya ang kanyang sagot ay, “kasi po ang mga kamag-aral ko ay may papasko para sa aming guro. Ako lang po ang wala.”
Alam ng butihing ina na ang bagay na ito ay mahalaga sa anak dahil mahal nito ang kanyang guro. Sa palagay naman niya, mauunawaan ng guro na sila’y dukha, at sa totoo lang, alam naman niyang hindi naghihintay ang guro ng regalo kahit kanino.
“Halika anak, at may ikukuwento ako sa iyo. Kuwento ito ng manunulat na si Pablo Cuasay. Kapag narinig mo ay malalaman mo rin ang dapat mong gawin.” At nagkuwento ang ina.
Dalawa na lamang araw at ipipinid na ang pinto ng paaralan dahil sa pasko. Sa paaralan ay may punong-kahoy na pamasko na puno ng palamuti at mga ilaw. Ito’y puno ng mga alaalang laan ng mga bata sa kanilang mga guro at kamag-aaral.
Ang lahat ay maligaya. Ang buong daigdig ay nadaramtan ng kaligayahan. Malapit nang isilang ang Mananakop. Ang lahat ay may ngiti sa labi – may awit sa papawirin.
Ngunit may kaawa-awang nilalang na nalulungkot. Siya’y si Nestor. Bakit? Ang lahat niyang kamag-aral ay may alaala sa pinakamamahal na guro subalit siya’y wala. Paanong di gayo’y si Nestor ay ulila sa ama at ang ina ay maralita. Ang ina’y walang kaya upang isunod sa kagustuhan ng kanyang bunsong anak.
“Inang,” ang hikayat ni Nestor, “Ako lamang ang walang alaala kay Bb. Mirasol. Ang lahat – sina Ador, Florante, Ramon at Orlando – ang bawat isa sa kanila ay may pamasko sa aking guro. Ako ay bukod-tanging wala.”
“Nestor,” ang butihing ina ay sumagot, “makinig ka. Alam ng iyong guro na tayo’y dukha. Siya’y di naghihintay ng alaalang galing sa iyo. Huwag mong ikalungkot iyan. Talos kong si Bb. Mirasol ay nakauunawa sa ating kalagayan.”
Si Nestor ay walang kibo. Maaga siyang nahiga ngunit hindi makatulog. Siya’y nag-iisip. Kung mayroon lamang siyang pagkakakitaan, kahit kaunting salapi upang ibili ng kanyang papasko! Katapusang araw na kinabukasan.
Si Nestor ay nag-isip nang nag-isip. May gumuhit sa kanyang gunita. Mayroon siyang naisip na maiaalay na alaala kay Bb. Mirasol. Ito kaya ay kasiya-siya? Magustuhan kaya ng kanyang guro?
Siya’y bumangon. Tinungo ang munting hapag sa silid at sa malamlam na ilawan ay isinulat sa malinis na papel ang kanyang papasko. Pinagbuti niya ang kanyang pagsulat, ulit-ulit na binasa at pagkatapos ay tiniklop at ipinaloob sa sobre. Sinarhan niya ito, ipinaloob sa isang aklat at nahigang muli. Mayroon na siyang alaala. Anong tuwa niya! At nakatulog siya ng mahimbing.
Kinaumagahan siya’y pinukaw ng ina, “Nestor, bangon na. Tatanghaliin ka sa pagpasok.”
Si Nestor ay nagmamadaling nagbihis, kumain at tumungo sa paaralan. Hindi niya nalimutang dalhin ang kanyang papasko sa kanyang guro.
Sa lansangan ay gayon na lamang ang kanyang tuwa! Mayroon na siyang papasko! Ito kaya ay mabuting alaala? Iyan lamang ang kanyang nakaya at galing sa kanyang puso. Nang dumating siya sa silid-aralan ay kaydami nga ng batang nanonood sa Christmas tree. Buong-ingat na ibinitin ni Nestor ang kanyang papasko sa guro.
