Kaibigan, sila yung mga taong itinuturing nating kapatid o kung minsan ay higit pa sa kapatid. Kasa-kasama natin sa saya at sa kalungkutan. Sila rin ang madalas nating kasangga kung may problema tayong pinagdadaanan. Sa kaibigan rin tayo nakakakuha ng mabilis na tulong sa oras ng pangangailangan.
Ang ating mga kaibigan ang madalas nating pinagsasabihan ng mga sekretong hindi natin masabi sa ating mga kapamilya.
Halos lahat ng tao sa mundo ay may kaibigan o mga kaibigan na maituturing. Kaya naman kinalap namin at pinagsama-sama ang ilang mga halimbawa ng maikling kwento tungkol sa kaibigan o pagkakaibigan na maaaring magbigay ng inspirasyon sa ating lahat para mas lalo pa nating pahalagahan ang ating mga kaibigan.
Ang mga kwentong ito ay gawa-gawa lamang o kwentong piksyon mula sa malawak na imahinasyon ng mga manunulat ngunit sigurado na magbigay sa atin ng maraming aral.
“Ang kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon, at sa oras ng kagipita’y kapatid na tumutulong.” — Mga Kawikaan 17:17 Magandang Balita Biblia
SEE ALSO: Mga Tula Tungkol sa Kaibigan
Mga Halimbawa ng Maikling Kwento Tungkol sa Kaibigan
- Ang Kaibigan ba o ang Tiya
- Ang Dakilang Kaibigan
- Ang Bata at ang Aso
- Ang Matalik kong Kaibigan
- Ang Matalinong Pintor
- Kaibigan Daw
- Modelong Bata
- Ang Matalik na Magkaibigan
- Bagong Kaibigan
Ang Kaibigan ba o ang Tiya
Labintatlong taong gulang lamang si Rod nang mamatay ang mga magulang sa isang car accident. Solong anak lamang siya, kinupkop ng tiyahin na si Aling Magda, na nakatatandang kapatid ng kanyang ama. Matandang dalaga ito, limaput-dalawang taong gulang na at ubod ng sungit. May tindahan si Aling Magda sa silong ng bahay. Mayroon siyang katulong, si Aling Tasya, limampung taong gulang na, biyuda at walang anak. Tatlong taon na itong naninilbihan sa kanya at nakasanayan na ang kayang kasungitan. Masipag na katulong si Aling Tasya, mabait at makapagkakatiwalaan.
Mula nang maulila sa mga magulang si Rod ay kay Aling Magda na ito nanirahan. Tumutulong si Rod sa mga gawaing bahay, nagwawalis sa maluwang na bakuran, nagsisiga ng mga tuyong dahon, nagpapakain ng mga manok, at nagbibitbit ng mga pinamili ng tiyahin tuwing araw ng sabado at linggo. Natutuwa si Aling Tasya sa kasipagan ni Rod kaya lagi niya itong ipinaghahanda ng miryenda. Sa simula’y medyo nahihiya si Rod ngunit nang lumaon ay nakasanayan na nito ang mga miryenda na sadya ni Aling Tasya para sa kanya. Kalaunan ay nakikipagbiruan na ang bata kay Aling Tasya na itinuring niyang kaibigan.
Walang panahong makipag-usap si Aling Magda kay Rod dahil lagi itong abala sa pag-aasikaso ng tindahan, mula umaga hanggang gabi. Tatlo lang sila sa loob ng bahay ngunit hindi sila nagsasabay kumain. Kadalasan ay sa loob ng tindahan mismo kumakain si Aling Magda kaya sina Aling Tasya at Rod lamang ang laging nagkakasabay sa hapag-kainan.
Nang taong iyon ay hindi muna pinag-aral si Rod ng tiyahin kaya naging katu-katulong muna ang bata sa tindahan at sa ibang gawaing bahay.
