Mga Halimbawa ng Talumpati Tungkol sa Magulang (13 Talumpati)

Magandang araw sa iyo, kaibigan! Hanap mo ba ay mga halimbawa ng talumpati tungkol sa magulang? Nasa tamang website ka!

Marami kang mababasang talumpati dito na maaari mong pagkunan ng ideya. Halina’t basahin at gawing inspirasyon sa iyong paksang napili ang mga talumpating nakalap namin. Huwag mo din namang sayangin ang mga aral na maari mong makuha sa bawat talumpating iyong mababasa.

Maligayang pagbabasa!

SEE ALSO: Ano ang Talumpati, Halimbawa ng Talumpati at mga Uri

Mga Halimbawa ng Talumpati Tungkol sa Magulang


Pagmamahal ng Magulang, Ating Bigyang Halaga

Mula sa DraftsByZhelle.weebly.com

Naalala ninyo pa ba kung kalian ninyo huling sinabihan ng “I love you” o “mahal kita” ang inyong mga magulang? Sino ang mas madalas ninyong sabihan ng mga katagang iyan? Sino nga ba ang mas pinahahalagahan ninyo?

Simula’t sapul minahal na tayo ng ating mga magulang. Hindi pa lamang tayo iniluluwal, alagang-alaga na nila tayo. Siyam na buwang pagtitiis ng ating ina, magisnan lang natin kung gaano kaganda ang daigdig. Habang ang ating ama naman ay nagpapakahirap, mapaghandaan lamang ang ating kinabukasan.

Nang tayo’y isinilang, hindi masusukat ang kasiyahang naramdaman nila. Lumipas ang panahon, tinuruan nila tayo kung paano maglakad, magsalita, magbasa at magsulat. Sila ang gumabay sa atin sa tamang landas. Kahit nalilito at namomoblema kung saan kukunin ang pampaaral sa atin, ginawa nila ang lahat, mapag-aral lamang tayo sa isang maganda at de-kalidad na paaralan.

Nang tayo’y lumaki, natuto tayo kung paano sagut-sagutin ang ating mga magulang. Natuto rin tayo kung paano suwayin ang mga utos nila. Tila biglang nakalimutan ang mga sakripisyong ginawa nila para sa atin. Isinawalang-bahala natin ang mga araw na halos himatayin sa pagod sa pagtatrabaho ang ating mga magulang. Sakit at pighati lamang. Dapat nga iparamdam natin sa kanila na naririto lang tayo handang damayan at pasayahin sila. Pero alam n’yo ba, na kahit nasasaktan sa mga maling ginagawa at sa masasakit na salita na ibinigay natin sa kanila ay hindi nila magawang ipagtabuyan tayo? Hindi nga talaga masusukat ang pagmamahal nila para sa atin, na kahit talikuran, saktan at ipagtabuyan natin sila, handa pa rin nila tayong tanggapin at mahalin.

Alam naman natin kung gaano nila tayo kamahal pero ang tanong, magbubulag-bulagan pa rin ba tayo? Sa simpleng pag-I love you natin sa kanila, alam ninyo ba kung gaano na sila kasaya? Hindi naman tayo gagastos kung sasabihin natin ang mga katagang iyan.

Paano pa nga ba natin sila pasasayahin? Paano pa nga ba natin masusuklian ang mga sakripisyong ginawa nila para sa atin?

Simple lang, mag-aral nang mabuti upang makatapos at magkaroon ng diploma. Dahil ang diploma natin ay katumbas ng isang ginto para sa kanila. Yaman na hindi mapapalitan ng kahit na ano. Yaman na katumbas ay walang hanggang kasiyahan. Maaari rin na bigyan natin sila ng panahon na makasama tayo.

Lagi nating tatandaan na mabilis lang ang takbo ng oras. Bawat minuto o segundo ay mahalaga, kaya habang nandyan at kapiling pa natin ang ating mga magulang, iparamdam kung gaano natin sila kamahal at kung gaano sila kahalaga sa ating buhay.

Magpasalamat sa pagbibigay-buhay nila sa atin, lalung-lalo na sa mga sakripisyong ginawa nila, mabigyan lang tayo ng magandang kinabukasan. Humingi ng tawad sa lahat ng ating ginawang pagkakamali at sa mga panahong pinaiyak natin sila at ang panghuli, sabihan sila ng mga katagang, “mahal kita” o “mahal ko kayo mama’t papa”.

Salamat, patawad, mahal ko kayo, simpleng mga salita pero katumbas ay walang hanggang kasiyahan.

Huwag hintaying kunin sila ng ating Panginoon. Tandaan, hindi natin hawak ang hinaharap!


Kahalagahan ng ating mga Magulang

Mula sa Bsoa.blogspot.com

Naisip nyo ba na kung gaano kahalaga ng ating mga magulang sa ating buhay? Naisip nyo rin ba kung paano mabuhay ng walang kinagisnan at kinalakihang magulang o maulila nang maaga sa kanila? Maaaring sa buhay nating mga kabataan ngayon, mas nakararami na ang kabataang hindi na gumagalang sa kanilang magulang o kaya’y wala ng pakialam. Hindi na nila naiisip na kung hindi dahil sa kanila, wala ako, ikaw at tayong lahat dito sa mundong ito.

