Ang mga guro ang isa sa itinuturing na mga maka-bagong bayani ng ating henerasyon. Nagsisilbi sila bilang pangalawang magulang na humuhubog sa atin upang tayo ay magkaroon ng isang maliwanag at mas mahusay na hinaharap. Ang pagiging guro ay hindi madali. Ito ay isang nakakapagod na propesyon at nangangailangan ng mahabang pasensya at pagmamahal sa kanilang bokasyon na napili. Ibinubuhos nila ang kanilang pisikal na lakas, kaalaman, at kung minsan maging ang kanilang sariling pera, at nagtitiis para tayo ay maturuan at matuto.
Kung ikaw ay isang mag-aaral at gusto mong pasalamatan ang iyong guro sa pamamagitan ng isang tula, narito ang ilang mga halimbawa ng tula tungkol sa guro na ginawa rin ng mga mag-aaral na katulad mo. Pinagsama-sama namin ito upang bigyan ka ng ideya kung paano mo sisimulan ang iyong tula para sa iyong guro.
SEE ALSO: Tula Tungkol sa Pangarap
Mga Halimbawa ng Tula Tungkol sa Guro
- Guro, Nasa Langit Ang Iyong Paraiso
- Ang Aming Mga Guro
- Ang Aking Guro, Aking Bayani!
- Guro Ko, Bayani Ka
- Salamat Aming Guro
- Guro Ko, Hero Ko
- Sa Mga Guro
- Bayani Ko ang Guro Ko
- Salamat Guro! Salamat!
- Ang mga Guro ay Huwaran
- Sa Aking mga Guro
- Aking Guro, Aking Bayani ni Imee Joy Cabatic
- Guro
- Aking Guro, Aking Bayani ni Eddie Garcia Jr.
- Dakilang Propesyon
- Ang Aking Bayani
- Guro: Bayani
- Guro, Tulay sa Magandang Bukas
- Yeso at Pisara
- Turo, Basa, Sulat
- Super Hero ng Buhay ko!
Guro, Nasa Langit Ang Iyong Paraiso
Tula ni B. del Valle
Hatinggabi, nagbabasa sa malamlam na ilawan,
Naglalamay samantalang ang iba ay nahihimlay,
Samantalang ang marami’y nasa binggo, nagsusugal,
Nasa sine, nasa “night club”, naglalasing, nagsasayaw.
Madalas na malipasan ng gutom sa di-pagkain
Sa oras na kailangan… pagkabigat na gawain!
Hanggang doon sa tahana’y dala-dala ang iksamen,
Kaya’t siya kung matulog ay hatinggabing malalim.
At lalo nang ang isipa’y gulung-gulo, naghihirap
Kung sa kanyang pagtuturo’y pasakit ang niyayakap
Pagkatapos na gampanan ang tungkuling iniatas,
Ang katawa’y nanghihina’t ang tinig ay nababasag.
Ang marami’y natutuyo at ang tungo’y sa libingan,
Lalo na kung sa iskwela’y mga batang walang galang
Ang palagi nang kaharap sa umaga’t maghapunan,
Mga batang di na kayang patuwirin ng magulang.
Ang sariling kabutihan ay kanilang nililimot,
pinapatay ang damdamin nitong dibdib sa pag-irog,
sa gawaing pagtuturo ang diwa ay nakabalot,
at ang pintig nitong puso’y di pansin ang lumuluhog.
Natutuwa kung marinig ang papuring walang laman:
“Kung ikaw ma’y nagsasalat sa salapi’t karangyaan,
Nasa iyo namang lahat ang papuri at parangal
Pagka’t tapat kang maglingkod sa bayan mong minamahal.”
Nagagalak pag narinig ang pangakong di-natupad:
“Ang sahod mong kakarampot, may pag-asang magkadagdag
Pag dumating ang panahon na ang kaban ay bumigat.”
O pag-asang naluluoy at sa hangi’y lumilipad!
Ang Aming Mga Guro
Tula ni Daniel Avila De Guzman
Higit pa sa pagka-ina ang inyong ginampanan,
Sa buhay naming na inyong lakas-diwang pinagyaman.