Bagama’t masipag si Rod ay hindi nito nadama ang pagmamahal ng tiyahin. Lagi nalang nakabulyaw kung mag-utos sa kanya ang tiyahin. Walong buwan na siyang naninilbihan dito ngunit ni minsan ay hindi man lamang siya naabutan ng pera. Sira na at may tagpi ang kanyang mga shorts, luma na rin ang kanyang mga damit na iilan lamang at lagi pang napipigtal ang kanyang tsinelas na goma. Nahihiya naman siyang magsabi sa tiyahin dahil lagi na lamang itong nakasimangot, hindi yata marunong ngumiti.
Tanging si Aling Tasya lamang ang nakikita niyang ngumingiti sa kanya, nakikipagbiruan pa. Nang minsang utusan ni Aling Magda si Aling Tasya na mamili ng paninda sa bayan ay ipinasama siya upang makatulong sa pagbibitbit. Gayon na lamang ang gulat ng bata nang bilhan siya ni Aling Tasya ng 3 shorts, 2 kamiseta at bagong tsinelas.
“Ho? Para ho ba sa akin ‘yan?” tanong ng bata.
“Ay, oo iho, para sa iyo talaga ito. Luma na kasi ang mga damit mo eh. Huwag ka nang mahiya, bigay ko ‘yan sa iyo.”
“Naku, salamat po Aling Tasya, maraming salamat po.”
Tuwang-tuwang tinanggap ng bata ang mga ibinigay ng katulong. “Mabuti pa si Aling Tasya, samantalang ang tiyang…” Napabuntong-hininga na lang ang bata.
Nagalit si Aling Magda kay Rod nang makitang may mga bago itong damit, akala kasi ay naghingi ito kay Aling Tasya. Ngunit nang mapagpaliwanagan ng katulong ay hindi na kumibo si Aling Magda.
Minsan ay nagkaroon ng mataas na lagnat si Rod, alumpihit ito kaya labis na nabahala si Aling Tasya.
“Sus, lagnat lang ‘yan! Painumin mo ng gamot.”
Ang walang pagkabahalang sinabi ni Aling Magda at pumasok na ito sa tindahan, ni hindi man lamang nilapitan ang pamangking may sakit.
Magdamag na binantayan ni Aling Tasya si Rod, pinupunasan ang mga pawis sa noo at likod. Tila ina siyang nag-aaruga sa anak.
Kinabukasan, mabuti-buti na ang pakiramdam ni Rod. Nilagang itlog at mainit na lugaw ang inihanda ni Aling Tasya.
Lumipas ang mga araw, lalong napamahal si Rod kay Aling Tasya. Maraming hinog na bayabas at kaymito sa bakuran ang pinipitas ng bata para ihandog kay Aling Tasya na mahilig kumain ng prutas. Mayroon ding saging, papaya at abokado.
Isang gabi, naalimpungatan si Rod na natutulog sa sala, sa hindi inaasahang pangyayari umuuga ang buong kabahayan, wala namang lindol. Gayon na lamang ang pagkahindik nito nang matanaw ang rumaragasang lahar, mabilis siyang umakyat upang gisingin ang tiyahin at si Aling Tasya na natutulog sa magkabilang silid.
Krakk! Krakk! Magigiba na ang bahay! Sinalpok ito ng lahar!
Sa oras na iyon sino ang kanyang unang pupuntahan? Nasa kanang silid ang tiyahin; nasa kaliwang bahagi ng bahay at silid ni Aling Tasya.
Krakkk!… gumigiray ang bahay! Sabay na naririnig ni Rod ang mga sigaw ng tiyahin at ni Aling Tasya. Kapagdaka’y tumakbo si Rod patungong silid. Kailangang may matulungan siya! Kailangang may mailigtas siya!
Kinaumagahan, maraming bahay ang nawasak, marami ang inanod ng lahar, sa ibabaw ng isang inaanod na bubong ng bahay ay naroon ang mga walang malay na sina Rod, at si Aling Tasya. Wala si Aling Magda!
Nang mahimasmasan, nalaman ni Rod na isa ang tiyahin sa mga inanod ng lahar. Hindi na niya ito napuntahan sa silid. Inuna niya si Aling Tasya at mabilis silang nakaakyat sa bubong bago tuluyang naanod ang bahay! Naisin man niyang tulungan ay tiyahin ay wala ng panahon.
Aral:
- Huwag maging masungit. Maging mabuting tao kahit na kanino.
