Mga Sanaysay Tungkol sa Kaibigan (8 Sanaysay)

Marahil ay isa ka sa mga taong may itinuturing na kaibigan. Iyan man ay marami at halos di mabilang, o kahit pa nag-iisa lamang, ang importante ay mayroon tayong kaibigan na nakakasama natin sa lungkot, sa saya o sa problema man. Masarap magkaroon ng tunay na kaibigan. Kaya naman hangad namin na itong mga halimbawa ng sanaysay tungkol sa kaibigan na inyong mababasa sa ibaba ay magsilbing inspirasyon o kaya ay magpatibay pa lalo ng inyong pagkakaibigan. Makababasa kayo rito ng mga halimbawa ng pormal at di-pormal na uri ng sanaysay.

Umaasa kami na makakatulong sa inyo ang mga koleksyong ito.

SEE ALSO: Mga Talumpati Tungkol sa Kaibigan

Mga Halimbawa ng Sanaysay Tungkol sa Kaibigan


Kaibigan, Tunay Ka Nga Ba?

Akda ni chastevision galing sa Wattpad

No man is an island, iyan ay ika nga ng karamihan. Ang tao ay ‘di raw kayang mabuhay nang mag-isa o walang kaibigan. Ngunit, ano nga ba ang kaibigan? Ito ba ay nakakain o gamit na laging nahahawakan? O baka, ito ay isa lamang salitang walang magandang kahulugan?Inyong alamin kung tunay at anong uri kang kaibigan.

Ang kaibigan, para sa akin, ay maaaring bagay o hayop. Pero ayon sa iba, ito ay kadalasang tao. Ang kabigan ay isang taong mapagkakatiwalaan, matapat, maaasahan o masasandalan sa oras ng pangangailangan.

Alam niyo bang may iba’t ibang klase ng kaibigan? Eto ang ilan sa halimbawa: ikaw ba ang uri ng kaibigan na binansagan nang NBS o National Bookstore? Naging supplier ka na dahil sa dami ng iyong mga dalang gamit sa araw-araw. Sa iyo na nga ang papel, pati ballpen, sa iyo na rin galing. Masyado ka namang mabait kung ganito ka. ‘di ka man lang nagrereklamo kahit na nagagalit ang magulang mo sa mabilis na pagkaubos ng isang pad ng iyong papel. Eh, ikaw naman ba ang uri ng kaibigan na ang pagkain mo ay pagkain na rin ng lahat? Nakatatawa mang isipin ngunit dahil dito, nauso ang salitang ‘buraot.’ Pero nakaiinis din namang isipin na sa iyo na nga iyong pagkain, iyong kalat o basura ng pinagkainan ay ibabalik pa sa iyo. Nakahihiya naman, ‘di ba?

Hephep! ‘di pa ako dyan matatapos. Mayroon pa akong mga babanggitin.

Ikaw naman ba ang klase ng kaibigan na sa sobrang sipag gumawa ng assignments, nagkakaroon ng kumpulan sa iyong upuan pagkapasok mo pa lamang? Mayroon din namang uri ng kaibigan na kung makagamit at makahiram ng pag-aari ng iba ay inaakalang sa kanya na ito. Kung ito ma’y ibabalik na, maaaring may sira o ubos na ang laman. Sa gallery ng cellphone, mukha mo na ang kadalasang makikita. Iyong tipong gumawa ka na ng album ng selfie mo sa cellphone ng kaibigan o kaklase mo at siya na rin ang ginawa mong taga-upload nito.

May uri din ng kaibigan na puro panlalait lang alam at akala mo naman ay napakaperpekto. Mayroon din namang pangangantyaw o pambu-bully ang ginagawa. May mga mayayabang din na makaasta ay parang hari o reyna ng daan. Iyong tipo mong ipagyabang ang lahat ng bagay na mayroon ka o bigay sa iyo ngunit ‘di mo naman pinaghirapan. O, ikaw, ikaw naman ba iyong kaibigan na ang hilig ay magyaya sa yosi o inuman? O ‘di kaya naman ang laging sinasabi mo ay “Tara, gala tayo.” Sa sobrang bait at matulungin mo ding kaibigan, ang kaklase mo’y pinapakopya mo rin sa exam.