Malaki ang paghihirap ng ating mga magulang para sa atin. Ang ating “ina” na naghirap sa pagdadalang tao nila sa atin, hanggang sa mailuwal nya tayo at lumaki. Ang ating “ama”, siya naman ang hirap na hirap sa pagtatrabaho para magkaroon ng pera pambili ng gatas at mga gamot natin. Pero ngayon hindi natin naiisip ang hirap na pinagdaanan nila para sa atin, kung paano tayo palalakihin ng may magandang kinabukasan.

Kung minsan napapaisip ako. Paano kaya kung mawalan ako ng magulang? Iniisip ko pa lang, parang hindi ko kaya, ang hirap.Wala na mag-aalaga sa akin, wala ng mag-aasikaso sa akin tuwing umaga bago pumasok sa paaralan at kapag may sakit tayo na nag-aalala sa atin ng sobra. Wala ng susuporta sa mga bagay na gusto mong gawin. Wala na ring magsasabi ng “ingat ka anak ha” at wala na ring magagalit tuwing makakagawa ng maling bagay at mgpapayo sa tuwing may problema. Di ba ang hirap isipin kong wala nang gagawa sa atin ng ganitong mga bagay. Lalo na’t kung nasanay tayo na ginagawa ito sa atin n gating mga magulang.

Kaya ngayon, habang kapiling pa natin ang ating mga magulang, ipadama natin sa kanila ang ating pagmamahal. Iparamdam rn natin kung gaano sila kahalaga sa ating buhay, at magpasalamat tayo sa lahat ng ginawang pagsisikap nila para mapaganda ang ating buhay. Humingi rin tayo ng tawad sa mga kasalanan na ating nagawa. Suklian natin ng sobrang pagmamahal at paglingkuran natin sila habang kapiling pa natin sila. Sabihin natin sa kanila na “mahal na mahal ko po kayo nay at tay” at nagpapasalamat ako na kayo ang aking naging magulang.

Mabilis ang panahon, kaya tayong may mga magulang pa, hangga’t maaga pa at kapiling pa natin ang ating mga magulang, gawin na natin ang lahat ng bagay na ikasasaya nila, bago pa mahuli ang lahat, at pasisihan natin ang mga bagay na mali nating nagawa, at hindi natin naipadama sa kanila kung gaanu natin sila kamahal at kung gaano sila kahalaga sa ating buhay.


Kahalagahan ng Magulang

Talumpati ni Glyza Louise Palomo

Sila yung humuhubog at lumilinang ng ating pagkatao, ang nagsisilbing gabay natin kapag tayo ay nagkukulang at sa tuwing may dumadating na pagsubok sa ating buhay. Magandang umaga sa inyong lahat. Nais ko lamang pong itanong, sa henerasyon natin ngayon, gaano po ba kahalaga ang ating mga magulang sa ating buhay? Naipapakita pa rin ba nating mga kabataan sa makabagong henerasyon ang pagmamalasakit at pagmamahal natin sa ating mga magulang?

Para sa akin napakalaki na talaga ang pinagbago ng noon sa ngayon, noon sinusunod parati ang utos, gusto at payo ng ating mga magulang kahit na minsan ay labag pa ito sa ating kalooban pero ngayon nagagawa na nating suwayin ang kanilang mga utos, gusto at payo. Minsan pa nga ay sinasagot pa natin sila, tama po diba? May mga panahong nalilimutan na natin silang igalang o minsan sa sobrang lapit ng iba sa kanilang magulang ay parang kabarkada na lamang sila kung makipag-usap. Nalilimutan ng gumamit ng “po” at “opo” o kaya nama’y “I Love You” upang ipadama sa kanila ang ating pagmamahal. Sa sobrang bilis ng panahon ngayon, hindi natin alam kung kalian may mawawala o hanggang kalian pa ba may mananatili ika nga nila “You Don’t Know What Tomorrow Will Be”.

Sa kabila ng pagbabagong nagaganap ngayon sa mga kabataan na minsan tayo’y naiinis at nagagalit sa ating mga magulang, huwag pa rin nating kalimutang na mga magulang parin natin sila, mapalaki ng maayos at tayo’y mapag-aral sa isang maayos at disenteng paaralan ang kanilang hangad. Sa bawat panahong nagdaan inalagaan nila tayo, kahit minsan hindi nila tayo pinabayaan at kahit kailan hindi sila mapapagod magbantay para sa ating kapakanan. Halos ibigay na nga nila sa atin ang lahat dahil hindi nila tayo kayang tiisin.Kahit ano ay kanilang ibibigay para lang maging masaya tayo.

Palatandaan sa bawat sermon o galit na ipinapakita nila sa atin ay katumbas ng isang pagmamalasakit at pagmamahal upang gabayan tayo sa ating paglalakbay tungo sa matuwid na direksyon at tagumpay.

Kahit hindi man natin sila maintindihan sa ngayon, balang araw ay malalaman din natin na lahat ng kanilang ginagawa ay para rin sa sarili nating kapakanan.

Ako po si Glyza Louise L. Palomo, isang simpleng babae, kapatid at anak sa makabagong henerasyon na nagsasabing, pahalagahan ang ating mga magulang, mahalin at bigyan ng respeto, sa kabila ng bawat galit at poot ay palitan at takpan ng PAGMAMAHAL.