- Kahit na sino ay maari mong maging kaibigan. Kahit ito pa ay mas matanda o mas bata sa iyo.
- Kung ano ang iyong itinanim ay siya mo ring aanihin. Kaya kung ikaw ay nagtanim ng kabutihan ay tiyak na babalik rin sa iyo ang kabutihang itinanim mo.
Ang Dakilang Kaibigan
Dalawang magkakaibigang sundalo ang nagkahiwalay nang sabihin ng kanilang kapitan na uurong sila sa laban. Sila ay sina Arman at Mando. Napakarami ng kaaway at wala silang kalaban-laban. Maaari silang mapatay na lahat kung hindi uurong.
Pagdating sa kanilang kampo, natuklasan ni Arman na wala si Mando. Nag-alala siya para sa kaibigan. May usapan pa naman sila na walang iwanan. Lumapit siya sa kanilang kapitan para magpaalam.
“Babalikan ko po si Mando, Kapitan. Baka nasa pook pa siya ng labanan.”
“Hindi maaari,” sabi ng kapitan. “Ayokong ipakipagsapalaran ang buhay mo sa isang taong maaaring patay na.”
Alam ni Arman na mapanganib ang magbalik sa lugar ng labanan kaya ayaw siyang payagan. Nang gumabi ay tumakas siya sa kanilang kampo. Gusto niyang balikan ang kanyang kaibigan. Hindi siya matatahimik hangga’t hindi niya ito nakikita. Kung namantay ito sa labanan. Makita man lang niya ang bangkay at mapanatag na siya.
Nang magbalik si Arman sa kabilang kampo ay sugatan siya. Marami siyang sinuong na panganib. Galit na sinalubong siya ng kapitan.
“Sabi ko na sa iyo na patay na ang kaibigan mo. Ngayon, malamang na mamatay ka na rin dahil sa mga sugat mo. Ano ang halaga ng ginawa mo, sabihin mo nga?” galit na tanong ng kapitan.
“Kapitan, buhay pa ang aking kaibigan nang abutan ko siya. Bago siya nalagutan ng hininga sa aking kandungan, naibulong pa niya sa akin, utol, alam kong babalikan mo ako.”
Parang napahiya ang kapitan. Hindi na siya nakipagtalo pa, agad niyang ipinagamot si Arman sa mga kasamahan nila. Naglakad-lakad siya sa paligid ng kampo nang gabing iyon. Hindi siya makatulog. Naiisip niya ang kanyang kaibigan sa kanyang pangkat. Tulad ng kaibigan ni Arman, hindi rin ito nakabalik sa kampo nang sila’y umurong. At hindi niya ito binalikan para hanapin.
Aral:
- Ang tunay na kaibigan ay hindi nang-iiwan.
- Matutong sumunod sa nakatatanda o nakatataas sa iyo upang maiwasang mapahamak.
Ang Bata at ang Aso
Si Boyet ay may alagang aso. Ang tawag niya dito ay Tagpi. Puting-puti ang makapal na balahibo ni Tagpi. Sa bandang likod ay mayroon itong isang malaking tagpi na kulay itim. Iyon ang dahilan kung bakit tagpi ang itinawag ni Boyet sa kanyang aso. Mahal na mahal niya si Tagpi. Palagi niya itong pinaliliguan. Binibigyan niya ito ng maraming masasarap na pagkain at tubig. Madalas din niya itong ipinapasyal.
“Habol, Tagpi!” sigaw niya habang nakikipag unahan siya sa pagtakbo sa alaga.
Isang araw ay may naligaw na aso sa lugar nina Boyet. Kasing laki ni tagpi ang aso pero kulay tsokolate ito. Manipis ang balahibo ng tsokolateng aso kaya hindi ito magandang tingnan. Marami pang putik sa katawan kaya mukha rin itong mabaho. Hindi ito katulad ni Tagpi na ubod ng linis dahil araw-araw niyang pinaliliguan.
Nakita ng tsokolateng aso si Tagpi. Lumapit ito sa bakod nila at tinahulan ang kanyang alaga. Gagalaw-galaw pa ang buntot ni Tagpi na parang tuwang-tuwa.