Inampon kaming lahat sa maliit na silid-aralan
Upang hikayating kumilos at makipagsabayan.
Ang wikain mo’y gaya ng sa Bibliya
Nakapangyayari ang salita’t ang aral ay dinadakila.
Mumunting isipan namulat pagkaraan,
Ngayon ay nangangarap mariin na kung sumulat!
Dugo ni Gat. Jose Rizal sa inyo’y nananalaytay,
Makatang sa aming pag-unlad ay walang sawang sumubaybay.
Si Andres Bonifacio kayong nabuhay magpasahanggang ngayon,
Nililok ang inyong tabak ng yeso at libro.
Pinaglaban ang bayang inalipin ng husto.
Supremo siyang ituring ng samahang binuo.
Kayo naman sa bagong panahon ay tinaguriang Maestro!
Sa inyo nag-ugat ang malayang pakikibaka,
Iwinatawat ang kagustuhang makapaglingkod sa masa.
Walang sawang naghatid ng kaalaman at ligaya
Sa lahat ng mag-aaral na sa inyo ay umaasa.
Kayo, kayo nga ang mga tanod na sumusupil
sa kamangmangang nananahan sa kalingkingan ng dilim.
Ang inyong gawang makabayan sa tanang kabataan
Ay tiyak na mag-iiwan ng ala-alang di matitingkaran
Ng ginto o anumang yamang naghaharing batayan.
Naninindigan ako sa paniniwala ko,
Sa lahat ng pangalang tinitingala sa mundo,
Hindi magtatagumpay at mahihirang sa tugatog
Kung hindi nagsimula’t nagdaan sa mga kamay niyo!
Dahil sa inyo, kami nag-alab,
Nagsumikap, nangarap, nagpumilit umahon sa hirap.
Nag-asam ang bawat isa na kayo’y maging katulad,
Inspirasyon namin kayo sa buhay at pag-unlad.
Maraming maraming salamat sa inyo,
Aming guro, titser, Ma’am o Maestro.
Sakit man sa ulo ang hatid namin sa inyo,
Wag kalilimutang mahal na mahal namin kayo!
Ang Aking Guro, Aking Bayani!
Tula ni Russel S. Mapilar
Paggising sa umaga,
Diwa’y inaantok pa
Ngunit tayo’y papasok na
Papasok na sa eskwela
Simula pagkabata hanggang sa pagtanda
Kayo ay tumayong pangalawang ama o ina
Nariyan para gumabay at mag-aruga,
Pasasalamat lamang ay nararapat itakda.
Sa aking paglaki
Di iniisip mga pagkakamali,
Ngunit ngiti lamang syang sinukli,
At mga payong sa lungkot ay humahawi.
Kayo ay laging kaalalay,
Nagbibigay kulay sa aking buhay,
Sya ring karamay sa kabiguan at lumbay
Ikaw na nga guro, susi sa aming tagumpay.
Kaya’t ako ay nagpapasalamat sa inyo
Mga minamahal at ginigiliw na guro ko
Walang pag-aalinlangang ipapakita ko
Ikaw aking guro bayani ng buhay ko!
Guro Ko, Bayani Ka
Tula ni Maricar R. Doria
Aming mga guro ay sadyang masipag,
Sa kanilang pagtuturong kanilang hinaharap,
Sa mga estudyanteng kanilang tagapakinig;
Silang mga guro’y sadyang nakakabilib.
Pangalawang magulang ng mga mag-aaral,
Nagtuturo ng mabuti at pagiging marangal,
Sadyang napakahusay ng kanilang katangian,
Sa ating mga asal, itinuturo ang kagandahan.
Sa mga mag-aaral na sadyang makukulit,
Di maiiwasang ang guro ay magsungit,
Ngunit wag mangamba, sila talaga’y mababait,
Hangga’t maari sila ay magtitiis.
Anumang mga pagsubok kaya nating lampasan
Sa ipinapakita ng mga gurong kabayanihan
Kaya sa tula’y aking sasabihin na,
Guro ko, Mahal ko, Bayani Ka!