Kahalagahan ng mga Magulang

Talumpati ni Alyssa Marie Dichoso

Gaano ba kahalaga ang ating mga magulang sa ating buhay? Naiisip niyo ba kung paano mabuhay ng walang kinagisnan at kinalakihang magulang? Alam niyo ba na napakahalaga ng ginagampanang papel ng ating mga magulang sa ating buhay, dahil sila ang humuhubog at lumilinang ng ating pagkatao. Sila rin ang nagsisilbing gabay natin kapag tayo ay nagkukulang at sa t’wing may dumarating na pagsubok sa ating buhay.

Marahil sa buhay nating mga kabataan ngayon, dumadami na ang mga kabataang hindi na marunong gumalang sa kanilang mga magulang o kaya’y nalimutan na kung papaano maging magalang. Ito ay marahil karamihan sa mga kabataan ngayon ay hindi na nagagabayan ng kanilang mga magulangdahil bihira nang magkita o kaya’y dahil sa sobrang malapit nila sa kanilang magulang ay parang kabarkada na lamang sila kung makipag – usap. Hindi na marunong gumamit ng “po at opo.” Kung maibabalik lang ang panahong lumipas bago pa tayo magkaroon ng isip. Ang ating mga magulang ang siyang naghirap para lamang tayo’y mapalaki ng maayos at tayo’y mapag – aral sa isang maayos at disenteng paaralan; sa bawat panahong nagdaang inalagaan nila tayo, kahit minsan ay hindi nila tayo pinabayaan at kahit kailan hindi sila napapagod magbantay para sa ating kapakanan. Kung minsan na nga lang, halos isusubo na nila ay ibibigay pa sa atin dahil hindi nila tayo kayang tiisin. Kahit ano ay kanilang ibibigay para lang tayo’y maging masaya.

Isipin ko pa lamang ay bumubigat na ang loob ko, paano kaya kung mawalan ako ng magulang? Iniisip ko pa lang ay parang hindi ko na kayang isipin. Sobrang hirap. Kapag iyon ay nangyari, wala ng mag – aalaga, mag – aasikaso, wala ng magagalit tuwing makakagawa kami ng maling bagay, wala na ring manenermon sa amin kapag ginabi kami na pag – uwi at higit sa lahat wala na ring magsasabi sa amin ng “ingat ka anak.” Di ba ang hirap isipin kung wala ng gagawa at magsasabi sa atin ng bagay na ito. Lalo na kung nasanay tayong ginagawa ito sa atin ng ating mga magulang. Di ba nakakalungkot isipin kapag nangyari iyon sa ating buhay. Huwag na nating hintayin na mangyari ito sa atin. Kung kailan huli na ay saka pa lamang natin sila pahahalagahan? Magpasalamat tayo sa kanila dahil palagi silang nandiyan sa ating tabi at palagi nila tayong ginagabayan. Ibinigay na nga nila lahat sa tain, hindi lamang mga material na bagay kung hindi pati ang mga bagay na lubos nating kailangan, ang pag – aaruga at pagmamahal nila sa atin. Lubos akong nagpapasalamat sa Poong Maykapal dahil sila ang aking naging mga magulang. Di man ako perpektong anak, lahat gagawin ko para lamang masuklian ko ang pagmamahal na ipinaramdam nila sa akin at gusto ko ring makabawi sa lahat ng nagawa nila para sa akin.

Kaya ngayon, habang kapiling pa natin ang ating mga magulang, ipadama na natin sa kanila kung gaano natin sila kamahal at kung gaano sila kahalaga sa ating buhay. Tayo din ay magpasalamat sa lahat ng ginawang pagsisikap ng ating mga magulang para mapaganda ang ating buhay. Sabihin natin sa kanila na paglilingkuran natin sila hanggan sa kanilang pagtanda at magpapasalamat tayo dahil sa kabila ng ating kakulitan at mga nagagawang pagkakamali, hindi pa rin nila tayo kayang pabayaan.

May kasabihan nga tayong “ang anak ay maaring magkaasawa ng higit pa sa isa subalit ang magulang ay iisa lang at walang pwedeng pumalit…”


Talumpati Tungkol sa Magulang

Mula sa TakdangAralin.ph

Ang anak matitiis ang mga magulang, ngunit ang mga magulang ay hinding-hindi matitiis ang mga anak. Mula sa sa unang sigaw ng ating mga uha, mga magulang natin ang nasa ating tabi.

Sina tatay at nanay na ating palaging mga gabay at patnubay sa buhay. Si tatay ang haligi ng mga tahanan, habang si nanay naman ang tanglaw na siyang tagabigay ng liwanag at ilaw.

Wala ng sasarap pa sa samahan ng isang tahanan na buo ang bilang ng mga pamilya. Mula sa loob ng ating tahanan ay dito tayo unang natuto sa kung ano ang tama sa mali.

Mula sa mga walang sawang pangangaral ng ating magulang ay nagsilbi na ang mga ito na tila parte na ng ating pang araw-araw na pamumuhay.

Mapalad kayong mga bata na may mga magulang na laging nagbibigay patnubay sa lahat ng inyong mga gawain.

Ang mga batang busog sa aral, kalinga at pagmamahal ng mga magulang ay malayo sa anumang kapahamakan. Bigyan ninyo ng halaga ang bawat butil ng aral na sinasabi sa inyo sapagkat ito ang mga bagay na kailanman ay hindi mababayaran o mabibili ng anumang halaga ng salapi.

