Labintatlong taong gulang lamang si Rod nang mamatay ang mga magulang sa isang car accident. Solong anak lamang siya, kinupkop ng tiyahin na si Aling Magda, na nakatatandang kapatid ng kanyang ama. Matandang dalaga ito, limaput-dalawang taong gulang na at ubod ng sungit. May tindahan si Aling Magda sa silong ng bahay. Mayroon siyang katulong, si Aling Tasya, limampung taong gulang na, biyuda at walang anak. Tatlong taon na itong naninilbihan sa kanya at nakasanayan na ang kayang kasungitan. Masipag na katulong si Aling Tasya, mabait at makapagkakatiwalaan.
Mula nang maulila sa mga magulang si Rod ay kay Aling Magda na ito nanirahan. Tumutulong si Rod sa mga gawaing bahay, nagwawalis sa maluwang na bakuran, nagsisiga ng mga tuyong dahon, nagpapakain ng mga manok, at nagbibitbit ng mga pinamili ng tiyahin tuwing araw ng sabado at linggo. Natutuwa si Aling Tasya sa kasipagan ni Rod kaya lagi niya itong ipinaghahanda ng miryenda. Sa simula’y medyo nahihiya si Rod ngunit nang lumaon ay nakasanayan na nito ang mga miryenda na sadya ni Aling Tasya para sa kanya. Kalaunan ay nakikipagbiruan na ang bata kay Aling Tasya na itinuring niyang kaibigan.
Walang panahong makipag-usap si Aling Magda kay Rod dahil lagi itong abala sa pag-aasikaso ng tindahan, mula umaga hanggang gabi. Tatlo lang sila sa loob ng bahay ngunit hindi sila nagsasabay kumain. Kadalasan ay sa loob ng tindahan mismo kumakain si Aling Magda kaya sina Aling Tasya at Rod lamang ang laging nagkakasabay sa hapag-kainan.
Nang taong iyon ay hindi muna pinag-aral si Rod ng tiyahin kaya naging katu-katulong muna ang bata sa tindahan at sa ibang gawaing bahay.
Bagama’t masipag si Rod ay hindi nito nadama ang pagmamahal ng tiyahin. Lagi nalang nakabulyaw kung mag-utos sa kanya ang tiyahin. Walong buwan na siyang naninilbihan dito ngunit ni minsan ay hindi man lamang siya naabutan ng pera. Sira na at may tagpi ang kanyang mga shorts, luma na rin ang kanyang mga damit na iilan lamang at lagi pang napipigtal ang kanyang tsinelas na goma. Nahihiya naman siyang magsabi sa tiyahin dahil lagi na lamang itong nakasimangot, hindi yata marunong ngumiti.
Tanging si Aling Tasya lamang ang nakikita niyang ngumingiti sa kanya, nakikipagbiruan pa. Nang minsang utusan ni Aling Magda si Aling Tasya na mamili ng paninda sa bayan ay ipinasama siya upang makatulong sa pagbibitbit. Gayon na lamang ang gulat ng bata nang bilhan siya ni Aling Tasya ng 3 shorts, 2 kamiseta at bagong tsinelas.
“Ho? Para ho ba sa akin ‘yan?” tanong ng bata.
“Ay, oo iho, para sa iyo talaga ito. Luma na kasi ang mga damit mo eh. Huwag ka nang mahiya, bigay ko ‘yan sa iyo.”
“Naku, salamat po Aling Tasya, maraming salamat po.”
Tuwang-tuwang tinanggap ng bata ang mga ibinigay ng katulong. “Mabuti pa si Aling Tasya, samantalang ang tiyang…” Napabuntong-hininga na lang ang bata.
Nagalit si Aling Magda kay Rod nang makitang may mga bago itong damit, akala kasi ay naghingi ito kay Aling Tasya. Ngunit nang mapagpaliwanagan ng katulong ay hindi na kumibo si Aling Magda.
Minsan ay nagkaroon ng mataas na lagnat si Rod, alumpihit ito kaya labis na nabahala si Aling Tasya.
BASAHIN DIN: Ang Inapi
“Sus, lagnat lang ‘yan! Painumin mo ng gamot.”
Ang walang pagkabahalang sinabi ni Aling Magda at pumasok na ito sa tindahan, ni hindi man lamang nilapitan ang pamangking may sakit.
Magdamag na binantayan ni Aling Tasya si Rod, pinupunasan ang mga pawis sa noo at likod. Tila ina siyang nag-aaruga sa anak.
Kinabukasan, mabuti-buti na ang pakiramdam ni Rod. Nilagang itlog at mainit na lugaw ang inihanda ni Aling Tasya.
Lumipas ang mga araw, lalong napamahal si Rod kay Aling Tasya. Maraming hinog na bayabas at kaymito sa bakuran ang pinipitas ng bata para ihandog kay Aling Tasya na mahilig kumain ng prutas. Mayroon ding saging, papaya at abokado.
Isang gabi, naalimpungatan si Rod na natutulog sa sala, sa hindi inaasahang pangyayari umuuga ang buong kabahayan, wala namang lindol. Gayon na lamang ang pagkahindik nito nang matanaw ang rumaragasang lahar, mabilis siyang umakyat upang gisingin ang tiyahin at si Aling Tasya na natutulog sa magkabilang silid.
Krakk! Krakk! Magigiba na ang bahay! Sinalpok ito ng lahar!
Sa oras na iyon sino ang kanyang unang pupuntahan? Nasa kanang silid ang tiyahin; nasa kaliwang bahagi ng bahay at silid ni Aling Tasya.
Krakkk!… gumigiray ang bahay! Sabay na naririnig ni Rod ang mga sigaw ng tiyahin at ni Aling Tasya. Kapagdaka’y tumakbo si Rod patungong silid. Kailangang may matulungan siya! Kailangang may mailigtas siya!
Kinaumagahan, maraming bahay ang nawasak, marami ang inanod ng lahar, sa ibabaw ng isang inaanod na bubong ng bahay ay naroon ang mga walang malay na sina Rod, at si Aling Tasya. Wala si Aling Magda!
Nang mahimasmasan, nalaman ni Rod na isa ang tiyahin sa mga inanod ng lahar. Hindi na niya ito napuntahan sa silid. Inuna niya si Aling Tasya at mabilis silang nakaakyat sa bubong bago tuluyang naanod ang bahay! Naisin man niyang tulungan ay tiyahin ay wala ng panahon.
Aral:
- Huwag maging masungit. Maging mabuting tao kahit na kanino.
- Kahit na sino ay maari mong maging kaibigan. Kahit ito pa ay mas matanda o mas bata sa iyo.
- Kung ano ang iyong itinanim ay siya mo ring aanihin. Kaya kung ikaw ay nagtanim ng kabutihan ay tiyak na babalik rin sa iyo ang kabutihang itinanim mo.