Pabula Halimbawa: 10 Pinaka Popular na mga Pabula sa Pilipinas

Ang pabula ay isang uri ng panitikan na ang pangunahing tauhan ay mga hayop o mga bagay na nagsasalita. Ito’y mga kwento na kathang isip lamang ngunit nag-iiwan ng aral sa mga mambabasa.

Halina’t ating balikan ang ilan sa mga pinaka-kilalang kwentong pabula sa Pilipinas. Ang mga Pabula halimbawa na iyong mababasa sa ibaba ay siguradong mag-iiwan ng mga aral na maari mong magamit sa pang araw-araw na buhay.

SEE ALSO: Pabula: 30+ Mga Halimbawa ng Pabula na may Aral

10 Pinaka Popular na mga Pabula sa Pilipinas

Narito ang ilan sa pinaka popular na halimbawa ng pabula na may aral:

Si Langgam at si Tipaklong

Maganda ang panahon. Mainit ang sikat ng araw. Maaga pa lamang ay gising na si Langgam. Nagluto siya at kumain. Pagkatapos, lumakad na siya. Gaya nang dati, naghanap siya ng pagkain. Isang butil ng bigas ang nakita niya. Pinasan niya ito at dinala sa kanyang bahay. Nakita siya ni Tipaklong.

“Magandang umaga, kaibigang Langgam”, bati ni Tipaklong. “Kaybigat ng iyong dala. Bakit ba wala ka nang ginawa kundi maghanap at mag-ipon ng pagkain?”

“Oo nga. Nag-iipon ako ng pagkain habang maganda ang panahon”, sagot ni Langgam.

“Tumulad ka sa akin, kaibigang Langgam”, wika ni Tipaklong. “Habang maganda ang panahon tayo ay magsaya. Halika! Tayo ay lumukso, tayo ay kumanta.”

“Ikaw na lang, kaibigang Tipaklong”, sagot ni Langgam. “Gaya nang sinabi ko sa iyo, habang maganda ang panahon, ako ay maghahanap ng pagkain. Ito’y aking iipunin para ako ay may makain pagsumama ang panahon.”

Lumipas pa ang maraming araw. Dumating ang tag-ulan. Ulan sa umaga, ulan sa hapon at sa gabi ay umuulan pa rin. At dumating ang panahong kumidlat, kumukulog at lumalakas ang hangin kasabay ang pagbuhos ng malakas na ulan.

Ginaw na ginaw at gutom na gutom ang kawawang Tipaklong. Naalaala nilang puntahan ang kaibigang si Langgam.

Paglipas ng bagyo, pinilit ni Tipaklong na marating ang bahay ni Langgam. Bahagya na siyang makalukso. Wala na ang dating sigla ng masayahing si Tipaklong.

Tok! Tok! Tok! Bumukas ang pinto.

“Aba! Ang aking kaibigan”, wika ni Langgam. “Tuloy ka. Halika at maupo.”

Binigyan ni Langgam ng tuyong damit si Tipaklong. Saka mabilis na naghanda siya ng pagkain.

Ilan pang sandali at magkasalong kumain ng mainit na pagkain ang magkaibigan.

“Salamat, kaibigang Langgam”, wika ni Tipaklong. “Ngayon ako naniwala sa iyo. Kailangan nga pa lang mag-ipon habang maganda ang panahon at nang may makain pagdating ng taggutom.”

Mula noon, nagbago si Tipaklong. Pagdating ng tag-init at habang maganda ang panahon ay kasama na siya ng kanyang kaibigang si Langgam. Natuto siyang gumawa at natuto siyang mag-impok.

Aral sa kwentong “Si Langgam at si Tipaklong”

  • Ugaliing mag-impok upang kapag may pangangailangang dumating ay may madudukot.
  • Hindi masama ang magsaya paminsan-minsan. Ngunit palaging pakatandaan na hindi sa lahat ng pagkakataon ay kailangan mo itong gawin. Magbanat ka ng buto at paghandaan ang hinaharap.
  • Maging masipag. Huwag tatamad-tamad. Mas mabuti sa tao ang nagtatatrabaho kaysa tumambay at maging pasanin sa iba.

Si Kuneho at si Pagong

Isang araw ay nagkasalubong sa daan ang Kuneho at ang Pagong.

Ngingisi-ngising inaglahi ng Kuneho ang Pagong.

“Hoy, Pagong,” sigaw ng Kuneho, “pagkaikli-ikli ng mga paa mo at pagkabagal-bagal mong lumakad.”