Nakinig siya sa lahat ng bilang ng palatuntunan ngunit ang laging umuukilkil sa kanya ay ang tanong na, “Maibigan kaya ni Bb. Mirasol ang aking alaala?”
Ang katapusang bilang ng palatuntunan ay pamumudmod ni Santa Claus ng mga papasko. Sumasal ang puso ni Nestor nang katapusa’y ibinigay ni Santa ang sobre niya kay Bb. Mirasol. Tila kilala ni Bb. Mirasol ang kayang sulat. Tinitigan ang mga titik bago binuksan ang liham. Samantalang binabasa ang liham, si Nestor ay nagmamasid.
Matapos ang palatuntunan umalis na si Santa, pati lahat ng mag-aaral na nagpaalam kay Bb. Mirasol. Ang kahuli-huliha’y si Nestor na tinawag ng guro. “Nestor, pumarito ka. Ako’y may sasabihin sa iyo.”
“Nakita mo ba kung gaano karami ang mga alaalang tinanggap ko? Ako’y galak na galak pagkat iya’y tagapagpakilala na ako’y minamahal ng aking mga tinuturuan. Sa pumpon ng mga alaala ay bukod at tangi ang iyo na pinakamahalaga sa lahat. Ang iyong alaala ay di pangkaraniwan. Iya’y nagbigay sa akin ng labis na kagalakan.”
Namangha si Nestor, di yata’t ang kanyang alaala ang pinakamahalaga sa lahat! Ito ang sabi ng kanyang guro. “Salamat po, at maligayang pasko.” ang sabi ni Nestor bago siya umalis. Siya ay tuwang-tuwa.
Dahil sa labis na kaligayahan ni Bb. Mirasol, kanyang binasa muli ang liham.
“Minamahal kong Guro:
Inyo pong pakaasahang ako’y magpapakabuti. Susundin ko po ang inyong mga utos. Ako’y mag-aaral ng leksyon tuwina. Pagpipilitan ko pong ako ay maging pangunahing mag-aaral sa inyong klase. Ito pong pangakong ito ang papasko ko sa inyo.
Nagmamahal, Nestor”
“Ang ganda Nanay ng kuwento ninyo. Ngayon po ay alam ko na rin kung ano ang dapat kong iregalo kay Bb. Padilla.”
Tuwang-tuwa rin ang ina sa katalinuhan at kagalingan sa pag-unawa ng anak. Habang tinatanaw niya ang bata na naglalakad patungo sa paaralan, nagpapasalamat siya sa Maykapal sa pagkakaroon ng isang mabait at maunawaing anak.
Aral:
- Ang pagiging mabuting mag-aaral ang pinaka-mainan na regalong maari mong ibigay sa iyong guro.
- Hindi mahalaga kahit gaano pa kamahal ang regalong ibibigay mo sa isang tao. Ang pinakamahalaga ay bukal sa iyong puso ang pagbibigay mo ng regalong iyon sa taong tatanggap.
- Matutong mangapa sa sitwasyon ng pamilya bago mag-isip ng mga bagay na pansarili o ibibigay sa iba.
- Karangalan sa mga magulang ang batang marunong sa buhay.
Ang Inapi
Isa sa walong magkakapatid si Rona na dahil sa kahirapan ay nanuluyan sa kanyang tiyahin sa Metro Manila. Labing-tatlong taong gulang lamang siya noon ngunit ipinasa na sa kanya ang halos lahat ng mga gawaing bahay: paglilinis, paghuhugas ng pinggan, pagsasaing, paglalaba, pamamalantsa, pamamalengke at kung anu-ano pa.