Hindi nagustuhan ni Boyet na makikipaglaro si Tagpi sa marungis na aso. Binugaw niya ang aso pero ayaw nitong umalis.
“Tsuu,tsuu!” bugaw niya rito.
Ayaw umalis ng aso, panay ang tahol nito kay Tagpi. Nainis si Boyet. Kumuha siya ng mahabang patpat at hinampas niya ang aso. Nabuwal ito at nag-iiyak.
Hahampasin sana muli ni Boyet ang kulay tsokolateng aso para tuluyan nang umalis pero dumating ang kanyang tatay, agad siyang inawat nito.
“Huwag mong saktan ang aso, Boyet” sabi ng kanyang ama.
“Ang baho po kasi, Itay! Baka mamaya ay mahawa pa sa kanya si Tagpi,” katwiran niya.
“Paano kung si Tagpi ang mapunta sa ibang lugar at saktan din siya ng mga bata doon. Magugustuhan mo ba iyon?” tanong ng ama.
Hindi nakasagot si Boyet. Napahiya siya.
Tinulungan nilang makatayo ang aso. Pinabayaan na niya itong makipaglaro kay Tagpi.
Aral:
- Maging mabait sa mga hayop.
- Huwag gawin sa ibang hayop ang ayaw mong gawin nila sa alaga mo.
Ang Matalik kong Kaibigan
Tulad ng nakagawian kong gawin, pagkarating ko sa bahay mula sa paaralan, hinanap ko ang pahayagan. Ipinatong ko ang pagod kong mga paa sa bangkito at inumpisahan kong basahin ang kolum ni George Nava True tungkol sa kalusugan at mga sakit sa katawan.
Sunod kong tinunghayan ang Entertainment at pagkatapos nito, sinulyapan ko ang mga pangalan ng mga namatay sa obituary.
Laking gulat ko na lang nang makita ko ang pangalan ng aking matalik na kaibigan. Bigla akong tumayo na nanikip ang dibdib.
Sinabi ko kay Nanay na namatay si Richard at pupuntahan ko agad sa St. Peter’s Chapel kung saan siya nakaburol.
Sa St. Peter’s, sinabi sa information na sa huling silid sa kaliwa naroon ang aking kaibigan.
Sa pagpasok ko pa lamang sa silid ay nakita ko na agad ang iba naming kabarkada. Puro sila malungkot at halos maiyak-iyak.
Di ko mapigil ang aking luha habang minamasdan ko ang mukha ni Richard sa loob ng kabaong. May mga tapal ang kanyang pisngi at noo. Lumapit sa akin ang kapatid niyang si Kristine.
“Nabundol ng trak ang kotseng sinasakyan niya.”
“Saan nangyari ito?” ang tanong ko.
“Sa may Magallanes Village, sa Expressway, noong Sabado. Wala ngang nakakita kung anong plate number ng truck. Hit and run ang nangyari.”
“Nanghina ako nang mabasa ko sa pahayagan ngayong hapon. Nagmadali nga akong pumarito,” ang wika ko.
Isang mabait at masayang kaibigan si Richard. Marami siyang kaibigan, mahirap at mayaman. Buhat pa ng maliliit kami ay magkaibigan na at madalas magkasama, nagbabasketball, namamasyal, nagsisimba, at iba pang gawain ng mga bata.
Bakit kaya siya binawian agad ng buhay? Labimpitong taon pa lamang siya. Marami pa sana siyang magagawa at matutulungan. Nasabi ko tuloy sa sarili na hindi nga pala nakatitiyak ang sinuman kung kailan darating ang kamatayan. Maaaring sa araw ding ito, o sa madaling panahon.
Kailangang maging handa sa lahat ng oras. Kailangan ang paghingi lagi ng awa at kailinga sa Diyos, at ang pagiging mabait.
Aral:
- Hindi mo hawak ang iyong buhay kaya maging handa ka sa lahat ng oras.
- Maging mabuti kanino man.
- Laging humingi ng kapatawaran sa lahat ng mga kasalanan mong nagawa at ugaliing manalangin na patnubayan ka ng Panginoon sa lahat mong pupuntahan at gagawin.