Hindi ipinahalata ng Pagong na siya ay nagdamdam. Upang patunayang may maipagmamalaki din naman ay sinagot niya ang mayabang na kalaban.

“Aba, Kuneho, maaaring mabagal nga akong maglakad pero nakasisiguro akong matatalo kita sa palakasan. Baka gusto mong pabilisan tayong makaakyat sa tuktok ng bundok pagsikat ng araw bukas. Tinatanggap mo ba ang hamon ko?”

Tuwang-tuwa ang Kuneho sa hamon ng Pagong. Nakasisiguro siyang sa bagal ng Pagong ay tiyak na mananalo siya. Upang mapahiya ang Pagong ay pinagtatawag ng Kuneho ang lahat ng kamag-anak niya.

Pinulong niya ang mga ito at inutusang palakpakan siya kapag matagumpay na naakyat na niya ang tuktok ng bundok. Iniutos din niyang kantiyawan sa mabagal na pag-usad ang kalaban.

Maagang-maaga dumating sa paanan ng bundok ang maglalaban.

Maaga ring dumating ang iba’t ibang hayop na tuwang-tuwang makasasaksi ng isang tunggalian.

Kapansin-pansing kung maraming kamag-anak si Pagong ay higit na maraming kamag-anak ni Kuneho ang nagsulputan.

Nang sumisikat na ang araw ay pinaghanda na ng Alamid ang maglalaban. Ang mabilis na pagbababa ng kaniyang kanang kamay ang hudyat na simula na ang laban.

Sabay na gumalaw paakyat ng bundok ang magkalaban. Mabilis na tumalun-talon ang mayabang na Kuneho paitaas na parang hangin sa bilis. Nang marating na niya ang kalahatian ng bundok at lumingon paibaba ay natanawan niya ang umiisud-isod na kalaban.

Maraming naawa sa mabagal na Pagong.

“Kaya mo yan! Kaya mo yan!” pagpapalakas ng loob na sigaw ng kaniyang tatay, nanay, kuya, ate, at mga pinsan.

“Talo na yan! Talo na yan! Pagkabagal-bagal!” sigaw na panunudyo ng mga kamag-anak ni Kuneho.

Kahit kinukutya ay sumige pa rin si Pagong. Buong loob siyang nagpatuloy sa pag-isod.

Malayung-malayo na ang naakyat ni Kuneho. Nagpahinga ito ilang sandali upang tanawin ang anino ng kalaban. Nang walang makitang anumang umuusad ay ngingisi-ngising sumandal ito sa isang puno at umidlip.

Kahit na sabihing napakabagal umusad ay pinagsikapan ng Pagong na ibigay ang lahat ng lakas upang unti-unting makapanhik sa bundok.

Nang matanawang himbing na himbing sa pagtulog ang katunggali ay lalong nagsikap umisud-isod pataas ang pawisang Pagong.

Palabas na ang araw nang magising si Kuneho. Nanlaki ang mga mata nito nang matanawang isang dipa na lamang ang layo ng Pagong sa tuktok ng bundok.

Litong nagtatalon paitaas ang Kuneho upang unahan si Pagong. Huli na ang lahat sapagkat narating na ng masikap na Pagong ang tuktok ng tagumpay.

Aral sa kwentong “Si Kuneho at si Pagong”

  • Walang imposible sa taong nagsusumikap.
  • Huwag maging mayabang. Tandaan, ang taong nagmamataas ay lalong bumababa at ang taong nagpapakababa ay siyang tinataas.
  • Huwag magpaka-kampante sa isang labanan o tunggalian. Huwag mong hamakin ang kakayahan ng iyong kalaban.

Si Pagong at si Matsing

Sina Pagong at Matsing ay matalik na magkaibigan. Mabait at matulungin si Pagong, subalit si Matsing ay tuso at palabiro. Isang araw sila ay binigyan ni Aling Muning ng isang supot ng pansit. “Halika Matsing, kainin natin ang pansit”, nag-aayang sabi ni Pagong.

“Naku baka panis na yan” sabi ni Matsing.

“Ang mabuti pa, hayaan mo muna akong kumain n’yan para masiguro natin na walang lason ang pagkain,” dagdag pa nito.

“Hindi naman amoy panis Matsing at saka hindi naman magbibigay ng panis na pagkain si Aling Muning,” sabi ni Pagong.

“Kahit na, ako muna ang kakain,” pagmamatigas ni Matsing.