Salamat Aming Guro
Tula ni Lynne Pingoy
Sa loob ng sampung buwan
Marami mang pagsubok ang pinagdaanan
Ngunit wala pa ring atrasan
Marami na rin ang pinagsamahan at naging magkakaibigan.
Isang grupo ng kabataan,
Na nagkaroon ng isang magangdang samahan.
Kahit anong pagsubok ay hindi nila inaatrasan, kaya:
Kaya nila itong pagtagumpayan.
Isang grupo ng kabataan
Na kung minsan ay may alitan
Pero ilang sandali, ito ay kanilang kinakalimutan
At tuloy na ulit ang kasiyahan.
Sa kabila ng lahat ng ito ay may nakaagapay
Isang guro ang na aming tagapatnubay
Na maaaring maging inspirasyon namin sa aming tagumpay.
Guro na yata sa habambuhay; motto nya siguro sa buhay.
Bb. Maritess Palac ang kanyang pangalan.
Kahit kailan ay hindi mo malilimutan.
Salamat sa iyo aming guro, na tumayo bilang ikalawang ina sa aming mga estudyante mo.
Salamat po sa inyo mahal naming guro.
Salamat mo sa iyo mahal naming guro, ng dahil sa inyo kami ay natuto.
Kaalaman na galing sa aming magulang, kasama ang kaalamang mula sa inyo.
Ay hindi kayang tumabasan ng anmang ginto.
Salamat sa Diyos kami ay nagkaroon ng isang gurong katulad niyo.
Guro Ko, Hero Ko
Tula ni James P. Nacionales
Kadalasa’y bumibilib tayo sa kanila
Sa pagmamahal at sa kanilang tyaga
Kaya tayong mga mag-aaral ay mahal din sila
Dahil tayo ang nangungunang tagahanga nila.
Ngunit alam nating hirap na rin sila,
Kaya naman pahalagahan natin sa twina
Salamat sa pag-aaruga at sa kaalaman ninyo,
Dahil sa inyo ako’y dagling natuto.
Salamat po talaga ng marami
Dahil sa kaalama’y kami ay di nahuhuli,
Mahal po namin kayo, walang magbabago
Kahit pa magbago ang ikot nitong mundo.
Kayo po ang pangalawang magulang ko
Dahil sa inyo, naeengganyong magbago
Sana ay patnubayan kayo ng ating Panginoon,
Guro ko, Hero ko sa habampanahon.
Sa Mga Guro
Tula ni Donward Cañete Gomez Bughaw
Kapagka ang yeso ang ipinambato
Doon sa madaldal na estudyante mo,
At saka-sakaling tamaan ang ulo,
Bala ang babalik sayo mismong noo!
Kapagka pambura’y ipahid sa mukha
Niyong mag-aaral na tatanga-tanga,
Pakaiwasan mo’t baka maging kawa
Yaong igaganti sa iyong ginawa!
Kapagka ang pluma ang siyang ginamit
Sayong panghuhusga’y mag-ingat na labis;
Sapagkat di tinta yaong ipapalit,
Kundi ang dugo mong mas nakakahigit!
Kapagka ang luha’y mamatak sa lupa
Niyong estudyanteng labis na nagdusa–
Pakaasahan mo’t gaganti ang bata,
Ika’y sisingilin hanggang sa pagtanda!
Bayani Ko ang Guro Ko
Tula ni Ma. Bernadette G. Arabis
Sa araw-araw na pagpasok sa eskwela
Kayo ang aming nakakasama
Nagbibigay kaalaman,para sa kinabukasan
Sa maraming taong ginugol sa paaralan
Kayo ang syang naging sandigan,
Nagbibigay sagot sa’king mga katangungan
Salamat sa inyo aking mga guro,
Sapagkat kung wala kayo, di kami natuto,
Lahat ng alam namin utang namin sa inyo.
Tama! Kayo ang gabay tungo sa magandang buhay,
Mga turo ninyo ay walang kapantay,
Hinding-hindi malilimutan, anuman ang maranasan
Bayani ko ang guro ko at ngayon ay pinasasalamatan!