Lima ang anak ng tiyahin, isang babae at apat na lalaki na animo’y senyorita at senyorito mula nang pumisan sa kanila si Rona. Ang panganay na si Evelyn, gayong dalawampung taong gulang na, ay nagpapahilod pa ng kili-kili at likod tuwing maliligo. Pati sarili nitong underwear ay si Rona pa ang naglalaba. Ang tatlong lalaki naman, maliban sa isa, ay gayon na lamang kung mag-utos, laging pasigaw o pagalit. Kapag naglilinis ng sahig si Rona ay di man lamang mag-alis ng sapatos ang mga pinsan kapag dumarating. Animo’y nang-iinis pa na dadaan sa harapan ng nakaluhod at nakayukong si Rona na nagpapahid ng floor wax. Kadalasan ay pabalibag pang ihahagis ang pantalong de maong kay Rona at pasigaw na “O, labhan mo ‘yan! Pag natuyo, plantsahin mo ha?!!
Bakasyon noon.
Halos araw-araw ay ganyan ang gawain ni Rona: linis, saing, laba, plantsa. Ang bibigat pa mandin ng mga pantalong de maong ng mga pinsan. Ginawa siyang taga-laba ng mga ito.
Si Rona ay hindi itinuring na kamag-anak. Kapag may mga dumadalaw na kaibigan ang mga pinsan, atsay o katulong ang pakilala sa kanya.
Sa hapag kainan, si Rona ang taga-silbi. Hindi siya isinasabay sa pagkain, laging huli, gayong mahaba naman ang mesang kainan. Kung ano ang matira ay iyon lang ang makakain niya. Apat na beses sa isang linggo ay tinapang isda ang ulam nila. Ulo lamang ng tinapa ang pwedeng kainin ni Rona. Iyon ang laging itinitira sa kanya ng tiyahin.
Sa murang katawan ni Rona, ang hirap ng trabaho at salat na pagkain sa piling ng tiyahin ay hindi niya inalintana. Siya ay alilang-kanin. Ang mahalaga’y patuloy siyang nakapag-aaral sa Pasig High School. Lagi niyang nilalakad pauwi ang Pasig at Pateros na halos ay apat na kilometro ang layo. Wala siyang pocket-money, walang snack, laging nagugutuman. Pagdating ng bahay, kahit pagod at gutom, kailangan niya munang maghugas ng mga kaldero’t pinggan na nakatambak sa lababo bago siya makakakain. Kadalasan, matutulog na lang siya ay pasigaw pa siyang uutusan ng mga pinsan.
“Hoy, plantsahin mo muna yung maong! ‘yung polo!”
Dalawang taon nahirahan at nanilbihan si Rona sa tiyahin. Nang makatapos ng high school ay kinuha siya ng kapatid at dinala sa Cebu City. Nagpatuloy ng pag-aaral si Rona, naging academic scholar at nagtapos ng edukasyon nang may karangalan – Magna cum laude. Muli siyang nag-aral tatlong kurso ang natapos niya at naging Doctor of Education. Nakapag-asawa siya ng isang abogado.
Ngayon ay isa nang matagumpay na educator at businesswoman si Rona. Isa na siyang milyonarya at maligaya sa piling ng tatlong anak at mapagmahal na kabiyak.
Sino ang mag-aakalang ang dating inapi ay isa nang matagumpay, at respetadong tao sa mataas na lipunan? Ang mga pinsan nasa kanya ay nang-api ay walang natapos na pinag-aralan, ganoon pa rin ang buhay hindi umasenso. Ang iba ay nakapag-asawa ng mga hirap din ang buhay.
Aral:
- Maging matiyaga at sikaping makapagtapos ng pag-aaral anuman ang kalagayan sa buhay.
- Ang taong masipag at nagsusumikap sa buhay ay may matagumpay na hinaharap.
- Huwag gantihan ang gumagawa sa iyo ng hindi maganda. Ipagpasa-Diyos na lamang sila at magpatuloy ka sa iyong buhay.