Walang nagawa ang kawawang Pagong kundi pagbigyan ang makulit na kaibigan. Naubos ni Matsing ang pansit at walang natira para kay Pagong.

“Pasensya ka na kaibigan, napasarap ang kain ko ng pansit kaya wala ng natira. Sa susunod ka na lang kumain,” paliwanag ng tusong matsing.

Dahil sa likas na mabait at pasensyoso si Pagong, hindi na siya nakipagtalo sa kaibigan.

Sa kanilang paglilibot sa kagubatan, nakakita si Pagong ng isang puno ng saging.

“Matsing! Matsing! tignan mo ang puno ng saging na ito. Maganda ang pagkakatubo. Gusto ko itong itanim sa aking bakuran para pag nagkabunga ay makakain natin ito,” masayang sabi ni Pagong.

“Gusto ko rin ng saging na ‘yan Pagong, ibigay mo na lang sa akin,” sabi ni Matsing.

“Pasensya ka na, gusto ko rin kasi nito. Kung gusto mo hatiin na lang natin.”

“Hahatiin? O sige pero sa akin ang itaas na bahagi. Ung parte na may mga dahon ha?” nakangising sabi ni Matsing.

“Ha? sa akin ang ibabang bahagi?” tanong ni Pagong.

“Oo, wala akong panahon para magpatubo pa ng dahon ng saging kaya sa akin na lang ang itaas na parte,” sabi ni Matsing.

Umuwing malungkot si Pagong dala ang kalahating bahagi ng saging na may ugat. Samantalang si Matsing ay masayang umuwi dala ang madahon na bahagi ng puno.

Inalagaan ni Pagong ang kanyang halaman. Araw-araw dinidiligan niya ito at nilalagyan ng pataba ang lupa. Ganoon din ang ginawa ni Matsing. Subalit makalipas ang isang linggo, nalanta ang tanim na saging ni Matsing.

Si Pagong naman ay natuwa nang makita ang umuusbong na dahon sa puno ng saging. Lalo nitong inalaagaan ang tanim hanggang sa mamunga ito nang hitik na hitik.

Nainggit si Matsing nang makita ang bunga ng saging sa halaman ni Pagong.

“Aba, nagkabunga ang tanim mo. Paano nangyari iyon? Ang aking tanim ay nalanta at natuyo,” sabi ni Matsing.

“Inalagaan ko kasi ito ng mabuti. Sabi ni Mang Islaw Kalabaw, malaki ang pag-asang tutubo ang bahagi ng halaman na pinutol kung ito ay may ugat,” paliwanag ni Pagong.

“Hmp! Kaya pala nalanta ang aking tanim,” nanggigil na sambit ni Matsing.

“Mukhang hinog na ang mga bunga nito. Halika, kunin natin,” anyaya nito.

“Gusto ko sana kaya lang masyadong mataas ang mga bunga. Hindi ko kayang akyatin,” sabi ni Pagong.

“Kung gusto mo, ako na lang ang aakyat, ibibigay ko sa iyo ang lahat ng mga bunga. Basta’t bigyan mo lang ako ng konti para sa aking miryenda,” sabi ni Matsing.

Pumayag si Pagong sa alok ni Matsing. Subalit nang makarating na si Matsing sa taas ng puno. Kinain niya lahat ng bunga ng puno. Wala itong itinira para kay Pagong.

“Akin na lahat ito Pagong. Gutom na gutom na ako. Kulang pa ito para sa akin. Hahaha!” tuwang-tuwang sabi ni Matsing.

Nanatili sa itaas ng puno si Matsing at nakatulog sa sobrang kabusugan.

Galit na galit si Pagong sa ginawa ni Matsing. Habang natutulog ito, naglagay siya ng mga tinik sa ilalim ng puno. Nang magising si Matsing ay nakita niya ang mga tinik kaya’t humingi ito ng tulong kay Pagong.

“Pagong, tulungan mo ako! Alisin mo ang mga tinik na ito. Malapit ng dumilim at mukhang uulan ng malakas,” pagmamakaawa ni Matsing.

“Ayoko! Napakasalbahe mo. Lagi mo na lang akong iniisahan! Aalis muna ako. Mukhang malakas ang ulan. Sa bahay ni Aling Muning muna ako habang umuulan.” Sabi ni Pagong sabay alis papunta sa bahay ni Aling Muning.

Makalipas ang ilang sandali, nagsimulang bumuhos ang malakas na ulan. Walang nagawa si Matsing kundi bumaba sa puno ng saging.