Matuto tayong pagyamanin ang ating mga sarili mula sa tulong ng ating mga magulang dahil hindi sa lahat ng oras ay kasa-kasama natin sila.

Habang malakas at nasa tabi pa natin sina tatay at nanay, ipadama natin sa kanila ang pagmamahal at kalinga na kanilang inalay sa atin noong tayo ay mga musmos pa lamang.

Pilitin nating ipadama sa kanila na sila ay mahalaga kahit na mga matatanda na. Lagi ninyong itanim sa inyong mga isipan na hindi ninyo narating ang kinalalagyan ninyo ngayon kung wala ang kalinga nina tatay at nanay.

Huwag mong hinatayin ang mga sandali na sila ay wala na at saka mo sasabihin “mahal ko kayo mga magulang ko”.


Talumpati para sa magulang

Talumpati ni Joshua Cosare

Bawat isa sa atin ay mayroong pinahahalagahan sa buhay. Kagaya ng kaibigang handang tumulong kung ika’y nangangailangan, kapatid na parating nandyan para ika’ y protektahan, at isang magulang na walang ibang inisip kundi ang iyong kapakanan. Ngayon, ikinagagalak kong ipakikila sa inyo ang mga taong may malaking ginampanan sa aking buhay. Ang mga taong naghirap simula ng akoy ipinagbuntis, hanggang sa ako’y iniluwal at pinalaki. Sila ay wala ng iba kundi ang aking mga magulang.

Sila ay mahalaga dahil unang-una, wala ako kung wala sila. Hindi ako magiging ganito ngayon kung wala sila. Sila ang unang nagturo sa akin sa mga bagay-bagay, mula sa simpleng bagay kagaya ng pagtayo at paglakad hanggang sa komplikado, isa na rito kung paano lutasin at malampasan ang problema. Pangalawa, dahil iniintindi nila ako. Minsan talaga, may nagawa akong di kanais-nais katulad ng di pagrespeto bagkus, pinapatawad parin nila ako at tapos pinagsabihan upang maiwasan. Pangatlo, dahil lagi silang nariyan sa oras na kailangan ko sila o kahit na hindi naman. Isang konkretong patunay nito ng nagsimula akong mag-aral ng kolehiyo dito sa Davao, nang hinatid nila kinabukasan ang bagay na lubos kung kailangan para sa aming presentasyon. Pang-apat at huli, dahil binigay na nila lahat sa akin, hindi lamang yung mga pisikal na bagay kundi yung lubos na mas kinakailangan ng isang anak, ang pag-aaruga at pagmamahal.

Minamahal nila ako ng higit pa sa kailangan ko. Napakasaya ko at nagpapasalamat dahil sila ang aking naging mga magulang. Di man ako isang perpektong anak, sinusubukan kong maging masunurin . Gagawin ko ito di lamang para sa akin, kundi dahil gusto kong makabawi sa lahat ng nagawa nila sa akin. Sa Panginoon, salamat.


Pagmamahal ng isang Magulang

Talumpati ni Aikatots

Magandang umaga po sa inyong lahat! Narito ako upang ipahayag ang aking opinyon o saloobin tungkol sa tamang pagpapalaki ng mga magulang sa kanilang mga anak. Paano nga ba talaga ang tamang pagpapalaki ng isang magulang sa isang anak at kung ano mismo ang kanilang dinaranas sa pagpapalaki sa atin? Ano nga ba talaga ang dapat at maaari nating gawin bilang isang kabataan na nagsisikap na makatulong at mapasaya ang ating mga magulang na nagpalaki at nagbigay buhay sa atin?

Ako bilang isang anak paminsan ay nakikita ko rin kung gaano kahirap magpalaki ng isang anak dahil ako mismo ay nakikita iyon sa pamamagitan ng aking ina na gagawin ang lahat para lang makakain kami tatlong beses sa isang iraw at sa pamamagitan rin ng aking ama na nagpapakahirap sa ibang bansa na magtrabaho para makapag aral kaming magkapatid sa magandang eskuwelahan at mabigyan kami ng magandang kinabukasan. Napakahirap nga sigurong mag-alaga ng isang anak dahil kahit ako na nagsisikap sa pag aaral para mapasaya sila, alam kong isa rin ako sa sakit ng ulo nila. Ngunit bakit nga ba may ilan paring kabataan o halos karamihan sa lahat ng kabataan ngayon ay may kinikimkim na sama ng loob sa kanilang mga magulang? Marahil dahil ito sa maling interpretasyon nila sa pagsasakripisyo ng kanilang mga magulang, gaya na lamang ng pagtatrabaho nila sa ibang bansa o kahit rin dito sa ating bansa na halos hindi na nila nakikita ang kanilang mga anak, ngunit sa likod siguro ng bawat pag tatrabaho nila araw araw ay ang araw araw din nilang pagsasakripisyo na hindi nila makita ang kanilang mga anak. Isa nga lang siguro ito sa mga dinaranas ng ating mga magulang. Dahil sa panahon ngaun marami pang dinaranas ang ibang magulang lalo na ang mga magulang na nahihirapan mag hanap ng trabaho o ung wlang trabaho ngunit sinisikap pa ring mapagaral at magkaroon ng magandang buhay ang kanilang mga anak.