Ang Batang Maikli ang Isang Paa
Mula sa kanyang pagsilang ay maliit na ang isang paa ni Mutya. Malambot iyon at nakabaluktot. Nang siya ay lumaki-laki, pinasuri siya ng kanyang mga magulang sa mahuhusay na mga doctor. Ang sabi ng mga doctor ay wala na iyong remedyo. Habambuhay na raw magiging lumpo si Mutya. Labis na nalungkot at naawa sa kanya ang mga magulang.
Lumaki si Mutya na laging tinutukso ng mga kalaro. Lalo siyang naging tampulan ng panunukso nang magsimula na siyang mag-aral.
“O, hayan na si Pilantod! Padaanin ninyo!” tukso ng mga pilyong bata kay Mutya.
Sa kabila ng lahat, hindi napipikon si Mutya. Hindi siya umiiyak sa panunukso sa kanya. Lumaki siyang matapang at matatag. Pinalaki kasi siya ng kanyang ina na madasalin. Mayroon siyang malaking pananalig sa Diyos kaya naman nagawa niyang tanggapin ang kalagayan nang maluwag sa loob niya.
Habang nagdadalaga ay nahihilig si Mutya sa musika. Nakakatugtog siya ng iba’t ibang instrumento. Marami ang humahanga sa taglay niyang galing sa pagtugtog.
Upang lalo pa siyang naging mahusay, pinag-aral siya ng kanyang ina ng pagtugtog ng piyano. At natuklasan ni Mutya na kulang man siya ng paa, sobra naman siya sa talino sa musika. Maraming mga guro sa musika ang humanga sa kanya. Lahat ay gusto siyang maging estudyante.
Pagkaraan pa ng ilang taon, ibang-iba na si Mutya. Isa na siyang kilalang piyanista. Nakarating na siya sa ibang bansa tulad ng Amerika at Espanya. Tumugtog siya doon. Naanyayahan pa nga siya sa palasyo ng hari ng Espanya para tumugtog sa hari. Hindi na siya tinutukso ngayon. Hindi na pinagtatawanan. Sa halip, siya ay hinahangaan na dahil lahat ay nagkakagusto sa kanyang pambihirang kakayahan sa pagtugtog.
Aral:
- Anuman ang iyong kalagayan sa buhay, matutong manalig at tumawag sa Panginoon.
- Huwag makinig sa negatibong sinasabi ng iba tungkol sa’yo. Huwag mo na lang pansinin ang pangit na sinasabi nila, sa halip ay ipagpatuloy na linangin ang iyongb kakayahan upang makamit ang iyong pangarap.
- Ang bawat tao ay may angking kakayahan na kung pagsusumikapan ay maaring maging mahusay ka sa larangang ito.
Ang Babaing Maggagatas
Isang araw ang babaing maggagatas ay nagpunta sa palengke na may bote ng gatas sa kanyang ulo. Maganda at mabuti ang panahon ng araw na iyon. Habang siya ay naglalakad sa maruming lansangan, siya ay nagsimula ng mangarap kung ano ang kanyang gagawin sa perang mapagbibilihan niya ng gatas.
“Marahil,” sabi niya, “bibili ako ng manok sa aking kapitbahay at kapag ito’y nangitlog, ipagbibili ko at ang perang mapagbibilihan ko ng itlog ay ibibili ko nang magandang damit na may laso. Baka bumili rin ako ng isang pares ng sapatos. Pagkatapos ay pupunta ako sa Pistang Bayan at ang lahat ng mga lalaki doon ay magtitinginan sa akin at ako’y susuyuin ngunit hindi ko sila papansinin at iismiran ko pa sila.”
Nakalimutan niya na may bote ng gatas sa kanyang ulo, kaya’t paggalaw niya sa kanyang ulo, ang mga bote ay nagsibagsak. Ang mga ito ay kumalat sa kapaligiran. Ang kanyang mga pangarap ay nagsilaho kasabay ng mga bote ng gatas.