“Arrrraayyy! Aaaarayy! natutusok ako sa mga tinik Arrrrrrrrruuyyyyyy!!!!” daing ng tusong matsing.

“Humanda ka bukas Pagong. Gaganti ako sa ginawa mo sa akin,” bulong nito sa sarili.

Kinabukasan, kahit mahapdi pa rin ang mga sugat ni Matsing ay hinanap niya si Pagong. Nakita niya itong naglalakad sa may kakahuyan.

“Hoy Pagong humanda ka ngayon!” galit na sabi ni Matsing sabay huli sa pagong.

“Anong gagawin mo sa akin?” takot na tanong ni Pagong

“Tatadtarin kita ng pinong pino,” sabi ni Matsing.

Nag-isip ng paraan si Pagong para maisahan ang tusong matsing.

“Oo sige tadtarin mo ako ng pinong-pino at pagputul-putullin nang sa gayon ako ay dadami at susugurin ka namin ng mga parte ng katawan kong pinutol mo hahaha,” sabi ni Pagong.

Nag-isip ng malalin si Matsing.

“Haha, susunugin na lang kita hanggang sa maging abo ka,” sabi ni Matsing.

“Hindi ka ba nag-iisip Matsing? Hindi kami tinatablan ng apoy! Nakikita mo ba ang makapal at matibay kong bahay? Kahit ang pinakamatinding apoy ay walang panama dito,” pagyayabang ni Pagong.

Nag-isip na naman ng malalim si Matsing. Hanggang sa maisipan niyang pumunta sa dalampasigan.

“Tignan natin kung saan ang tapang mo. Itatapon kita dito sa dalampasigan hanggang sa malunod ka! Hahaha!” sabi ni Matsing

Lihim na natuwa si Pagong. Nagpanggap itong takot sa dalampasigan.

“Naku huwag mo akong itatapon sa dalampasigan. Takot ako sa tubig at hindi ako marunong lumangoy. Parang awa mo na…” pagmamakaawa ni Pagong.

Tuwang-tuwa si Matsing sa pag-aakalang magagantihan na niya si Pagong. Todo lakas niya itong itinapon sa dalampasigan. Nagulat ito nang makitang marunong lumangoy si Pagong. Ang bilis-bilis ng pagkilos ni Pagong sa tubig. Kung mabagal ito sa lupa ay parang ang gaan ng katawan nito sa tubig.

“Hahaha. Naisahan din kita Matsing. Hindi mo ba alam na gustong-gusto ko ang lumagoy sa dalampasigan at magbabad sa tubig? Salamat kaibigan!!!” natutuwang sabi ni Pagong.

Malungkot na umuwi si Matsing. Naisip niya na napakasakit pala na maisahan ng isang kaibigan. Naramdaman niya kung paano masaktan kapag naloloko ng isang kaibigan.

Mula noon nagbago na si Matsing. Hindi na sila muling nagkita ni Pagong.

Aral sa kwentong “Si Pagong at si Matsing”

  • Hindi porke’t mukhang mahina ang isang tao ay maari mo na itong isahan. Darating ang araw na ang masamang ginawa mo sa iba ay pagbabayaran mo rin.
  • Huwag maging tuso.
  • Iwasan ang pagiging madamot.
  • Ang pagkakaibigan ay higit na mahalaga kaysa ibang bagay. Kaya pahalagahan sila dahil mahirap makahanap ng isang tunay na kaibigan.

Ang Daga at ang Leon

Isang daga ang nakatuwaang maglaro sa ibabaw ng isang natutulog na leon. Kanyang inaakyat ang likuran ng leon at pagdating sa itaas ay nagpapadausdos siya paibaba.

Sa katuwaan ay di niya napansin na nagising ang leon. Dinakma ng leon ang daga at hinawakan sa buntot na wari bagang balak siyang isubo at kainin. Natakot at nagmakaawa ang daga.

“Ipagpaumanhin mo kaibigan. Hindi ko sinasadyang gambalain ka sa pagtulog mo. Wala akong masamang hangarin. Nakatuwaan ko lang na maglaro sa iyong likuran. Huwag mo akong kainin,” ang sabi ng daga.

Nabakas ng leon sa mukha ng daga ang tunay na pagmamakaawa.

“Sige, pakakawalan kita pero sa susunod ay huwag mong gambalain ang pagtulog ko,” sabi ng leon.

“Salamat kaibigan. Balang araw ay makagaganti rin ako sa kabutihan mo,” sagot ng daga.