Ano nga ba ang pwede nating isukli sa kanilang pagpapalaki sa atin? Sa tingin ko kahit simpleng “Thank you”, “I LOVE YOU” , pag yakap man lang at pagbeso ay maaari ng mapawi ang bawat sakripisyo at hirap na kanilang dinanas at dinaranas. Para naman sa ibang mga anak na nakararanas ng mabigat na problema tungkol sa pagpapalaki sakanila ng kanilang mga magulang sapalagay ko naman ay walang ibinibigay ang diyos sa atin na problema na hindi natin kayang solusiyonan kailangan lang nating ipakita mismo sa kanila na sila bilang magulang natin ay may halaga sa ating buhay. Dahil sila ang nagbigay buhay sa atin gumabay ng tayo’y maliliit pa lamang kahit pa sabihin natin na habang ginagabayan nila tayo ay may pagkakamali silang nagagawa sa atin hindi pa rin ito sapat na dahilan upang masabihan sila ng masasamang bagay. Kung kaya’t sana’y maintindihan natin sila sa bawat bagay na kanilang ginagawa. Sana’y sa lahat ng magagandang natutunan natin sa kanila pati na rin sa mga maling nagawa nila ay gamitin natin ito sa pagtama na rin mismo ng ating mali para sa hinaharap kung tayo man ay magkakaroon din ng pamilya,sana’y lahat tayo’y gawing gabay ang bawat problema at pangyayari sa atin ngayon. Dahil maaaring lahat ng kanilang pinagdaanan ay atin ring danasin ngunit sana sa mga panahong ito ay maging maayos,matatag at masaya dahil mahirap magpalaki ng anak kung tayo mismo na anak ngaun pa lamang ay hindi na natin kayang gawin ang ating responsibilad.

Maraming salamat po sa inyong lahat sa pakikinig sa aking talumpati at kung ito po ay hindi ninyo nagustuhan humihingi na lamang po ako ng pasensiya sa inyo. Maraming salamat po ulit at magandang tanghali/umaga/hapon po sa inyong lahat.


Sakripisyo para sa Kinabukasan

Talumpati ni Jouie Jazmin Openiano

Bawat tao ay may pangarap, PANGARAP ang laging pinang hahawakan ng simuman sa atin upang makamit ang mga mithiin sa buhay. Ibat-ibang pamamaraan, ibat-ibang landas, ibat-ibang paki-kisalamuha , ibat-ibang karanasan. Walang sumusuko, walang inu-urungan lahat lumalaban sa karera ng buhay makamtan lamang ang mga pangarap na inaasam-asam.

Bilog ang mundo, ito ang deskripsyon ng bawat isa sa atin sa kapalaran ng tao, nakaka lungkot mang isipin, kalimitan may ilan paring hindi pinapalad sa sakripisyo ng buhay, kaya sa huli ito ang lagi nating kataga “I did my best but my best wasn’t good enough”… swrete ng pinalad, malas ang hindi sinuwerte.

Subalit wala nang mas hihigit pa sa tunay na sakripisyo at taos-pusong pagkikipag laban sa buhay ng isang magulang para sa kinabuksan ng kanyang anak. Parent’s knows best ika nga, kaya kahit ano pa mang sitwasyon sa bahay basta para sa mga anak walang magulang na agad susuko sa hamon ng buhay.

Sa buhay ng isang magulang di nawawala ang katagang “gagawin ko ang lahat para sa aking anak” .Masarap, masaya, mahirap, mapanganib at nakakatakot ang bigat ng responsibilidad na dala-dala ng isang ama o ina sa isang huhubuging anghel.

Masarap dahil mararamdaman mo iyong dugo’t laman na may pagmamahal. Masaya na makikita mo ang isang paslit mula sa kanyang unang pautal-utal na pagbigkas, unang hakbang ng buhay hanggang sa kanyang pagiging ganap na binata o dalaga at maituturi mong ikaw na magalung ang unang naging guro ng kanyang buhay. Nakakatakot na maaring maligaw landas na tatahakin ang pinakamamahal mong anak. Ito na marahil ang isa sa pinakakatakutan ng isang magulang.

Subalit walang ama o inang sumusuko na nagmamahal ng tunay sa kanyang anak, sakripisyo sa buhay ang tanging panlaban makamtan lamang ang minimithing kinabuksan ng isang anak. Isang halimbawa na lamang ang mga magulang na nag ta-trabaho milya-milya ang layo sa kanilang mga anak. Walang nag hangad na magulang na malayo sa kanilang mga anak subulit walang magulang na hangad ng madilim na karimlan para kanilang anak kaya napipilitan na mangibang bansa ang ilan. Kung tutuusin masarap pakinggan na buhay abroad ang isang magulang at ang sarap na ito kabaligtaran naman ng pangungulila sa kanilang mga minamahal.

Laban kung laban, hindi uso ang homesick sa isang magulang na may pangarap sa mga anak, sakrpisyo sa sariling kaligayahan para sa medalyon ng kanilang buhay, yan ang isang MAGULANG.


Ang Pag-ibig ng Isang Ina

Talumpati ni Rizaro 

Pag-ibig. Marahil kung ito ay inyong maririnig, unang papasok sa inyong isipan ang inyong kasintahan. Bihira sa mga dalaga at binatang kagaya natin na ang una at tanging maiisip ay ang ating mga magulang.

