Alamat ng Pilipinas

12 Shares

Noong unang panahon ay wala pang tinatawag na bansang Pilipinas. Mayroon lamang maliliit na mga pulo. Noong hindi pa rin ito bahagi ng mundo ay may nakatira ditong isang higante. Ang kweba nya ay nasa kalagitnaan ng Dagat Pasipiko. Kasama niyang naninirahan ang kanyang tatlong anak na babae na sina Minda, Lus at Bisaya.

Isang araw kinakailangang umalis ng amang higante upang mangaso sa kabilang pulo. Kailangang maiwan ang tatlong magkakapatid kaya pinag sabihan niya ang tatlo.

“Huwag kayong lumabas ng ating kweba,” ang bilin ng ama. “Dyan lamang kayo sa loob dahil may mga panganib sa labas. Hintayin ninyo ako sa loob ng kweba.”

Nang makaalis na ang amang higante, naglinis ng kweba ang magkakapatid. Inayos nila itong mabuti para masiyahan ang kanilang ama. Subalit hindi nila katulong sa paggawa si Minda. Hindi ito masunurin sa ama. Lumabas pala si Minda at namasyal sa may dagat. Hindi man lamang nagsabi sa mga kapatid.

Tuwang-tuwa si Minda na naglalaro ng mga along nanggagaling sa dagat. Namasyal sya at hindi nya napansin na malayo na pala sya sa tabi ng dagat. Habang sya ay naglalakad, isang napakalaking alon na masasabing dambuhala ang lumamon kay Minda. Nagsisigaw sya habang tinatangay ng malaking alon sa gitna dagat.

“Tulungan ninyo ako!” sigaw ni Minda. Narinig nina Lus at Bisaya ang sigaw ni Minda. Abot ang sigaw sa loob ng kweba kaya tumigil sa paggawa ang dalawa.

“Si Minda humihingi ng tulong!” sabi ni Lus na nanlalaki ang mga mata sa pagkagulat.

“Oo nga! Halika na!” yaya ni Bisaya. “Bakit kaya?”

Mabilis silang tumakbo sa may dagat. Tingin dito, tingin doon. Nakita nila sisinghap-singhap sa tubig ang kapatid.

“Hayon sa malayo!” sigaw sabay turo ni Lus.

“Hindi marunong lumangoy si Minda ah!” sabi ni Bisaya at tumakbo na naman ang dalawa. Sabay iyak ni Lus.

Mabilis nilang nilusong si Minda, malalim pala doon. Inabot nila ang kamay nila sa kapatid. Pati sila ay nadala ng dambuhalang alon. Kawag, sipa, taas ng kamay, iyak sigaw at walang tigil na kawag. Sa kasamaang palad ang tatlong dalagang higante ay hindi na nakaahon.

BASAHIN DIN: Ang Bulkang Taal

Nang dumating ang amang higante nagtataka siya bakit walang sumalubong sa kanya. Dati-rati ay nakasigaw na sa tuwa ang tatlo nyang anak kung dumating sya. Wala ang tatlo sa kweba, ni isa ay wala roon.

“Saan kaya nagtungo ang tatlo kong anak?” Tanong nya sa sarili. “Saan kayo Lus, Minda, Bisaya!”

Walang sumasagot, hinanap niya sila sa paligid ngunit wala sila roon. Pinuntahan niya ang ilang malapit na pulo, ni anino ay wala.

“Baka may pumuntang tao at dinala silang pilit,” sabi ng higante sa sarili.

Biglang umalon ulit at dumagundong, napalingon ang ama at naisip niya na baka nalunod ang tatlo. Dumako pa sya sa malayo at hindi nagkamali ang higante. Nakita niya ang labi ng ilang pirasong damit na nakasabit sa bato. Para tuloy niyang nakita ang tatlong kamay na nakataas at humihingi ng saklolo. Naalala niya bigla na hindi niya pinayagang lumabas ang mga ito. Tumalon sa dagat ang higante. Sa isip lamang pala niya ang larawan ng tatlong kamay na nakataas, nawalan siya ng lakas.

“Mga anak! Ano pa? Wala na” himutok ng ama. Nawalan na siya ng ganang kumain. Tumayo, umupo, tumingin sa malayo. Isa-isang hinagod ng tingin ang bawat munting bato at kahoy sa malayo. At sa pagod at hapis napahilig sa isang bato at tuluyang natulog. Mahabang pagkatulog ang nagawa ng kawawang higante.

Nang magising ang higante, kinusot niya ang kanyang mga mata. May nakita siyang wala doon dati. Tumayo bigla at tiningnan mabuti.

“Ano ito? Saan galing ang tatlong pulong ito? Sila kaya ang tatlong ito?” Tanong sa sarili, lalong lungkot ang naramdaman ng amang ulila.

“Ang tatlong pulong ito! Sina Lus, Minda at Bisaya ito!” ang sabi niyang malakas.

At buhat noon tinawag na Luson, Bisaya at Mindanaw ang tatlong pulo. Dito nagmula ang bansang Pilipinas. Nasa gawing timog ng Asya. Bahagi ito ng Pilipinas sa katimugang bahagi ng Asya.

Aral:

  • Ang pagiging matigas ang ulo ay nagdudulot ng kapahamakan sa tao. Pagkaminsan pa nga ay kapahamakan din ang dulot nito sa iba.
  • Ang pagsunod sa magulang ay hindi isang parusa. Bagkus ito ay nagpapakita ng paggalang natin sa knila.
  • Sumunod sa utos ng magulang upang makaiwas sa kapahamakan.
1 Star2 Stars3 Stars4 Stars5 Stars (16 votes, average: 4.13 out of 5)
Loading...
Loading...