Lumipas ang maraming araw at minsan sa pamamasyal ng daga sa kagubatan ay kanyang napansin ang isang lambat na nakabitin sa puno. Lumapit siya upang mag-usisa at agad niyang nakilala ang leon na nahuli sa loob ng lambat na ginawang bitag ng nangagaso sa kagubatan.

Dali-daling inakyat ng daga ang puno at nginatngat ang lubid na nakatali sa lambat. Agad namang naputol ang lubid at bumagsak ang lambat kasama ang leon sa loob. Mabilis na bumaba ang daga at tinulungan ang leon na nakawala sa lambat.

“Utang ko sa iyo ang aking buhay,” laking pasasalamat na sabi ng leon sa kaibigang daga.

Aral sa kwentong “Ang Daga at ang Leon”

  • Ang paghingi ng paumanhin ay hindi nakakapag-pababa sa dangal ng isang tao.
  • Huwag maliitin ang kakayahan ng iba. Maliit man ang iyong kapwa ay may kakayahan pa rin itong makatulong sa paraang hindi madalas inaasahan ng iba.

Si Paruparo at si Langgam

Takang-taka si Paruparo habang minamasdan niya si Langgam na pabalik-balik sa paghahakot ng pagkain sa kanyang lungga sa ilalim ng puno.

“Ano ba iyang ginagawa mo, kaibigang Langgam? Mukhang pagod na pagod ka ay di ka man lang magpahinga?” tanong ni Paruparo. “Bakit di ka magsaya na tulad ko?”

“Naku, mahirap na,” aniya. “Malapit na ang tag-ulan. Iba na ang may naipon na pagkain bago dumating ang tag-ulan.”

“Kalokohan iyan. Tingnan mo ako. Hindi natitigatig,” pagmamalaki ni Paruparo.

“Bakit nga ba?” Nagtataka si Langgam.

“Ganito iyon, e. Nakikita mo ba ang kaibigan ko sa damuhan?” inginuso niya ang nasa di kalayuan.

“Sino?’ tanong ni Langgam.

“Si Tipaklong, kaibigan ko iyan, Alam mo, matapang ang kaibigan ko. Nabibigyan niya ako ng proteksyon. Baka akala mo, dahil sa kanya walang sigwang darating sa akin,” pagyayabang ni Paruparo.

“A, ganoon ba?” sabi ni Langgam.

“Utak lang, utol. O, di pakanta-kanta lang ako ngayon dito. Ikaw lang e,” sabi ni Paruparo.

“Wala akong inaasahan kundi ang aking sarili. Kaya kayod dito, kayod doon,” mababa subalit madiin ang tinig ni Langgam. “O, sige, ipagpapatuloy ko muna ang aking gawain.”

Pagkatapos ng usapang iyon nagkahiwalay ang dalawa.

Ang mga sumusunod na araw ay maulan. Hindi lamang mahabang tag-ulan. May kasama pang bagyo at baha. Mahirap lumabas at kung makalabas man wala ring matagpuang pagkain.

Lalong umapaw ang tubig. Walang madaanan ang tubig dahil malalim din ang mga ilog at dagat. Tumagal ang baha. Palubha nang palubha ang kalagayan dahil malakas pa rin ang pagbuhos ng ulan.

Ano kaya ang nangyari kay Langgam? Naroon siya sa guwang ng puno. Namamahinga. Sagana siya sa pagkain. Naisipan ni Langgam ang dumungaw upang alamin ang kalagayan ng paligid. Aba, ano ba ang kanyang nakita?

Nakita niya si Paruparo at Tipaklong na nakalutang sa tubig. Patay ang dalawa. Mayamaya’y dalawang mabilis na ibon ang mabilis na dumagit sa kanila.

Napaurong sa takot si Langgam sa kanyang nakita. Subalit nasabi pa rin niya sa kanyang sarili: “Kung sino ang may tiyaga, siya ang magtatamong pala.”

Aral sa kwentong “Si Paruparo at si Langgam”

  • Wag gugulin sa paglilibang lamang ang magandang panahon. Isipin ang bukas na darating at paghandaan ang mga maaring mangyari.
  • Matutong mag-impok upang sa oras ng kagipitan ay may madudukot.

