Alamat ng Paru-Paro (2 Different Versions + Aral)

Sa pahinang ito ay mababasa ninyo ang dalawang magkaibang bersyon ng alamat ng paru-paro. Hindi na masabi kung alin sa dalawang ito ang orihinal na bersyon dahil na rin sa nagpasalin-salin na ito sa iba’t ibang henerasyon.

Para sa iba pang impormasyon kung ano ang alamat at iba pang mga halimbawa nito, mangyaring basahin ang: Ano ang Alamat, Mga Elemento, Bahagi, at Halimbawa ng Alamat.

READ ALSO: Alamat ng Gagamba


Alamat ng Paru-Paro (Ver. 1)

Alamat ng Paru-Paro Ver. 1
  • Save

Ang diwata ay pangit, talagang napakapangit! Ang mukha ay mapula at kulubot. Ang mga mata’y singningas ng apoy. Ang saplot ay matandang kasuotan. May pulupot na basahan ang kamay. Siya’y pilay kaya pahingkud-hingkud kung lumakad.

Ang kanyang bahay ay nakatayo sa magandang dalampasigan. Kaakit-akit ang kanyang tahanan dahil sa taglay nito ang lahat ng kulay ng bahaghari. Ang looban ay natatamnan ng sari-saring halamang namumulaklak. Ang mga taong dumaraan doo’y panay na papuri ang bukambibig. Ang mga punongkahoy ay may mga bungang nakasisilaw sa mata kung tamaan ng silahis ng araw.

Isang umaga, isang batang lalaki’t isang batang babae ang lumisan ng kanilang tahanan. Sila’y maralita at hindi pumapasok sa paaralan. Sila’y naging palaboy at walang tirahan.

Sa kabila ng lahat ng kahirapan ang dalawa’y maligaya. Laging naibubulalas nila ang mga salitang, “Ang langit ay asul at ang bundok ay luntian.” Sa pagtitig nila sa mga mga ibon at batis, sila’y nagsasalita ng, “Mataas ang lipad ng ibon at ang lagaslas ng ilog ay parang panaginip.” Ang mga nakikita nilang tanawin araw-araw ay sapat nang magpatighaw sa pagnanasa nilang magkaroon ng magandang tirahan at perang panakip sa pangangailangan.

Sila’y naglibot at nakita ang bahay ng diwata. “Ligaya, masdan mo ang magandang bahay na iyon,” sabi ng batang lalaki.

“Nakikita ko, Malakas,” ang sagot. “May halaman. Naaamoy ko ang halimuyak ng mga bulaklak. Nakatatakam ang mga bungang pinilakan at ginintuan na nangagbitin sa mga sanga ng kahoy,” ang dugtong pa.

“Tayo ay pumasok sa hardin,” ang alok ni Malakas.

“Walang tumitira rito,” ang sagot ni Ligaya.

Binuksan ng dalawa ang tarangkahan ng halamanan. Sa mga unang sandali, sila’y hintakot nguni’t lumagay ang loob nang malaunan. Walang umiino sa kanila. Sila’y namupol ng mga bulaklak. Si Malakas ay umakyat sa punongkahoy. Kumain siya at pinatakan si Ligaya ng matamis na bunga.

“Walang nakatira rito!”

“Oo, noong ako’y bata pa, may isang mamang nagkuwento sa akin tungkol sa lunang katulad nito. Huwag na tayong umalis,” sabi ni Ligaya.

“Ako’y ulila nang lubos. Wala maghahanap sa akin,” sabi ni Malakas.

“Gayon din sa akin,” sagot ni Ligaya.

“Ako’y palibot-libot upang humanap ng trabaho upang may makain. Huwag na natin lisanin ang loobang ito.”

Naligayahan ang mga bata kaya lumipas ang mga oras. Nakalimot sila kung saan sila naroon.

Dumating ang diwatang galing sa dalampasigan. Siya’y hihingkod-hingkod. Siya’y langhap nang langhap pagka’t may naamoy na ibang tao. Lalo siyang pumangit sa kapipisngot.

“Bakit kayo nangahas pumasok dito?” ang bungad na tanong. “Ano ang ginagawa ninyo?” patuloy pa.

Natakot sina Malakas at Ligaya.

“Bakit ninyo pinupol ang aking mga bulaklak at kinain ang aking mgabunga?” sigaw ng matanda.

Naglakas-loob sumagot si Malakas, “Mawilihin po kami sa bulaklak. Gusto po naming… gusto ang prutas… mga prutas…”

“Bakit hindi muna kayo humingi ng aking pahintulot? Mga pangahas!”