Lungkot na lungkot siyang umuwi at hindi niya malaman kung saan siya kukuha ng kakainin para sa araw na iyon.
Aral:
- Ituon ang pansin sa kung ano ang kasalukuyang ginagawa ng sa gayon ay magawa ito ng maayos.
- Hindi masama ang mangarap ng mga magagandang bagay pero mas bigyan halagang at unahin kung ano ang pinakakailangan.
- Huwag magbilang ng sisiw kung hindi pa napipisa ang itlog.
Si Mariang Mapangarapin
Magandang dalaga si Maria. Masipag siya at masigla. Masaya at matalino rin siya. Ano pa’t masasabing isa na siyang ulirang dalaga, kaya lang sobra siyang pamangarapin. Umaga o tanghali man ay nangangarap siya. Lagi na lamang siyang nakikitang nakatingin sa malayo, waring nag-iisip at nangangarap nang gising. Dahil dito, nakilala siya sa tawag na Mariang Mapangarapin. Hindi naman nagalit si Maria bagkus pa ngang ikinatuwa pa yata niya ang bansag na ikinabit sa pangalan niya.
Minsan niregaluhan siya ng isang binata ng isang dosenang dumalagang manok. Tuwang-tuwa si Maria! Inalagaan niyang mabuti ang alaalang bigay sa kanya ng nag-iisang manliligaw niya. Nagpagawa siya sa kanyang ama ng kulungan para sa mga manok niya. Higit sa karaniwang pag-aalaga ang ginawa ni Maria. Pinatuka niya at pinaiinom ang mga ito sa umaga, sa tanghali at sa hapon. Dinagdagan pa ito ng pagpapainom ng gamot at pataba. At pinangarap ni Maria ang pagdating ng araw na magkakaroon siya ng mga inahing manok na magbibigay ng maraming itlog.
Lumipas ang ilang buwan hanggang sa dumating ang araw na nangitlog ang lahat na inahing manok na alaga ni Maria. Labindalawang itlog ang ibinibigay ng mga inahing manok araw-araw. At kinuwenta ni Maria ang bilang ng itlog na ibibigay ng labindalawang alagang manok sa loob ng pitong araw sa isang linggo. Kitang-kita ang saya ni Maria sa kanyang pangarap.
At inipon na nga ni Maria ang itlog ng mga inahing manok sa araw-araw. Nabuo ito sa limang dosenang itlog. At isang araw ng linggo ay pumunta sa bayan si Maria. Sunong niya ang limang dosenang itlog. Habang nasa daan ay nangangarap nang gising si Maria. Ipagbibili niyang lahat ang limang dosenang itlog. Pagkatapos, bibili siya ng magandang tela, ipapatahi niya ito ng magandang bistida at saka lumakad siya ng pakendeng-kendeng. Lalong pinaganda ni Maria ang paglakad nang pakendeng-kendeng at BOG!
Nahulog ang limang dosenang itlog! Hindi nakapagsalita si Maria sa kabiglaan. Saka siya umiyak nang umiyak. Naguho ang kanyang pangarap kasabay ng pagbagsak ng limang dosenang itlog na kanyang sunung-sunong.
Aral:
- Hindi masama ang mangarap. Ngunit mas mabuti kung bigyang pansin ang kasalukuyan at mag-pokus upang makamit ang pangarap na ninanais.
- Huwag magbibilang ng sisiw hangga’t hindi pa napipisa ang itlog.
Kapuri-puring Bata
“Nais ko pong ipabili sa aking ina para sa aming notse buena yaong pagkaing pinananabikan ko, katulad ng mansanas at fried chicken…” Tugon ito ni Ralph, Grade III – 1, ng Paaralang Bagong Barangay, nang siya ay tanungin ng kanyang guro sa Journalism kung ano ang kanyang gagawin sa kanyang tatlong alkansiyang puno ng mga barya. Ito ay natipon niya sa pagiging batang-basurero.