Ang Kabayo at ang Kalabaw

Isang magsasaka ang nais manirahan sa ibang bayan kaya isang araw ay inipon niya ang kanyang mga gamit at inilulan sa kanyang alagang kabayo at kalabaw. Maaga pa ay sinimulan na nila ang mahabang paglalakbay. Makaraan ang ilang oras ay nakaramdam ng matinding pagod at pang-hihina ang kalabaw dahil sa bigat ng kanyang pasang gamit.

“Kaibigang kabayo, di hamak na mas mabigat ang pasan kong gamit keysa sa iyo. Maaari bang tulungan mo ako at pasanin mo yung iba?” pakiusap ng kalabaw.

“Aba, yan ang ipinataw sa iyong balikat ng ating amo kaya pagtiisan mo,” anang kabayo na lalo pang binilisan ang paglalakad.

“Parang awa mo na tulungan mo ako. Di ko na kakayanin ang bigat ng dala ko. Nanghihina ako. Alam mo namang kailangan kong magpalamig sa ilog kapag ganito katindi ang init ng araw dahil madaling mag-init ang katawan ko,” pakiusap pa rin ng kalabaw.

“Bahala ka sa buhay mo,” naiinis na sagot ng kabayo.

Makaraan pa ang isang oras at lalong tumindi ang init ng araw. Hindi nagtagal at ang kalabaw ay iginupo ng bigat ng kanyang dala at siya’y pumanaw. Nang makita ng magsasaka ang nagyari ay kinuha niya ang lahat ng gamit na pasan ng kalabaw at inilipat sa kabayo na bahagya namang makalakad dahil sa naging napakabigat ng kanyang mga dalahin.

“Kung tinulungan ko sana si kasamang kalabaw ay hindi naging ganito kabigat ang pasan ko ngayon,” may pagsisising bulong ng kabayo sakanyang sarili.

Aral sa kwentong “Ang Kabayo at ang Kalabaw”

  • Maging matulungin sa kapwa.
  • Kung may kakayahan kang tumulong ay huwag mong ipagdamot ito sa iba. Malaking pasanin ang gagaan kung tayo ay magtutulungan.
  • Huwag maging makasarili.

Ang Aso at ang Uwak

May isang ibong uwak na nakakita ng karne na nakabilad sa araw.

Tinangay niya ito at lumipad nang malayo.

Sa dulo ng sanga ng isang puno ay sinimulan niyang kainin ang karne.

Ngunit narinig niya ang malakas na boses ng isang aso na nagsabing, “sa lahat ng ibon, ang uwak ang pinaka-magaling. Walang kakumpara!”

Natuwa ang uwak at binukas ang bibig para humalakhak. Ang nangyari ay nalaglag ang karne mula sa kanyang bibig. Nahulog ito sa lupa kung saan kaagad sinunggaban ng aso.

Walang nagawa si uwak kundi tingnan ang pagkain ng aso sa nahulog nyang karne.

Mula noon hindi na muling nagpalinlang si Uwak kay Aso.

Aral sa kwentong “Ang Aso at ang Uwak”

  • Hindi lahat ng papuri ay totoo. Maaring ginagamit lamang ito ng iba para maisahan ka.

Ang Lobo at ang Kambing

Isang lobo ang nahulog sa balon na walang tubig. Sinikap niyang tumalon upang maka-ahong palabas ngunit lubhang malalim ang balon na kanyang kinahulugan.

Noo’y dumating ang isang uhaw na uhaw na kambing. Lumapit ito sa balon at narining ang tinig ng lobo.

“Marami bang tubig sa loob ng balon?” tanong nito sa lobo. “Oo, napakarami!” ang pagsisinungaling na sagot naman ng lobo.

Hindi na nagdalawang-isip pa ang kambing. Agad itong tumalon sa balon. At nalaman ngang siya’y niloko lamang ng lobo.

“Ngayo’y pareho na tayong bilanggo ng balon na ito,” ang sabi ng lobo. “Mamamatay tayo sa uhaw at gutom dito,” ang sabi ng kambing.

“Kung gusto mong makaalis dito, magtulungan tayo. Mayroon akong naisip na paraan kung papaano nating gagawin iyon.”

“Papaano?”

Noon ipinatong ng lobo ang mga paa sa katawan ng kambing. “Ako muna ang lalabas. At kapag nakalabas na ako, saka kita hahatakin palabas,” pangako nito. “Sige,” ang sabi naman ng kambing.

Nakalabas nga ng balon ang lobo sa tulong ng kambing. Ngunit noong pagkakataon na ng kambing para tulungan nito’y agad iyong tumawa ng malakas. Pagkuwa’y sinabing, “Walang lobong manloloko kung walang kambing na magpapaloko.”