Salamat Guro! Salamat!
Tula ni Ivy Varilla
A, Ba, Ka, Da.. Banggit sa umpisa
Nakaturo sa mga letra na nasa pisara
Habang naktingin sa’ming munting mata
Na para bang laging may hatid na pag-asa.
Ikaw o Guro..pangalawang ama’t ina
Kapag nasa inyong tabi, kami’y walang pangamba
Takot at sakit ay hindi alintana
Pagkat aming batid ikaw ay kasangga.
Sa tulad kong estudyante sa isang kolehiyo
Patuloy pang lumalawig ang mga nalalaman ko
Ito’y sa pamamagitan ng mga turo ninyo
Gagamitin ng mabuti para sa’king pag-asenso.
Aking pasasalamat ngayo’y binibigkas
Kulang pa nga ito sa pasasalamat kong wagas
Kayo ang nagsilbing baitang sa hagdan tungo sa pangarap
Pangako ko sa inyo ako’y lakas loob na haharap.
Di ko mabatid kung pa’no ibabalik
Mga paghihirap niyong sa amin ay hatid
Sa tingin ko’y sasapat na ang tatlong diploma’y makamit
Kahit gaano pa kahirap,kukunin itong pilit.
Masyado ng mahaba ang tula na ito
Ayos lang naman pagkat ito’y para sa inyo
Kulang pa nga ito sa lahat niyong nagawa
Babanggitin ko na, “SALAMAT AKING GURO! SALAMAT!”
Ang mga Guro ay Huwaran
Tula ni Mary Anne Montero
Huwaran kung sila ay tawagin,
Espesyal sila sa buhay natin
Sila ang dahilan ng ating tagumpay,
Sila ang tumutulong at umaagapay.
Guro ang mga pangalawang magulang
Bigyan ng respeto, ating mahalin.
Mahalaga sa ating puso at mga buhay,
Ating pahalagahan, bigyan ng pugay.
Huwaran, sila ay dapat hangaan
Dulot nila ay kaalamang wala ng katapusan
Para sa mga oras sa pagtuturo sa ati’y kanilang inuukol,
Kahit kung minsan isip nati’y bulakbol.
Mahal nila tayo, dapat mahal natin sila
Magandang kinabukasan kasi ay dulot nila
Oras na kanilang ginugugol sa pagtuturo,
Kahapon, ngayon at bukas Sila ang ating mga guro…
Sa Aking mga Guro
Tula ni Rosalla O. Sagun
Araw-araw na lang kami ay inyong tinuturuan
Sa paaralang aming pangalawang tahanan
Kung saan nakakilala kami ng pangalawang magulang
Na kahit kalian pa ma’y di namin malilimutan.
Di namin alam kung kami ba’y naging mabuti
At bakit kabutihan ang inyong mga ganti
Batid namin na kami ay may kakulangan
Na amin naming handang punan
Lagi nyo kaming pinapahalagan.
Kahit minsa’y kami ay inyong kinaiinisan
Kaya naman sa araw-araw po nating pagsasamahan
Hangad namin ang katiwasayan at kabutihan
Ang aking mga sinambit ay tunay pos a aking kalooban
Ginawa kop o ng walang halong kaplastikan
Sapagkat aking isip sa pagtula’y di ko mapigilan
Kapag kayo na ang iniisip na pasalamatan…
Aking Guro, Aking Bayani
Tula ni Imee Joy Cabatic
Simula sa abakada
Hanggang sa pagbabasa
Sila ang kasama
At Pangalawang ama o ina
Sa inyo nagmula ang aming karunungan.
Sa pagbabasa man o pagsusulat
Inyo kaming tinuruan
Inyo kaming ginabayan
Sa araw-araw na pagpasok sa eskwela
Baon namin ang ligaya
Na kayo ay masulyapan at makita
Sa pag-uwi, karunangan naman aming nadadala
Salamat at nakilala namin kayo
Magagandang asal sa inyo kami ay natuto
Maraming salamat sa inyo mga guro,
Para sa amin, aking aaminin, bayani kayo!