Pero, bakit kaya may mga taong kilala ka lang kapag may kailangan? Lumalapit at kinakaibigan ka lang para sa sariling kasiyahan at kapakanan. Mayroon din namang pagkatalikod mo, sinasaksak ka na pala o sinisiraan. Eh, alam mo naman ba kung ano ang tunay na kaibigan?

Ang tunay na kaibigay ay isang taong mamahalin ka nang walang pag-aalinlangan. Anumang distasya sa pagitan ninyo, alam mong lagi siyang handang umalalay. Ang tunay na ding kaibigan ay ‘di kinukunsinti ang kopyahan sapagkat alam niyang ‘di ka niya natutulungan. Bagkus, tinuturuan ka lamang niya ng katamaran at kadayaan. Kung kaya’t hinahayaan ka niyang matuto at tutulungan ka lang kung talagang kailangan. Siya ay inspirasyon mo sa paggawa ng tama. Hindi rin niya tinitingnan ang yaman o estado mo sa buhay, iyong tipong kinakaibigan ka lamang dahil sa pera. Hindi niya rin ipinagsasabi ang mga sikreto mo o sinisiraan ka kapag nagkatampuhan kayo. Iisipin niya ang iyong nararamdaman at ‘di ka niya hahayaang masaktan. At higit sa lahat, hinding-hindi nang-iiwan. Kapag ‘di ka lang nahagip ng kanyang mga mata, agad-agad siyang maghahanap at mag-aaalala. magkasama kayo sa saya,lungkot at agos ng panahon sa ating buhay.

Sa panahon ngayon, ‘di ko lang alam kung mayroon pa nga ba tayong matatawag na tunay na kaibigan. Basta ang alam ko lang, sasaya ang aking buhay kung isa ka sa kaibigan kong tunay.


Pagkakaibigan

Akda ni reez

Ang pagkakaibigan na marahil ang isa sa mga bagay na mahirap ipagpalit sa materyal na bagay. Karaniwang pinaghihirapan ang makakuha at magkamit ng isang mabuting kaibigan. Kung hindi naman maaalagaan ang isang kaibigan ay nawawala na lamang na parang bula. Ang pag-iingat ng isa sa iyong mga pinakamahalagang kayamanan sa buhay ay maihahalintulad sa pag-aalaga ng isang kaibigan.

Tunay na nakapagpapaligaya magkaroon ng isang kaibigan. Sa mga pagkakataong ika’y malungkot at nag-iisa ang isang kaibigan ay maaasahan. Sa lahat ng pagkakataon ay nariyan siya upang ika’y gabayan at damayan. Katulad na lang ng ilang naglalaan ng panahon upang makasama lang ang kaibigan. Sa mga pangyayaring hindi kanais-nais, kaibigan pa rin ang nagbibigay ng tamis at ligaya. Sa mga pagkakataong ika’y nag-aakalang katapusan na ng mundo, ang isang kaibigan ay siyang nagbibigay lakas. Walang pakundangan din silang nagpapatawad kung ika’y nagkaroon ng kasalanan. Ang ilang mga ‘di pagkakaunawaan ay agad-agad natatapos at naaayos.

Mga kaibigan nga nama’y daig ang pilak, ginto at salapi, ni minsa’y hindi mabibili ang kanilang pagpapatawad at paniniwala. Sa bawat ligayang iyong nararamdaman, kaibigan din ang gumagawa. Pinapagaan nila ang iyong pakiramdam kung ika’y nakararamdam ng sakit at poot. Iyong ligayang nakakamtam ay hindi nauubos, kahit na ikaw ay kapos sa pera. Sila’y laging andiyan upang ika’y paligayahin at magbigay ng liwanag. Sa tuwing magkakamit ng tagumpay, ang kanilang suporta ang iyong taglay sa lahat ng oras.