Ang Matalinong Pintor
Masama ang loob ni Zandrey habang minamasdan niya ang kahabaan ng bakuran nila. Bitbit niya sa kanang kamay ang isang lata ng pinturang puti at sa kaliwang kamay ang brotsang gagamitin sa pagpipintura.
Nag-aalmusal pa siya nang sabihin sa kanya ng nanay niya na, “huwag kang aalis, Zandrey, dahil may ipagagawa ako sa iyo.”
“Ano po iyon, inay?” tanong ni Zandrey na nag-uumpisa nang mag-alala. Kasunduan nilang mga magkababata na maglalaro ng basketbol sa parke ngayong umaga.
“Pangit na ang pintura ng ating bakod. Kupas at marumi pa. Nakabili na ako ng pinturang puti at brotsa at maaari mo nang masimulan pagkakain mo.”
Hindi maaring hindi susunod sa utos. Mabait ito kung sa mabait, ngunit ang mga utos niya ay parang utos ng reyna na di mababali.
Habang minamasdan ni Zandrey ang bakuran, lalo namang nagsisiksikan sa pag-iisip niya ang tiyak na nasa laruan nang mga kababata, malamang ay inip na inip na sa pag-aantay sa kanya, o di kaya’y naglalaro na at hindi na siya hinintay.
Isinawsaw niya ang brotsa sa lata ng pintura at dahan-dahang idinampi sa isang sulok ng mahabang bakuran.
“Sa lahat ng trabaho, ito talaga ang nakakapundi,” wika niya sa sarili. “Binabalak pa naman namin ni James na ilampaso ngayon sina Henry.”
Nang walang kagana-ganang isasawsaw na uli ang brotsa sa lata ng pintura, natanaw niyang dumarating ang kapwa bata ring si Vince.
“Hoy, Zandrey!” Di siya lumingon at kunwari ay walang narinig. Binilisan niya ang paghahaplos ng pintura sa bakod.
“Ano ang ginagawa mo, Zandrey?”
Wala pa rin siyang narinig. Humakbang siya sa likod at sinipat ang napinturahan na.
“Kawawa ka naman, Zandrey. Nagpipintura ka.”
“Oy, nandiyan ka pala, Vince. Di kita napansin.”
Isinawsaw na uli ni Zandrey sa lata ang brotsa at ganadong-ganadong itinuloy ang pagpipintura. Maya’t-maya’y sinisipat ang napintahan na. Sisipol-sipol siya at tila tuwang-tuwa sa ginagawa. Si
Vince ay nakatungangang nagmamasid.
“Papinta rin nga,” maya-maya’y pakiusap, nito. “Titikman ko lang magpintura.”
“Ay, huwag! Baka hindi mo kaya. At saka, magagalit ang nanay ko. Kailangang maayos ang pintura nito.”
“Sige na, patikim lang. Aayusin ko. O, ibibigay ko sa iyo ang trumpo ko, pagpintahin mo lang ako.”
“O, sige na nga.” Naupo si Zandrey sa isang tabi at hinayaang magpintura ang kababata. Habang pinapanood niya si Vince, nabuo sa isipan niya ang isang balak para mapadali ang trabaho niya at makaipon pa siya ng mga regalo.
Nang umalis na ang napagod nang si Vince, sumunod namang naisahan ni Zandrey si Armel. Binigyan siya nito ng yoyo kapalit ng pagpipintura sa bakod. Sumunod naman dito si Erick, saka si Ethan, si Alexander, si Richard.
Nang matapos ang araw, malaking kayamanan ang inisa-isang bilangin ng matalinong si Zandrey – may yoyo, trumpo, tatlong malalaking sigay, kandadong walang susi, larawan ni Batman at Robin, komiks na Superman, mahabang tali ng borador, plastic na baril-barilan, singsing na tanso….
Pinagmasdan niya ang bakod na pininturahan. May makapal, may manipis, may paayon, pasalungat, may kulang-kulang na pintura. Ngunit sa paningin ni Zandrey, ang bakod ay napakaganda, dahil ni-kaunti man ay di siya napagod at nakakamal pa siya ng maraming yaman.