Ang mga salitang aking bibigkasin, ang ideya ng talumpating aking ilalahad sainyong harapan ay marahil batid ninyo nang lahat. Kaya’t ang layunin ko ay mapaalalahanan at makilos ang damdamin ng aking mga tagapakinig ukol sa isang paksang mula sa aking puso: Ang Pag-ibig ng Isang Ina.

Mula nang tayo’y nasa sinapupunan nila, ay tayo’y kanila nang binubuhay. Siyam na buwang nagdalang-tao ang ating mga ina. Nang tayo ay mailuwal ay walang tigil na nila tayong inalagaan. Bawat dagok ay sinisikap nilang masolusyonan upang mapalaki tayo ng maayos at maimulat tayong lubos sa mundong ito.

Sa hapag-kainan, hindi mo sila makikitang unang kakain at sasandok ng kanilang ulam at kanin. Tatawagin nila tayo “Anak, kain na.”, at pagmamasdan nila kung sapat ba ang ulam na kanilang inihain. Kanilang kaligayahan na makitang busog ang kanilang mga supling.

Sa pagtulog, wari baga’y hindi sila makapagpapahinga hangga’t hindi nasisiguradong mahimbing na ang pagtulog ng kanilang mga anak.

Dahil sa hirap ng buhay sa daigdig na ating ginagalawan, ay napipilitang maghanap-buhay ang ibang mga ilaw ng tahanan. Kung tayo ay nasasaktan at nangangailangan ng kalinga, ang yakap at haplos ng isang ina ang pinaka makakapagpatibay ng ating puso.

Kung tayo ay may hinihingi, bagamat mahirap ang buhay, ay sisikapin nilang maibigay ito sa atin. Kung wala naman silang maibigay, ay palihim pa silang tatangis sapagkat nasasaktan sila kapag hindi nila naibibigay ang ating mga kahilingan. Hindi nila tay natitiis.

Malalim ang pagmamahal ng isang ina. Tayo ang laman ng kanilang mga panalangin. Kung tayo’y nagkakasakit ay sila ang umaaruga sa atin at isinisigaw ng kanilang damdamin na “Sana ako nalang ang nagkasakit.”

O mga kapatid, kay lungkot isipin na marami sa atin ang hindi marunong gumalang sa mga magulang. Tama kaya ang tayo’y magdabog at sumagot ng pabalang? Mainam ba sa pandinig ang pagrereklamo ng isang anak? Isipin nalamang natin ang magiging buhay natin kung wala tayong ina. Una ay wala tayo dito ngayon, Walang lutong almusal at hapunan tayong daratnan. Tayo ang maglalaba at magtutupi ng ating sariling mga damit. Ni ang pagluluto at pamimili ay tayo ang gagawa.

Nawa ay ating lingunin ang mabubuting sakripisyo ng ating mga magulang. Tumanaw tayo ng utang na loob. Maging mapagkumbaba, mapagpasakop at mapagmahal sa ating Ina na siyang pumapahid sa bawat luha ng ating mga mata, mula sa pag kasanggol, hanggang sa dako paroon ng kanilang buhay ay nananatili silang mga tagasubaybay. Paano man nila tayo pinalaki ay hindi maikukubli ang lalim ng pag-ibig ng isang ina na hindi nagbabago hanggang sa kanilang huling hininga.


Ang Kahalagahan ng Ating mga Magulang

Talumpati ni Nilda Mercado

Lahat ba tayo ay mayroong mga magulang na nag-aalaga sa ating paglaki? o tayo’y may mga magulang lang pero wala nang pakialam sa atin? Alam ko naman na bawat isa sa atin ay mayroong pamilya at magulang, ngunit hindi ko alam kung ano ang kanilang nais sa akin. Pero naniniwala ba kayo sa kasabihang, “walang nakatitiis na magulang sa kanilang anak”?

Sa aking mga katanungan, halos lahat ay walang katotohanan at walang kasiguraduhan. Pero ayon sa aking karanasan, ang aking mga magulang ay walang pakialam sa akin, at kung minsan naman ay sobrang maalalahanin. Pero sa aking palagay ay mas maraming araw ang walang pakialam nila sa akin. Kaya ko ito nasabi ay dahil kapag ako ay nanghihingi ng pambiling proyekto ay hindi nila ako pinapansin, at hindi nila ako binibigyan ng pera. Ngunit minsan kahit papaano binibigyan nila akong pandagdag na baon. Nakakainis man o nakakapagtampo ay hinahayaan ko na lang. Gumagawa na lang ako ng paraan o sa mas nakatatanda ko na lang na ate ako nanghihingi. Kung sa bagay, ano nga ba ang laban ko sa aking mga magulang? kung ano ang gusto nila, sila ang susundin ko. Ngunit kapag sila ay umaabuso na sila sa kanilang anak ay kailangan ng lumaban. Hindi man maiwasan ang pagseselos sa ating kapatid ay nararamdaman pa din. May paborito man ang aking magulang, mayroon naman akong ate na nagpapaaral sa akin at nag-aalaga.

Mga kabataan na nararamdamang sila’y nag-iisa at sila’y wala nang magulang, magtiwala lamang kayo sa inyong sarili at manalig. Dahil kung wala tayong pananalig, tiyak na mapapariwara ang ating buhay. Sa kabuuan dapat pa ding nating magpasalamat sa ating mga magulang dahil kung wala sila, wala rin tayo. At hindi natin makakamtan ang ating pangarap sa buhay.