Kaya naman sa aking mga kaibigan, maraming salamat sa lahat ng inying natulong. Nagpapasalamat ako nang walang humpay at kayo’y aking nakilala. Maraming salamat sa inyo at ako’y inyong naunawaan kahit na ako’y karaniwang nagbabago ng ugali. Kayo’y mga biyaya ng Diyos. Nawa’y hindi kayo magbago, ako’y mabibigo kung kayo ay awawala sa aking buhya. Ni minsan ay hindi sana kayo mawalay sa aking buhay. Kayo ay mananatili sa aking puso at isipan. Ang inyong mga ginintuang pangalan ay aking iimprenta sa aking puso. Mga kaibigan, nawa’y ang ating samahan ay hindi magbago.


Tunay Na Kaibigan

Galing sa Facebook page na Santiago’s Gazette

Masarap mabuhay ng maraming Kaibigan. Iba’t ibang ugali ang ating masusumpungan. Pero iba pa rin talaga kapag tunay na kaibigan o di kaya’y matalik na kaibigan Minsan may mga bagay na hindi mapagkasunduan pero hindi pa rin matatawaran ang sayang nadarama ng isang tunay na pagpapahalaga. maraming pagkakaiba maraming pagkakaparehas ngunit ang pinakamasaya dito ay ang pagiging totoo ng bawat isa. Minsan, may mga panahon na nagkakaroon ng problema ang ating mga kaibigan subalit ang kasiyahan pa rin ang namumutawi sa kanilang mga labi. Masaya at magaan sa pakiramdam kapag nakakatulong tayong masolusyonan ang kanyang problema. Siguro, dahil ayaw nating nakikitang malungkot siya. Dumadating pa nga sa punto na kayo na ang nag aaway sapagkat nangingibabaw pa rin talaga ang pagmamahal at pagsasamahan ninyong magkakaibigan. Ang pagkakaroon ng matalik na kaibigan ay parang pagkakaroon ng sariling kapatid. Dahil may kasama ka sa lahat ng bagay. Minsan pa kung umasta ay parang nanay kung magalit. At higit sa lahat, ang pagkakaroon ng matalik na kaibigan ay isang masayang bahagi ng buhay dahil palagi kang may kausap, pinagsasabihan ng mga sikreto at handang ipagtanggol ang kanyang kaibigan at higit sa lahat naipapakita mo kung sino ka talaga sa harap nila at ang mahalaga ay totoo kayo sa isat isa.


Ang Mga Katangian Hinahanap ko sa Isang Kaibigan

Galing sa Millionmiler.com

Ang bawat isa sa atin ay may natatanging kaibigan ito’y nakakagalak sa ating buhay, nagpapasya sa atin kapag tayo’y nalulungkot. Matatakbohan mo at tutulong pag may problema tayo nagbibigay ng mga payo.Minsa’y maituturing na mas higit pa sa kapatid ang isang kaibigan.

Ang gusto ko sa isang kaibigan ay tapat at matulungin hindi lamang sa katuwaan.Ito’y maghikayat sa akin tungo sa tamang landas at gagabay sa kabutihan sa tamang kaugalian.At magbibigayan ano man mayroon sa isa’t-isa. At ibahagi ang ating talento sa mga kaibigan makatututlong sa kabuhayan ang bawat isa ay may asinso sa buhay.

Nawa’y ito ang gawin natin para maibsan ang kahirapan sa ating bansa ang lahat ng problema ay hidi natin iaasa sa ating bagong pangulo. May magagawa din tayo mga simpleng bagay pero laking kaginhawaan sa lahat. Salamat sa Poong Maykapal sa mga gabay sa lahat.


Matalik na Kaibigan

Galing sa WagasMalaya

Papaano ba natin makikilala ang isang kaibigan? Lalo na kapag ito’y may katuwang na ‘matalik.’ Ano ba ang talaga ang kahulugan nito para sa atin?

“Kaibigan ko siya,” ang paliwanag ng isa. “Bakit naging kaibigan mo siya?” ang tanong naman ng nakarinig. “Nakasabay ko siya sa biyahe,” ang tugon nito.

Marami sa atin ang madalas na banggitin ang katagang kaibigan, gayong itaas man ang kanang kamay sa pagbilang ng ating limang daliri, hindi ito lalampas kung ilan ang tunay na kaibigan kinalulugdan natin sa buhay.