May mga aral pa sa buhay na kanyang natutuhan. Ano kaya ang mga iyon?
Aral:
- Huwag manlamang sa kapwa.
- Gawin ng buong husay at galak ang trabahong pinagagawa ng magulang upang matapos ito ng maayos.
Kaibigan Daw
Isang hapon, naglalakad ang dalawang binatang magkaibigan sa gubat. Masaya nilang pinag-uusapan ang mga karanasan nila nang bigla na lamang nilang narinig ang kaluskos sa may gawing likuran. Nang lingunin nila ay natanaw nilang dumarating ang napakalaking oso. Mabilis na umakyat sa katabing puno ang isa sa binata. Hindi niya naala-alang pagsabihan man lang ang kasama sa laki ng takot sa mangyayari sa sarili.
Naiwan ang kasama na di na makakibo dahil sa aabutan na ng oso. Naisipan na lamang niyang dumapa sa kinatatatayuan niya at magkunwaring patay. Alam niyang hindi inaano ng oso ang mga taong patay.
Lumapit nga ang oso, inamoy-amoy ang taong pigil na pigil naman ang paghinga. Pagkaraan ng ilang sandali, iniwan na siya ng oso at lumayo na ito.
Bumaba sa puno ang unang lalaki.
“Ano ang ibinulong sa iyo ng oso?” ang pabiro niyang tanong sa kasama.
“Sabi niya sa akin,” sagot ng binatang dumapa, “hindi raw maaasahan ang isang kaibigang iiwan sa iyo sa gitna ng kagipitan. Hindi raw ganoon ang tunay na kaibigan.”
Naghiwalay ang dalawa, ang isa’y nahihiya, at ang isa’y nagdaramdam.
Aral:
- Ang tunay na kaibigan, bukod sa hindi nang-iiwan, dapat din ay maasahan at hindi ka ilalagay sa sitwasyong iyong ikapapahamak.
- Maraming magsasabi na sila ay totoong kaibigan, ngunit ang taong daramay lamang sa iyo sa panahon ng kagipitan ang matatawag na tunay na kaibigan sa kanilang lahat.
- “Ang kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon, at sa oras ng kagipita’y kapatid na tumutulong.” (Mga Kawikaan 17:17)
Modelong Bata
Isang hapon nang papauwi si Danilo galing sa paaralan, siya’y hinarang ng limang batang lalaki. Ang mga ito ay naghahanap ng basag-ulo.
Pinatigil si Danilo sa paglakad at pinagsalitaan ng isa, “Kung talaga kang matapang ay lumaban ka. Pumili ka ng isa sa amin na kasinlaki mo,” ang hamon.
Malumanay na sumagot si Danilo, “Ayaw ko ng away. Bakit ako lalaban sa inyo? Hindi naman tayo nagkagalit!”
“Umiiwas ang Boy Scout sa away.”
“Lumaban ka!” at dinuraan ang mukha ni Danilo. Ang lumait na bata ay maliit kaysa kay Danilo. Siya’y mayabang at nagmamagaling. Muling hinamon si Danilo, “Ikaw ay isang duwag!”
“Kaibigan ako ng sinuman. Ang sabi ng titser ay dapat akong magpaumanhin sa umaaglahi sa akin!”
“Totoong maraming dahilan! Lumaban ka kung lalaban. Isa kang duwag!” at sinipa si Danilo.
Nakiusap si Danilo, “Ako’y aalis na. Hinihintay ako ng aking ina. Ayaw niyang ako’y gabihin sa pag-uwi!”
Lumakad nang paunti-unti si Danilo. Siya’y sinundan ng mga batang mapanudyo. Sila’y nakarating sa puno ng tulay.
Sa ilalim ng tulay ay may narinig silang pagibik, “Sag… gi… pin… ninyo ako! Tulong!” Isang bata ang nalulunod!
Walang kumilos sa mga batang nagmamatapang. Mabilis na lumusong si Danilo sa pampang ng ilog. Ibinaba niya ang mga aklat at naghubad na dali-dali. Lumukso at nilangoy ang batang sisingab-singab.
