Ang Lugar sa Habang Panahon

Isang dapit hapon sa araw ng Biyernes, may isang lalake ang nakatayo sa tapat ng simbahan at tila malalim ang iniisip. Di anu-ano’y may isang babae ang bumunggo sa kanya, sa lakas ng pagkakabunggo ay napaupo silang dalawa sa sahig. Agad namang tumayo ang lalake at itinayo niya ang babae. Nang makatayo ang babae ay agad naman itong humingi ng tawad sa lalake. Ngunit walang reaksyon ang lalake kaya nagpakilala ang babae.

“Ako nga pala si Audrey. Ah… Alam mo kasi nagmamadali ako ngayon e. Pero may masakit ba sayo o kung ano man?”

“Ah… Wala naman,” sagot ng lalake ngunit wala pa ring reaksyon ang kanyang mukha.

“Sigurado ka? Pasensya na ha!? Di ko talaga sinasadya,” wika ni Audrey na halatang nag-aalala. Tumango lang ang lalake pero wala pa ring reaksyon ang mukha. Paalis na si Audrey ng maalala niya na di pa pala niya naitanong ang pangalan ng lalakae.

“Ah! Ano nga palang pangalan mo?” napakunot ang noo ng lalake.

“Ako nga pala si Terrence,” wika nito pero halata mo na nagtataka ito. Ngumiti si Audrey at tuluyan ng nagpaalam kay Terrence.

Araw ng lunes nagmamadali si Audrey pumasok sa eskwelahan. Nang makapasok na siya ay agad siyang pumunta sa silid aklatan. Nang makarating siya doon may nakita siyang pamilyar na tao. Nilapitan niya ito at tinitigan ng mabuti at naalala niya na si Terrence yon. Gusto niya sanang kausapin ngunit nabatid niya na marami itong ginagawa kaya di na lang niya ito inabala. Umupo si Audrey sa kalapit ng nagbabantay ng silid aklatan.

Maya-maya, napansin ni Audrey si Terrence na tila di ito magkandaugaga kung paano niya dadalhin ang napakaraming libro kaya na isip niya na tulungan ito. Nilapitan ni Audrey si Terrence,

“Tulungan na kita” wika nito ng nakangiti.

“Hindi na kaya ko naman ito, salamat na lang.” Pagtanggi ni Terrence sa alok ni Audrey.

Ngunit nagpumilit pa rin si Audrey kaya wala ng nagawa si Terrence, hinayaan na lang niya si Audrey. Simula noon lagi na sila magkasama sa loob ng eskwelahan, hanggang sa mahulog ang dalawa sa isa’t isa.

Sa di inaasahang pagkakataon nadulas si Audrey at na amin niya ang nararamdaman para kay Terrence, ngunit parang walang narinig si Terrence at agad na iniba ang kanilang pinag-uusapan.

Nagulat si Audrey sa ginawang iyon ni Terrence pero inisip na lang nya na mas maganda na iyon kesa sa iwasan siya nito. Kinabukasan, nagtataka si Audrey kung bakit miski anino ni Terrence ay wala, inisip niya nalang na baka may inasikaso na napaka-importante.

Isang linggo na ang nakalipas ngunit di pa rin pumapasok si Terrence.

Halos lahat ng mga guro nito ay hinahanap na siya gayon din ang mga taong nakakakilala dito. Mas lalong nag-alala si Audrey dahil halos tatlong linggo nang di pumapasok si Terrence kaya minabuti na nitong magtanong-tanong pero iisa lang ang sagot sa kanya, “Hindi ko alam”.

Hanggang isang estudyante ang lumapit sa kanya at sinabi kung saan nakatira si Terrence. Agad namang nagpasalamat si Audrey at pinuntahan ang lugar. Laking pagtataka ni Audrey ng walang sumasagot sa loob ng bahay nina Terrence. Mabuti na lang lumabas ang kapitbahay nina Terrence, “Ay wala pong tao dyan” pagbibigay alam nito kay Audrey.

“Ah… Ganon po ba!? Lung ganon po asaan po kaya ang mga tao dito?” Pagtatakang tanong ni Audrey.

“Eh, sino bang hanap mo?” Pagtatanong ng kapitbahay.

“Si Terrence po,” sagot ni Audrey.

“Ah! Terrence ba kamo!? Nasa ospital siya ngayon balita ko nga malala na ang lagay. Kawawa nga ang batang iyon ang bait pa naman,” pagsisiwalat ng kapitbahay.

Agad na umalis ai Audrey at pumunta sa ospital kung saan naroon si Terrence. Nang makarating si Audrey kung nasaan ang kwarto ni Terrence, tila nag-iiyakan ang mga tao doon. Nang buksan na ni Audrey ang pinto ay nagtaka siya ng walang pasyente ang nakahiga roon, puro mga tao lang na nag-iiyakan ang naroon.

Isang may edad na babae ang nagtanong sa kanya, “Ikaw ba si Audrey na kaibigan ng aking anak?”

SEE ALSO: Araw, Buwan, at Kuliglig

“Opo, ako nga po si Audrey.” Pagsang-ayon ni Audrey sa babae.

Agad siyang niyakap ng babae at nagwika, “Ako ang kanyang ina, kasalukuyan siyang nawawala at sa ngayon ay di namin mahanap. Tulungan mo kami, alalang- alala na kami sa kanya. Di na namin alam ang gagawin, may sakit pa naman siya.” Humahagulgol na sagot ng babae.

“Ano po bang sakit ni Terrence?” Pagtatanong ni Audrey na ngayon ay humahagulgol na din.