Hindi kaya namamali lamang tayo? Sapagkat, iisa lamang ang ating laging binibigkas, ‘kaibigan.’ Bakit hindi ang mga ito; kakilala, kasama, katuwang, kapanalig, kaklase, kauri, kasangga, kabagang, kasabay, katulong, kalukob, katipan, kawaksi, kasambahay, katangkilik, kasanib, kabiruan, kalaro, kaulayaw, katalik, kapitbahay, kalaguyo, kababayan, kapisan, kapalad, katuwaan, kabit, kasabay, kausap, katabi, kaisahan, kalakbay, katutsaba, kakampi at katakot-takot pang mga pang-ukol na katawagan sa uri ng pakikipag-kapwa.

Subalit ito ang masaklap; palagi—kapag binabanggit at ipinakikilala ang isang tao, kadalasan ang ginagamit na kataga ay ‘kaibigan.’ Gayong sangkatutak ang maaaring gamitin sa tamang kaurian ng relasyon. Ito ang nagpapahirap sa atin, hindi natin matiyak ang tunay sa huwad, ang katotohanan sa kababalaghan, at pagkilatis sa akmang katawagan. Lahat ay pawang kaibigan. Nakasama lamang sa ilang sandali, kaibigan na. Nabigyan lamang ng kaunting pansin, kaibigan na. Nakausap sa isang pook, kaibigan na. Nakilala sa paglalakbay, kaibigan na. Palatandaan lamang ito na hindi tayo maingat; kahalintulad ng isang patibong, upang tayo ay sakmalin. Palakaibigan tayo, at hindi mapili.

Mababaw ang ating kaligayahan; kaya malimit, nagiging biktima tayo ng mga mapagsamantala. Sa kaunting pabalat-bunga, bumibigay tayo. Sa kababaan ng ating kalooban, marami ang nahuhumaling upang pakinabangan ito. Ito ang sanhi, kung bakit nawawalan tayo ng pagtitiwala sa isa’t-isa. Nalilito tayo sa nangyayari, gayong nagmumula ito mismo sa atin.
Hangga’t hindi natin nalalapatan ng wastong pangalan ang isang bagay, pangyayari, at relasyon. Wala tayong katiyakan kung papaano ito haharapin, itatama, at pagpapasiyahan.
Kung maaari lamang, pakitama nga natin ito. Sa susunod, gamitin naman natin yaong angkop sa tagpong kinasangkutan; sa paglalapat ng tamang taguri sa relasyon. Dahil kapag hindi natin ito binago, inililigaw nito ang ating kabatiran sa tunay na kahulugan ng katagang kaibigan.

Ano ba ang kahulugan ng katagang kaibigan?

Ang kaibigan ay isang tao na nagagawa kang maging matapat sa kanya, Hindi mo kailangan ang mangatwiran at magpaliwanag pa. Maging sa harapan at talikuran ay nakahanda kang ipagtanggol nito. Walang pagkukunwari at panlabas na anyo ang inyong samahan. Nagagawa mong ilahad sa kanya, kahit na anumang tungkol sa iyo nang wala kang pinangangambahan. Hindi ito isang taksil na madali kang ipagkakanulo. Siya ang laging kumakalaban sa iyo, kapag namamali ka ng patutunguhan o naliligaw ng landas. At siya ang unang lumuluha at kakampi mo, kapag ikaw ay inaapi at talunan. Hindi ka nito pinagsasamantalahan, sa salapi, papuri, kalayawan, at anumang mga bagay na nauukol sa iyo, dahil may tiwala ka sa kanya. Kinagigiliwan at ikinagagalak mo siya. Masaya ka, kapag siya ay iyong ipinagdiriwang. Ito ang hinahanap mo sa isang matalik na kaibigan, at ang pagiging matalik din ang isinusukli mo sa kanya.
Ngayon, kapag wala ang mga katangiang ito sa nakilala mo, maaari bang gamitin ang ibang kataga at huwag ang palasak na taguring ‘KAIBIGAN.’ Kasi, nagiging katawa-tawa tayo sa paningin ng iba. At ang paggalang na pinahahalagahan natin ay kusang naglalaho.