Nang mga unang sandali’y nahirapan si Danilo sa pagkawit at pagsakbibi sa bata ng kanyang kaliwang kamay. Ikinaway niya ang kanan sa paglangoy. Ang dalawa’y dinala ng mabilis na agos. Malayo sila sa pampang subalit sa katagala’y nakaahon.
Ang mga batang iba ay nakapanood lamang. Nakita ng pinakalider ng gang na ang bata palang sinagip ni Danilo ay kanyang kapatid. Siya’y nagpasalamat kay Danilo at humingi ng tawad, “Maraming salamat sa iyo. Patawarin mo ako sa aking ginawa kanina. Ngayon ko nabatid na ang katapangan ay hindi nasusukat sa salita kundi sa gawa at tibay ng loob!”
Aral:
- Ang pambu-bully ay hindi magandang pag-uugali. Iwasan ito sapagkat wala itong mabuting maidudulot sa iyo lalo na sa taong binu-bully.
- Hindi nasusukat ang katapangan sa salita kundi sa gawa.
- Ang kayabangan ay maaring maghatid sa iyo sa kapahamakan kaya ito ay iwasan.
- Maging palakaibigan sa lahat ng pagkakataon. Mas mainam ang nag-iipon ng kaibigan kaysa kaaway.
Ang Matalik na Magkaibigan
Magkasabay na lumaki sina Efren at Gardo. Mula sa buhay mahirap ay kinaya nila ang lupit ng kapalaran. Hindi sila nakapagtapos ng elementarya. Grade 2 lang si Efren at Grade 4 lang ang natapos ni Gardo. Naging magkasama sila sa hanapbuhay, ang pagiging construction worker. Isang araw ay magkasama silang nag miminindal sa pondahan ni Lucy. Nagkaroon sila ng pagtingin sa dalaga ngunit hadlang ang kanilang kahirapan sa buhay.
“Lucy kung mapapangasawa kita, ibibigay ko lahat ng gusto mo” wika ni Efren.
“Naku! Di niyo ako kayang pakainin, e magkano lang ang kinikita niyo sa pagiging labor sa constuction.”
“Ako naman Lucy kahit maliit lang ang sweldo ko magiging masaya tayo basta magkasama lagi sa hirap at ginhawa,” wika naman ni Gardo.
“Tama na nga kayo, kung sino na lang ang magugustuhan ko sa inyo kalaunan, ay maswerte. O lista kuna nakuha niyo ha?”
“Sige Lucy salamat sa uulitin.” Biro ng dalawang binata.
Nag-usap ang dalawa kinagabihan matapos ang trabaho.
“Pare, balang araw di na ako maghihirap. Yuyuko ang lahat ng tao sa akin, magiging ganap akong kilala sa lugar natin para may ipamukha ako kay Lucy,” wika ni Efren.
“Ako naman e kung di niya ako gusto okey lang ang mahalaga yung mahal ako, balang araw titingalain din ako ng mga tao,” wika ni Gardo.
“May trabaho ang pinsan ko, sumama ka sa akin mamaya kung gusto mo malaki ang kikitahin natin doon sa alok niya. Tiba-tiba tayo.”
“Baka kung ano yan Efren, okey na sa akin ang trabaho ko marangal.”
“Bahala ka, patuloy tayong magdidildil sa tuyo kung mananatili tayo dito,” wika ni Efren.
“Ano bang trabaho yun?” tanong ni Gardo.
“Dun na lang natin aalamin.”
“Pare ikaw na lang, marami pa akong gagawin bukas ibig sabihin di ka papasok?” Tanong ni Gardo.
“Di na Pare, dun na ako magtratrabaho at sisiguraduhin ko sa sa mga taong lumalait sa trabaho natin na yuyuko sila sa akin at hihingi ng paumanhin.”
“Bahala ka Pare basta ako magsisikap, balang araw titingalain naman ako nila. Hehehe!” biro ni Gardo.
“Ha ha ha! ikaw talaga tara at matulog na tayo.”
Lumipas ang isang linggo habang nagpipintura si Gardo ay sinigawan siya ng isang kaibigan.
“Gardo! Alam mo na ba ang nangyari kay Efren!”