At malungkot na naiwanan ang kambing sa malalim na balon.

Aral sa kwentong “Ang Lobo at ang Kambing”

  • Maging matalino sa mga desisyong gagawin mo at huwag basta-basta maniniwala sa ibang tao lalo na kung hindi mo pa siya lubusang kakilala.

Sino ang Magtatali ng Kuliling?

May isang malaking Pusa na lagi nang aali-aligid upang makahuli ng Daga. Marami-rami na rin itong nabibiktima. Aabangan niyang lumabas ang Daga at saka ito sasakmalin at gugutay-gutayin.

Sa sobrang takot ng mga Daga ay nagpulung-pulong sila. Pinag-usapan nila kung paano nila maiiwasan ang mapanganib na Pusa.

Naging sobra sa ingay ang mga Daga habang nagpupulong. Ang ingay ay nauwi sa katahimikan nang wala isa mang makaisip ng paraan kung paano maiiwasan ang Pusa. Sa pagkakataong iyon, nagpakitang gilas ang mayabang na Daga. Tumindig ito at mayabang na nagsalita.

“May suhestiyon ako upang maiwasan nating lahat ang Pusa.”

Umaatikabong bulungan ang naganap.

“Tumahimik kayo!” utos ng mayabang na Daga. “Maiiwasan lang natin ang ating kaaway kung tatalian natin ito ng kuliling sa leeg. Kung may kukuliling, alam nating ang Pusa ay papalapit sa atin.”

“Oo nga. Kung maririnig natin ang kalansing ay makalalayo tayo sa kinatatakutan natin,” natutuwang sabat ng Dagang Lalawigan.

Kunwaring nakayuko ang mayabang na Daga.

“Pe… pero… sino ang magtatali ng kuliling?” tanong ng Matandang Daga.

“Hindi ako!” gumagaralgal ang boses na sabi ng Dagang Lungsod. “Tiyak na sasakmalin ako ng Pusa.”

“Lalo namang hindi ako,” nanginginig ang tuhod na sabi ng Dagang Bukid. “Palapit pa lamang ako ay nangangalmot na ang nasabing Pusa. Tiyak na papatayin ako noon kapag nilapitan ko!”

Sa katanungang sino ang magkukulyar sa Pusa ay walang sinumang nangahas na sumagot at gumawa. Lahat ay nabingi sa tawag ng kabayanihan. Pati na ang mayabang na Daga ay wala ring narinig na anuman.

Aral sa kwentong “Sino ang Magtatali ng Kuliling?”

  • Balewala ang isang magandang mungkahi kung wala namang may gustong gumawa o tumulong sa paggawa para makamit iyon.
  • Ang tao ay hindi nasusukat sa kahit ano pang ganda ng mga salitang sinabi nya kundi sa kanyang mga gawa.

Ang Gorilya at ang Alitaptap

Isang gabi, naglalakad si Iput-Iput, (ang alitaptap) patungo sa bahay ng kanyang kaibigan. Nang mapadaan siya sa tapat ng bahay ni Amomongo (ang gorilya), tinanong siya nito. “Hoy, Iput-Iput, bakit lagi kang may dala-dalang ilaw?” Sumagot si Iput-Iput, “Dahil natatakot ako sa mga lamok.”

“Ah, duwag ka pala”, ang pang-uuyam ng gorilya.

“Hindi ako duwag!” ang nagagalit na sagot ng alitaptap.

“Kung hindi ka duwag, e bakit lagi kang may dala-dalang ilaw?” ang pang-aasar ni Amomongo.

“Nagdadala ako ng ilaw para kapag nilapitan ako ng mga lamok at kakagatin ay makikita ko sila kaagad at nang sa gayo’y maipagtanggol ko ang aking sarili”, ang tugon ni Iput-Iput.

Tumawa nang malakas si Amomongo. Kinabukasan, maaga itong gumising at ipinamalita sa lahat ng kapitbahay na kaya daw laging may dalang ilaw si Iput-Iput ay dahil duwag ito. Kaagad na kumalat sa buong bayan ang balita.

Nang mabalitaan ito ng alitaptap, nagalit siya. Dali-dali siyang lumipad patungo sa bahay ni Amomongo. Gabi noon at natutulog na ang gorilya, ngunit itinapat niya ang kanyang ilaw sa mukha nito hanggang sa ito ay magising.