Ang sukli ay para sa aking magulang lamang

Talumpati ni Aristotle Anciado

“Inay, paabot naman ako ng sabon”
“Tay, gawan mo naman ako ng trumpo”
“Inay, yung baon ko hindi pa handa”
“Tay, laro tayo ng basketbol”
“Inay, turuan mo naman akong mag gansilyo”
“Tay, turuan mo naman akong manligaw”

Ito madalas ang mga kataga ang bukod namumutawi sa ating mga bibig noong tayo’y mga musmos pa lamang. Mga salitang hindi natin ramdam ang hirap, maghintay at maiinip. Subalit ito ang mga salitang kinagigiliwan ng mga magulang para lamang sa kanilang mga anak.

Totoo. Walang ni isang magulang ang kayang tiisin para sa kapakanan ng kanyang anak. Tayong mga anak ay marahil nagawa nating maisumpa ang ating mga magulang kung tayo ay nadapuan ng hagupit ng sintoron ni itay, hapdi ng kurot ni inay. Ito’y ating naranasan subalit kung ito ay hindi natin naramdaman marahil tayo’y lumaking mga suwail at walang direksyon ang buhay.

Ngayong, tayo’y nagka isip, nakapag aral at naka pangibang bansa sana man hindi natin mawaglit ang lahat ng hirap at pagmamahal ng ating mga magulang. Tunay na may iba’t ibang klase ng mga anak ngunit ang mga magulang gaano man kasama at halos ipagkanulo sila ng kanilang mga anak iisa parin ang mamukadkad sa kanilang mga kalooban, ang pagmamahal ng isang magulang sa kaniyang anak. Ilang beses man tayong madapa sila lang at wala ng iba ang tutulong sayo para tumayo at maglakad tungo sa buhay na gusto mong tahakin.

Sana hindi natin sila ikinahihiya,sana kahit meron na tayong mga pamilya sana maisip natin na balang araw ang mga panahong ginugol nila sa atin ay babalik at uulitin ng panahon kung paano ang sitwasyon ng pagiging magulang sa nabuo mong pamilya.

Sana mas madalas na may panahon tayo sa kanila kahit tayo ay malayo at wala sa kanilang piling, dahil ramdam natin ang kaligayahan nila sa tuwing boses natin ang kanilang napakikinggan. Mga kwentong kahit ano, mga katanungang kahit alam mo ang sagot, mararamdaman mong sila’y walang sawang magpapaliwanag sayo.

Sana maiisip natin na madali na lang sa kanila ang mamuhay sa mundong ibabaw. Kung tayo man ay namuhay ng halos hirap at salat sa buhay noon, sana may pagkakataong mas maisip natin ang mapaginhawa ang kanilang mga sarili. Alam natin na ang ating mga magulang ay pagod na pagod na, subalit hindi natin sila katulad at marinig na may hinaing bagkus patuloy pa rin sila sa pagkakayod maitaguyod ng mabuti ang kapakanan ng kanilang pamilya.

Ipinapahatid ko sa ating lahat na ang mga magulang ay puno’t dulo natin dito sa mundong ibabaw. Sila ang naging instrumento kung paano ka hinubog ng panahon, at bilang panukli,ang wagas na pagmamahal at atensyon ang alam kong pinaka mainam na gamot para mapawi ang kanilang paghihirap.

Bilang mga anak na nawalay at nagtratrabaho sa ibayong dagat, mga katulad kong kumakayod para sa sarili, sana mayroon pa ring mas malaking porsyento ang mailalaan natin para sa kanila bilang ganti at tulong para sa ating mga magulang. Dahil naniniwala ako sa kasabihang, “kung ang puno ay napalago ng mabuti, hitik na bunga ang maaani”.

Sana tayo ay nagdidiwang na sila ang mga magulang natin sa ating buong buhay. Sana walang anumang panunumbat kung bakit sila ang ibinigay ng diyos bilang ating mga magulang, ang maykapal ang naglaan para ipagkaloob sila sa atin ng walang anumang pakundangan.

“Anak, pakiulit ang sinabi mo, hindi ko marinig”
“Anak, hindi ko mabasa ang nakasulat, pwede mo bang basahin para sa akin?”
“Anak, pasensya ka na sakitin na ako”
“Anak, alam mo bang mahal na mahal kita”.

Ang mga nakaraan, ay inuulit ng panahon. Sana hindi tayo magbabago sa pakikitungo sa kanila. Sana mas maraming pasensya ang ilalaan natin para sa kanila. Sakripisyo at pang unawa sana ang mangingibabaw sa atin kapag dumating ang mga panahon ganito na ang estado ng kanilang buhay.

Ang pagkakaroon ng magulang ang pinakamasayang regalo ng diyos para sa ating mga anak. Walang materyal na bagay ang makakapagpasaya sa kanila kundi lamang ang ngiti at giliw ng kanilang mga anak na kanilang hinahagkan at inaamoy noong mga bata pa tayo.

Sana naniniwala kayong ang ang magulang lamang ang siyang tunay at hindi mapanakit kung magmahal.


Magulang

Talumpati ni Kristine Sumagui

“Walang magulang na kayang tikisin ang anak”

Ang pagmamahal ng magulang ay walang hanggan, walang limitasyon at pang habang-buhay. Ito ang pingangahawakan kong pangako ng Diyos sa akin.