Narito ang tatlong batayan ng kaibigan:

  • Natatangi at espesyal (mataas ang pagpapahalaga)
    Matalik na kaibigan – Laging magkasama, may damayan, magkatulad ang prinsipyo
  • Itinatangi (katamtaman ang pagpapahalaga)
    Malapit na kaibigan – Madaling kausap, kaisa sa hangarin, bihirang magkita
  • May pagtatangi (karaniwan ang pagpapahalaga)
    Mataman na kaibigan – Nananatiling kaibigan kahit matagal nang hindi nagkikita

Bilang tunay na mga Pilipino, maging masinop tayo sa paggamit ng wastong kataga. Yaon lamang nararapat sa naganap na relasyon. Isa lamang itong pagmamalasakit, mula sa inyong kababayan.


Tunay na Kaibigan?

Akda ni Rhadson Mendoza galing sa MatabangUtak.net

Ito yung mga taong kahit kailan hindi mawawala sayo. Sila yung mga taong alam ang kahinaan mo pero hindi nila gagawin ito para lang makalamang sayo.

Ang tunay na kaibigan yung mga taong kahit hindi ka laging kinakausap dahil sa meron din silang kanikanilang buhay, mararamdaman mo sila sa oras na kailangan mo sila. Nakakatuwa yung mga kaibigan na biglang nagpaparamdam tila bang ang saya kasi hindi mo inaasahan na magiging ganun sila.

Ang tunay na kaibigan ang mga taong masasandalan mo, mga taong masasabihan mo ng problema kapag may problema ka.

Sila ang payong na sasalo sa ulan ng problema. Ang bangka na masasakyan mo sa agos ng problema.

Intindihin mo sila, para intindihin ka rin nila.


Maging tapat na kaibigan

Akda ni Ms. Jewel galing sa Philstar

Para mapanatili mo ang magandang pagkakaibigan, kailangan na maging bukas ang damdamin at komunikasyon ng bawat isa. Kaya lang dumarating din sa magkaibigan ang isang sitwasyon na nahihirapan kang maging “open” sa kanya at sabihin sa kanya ang ilang bagay na gusto mong ipaalam sa kanya. Maaaring nahihiya o natatakot ka na masaktan mo ang damdamin ng iyong kaibigan kaya napipigilan kang maging totoo sa kanya. Gaya ng karanasan ni Angelica, 20, nais niyang pagsabihan ang kanyang best friend na umiwas sa isang ka-school mate nila dahil masamang impluwensiya ito sa kanya. Ngunit hindi masabi ni Angelica, dahil sa takot na magalit ito sa kanya. Narito ang ilang bagay na dapat mong tandaan bakit kailangan mong maging totoo sa iyong kaibigan anuman ang sitwasyon.

Maging tapat – Sa kabuuan o pangkalahatan, kailangan mong maging tapat sa kahit na sinuman, lalo na siyempre kung ito ay iyong kaibigan. Ang maliliit na itinuturing na “white lies” , kapag dumami ay nagiging mapanganib, kaya hangga’t maaari ay maging tapat sa kanya. Isipin mo na lang kung hindi ka magiging totoo sa kanya, sino pa ang aasahan mong magsasabi ng tapat sa kanya?

Sabihin lang kung ano ang importante – Hindi naman porke kaibigan mo ang isang tao ay may karapatan ka ng sabihin sa kanya ang lahat ng gusto mong sabihin. Ang mga bagay na tingin mo ay makakabuti ang mas piliin mong sabihin sa kanya at hindi ang mga bagay na makakapagpababa ng kanyang moral.

Maging handa – Anuman ang iyong sasabihin sa kanya dapat mong ihanda ang iyong sarili, lalo na kung sa tingin mo na ito ay medyo sensitibo para sa kanya. Halimbawa, nakita mo ang kanyang gf/ bf na mayroong kasamang iba, dapat mong paghandaan kung paano mo ito sasabihin sa kanya sa paraang hindi siya mabibigla, magagalit at masasaktan. At kung ganito kasensitibo ang iyong sasabihin sa iyong kaibigan, dapat kang humanap ng magandang tiyempo at lugar kung saan mo ito sasabihin. Huwag na huwag mo itong sasabihin sa kanya na kayo ay nasa isang pampublikong lugar, lalo na kung hindi mo pa naman kabisado ang magiging reaksiyon niya para maiwasan ang isang maeskandalong eksena.