“Inaamin po namin ang kasalanan. Kami po’y handang magbayad.

Kami po’y mga ulila. Gawin na po ninyo kaming inyong alila! Handa kaming magsilbi!”

Pinagulong-gulong ng diwata ang malalaking mata. Pinakisay niya ang buong katawan, pinangiwi-ngiwi ang labi at nag-isip.

“Nauunawaan ko. Pakikinabangan ko kayo.”

Siya’y bumulong ng mga salitang maysa-engkanto at namangha ang dalawang bata. Siya kapagkaraka ay naging isang magandang diwata. Siya’y may tangang mahiwagang baston. May nakakabit na bituin sa dulo.

Patakang nagsalita si Malakas, “O, magandang diwata!”

Ibinaba ni Ligaya ang kanyang mga kamay na nakatakip sa kanyang mga matang nasilaw sa liwanag. Nakita niya nang harapan ang diwata. Siya’y may tangang mga bagwis na yari sa bulaklak.

“Yayamang mawilihin kayo sa bulaklak, kayo’y gagawin kong hardinero. Mula ngayo’y mahahagkan ninyo ang aking mga bulaklak at maaari kayong magpasasa sa aking mga bunga!”

Dinantayan ng diwata ng kanyang mahiwagang baston ang dalawang bata at sa ilang iglap sila’y nagkapakpak. Sila’y nagpadapu-dapo sa mga halamanan.

“Ako ngayo’y magandang paru-paro!” sabi ni Malakas.

“Ako rin!” sang-ayon ni Ligaya. “Masdan mo ang aking mga pakpak. Itim, asul, at luntian at kulay-kahel!”

“Sa halamanang ito tayo mabubuhay nang mahabang panahon!” Sabi ni Malakas, “sapagka’t tayo ngayo’y mga paru-paro ng diwata!”

Aral:

  • Kung may bagay o pagkain na nagustuhan, ugaliing humingi ng permiso sa may-ari. Huwag basta-basta kukuha ng bagay na hindi mo pag-aari dahil pagnanakaw ang tawag doon. Sa mata ng tao at sa mata ng Diyos, masama ang ganoong gawain.

Alamat ng Paru-Paro (Ver. 2)

Alamat ng Paru-Paro Ver. 2
  • Save

Maganda ang paruparo lalo na kung nagliliparan sa loob ng halamanan. May iba’t-ibang kulay ang kanilang mga pakpak. May matitingkad na asul at murang berde. May dilaw na dilaw at may itim na itim. May mga pakpak na may batik-batik na disenyo. May mga pakpak na may magkakahalong kulay na sinadya yata ng kalikasan upang hangaan ng sangkatauhan.

Saan nga ba nagmula ang mga paru-paro? May alamat na pinanggalingan ang insektong ito.

Noong unang panahon, may isang matandang babae raw na nakatira sa tabi ng lawa. Ang munting dampa niya ay naliligid ng mga halamang pinamumulaklakan. May mapupulang gumamela, may madidilaw na santan. Mayroon ding rosas, kalachuchi, champaca at ilang-ilang. Nakakatawag pansin din sa hardin ang sampaguita, cadena de amor at kamya. Banggitin mo ang alinmang bulaklak na iyo nang nakita, makatitiyak kang nasa halaman ito ng matandang hardinera. May mga bulung-bulungan na ang hardinera ay isa raw Ada na paminsan-minsan ay bumabata at gumaganda.

Totoong napakabait ng matandang hardinera. Ang sinumang kapitbahay na humingi ng bulaklak ay binibigyan niya. Alam niyang iniaalay ng mga kapitbahay ang mga bulaklak sa altar ng kapilya tuwing may bibinyagan, kukumpilan, ikakasal o bebendisyunan kapag may namamatay.

Sapagkat iginagalang ng lahat, ang hardinera ay lagi nang pinasasalubungan ng anumang handog ng kaniyang mga nagmamahal na kaibigan sa komunidad. Binibigyan siya ng mga palay na inani, prutas na pinitas, isdang biningwit. Bilang pakikisama ng isang matapat na kaibigan, ikinukuha naman ng hardinera ang sinumang humingi ng mga pumpon ng bulaklak.

Lubos na nagtutulungan at nagbibigayan ang lahat ng tao rito. Wala ritong alitan ang magkakapitbahay. Lahat ay nagmamahalan.