Namumukod si Ralph, 10 taong gulang, sa mga ininterbyu ni Gng. Aida Escaja, isang tagapayo ng pahayagang pampaaralan. Dalawang palagiang trabaho ang ginagampanan ni Ralph. Ipinagtatapon niya ng basura ang mga nakatira sa Bagong Barangay Tenement at errand boy sa palengke ng may bibingkahan sa kanilang pook.
Napili ng kanyang guro ang sinulat ni Ralph, “Kumita Habang Nag-aaral” para sa kanilang pamaskong isyu. Si Ralph ay isa sa mga batang sinasanay ng kanilang guro upang maging kagawad ng patnugutan pagtuntong niya ng ikaanim na grado. Matalino siya pagkat lagi siyang kasama sa “Top Ten” ng kanilang klase mula pa noong Grade 1.
May kabutihan ding nagagawa ang kahirapan sa mga bata. Maaga pa’y nalalantad na sila sa pakikibaka sa buhay kaya nagiging matatag sila sa pagharap sa mga suliranin sa buhay. Hindi sila nagpapanik na tulad ng mga sanay sa ginhawa. Nagiging malikhain sila sa paghanap ng mapagkakakitaan.
Kasama ni Ralph sa pagtatapon ng basura sina Topher, 11 taong gulang, Grade III din, at si Jun-jun, 6 na taong gulang at nasa unang baitang.
Tumatanggap sila ng mula biyente sentimos hanggang dalawang piso, ayon sa rami ng basurang kanilang itinatapon. Tuwing alas-dos naroroon na sila na may dalang sako.
Nagkaisa sila sa hatian ng kanilang kita: 45 porsiyento para kay Topher na malaki at malakas; 35 porsiyento para kay Ralph at 20 porsiyento para kay Jun-jun. Magkakapit-kwarto ang kanilang tinitirhan at tsuper ang kanilang mga ama.
Kapuri-puri ang tatlong batang ito na maagang nagising sa katotohanang sa iyong pawis manggagaling ang iyong ikabubuhay.
Ayon sa kanilang magulang, may isang taon nang nangungulekta ng basura sa tenement house ang tatlong batang ito. May recycling pa silang ginagawa, ipinagbibili nila ang mga nakukuha nilang papel, plastik, bote, at bakal bago nila ito’ tuluyang itapon.
Isang errand boy si Ralph ng may-ari ng bibingkahan. Siya ang nagpapagiling ng bigas sa may palengke at siya pa rin ang kumukuha ng isang sakong bao sa palengke.
Sa puspusang pag-aaral at paggawa dapat imulat ang mga bata. Ito ang panuntunang sinunod ni Rizal sa kanyang munting paaralan sa Dapitan. Naniniwala ang ating bayani na maaga pa ay dapat nang ituro sa mga bata ang pagmamahal sa paggawa.
Maliit pa sina Ralph, Topher at Jun-jun ay may direksyon na ang kanilang buhay. Sa pamamagitan ng pagbabanat ng buto at pagpapatulo ng pawis, sila ay kumikita na. Hindi na sila matitigil sa pag-aaral. May tiyak na silang mababaon, may kaunti pang maibibigay sa magulang at may maihuhulog pang barya sa alkansiya.
Aral:
- Bagama’t mahirap man ang kalagayan sa buhay, huwag nawa itong maging hadlang para abutin ang iyong pangarap o minimithi balang araw.
- Kung nanaisin, maraming mabuting paraan upang umunlad sa buhay. Gamitin ng wasto ang katalinuhan at lakas na kaloob ng Diyos upang umunlad sa kasalukuyan at sa hinaharap.
- Matutong mag-impok upang sa oras ng pangangailangan ay may madudukot.
- Huwag mong sabihing bata ka. Sa mura mong edad at kaisipan ay marami kang magagawa at maari kang magsilbing inspirasyon para sa iba.