“Hoy, gorilya, bakit ipinamamalita mong duwag ako? Upang mapatunayan ko sa’yong hindi ako duwag, hinahamon kita sa isang labanan. Magkita tayo sa sa plasa sa susunod na Linggo ng hapon.”

Pupunga-pungas na nagtanong ang gorilya.

“Mayroon ka bang mga kasama?”

“Wala!” ang sigaw ni Iput-Iput. “Pupunta akong mag-isa.”

Nangiti si Amomongo sa tinuran ni Iput-Iput. Dili’t isang maliit na insekto ang humahamon sa kanya ng away. Nagpatuloy ang alitaptap.

“Hihintayin kita sa plasa sa susunod na Linggo sa ganap na ikaanim ng hapon!”

“Magsama ka ng mga kakampi mo dahil magsasama ako ng libu-libong gorilya na mas malalaki pa sa akin.”

Sinabi ito ni Amomongo upang takutin ang alitaptap, na sa pakiwari niya ay nasisiraan ng ulo.

Ngunit sumagot si Iput-Iput, “Hindi ko kailangan ng kakampi. Darating akong mag-isa! Paalam!”

Pagkaalis ng alitaptap, tinipon ng gorilya ang kanyang mga kasamahan at ipinaalam sa mga ito ang nakatakdang pagtutuos. Inutusan niya ang mga ito na kumuha ng tig-isang pamalo na may habang tatlong dangkal at pumunta sa plasa nang ika-anim ng gabi sa susunod na Linggo. Ikinabigla ito ng kanyang mga kasamahan, ngunit nasanay na silang sundin ang kanilang pinuno kaya ipinangako nilang pupunta sila sa itinakdang oras at lugar.

Dumating ang araw ng Linggo. Bago pa mag-ikaanim ng hapon ay nagtipon na ang mga dambuhalang gorilya sa plasa ngunit nadatnan na nila ang alitaptap na naghihintay sa kanila. Maya- maya, tumunog ang kampana ng simbahan bilang hudyat ng oras ng orasyon o pagdarasal. Iminungkahi ng alitaptap sa mga gorilya na magdasal muna sila. Pagkatapos magdasal, agad sinabi ni Iput-Iput na nakahanda na siya. Inutusan ni Amomongo ang kanyang mga kasama na humanay. Pumuwesto siya sa una bilang pagpapakilalang siya ang pinuno ng mga ito.

Dagling lumipad si Iput-Iput sa ilong ng gorilya at inilawan niya ito. Hinampas ng kasunod na gorilya si Iput-Iput ngunit kaagad itong nakaalis kaya ang tinamaan ng gorilya ay ang ilong ni Amomongo na halos ikamatay nito. Dumapo si Iput-Iput sa ilong ng pangalawang gorilya. Hinampas ng pangatlong gorilya si Iput-Iput ngunit kaagad itong nakalipad, kaya ang nahampas niya ay ang ilong ng pangalawa na ikinamatay nito. Muli, inilawan ni Iput-Iput ang ilong ng pangatlong gorilya. Hinampas ng ikaapat na gorilya si Iput-Iput na kaagad na kalipad. Muli, namatay ang pangatlong gorilya dahil sa lakas ng pagkakahampas ng ikaapat na unggoy sa ilong nito. Nagpatuloy ang ganitong pangyayari hanggang si Amomongo na lamang ang natirang buhay na gorilya na halos hindi makagulapay dahil sa tinamong sakit. Nagmakaawa ito kay Iput-Iput na patawarin na siya, at huwag patayin. Pinatawad naman siya ni Iput-Iput, ngunit simula ng hapong iyon, nagkaroon na ng malaking takot ang mga gorilya sa mga alitaptap.

Aral sa kwentong “Ang Gorilya at ang Alitaptap”

  • Huwag mong husgahan ang iyong kapwa base sa kanyang laki o liit ng pangangatawan. Kadalasan kasi ay may mas nagagawa ang mga maliliit na hindi kayang gawin ng malalaki.
  • Iwasan ang pagpapakalat ng maling balita upang siraan ang kapwa.

At yan ang ilan sa mga halimbawa ng pabula na may aral. Nawa’y nakatulong sa iyo ang araling ito. Mangyaring ibahagi ito sa iyong mga kamag-aral at kaibigan upang sila rin ay makakuha ng kaalaman tungkol sa mga pabulang ito.

Huwag mo ring kalimutang i-share ang araling ito sa iyong mga social media platform! Pindutin lamang ang share button na makikita sa iyong screen.

112 Shares
Share via
Copy link