Guro
Tula ni Rose Ann D. Gaspar
Ang nagpabatid ng mga kaalaman
Sa atin at sa buong sambayan
Nagtuturo ng magandang asal
At itinuturing na pangalawang magulang
Sila ay lubos na iginagalang
Ng lahat ng nilalang
Ng lahat na noo’y
Mga batang walang muwang lamang
Kadalasan sila ay mabait
Ngunit minsa’y nagsusungit
Ngunit sa likod nito
Ay mga labing masaya at nakangiti
Tayo ay natututo
Sa kanilang mga itinuturo
Tayo ay kanilang sinasagip
Upang sa tamang landas di malihis.
Aking Guro, Aking Bayani
Tula ni Eddie Garcia Jr.
Ang ating guro ay ating pasalamatan
Dahil sila ang ating pangalawang magulang sa paaralan
Kahit napupuyat sila sa paggawa ng lesson plan
Sila’y nakangiting pumapasok upang tayo ay turuan
Kahit tayo ay gumagawa ng kalokohan
Sila ay nandiyan upang tayo ay pagsabihan.
Sa kanila ating natutunan FILIPINO, HEOGRAPIYA at MATEMATIKA
Magagandang asal sa EDUKASYONG PAGPAPAHALAGA,
T.L.E., MAPEH, SYENSYA at kay rami pang iba.
Kapag tayo ay nagtapos na dito sa paaralan
Di natin sila malilimutan lalo na ang kanilang kabutihan
Kung magkakaroon ng pagkakataong sila ay masuklian
Ako ay nandyan na, walang pag-aatubili, walang pag-aalinlangan
Ating mga guro, ating mga bayani, tayong lahat ay magbunyi
Wala naman tayong maipapalit sa kanilang kabutihan
Kundi ang sila ay sundin at pahalagahan
Kaya sa araw nila ano pa bang gagawin kundi ang sila ay arugain?
Dakilang Propesyon
Tula ni Crissalyn S. Nuncio
Isang dakilang propesyon ang pagtuturo
Ating kaunting dunong kanilang pinupuno
Kaalamang habambuhay na mananatili,
Mula sa aking guro, aking bayani…
Tinuturing silang pangalawang magulang
Na syang nagpupuno ng ating kakulangan
Nagsisilbing modelo ng Lahat
Naglilingkod sa atin ng tapat.
Bayani kong itinuturing ang aking guro
Dahil ang kanilang propesyon ay di biro
Pagod at puyat kanilang dinaranas
Upang mabigyan tayo ng magandang bukas
Saludo kami sa aming mga guro
Kung wala kayo ay paano na kami
Salamat sa inyo aking guro,aking inspirasyon
Guro nga po ay tunay na dakilang propesyon.
Ang Aking Bayani
Tula ni Angeline S. Acutillar
Sa aming musmos na isipan
Binigyan nyo ng mga kaalaman
Na di namin makakaligtaan
Saan man landas na tahakin o paroroonan
Sa bawat araw na pagtuturo
Guro ay may laging bagong mga ngiti
Na sa kalungkutan ng umaga ay pumapawi
Nagpapasigla kaya umaga namin ay kay ganda
Sa oras ng problema
Mga guro ay inyong malalapitan
Handang tumulong saan man
Handang magsakripisyo ano man…
Kaya ang aking bayani
Ay syang guro na aking ipinagbubunyi
Sapagkat dulot nila ay di lamang kalaman,
Nandyan sila upang tayo ay damayan.
Guro: Bayani
Tula ni Rowel S. Rion
Ang aking guro
Mga Huwarang guro
Di Nagsasawang magturo
Puyat at pagod kanilang puhunan.
Upang kami ay turuan
Upang kami ay may matutunan
Kaya marapat na sila
Ay ating pasalamatan ng walang hanggan.
Kabutihan kanilang ibinigay
Kaya mag-aaral
Bilang ganti tayo’y magpakabait
Nang si Sir at Ma’am ay mapangiti.