“Ha! Bakit ano nangyari!”
“Mamaya pumunta tayo sa kanila!”
Patay na si Efren, nabaril habang nag-hoholdap ng banko sa bayan. Natupad ang kaniyang pangarap. Ang mga tao ay isa-isang yumuyukod sa kaniyang harap sa loob ng isang kahon na may salaming bubog.
Tinitingala naman ng tao si Gardo sa pagiging isang pintor ng mga mural sa malalaking gusali na kaniyang natutunan sa masikap na pagtiya-tiyaga at kumikita ng sapat para sa kanilang mga anak ni Lucy.
Aral:
- Abutin ang mga pangarap sa mabuting paraan.
- Hindi hadlang ang kahirapan upang maabot ang pangarap. Magsumikap at magsipag dahil ilan lamang ang mga katangiang ito upang magkaroon ng maginhawang buhay sa hinaharap.
- Huwag gumawa ng masama para sa panandaliang kaginhawaan. Mas mabuti na ang mahirap na malinis ang budhi kaysa yumaman nga ngunit sa masamang paraan naman nakuha ang kayamanan.
- Ang tunay na kaibigan ay sumasaway sa maling gawi at hindi kinukunsinte ang kasama.
Bagong Kaibigan
Isinulat ni Bernard Umali
May napulot akong papel. Nakasulat doon na may matatagpuan daw akong isang kaibigan. Kinakailangan ko raw sumakay para matagpuan ito. Umuwi ako agad sa amin dahil baka naroon na ang kaibigang tinutukoy sa papel.
Sumakay ako sa likod ng kabayo pero wala doon ang bagong kaibigan. Binuksan ko ang binatana at nakita ko ang aming hardin. Maraming halaman at insekto doon. Masaya silang naglalaro pero hindi ko sila maintindihan. Lumabas ako sa likod-bahay at nagpunta sa dagat. Sumakay ako ng bangka upang hanapin ang aking kaibigan pero walang ibang tao sa dagat. Ah alam ko na. Sumisid ako sa ilalim ng dagat, sumakay ako sa likod ng dolphin at doon nakita ko ang iba’t-ibang hayop at halaman, pero hindi ako mabubuhay doon. Kaya bumalik na lamang ako sa amin.
Gabi na ng makauwi ako. Mula sa aking silid ay may natanaw ako na maliwanag sa langit. Mayroong isang bituin na ubod ng laki. Ahah! Pupuntahan ko ang bituin. Kumapit ako sa lobo at pinuntahan ko ito. Pero walang tao roon. Mula sa itaas ay tanaw na tanaw ko ang daigdig na bilog at nagliliwanag. Ang ganda ng kulay. Para itong bolang umiilaw. May kulay bughaw, luntian at kulay lupa. Naisip kong bumalik na, mula sa itaas ay nagpalundag-lundag ako sa mga ulap, ang sarap! Parang mga bulak! Nagpadulas ako sa bahaghari! Subalit wala pa rin akong kalaro kaya gumamit ako ng isang malaking payong at ginawa kong parachute. Napunta ako sa kagubatan. Doon ay nagpupulong ang mga hayop. Hindi ko sila maintindihan kaya bumalik na ako sa amin sakay-sakay ng isang elepante. Maya-maya ay kinalabit na ako ni inay.
“Gising na anak, may pasok ka ngayon”
“Nay, nanaginip ako na may makikilala akong bagong kaibigan!”
“Oo, meron nga, doon sa inyong paaralan kaya gumising ka na at darating na angschool bus.“
Aral:
- Wala sa panaginip ang mga bagong kaibigan. Kaylangan mong magising sa katotohanan upang sila ay matagpuan. Ugaliin ang ngumiti at huwag mahiyang makipag-kaibigan.
Umaasa kami na nagustuhan ninyo ang mga halimbawa ng maikling kwento tungkol sa kaibigan na nakapaloob sa pahinang ito. Kung alam ninyo kung sino ang orihinal na may-akda ng mga kwento na nabanggit sa itaas, please contact us para ma-update namin at ma-credit ng tama ang mga kwento.
Maraming Salamat po sa pagbabasa! 🙂