Magkaroon ng “eye contact” – Hangga’t maaari, titigan sa mata ang iyong kaibigan habang sinasabi ang anumang bagay na gusto mong sabihin sa kanya. Puwede mo din hawakan ang kanyang mga kamay habang nakikipag-usap para maramdaman niya ang iyong sinseridad.

Sumagot ng diretso – Kung halimbawang tatanungin ka ng iyong kaibigan at pakiramdam mo ay nakorner ka na, ito ang tamang oras para sabihin sa kanya ng diretso ang bagay na dapat mong sabihin.


Ano ang tunay na pagkakaibigan ayon sa Bibliya?

Galing sa gotquestions.org

Ibinigay sa atin ng Panginoong Hesus ang pagkakakilanlan sa isang tunay na kaibigan: “Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. Kayo’y mga kaibigan ko kung tinutupad ninyo ang mga utos ko. Hindi ko na kayo inaaring alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip, inaari ko kayong mga kaibigan, sapagkat sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama” (Juan 15:13-15). Si Hesus ang halimbawa ng isang tunay na kaibigan dahil ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa Kanyang mga “kaibigan.” Gayundin naman, maaaring maging kaibigan Niya ang sinuman sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Kanya bilang kanyang sariling Tagapagligtas, sa pamamagitan ng pagsilang na muli at pagtanggap ng bagong buhay mula sa Diyos.

Ang isang halimbawa ng tunay na pagkakaibigan ay sa pagitan ni David at Jonathan na anak ni Haring Saul. Sa kabila ng pagtatangka ng kanyang ama na patayin si David, si Jonathan ay nanatiling isang tapat na kaibigan. Makikita ang kuwentong ito sa 1 Samuel 17 hanggang 20. Ang ilang talata na partikular na tumutukoy sa pagkakaibigan nina David at Jonathan ay ang 1 Samuel 18:1-4; 19: 4-7; 20:11-17, 41-42.

Ang aklat ng Kawikaan ay maganda ring pagkunan ng karunungan tungkol sa pagkakaibigan. “Ang kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon at sa oras ng kagipita’y kapatid na tumutulong “(Kawikaan 17:17). “May pagkakaibigang madaling lumamig ngunit may kaibigang higit pa sa kapatid” (Kawikaan 18:24). Ang kundisyon upang magkaroon ng isang tunay na kaibigan ay dapat kang maging isang tunay na kaibigan din naman. “May pakinabang sa hampas ng tapat na kaibigan kaysa halik ng isang kaaway” (Kawikaan 27:6). “Bakal ang nagpapatalim sa kapwa bakal at isip ang nagpapatalas sa kapwa isipan” (Kawikaan 27:17).

Ang prinsipyo ng pakikipagkaibigan ay makikita din sa aklat ng Amos. “Maaari bang magsama sa paglalakbay ang dalawang tao kung di muna sila magtipan?” (Amos 3:3). Ang magkaibigan ay pareho ang pagiisip. Ang isang kaibigan ay isang tao na maaari mong pagtapatan ng iyong saloobin ng may buong pagtitiwala. Ang isang kaibigan ay isang tao na iyong iginagalang at gumagalang din sa iyo, hindi dahil sa karapatdapat ka sa paggalang kundi dahil pareho ang takbo ng inyong pagiisip.

Sa huli, ang tunay na kahulugan ng pagiging isang tunay na kaibigan ay nagmula kay Apostol Pablo: “Mahirap mangyaring ialay ninuman ang kanyang buhay alang-alang sa isang taong matuwid—bagamat maaaring may mangahas na gumawa nito alang-alang sa isang mabuting tao. Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo’y makasalanan pa” (Roma 5:7-8). Sinabi din ni Apostol Juan, “Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan” (Juan 15:13). Ngayon, iyan ang tunay na pagkakaibigan!


Ano ang masasabi mo sa mga sanaysay tungkol sa kaibigan na nakapaloob sa pahinang ito? Mag-iwan lang ng komento sa ibaba.

SEE ALSO: Mga Tula Tungkol sa Kaibigan

61 Shares
Share via
Copy link