Umalis sa pagkakayakap ang babae, “Si Terrence ay may sakit sa puso. May butas ang puso niya, di namin namalayang lumalaki na ng lumalaki ang butas sa puso niya. Kailan lang namin nalaman at dapat bukas na siya ooperahan ngunit nawawala siya.” Mas lalong lumakas ang paghagulgol ng babae.

Natulala na lang si Audrey sa mga narinig niya. Sa ngayon ay tulala pa rin siya at di niya namalayang dinala siya ng mga paa niya sa tapat ng simbahan kung saan sila nagkita ni Terrence. Pumasok siya sa loob ng simbahan at laking gulat nito ng makita niyang nakaupo si Terrence malapit sa may altar.

Nilapitan niya ito at tinanong, “Ano ba sa tingin mo ang ginagawa mo!? Mahahalata mo sa boses ni Audrey ang labis na pag-aalala.

“Bakit ka umalis sa ospital? Terrence may sakit ka at kailangan mo ng ma-operahan” dagdag pa nito.

Ngunit laking pagtataka ni Audrey ng ngumiti lang sa kanya si Terrence at niyaya pa siya nitong umupo sa tabi niya.

“Alam mo Audrey sa simbahang ito una akong nanirahan. Iniwan ako dito ng tunay kong mga magulang, buti na lang dumating ang ina’t ama ko ngayon at kinupkop nila ako pero ni minsan di ko naramdaman na di nila ako tunay na anak,” wika ni Terrence habang nakatingin sa altar ng nakangiti.

“At isa pang dahilan kung bakit mas lalong naging mahalaga sa akin ang lugar na ito. Ay yung dito ko nakilala ang babaeng mamahalin ko at ikaw yon Audrey. Patawad kasi noong sinabi mo yung nararamdaman mo sakin nagbingibingihan ako, natatakot lang ako noon na baka masaktan ka lang. Ang gusto ko lang ay maging masaya ka pero nakikita kong nasasaktan kita,” dagdag ni Terrence.

Mas lalong tumulo ang luha ni Audrey. “Terrence ano ka ba!? Halika na bumalik na tayo sa ospita baka kase makasama pa sayo kung di pa tayo babalik doon,” akmang tatayo na si Audrey ng hawakan ni Terrence ang kamay niya.

“Ayaw ko ng bumalik doon, nakikiusap ako sayo Audrey,” pagmamakaawa ni Terrence.

Wala nang nagawa si Audrey kaya tumango na lang siya. Hinigpitan ni Terrence ang pagkakahawak niya sa kamay ni Audrey.

“Audrey ipangako mo na aalagaan mo ang sarili mo at tutuparin mo lahat ng pangarap mo. At syempre, huwag mong kakalimutang dalawin ako kapag natupad mo na lahat yan,” wika ni Terrence ng nakangiti.

“Ano bang…”

Di na natapos ang sasabihin ni Audrey ng biglang magsalita si Terrence.

“Dito ako nagsimula kaya gusto ko dito rin ako magtapos kasi lahat ng nandito ay mahalaga para sa akin. Kaya sa tuwing maaalala mo ako, dito ka lang pumunta o kaya kapag nalulungkot ka, nandito lang ako pangako. Huwag mong kakalimutan yan ha!? Ipangako mo,” wika ni Terrence at unti-unti niyang ipinatong ang ulo niya sa balikat ni Audrey.

Tumango naman si Audrey na umiiyak pa din. Naramdaman na lang ni Audrey na unti-unting lumuluwag ang pagkakahawak nito.

Lumipas ang maraming taon nakatapos ng pag-aaral si Audrey at ngayon ay nagtatrabaho na sa malaking kumpanya. Kasalukuyan siyang nasa tapat ng simbahan kung saan una silang nagkakilala. Pumasok siya sa loob ng simbahan at bigla na lang ngimiti ang mga labi niya at muli siyang naupo sa malapit sa altar kung saan sila nakaupo ni Terrence dati.

Nagdasal muna si Audrey ng taimtim sa Panginoon.

“Terrence ito na, natupad ko na yung pangako ko sayo. Ilang taon na din na hindi kita kasama sobrang na mi-miss na kita. Alam mo….” Nangingiyak nyang sabi ng putulin siya ng isang tawag mula sa kanyang likuran.

“Audrey”.

Laking gulat niya ng makita ang lalaki at agad niya itong niyakap.

“Terrence nagbalik ka, ang tagal mong nawala” nagagalak na wika ni Audrey.

“Sabi naman sayo nandito lang ako.” Wika ni Terrence habang yakap-yakap ng mahigpit si Audrey.

Bumitaw sa pagkakayakap si Terrence at sinabing,

“Salamat nga pala kase kung hindi dahil sayo wala sana ako dito, hindi sana ako na idala sa ibang bansa, na operahan, gumaling at sana hindi ko na makikita ang magada mong ngiti. Dahil pinaalam mo kung nasaan ako noong araw na yon.”

Ngumiti si Audrey kay Terrence. Nagulat siya ng biglang lumuhod si Terrence,

“Will you marry me?” Tanong ni Terrence.

“Oo,” sagot ni Audrey na naiiyak na naman at niyakap si Terrence.

Sa mismong simbahan na iyon ikinasal sina Terrence at Audrey.

AUTHOR: Ms. Necang

Aral:

  • May tamang panahon ang lahat ng bagay, at may tamang panahon din para sa pag-ibig. Matiyagang maghintay para dito. Sa ngayon, mag-aral kang mabuti at trabahuhin mo ang iyong pangarap upang kapag dumating ang tamang tao na pag-aalayan mo ng iyong pag-ibig ay nakahanda na ang lahat.
Loading...