“Wala na po siya!” Tugon ng nurse na nasa information counter ng Santisima De Dios Hospital nang tanungin ni Ralph kung nasaan ang pasyenteng si Donna na nakaconfine sa Room 214.
Si Donna ay girlfriend ni Ralph for 8 years at napagkasunduan na nga nilang dalawa na magpakasal na sa susunod na taon. Ang magnobya ay punong-puno ng matatayog na pangarap. Kahit dalawang taon na silang nagsasama, maigi nilang pinagplanuhan ang pagpapamilya, sa katunayan ay nagtiis at nagpigil sila na mabuntis si Donna sa takot na mapurnada ang magagandang plano at pangarap nilang ito.
Ngunit ngayon ngang wala na si Donna, paano na ang kanyang mga bukas na darating? Sino na ang kasama niyang bumuo ng pangarap na sa tagal makumpleto ay tila jigsaw puzzle na may mga maliliit na piraso? Paano ba siya gigising sa umaga kung wala na ang kaisa-isang dahilan ng kanyang pagbangon? Sino na ang kasama niya tuwing gabi na bumilang ng mga bituin sa langit? Paano ba siya bubuo ng tahanan kung ang haliging susuhay rito’y ipinagdamot ng tadhana?
Sapo-sapo ni Ralph ang kanyang noo tila ba mahuhulog ito kasabay ng mga luha niyang bigla na lamang pumatak nang marinig niyang wala na nga si Donna. Napasandal siya sa pader at
walang lakas na napaupo at napahagulgol sa labis na galit at kalungkutan. Kung bakit naman kasi sa dinadami ng mga araw ay ngayon pang araw nawalan ng power ang battery ng kanyang cellphone. Marahil ay tumatawag sa kanya ang mga kapatid ni Donna nang mga sandaling nag-aagaw buhay ito, nakausap man lang niya sana ito kahit sa huling sandali. Marahil ay galit sa kanya ang ina ni Donna dahil sa pag-aakalang pinabayaan niyang bawian ito ng hininga habang pangalan niya ang hinahanap at tinatawag.
“Bakit kinakailangang ilabas agad nila ng ospital si Donna ng hindi ipinaalam sa akin?”
Magulo ang isip ni Ralph. Naghahalong emosyon ang namamayani sa kanyang puso.
Kung gaano siya kasaya kaninang umaga, napalitan ito ng kawalan ng pag-asa.
Sana hindi na siya pumasok sa opisina. Kaya pala nagdadalawang-isip siya ng umagang iyon, kaya pala tila may bumubulong sa kanyang isip na siya’y magdiretso na sa ospital. Kung alam niya lang na sa wala mauuwi ang kanilang pagsasama at pagluha ang katumbas ng lahat ng kanyang pagsisikap, hindi na sana niya pinanghinayangan ang anumang kanyang kikitain at lahat ng ito’y ginastos at ginamit niya upang mapaligaya ang kinakasama. Para saan pa ang kanyang mga naipon? Sino na ang paglalaanan niya nito?
SEE ALSO: Si Ederlyn
Alam ni Ralph maghahari na ang kalungkutan sa kanilang bahay na kailan lang ay halakhak nilang dalawa ang namamayani. Magiging kalbaryo ang kanyang bawat araw. Magiging madilim ang kanyang gabi at pati na ang umagang darating. Matagal bago muling mabuo ang pangarap na gumuho. Matagal bago muling makabangon mula sa pagkakadapa. Hindi niya batid kung kailan
sisilay muli ang napingasan niyang ngiti. Hindi niya alam kung kailan muling makakakita ng liwanag ang kanyang matang nahilam ng luha.
Kagabi lang galing siya sa ospital. Masaya pa silang nag-uusap ni Donna at halos hindi na nila na naging paksa ang kanyang karamdaman dahil tuluyan nang bumaba ang platelets ng nobya,
sensyales na pawala na ang dengueng apat na araw nang nagpapahirap sa kinakasama. Pinag-usapan nila ang detalye ng kanilang kasal sa susunod na taon at planong pagbubuntis ng taon ding iyon, ang napipintong promotion ni Donna sa trabaho bilang manager ng Logistics Department sa kompanyang pinapasukan nito at ang balaking pagdu-Dubai ni Ralph sakaling may dumating na magandang oportunidad.
Kaya hindi sukat akalain ni Ralph na sa kisapmata’y wala na si Donna! Wala na ang kanyang buhay, wala na ang kanyang bukas. Marami nang dengue case kasi ang humantong sa ‘di inaasahan at tumuntong sa biglaang kamatayan kahit sabihin pang bumuti na umano ang lagay ng biktima. Pag-aakalang umokay na ang pasyente ngunit sa kabila ng nakaantabay na mga nurse at doktor, availability ng mga medical equipment ng ospital ay hindi pa rin naisalba ang buhay ng dengue victim.
“Sir, sir…” tinatapik-tapik ng nurse si Ralph na nakatungo ang ulo, nakasalampak sa sahig at nakasandal sa pader. Mugto ang nga mata, sumisinok-sinok na halatang galing sa isang pag-iyak. Narinig niya ang nurse ngunit wala siyang pakialam sa sasabihin nito, bahagyang iniangat niya ang kanyang ulo.
“Sir, ang ibig ko pong sabihin ng ‘wala na siya’ ay nadischarge na po siya, si Ma’am Donna. Gusto na raw po niyang umuwi dahil gusto niya raw pong i-celebrate ang anniversary ninyo. Heto nga po ‘yung waiver na pinirmahan niya kanina.” Mahabang paliwanag ng nurse.
Tulala si Ralph dahil sa narinig niya mula sa nurse.
Hindi niya alam kung ano ang kanyang magiging reaksyon.
Anniversary nila kahapon.
Aral:
- Kung ikaw ang nurse at sa iyo ay may magtanong, mangyaring ipaliwanag ng mabuti ang mga sagot sa taong nagtatanong upang hindi mabigyan ng ibang kahulugan ang sagot na iyong ibinigay. Hindi na sana naging malungkot ang emosyon ni Ralph kung antimano ay naintindihan niyang nakauwi na pala si Donna at hindi ang inaakala niyang patay na ito.
- Mabuti sa tao ang may pangarap. Mas maganda kung may kasama ka na makakatuwang upang maabot iyon. Ngunit kung sakali mang ikaw na lang mag-isa ang aabot sa pangarap na iyon, wag mo itong susukuan at huwag na huwag kang magpapakain sa matinding lungkot. Maaring may mga bagay na hindi mo maabot sa paraang nais mo ngunit kung magtitiwala ka sa Diyos ay siguradong may mas maganda siyang nakalaan para sa iyo.
- Maging positibo sa lahat ng pagkakataon.
Source: limarx214.blogspot.com