Ang problema ay naganap lamang nang dumating sa komunidad ang mag-asawang lubos na mapagsamantala, ang pamilya Amparo. Tamad at palahingi ang mag-asawang ito. Nakitayo sila sa isang bakanteng lugar na malapit sa hardinera. Nanghingi sila ng kawayan, pawid at kahoy upang maitindig lang ang dampa nila. Lahat ng kapitbahay na noon lang nila nakita ay hiningan nila.

Upang mabuhay, nanghihingi ang pamilya Amparo ng pagkain sa kapitbahay. Kapag alam nilang may palay na naani ang sinuman, naroon na sila sa tarangkahan. Kapag alam nilang may nabingwit na mga isda ang sinuman, kakatok kaagad sila sa pintuan. At kapag alam nilang may napitas na mga prutas ang sinuman hayan na sila at manghihingi na naman.

Ang panghihingi ay ginawa nila minsan sa hardinera. Sapagkat totoong mabait, buong pusong nagmagandang loob ang matanda. Mapupulang rosas at dilaw na krisantermo ang bigay ng hardinera sa pamilya. Pero nakarating sa kaalaman ng hardinera na hindi naman sa binyag, kumpil, kasal o bendisyon inihandog ang mga bulaklak na bigay niya. Ipinagbili pala sa malaking halaga upang sila ay kumita.

Sa ikalawang pagkakataon ay humihingi na naman sila sa hardinera. Hindi na sila pinagbigyan sapagkat alam nito ang kanilang kasamaan.

Sapagkat ganid, nagplano ang mag-asawang pagnakawan nila ang hardinera. Isang gabing maliwanag ang buwan, walang paalam na pinasok nila ang halamanan. Pinagpipitas ng pamilya Amparo ang pinakamagaganda at pinakamababangong bulaklak.

Huling-huli ng hardinera ang pagnanakaw ng mag-asawa. Kahit na pagbawalan ay sumige pa rin sila.

“Parang awa na ninyo,” pagsusumamo ng hardinera. “Huwag naman ninyong ubusin ang mga bulaklak na tanim ko!”

“Hoy pangit na matanda! Pasalamat ka at pinipili namin ang pinakamagaganda mong tanim! Kung ikaw siguro ang naging bulaklak ay hinding-hindi ka pupupulin.”

“Ganoon ba?” galit na nagpanting ang tenga ng hardinera. “Maghintay kayo at may mas magandang ihahandog ako sa inyo.”

Pumasok sa dampa niya ang matanda. Maganda na itong ada nang magbalik. Tangan nito ang nagniningning na pananglaw na ikinamangha ng pamilya Amparo.

“Magmula ngayon, isinusumpa ko ang pagiging gahaman ninyo! Sapagkat pawang magagandang bulaklak lamang ang pinipili ninyo, kayo naman ang magiging pinakamagagandang insekto sa hardin ko. Pero hinding-hindi na ninyo makukuha ang mga bulaklak ko. Lalanghap-langhapin na lang ninyo ang mga ito!”

Iwinasiwas ng ada ang pananglaw niya. Sa isang kisap-mata ay lumiit nang lumiit ang mag-asawa. Nagmistula silang insekto pero biniyayaan naman ng magagandang pakpak.

Magmula noon, hindi na nakita pa ng mga magkakapitbahay ang kinaiinisang mag-asawa. Hindi nalingid sa lahat ang dalawang insektong lilipad-lipad sa halamanan ng hardinera. Sapagkat pawang magagandang bulaklak ang dinadapuan, inisip ng lahat na parusa ng ada sa mag-asawa ang pagiging insekto nila.

Kapansin-pansing ang disenyo ng kaliwang pakpak ng insekto ay katulad na katulad ng nasa kanan nito. Kapag may nagtatanong kung ano ang tawag sa insektong lilipad-lipad, ang sagot ng marami ay mag-asawang Amparo o Amparo o Paro na naging Paro-paro na sapagkat may parehong disenyo ay nauwi sa Paru-paro.

Iyan ang alamat ng Paru-paro.

Aral:

  • Huwag maging tamad. Ang minsang paghingi, kung talagang wala, ay hindi masama. Ngunit huwag abusuhin ang kabaitang ipinapakita sa iyo ng iba. Magbanat ng buto at huwag laging nakatingala sa hapag ng iba. Masarap din sa pakiramdam ang ikaw ang nakakatulong at hindi laging tinutulungan.
  • Iwasan din ang pagiging mayabang at sakim. Huwag maging maiinggitin. Wala itong magandang naidudulot kanino man.
14 Shares
Share via
Copy link