Tunay silang bayani
Handang magturo
Umulan man o umaraw
Hero ko di Sir at Ma’am
Guro… Oo ikaw…
Guro, Tulay sa Magandang Bukas
Tula ni Rey O. Dasalla
Propesyon nila ang humubog sa isipan,
Ng mga mag-aaral na pag-asa ng bayan;
Hirap at pagod kanilang natatamasa,
Matuto lamang mga mag-aaral sa asignatura.
Kahit minsan lang mabati ng mga mag-aaral
Sa loob ng klase ay may ngiting katapat
Nakikita nya ang mga mata ng kalungkutan
Kasiyahan, galit o taglay na kabutihan
May mga estudyanteng walang pakialam
Sa mga bagay na itinuturo sa eskwelahan;
Iniintindi nila ang taglay nilang mga asal
Isang gawain ng isang gurong marangal.
Kun sana ay ating mawari, ating alamin
Kapwa ko estudyante, sana ay intindihin;
Mga butil ng kaalaman na kanilang itinanim
Para sa kagandahan ng kinabukasan natin.
Yeso at Pisara
Tula ni Adrian Arbi D. Caseja
Noong ako ay bata pa guro na ang aking kasama
Nilinang at hinahasa ang natutulog kong isipan
Itinuring ko sila bilang ikalawang ama o ina
Minamahal nila ako at ganoon di ako sa kanila
Isa,dalawa, tatlo ang alam kong numero
ABAKADA naman sa pagbabasa’y ako ay natuto
Lupang Hinirang unang awit na nalaman ko
Yan lamang ang ilan sa mga turo ng guro ko.
Ang estudyanteng tulad ko tuwing Abril, nanlulumo
Dahil malalayo ako sa mga gurong irog ko
Pagkatapos grumadweyt , isang bagong yugto
Tatahakin at susuungin ng buong puso
Guro ay aking lampara sa madilim na landas
Umaakay sa aki sa tamang daan
Regalo sa akin ay isang bagong buhay
Tunay na bayani sa puso at isipan.
Turo, Basa, Sulat
Tula ni Jhon Anthony R. Liberato
Magmula umaga hanggang dapithapon
Lagi nating kasama saan man naroroon
Sa loob man o labas ng ating silid
Kaagapay mo sa lahat ng panahon.
Di nila tayo kayang iwanan
Sa gitna ng problema o karamdaman,
Asahan mong lagi silang andyan
Sa liwanag, pighati o kadiliman man.
Handang ituro lahat ng nalalaman
Sa mga mag-aaral na kanilang minamahal
Sila din ang pangalawa nating mga magulang
Na syang malalapitan sa oras ng pangangailangan.
Kahit ano pang klase ng panahon
Umulan umaraw sila ay naroroon
Turo, basa, sulat hanggang sa di maglaon
Tayo ay matuto sa kanilang tulong.
Kung minsan marami ang nagtataka
Bakit sila ganoon kabait sa iba?
Suguro ay sadyang ganoon na sila
Ang pagod sa pagtuturo ng maghapo’y di alintana.
Para silang leon kung minsan pag tayo’y pinagsasabihan
Parang anghel kung sila naman ay mag-alala
Marahil ang guro ay nilikha ng May lalang
Upang magsilbing inspirasyon at bayani ng mga paaralan.
Super Hero ng Buhay ko!
Tula ni Raymond Nachor
Masaya…
Karamay…
Sandigan…
Gurong Maasahan…
Tama ikaw…
Ang aking ilaw…
Ilaw na patnubay…
Ikaw ang aking kaagapay…
Kapanglawan…
Kapayapaan…
Kaalaman
Kinabukasan…
Guro…
Tama Ikaw…
Tanging kayo…
Super hero ng Buhay ko…
Umaasa kami na nakatulong sa iyo ang mga halimbawa ng tula tugkol sa guro na iyong nabasa. Kung ikaw ay gumawa rin ng tula tungkol sa guro at nais mo ito na magbigay din ng inspirasyon sa iba, mag-iwan ka lamang ng komento sa ibaba.
Maraming salamat sa pagbabasa at wag mo ring kalimutang ibahagi sa iyong mga kaibigan ang pahinang ito. 🙂