Sa aking murang pag-iisip ay naranasan ko na ang lahat ng mag dapat maranasan ng isang kabattan, ang masampal, mamura at makagalitan. Pero sa kabila nito ay hindi ako sumuko. Ipinagpatuloy ko pa rin ako ng mataas dahil naging masaya ako sa naging buhay ko. Maaga kasi kaming nawalan ng haligi ng tahanan pero namuhay ako sa prinsipyo ng tatay ko. Sinabi niya sa amin noon na sa lahat ng hamon ng buhay ay may awa ang Diyos.

Nangarap ako, Oo. Napagtanto ko kasi na mahal na mahal ako ng mga magulang ko dahil pinayagan nilang makita ko ang ganda ng mundo, ang paligid. Kahit na tayo’y kagalitan ng ating mag amagulang ay dapat parin natin silang mahalin dahil sa pagsisilang pa lang nila sa atin ay malaki na ang utang natin sa kanila. May mga oras ngang mainit ang ulo nila kaya tayo napagtataasan ng boses, sana ay intindihin na lang natin sila.

Gusto ko sanang iparating sa lahat na ang magulang pa rin ang maiiwan sa atin sa bandang huli, sila pa rin ang dadamay at aagapay sa ating paglaki, mawawalan tayo ng kaibigan pero sila ay mananatili at hindi tayo pababayaan, ganyan nila tayo kamahal. Mabatid sana ito ng lahat ng kabataang iniisip na hindi sila mahal ng kanilang magulang.


Para sa batang hindi kasama sina Nanay at Tatay

Talumpati ni Danilo Araña Arao

Ikaw ba ay bata? Kumusta ka na? Masaya akong kausap ka. Sana, masaya ka ngayon.

Marami ka bang natanggap na regalo noong Pasko? Kung ang sagot mo’y oo, mabuti naman. Kung ang sagot mo’y hindi, mabuti pa rin.

Hindi lang naman sa regalo nagiging masaya ang mga bata. Alam mo ba ang mas mahalaga sa regalo? Ang mas mahalaga sa regalo ay ang pamilya – si Nanay, si Tatay, ikaw at ang mga kapatid mo. Masaya ang lahat kung ang buong pamilya ay magkasama. Alam mo na ito, hindi ba?

Kung wala sina Nanay at Tatay dahil nagtatrabaho sa malayo, huwag kang malungkot. Babalik din naman sila. Kailangan lang nilang kumita ng pera. Hindi nila gustong maging malayo sa iyo. Mahal na mahal ka nila. Kapag nakaipon na sila, makakasama mo na sina Nanay at Tatay. Mayayakap at mahahalikan mo na sila!

Malaking sakripisyo ang ginagawa nila para sa iyo at sa mga kapatid mo. Alam mo ang ibig sabihin ng sakripisyo, hindi ba? Isang halimbawa ng sakripisyo ang pagtitipid ng baon mo. Hindi ka bumibili ng maraming bagay para mabili mo ang isang bagay na gusto mo. Kailangan mong magsakripisyo dahil kulang ang perang hawak mo.

Ano ang malaking sakripisyo nina Nanay at Tatay? Naghanap sila ng trabahong mas malaki ang suweldo. Nakita nila ito sa lugar na malayo sa bahay ninyo. Bakit ba kailangan ng malaking suweldo? Siyempre, para sa inyong magkakapatid ito. Dahil sa ipinapadalang pera nina Nanay at Tatay, nakakapag-aral kayo. Nakakakain din kayo nang tatlong beses isang araw.

Kahit malayo sila, masaya sina Nanay at Tatay kapag nalalaman nilang nasa maganda kayong kalagayan.

Sinulat ko ito hindi lang para kumustahin ka. Gusto ko ring sabihin sa iyong napakaraming batang katulad mo. Marami kasing katulad nina Nanay at Tatay na nagtatrabaho sa malayo. Maraming nahihiwalay sa kanilang mga magulang, hindi lang sa Pasko kundi sa mahabang panahon.

Minsan, nakakainggit ang makitang yakap-yakap ng mga kalaro mo ang nanay at tatay nila. Pero maniwala kang maiinggit din sila kapag ang magulang naman nila ang umalis.

Alam mong masama ang mainggit, hindi ba? Kung gusto mong maging mabuting bata, dapat matuwa ka sa magandang nangyayari sa mga kalaro mo. At kung malungkot sila, dapat sama-sama kayong magsaya. Yayain mo silang maglaro o tulungan mo silang mag-aral. Maraming puwedeng gawin ang mga bata, at mas masaya kung kayo ay sama-sama.

Sama-sama. Mahalagang tandaan ito ng mga batang tulad mo. Uulitin ko. Hindi ka nag-iisa.

Alam mo, masyadong mahabang kuwento kung bakit kailangang umalis sina Nanay at Tatay para lang mabigyan kayong magkakapatid ng mas magandang buhay. Pero huwag na huwag mong isiping nag-iisa ka sa kalungkutan ng paghihiwalay o kasiyahan sa pagbabalik nila.

Ganito rin ang nararanasan kahit ng mga batang hindi mo kakilala. Sa paglaki mo, maganda sigurong kilalanin mo sila. Yayain mo rin sila sa mga gawaing sama-sama.

Salamat sa pagbabasa. Mabuhay ka!

SEE ALSO: Mga Talumpati Tungkol sa Kalikasan

28 Shares
Share via
Copy link